|
12. 2 Mga Hari
1:1 ( Si Elias at si Haring Ocozias ng Israel ) Nang mamatay si Acab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel.
1:2 Si Ocozias ay nahulog noon sa bintanang may sala-sala sa kaitaasang palapag ng tirahan niya sa Samaria at malubha ang kalagayan. Kaya nagpasugo siya sa Ecron upang isangguni sa diyus-diyusang si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi.
1:3 "Sinabi naman ng anghel ni Yahweh kay Elias na Tesbita, 'Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub siya sasangguni."
1:4 "Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.' At lumakad nga si Elias. "
1:5 "Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, 'Bakit kayo nagbalik?' "
1:6 "Sinabi nila, 'May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinatatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.' "
1:7 '"Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?' tanong ng hari. "
1:8 '"Mabalahibo po ang kanyang kasuutan at nakapamigkis ng balat,' sagot nila. 'Si Elias iyon,' sabi ng hari. "
1:9 "Ipinatawag ni Haring Ocozias ang isa niyang kapitan at limampung kawal, at pinapunta kay Elias sa burol. Sinabi ng kapitan, 'Lingkod ng Diyos, ipinatatawag kayo ng hari.' "
1:10 "Sumagot si Elias, 'Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ng iyong mga kawal.' Pagdaka'y umulan nga ng apoy at nasunog ang kapitan at ang mga kawal nito. "
1:11 "Nagsugo uli si Haring Ocozias ng ibang kapitan na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, 'Lingkod ng Diyos, madali kayo, ipinatatawag kayo ng hari.' "
1:12 "Ngunit sinabi ni Elias, 'Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, sampu ng iyong mga kawal.' Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang kapitan at ang mga kawal nito. "
1:13 "Si Haring Ocozias ay nagpatawag uli ng isa pang kapitan at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Naglumuhod ang kapitan sa paanan ni Elias at sinabi, 'Lingkod ng Diyos, huwag po sana kayong magagalit sa amin. Panghinayangan ninyo kahit bahagya ang buhay ko at ng limampung kawal na ito na inyong mga lingkod."
1:14 "Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang kapitan na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na pahalagahan ninyo kahit bahagya ang aming buhay.' "
1:15 "Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, 'Huwag kang mag-atubiling sumama sa kanya.' At sumama nga siya."
1:16 "Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, 'Bakit ka nagpapasangguni kay Baalzebub na diyus-diyusan ng Ecron? Wala na bang Diyos sa Israel? Sa ginawa mong iyan, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka na.' "
1:17 At namatay nga si Haring Ocozias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya ang kapatid niyang si Joram ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Joram na anak ni Josafat.
1:18 Ang ibang nagawa ni Haring Ocozias ay nakasulat sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
2:1 ( Iniakyat sa Langit si Elias ) Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal.
2:2 "Sinabi ni Elias, 'Maiwan ka na rito at ako'y pinatutuloy ni Yahweh sa Betel.' Ngunit sinabi ni Eliseo, 'Naririnig ako ni Yahweh. Hanggang buhay ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.' At magkasama silang nagpunta sa Betel. "
2:3 "Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, 'Alam mo bang ang maestro mo'y kukunin na ni Yahweh?' 'Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,' sagot niya. "
2:4 "Sinabi ni Elias, 'Eliseo, ipinakikiusap kong maiwan ka na rito pagkat pinatutuloy ako ni Yahweh sa Jerico.' Ngunit sinabi niya, 'Naririnig ako ni Yahweh. Hanggang buhay ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.' At nagpatuloy silang dalawa sa Jerico. "
2:5 "Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propeta roon at tinanong, 'Alam mo bang ang maestro mo'y kukunin na ni Yahweh?' 'Alam ko. Huwag na kayong maingay,' sagot niya. "
2:6 "Sinabi uli ni Elias kay Eliseo, 'Maiwan ka na rito pagkat pinatutuloy ako ni Yahweh sa Jordan.' Ngunit sinabi niya, 'Naririnig ako ni Yahweh. Hanggang buhay ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.' At nagpatuloy sila ng paglakad."
2:7 Sinundan sila ng pangkat ng mga propeta at pinanood sa di kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan.
2:8 Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid.
2:9 "Pagkatawid nila, sinabi ni Elias, 'Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.' Sumagot si Eliseo, 'Ipinakikiusap kong ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.' "
2:10 "Sinabi ni Elias, 'Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, pag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Pag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.'"
2:11 Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo.
2:12 "Ito'y kitang-kita ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: 'Ama ko! Ama ko! Lakas at pag-asa ng Israel!' At nawala sa paningin niya si Elias. ( Pinalitan ni Eliseo si Elias )Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan."
2:13 Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at nagbalik sa gilid ng Ilog Jordan.
2:14 "Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, 'Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?' Nahawi ang tubig at siya'y tumawid. "
2:15 "Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nanonood sa di kalayuan, sinabi nila, 'Sumasakanya ang espiritu ni Elias.' Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran."
2:16 "Pagkatapos, sinabi nila, 'May kasamahan pa po kaming limampu na pawang kalakasan. Kung ibig ninyo, ipahahanap namin ang inyong maestro. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga lambak sa paligid.' Sinabi niyang huwag na."
2:17 Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu. Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias.
2:18 "Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, 'Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyong hanapin pagkat hindi ninyo makikita?' "
2:19 "Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, 'Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lugar na ito, lamang ay marumi ang tubig at hindi mataba ang lupa.' "
2:20 "Sinabi niya, 'Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok; lagyan ninyo ng kaunting asin.' Gayon nga ang ginawa nila."
2:21 "Dala ang mangkok, nagpunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. 'Ito ang sabi ni Yahweh: 'Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,'' sabi niya."
2:22 Mula noon, sumarap ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo.
2:23 "Mula sa Jerico, nagpunta siya sa Betel. Sa daan, sinalubong siya ng maraming bata at pakutyang sinabi sa kanya: 'Sasama kami sa iyo, kalbo. Sasama kami sa iyo.'"
2:24 Nilingon niya ang mga bata at sinumpa sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga batang lumilibak sa kanya.
2:25 Mula roo'y nagtuloy siya sa Carmelo bago nagbalik sa Samaria.
3:1 ( Ang Pamamahala ni Joram sa Israel ) Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josafat sa Juda, si Joram namang anak ni Acab ay nagsimulang maghari sa Israel. Ito'y tumagal ng labindalawang taon. At tulad ng ibang hari ng Israel, sa Samaria siya nanirahan.
3:2 Hindi naging marapat kay Yahweh ang kanyang pamumuhay, bagamat hindi naman siya naging kasinsama ng kanyang ama't ina pagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama.
3:3 Ngunit hindi niya ipinagbawal ang pagsamba sa larawan ng baka, ang pagsambang itinatag ni Jeroboam na anak ni Nabat, at naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. ( Hinulaan ni Eliseo ang Tagumpay Laban sa Moab )
3:4 Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng 100,000 kordero at balahibo ng 100,000 tupa.
3:5 Ngunit nang mamatay si Acab, naghimagsik siya laban sa Israel.
3:6 Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram ang mga kawal ng Israel.
3:7 "Nagpasugo siya kay Haring Josafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya laban dito. Ganito naman ang sagot ni Josafat: 'Tutulungan kita pagkat lahat ng akin ay parang iyo na rin: ako, ang aking mga tauhan pati ang mga kabayo ko."
3:8 "Saan kami gagawi?' tanong pa niya. 'Sa kagubatan ng Edom,' sagot ni Joram. "
3:9 Kaya, nagsama-sama ang lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop.
3:10 "Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, 'Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh para ipalupig sa mga Moabita.' "
3:11 "Itinanong ni Josafat, 'Wala ba tayong kasamang propeta para makasangguni kay Yahweh?' Sumagot ang isa sa mga punong kawal ng hari ng Israel, 'Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating kasama ni Elias.' "
3:12 "Sinabi ni Josafat, 'Siya ay tapat na propeta ni Yahweh.' At ang tatlong hari ay nagpunta kay Eliseo. "
3:13 "Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, 'Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa propeta ng inyong mga magulang?' 'Pagkat kaming tatlo'y pinisan ni Yahweh para ipalupig sa mga Moabita,' sagot ng hari. "
3:14 "Sinabi ni Eliseo, 'Naririnig ako ni Yahweh, ang makapangyarihan sa lahat, at aking pinaglilingkuran. Kung hindi lang dahil kay Haring Josafat ng Juda, ni hindi kita papansinin."
3:15 "Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.' Gayon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y kinasihan ng Espiritu ni Yahweh."
3:16 "At sinabi niya, 'Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito."
3:17 Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop.
3:18 Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ipalulupig pa niya sa inyo ang mga Moabita.
3:19 "Ipasasakop niya sa inyo ang mga pangunahing lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.' "
3:20 Kinaumagahan, sa oras ng kanilang paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom. Anupat nanagana sa tubig ang lupaing iyon.
3:21 Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata at ipinadala sa larangan.
3:22 Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw.
3:23 "Kaya sinabi nila, 'Dugo! Marahil ay nag-aaway-away ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!' "
3:24 Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan.
3:25 Nasakop nila ang mga lunsod at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita.
3:26 Nang makita ng hari ng Moab na napapaligiran sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng 700 kawal at sinikap nilang lumusot sa gawi ni Haring Aram ng Edom. Ngunit wala silang nagawa.
3:27 Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y nanghilakbot. Kaya umurong na sila at umuwi sa kanilang lupain.
4:1 ( Ang Langis ng Babaing Balo ) "Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, 'Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay ibig alilain ng isa sa mga pinagkakautangan namin.' "
4:2 '"Ano ang maitutulong ko sa iyo?' tanong ni Eliseo. 'Ano ba ang natitira mo pang ari-arian?' 'Wala po, maliban sa isang boteng langis,' sagot niya. "
4:3 "Sinabi ni Eliseo, 'Libutin mo ang iyong mga kapitbahay. Manghiram ka ng basyong sisidlan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram."
4:4 "Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng sisidlang nahiram mo'y punuin mo ng langis mula sa iyong bote.'"
4:5 Gayon nga ang kanyang ginawa. Pagdating ng bahay, nagkulong silang mag-iina at isa-isang nilagyan ng langis ang mga sisidlang iniaabot sa kanya ng kanyang mga anak.
4:6 "Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: 'Abutan pa ninyo ako.' 'Puno na pong lahat,' sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang tulo ng langis. "
4:7 "Pumunta siya kay Eliseo at isinalaysay ang nangyari. Sinabi nito sa babae, 'Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.' ( Si Eliseo at ang Sunamita )"
4:8 Minsan, si Eliseo'y nagpunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na yaon.
4:9 "Sinabi ng babae sa kanyang asawa, 'Natitiyak kong lingkod ng Diyos ang taong ito."
4:10 "Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilaw.' "
4:11 Nang magbalik si Eliseo, doon siya nagpahinga sa silid na inihanda sa kanya.
4:12 "Tinawag niya ang katulong niyang si Giezi. 'Tawagin mo ang babaing Sunamita,' wika niya. Sumunod naman ang inutusan at di nagtagal, ang babae'y nasa harapan na ni Eliseo."
4:13 "Sinabi niya sa kanyang katulong, 'Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo tuloy kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may ibig siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.' 'Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,' sagot ng babae. "
4:14 "Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Giezi, 'Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?' Sumagot si Giezi, 'Wala po siyang anak at matanda na ang asawa.' "
4:15 '"Tawagin mo uli,' utos ni Eliseo. Nagbalik ang babae at tumayo sa may pintuan."
4:16 "Sinabi sa kanya ni Eliseo, 'Isang taon mula ngayon ikaw ay magkakaanak.' Sinabi ng babae, 'Mahal na lingkod ng Diyos, huwag naman ninyo akong paasahin sa wala.' "
4:17 Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ang halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya.
4:18 At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama sa anihan.
4:19 "Pagdating doon, dumaing siya sa matinding sakit ng ulo. Sinabi ng ama sa kanyang katulong, 'Iuwi mo siya sa kanyang ina.'"
4:20 Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling tapat, namatay ang bata.
4:21 Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas.
4:22 "Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, 'Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.' "
4:23 '"Anong gagawin mo roon?' tanong ng asawa. 'Hindi Araw ng Pamamahinga ngayon. Hindi rin bagong buwan.' 'Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,' sagot ng babae."
4:24 "Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, 'Sige, palakarin mo nang mabilis at huwag kang titigil hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.'"
4:25 "At lumakad sila, papunta sa Bundok ng Carmelo sa kinaroroonan ni Eliseo. Nasa daan pa lamang, natanawan na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Giezi, 'Dumarating ang Sunamita."
4:26 "Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.' Nang kumustahin ni Giezi, sumagot ang babae, 'Mabuti po.'"
4:27 "Paglapit niya kay Eliseo, yumakap siya sa binti nito. Tinangka ni Giezi na ilayo siya ngunit sinabi ni Eliseo, 'Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinababatid sa akin ni Yahweh.' "
4:28 "Sinabi ng babae, 'Ako ba'y nanghingi sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong ako'y huwag ninyong paasahin sa wala?' "
4:29 "Nilingon ni Eliseo si Giezi at sinabi, 'Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at ipatong mo sa mukha ng bata. Pag may nasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Pag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin.' "
4:30 "Sinabi ng Sunamita, 'Naririnig ni Yahweh. Hanggang buhay kayo, hindi ako lalayo sa inyo.' Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya. "
4:31 "Samantala, nauna si Giezi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, nagbalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, 'Hindi po nabuhay ang bata.' "
4:32 Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan.
4:33 Isinara niya ang pinto at nanalangin.
4:34 Dinapaan niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat sa bibig at mata nito ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay.
4:35 Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y nagbahin nang pitong ulit, saka idinilat ang mga mata.
4:36 "Ipinatawag niya kay Giezi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, 'Kunin mo na ang iyong anak.'"
4:37 Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo bilang pasasalamat. Pagkatapos, pinangko ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid. ( Ang Kababalaghang Ginawa ni Eliseo para sa mga Propeta )
4:38 "Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, 'Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.'"
4:39 Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manggulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging. Para itong sayote at maraming bunga. Kumuha siya ng isang kandong. Pagbabalik niya'y tinilad ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang.
4:40 "Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, 'Lingkod ng Diyos, lason po yata ito!' Hindi nila ito makain. "
4:41 "Sinabi ni Eliseo, 'Magdala kayo rito ng kaunting harina.' Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, 'Ihain ninyo ngayon.' Nang kainin nila, masarap na ang lasa nito. "
4:42 "Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, 'Ihain ninyo iyan sa mga tao.' "
4:43 "Sumagot ang kanyang katulong, 'Hindi ito magkakasya sa 100 tao.' Iniutos niya uli, 'Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.'"
4:44 At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, ngunit marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh.
5:1 ( Pinagaling ang Ketong ni Naaman ) Sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na labis na kinalulugdan ng hari pagkat matapang siya, makapangyarihan at pinapatnubayan ni Yahweh kaya laging matagumpay ang Siria. Ngunit siya'y ketongin. Siya ay si Naaman.
5:2 Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang babaing Israelita. Ginawa nila itong katulong ng asawa ni Naaman.
5:3 "Sinabi nito sa kanyang panginoon, 'Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta sa Samaria, tiyak na gagaling siya.'"
5:4 Ang sinabi ng Israelita ay sinabi ng babae kay Naaman. Nagpunta naman ito sa hari at ibinalita ang sinabi ng utusan ng kanyang asawa.
5:5 "Sinabi naman ng hari, 'Pumunta ka at pagdadalhin kita ng sulat sa hari ng Israel.' At lumakad nga si Naaman. May dala siyang 30,000 putol na pilak, 6,000 pirasong ginto at sampung magagarang kasuutan."
5:6 "Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Anang sulat: 'Mahal na Haring Joram, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Ipinakikiusap kong pagalingin mo ang kanyang ketong.' "
5:7 "Nang mabasa ito ng hari ng Israel, ginahak niya ang kanyang kasuutan at sinabi, 'Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?' "
5:8 "Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, 'Bakit ninyo gagahakin ang inyong kasuutan? Sa akin ninyo siya papuntahin para malaman nilang may isang propeta rito sa Israel.' "
5:9 Ipinasabi nga ni Haring Joram kay Naaman na ang hanapin nito'y si Eliseo. Kaya, sumakay ito sa kanyang karwahe, at nagpunta kay Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na kabayuhan.
5:10 "Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: 'Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at mananauli sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.' "
5:11 "Nang marinig ang sinabi ni Eliseo, nagalit si Naaman at padabog na umalis. Sinabi niya, 'Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo siya nang tuwid, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh sa Ilog Jordan, at itatapat sa akin ang kanyang mga kamay upang ako'y gumaling."
5:12 "Bakit doon pa niya ako pasisisirin? Bakit hindi sa alinman sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar. Hindi ba't mas malinis iyon kaysa alinmang tubig sa Israel? Siguro nama'y mas madali akong gagaling kung doon ako maliligo.' At galit na galit siyang umalis. "
5:13 "Lumapit sa kanya ang kanyang mga katulong at sinabi, 'Panginoon, hindi ba't gagawin ninyo kahit mahirap pa riyan ang ipagawa sa inyo ng propeta? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?'"
5:14 Kaya, nang mapag-isip-isip ito ni Naaman, lumusong siya ng Ilog Jordan at lumubog ng pitong ulit. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanauli sa dati ang kanyang katawan at kuminis ang kanyang balat, tulad ng balat ng sanggol.
5:15 "Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay nagbalik kay Eliseo. Sinabi niya, 'Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong maliit kong nakayanan.' "
5:16 "Ngunit sinabi ni Eliseo, 'Buhay si Yahweh, ang Diyos na aking pinaglilingkuran. Hindi ako tumatanggap kahit ano.' Pinilit siya ni Naaman ngunit nagpakatanggi-tanggi siya. "
5:17 "Dahil dito, sinabi ni Naaman, 'Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po ba namang kargahan ko ng lupa rito ang dalawa kong kabayo? Mula ngayon, hindi na ako maghahandog sa ibang diyos liban kay Yahweh."
5:18 "At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon.' "
5:19 "Sinabi sa kanya ni Eliseo, 'Yumaon kang payapa.' Nang malayu-layo na si Naaman,"
5:20 "naisaloob ni Giezi, 'Bakit hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Ang mabuti'y sundan ko at hingan kahit ano.' "
5:21 "Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumaba ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, 'Bakit ka tumatakbo?' "
5:22 "Sumagot siya, 'Wala kang dapat ikabalisa. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo ng 3,000 pirasong pilak at dalawang bihisan.' "
5:23 "Sinabi ni Naaman, '6,000 piraso na ang ibibigay ko sa iyo.' At pilit niyang ibinigay ang 6,000 pirasong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisan at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Giezi."
5:24 Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at bihisan.
5:25 "Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, 'Saan ka galing, Giezi?' 'Hindi po ako umaalis,' sagot niya. "
5:26 "Sinabi ni Eliseo, 'Huwag ka nang magkaila pagkat kasama mo ang aking espiritu nang bumaba sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ba't humingi ka ng pera sa kanya? Maaari mong ibili iyan ng lupa, olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin."
5:27 "Ngunit ang ketong ni Naaman ay malilipat sa iyo at sa iyong magiging lahi.' Noon din, si Giezi ay namuti sa ketong."
6:1 ( Pinalutang ang Talim ng Palakol ) "Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propeta. Sinabi nila, 'Maliit na po sa amin ang aming tirahan."
6:2 "Kung papayag kayo, puputol kami ng kahoy sa Jordan para magawa naming tirahan.' Pumayag naman siya. "
6:3 "Sinabi ng isa sa kanila, 'Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.' 'Oo,' sagot niya."
6:4 At nagpunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy.
6:5 "Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, 'Maestro, nahulog po sa tubig ang aking palakol. Hiniram ko po lamang iyon.' "
6:6 "Itinanong ni Eliseo, 'Saang lugar nahulog?' Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihulog niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol."
6:7 "Sinabi ni Eliseo, 'Abutin mo na.' Inabot naman ito ng may-ari. ( Si Eliseo at ang mga Taga-Siria )"
6:8 Minsan, binalak ni Haring Aram ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon niya ang kanyang mga tauhan at inilahad ang kanyang balak. Itinuro niya kung saan-saan sila sasalakay.
6:9 "Ngunit ipinabatid ito ni Eliseo kay Haring Joram. Sinabi niya, 'Pabantayan ninyong mabuti ang gayo't ganitong lugar pagkat sasalakay roon ang mga taga-Siria.'"
6:10 At pinabantayan nga ni Haring Joram ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinadadalhan ng mga kawal.
6:11 "Dahil dito, labis na nagulo ang isip ng hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, 'Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?' "
6:12 "Isa sa mga naroon ang sumagot, 'Wala po, mahal na hari. Si Eliseo pong propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kung ano ang inyong binabalak.' "
6:13 "Sinabi niya, 'Kung gayon, hanapin ninyo siya at bihagin.' May nagsabi sa kanyang si Eliseo'y nasa Dotan,"
6:14 kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at kinubkob nila ang lunsod.
6:15 "Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, 'Maestro, paano tayo ngayon?' "
6:16 "Sinabi ni Eliseo: 'Huwag kang matakot pagkat marami tayo kaysa kanila.'"
6:17 "At siya'y nanalangin: 'Yahweh, ibukas mo ang kanyang paningin.' Dininig ni Yahweh ang kanyang dalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid sa kanila. "
6:18 "Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, 'Yahweh, isinasamo kong bulagin mo sila.' At nabulag nga ang mga taga-Siria."
6:19 "Sinabi niya sa mga ito, 'Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at ituturo ko sa inyo.' At dinala niya sila sa Samaria. "
6:20 "Pagdating doon, nanalangin uli si Eliseo, 'Yahweh, panauliin mo na ang kanilang paningin.' Pinanauli nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makitang sila'y nasa Samaria. "
6:21 "Nang makita sila ni Haring Joram, itinanong kay Eliseo, 'Papatayin ko ba sila?' "
6:22 "Sumagot siya, 'Huwag, mahal na hari. Maaari mong patayin ang lahat ng mabihag mo sa digmaan ngunit huwag ang mga ito. Sa halip, pakanin mo sila at pabalikin sa kanilang hari.'"
6:23 Nagpahanda ng pagkain si Haring Joram at pinakain ang mga taga-Siria, bago pinauwi sa kanilang panginoon. Mula noon, hindi na sila sinalakay ng mga ito. ( Ang Pagkubkob sa Samaria )
6:24 Hindi nagtagal, tinipon ni Haring Ben-hadad ang buo niyang hukbo at kinubkob ang Samaria.
6:25 Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria, anupat ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at lima naman ang kalahating litro ng taeng kalapati.
6:26 "Minsan, nang namamaybay ang hari sa pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, 'Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!' "
6:27 "Sinabi niya, 'Kung hindi ka ba tulungan ni Yahweh ay saan ako kukuha ng itutulong ko sa iyo? Wala akong makukuha sa giikan, o kahit sa pisaan ng ubas."
6:28 "Ano ba ang problema mo?' tanong sa kanya ng hari. Sumagot ang babae, 'Nagkasundo po kami ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak niya ang iluluto namin."
6:29 "Kaya naman po iniluto namin ang aking anak. Nang hingin ko po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw ilitaw.' "
6:30 Nang marinig ito ng hari, sinira niya ang kanyang kasuutan. At nakita ng mga tao na siya pala'y nakasuot ng sako bilang tanda ng matinding kalungkutan.
6:31 "Sinabi niya, 'Diyos ko, higit pa rito ang gawin mo sa akin pag hanggang bukas ay hindi ko napapugutan si Eliseo.' "
6:32 "Nasa kanila noon si Eliseo, kausap ang matatanda ng Israel. Papunta naman doon ang inutusan ng hari para pugutan siya. Hindi pa nakararating doon ang inutusan ng hari, sinabi ni Eliseo sa matatanda, 'Tingnan ninyo at papupugutan pa ako nitong anak ng mamamatay-taong ito. Pagdating nila rito, isara ninyo ang pinto at bayaan sila sa labas. Hindi ba ninyo naririnig at dumarating na rin ang hari?' "
6:33 "Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari. Sinabi nito, 'Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Inip na kami sa paghihintay sa kanyang tulong.'"
7:1 "Sinabi ni Eliseo, 'Makinig kayo. Ito ang ipinasasabi ni Yahweh: 'Bukas ng ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makabibili ka na ng isang takal na harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.'' "
7:2 "Sinabi ng kapitan ng mga bantay ng hari, 'Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang durungawan ng langit.' Sinabi naman ni Eliseo, 'Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo matitikman.' ( Umalis ang Hukbo ng Siria )"
7:3 "May apat na ketongin noon sa pagpasok ng lunsod. Nag-usap-usap sila, 'Bakit ba rito tayo mamamaluktot at maghihintay ng kamatayan?"
7:4 "Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo ng gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.' "
7:5 At nagpunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man
7:6 sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng ragasa ng maraming kabayo't karwahe. Dahil dito, inakala nilang nakipagkasundo ang hari ng Israel sa mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila.
7:7 Kaya't lumikas sila nang magtatakip-silim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay.
7:8 Pumasok ang apat na ketongin sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pinasok nila ang ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago.
7:9 "Ngunit naisip nila, 'Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at di natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagwalang-bahala hanggang bukas ng umaga pagkat tiyak tayong mapaparusahan. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa hari.'"
7:10 "At lumakad nga sila. Pagdating sa pagpasok ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, 'Nagpunta kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.'"
7:11 Lumakad naman ang mga bantay at ibinalita ito sa palasyo.
7:12 "Nang gabi ring iyon, nagbangon ang hari at tinipon ang matatanda ng Israel. Sinabi niya, 'Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtayo sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buhay. Sa gayon, mapapasok nila itong ating lunsod.' "
7:13 "Sinabi ng isa sa mga naroon, 'Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima pang kabayong natitira sa atin. Kung makabalik sila nang buhay, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, mapaparis na lamang sila sa mga kasama nating napatay na.' "
7:14 Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng kanilang mga kaaway.
7:15 Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita.
7:16 Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at hinalughog ang lahat ng tolda. Kaya nga natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada.
7:17 Ang kapitan ang pinagbantay sa pagpasok ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao'y nasagasaan siya at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo.
7:18 Pagkat nang sabihin nga ni Eliseo sa hari na bukas ay makabibili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang pirasong pilak,
7:19 "ang kapitang ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang langit. Sinabi rin noon ni Eliseo: 'Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang harinang sinasabi ko.'"
7:20 Gayon nga ang nangyari nang magdagsaan ang mga tao ay namatay siya sa pagpasok ng lunsod.
8:1 ( Isinauli ang Lupa ng Sunamita ) "Sinabi ni Eliseo sa babaing Sunamita na kanyang tinutuluyan, 'Umalis kayo rito at humanap ng ibang tirahan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakatuyot dito sa loob ng pitong taon.'"
8:2 Sumunod naman ang babae. Umalis sila roon at nanirahan ng pitong taon sa lupain ng mga Filisteo.
8:3 Pagkalipas ng pitong taon, nagbalik sila sa dati nilang tirahan, ngunit may nakatira nang iba. Kaya humingi sila ng tulong sa hari upang mabalik ang lupa't bahay nila.
8:4 "Noon, kausap ng hari si Giezi. Sinabi ng hari, 'Isalaysay mo sa akin ang kababalaghang ginawa ni Eliseo.' "
8:5 "Nang isinasalaysay na ni Giezi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Nagpunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Giezi ang babae, sinabi niya sa hari, 'Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.'"
8:6 "Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Giezi, at sinabi niyang totoo nga. Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: 'Gawan mo ng paraang mabalik sa kanya ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.' ( Ang Paghahari ni Hazael sa Siria )"
8:7 Si Eliseo ay nagpunta sa Damasco. Nagkataong may sakit noon si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo,
8:8 inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Propeta Eliseo upang isangguni kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi.
8:9 "At lumakad na si Hazael upang makipagkita sa propeta ng Diyos. May dala siyang sari-saring handog na karga ng apatnapung kamelyo. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, 'Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang ipasangguni kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi.' "
8:10 "Ang sagot ni Eliseo, 'Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinabatid sa akin ni Yahweh na mamamatay din siya agad.'"
8:11 At tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa ito'y mapahiya sa sarili. Napaiyak si Eliseo.
8:12 "Nang itanong ni Hazael kung bakit, sinabi ni Eliseo, 'Pagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga tanggulan, papatayin mo ang mga binata, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga nagdadalantao.' "
8:13 '"Paano ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan, gayong ako'y kung sino lamang?' tanong ni Hazael. Sumagot si Eliseo, 'Ipinabatid sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.'"
8:14 "At nagbalik na si Hazael sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, 'Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?' Sumagot siya, 'Gagaling daw kayo,' sagot ni Hazael."
8:15 Ngunit kinabukasan, si Hazael ay nagbasa ng isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay. At mula noon, si Hazael ang naging hari ng Siria. ( Ang Paghahari ni Joram sa Juda )
8:16 Nang si Joram na anak ni Acab ay limang taon nang naghahari sa Israel, si Joram na anak ni Josafat ay nagsimula namang maghari sa Juda.
8:17 Tatlumpu't dalawang taon siya noon, at walong taong naghari sa Jerusalem.
8:18 Sinundan niya ang bakas ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Acab na kanyang biyenan. Dahil dito, hindi siya naging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh.
8:19 Gayunman, hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang lipi sa habang panahon.
8:20 Sa panahon ni Joram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari.
8:21 Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Idumeo kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagkanya-kanyang takas pauwi.
8:22 Mula noon, nahiwalay na sa Juda ang Edom. Hindi nagtagal, gumaya ang Libna.
8:23 Ang iba pang ginawa ni Joram ay nakasulat sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
8:24 Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Ocozias. ( Ang Paghahari ni Ocozias sa Juda )
8:25 Si Ocozias ay nagsimulang maghari sa Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari ni Joram sa Israel.
8:26 Si Ocozias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari rin ng Israel.
8:27 Sinundan din niya ang ginawa ng sambahayan ni Acab na kanyang lolo, kaya hindi rin siya naging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh.
8:28 Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-galaad si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram,
8:29 at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ocozias na anak ni Haring Joram ng Juda, dinalaw niya ito.
9:1 ( Binusan ng Langis si Jehu Upang Maging Hari ) "Tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, 'Gumayak ka. Pumunta ka sa Ramot-galaad at dalhin mo ang langis na ito."
9:2 Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Josafat at apo ni Namsi. Isama mo siya sa isang bukod na silid, at
9:3 "busan mo ng langis sa ulo. Sabihin mong pinabubusan siya ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na.' "
9:4 Nagpunta nga sa Ramot-galaad ang propeta.
9:5 "Dinatnan niya na nagpupulong ang mga punong-kawal. Sinabi niya, 'Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.' Si Jehu ang sumagot, 'Sino sa amin ang kailangan mo?' 'Kayo po,' sagot ng propeta."
9:6 "Tumindig si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay. Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, 'Pinabubusan ka ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel na kanyang bayan."
9:7 Lulupigin mo ang sambahayan ng panginoon mong si Acab para maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh.
9:8 Malilipol ang lahi ni Acab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya.
9:9 Gagawin ko sa sambahayan niya ang ginawa ko sa sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nabat, at ni Baasa na anak ni Ahias.
9:10 "Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang mag-aabalang maglibing sa kanya.' Pagkasabi nito, tuluy-tuloy siyang umalis. "
9:11 "Nang magbalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, 'Ano ang nangyari? Bakit ka tinawag ng luku-lukong iyon?' Sinabi niya, 'May mabuti bang sasabihin 'yong luku-lukong iyon?' "
9:12 '"Ano nga ang sinabi niya?' tanong nila. At sinabi niya, 'Ganito ang sabi niya: 'Binubusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel.'' "
9:13 "Pagkarinig nito'y nag-una-unahan silang nag-alis ng balabal at inilatag iyon sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trompeta at saka sumigaw: 'Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!' ( Pinatay ni Jehu si Joram )"
9:14 Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya lulupigin si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagtatanod sa Ramot-galaad laban kay Haring Hazael ng Siria.
9:15 "Si Haring Joram ay nagbalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga kabig nito. Sinabi ni Jehu, 'Kung talagang kapanig ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta ng Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.'"
9:16 At sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ocozias ng Juda.
9:17 "Mula sa bantayan ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, 'May dumarating.' Sumagot si Joram, 'Ipasalubong mo sa isa nating mangangabayo at ipatanong kung ano ang sadya.' "
9:18 "Kaya sina Jehu ay sinalubong ng isang mangangabayo at sinabi, 'Ipinatatanong po ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo.' Sumagot si Jehu, 'Ano bang kapayapaan? Sumunod ka sa akin.' Dahil dito sinabi ng bantay, 'Nasalubong na sila ng ating kawal ngunit patuloy pa rin papunta rito.' "
9:19 "Inutusan niya uli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kapayapaan ang lakad nila. Sinabi ni Jehu, 'Ano bang kapayapaan? Sumunod ka sa akin.' "
9:20 "Sinabi uli ng bantay kay Joram, 'Nasalubong na sila ng ating kawal ngunit hindi pa rin bumabalik. Sa bilis ng pagpapatakbo, tila si Jehu ang nasa karwahe.' "
9:21 "Sinabi ni Joram, 'Ihanda ninyo ang aking sasakyan.' Dali-daling sumakay sina Joram at Ocozias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabat."
9:22 "Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, 'Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?' Sumagot si Jehu, 'Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naghahari ang kasamaan at pangkukulam ng ina mong si Jezebel?' "
9:23 "Nang marinig ito, biglang ibinalik ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ocozias, 'Pinagtaksilan tayo!'"
9:24 Ngunit pinana siya ni Jehu. Tinamaan siya sa pagitan ng paypay at tumagos sa puso. At siya'y bumagsak sa loob ng karwahe.
9:25 "Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, 'Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabat ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Acab noong tayo'y kasama pa niya."
9:26 "'Nakita mo ang pagkamatay ni Nabat at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.' Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabat, upang matupad ang kanyang salita.' ( Pinatay ni Jehu si Ocozias )"
9:27 Nang makita ni Ocozias ang nangyari, tumakas siya papuntang Bet-agan. Ngunit ipinapana rin siya ni Jehu at siya'y bumagsak sa loob ng karwahe nang paahon ito sa Gur. Gayunman, nakatakas siya sa Meguido at doon namatay.
9:28 Ang bangkay niya'y kinuha ng kanyang mga tagapaglingkod at isinakay sa karwahe. At siya'y inilibing nila sa Jerusalem, sa libingan ng kanyang mga ninuno sa bayan ni David.
9:29 Si Ocozias ay naging hari ng Juda noong ika-11 taon ng paghahari ni Joram sa Israel. ( Ang Pagkamatay ni Jezebel )
9:30 Bumalik si Jehu sa Jezreel at ito'y nabalitaan ni Jezebel. Kinulayan niya ang kanyang mga mata, inayos na mabuti ang buhok at saka nanungaw.
9:31 "Nang makita niyang pumapasok si Jehu, itinanong niya, 'Kapayapaan ba ang sadya mo Zimri na mamamatay ng kanyang panginoon?' "
9:32 "Tumingala si Jehu at nagtanong, 'Sino sa inyo riyan ang aking kakampi?' Nang dumungaw ang dalawa o tatlong eunuko"
9:33 "sinabi niya, 'Ihulog ninyo ang babaing iyan.' Inihulog nga nila si Jezebel. Nang ito'y bumagsak sa lupa, tumilansik sa pader at sa mga kabayo ang kanyang dugo. At ang bangkay ay pinasagasaan nila sa karwahe."
9:34 "Pumasok si Jehu, kumain at uminom. Maya-maya, sinabi niya, 'Tingnan ninyo ang sinumpang babaing iyon at inyong ilibing pagkat anak din siya ng hari.'"
9:35 Nang tingnan nila, wala na silang nakita kundi ang ulo, mga kamay at paa nito.
9:36 "Nang ibalita nila ito kay Jehu, sinabi nito, 'Ito'y katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Elias na: Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel."
9:37 "Parang duming sasambulat ang kanyang bangkay at walang makakikilala sa kanya.'"
10:1 ( Nilipol ni Jehu ang Sambahayan ni Acab ) Si Acab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Sinulatan ni Jehu ang mga pinuno ng lunsod, ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga ng mga anak ni Acab. Anang sulat:
10:2 '"Sinulatan ko kayo yamang kayo ang nag-aalaga sa sambahayan ng inyong panginoon, sa mga karwahe at mga kabayo, mga sandata, at sa lunsod na napaliligiran ng pader."
10:3 "Piliin ninyo ang pinakamahusay sa mga anak ng inyong panginoon. Siya ang gagawin ninyong hari upang ipagtanggol ang inyong bayan.'"
10:4 Sinidlan sila ng matinding takot pagkat naisip nila na kung yaong dalawang hari ay nalupig ni Jehu, sila pa kaya ang hindi.
10:5 "Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi, 'Nahahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipagagawa ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.' "
10:6 "Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: 'Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa ibig ko, pugutan ninyo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.' Ang pitumpung anak ng Haring Acab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod."
10:7 Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel.
10:8 "Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, 'Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Acab.' Sinabi ni Jehu, 'Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.'"
10:9 "Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, 'Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito?"
10:10 "Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Acab sa pamamagitan ni Propeta Elias.'"
10:11 Wala ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Acab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga saserdote. ( Pinatay ang mga Kamag-anak ni Haring Ocozias )
10:12 Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may silungan ng mga pastol, ay
10:13 "nasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ocozias ng Juda. Sila'y tinanong niya, 'Sino kayo?' 'Mga kamag-anak po ni Haring Ocozias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,' tugon nila."
10:14 Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may tambakan, sa tabi ng silungan; wala siyang ipinatirang buhay. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa. ( Pinatay ang mga Natitirang Kamag-anak ni Acab )
10:15 "Nang umalis doon si Jehu, nasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Pagkatapos ng kanilang batian, tinanong niya, 'Ikaw ba'y buong pusong makikiisa sa akin?' 'Oo,' tugon nito. 'Kung gayon,' sabi ni Jehu, 'sumakay ka sa aking karwahe.' At inalalayan niya ito sa pagsakay."
10:16 "Sinabi pa niya, 'Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.' At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe."
10:17 Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Acab; wala siyang itinirang buhay, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias. ( Pinutol ni Jehu ang Pagsamba kay Baal )
10:18 "Tinipon ni Jehu ang mga tao at kanyang sinabi, 'Ang ginawang paglilingkod ni Acab kay Baal ay pag-iibayuhin ko."
10:19 "Tawagin ninyo ang lahat ng propeta, saserdote at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.' Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang tagasunod ni Baal."
10:20 "Iniutos niya, 'Ipahayag ninyong tayo'y gaganap ng isang tanging pagsamba para kay Baal.' At gayon nga ang ginawa nila."
10:21 Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat. Anupat punung-puno ang templo ni Baal.
10:22 "Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuutan sa templo, 'Ilabas mong lahat ang kasuutan ng mga tagapaglingkod ni Baal.' Sumunod naman ito."
10:23 "Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, 'Tingnan ninyong mabuti at baka may lingkod si Yahweh na nahalo sa inyo.'"
10:24 "Pumasok siya upang ialay ang mga handog na susunugin. Si Jehu ay nagtalaga ng walumpung tauhan sa labas ng templo. Bago siya umalis ay kanyang sinabi, 'Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.'"
10:25 Nang maihain ang mga handog na susunugin, pinapasok niya ang mga kawal at mga pinuno at ipinapatay ang lahat ng nasa loob, saka isa-isang inihagis sa labas. Nagtuloy sila sa kaloob-looban ng templo,
10:26 inilabas ang mga sagradong haligi sa templo ni Baal at sinunog.
10:27 Pagkatapos, winasak nila ang rebulto at iginuho ang templo, tulad ng makikita hanggang ngayon.
10:28 Gayon ang ginawa ni Jehu upang maalis sa Israel ang pagsamba kay Baal.
10:29 Ngunit sinundan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nabat, ang pagsamba sa guyang ginto sa Betel at Dan na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
10:30 "Sinabi ni Yahweh kay Jehu, 'Dahil sa paglipol mo sa sambahayan ni Acab na siya kong nais mangyari, sa lahi mo magmumula ang hari ng Israel, hanggang sa ika-4 na salin.'"
10:31 Ngunit si Jehu ay hindi nagpatuloy sa pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinularan niya ang masasamang gawa ni Jeroboam na nag-akay sa Israel upang magkasala.
10:32 Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nagagapi ni Hazael.
10:33 Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Galaad, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Galaad at ang Basan.
10:34 Lahat ng ginawa ni Jehu ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
10:35 Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joacaz ang pumalit sa kanya bilang hari.
10:36 Ang paghahari ni Jehu sa Israel ay tumagal ng dalawampu't walong taon.
11:1 ( Inagaw ni Atalia ang Trono ) Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ocozias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari.
11:2 Ngunit si Joas na anak ni Ocozias ay naitakas ng tiya niyang si Josaba na anak ni Haring Joram at kapatid ni Ocozias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia.
11:3 Pagkatapos, dinala niya ito sa bahay ni Yahweh at doon itinagong anim na taon habang si Atalia ang naghahari sa lupain.
11:4 Nang ika-7 taon ng pamamahala ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga Cariteo at ng mga bantay sa templo at isinama sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari.
11:5 "Sinabi niya sa kanila, 'Ito ang gagawin ninyo: ang ika-3 bahagi ng mga bantay kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari."
11:6 Ang isang ika-3 bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita.
11:7 Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga
11:8 "ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.' "
11:9 Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng saserdoteng si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati yaong hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga.
11:10 At ibinigay ni Joiada sa mga kapitan ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa bahay ni Yahweh.
11:11 At bawat kawal ay tumalaga sa kanya-kanyang lugar, nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari.
11:12 "Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binusan ng langis, at itinalagang hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: 'Mabuhay ang hari!' "
11:13 Nang marinig ni Atalia ang pagkakaingay ng mga bantay at ng mga tao, pinuntahan niya ang mga ito sa bahay ni Yahweh.
11:14 "Pagdating doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa isang mataas na lugar tulad ng kinaugalian. Ang mga kapitan at ang mga taga-ihip ng trompeta ay nakatayo sa tabi nito. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trompeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuutan at malakas na sinabi, 'Ito'y isang malaking kataksilan!' "
11:15 "Iniutos ni Joiada sa mga kapitan, 'Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang susunod sa kanya; ngunit huwag silang papatayin sa bahay ni Yahweh.'"
11:16 Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay. ( Ang mga Pagbabagong Isinagawa ni Joiada )
11:17 Pagkaraan noon, sinariwa ni Joiada ang Tipan ng Diyos at ng mga tao. Muli niyang pinanumpa ang hari at ang mga tao na sila'y papailalim sa Tipan.
11:18 Ang mga tao'y nagtuloy sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na saserdote ni Baal. At si Joiada ay nagtalaga ng mga bantay sa bahay ni Yahweh.
11:19 Tinipon niya ang mga kapitan, ang mga Cariteo, ang mga bantay at ang mga tao. Ipinarada nila ang hari mula sa bahay ni Yahweh hanggang sa palasyo at pagdating doon, lumuklok sa trono ang hari.
11:20 Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari.
11:21 Si Joas ay pitong taon nang italaga bilang hari.
12:1 ( Ang Paghahari ni Joas sa Juda ) Ika-12 taon ng paghahari ni Jehu nang si Joas ay maghari sa Jerusalem, at tumagal ng apatnapung taon. Ang ina niya ay si Sibia na taga-Beer-seba.
12:2 Ang mga gawa niya'y pawang kalugud-lugod kay Yahweh dahil sa mga payo sa kanya ng saserdoteng si Joiada.
12:3 Gayunman, hindi niya napigil ang paghahandog ng mga tao sa mga dambana sa burol.
12:4 "Minsan, sinabi ni Joas sa mga saserdote, 'Lahat ng halagang papasok sa bahay ni Yahweh---ang buwis ng mga kabilang sa senso, ang halagang pantubos ng buhay ng bawat isa, at ang mga kusang-kaloob---"
12:5 "ay tatanggapin ninyo. Ito'y iuukol sa pagpapaayos sa bahay ni Yahweh.'"
12:6 Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay hindi pa naipapaayos ang templo.
12:7 "Kaya, isang araw ay ipinatawag niya si Joiada na punong saserdote at ang iba pang saserdote. 'Bakit hindi pa ninyo kinukumpuni ang templo?' tanong niya sa mga ito. 'Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salapi ukol sa pagpapaayos ng templo.'"
12:8 Kaya, hindi na sila ang tumatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapakumpuni ng templo.
12:9 Ang saserdoteng si Joiada ay nagpagawa ng kaban na may butas sa takip. Inilagay nila ito sa tabi ng altar, sa gawing kanan, papasok sa bahay ni Yahweh upang doon ilagay ng mga saserdote ang lahat ng pilak na inihahandog ng mga tao.
12:10 At tuwing mapupuno ang kaban, ang laman ay binibilang ng punong saserdote at ng kalihim ng hari, saka ilalagay sa mga supot.
12:11 Titimbangin nila ito bago ibigay sa namamahala ng pagpapaayos ng templo. Dito nila kinukuha ang upa sa mga karpintero, sa mga katulong sa paggawa ng bahay ni Yahweh,
12:12 sa mga kantero at sa mga nagtatabas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang ibinibili ng mga kahoy at ng mga batong ipinahahakot nila o anumang kailangan sa pagpapaayos ng bahay ni Yahweh.
12:13 Ngunit ang mga pilak na ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng palanggana, pamutol, mangkok, trompeta o anumang kasangkapan.
12:14 Lahat ng malikom ay iniuukol nila sa pagpapaayos ng templo.
12:15 Hindi nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain pagkat tiwala sila sa mga ito.
12:16 Ang mga salaping handog ukol sa mga pagkukulang sa Kautusan, gayon din ang ukol sa mga kasalanan ay hindi dinadala sa templo pagkat yao'y para sa mga saserdote.
12:17 Nang panahong yaon, sinalakay ni Hazael ang Gat at nasakop niya ito. Nang sasalakayin niya ang Jerusalem,
12:18 kinuha ni Joas ang mga handog na itinalaga ng mga ninuno niyang sina Josafat, Joram at Ocozias na naging mga hari ng Juda, gayon din ang kanyang mga handog. Kinuha rin niya ang mga ginto't pilak sa bahay ni Yahweh at sa palasyo, at ipinabigay kay Hazael. Kaya, hindi na niya sinalakay ang Jerusalem.
12:19 Lahat ng ginawa ni Joas ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
12:20 Ang kanyang mga lingkod ay nagkaisa laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa Millo, sa papuntang Sila.
12:21 Ang pumatay sa kanya ay ang mga lingkod niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. At inilibing siya sa piling ng kanyang mga ninuno, sa bayan ni David. Ang anak niyang si Amasias ang pumalit sa kanya.
13:1 ( Ang Paghahari ni Joacaz sa Israel ) Dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas na anak ni Ocozias sa Juda nang maghari sa Israel si Joacaz na anak ni Jehu; at tumagal ng labimpitong taon.
13:2 Tinularan niya ang masamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nabat na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
13:3 Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel kaya ipinalupig niya ito kay Haring Hazael ng Siria at sa anak nitong si Ben-hadad.
13:4 Dumulog si Joacaz kay Yahweh at pinakinggan naman siya pagkat alam niya ang laki ng hirap na dinaranas ng Israel sa kamay ni Hazael.
13:5 Kaya, sila'y binigyan ni Yahweh ng isang tagapagligtas na siyang nagpalaya sa kanila sa kapangyarihan ng Siria. At muling naghari sa kanila ang kapayapaan.
13:6 Ngunit tinularan din nila ang kasamaan ni Jeroboam na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel; pinanatili nila sa Samaria ang diyus-diyusang Ashera.
13:7 Kaya't dinurog ni Haring Hazael ng Siria ang hukbo nila. Walang natira sa hukbo ni Joacaz maliban sa limampung mangangabayo, sampung karwahe at 10,000 kawal.
13:8 Lahat ng ginawa ni Joacaz ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
13:9 Namatay siya at inilibing sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Joas. ( Ang Pamamahala ni Joas sa Israel )
13:10 Ika-37 taon ng paghahari ni Joas sa Juda nang si Joas na anak ni Joacaz ay maghari sa Israel; tumagal ito ng labing-anim na taon.
13:11 Hindi siya naging karapat-dapat kay Yahweh pagkat sinundan din niya ang masamang bakas ni Jeroboam, at siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
13:12 Ang lahat ng ginawa ni Joas, pati ang paglupig niya kay Haring Amasias ng Juda ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
13:13 Namatay si Joas at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Si Jeroboam ang pumalit sa kanya. ( Ang Huling Pahayag ni Eliseo at ang Kanyang Pagkamatay )
13:14 "Si Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Joas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, 'Paano kami ngayon, Ama na lakas at pag-asa ng Israel?' "
13:15 "Sinabi ni Eliseo, 'Kumuha ka ng pana at mga palaso.' Kumuha naman siya."
13:16 "Sinabi uli ni Eliseo, 'Banatin mo ang pana.' Binanat naman ito ng hari at ipinatong ni Eliseo sa kamay ni Joas ang kanyang mga kamay."
13:17 "Sinabi ni Eliseo, 'Ibukas mo ang bintana sa gawing silangan at itudla mo ang palaso.' Sinunod naman ito ni Joas. Sinabi ni Eliseo, 'Iyan ang palaso ng pagtatagumpay ni Yahweh laban sa mga taga-Siria. Lalabanan mo sila sa Afec hanggang sa sila'y malipol."
13:18 "Ngayon, kumuha ka uli ng mga palaso at itudla mo sa lupa,' dugtong pa nito. Sumunod uli si Joas. Makaitlo siyang tumudla sa lupa saka huminto."
13:19 "Dahil dito'y pagalit na sinabi ni Eliseo, 'Bakit tatlong beses ka lamang tumudla? Sana'y lima o anim na beses para lubusan mong malupig ang Siria. Sa ginawa mong iyan, tatlong beses ka lang magtatagumpay sa Siria.' "
13:20 Namatay si Eliseo at inilibing. Nang panahong iyon, nakaugalian na ng mga Moabita na salakayin ang Israel taun-taon.
13:21 Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat na palapit sa kanila. Kaya't dali-dali nilang ipinasok ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon. ( Ang Digmaan ng Israel at Siria )
13:22 Ang Israel ay pinahirapan ng Haring Hazael ng Siria sa buong panahon ng paghahari ni Joacaz.
13:23 Ngunit kinahabagan sila ni Yahweh dahil sa tipan niya kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya, hindi niya ito lubusang nilalayuan pagkat ayaw niyang malipol ang mga ito.
13:24 Nang mamatay ang Haring Hazael ng Siria, ang anak niyang si Ben-hadad ang pumalit sa kanya.
13:25 Tatlong beses siyang natalo ni Joas at nabawi nito ang lahat ng lunsod ng Israel na nasakop ni Hazael sa panahon ng paghahari ni Joacaz na ama ni Joas.
14:1 ( Ang Pamamahala ni Amasias ) Nang ika-2 taon ng paghahari ni Joas sa Israel, nagsimula namang maghari sa Juda si Amasias na anak ni Joas.
14:2 Dalawampu't limang taon siya noon at ang paghahari niya ay tumagal ng dalawampu't siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Joadan na taga-Jerusalem.
14:3 Sumunod siya sa bakas ng ama niyang si Joas kaya't naging kalugud-lugod siya kay Yahweh, bagamat di tulad ng nuno niyang si David.
14:4 Hindi rin niya ipinaalis ang mga dambana sa burol kaya patuloy pa rin ang mga tao sa paghahandog doon.
14:5 Nang maging matatag na ang kanyang pamamahala, ipinapatay niya ang mga aliping pumatay sa kanyang ama.
14:6 "Ngunit hindi niya idinamay ang mga anak nito pagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises: 'Ang ama ay di dapat patayin dahil sa kasalanan ng anak; gayon din ang anak ay di dapat patayin dahil sa kasalanan ng ama. Ang may kasalanan ang siyang dapat managot sa kanyang pagkakasala.' "
14:7 Si Amasias ay nakapatay ng 10,000 Idumeo sa Lambak ng Asin at nasakop niya ang Sal. Tinawag niya itong Jocteel at hindi nababago hanggang ngayon.
14:8 "Pagkatapos, si Amasias ay nagpasugo sa Haring Joas ng Israel at ipinasabi rito, 'Tayo naman ang magsubukan ng lakas.' "
14:9 "Ang sagot ni Joas, 'Isang maliit na damo sa Libano ay nagpasabi sa isang malaking punongkahoy ng Libano, 'Ibigay mo ang anak mong babae para maging asawa ng anak ko.' Dumating ang isang mabangis na hayop ng Libano at giniik ang maliit na halaman."
14:10 "Nang malupig mo ang Edom ay lumakas na ang loob mo. Masiyahan ka na sa tagumpay mong iyan. Tumahimik ka na! Huwag ka nang maghanap ng kapahamakan at baka madamay pa ang Juda.' "
14:11 Ngunit hindi pinansin ni Amasias ang sinabi ni Joas kaya sila'y nagharap sa Bet-semes na sakop ng Juda.
14:12 Nagapi ng Israel ang Juda at ang mga tauhan nito'y nagkanya-kanyang takas pauwi.
14:13 Binihag ni Haring Joas si Amasias at sinalakay ang Jerusalem. Iginuho niya ang pader nito mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuang Sulok; ito'y may habang 522 talampakan.
14:14 Sinamsam niya ang mga pilak at gintong kagamitan sa bahay ni Yahweh at sa palasyo. Nagdala siya ng mga bihag na panagot nang magbalik siya sa Samaria.
14:15 Ang lahat ng ginawa ni Joas pati ang pakikidigma niya kay Haring Amasias ng Juda ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
14:16 Siya'y namatay at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Ang pumalit sa kanya ay ang anak niyang si Jeroboam. ( Ang Kamatayan ni Haring Amasias ng Juda )
14:17 Si Haring Amasias ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon mula nang mamatay ang Haring Joas ng Israel.
14:18 Ang iba pang ginawa niya ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
14:19 Isang pangkat ang nagkaisa laban sa kanya kaya tumakas siya sa Laquis. Ngunit siya'y sinundan nila roon at pinatay.
14:20 Iniuwi sa Jerusalem ang kanyang bangkay sakay ng kabayo---at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno.
14:21 Pagkatapos, kinuha nila si Azarias na labing-anim na taon noon, at itinalagang hari bilang kapalit ng ama niyang si Amasias.
14:22 Ipinakubkob ng pader ang Elat at ibinalik ito sa Juda nang mamatay ang Haring Amasias. ( Ang Pamamahala ni Jeroboam )
14:23 Ika-15 taon ng paghahari ni Amasias nang maghari sa Samaria si Jeroboam; siya'y nagharing apatnapu't isang taon.
14:24 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nabat na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
14:25 Bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Propeta Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang hanggahan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat hanggang sa Dagat ng Araba.
14:26 Alam ni Yahweh ang kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan.
14:27 Hindi naman niya ibig na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Joas.
14:28 Ang lahat ng ginawa ni Jeroboam, pati ang pagkabawi niya sa Damasco at Hamat buhat sa Juda ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
14:29 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Samaria tulad ng kanyang mga ninuno, at ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari.
15:1 ( Ang Pamamahala ni Azarias ) Dalawampu't pitong taon nang naghahari si Jeroboam ng Israel nang si Azarias na anak ni Amasias ay maghari naman sa Juda.
15:2 Labing-anim na taon siya noon at ang paghahari niya'y tumagal nang limampu't dalawang taon. Si Jecolia na taga-Jerusalem ang kanyang ina.
15:3 Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat sinundan niya ang mga bakas ng kanyang amang si Amasias.
15:4 Gayunman, hindi niya ipinaalis ang mga dambana sa burol kaya ang mga tao'y patuloy sa pagdadala roon ng handog.
15:5 Pinarusahan siya ni Yahweh. Ikinulong siyang mag-isa sa isang bahay pagkat nagkasakit siya ng ketong hanggang sa mamatay. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa Juda.
15:6 Lahat ng ginawa ni Azarias ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
15:7 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninuno, sa bayan ni David. Ang anak nga niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari ng Juda. ( Ang Pamamahala ni Zacarias )
15:8 Ika-38 taon ng paghahari ni Azarias sa Juda nang si Zacarias na anak ni Jeroboam ay maghari sa Israel; tumagal ito nang anim na buwan.
15:9 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat sinundan niya ang masamang bakas ng kanyang mga ninuno. Tinularan niya ang masamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nabat na siyang naging sanhi ng pagkahulog ng Israel sa pagkakasala.
15:10 Si Sallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban kay Zacarias. Pinatay niya ito sa Ibeam at siya ang pumalit bilang hari ng Israel.
15:11 Ang mga ginawa ni Zacarias ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
15:12 "Sa ganito natupad ang pangako ni Yahweh kay Jehu nang sabihin niya: 'Ang mga anak mo hanggang sa ika-4 na salinlahi ang maghahari sa Israel.' ( Ang Paghahari ni Sallum )"
15:13 Si Sallum ay naging hari ng Samaria nang ika-39 na taon ng paghahari ni Uzias ng Juda; ito'y tumagal lamang ng isang buwan.
15:14 Mula sa Tirsa, dumating si Manahen na anak ni Gadi at sinalakay ang Samaria. Pinatay niya si Sallum at siya ang pumalit bilang hari.
15:15 Ang ginawa ni Sallum pati ng pakikipagsabwatan niya kay Zacarias ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
15:16 Mula sa Tirsa, sinalakay ni Manahen ang Tipsa. Ito ay winasak niya pagkat ayaw siyang papasukin dito. Wala siyang pinatawad; pati mga buntis ay ipinabiyak niya ang tiyan. ( Ang Paghahari ni Manahen )
15:17 Si Azarias ay tatlumpu't siyam na taon nang naghahari sa Juda nang maghari sa Israel si Manahen; at ito'y tumagal ng sampung taon.
15:18 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nabat na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
15:19 Sa panahon ni Manahen, ang Israel ay sinalakay ni Haring Pul ng Asiria. Siya'y binigyan ni Manahen ng 1,000 talentong pilak upang manatili siyang hari ng Israel.
15:20 Para matipon ang halagang ito, hiningan niya ng tiglilimampung pirasong pilak ang lahat ng maykaya sa Israel at ibinigay sa hari ng Asiria. Dahil dito, hindi sinakop ng Asiria ang Israel.
15:21 Lahat ng ginawa ni Manahen ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelkend.
15:22 Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Pecaya ang naghari sa Israel. ( Ang Pamamahala ni Pecaya )
15:23 Limampung taon nang naghahari si Azarias sa Juda nang maging hari ng Israel si Pecaya na anak ni Manahen; siya'y nagharing dalawang taon.
15:24 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat sumunod din siya sa masamang bakas ni Jeroboam na anak ni Nabat na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
15:25 Si Peca na anak ni Remalias ay nakipagsabwatan sa limampung taga-Galaad laban kay Pecaya. Ito'y pinatay nila sa Samaria, sa may kuta ng palasyo, at si Peca ang pumalit sa kanya bilang hari ng Israel.
15:26 Lahat ng ginawa ni Pecaya ay natala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelk*. ( Ang Pamamahala ni Peca )
15:27 Ika-52 taon ng paghahari ni Azarias sa Juda nang maghari si Peca sa Israel, at ito'y tumagal nang dalawampung taon.
15:28 Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nabat na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel.
15:29 Sa panahon ng paghahari ni Peca, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Cades, Hazor, Galaad at Galilea at ang buong Neftali; binihag niya ang lahat ng naninirahan doon.
15:30 Nang ika-20 taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peca. Pinatay niya ito at siya ang umupo sa trono ng Israel.
15:31 Lahat ng ginawa ni Peca ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Israelk*. ( Ang Pamamahala ni Jotam )
15:32 Ika-2 taon ng paghahari ni Peca sa Israel nang maging hari ng Juda si Jotam.
15:33 Dalawampu't limang taon siya noon at naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Ang ina niya ay si Jerusa na anak ni Sadoc.
15:34 Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat sinundan niya ang bakas ng kanyang amang si Uzias.
15:35 Ngunit hindi rin niya ipinaalis ang mga dambana sa burol kaya patuloy ng paghahandog doon ang mga tao. Ipinaayos niya ang pintuan sa gawing timog ng bahay ni Yahweh.
15:36 Ang mga ginawa ni Jotam ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
15:37 Nang panahong yaon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peca na anak ni Remalias.
15:38 Nang mamatay si Jotam, inilibing ito sa Lunsod ni David, sa piling ng kanyang mga ninuno. At ang pumalit sa kanya ay ang anak niyang si Acaz.
16:1 ( Ang Pamamahala ni Acaz ) Nang ika-17 taon ng paghahari ni Peca sa Israel, si Acaz na anak ni Jotam ay nagsimula ng paghahari sa Juda.
16:2 Dalawampung taon siya noon at ang kanyang paghahari ay tumagal ng labing-anim na taon.
16:3 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat hindi niya sinundan ang bakas ni David, bagkus ang sinunod niya ay ang ginawa ng ibang naging hari ng Israel. Sinunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki, isang nakasusuklam na gawain ng mga taong ipinalupig ni Yahweh sa mga Israelita.
16:4 Naghahandog siya at nagsusunog ng insenso sa mga dambana sa burol, at sa lilim ng mga punongkahoy.
16:5 At ang Juda ay sinalakay ni Haring Resin ng Siria at ni Haring Peca ng Israel. Kinubkob nila si Acaz ngunit hindi nila ito mabihag.
16:6 Nang panahong yaon, ang Elat ay nabawi na ng mga taga-Edom; naitaboy na nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon.
16:7 "Kaya, si Acaz ay nagpadala ng sugo sa Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, 'Ako ay lingkod mo at anak. Tulungan mo ako laban sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.'"
16:8 Tinipon ni Acaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa bahay ni Yahweh at sa palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria.
16:9 Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Acaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Resin.
16:10 Nang magpunta sa Damasco si Acaz para makipagkita kay Tiglat-pileser, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala kay Saserdote Urias.
16:11 Ipinagawa naman niya ang altar ayon sa plano ni Haring Acaz at ito'y ipinayari niya bago makabalik ang hari.
16:12 Pagdating ng hari, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, tumuntong siya sa mga baitang
16:13 at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkain, ibinuhos ang handog na inumin at winisikan ng dugo ng handog pangkapayapaan.
16:14 At ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing timog ng bagong altar.
16:15 "Sinabi niya kay Saserdote Urias, 'Lahat ng handog ay sa malaking altar susunugin: ang handog sa umaga at ang handog sa gabi, ang tanging handog ng hari pati ang handog na butil, ang susunuging handog ng mga tao, ang handog nilang pagkain, at ang dugo ng lahat ng handog na susunugin at ng mga hain. Tungkol sa lumang altar, pag-iisipan ko pa kung ano ang dapat gawin.'"
16:16 Lahat ng utos ni Haring Acaz ay sinunod ng saserdoteng si Urias.
16:17 Sinira ni Haring Acaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga hugasang naroon. Inalis din niya ang Dagat na Tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato.
16:18 Ipinaalis din niya ang tanging luklukan ng hari sa patyo ng Templo at pinasarhan ang daanan ng hari papunta sa bahay ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria.
16:19 Ang iba pang ginawa ni Haring Acaz ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
16:20 Namatay siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno, sa bayan ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya.
17:1 ( Ang Pagsakop sa Samaria at sa Israel ) Labindalawang taon nang naghahari si Acaz sa Juda nang si Oseas na anak ni Ela ay maghari sa Israel; ito'y tumagal ng siyam na taon.
17:2 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh bagaman hindi siya naging kasinsama ng mga unang hari ng Israel.
17:3 Nilupig siya ni Haring Salmanasar ng Asiria at pinabuwis taun-taon.
17:4 Natuklasan niya na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipag-ugnayan sa Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ibinilanggo.
17:5 Nilusob niya ang Samaria at tatlong taon itong kinubkob.
17:6 Nang ika-9 na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ni Haring Salmanasar ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita at ikinalat sa Hala ng Habor o Ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng Medos.
17:7 Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na nag-alis sa kanila sa Egipto sa pagpapahirap sa kanila ng Haring Faraon. Sila'y naglingkod sa ibang diyos
17:8 at nakiayon sa kaugalian ng mga taong itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang itinatag ng mga hari ng Israel.
17:9 Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Nagtayo sila ng mga dambana sa burol sa bawat bayan, mula sa pinakamalaki hanggang sa pinakamaliit.
17:10 Naglagay sila ng mga rebulto at Ashera sa mga burol at sa lilim ng punongkahoy.
17:11 Nagsusunog sila roon ng insenso tulad ng ginagawa ng mga taong pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. At nagalit siya sa kanila dahil sa mga kasamaang ito.
17:12 Naglingkod nga sila sa mga diyus-diyusan bagamat ito'y ipinagbabawal ni Yahweh.
17:13 "Dahil sa kasamaan nilang ito, ang Israel at ang Juda ay binabalaan ni Yahweh sa pamamagitan ng mga propeta. Ganito ang ipinasabi niya: 'Talikdan ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay ayon sa Kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng mga propeta.'"
17:14 Ngunit hindi nila ito pinansin. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nanalig kay Yahweh nilang Diyos.
17:15 Ipinagwalang-bahala nila ang Kautusan, ang pakikipagtipan kay Yahweh ng kanilang mga ninuno, at ang babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan sila ng kabuluhan. Nakibagay sila sa mga bansang nakapaligid sa kanila bagaman sa simula pa'y ipinagbawal na ito ni Yahweh.
17:16 Tinalikdan nila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang ginto. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyusang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod kay Baal.
17:17 Sinunog nila ang kanilang mga anak, lalaki't babae, bilang handog. Nanghula sila at nagpaupa sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh,
17:18 kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang harapan, liban sa lipi ni Juda.
17:19 Ang Juda man ay hindi rin sumunod sa Kautusan ni Yahweh; tinularan nila ang kasamaan ng Israel.
17:20 Kaya, itinakwil din sila ni Yahweh. Sila'y pinahirapan niya at ibinigay sa mga kaaway.
17:21 Nang ang sampung lipi ni Israel ay ihiwalay ni Yahweh sa sambahayan ni David, pinili nilang maging hari si Jeroboam na anak ni Nabat. Sila'y inakay nito sa pagkakasala kay Yahweh.
17:22 Tinularan nila ang kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago
17:23 kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay itinapon sa Asiria. ( Muling Pinatirhan ang Samaria )
17:24 Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim.
17:25 Nang bagu-bago pa lamang sila roon, hindi sila naglingkod kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon.
17:26 "May nagsabi sa hari ng Asiria, 'Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.'"
17:27 Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga saserdoteng kasama ng mga Israelitang itinapon, at pinatira sa Samaria upang maituro sa mga tao ang Kautusan ng Diyos.
17:28 At kinuha nga nila ang isa sa mga saserdoteng itinapon at ibinalik sa Samaria. Itinuro niya sa mga tao kung paano sila maglilingkod kay Yahweh.
17:29 Ang mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim ay tinuruan nga kung paano sila maglilingkod kay Yahweh. Gayunman, gumawa sila ng kani-kanilang diyus-diyusan at inilagay sa mga altar na ginawa ng mga taga-Samaria sa burol:
17:30 Sucot-benot ang ginawa ng mga taga-Babilonia, Nergal ang sa taga-Cuta, Asima ang sa mga taga-Hamat,
17:31 Nibcaz at Tartac ang sa mga Aveo, Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa diyus-diyusan nilang si Adramelec.
17:32 Kumikilala rin sila kay Yahweh kaya sila'y nagtalaga ng iba't ibang uri ng tao bilang mga saserdote, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa burol para sa kanila.
17:33 Ngunit patuloy pa rin sila sa paglilingkod sa kanilang diyus-diyusan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila.
17:34 Hanggang ngayon, iyan ang paraan ng kanilang pagsamba. Wala na silang pagkatakot kay Yahweh, at hindi nila sinusunod ang mga tuntunin o kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel.
17:35 "Nasasaad sa kanyang Tipan sa mga anak ni Israel ang mga utos na tulad nito: 'Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod sa kanila."
17:36 Ang sasambahin ninyo'y si Yahweh na siyang nag-alis sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran.
17:37 Susundin ninyong mabuti ang Kautusan at lahat ng tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos,
17:38 at huwag ninyong kalilimutan ang ating Tipan. Huwag nga kayong sasamba sa ibang diyos.
17:39 "Si Yahweh lamang ang inyong sasambahin. Sa gayon, ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.'"
17:40 Hindi nga nila sinunod ang mga tuntuning ito; bagkus ay ipinagpatuloy nila ang dating kaugalian.
17:41 Sila nga'y may takot kay Yahweh ngunit naglilingkod pa rin sa kanilang mga diyus-diyusan. Hanggang sa kasalukuyan, ganito pa rin ang ginagawa ng kanilang kaapu-apuhan.
18:1 ( Ang Paghahari ni Ezequias ) Si Oseas na anak ni Ela ay tatlong taon nang naghahari sa Israel, nang maghari naman sa Juda si Ezequias na anak ni Acaz.
18:2 Siya'y dalawampu't limang taon noon, at dalawampu't siyam na taon siyang naghari. Ang ina niya ay si Abi na anak ni Zacarias.
18:3 Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh pagkat sumunod siya sa mga bakas ng nuno niyang si David.
18:4 Ipinabuwag niya ang mga altar sa mga burol, at ipinasira ang mga rebulto, pati larawan ni Ashera. Dinurog niya ang ahas na tansong ipinagawa ni Moises pagkat hanggang sa panahong yaon ay sinusuob pa nila ito ng kamanyang at tinatawag na Nehustan.
18:5 Ang pananalig ni Ezequias kay Yahweh, sa Diyos ng Israel, ay hindi natularan ng mga naging hari sa Israel, maging sa mga sinundan niya o sumunod sa kanya.
18:6 Nanatili siyang tapat kay Yahweh at hindi nagsawa sa pagsunod sa Kautusan.
18:7 Hindi naman siya nilayuan ni Yahweh kaya't nagtagumpay siya anuman ang kanyang gawin. Naghimagsik siya sa hari ng Asiria at hindi na bumuwis dito.
18:8 Nilupig niya ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sinakop ang lahat ng bayan sa paligid nito, maging malaki o maliit. ( Nasakop ang Samaria )
18:9 Nang ika-4 na taon ng paghahari ni Ezequias at ika-7 naman ni Oseas sa Israel, sinalakay ni Haring Salmanasar ng Asiria ang Samaria,
18:10 at nasakop ito pagkaraan ng tatlong taon. Noon ay ika-6 na taon ng paghahari ni Ezequias at ika-9 naman ni Oseas sa Israel.
18:11 Ang mga Israelita ay binihag ng hari ng Asiria at dinala sa Hala, sa Habor, sa paligid ng Ilog Gozan at sa mga lunsod ng Medos.
18:12 Nangyari ito sa kanila pagkat hindi nila pinakinggan ang paalaala ni Yahweh nilang Diyos, bagkus ay nilabag nila ang Kautusan pati ang mga tuntuning ibinigay sa kanila ni Moises. ( Ang Pagkubkob ni Senaquerib sa Juda )
18:13 Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Ezequias, sinakop ni Senaquerib ang malalaking lunsod ng Juda.
18:14 "Kaya, si Haring Ezequias ay nagpasabi kay Senaquerib sa Laquis: 'Nagkasala ako. Huwag mo lang kaming sakupin ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng hingin mo.' At sila'y hiningan niya ng 300 talentong pilak at tatlumpung talentong ginto."
18:15 Tinipon ni Ezequias ang lahat ng pilak sa Templo at sa palasyo at ibinigay kay Senaquerib,
18:16 pati ang mga gintong nakabalot sa mga pinto ng Templo at sa mga poste sa pintuan.
18:17 Dahil dito, ang Tartan, Rabsaris at ang Rabsaces, kasama ang maraming kawal ay inutusan ni Senaquerib kay Haring Ezequias sa Jerusalem. Pagdating doon, humanay sila sa may daluyan ng tubig mula sa Mataas na Lawa sa may daan papunta sa parang na kulahan.
18:18 Nang ipatawag nila ang hari, dumating si Eliaquim na anak ni Helcias at mayordomo sa palasyo, si Sebna na kalihim ng hari, at si Joa na anak ni Asaf at siyang tagasulat.
18:19 "Sinabi sa kanila ng Rabsaces, 'Sabihin ninyo kay Ezequias na ipinatatanong ng makapangyarihang hari ng Asiria kung ano ang kanyang ipinagmamagaling."
18:20 Sabihin din ninyo sa kanya na ang digmaan ay hindi makukuha sa salita. Hindi na niya maaaring ipagyabang sa makapangyarihang hari ng Asiria ang Egipto,
18:21 pagkat ito'y tulad na lamang ng isang baling tungkod na siya pang tutusok sa kamay ng sinumang hahawak dito.
18:22 Hindi rin niya maaasahan ang tulong ni Yahweh na pinag-uukulan ng mga altar sa mga burol na kanyang ipinabuwag. Sinabi pa niya sa mga tao na si Yahweh ang sambahin nila sa altar sa Jerusalem.
18:23 Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng 2,000 kabayo kung may mapasasakay siya.
18:24 Kung sa mga karwahe at mangangabayo ng Egipto siya aasa, paano niya malalabanan kahit na ang pinakamahinang punong-kawal ng aming hari?
18:25 "Huwag niyang isiping hindi alam ni Yahweh na ako'y naparito upang wasakin ang Jerusalem. Siya pa nga ang may sabi sa aking salakayin ko ito at lupigin.' "
18:26 "Sinabi nina Eliaquim, Sebna at Joa sa Rabsaces, 'Nakikiusap kami sa inyo na sa wikang Arameo na ninyo kami kausapin at maiintindihan din namin. Huwag ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo nang naririnig ng aming mga kababayang nasa pader ng lunsod.' "
18:27 "Ngunit sinabi ng Rabsaces, 'Ito'y hindi lamang sa inyong hari at sa inyo ipinasasabi ng aming panginoon, kundi pati sa inyong mga kababayan, pagkat pare-pareho kayong kakain ng inyong dumi at iinom ng inyong ihi.' "
18:28 "Tumayo ang Rabsaces at humiyaw sa wikang Hebreo: 'Ipinasasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria,"
18:29 na huwag ninyong paniniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari.
18:30 Huwag kayong maniniwala sa kanya kahit sabihin sa inyo na ililigtas kayo ni Yahweh, na ang lunsod na ito ay hindi masasakop ng hari ng Asiria.
18:31 Huwag ninyo siyang pakikinggan. Ipinasasabi pa ng hari ng Asiria na sumuko na kayo at makipagkasundo sa kanya. Sa gayon, magpapasasa kayo sa bunga ng inyong mga ubasan at mga punong igos. Iinom kayo sa tubig ng inyong mga balon,
18:32 hanggang sa mailipat ko kayo sa isang lupaing tulad ng inyong lupain na sagana sa lahat ng bagay. Huwag na ninyong paniwalaan si Ezequias kahit niya sabihing ililigtas kayo ni Yahweh.
18:33 Mayroon na bang diyos ng alinmang bansa ang nakapagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria?
18:34 Ang Samaria ba'y nailigtas ng mga diyus-diyusan ng Hamat, ng Arfad, ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva nang lusubin ito ng aming hari?
18:35 "Kung ang bayan nila'y hindi nailigtas ng mga diyus-diyusang iyan laban sa aming hari, paano ngang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem?' "
18:36 Hindi kumibo ang mga tao pagkat ito ang iniutos ni Ezequias
18:37 at pinunit nina Eliaquim, Sebna at Joa ang kanilang kasuutan at nagbalik kay Ezequias. Isinaysay nila ang sinabi sa kanila ng Rabsaces.
19:1 ( Nailigtas ang Juda kay Senaquerib ) Nang marinig ni Ezequias ang ipinasasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuutan. Nagsuot siya ng sako at pumasok sa Templo.
19:2 Pinagsuot din niya ng sako si Eliaquim na mayordomo sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang saserdote at pinapunta kay Propeta Isaias.
19:3 "Ipinasabi niya, 'Ang araw na ito'y araw ng matinding kabalisahan, kaparusahan at kadustaan. May mga batang dapat nang sumilang ngunit hindi mailabas pagkat walang sapat na lakas."
19:4 "Maaaring narinig din ni Yahweh ang lahat ng sinabi ng Rabsaces na ipinasabi ni Senaquerib nang hamakin niya ang Diyos na buhay. Dahil dito, maaari niyang parusahan ang mga iyon. Kaya, ipanalangin mo ang nalalabi pa sa bayan ng Diyos.' "
19:5 Pagdating ng mga inutusan ni Haring Ezequias kay Isaias,
19:6 "sinabi niya sa mga ito, 'Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinasasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa panlilibak sa kanya ng hari ng Asiria."
19:7 "Isang masamang balita ang ipadadala ni Yahweh sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na mapapatay.' ( Muling Nagbanta ang Hari ng Asiria )"
19:8 Umuwi na ang Rabsaces nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna.
19:9 Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ng Haring Tirhaca ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito:
19:10 '"Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na ang Jerusalem ay maililigtas ng pananalig mo sa iyong Diyos."
19:11 Hindi lingid sa iyo kung paano nilupig ng mga hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makaliligtas sa akin.
19:12 Nailigtas ba ng kanilang diyus-diyusan ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na nilupig ng aking mga ninuno?
19:13 "Nasaan ang hari ng Hamat, Arfat, Sefarvaim, Hena o Iva?' "
19:14 Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo, inilatag sa kanyang harapan ang sulat,
19:15 "at nanalangin ng ganito: 'Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa itaas ng kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at ng lupa."
19:16 Dinggin ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib.
19:17 Totoo nga, Yahweh, na marami nang nalupig na bansa ang mga hari ng Asiria.
19:18 Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang yaon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong ginawang diyus-diyusan.
19:19 "Kaya nga, Yahweh, iligtas ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang tangi at iisang Diyos.' ( Ang Balita ni Isaias para kay Haring Ezequias )"
19:20 "Si Isaias ay nagpasugo kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: 'Ipinasasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo."
19:21 "Ito naman ang kanyang sinabi tungkol kay Senaquerib: 'Itinatakwil ka, laging hinahamak Ng anak ng Sion, dalagang marilag. Sa iyong likuran ay iiling-iling Anak na babae nitong Jerusalem. "
19:22 '"Sinong tinutuya't pinagtatawanan At pinag-uukulan ng iyong pagsigaw Tuon hanggang langit, tingin mong matalim Laban kay Yahweh ang Banal ng Israel. "
19:23 Hinamak ng sugo si Yahweh Ipinagmamalaki'y sasakyang may gulong. Ipinamamaraling bundok naaahon At nagagalugad liblib ng Libano. Iyong ibinuwal, nagtataasang sedro, Mga piling cipres, pawang naputol mo; Napapasok mo rin ang liblib na dako Malawak na gubat ay nagalugad mo.
19:24 Ako ay humukay ng maraming balon Tubig ng dayuhan ang aking nainom; Ang lahat ng batis sa bansang Egipto Ay pawang natuyo nang matapakan ko.
19:25 '"Tila hindi mo pa nababalitaan Ang aking balak noon pa mang araw? Ang lahat ng iyon ngayo'y nagaganap Malakas mang bansa'y pawang bumabagsak. "
19:26 Mga nakatira sa nasabing bayan, Ay nangapahiya't lakas ay naparam; Ang nakakatulad at nakakabagay Halamang lanta na sumusupling pa lang.
19:27 '"Lahat ng gawa mo'y aking nalalaman Ang hinaharap mo, pati pinagmulan. Hindi na rin lingid ang iyong isipan Batid kong sa akin ikaw'y nasusuklam. "
19:28 "Dahil sa matinding poot mo sa akin, At kahambugan mong sa aki'y di lihim; Ang ilong mong iya'y aking tatalian At ang iyong bibig, aking bubusalan Ibabalik kita sa 'yong pinagmulan.' "
19:29 "Sinabi ni Isaias, 'Haring Ezequias, ito ang magiging palatandaan para sa iyo: sa taong ito, ang kakanin mo'y bunga ng mga supling ng pinag-anihan, ganoon din sa susunod na taon. Sa ika-3 taon, ang kakanin mo'y bunga na ng iyong pananim."
19:30 At ang natira sa sambahayan ni Juda ay muling dadami at mananagana;
19:31 may magmumula sa Jerusalem, gayon din sa Sion. Ito'y mangyayari dahil sa pagmamalasakit ni Yahweh.
19:32 "Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: 'Hindi siya makapapasok sa lunsod na ito ni makatutudla kahit isang palaso. Hindi niya ito lulusubin ni papaligiran."
19:33 Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito,
19:34 "pagkat ito'y ipagtatanggol ko alang-alang sa aking kapakanan at alang-alang kay David na aking lingkod.' "
19:35 Nang gabing yaon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at napatay niya ang 125,000 kawal. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay.
19:36 Kaya nagmamadaling umuwi sa Ninive si Haring Senaquerib.
19:37 Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyus-diyusan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Haring Senaquerib ay pinalitan ng anak niyang si Esarhadon.
20:1 ( Nagkasakit si Ezequias ) "Nang panahong yaon, si Haring Ezequias ay nagkasakit nang malubha. Dinalaw siya ni Propeta Isaias at sinabi sa kanya, 'Ipinasasabi ni Yahweh na ihanda mo na ang iyong sambahayan pagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan.' "
20:2 Bumaling si Haring Ezequias, paharap sa dinding, at nanalangin,
20:3 '"Kahabagan mo ako, Yahweh, yamang ako'y namuhay nang tapat sa iyo. Buong puso kong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kalooban.' At napataghoy siya sa matinding kalungkutan. "
20:4 Umalis na si Isaias ngunit hindi pa gaanong nakalalayo ay sinabi sa kanya ni Yahweh,
20:5 '"Magbalik ka. Sabihin mo kay Ezequias na narinig ko ang kanyang dalangin at nakita ko ang kanyang pagluha. Kaya, pagagalingin ko na siya. Sa ika-3 araw, makapapasok na siya sa templo."
20:6 "Mabubuhay pa siya ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas ko pa siya at ang lunsod na ito, sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ito para sa aking kapakanan at alang-alang sa lingkod kong si David.' "
20:7 "Pagbabalik ni Isaias kay Ezequias, sinabi niyang gagaling ito. At iniutos niya sa mga katulong sa palasyo, 'Magdikdik kayo ng igos at itapal ninyo sa bukol ng hari.' "
20:8 "Itinanong ni Ezequias kay Isaias, 'Ano ang palatandaang ibibigay ni Yahweh na ako'y gagaling at makapapasok na sa Templo pagkaraan ng tatlong araw?' "
20:9 "Sinabi ni Isaias, 'Alin sa dalawa ang palatandaang ibig mo, ang anino'y bumaba o tumaas ng sampung baitang?' "
20:10 "Sumagot si Ezequias, 'Madali sa anino ang bumaba ng sampung baitang ngunit mahirap na tumaas ng ganoon.'"
20:11 Nanalangin si Isaias at ang anino'y tumaas ng sampung baitang sa hagdanan ni Acaz. ( Dinalaw si Ezequias ng mga Sugo ng Hari sa Babilonia )
20:12 Nabalitaan ni Merodac-baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo.
20:13 Ang mga sugo ni Merodac-baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang palasyo: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagparangalan sa kanila.
20:14 "Nilapitan siya ng Propeta Isaias at tinanong, 'Tagasaan sila at ano ang kailangan nila?' 'Taga-Babilonia sila,' sagot ni Ezequias."
20:15 '"Ano ang nakita nila sa iyong palasyo?' tanong uli ni Isaias. 'Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,' sagot ni Ezequias. "
20:16 "Sinabi ni Isaias, 'Pakinggan mo itong ipinasasabi ni Yahweh:"
20:17 'Darating ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ng inipon ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa iyo.
20:18 "Pati ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing eunuko sa palasyo.'' "
20:19 "Sinabi ni Ezequias, 'Maganda ang balita ni Yahweh na sinabi mo sa akin.' Sapagkat iniisip niya na mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay. ( Ang Pagkamatay ni Ezequias )"
20:20 Ang iba pang nagawa ni Ezequias, pati ang pagpapagawa ng lawa at daanan ng tubig papunta sa lunsod ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
20:21 At nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Manases ang pumalit sa kanya.
21:1 ( Ang Pamamahala ni Manases ) Si Manases ay labindalawang taon nang maging hari ng Jerusalem at namahala siya ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba.
21:2 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang ipinasakop sa kanila ni Yahweh.
21:3 Ipinabalik niya sa mga burol ang mga altar na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias at ipinagpagawa pa ng altar si Baal. Nagpagawa rin siya ng larawan ni Ashera tulad ng ipinagawa ni Acab. Sinamba pa niya ang lahat ng bagay sa kalawakan.
21:4 "Nagpagawa pa siya ng mga altar sa Templo ni Yahweh, sa Templong tinukoy ni Yahweh nang sabihin niyang, 'Sa Jerusalem ko ibabantog ang aking pangalan.'"
21:5 Nagpagawa pa siya ng tig-isang altar sa dalawang patyo sa Templo para sa pagsamba sa mga bituin.
21:6 Sinunog pa niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't-ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga manghuhula at sa mga tumatawag sa mga espiritu ng patay. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh, kaya ito'y napoot sa kanya.
21:7 "Ang ipinagawa niyang larawan ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin niya kina David at Solomon ang ganito: 'Sa Templong ito ng Jerusalem na aking pinili sa labindalawang lipi ng Israel, ibabandila ko ang aking pangalan magpakailanman."
21:8 "At pananatilihin ko na sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang ninuno kung susundin nila ang mga Kautusang ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng lingkod kong si Moises.'"
21:9 Ngunit hindi pinahalagahan iyon ng mga Israelita. Bagkus ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinalupig sa kanila ni Yahweh.
21:10 Sa pamamagitan ng mga propeta'y sinabi ni Yahweh,
21:11 '"Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, sa kasamaang higit pa sa kasamaan ng mga Amorreo, at sa pagbubunsod niya sa Juda upang ito'y sumamba sa mga diyus-diyusan,"
21:12 parurusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Ang makababalita nito'y manghihilakbot.
21:13 Wawasakin ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria. Dudurugin ko ito, tulad ng ginawa ko sa sambahayan ni Acab. Lilinisin ko ang Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan bago ito itaob.
21:14 Itatapon ko ang nalalabi pa sa kanila at ipasasakop sa kanilang mga kaaway
21:15 "dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno, sa kamay ng mga Egipcio.' "
21:16 Bukod sa pag-akay sa Juda sa paggawa ng mga bagay na laban sa kalooban ni Yahweh, napakarami pa siyang ipinapatay nang walang kasalanan.
21:17 Lahat ng ginawa ni Manases, pati ng kanyang kasamaan, ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
21:18 Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, sa hardin ng Uza. At pinalitan siya ng anak niyang si Amon. ( Ang Pamamahala ni Amon )
21:19 Dalawampu't dalawang taon si Amon nang maghari sa Jerusalem, at namahala siya ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba.
21:20 Si Amon ay hindi naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat sinundan niya ang bakas ng ama niyang si Manases.
21:21 Sinundan niya ang bakas ng kanyang ama: naglingkod at sumamba sa mga diyus-diyusan,
21:22 tinalikdan si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at hindi lumakad sa tuntunin nito.
21:23 Ang mga katulong niya mismo ang pumatay sa kanya sa loob ng palasyo.
21:24 Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, iniluklok nilang hari si Josias na anak ni Amon.
21:25 Ang iba pang ginawa niya ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
21:26 Siya'y inilibing sa libingan sa Uza at ang anak nga niyang si Josias ang pumalit sa kanya.
22:1 ( Si Josias at ang Aklat ng Kautusan ) Si Josias ay walong taon nang maging hari ng Jerusalem at tumagal ng tatlumpu't isang taon ang kanyang pamamahala. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boscat.
22:2 Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh pagkat sinundan niya ang bakas ng ninuno niyang si David.
22:3 Nang ika-18 taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya sa Templo ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalia at apo ni Mesulam. Ang bilin niya,
22:4 '"Pumunta ka kay Helcias na punong saserdote at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman."
22:5 Pagkabilang, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa
22:6 mga karpintero, kantero, namimili ng kahoy na gamit sa pagpapaayos ng Templo, at mga naghakot ng bato.
22:7 "Huwag mo silang hihingan ng ulat ng nagugol pagkat sila'y tapat.' "
22:8 "Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng punong saserdoteng si Helcias, 'Nakita ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.' Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito."
22:9 Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at sinabing nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga kinauukulan.
22:10 "Sinabi pa niya, 'Ako'y binigyan ni Helcias ng isang aklat.' At binasa niya ito sa hari. "
22:11 Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuutan.
22:12 Tinipon niya ang Saserdote Helcias, si Ahicam na anak ni Safan, si Acbor na anak ni Micaya, ang kalihim na si Safan, at ang mayordomong si Asaya. Sinabi niya,
22:13 '"Isangguni ninyo ako at ang buong Juda kay Yahweh tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit niya sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno at sa di natin pagsunod sa mga utos na narito.' "
22:14 Ang Saserdote Helcias at sina Ahicam, Acbor, Safan at Asaya ay nagpunta nga kay Propetisa Hulda na asawa ni Salum, ang tagapag-ingat ng mga kasuutan ng mga saserdote at anak ni Ticba na anak ni Carcas. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira.
22:15 "Ang sabi niya, 'Ito ang ipinasasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel sa nagsugo sa inyo rito:"
22:16 Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan.
22:17 Ang poot ko ay nag-aalab laban sa bayang ito pagkat tinalikdan nila ako, at sila'y naglingkod sa ibang diyos.
22:18 Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito:
22:19 Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko pati ang pagpunit mo sa iyong kasuutan.
22:20 "Kaya, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito; maghahari kang mapayapa habang nabubuhay ka.' Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari."
23:1 ( Ang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias ) Ipinatawag ni Haring Josias ang matatanda ng Juda at Jerusalem,
23:2 at sila'y nagpunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga saserdote, ang mga propeta at ang buong bayan. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat na nakuha sa Templo.
23:3 Pagkabasa, tumayo sa plataporma ang hari at taimtim na nangakong susunod sa Kautusan, at sa lahat ng tuntunin. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa pangako nito kay Yahweh.
23:4 Ang lahat ng kagamitan sa loob ng Templo ukol kay Baal, Ashera at sa mga nasa kalawakan ay ipinalabas ng hari kina Helcias na punong saserdote, sa mga saserdote at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa bukirin ng Cedron, at dinala sa Betel ang abo!
23:5 Pinaalis niya ang mga saserdoteng itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng kamanyang sa altar sa mga burol ng Juda at palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga saserdoteng nagsusunog ng kamanyang para kay Baal, para sa araw, buwan at sa lahat ng nasa kalawakan.
23:6 Ang rebulto ni Ashera ay ipinadala niya sa labas ng Jerusalem, sa Batis ng Cedron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao.
23:7 Ipinagiba niya ang tirahan ng mga lalaking may mahalay na pamumuhay sa may patyo ng Templo at dito rin hinahabi ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyusang si Ashera.
23:8 Tinipon niya sa Jerusalem ang lahat ng saserdote ng altar sa mga burol sa buong Juda at ipinagiba ang mga altar na iyon, mula sa Geba hanggang Beer-seba. Ipinagiba rin niya ang altar sa burol sa may pagpasok ng tirahan ni Gobernador Josue, sa gawing kaliwa.
23:9 Ngunit ang mga saserdote ng mga altar sa burol ay hindi niya pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila saserdote sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang lebadura.
23:10 Ipinagiba niya ang altar sa Lambak ng Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Moloc.
23:11 Ipinaalis niya ang mga kabayong itinalaga ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa may pagpasok ng templo, sa tabi ng tirahan ni Natan-melec, sa patyo sa may likod ng templo. Ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw ay ipinasunog niya.
23:12 Ang mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Acaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang patyo ng Templo ay ipinagiba niya at ipinasunog sa may Batis ng Cedron.
23:13 Ipinagiba rin niya ang mga sambahan sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ng Haring Solomon ng Israel para kay Astarte, ang kasuklam-suklam na diyosa ng mga Sidonios, para kay Cemos, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Moabita, at para kay Micam, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita.
23:14 Ipinagiba niya ang mga rebulto ni Ashera, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao.
23:15 Ipinagiba rin niya ang altar na ipinagawa ni Jeroboam---anak ni Nabat na siya ring nagbunsod sa Israel upang magkasala---sa mga burol sa Betel. Ipinadurog niya ang mga bato at sinunog ang rebulto ni Ashera.
23:16 Nang makita niya ang libingan sa isang bundok na di kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatayuan ng mga altar upang mawalan ng halaga ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ayon sa salita ni Yahweh na kanyang ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta.
23:17 "Nang makita niya ang isang puntod, itinanong niya, 'Kaninong nitso iyon?' 'Sa propeta po mula sa Juda. Siya ang humula tungkol sa pagsira ninyo ngayon sa mga altar sa Betel,' sagot ng mga tagaroon. "
23:18 "Sinabi niya, 'Kung gayon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.' Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ng kalansay ng mga propeta mula sa Samaria. "
23:19 Pati mga altar sa mga burol sa buong Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng pagkapoot ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias; ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Betel.
23:20 Pinatay niya ang mga punong saserdote ng mga altar sa mga burol. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar na yaon saka sinigan. Pagkatapos ay nagbalik siya sa Jerusalem. ( Ipinagdiwang ang Paskuwa )
23:21 "Sinabi ni Haring Josias sa mga tao, 'Ipagdiriwang natin ang Paskuwa ni Yahweh, ayon sa nasusulat sa Aklat ng Tipan.'"
23:22 Pagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay hindi na nila ipinagdiwang ang Paskuwa, maging sa Israel o sa Juda.
23:23 Ngunit nang ika-18 taon ng paghahari ni Josias, ginanap nga nila sa Jerusalem ang Paskuwa ni Yahweh. ( Ang Matinding Poot ni Yahweh sa Juda )
23:24 Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyusan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Helcias sa Templo.
23:25 Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Inibig niya ito at pinaglingkuran nang buong puso, kaluluwa at lakas. Sinunod niya ang buong Kautusan.
23:26 Gayunman, hindi pa rin mapawi ang matinding poot ni Yahweh sa Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases.
23:27 "Sinabi ni Yahweh, 'Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Gayon din ang Lunsod ng Jerusalem na aking hinirang, pati ang Templong sinabi ko na pamamalagian ng aking pangalan.' ( Ang Pagkamatay ni Josias )"
23:28 Ang lahat ng ginawa ni Josias ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
23:29 Nang panahong yaon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Faraon Neco ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias, ngunit napatay siya sa Meguido.
23:30 Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Joacaz na anak niya ay pinahiran ng langis at inihalili sa kanya bilang hari. ( Ang Pagiging Hari at ang Pagkakakulong ni Joacaz )
23:31 Si Joacaz ay dalawampu't tatlong taon nang maghari sa Jerusalem at tatlong buwan lamang siyang namahala. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
23:32 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan niya ang masasamang gawa ng kanyang mga ninuno.
23:33 Ikinulong siya ni Faraon Neco sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 100 talentong pilak at isang talentong ginto.
23:34 Itinalaga niyang hari si Eliaquim na anak ni Josias at pinalitan niya ng Joaquim ang pangalan nito. Si Joacaz naman ay dinala nilang bihag sa Egipto at doon na ito namatay.
23:35 Si Joaquim ay bumubuwis nga ng pilak at ginto kay Faraon Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Faraon Neco. ( Ang Pamamahala ni Joaquim )
23:36 Si Joaquim ay dalawampu't limang taon nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Siya ay anak ni Zebuda at apo ni Pedaya na taga-Ruma.
23:37 Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan niya ang masasamang gawa ng kanyang mga ninuno.
24:1 Sa panahon ng paghahari ni Joaquim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia. Tatlong taon siyang napasakop sa Babilonia at pagkaraan ay naghimagsik.
24:2 At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ang mga taga-Juda'y ipinalupig niya sa mga Caldeo, sa mga taga-Siria, taga-Moab at taga-Ammon.
24:3 Niloob ni Yahweh na ito'y mangyari sa kanila dahil sa kasamaang ginawa ni Manases,
24:4 at sa pagpatay nito sa mga taong walang kasalanan. Sa dami ng pinatay niya, halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at ito'y hindi maipatatawad sa kanya ni Yahweh.
24:5 Ang lahat ng ginawa ni Joaquim ay nakatala sa k Kasaysayan ng mga Hari ng Judakend.
24:6 Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Joaquin ang pumalit sa kanya.
24:7 Hindi lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto pagkat lahat ng sakop niya ay sinakop ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates. ( Binihag si Joaquin at ang Kanyang mga Kasambahay )
24:8 Si Joaquin ay labingwalong taon nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nahustan na anak ni Elnatan ng Jerusalem.
24:9 Si Joaquin ay hindi naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan niya ang kasamaan ng kanyang ama.
24:10 Nang panahong yaon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nabucodonosor.
24:11 Samantalang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating ang Haring Nabucodonosor.
24:12 Nang magkagayon, sumuko sa kanya si Haring Joaquin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan ng palasyo. Binihag sila ni Nabucodonosor noong ikawalong taon ng kanyang paghahari.
24:13 Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng ipinagpauna ni Yahweh, ipinasira niya ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon sa Templo.
24:14 Tinangay niya ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday; lahat-lahat ay umabot ng 10,000. Wala silang itinira, liban sa pinakamahihirap.
24:15 Tinangay nga niya sa Babilonia si Joaquin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem.
24:16 Tinangay rin niya ang may 7,000 kawal at ang 1,000 dalubhasa, at mga panday na pawang matitipuno at angkop maging mandirigma.
24:17 Si Natanias ang ipinalit ni Nabucodonosor kay Joaquin bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Sedequias ang pangalan nito. ( Ang Pamamahala ni Sedequias )
24:18 Si Sedequias ay dalawampu't isang taon nang maghari sa Jerusalem at siya'y namahala nang labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
24:19 Si Sedequias ay hindi naging kalugud-lugod kay Yahweh pagkat tinularan niya ang masamang gawa ni Joaquin. ( Nasakop ang Jerusalem )
24:20 Umabot na sa sukdulan ang poot ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinalupig niya sa mga kaaway. Si Sedequias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
25:1 Nang ika-10 araw ng ika-10 buwan ng ika-9 na taon ng paghahari ni Sedequias, tinipon ni Nabucodonosor ang buo niyang hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at pinaligiran ang mga bantayan.
25:2 Ang pagkubkob nila ay tumagal nang may dalawang taon.
25:3 Nang ika-9 na araw ng ika-4 na buwan ng pagkubkob sa Jerusalem, umabot na sa sukdulan ang taggutom sa buong lunsod.
25:4 Noon nabutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Sedequias kinagabihan ay tumakas siya patungong Araba, kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay naliligid ng mga Caldeo.
25:5 Tinugis sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Kaya, nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga tauhan.
25:6 Nabihag si Sedequias at iniharap sa hari ng Babilonia na nasa Ribla at doon siya hinatulan.
25:7 Pinatay nila sa harapan ni Sedequias ang mga anak nito, dinukit ang mga mata at gapos ng tanikalang dinala sa Babilonia. ( Ang Pagsakop sa Juda )
25:8 Nang ika-7 araw ng ika-5 buwan ng ika-19 na taon ng paghahari ni Nabucodonosor, pinasok ni Nabuzaradan ang Jerusalem, kapitan ng kanyang mga tanod.
25:9 Sinunog niya ang templo, ang palasyo, at ang lahat ng bagay doon; wala siyang itinira.
25:10 Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nabuzaradan.
25:11 Dinala niyang bihag ang natitira pang Israelita pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia.
25:12 Ang iniwan lamang niya roon ay ang ilang mahihirap upang magbungkal ng lupa at mag-alaga ng mga ubasan.
25:13 Ang mga haliging tanso, patungang tanso at ang dagat na tanso sa templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia.
25:14 Kinuha rin nila ang mga kagamitan sa templo: palayok, pala, sisidlan ng abo, plato, sunugan ng kamanyang at ang lahat ng kagamitang tanso.
25:15 Kinuha rin nila ang mangkok na ginto at ang gintong sunugan ng kamanyang at lahat ng kasangkapang ginto at pilak.
25:16 Ang mga haliging tanso, ang dagat-dagatang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang pagkat napakabigat.
25:17 Ang taas ng isang haligi ay dalawampu't pitong talampakan at may pinakaulong mahigit na apat na talampakan ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: nilala ang iba at ang iba nama'y kahugis ng bunga ng granada.
25:18 Sa mga nabihag ni Nabuzaradan, kasama ang pangulong saserdoteng si Seraya, ang pangalawa niyang si Sofonias at ang tatlong bantay-pinto.
25:19 Nabihag din niya ang tagapamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng punong kawal, at ang animnapung taong nakita niya sa lunsod.
25:20 Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla sa hari ng Babilonia,
25:21 at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Ganyan ang nangyari sa pagkalupig sa bansang Juda. ( Tumakas sa Egipto ang mga Natirang Taga-Juda )
25:22 Si Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nabucodonosor bilang gobernador ng mga natirang taga-Juda.
25:23 Nang mabalitaan ito ng mga kapitan ng hukbong nagkawatak-watak, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Carea, Seraya na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ni Maacateo.
25:24 "Sinabi sa kanila ni Gedalias, 'Huwag kayong matakot sa mga Caldeo. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang anumang mangyayari sa inyo.'"
25:25 Ngunit pagkalipas ng pitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, isang maharlika, may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga Caldeong kasama niya sa Mizpa.
25:26 Pagkatapos, silang lahat, maging aba o dakila, pati kapitan ng mga kawal ay tumakas sa Egipto dahil sa takot sa mga Caldeo. ( Pinalaya si Joaquin at Pinarangalan sa Babilonia )
25:27 Nang ika-27 araw ng ika-12 buwan ng ika-37 taon ng pagkatapon ni Haring Joaquin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evilmerodac ng Babilonia na noon ay bagu-bago pa lamang naghahari.
25:28 Magiliw siyang pinakitunguhan nito, higit sa sinumang haring nabihag sa Babilonia.
25:29 Hinubad ni Joaquin ang kasuutan niya bilang isang bihag at nagbihis ng maharlikang kasuutan. Araw-araw, kasalo siya ng hari sa pagkain.
25:30 At habang siya'y nabubuhay, ibinigay sa kanya ng hari ang kanyang kailangan.
|