|
15. Ezra
1:1 ( Pinabalik ni Haring Ciro ang mga Israelita ) Nang unang taon ng pamamahala ni Haring Ciro ng Persia, nilukuban siya ng Espiritu ni Yahweh. Nangyari ito upang matupad ang kanyang salita sa pamamagitan ni Propeta Jeremias. Kaya, si Haring Ciro ay sumulat ng ganito:
1:2 '"Niloob ni Yahweh, ng Diyos ng Kalangitan, na masakop ko ang lahat ng bansa sa daigdig. At sinabi niya sa aking ipagtayo ko siya ng isang templo sa Jerusalem, Juda."
1:3 Kaya, pinahihintulutan ko ang lahat ng Israelita na magpunta sa Jerusalem, ang bayan ng kanilang Diyos, upang itayong muli ang bahay ni Yahweh. Pagpalain nawa sila ng Diyos.
1:4 "Lahat ng mamamayan sa lugar na may Israelita ay tutulong sa kanila. Bigyan sila ng mga pilak, ginto at iba pang kailangan, tulad ng mga hayop at mamahaling kasangkapan, bukod sa kusang handog para sa templo ni Yahweh.' "
1:5 Tumugon naman sa panawagang iyon ang mga puno ng sambahayan ng mga lipi nina Juda at Benjamin, ang mga saserdote at mga Levita, at lahat ng napukaw ang kalooban upang tumulong sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem.
1:6 At sila'y tinulungan ng mga mamamayan sa lupaing tinitirhan nila. Binigyan sila ng mga pilak at ginto. Binigyan din sila ng hayop at mamahaling kasangkapan, bukod sa kusang handog nila.
1:7 Ang mga kagamitan sa templo sa Jerusalem na kinuha ni Nabucodonosor at inilagay sa templo ng kanyang mga diyus-diyusan ay ipinalabas ni Haring Ciro.
1:8 Ipinakuha niya iyon kay Mitridates, ang ingat-yaman at ipinabigay kay Sesbasar na pinuno ng Juda.
1:9 Ito ang bilang ng mga kagamitan: tatlumpung palangganang ginto, 1,000 palangganang pilak, dalawampu't siyam na insensaryo,
1:10 tatlumpung mangkok na ginto, 410 iba't ibang sisidlang pilak, at 1,000 pang iba't ibang kagamitan.
1:11 Lahat-lahat ng kagamitang ginto at pilak ay umaabot sa 5,400 piraso. Ang mga ito'y iniuwi ni Sesbasar nang magbalik sa Jerusalem ang mga Israelita mula sa Babilonia.
2:1 Ang natira sa mga nabihag ng Haring Nabucodonosor ay umuwi nga sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda
2:2 sa pangunguna nina Zorobabel, Jesua, Nehemias, Seraya, Reelaya, Mardoqueo, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum at Baana. Ito ang talaan ng mga Israelitang nakauwi:
2:3 sa angkan ni Paros ay 2,172;
2:4 sa angkan ni Sefatias, 372;
2:5 sa angkan ni Arah, 775;
2:6 sa angkan ni Pahat-moab sa mga anak nitong sina Jesua at Joab, 2,812;
2:7 sa angkan ni Elam, 1,254;
2:8 sa angkan ni Zatu, 945;
2:9 sa angkan ni Zacai, 760;
2:10 sa angkan ni Bani, 642;
2:11 sa angkan ni Bebai, 623;
2:12 sa angkan ni Azgad, 1,222;
2:13 sa angkan ni Adonicam, 666;
2:14 sa angkan ni Bigvai, 2,056;
2:15 sa angkan ni Adin, 454;
2:16 sa angkan ni Ater kay Ezequias, siyamnapu't walo;
2:17 sa angkan ni Bezai, 323;
2:18 sa angkan ni Jora, 112;
2:19 sa angkan ni Hasum, 223;
2:20 sa angkan ni Gibar, siyamnapu't lima;
2:21 sa angkan ni Betlehem, 123;
2:22 sa mga tauhan ni Netofa, limampu't anim;
2:23 sa mga tauhan ni Anatot, 128;
2:24 sa angkan ni Azmavet, apatnapu't dalawa;
2:25 sa angkan nina Kiryat-jearim, Cafira at Beerot, 743;
2:26 sa angkan nina Rama at Geba, 621;
2:27 sa mga tauhan ni Micmas, 122;
2:28 sa mga tauhan nina Betel at Hai, 223;
2:29 sa angkan ni Nebo, limampu't dalawa;
2:30 sa angkan ni Magbis, 156;
2:31 sa angkan ng isa pang Elam, 1,254;
2:32 sa angkan ni Harim, 320;
2:33 sa angkan nina Lod, Hadid, at Ono, 725;
2:34 sa angkan ni Jerico, 345;
2:35 sa angkan ni Senaa, 3,630.
2:36 Ito naman ang bilang ng mga saserdote: sa angkan ni Jedaya sa sambahayan ni Jesua, 973;
2:37 sa angkan ni Imer, 1,052;
2:38 sa angkan ni Pasur, 1,247;
2:39 sa angkan ni Harim, 1,017.
2:40 Ito naman ang bilang ng mga Levita: sa angkan nina Jesua at Cadmiel na mga anak ni Hodavias ay pitumpu't apat.
2:41 Ang mga mang-aawit sa angkan ni Asaf ay 128.
2:42 Ang mga bantay-pinto ng mga anak naman nina Sallum, Ater, Talmon, Acub, Hatita, at Sobai, 139.
2:43 Ang mga nakauwing katulong sa templo ay ang mga angkan nina Ziha, Hasufa, Tabaot,
2:44 Keros, Siaha, Padon,
2:45 Lebana, Hagaba, Acub,
2:46 Hagab, Sal-mai, Hanan,
2:47 Gidel, Gahar, Reaya,
2:48 Rezin, Necoda, Gazam,
2:49 Uza, Pasea, Besai,
2:50 Asena, Meunim, Nefusim,
2:51 Bacbuc, Hacufa, Harhur,
2:52 Bazlut, Mehida, Harsa,
2:53 Barcos, Sisara, Tema,
2:54 Nezia, at Hatifa.
2:55 Ang mga nakauwing anak naman ng mga lingkod ni Solomon ay ang mga angkan nina Sotai, Soferet, Peruda,
2:56 Jaala, Darcon, Gidel,
2:57 Sefatias, Hatil, Poqueret-hazebaim, at Ami.
2:58 Lahat-lahat ng katulong sa templo at mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392.
2:59 May mga nakauwi mula sa Telmela, Tel-harsa, Querub, Adan, at Imer ngunit di matunton ang kanilang mga ninuno kaya di matiyak kung sila'y Israelita o hindi.
2:60 Sila'y mula sa angkan nina Delaya, Tobias, at Necoda. Lahat-lahat ay 652.
2:61 Ito naman ang kasama nilang mga saserdote: ang angkan nina Hobai, Haccoz, at Barzilai. Si Barzilai ang nakapangasawa ng isa sa mga anak ni Barzilai na taga-Galaad at dito isinunod ang kanyang pangalan.
2:62 Ang pangalan nila'y wala sa talaan ng mga saserdote kaya hindi sila ibinilang na mga saserdote, bagkus ay itinuring na di karapat-dapat.
2:63 Sinabi sa kanila ng gobernador na ang mga ito'y di maaaring kumain ng kabanal-banalang pagkain hanggang hindi naisasangguni ng isa sa mga saserdote sa pamamagitan ng Urim at Tumim.
2:64 Lahat-lahat ng nakauwi mula sa pagkabihag ay 42,360.
2:65 Hindi pa kabilang dito ang mga 7,337 alila at ang 200 mang-aawit.
2:66 Ang kanilang kabayo ay may 736, at 245 ang mola,
2:67 ang kamelyo ay 435, at 6,720 ang asno.
2:68 Marami sa mga puno ng sambahayan ang naghandog nang kusang-loob sa bahay ni Yahweh para sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem.
2:69 Bawat isa'y nagbigay ayon sa kanyang kakayahan. Lahat-lahat ng handog nila ay 1,030 librang ginto, 5,740 librang pilak, at 100 kasuutan ng mga saserdote.
2:70 Ang mga saserdote, mga Levita at ibang karaniwang mamamayan ay sa Jerusalem at sa paligid nito tumira. Ang mga mang-aawit, mga bantay-pinto, at ang mga katulong sa templo ay sa kani-kanilang dako. Ang karamihan sa mga Israelita ay sa kani-kanilang bayan.
3:1 Lumipas ang pitong buwan. Ang mga Israelita'y panatag na noon sa kani-kanilang bayan. Kaya, nagtipun-tipon sila sa Jerusalem
3:2 upang magtayo ng altar na sunugan ng handog ayon sa tagubilin ni Moises. Sila ay pinangunahan ni Jesua na anak ni Josadac, ng mga saserdote at ni Zorobabel na anak ni Sealtiel at ng mga tauhan nito.
3:3 Inuna nilang itayo ang altar dahil sa takot sa mga taong naninirahan sa kanilang paligid. Umaga't hapon ay nagsusunog sila roon ng handog.
3:4 Ginanap nila ang Pista ng mga Kubol, at naghandog araw-araw ayon sa Kautusan.
3:5 Mayroon pa silang kusang handog bukod sa pagsusunog ng handog araw-araw, sa handog kung bagong buwan at lahat ng pistang itinakda ni Yahweh.
3:6 Buhat sa unang araw ng ikapitong buwan, bagamat hindi pa natatayo uli ang templo ay nagsunog na sila ng handog kay Yahweh.
3:7 Kaya't nagkaloob sila ng salapi para sa mga kantero at karpintero. Nagpadala rin sila ng pagkain, inumin, langis sa mga taga-Sidon at mga taga-Tiro, upang iputol sila ng mga kahoy na sedro sa Libano. Ang mga kahoy na ito ay dadalhin sa Joppe, sa pahintulot ng Haring Ciro ng Persia.
3:8 Nang ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang makabalik sila sa Jerusalem, pinangunahan ni Zorobabel na anak ni Sealtiel, at ni Jesua na anak ni Josadac ang pagtatayo ng templo. Katulong nila ang mga saserdote, Levita at lahat ng nakabalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Ang mga Levitang mula sa dalawampu't apat na taong gulang pataas ang hinirang nila upang mangasiwa sa pagpapagawa.
3:9 Kaya, ang pagpapagawa sa templo ay naatang sa balikat nina Jesua, Cadmiel, Henadad, sa kani-kanilang mga angkan, sa mga Levita at sa mga tauhan nila.
3:10 Nang mailagay na ang pundasyon ng templo, ang mga saserdote'y nagbihis nang hustong kagayakan. Hinipan nila ang kanilang mga trompeta bilang pagpupuri kay Yahweh habang tumutugtog ng pompiyang ang mga Levitang anak ni Asaf. Ito'y ginawa nila bilang pag-alinsunod sa tagubilin ni Haring David.
3:11 Ang bayan naman ay buong lakas na umawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos. Ito ang kanilang awit: Purihin si Yahweh dahil sa kanyang kabutihan Ang kagandahang loob niya ay magpakailanman. At sila'y buong lakas na umawit at nagpuri kay Yahweh pagkat nailagay na ang pundasyon ng templo.
3:12 Ngunit ang marami sa saserdote, Levita, puno ng sambahayan at matatandang nakakita sa unang templo ni Yahweh ay napataghoy. Ang karamiha'y sumisigaw sa galak.
3:13 Anupat di magkamayaw ang hiyawan. Hindi na malaman kung alin ang hiyaw ng kagalakan at kung alin ang panaghoy. Dinig na dinig sa malayo ang kanilang hiyawan.
4:1 ( Hinadlangan ang Muling Pagtatayo ng Templo ) Nabalitaan ng mga kaaway na ang mga taga-Juda at taga-Benjamin na nakauwi buhat sa pagkabihag ay nagtatayo ng templo para kay Yahweh.
4:2 "Kaya, lumapit sila kina Zorobabel, Jesua at sa mga puno ng sambahayan. Sinabi nila, 'Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng bahay ng inyong Diyos yamang kami man ay sumasamba sa kanya buhat pa nang dalhin kami rito ni Haring Esarhadon ng Asiria.' "
4:3 "Ngunit sinabi sa kanila nina Zorobabel, Jesua at ng mga puno ng sambahayan, 'Huwag ninyo kaming pakialaman sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos. Kaya naming itayo ang templong ito para kay Yahweh, ayon sa utos sa amin ni Haring Ciro ng Persia.' "
4:4 Dahil dito, sinikap nilang sirain ang loob ng mga taga-Juda at Benjamin upang matigil ang pagtatayo ng templo.
4:5 Sumuhol sila ng mga taong magpapayo sa mga Israelita na huwag nang ituloy ang templong ginagawa nila. Ginawa nila ito sa buong panahon ng pamamahala ng Haring Ciro hanggang sa paghahari ng Haring Dario. ( Hinadlangan ang Pagtatayong Muli ng Jerusalem )
4:6 At nang si Asuero na ang maging hari, ipinagharap nila ng sakdal ang mga taga-Juda at Benjamin.
4:7 Nang panahon naman ni Haring Artajerjes, isinakdal sila nina Bislam, Mitridates, Tabel at ng iba pang kasama nila. Wikang Arameo ang ginamit nila sa pagsulat ng nasabing sakdal.
4:8 Si Rehum na pinuno at ang kalihim na si Simsai ay sumulat pa ng ganito laban sa Jerusalem at ipinadala kay Artajerjes:
4:9 '"Mula sa mataas na pinunong si Rehum, sa kalihim na si Simsai, sa kanilang mga kasama, mga hukom, mga komisyonado, mga tagapamahala, pinakapuno, mga taga-Persia, mga tauhan ni Erec, mga taga-Babilonia, mga tauhan ng Susa o mga taga-Elam,"
4:10 at iba pang mga taong ipinatapon ng makapangyarihan at kilalang si Asnapar, sa Samaria at sa iba pang lalawigan sa dakong ito ng Eufrates.
4:11 Bumabati po kami sa inyo, mahal na Haring Artajerjes.
4:12 Buong galang po naming ipinagbibigay-alam sa inyo na nasa Jerusalem na ang mga Judiong pinaalis ninyo riyan. Ngayon po ay itinatayo nila uli ang mapaghimagsik at makasalanang lunsod ng Jerusalem. Inaayos na nila ang mga pundasyon at malapit nang mayari ang mga pader.
4:13 Dapat malaman ng mahal na hari na kapag nayari na ang lunsod at napaligiran ng pader, hindi na sila magbabayad ng anumang buwis. Ito'y makapipinsala sa kaharian.
4:14 Yamang ang ikinabubuhay nami'y nanggagaling sa kaharian, marapat lamang na ipagmalasakit namin kayo para hindi na umabot sa pangyayaring kayo'y malapastangan nila. Iyan po ang dahilan ng pagsulat namin, mahal na hari.
4:15 Saliksikin po ninyo ang aklat-kasaysayan ng inyong mga magulang at makikita ninyong buhat sa simula, ang lunsod na ito ay talagang mapaghimagsik at sakit ng ulo ng mga haring nauna sa inyo. At iyan po ang dahilan kaya ito winasak nang husto.
4:16 "Ipinagbibigay-alam din namin sa mahal na hari, na sa sandaling maayos uli ang lunsod na ito, mawawalan na kayo ng kapangyarihan sa lalawigang ito sa kabila ng Eufrates.' "
4:17 "Ito naman ang sagot ng hari: 'Gobernador Rehum, Kalihim Simsai, at lahat ng kasama ninyo sa Samaria at sa lalawigan sa kabila ng Eufrates, tanggapin ninyo ang aking bati."
4:18 Maliwanag na binasa sa akin ang inyong sulat.
4:19 Pagkatapos, ipinasiyasat ko itong mabuti at nalaman kong sa simula pa'y talagang mapaghimagsik na ang lunsod na iyon.
4:20 Nalaman ko ring nasakop sila ng iba't ibang hari na pawang makapangyarihan. At ang lunsod na iyon ay nagbayad sa kanila ng lahat ng uri ng buwis.
4:21 Kaya, ipatigil mo ang pag-aayos ng Jerusalem hanggang wala akong iniuutos na iba para sa lunsod na yaon.
4:22 "Pigilin ninyo sila agad bago makalikha ng pinsala sa kaharian.' "
4:23 Nang ang sulat ng Haring Artajerjes ay mabasa nina Rehum, Simsai at mga kasama, nagmamadali silang pumunta sa Jerusalem at sapilitan nilang pinigil ang mga Judio sa pag-aayos ng Jerusalem.
4:24 Kaya't natigil ang paggawa sa bahay ni Yahweh. Hindi ito nagalaw hanggang noong ikalawang taon ni Haring Dario sa Persia.
5:1 Sina Propeta Ageo at Propeta Zacarias ay nagpahayag sa mga Judio sa Juda at Jerusalem sa pangalan ng Diyos ng Israel.
5:2 Kaya't ang pagtatayo ng templo ay ipinagpatuloy nina Zorobabel at Jesua, katulong ang dalawang propeta.
5:3 "Minsan, nilapitan sila ni Gobernador Tatnai ng lalawigan sa kabila ng Eufrates, kasama si Setar-boznai at ang iba pa. 'Sino'ng nagpahintulot sa inyo na gawin ang templong ito"
5:4 "at sino ang nagpapagawa nito?' tanong nila."
5:5 Ngunit ang matatanda ay di nilayuan ng Diyos kaya't hindi sila napigil sa pagtatayo ng templo hanggang hindi ito pinagpapasyahan ni Haring Dario.
5:6 Kaya, si Gobernador Tatnai, si Setar-boznai at ang kanilang mga kagawad ay nagpadala ng sulat kay Haring Dario.
5:7 "Ito ang nilalaman ng sulat: 'Sa mahal na Haring Dario, sumainyo ang kapayapaan."
5:8 Buong pitagan po naming ipinaaalam sa inyo na nagpunta kami sa Juda, sa bahay ng Dakilang Diyos. Ito po ay kasalukuyang itinatayo. Malalaking tapyas ng bato at mga kahoy ang ginagamit sa pader nito. Wala silang tigil sa paggawa kaya mabilis ang pagkayari.
5:9 Itinanong namin sa kanilang matatanda kung sino ang nag-utos sa kanilang gawin yaon
5:10 at kung sinu-sino ang nangangasiwa sa paggawa. Itinala po namin ang lahat upang ipagbigay-alam sa inyo, Kamahalan.
5:11 Ito po ang sagot nila: Mga alipin kami ng Diyos ng langit at lupa. Muli naming itinatayo ang templong ito na ipinagawa ng mga hari ng Israel mahabang panahon na ang nakalilipas.
5:12 Ang Diyos ng kalangitan ay napoot sa aming mga magulang kaya sila'y ipinabihag niya kay Haring Nabucodonosor ng Babilonia. Winasak niya ang templo at binihag ang mga Israelita.
5:13 Ngunit noong unang taon ng pamamahala ng Haring Ciro ng Persia, naglagda siya ng isang utos na maaari na naming itayo uli ang templong ito.
5:14 At lahat ng ginto't pilak na kasangkapang kinuha ni Nabucodonosor sa templo sa Jerusalem at dinala sa templo sa Babilonia ay ipinakuha ni Haring Ciro kay Gobernador Sesbasar.
5:15 Sinabi ng hari na ang mga kasangkapang iyon ay dalhin sa templo sa Jerusalem, at bayaang itayo uli sa dating lugar ang bahay ng Diyos.
5:16 Si Sesbasar ay nagpunta nga sa Jerusalem at inilagay ang pundasyon ng bahay ng Diyos na hanggang ngayo'y hindi pa nayayari.
5:17 "Kaya nga, kung mamarapatin ng mahal na hari, patingnan sa aklat-kasaysayan ng Babilonia kung iniutos nga ni Haring Ciro na gawin ang templo ng Diyos. Pagkatapos po, sabihin ninyo sa amin kung ano ang iniisip ninyo tungkol dito.'"
6:1 ( Hinanap ang Utos ni Haring Ciro Ukol sa Templo ) Ipinasaliksik ni Haring Dario ang lahat ng taguan ng mga kasulatan ng buong Babilonia.
6:2 At sa Ecbatana, kabisera ng Media, ay natagpuan ang isang kasulatan. Ganito ang isinasaad:
6:3 '"Nang unang taon ng pamamahala ni Haring Ciro, siya ay naglagda ng isang utos tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem. Ang templong ito ay muling itatayo upang doon maghandog at magsunog ng mga handog. Ang luwang nito ay 101 talampakan, gayon din ang haba."
6:4 Ang dingding nito ay tatlong hanay na bato at isang hilerang kahoy. Sa kabang-yaman ng palasyo kukunin ang magugugol.
6:5 "Ang mga kagamitang ginto at pilak na kinuha ni Nabucodonosor sa templo sa Jerusalem ay ibabalik dito.' ( Ipinatuloy ni Haring Dario ang Paggawa )"
6:6 "Nang mabasa ang utos ni Haring Ciro, si Haring Dario ay naglagda ng utos na ganito: 'Ang gawaing ito ay hindi pakikialaman nina Gobernador Tatnai, Kalihim Setar-boznai at ng kanilang mga kagawad."
6:7 Ipauubaya nila sa mga taga-pamahalang Judio at sa kanilang matatanda ang pagpapaayos ng templo.
6:8 Ang magugugol dito ay kukuning lahat sa buwis na malilikom sa lalawigan sa kabila ng ilog.
6:9 Kung kailangan ng mga saserdote ang panghandog na toro, tupa, harina, asin, alak at langis, ibibigay ito sa kanila araw-araw
6:10 upang makapaghain sila ng kaaya-ayang handog sa Diyos at kanilang maipanalangin ang hari at ang kanyang sambahayan.
6:11 Kapag may bumago sa mga utos kong ito, kukunin ang isang tahilan ng kanyang bahay at ipapako siya roon. Pagkatapos, gigibain ang kanyang bahay.
6:12 "Nawa'y ibagsak ng Diyos ang sinuman, maging hari, maging karaniwang taong mangangahas na bumago sa mga utos na ito o gigiba sa templong ito. Akong si Dario ang lumagda sa kautusang ito. Ang lahat ng ito'y dapat matupad nang buong-buo.' ( Ang Pagtatalaga sa Templo )"
6:13 Lahat ng iniutos ng Haring Dario ay sinunod nina Tatnai, Setar-boznai at ng kanilang mga kagawad.
6:14 Ipinagpatuloy ng mga Judio ang muling pagtatayo sa templo, at sila'y nagtagumpay tulad ng sinabi nina Propeta Ageo at Zacarias. Nayari nila ang templo ayon sa sinabi ng Diyos, at sa utos nina Haring Ciro, Dario at Artajerjes.
6:15 At nayari noong ika-3 ng Adar, ika-6 na taon ng paghahari ni Haring Dario.
6:16 Nang itinatalaga ang templo, di magkamayaw sa tuwa ang mga Israelita, mga saserdote at mga Levitang nakabalik mula sa pagkabihag.
6:17 Naghandog sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki at 400 kordero. Bilang hain naman para sa kasalanan, naghandog sila ng labindalawang kambing na lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel.
6:18 Pinagpangkat-pangkat nila ang mga saserdote at mga Levita. Sila'y binigyan ng kani-kanilang gawain at araw ng panunungkulan sa templo ayon sa Kautusan ni Moises. ( Ang Paskuwa )
6:19 At nang ika-14 ng unang buwan, ipinagdiwang ng mga nakabalik mula sa pagkabihag ang Paskuwa.
6:20 Nakapaglinis na noon ang mga Levita, kaya sila ang nagpatay sa korderong pampaskuwa para sa mga nakabalik, sa mga saserdote, at sa mga kapwa nila Levita.
6:21 Ito'y pinagsalu-saluhan nila, pati ng mga Israelitang lumayo na sa pagsamba sa diyus-diyusan at nakisama na sa kanila sa pagsamba kay Yahweh.
6:22 Buong galak din nilang ipinagdiwang ang pitong araw na Pista ng Tinapay na Walang Lebadura. Hindi magkamayaw ang kanilang katuwaan, pagkat niloob ni Yahweh na sila'y tulungan ng hari ng Asiria sa pagtatayo ng templo.
7:1 ( Ang Pagdating ni Esdras sa Jerusalem ) Pagkalipas ng mga araw, sa panahon ng pamamahala ni Haring Artajerjes ng Persia, dumating mula sa Babilonia ang isang lalaking nagngangalang Esdras. Siya ay anak ni Seraya at apo ni Azarias. Si Azarias ay anak naman ni Helcias na
7:2 anak ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Sadoc at apo ni Ahitob.
7:3 Si Ahitob ay anak ni Amarias, at apo ni Azarias na anak ni Merayot.
7:4 Si Merayot ay anak ni Zeraya, at apo ni Uzi na anak ni Buki.
7:5 Si Buki ay anak ni Abisue, at apo ni Finees na anak ni Eleazar. Si Eleazar ay anak ng pangulong saserdoteng si Aaron.
7:6 Si Esdras ay isang eskribang may malawak na kaalaman sa Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh. Lahat ng hilingin niya'y ibinibigay ng hari pagkat siya'y pinapatnubayan ni Yahweh.
7:7 Ikapitong taon ng pamamahala ni Haring Artajerjes nang pumunta sa Jerusalem si Esdras, kasama ang ilang Israelita, saserdote, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, at mga katulong sa templo.
7:8 Ikalimang buwan ng ikapitong taon ng pamamahala ni Haring Artajerjes nang dumating sila sa Jerusalem.
7:9 Unang araw ng unang buwan nang sila'y umalis sa Babilonia at unang araw naman ng ikalimang buwan nang dumating sa Jerusalem, sa pamamatnubay ng Diyos.
7:10 Itinalaga ni Esdras ang kanyang sarili upang pag-aralan, isagawa, at ituro sa Israel ang mga tuntunin ng Kautusan. ( Ang mga Kasulatang Ibinigay ni Artajerjes kay Esdras )
7:11 Ganito ang isinasaad ng sulat na ibinigay ni Haring Artajerjes kay Esdras:
7:12 '"Buhat kay Artajerjes, ang pinakamakapangyarihang hari, kay Esdras, ang saserdote ng Diyos, at dalubhasa sa Kautusan:"
7:13 Inilalagda ko ang pahintulot na maaaring sumama sa iyo sa Jerusalem ang sinumang Israelita, saserdote, Levita, na ibig sumama sa iyo.
7:14 Ikaw ay hinihirang ko at ng pito kong tagapayo upang tingnan ang kalagayan ng Juda at Jerusalem batay sa Kautusan ng iyong Diyos.
7:15 Dalhin mo tuloy ang pilak at gintong ipinangako namin ng aking mga kasama. Ito'y handog nila sa Diyos na pumili sa Jerusalem upang maging tirahan niya.
7:16 Dadalhin mo rin ang pilak at gintong handog ng mga taga-Babilonia, ang kusang handog ng mga Israelita at ng mga saserdote para sa bahay ng Diyos sa Jerusalem.
7:17 Ito ngayon ang ibibili mo ng toro, tupa, kordero, handog na pagkain, at handog na inumin na inyong ihahain sa altar sa bahay ng Diyos.
7:18 Ang perang lalabis ay maaari ninyong iukol sa anumang mapagkakaisahan ninyo na makalulugod sa Diyos.
7:19 Dalhin mo rin ang mga kasangkapang ibinigay sa inyo para sa paglilingkod sa templo.
7:20 Kung may makikita kang anumang kulang sa templo, kunin mo at anuman iyon ay babayaran mula sa kabang-yaman ng kaharian.
7:21 '"Sa lahat naman ng ingat-yaman sa lalawigan sa kabila ng Ilog Eufrates, iniuutos kong ibigay na lahat ang hihingin sa inyo ni Esdras, ang saserdote ng Diyos at eskriba ng Kautusan."
7:22 Bigyan ninyo siya hanggang 100 talentong pilak, 100 takal na harina, tig-100 takal na alak at langis, at lahat ng asin na kailangan niya.
7:23 Lahat ng iutos ng Diyos ng kalangitan ay susundin ninyo nang buong-buo upang hindi siya mapoot sa atin.
7:24 Huwag ninyong kukunan ng buwis ang mga saserdote, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, katulong sa templo, o sinumang katulong sa bahay ng Diyos.
7:25 '"At ikaw, Esdras, yamang pinagkalooban ka ng kaalaman, pumili ka ng mga taong may malawak na kaalaman at sila ang itatalaga mong mga hukom at tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Eufrates, upang maturuan ninyo ang mga walang nalalaman sa Kautusan."
7:26 Sinumang hindi sumunod sa utos ng inyong Diyos at ng hari, ay lalapatan ng alinman sa mga parusang ito: kamatayan, pagkatapon, pagsamsam sa ari-arian o pagkabilanggo. ( Pinuri ni Esdras si Yahweh )
7:27 "Sumagot si Esdras, 'Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga magulang na pumukaw sa kalooban ng hari upang pagandahin ang bahay ng Diyos sa Jerusalem."
7:28 "Tinulungan ako ni Yahweh at ako'y nakalugdan ng hari, ng kanyang mga tagapayo at ng lahat ng matataas na pinuno ng kaharian. Dahil dito ay lumakas ang aking loob at nahimok ko ang mga pangunahin ng Israel na magbalik na kasama ko.'"
8:1 ( Ang mga Nakabalik Mula sa Pagkatapon ) Ito ang talaan ng mga puno ng sambahayan at ng mga angkang sumama sa akin mula sa Babilonia noong panahon ng pamamahala ni Haring Artajerjes:
8:2 Sa sambahayan ni Finees ay si Gersom; sa sambahayan ni Itamar, si Daniel; sa sambahayan ni David ay si Hatus
8:3 na anak ni Secanias; sa sambahayan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150;
8:4 sa sambahayan ni Pacat-moab ay si Elioenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200;
8:5 sa sambahayan ni Secanias ay si Jahaziel at ang kasama nilang 300;
8:6 sa sambahayan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampu;
8:7 sa sambahayan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpu;
8:8 sa sambahayan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpu;
8:9 sa sambahayan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218;
8:10 sa sambahayan ni Bani ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160;
8:11 sa sambahayan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walo;
8:12 sa sambahayan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110;
8:13 sa sambahayan ni Adonicam ay sina Elifelet, Jeiel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapu;
8:14 sa sambahayan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu. ( Naghanap si Esdras ng mga Levita )
8:15 Tinipon ko sila sa may ilog papuntang Ahava at tumigil kami roon nang tatlong araw. Nang isa-isahin ko sila, nalaman kong wala isa mang buhat sa sambahayan ni Levi.
8:16 Kaya't ipinatawag ko ang mga pangunahing lalaking sina Eliezer, Ariel, Semaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesullam. Ipinatawag ko rin sina Joiarib at Elnatan, mga taong may malawak na kaalaman.
8:17 Sinugo ko sila kay Iddo, ang pinuno sa Casifia. Ipinasabi ko rito at sa mga kasamahan niyang lingkod sa templo na bigyan kami ng makakasama naming tagapaglingkod sa bahay ng Diyos.
8:18 Sa kalooban ng Diyos, pinasama niya si Serebias, isang lalaking matalino. Siya'y anak ni Mahli at apo ni Levi na anak ni Israel. May labingwalo ang kanyang mga anak at mga kamag-anak na kasama.
8:19 Pinasama rin niya sa amin sina Hasabias at Isaya mula sa angkan ni Merari. Ang kasama naman nilang kaibigan at mga anak ay dalawampu.
8:20 Hindi pa kabilang dito ang 220 kataong itinalaga ni David upang makatulong ng mga Levita. Silang lahat ay tanyag. ( Si Esdras ay Nanguna sa Pag-aayuno at Pananalangin )
8:21 Iniutos ko noon sa lahat na mag-ayuno at manikluhod sa harapan ng ating Diyos upang patnubayan kami sa aming paglalakbay.
8:22 Nahiya na akong lumapit sa hari upang humingi ng mga kawal na mangangalaga sa amin sa daan pagkat sinabi namin sa kanya na lahat ng lumalapit sa Diyos ay pagpapalain ngunit kapopootan ang lahat ng magtatakwil sa kanya.
8:23 Nag-ayuno nga kami at idinalangin namin sa Diyos na kami'y patnubayan. Dininig naman niya kami. ( Ang mga Handog Para sa Templo )
8:24 Pumili ako ng labindalawang pangunahing saserdote, sina Serabias at Hasabias at sampu sa kanilang mga kasama.
8:25 Tinimbang ko sa harapan nila ang lahat ng ginto, pilak at kasangkapang inihandog ng hari, ng kanyang mga taga-payo at ng mga Israelita para sa bahay ng Diyos. Tinimbang ko ito at ibinigay ko sa kanila.
8:26 Ito'y umabot sa 650 talentong pilak, mga kasangkapang pilak na nagkakahalaga ng 100 talento, ang ginto, 100 talento,
8:27 dalawampung mangkok na gintong nagkakahalaga ng 1,000 drakma, at dalawang kagamitang tanso na kasinghalaga na rin ng ginto.
8:28 "Sinabi ko sa kanila, 'Kayo ay nakatalaga kay Yahweh, gayon din ang mga kasangkapang ito. Ang mga ginto at pilak naman ay kusang handog kay Yahweh, sa Diyos ng inyong mga magulang."
8:29 "Ingatan ninyo itong mabuti hanggang sa maibigay sa mga punong saserdote, mga Levita at sa mga punong sambahayan ng Israel. Ito'y ibibigay ninyo sa kanila sa Jerusalem, sa loob ng bahay ni Yahweh.'"
8:30 Kinuha ng mga saserdote at mga Levita ang mga ginto, pilak at mga kasangkapan at dinala sa Jerusalem, sa bahay ng Diyos. ( Ang Pagbalik sa Jerusalem )
8:31 At noong ikalabindalawang araw ng unang buwan, umalis kami sa Ilog Ahava. Pinatnubayan kami ng Diyos at iniligtas laban sa mga kaaway na tumambang sa amin sa daan.
8:32 Pagdating sa Jerusalem, tumigil kami ng tatlong araw.
8:33 Nang ikaapat na araw, ang mga ginto, pilak at kasangkapan ay dinala sa templo, sa pag-iingat nina Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finees, at ng mga Levitang sina Josabad na anak ni Jesua at Nodias na anak ni Binui.
8:34 Lahat ay tinimbang, binilang at isa-isang itinala.
8:35 Pagkatapos, lahat ng nakabalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag ay naghandog sa Diyos para sa buong Israel: labindalawang toro, siyamnapu't anim na tupang lalaki, pitumpung kordero at labindalawang kambing na bulugan.
8:36 Ang utos ng hari ay dinala nila sa mga tagapamahala ng hari at sa gobernador ng lalawigan sa kabila ng Eufrates. At tinulungan naman sila ng mga ito.
9:1 ( Nalaman ni Esdras na ang mga Judio ay Nag-aasawa ng Hindi Judio ) "Pagkalipas ng mga araw, lumapit sa akin ang ilang pinuno at kanilang sinabi, 'Hindi rin makita ang kaibahan ng mga Israelita at Levita sa mga mamamayan ng lupaing ito. Ginagawa rin nila ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amorreo."
9:2 "Nag-asawa sila ng mga tagarito, ganoon din ang kanilang mga anak. Kaya nahaluan ng ibang lahi ang lahing ito na itinangi ng Diyos para sa kanya. At ang pasimuno sa kataksilang ito ay ang mga pinuno at mga tagapamahala ng bayan.'"
9:3 Nang marinig ko ito, hinablot ko ang aking kasuutan at balabal. Sinabunot ko ang aking buhok at balbas. At nanlulumo akong napaupo.
9:4 Pumaligid sa akin ang lahat ng may takot sa Salita ng Diyos at hindi kasang-ayon sa kataksilang ito. Ako nga'y nanlulumo at di makakibo hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon.
9:5 Sa oras ng paghahandog, tumindig akong gulanit ang kasuutan at nanikluhod sa harapan ni Yahweh.
9:6 "Ganito ang idinaing ko sa kanya: 'Diyos ko, hindi ako makatingin sa iyo dahil sa kahihiyan bunga ng kasamaan naming suko sa langit."
9:7 Mula sa kapanahunan ng aming mga magulang hanggang ngayon, hindi na kami nakaahon sa kasalanan. Dahil dito, kami, ang aming mga hari at mga saserdote, ay binayaan ninyong mabihag, patayin, dambungin at ibilad sa kahihiyan ng iba't ibang hari.
9:8 At ngayon, kahabagan ninyo kami. Niloob ninyong may ilang matira sa amin at muling binigyan ng puwang sa lupaing ito na inyong itinangi. Muli ninyong isinilay sa amin ang inyong paningin at binigyan kami ng pagkakataong makaahon sa pagkaalipin.
9:9 Naging alipin nga kami sa mahabang panahon, gayunma'y hindi ninyo kami pinabayaan. Pinukaw ninyo ang kalooban ng hari ng Persia. Kaya, binigyan niya kami ng pagkakataong maitayo uli ang iyong templo, at ayusin ang kasiraan, upang makapanirahan kaming tiwasay sa Juda at sa Jerusalem.
9:10 '"Ngayon, aming Diyos, wala na kaming masasabi. Winalang-halaga namin ang Kautusan"
9:11 na ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng mga propeta. Ang sabi nila sa amin, 'Ang buong lupaing aariin ninyo ay punung-puno ng kasamaan, ng kasuklam-suklam nilang gawain.
9:12 Kaya, huwag ninyong ipahihintulot na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak. Huwag kayong makikipagkasundo ni makikisama sa kanila. Sa gayon, pakikinabangan ninyo ang lupain at mananatili roon ang lahi ninyo magpakailanman.'
9:13 Pagkatapos ninyo kaming parusahan nang magaan kaysa parusang nararapat naming danasin, niloob pa rin ninyong may matira sa aming lahi.
9:14 At ngayon, muli naming winalang-halaga ang inyong mga utos. Pinabayaan naming mahaluan ang aming lahi, at gumawa kami ng kasuklam-suklam na mga gawain. Hindi ba lalong mag-aalab ang poot mo sa amin, Yahweh? Titigil ba kayo hanggang hindi kami nalilipol na lahat?
9:15 "O Diyos na makatarungan, tunghayan ninyo kami bagamat kami'y mga labing batbat ng kasamaan. Dahil dito, wala nang maaaring tumindig sa amin sa iyong harapan.'"
10:1 ( Nakipaghiwalay ang mga May-asawang Hindi Kalahi ) Samantalang si Esdras ay bagbag-puso at lumuluhang nananalangin sa harapan ng bahay ng Diyos, pumaligid sa kanya ang maraming Israelita---lalaki, babae at mga bata. Bawat isa'y buong pait na nananangis.
10:2 "Sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel ng angkan ni Elam, 'Nakagawa kami ng malaking pagkakasala sa Diyos nang mag-asawa kami ng hindi kalahi. Ngunit mayroon pa ring pag-asa ang Israel."
10:3 Sumumpa kami sa Diyos na hihiwalayan namin ang mga napangasawa naming buhat sa ibang lahi pati mga anak namin sa kanila. Gagawin namin ito ayon sa hinihingi ng Kautusan batay sa sasabihin mo sa amin at ng iba pang nagpapahalaga sa Kautusan ng Diyos.
10:4 "Huwag na tayong mag-aksaya ng panahon. Gawin na natin ito at susunod kami sa inyo.'"
10:5 Dahil dito'y tumindig si Esdras, at pinanumpa silang lahat: ang mga pangunahing saserdote, ang mga Levita at karaniwang mamamayan.
10:6 Umalis si Esdras sa harap ng templo at nagpunta sa silid ni Johanan na anak ni Eliasab, at doon nagpalipas ng gabi. Magdamag siyang di tumikim ng pagkain o inumin at magdamag na itinangis ang kasamaan ng mga Israelita.
10:7 Pagkaraan noon, ginawa ang isang pahayag na lahat ng Judiong nakabalik sa Jerusalem at Juda ay magtipon sa Jerusalem.
10:8 Ang sinumang di sumama sa pagtitipon sa loob ng tatlong araw ay ipatatapon ng mga pinuno at matatanda. Bukod doon, sasamsamin ang lahat niyang ari-arian.
10:9 At sa loob ng tatlong araw, natipon sa Jerusalem ang lahat ng taga-Juda at Benjamin. Noon ay ikadalawampu ng ikasiyam na buwan. Lahat ay nagtipon sa patyo ng bahay ng Diyos. Bawat isa'y nanginginig sa takot at sa ginaw bunga ng malakas na ulan.
10:10 "Tumayo sa harapan nila ang saserdoteng si Esdras at sinabi sa kanila, 'Kayo'y nagkasala dahil sa pag-aasawa sa mga babaing di ninyo kalahi. Dahil dito, lalo ninyong pinalaki ang kasalanan ng Israel."
10:11 "Ngayon ay ipahayag ninyo ito kay Yahweh, sa Diyos ng inyong mga magulang, at sumunod kayo sa kanyang kagustuhan. Lumayo kayo sa mga tagarito at humiwalay sa asawa ninyong hindi kalahi.'"
10:12 "Parang iisang taong sumagot ang kapulungan, 'Kung iyan po ang marapat, gagawin namin."
10:13 Ngunit napakakapal ng mga taong ito at malakas ang ulan. Hindi kami makatatagal dito. Ang gagawing ito ay di matatapos nang madali pagkat napakabigat ng aming pagkakasala.
10:14 "Ito po ay ipinauubaya namin sa mga pinuno. Itakda ninyo ang kanya-kanyang araw saka ipatawag ng mga hukom ng bawat bayan ang lahat ng may asawang hindi kalahi. Gawin natin ito hanggang sa mapawi ang poot sa atin ng Diyos.'"
10:15 Tinutulan ito nina Jonatan na anak ni Asael at Jahazias na anak ni Ticva ngunit sinang-ayunan nina Mesullam at Sabetai na Levita.
10:16 Ginawa nga nila ang ayon sa napagkaisahan. Si Esdras ay pumili ng mga katulong niya, mga pinuno ng kani-kanilang sambahayan at sinimulang siyasatin ang mga bagay na ito noong unang araw ng ikasampung buwan.
10:17 Sa unang araw ng unang buwan, natapos nilang siyasatin ang lahat ng nakapangasawa ng mga babaing di nila kalahi.
10:18 Sa mga anak ng saserdote, ito ang nakita nilang nag-asawa ng di kalahi: sina Maasias, Eliezer, Jarib, at Gedelias; sa angkan ni Jesua ay si Josadac at ang mga anak nito.
10:19 Ipinangako ng mga ito na hihiwalayan ang napangasawa nilang hindi kalahi at sila'y naghandog ng isang tupa para sa kanilang kasalanan.
10:20 Sa angkan ni Imer ay sina Hanani at Zebadias;
10:21 sa angkan ni Harim ay sina Maasias, Elias, Semaya, Jehiel, at Uzias;
10:22 sa angkan ni Pasur ay sina Elioenai, Maasias, Ismael, Nataniel, Josabad, at Elasa.
10:23 Sa mga Levita, ito ang nag-asawa ng di kalahi: sina Jozabad, Simei, Kelaya (samakatuwid ay Kelita), Petahias, Juda, at Eliezer;
10:24 sa mga mang-aawit ay si Eliasib, at sa mga bantay sa pinto ay sina Sallum, Telem, at Uri.
10:25 Sa mga karaniwang mamamayan, ito naman ang nag-asawa ng di kalahi: sa sambahayan ni Paros ay sina Ramia, Izias, Malquias, Miamin, Eleazar, Malquia, at Benaya;
10:26 sa sambahayan ni Elam ay sina Matanias, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias;
10:27 sa sambahayan ni Zatu ay sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Asisa;
10:28 sa sambahayan ni Bebai ay sina Johanan, Hananias, Zabai, at Atlai;
10:29 sa sambahayan ni Bani ay sina Mesullam, Malluc, Adaya, Jasub, Seal, at Ramot;
10:30 sa sambahayan ni Pahat-moab ay sina Adna, Kelal, Benaya, Maasias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases;
10:31 sa sambahayan ni Harim ay sina Eliezer, Isiya, Malquias, Semaya, at Simeon,
10:32 Benjamin, Malluc, at Semarias;
10:33 sa sambahayan ni Hasum ay sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei;
10:34 sa sambahayan ni Bani ay sina Madai, Amram, at Uel;
10:35 Benaya, Bedias, Keluhu;
10:36 Vanias, Meremot, Eliasib;
10:37 Matanias, Matenai at Jaasai;
10:38 sa sambahayan ni Binui ay sina Simei,
10:39 Selemias, Natan, Adaya;
10:40 Macnadvai, Sasai, Sarai;
10:41 Azarel, Selemias, Semarias,
10:42 Sallum, Amarias, at Jose;
10:43 sa sambahayan ni Nebo: Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaya.
10:44 Silang lahat ay nakapangasawa ng di kalahi, at humiwalay sa kani-kanilang asawa at mga anak.
|