|
24. Jeremias
1:1 ( Ang Pagtawag at Pagsusugo kay Jeremias ) Ang aklat na ito ay sulat ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilcias at isang saserdote sa Anatot, sa lupain ng lipi ni Benjamin.
1:2 Kinausap siya ni Yahweh noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Haring Josias, anak ni Haring Amon.
1:3 Muli siyang kinausap ni Yahweh nang ang hari nama'y si Joaquim na anak ni Josias. Makailang beses pa siyang kinausap pagkaraan noon hanggang sa ang mga taga-Jerusalem ay mabihag at mapatapon sa ibang bansa. Naganap ito noong ika-5 buwan ng ika-11 taon ng paghahari ni Sedequias na anak din ni Josias.
1:4 Sinabi sa akin ni Yahweh,
1:5 '"Pinili na kita bago ka ipinaglihi upang maging propeta sa lahat ng bansa.' "
1:6 "Sinabi ko naman, 'Yahweh, hindi po ako marunong magsalita; bata pa po ako.' "
1:7 "Subalit sinabi niya sa akin, 'Huwag mong sabihing bata ka. Sinusugo kita kaya't humayo ka. Ipahayag mo sa lahat ang aking iuutos sa iyo."
1:8 "Huwag mo silang katatakutan pagkat ako'y sasaiyo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.' "
1:9 "Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang bisig, hinipo ang mga labi ko, at sinabi, 'Hayan, ibinibigay ko sa iyo ang dapat mong sabihin."
1:10 "Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihan sa mga bansa't mga kaharian, sila'y bunutin at ibagsak, lipulin at iwasak, ibangon at itatag.' ( Dalawang Pangitain )"
1:11 "At tinanong ako ni Yahweh, 'Jeremias, ano ang nakikita mo?' 'Sanga po ng almendra,' sagot ko. "
1:12 '"Tama,' sabi ni Yahweh, 'at ako'y magbabantay{ a} pagkat ibig kong matiyak na magaganap nga ang aking sinalita.' "
1:13 "Muli akong tinanong ni Yahweh, 'Ano pa ang nakikita mo?' Sumagot ako, 'Nakikita ko po sa gawing hilaga ang isang kalderong kumukulo ang laman. Halos tumagilid na sa gawing ito.' "
1:14 "At sinabi niya sa akin, 'Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang sakunang magmumula sa hilaga."
1:15 Pakinggan mo ito: Tinatawagan ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang mga hari nila'y maglalagay ng kani-kanilang luklukan sa harap ng pintuan ng Jerusalem at sa paligid ng muog nito. Gayon din ang gagawin nila sa ibang mga lunsod ng Juda.
1:16 Sa gayong paraan, parurusahan ko ang mga lunsod na iyon dahil sa pagtalikod nila sa akin. Sila'y nagsunog ng kamanyang patungkol sa ibang mga diyos, at sumamba sa mga diyus-diyusang sila na rin ang gumawa.
1:17 Magpakatapang ka; humayo ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila ngayon. Pag hindi ka sumunod sa akin, lalo kang matatakot kung naroon ka na sa kalagitnaan nila.
1:18 "Pakinggan mong mabuti ito, Jeremias! Ang bawat isa sa lupaing ito---ang mga hari ng Juda, ang mga pinuno, ang mga saserdote, at ang buong bayan---ay sasalungat sa iyo. Ngunit gagawin kitang sintibay ng isang lunsod na naliligid ng mga muog, sintatag ng haliging bakal, o pader na tanso. Hindi ka nila matatalo sapagkat ako ang mag-iingat sa iyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.'"
1:19 (*papuloy)
2:1 ( Ang Pagkalinga ng Diyos sa Israel ) Sinabi sa akin ni Yahweh
2:2 "na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon: 'Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa, Mahal na mahal mo ako nang tayo'y bagong kasal; Sinundan mo ako sa gitna ng disyerto, sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman. "
2:3 "Israel, ikaw'y akin lamang, Ikaw ang pinakamainam na bahagi ng aking ani; Pinahirapan ko ang lahat ng nanakit sa iyo, Pinadalhan ko sila ng mga kaguluhan. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.' ( Ang Kasalanan ng mga Magulang ni Israel )"
2:4 Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, mga anak ni Jacob, sambahayan ni Israel.
2:5 "Sinasabi ni Yahweh: 'Ano ba ang nagawa kong kamalian at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang? Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyusan kaya sila'y naging walang kabuluhan din. "
2:6 Hindi nila ako naalaala gayong ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto; Pinatnubayan ko sila sa mahabang disyerto, sa mga lupaing baku-bako't maburol, Sa mapanganib at mapanglaw na dakong walang nagdaraan at nananahan.
2:7 Dinala ko sila sa isang lupaing masagana upang tamasahin nila ang kayamanan niyon. Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain.
2:8 Di man lamang nagtatanong ang mga saserdote, 'Nahan na ngayon ang ating si Yahweh?' Di ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan, Hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno; Nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal, Sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyusan. ( Sinumbatan ni Yahweh ang Kanyang Bayan )
2:9 '"Kaya, susumbatan ko ang aking bayan at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan. "
2:10 Tumawid kang pakanluran hanggang Chipre, at pumunta kang pasilangan hanggang Cedar; Tingnan mo kung may nangyaring tulad nito kailanman.
2:11 Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos, kahit na ang mga yaon ay hindi tunay? Ngunit pinalitan ako ng bayan ko, ako na naghatid sa kanila ng karangalan, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyusang di naman makatutulong sa kanila.
2:12 Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan, manggilalas kayo at manghilakbot; Akong si Yahweh ang nagsasalita.
2:13 "Dalawa ang kasalanan ng aking bayan: Tinalikdan nila ako, akong bukal ng tunay na buhay, at humukay sila ng sariling balon, mga balong walang maibibigay na tubig.' ( Ang Ibinunga ng Pagtataksil ng Israel )"
2:14 '"Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang. Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway? "
2:15 Sila'y parang mga leong umaatungal habang nilalapa ang Israel. Winasak nila ang kanyang mga lupain; iginiba ang kanyang mga lunsod kaya't wala ngayong tumatahan doon.
2:16 Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo.
2:17 Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo! Tinalikdan mo ako na iyong Diyos, Akong si Yahweh na umakay sa iyo sa iyong mga paglalakbay.
2:18 Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto? Ang makainom ka ng tubig sa Ilog Nilo? Ano ang inaasam mong makamit sa Asiria? Ang makainom mula sa Ilog Eufrates?
2:19 "Parurusahan ka ng sarili mong kasamaan; Ipapahamak ka ng iyong pagtataksil. Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap ang tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos, at mawalan ng takot sa kanya. Ako ang may pahayag nito, ang Diyos na Makapangyarihan.' ( Ayaw Sumamba kay Yahweh ang Israel )"
2:20 '"Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel, at ako'y ayaw mong sundin sapagkat ang sabi mo, 'Hindi ako maglilingkod.' Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol, at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy, ikaw ay sumamba, gaya ng babaing haliparot. "
2:21 Maganda ka noon nang aking itanim, tulad ng malusog na binhi ng piling ubas. Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo! Para kang ubas na ligaw, maasim ang bunga at walang pakinabang!
2:22 Maghugas ka man nang maghugas, at kahit gumamit ka pa ng maraming lihiya at sabon, Mananatili ang mantsa ng iyong kasalanan; Yao'y di mo maitatago sa akin, Akong si Yahweh ang nagsasalita.
2:23 Masasabi mo bang hindi ka narumhan, at hindi ka sumamba sa diyus-diyusang si Baal? Napakalaki ng iyong kasalanan na ginawa mo roon sa lambak. Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan, na sa pagtakbo ay nagdadadamba.
2:24 Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang nais; walang makapigil pag nasa'y nag-init. Di na dapat maghirap ang lalaking asno; ikaw'y nakahanda sa lahat ng oras.
2:25 Israel, huwag mong bayaan na ikaw'y magyapak o manuyo ang lalamunan at mamalat. Ngunit ang tugon mo, 'Ano pa ang kabuluhan? Mahal ko ang ibang mga diyos, at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.' ( Nararapat Parusahan ang Israel )
2:26 '"Pag nahuli ang magnanakaw, siya'y napapahiya. Ikaw man, Israel, ay mapapahiyang gaya niya; kayong lahat, mga hari't prinsipeng maharlika, mga saserdote at mga propeta."
2:27 Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, 'Ikaw ang aking ama,' at sa bato, 'Ikaw ang aking ina.' Mangyayari ito pagkat ako'y itinakwil ninyo, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo ay naghihirap, hinihiling ninyo sa akin na iligtas ko kayo.
2:28 '"Nahan ang mga diyus-diyusang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos."
2:29 Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang sumbong ninyo laban sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako!
2:30 Kayo'y aking pinarusahan, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta.
2:31 Mataman ninyong pakinggan ang mga sinasabi ko. Kayo na ang magsabi, wala ba kayong pinakinabang sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa? Bakit sinasabi ninyo na inyong gagawin ang maibigan, at hindi na kayo lalapit sa akin?
2:32 Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga hiyas, o ng babaing ikakasal ang kanyang igagayak? Subalit ako'y nalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon.
2:33 Alam mo kung paanong aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan.
2:34 Ang kasuutan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong di kailanman pumasok sa iyong tahanan. Gayunman, ang sabi mo'y
2:35 'Wala akong kasalanan; hindi na galit sa akin si Yahweh.' Datapwat akong si Yahweh ang magpaparusa sa iyo sapagkat sinasabi mong di ka nagkasala.
2:36 Bakit kay dali mong magpalit ng kaibigan? Bibiguin ka ng Egipto, tulad ng ginawa sa iyo ng Asiria.
2:37 "Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang pagkapahiya. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagtiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.'"
3:1 ( Ang Taksil na Israel ) "Sinabi ni Yahweh: 'Pag ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa sa ibang lalaki, hindi na siya tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin!"
3:2 Tumingin ka sa taluktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing haliparot na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabeng nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nasalaula.
3:3 Para kang patutot, wala ka nang kahihiyan. Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at di pumatak kahit sa panahon ng tagsibol.
3:4 At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na iniibig sa mula't mula pa,
3:5 "at hindi magtatagal ang galit ko sa iyo. Mabuti ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.' ( Kailangang Magsisi ang Israel at ang Juda )"
3:6 "Nang panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: 'Nakita mo ba ang ginawa ng Israel? Daig pa niya ang patutot! Umakyat siya sa bawat burol at nakipagtalik sa ilalim ng bawat mayabong na punongkahoy."
3:7 Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at nakita ng kapatid niyang si Juda ang bagay na ito.
3:8 Nakita ng Juda ang nangyari: Pinalayas ko at hiniwalayan ang Israel dahil sa kanyang pagtataksil at pagiging patutot. At di man lamang natakot ang taksil ding si Juda. Naging patutot din siya.
3:9 Ito'y hindi niya ikinabahala, bagkus dinumhan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy.
3:10 "At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari siyang nanunumbalik sa akin ngunit hindi taos-puso ang ginawa niyang pagbabalik. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.' "
3:11 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na bagaman tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng Juda.
3:12 "Inatasan niya akong magpunta sa hilaga upang sabihin sa Israel, 'Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan pagkat ako'y maawain. Hindi magtatagal ang galit ko."
3:13 Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sa ilalim ng bawat punongkahoy ay ipahayag mo na nakipag-ibigan ka sa kahit sinong diyos at di ka tumalima sa mga utos ko.
3:14 '"Magbalik kayo sa akin, kayong mga nagtaksil, pagkat ako ang inyong Panginoon,' wika pa ni Yahweh. 'Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Sion."
3:15 Bibigyan ko kayo ng mga pinunong tatalima sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa.
3:16 At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito kakailanganin ni iisipin o gugunitain. At hindi na rin sila gagawa ng ibang kaban.
3:17 Pag sumapit na ang panahong iyon, ang Jerusalem ay tatawaging Luklukan ni Yahweh. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang parangalan ako. Hindi na nila gagawin ang balang maibigan.
3:18 "Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasamang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno, upang maging kanila magpakailanman.' ( Sumamba sa Diyus-diyusan ang Israel )"
3:19 "Sinabi ni Yahweh, 'Itinuring kitang anak, Israel, at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat, Pagkat inakala kong kikilanlin mo akong ama, at di ka na tatalikod sa akin. "
3:20 "Ngunit gaya ng taksil na asawa, ikaw ay tumalikod sa akin.' "
3:21 May narinig na ingay sa mga kaburulan. Nananangis ang mga taga-Israel dahil sa mabigat nilang kasalanan; Kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos.
3:22 '"Manumbalik kayo,' sabi ni Yahweh, 'kayo'y pinatatawad ko na sa inyong kataksilan.' Sabihin ninyo: 'Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos!"
3:23 Walang maitutulong sa amin ang mga diyus-diyusang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang ang aming Diyos, ang tunay na makatutulong sa Israel.
3:24 Dahil sa aming pagsamba kay Baal ay nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga ninuno, mula pa sa aming kamusmusan---ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan.
3:25 "Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga ninuno. Mula sa pagkabata, hindi namin dininig ang kanyang tinig.'"
4:1 ( Isang Panawagan Upang Magsisi ) "Ganito ang sabi ni Yahweh: 'Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik, sa akin kayo lumapit. Ang mga diyus-diyusan ay inyong itakwil, at mamalagi kayong tapat sa akin."
4:2 "Kung magkagayon, magiging totoo at makatwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin nila ako.' "
4:3 "Ganito naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem: 'Bungkalin ninyo ang lupa na malaon nang di tinatamnan; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan."
4:4 "Tupdin ninyo ang inyong tipan, at italaga sa paglilingkod sa akin ang inyong buhay. Kung hindi, mag-aalab ang poot ko dahil sa inyong di masugpong kasamaan.' ( Binantaang Sakupin ang Juda )"
4:5 "Sa buong lupai'y hipan ang pakakak! Isigaw nang malinaw at malakas: 'Mga taga-Juda at taga-Jerusalem, magtago kayo sa muog ng inyong mga lunsod.' "
4:6 Ituro ang daang patungo sa Sion! Magkubli na kayo! Huwag magpaliban! Mula sa hilaga'y pararatingin ni Yahweh ang lagim at pagkawasak.
4:7 Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa. Lumakad na siya upang wasaking ganap ang Juda. Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat at wala nang maninirahan doon.
4:8 "Magsuot kayo ng damit na magaspang, lumuha kayo at manambitan, pagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y di nababawasan.' "
4:9 "Sinabi rin ni Yahweh, 'Sa araw na yaon, masisiraan ng loob ang mga hari, matatakot ang mga punong-bayan, ang mga saserdote'y masisindak, at magugulat ang mga propeta.' "
4:10 "At sinabi ko, 'Yahweh! Nilinlang ninyo ang taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.' "
4:11 "Dumating na ang panahon na sasabihin sa taga-Jerusalem: 'Humihihip mula sa disyerto ang nakapapasong hangin patungo sa bayan ko. Ito'y hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan."
4:12 "Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.' ( Napaligiran ng mga Kaaway ang Juda )"
4:13 Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang sasakyang pandigma; mabilis pa sa agila ang mga kabayo. Tayo'y nanganganib! Ito na ang wakas!
4:14 Talikdan mo, Jerusalem, ang iyong kasalanan, upang magkamit ka ng kaligtasan. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama?
4:15 Isang sugo mula sa Dan at tagapagbalitang taga-kabundukan ng Efraim ang nagpapahayag ng malagim na balita.
4:16 "Magbabala sa mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: 'Dumarating na ang kaaway mula sa malayong lupain, at umaalingawngaw ang kanilang sigaw-pandigma laban sa mga lunsod ng Juda!'"
4:17 Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga tanod; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh.
4:18 Ikaw rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo. Ito'y bunga ng mga kasalanan mo. At madarama ng iyong buong katawan ang hirap ng parusang iyan. ( Nagdalamhati si Jeremias Dahil sa Kanyang mga Kababayan )
4:19 Ang kirot ay di ko halos matagalan! Kumakaba ang aking dibdib! Hindi ako mapalagay; Ang mga trompeta at ang sigaw ng digma'y siya kong naririnig.
4:20 Sunud-sunod ang kapahamakang dumarating sa bayan. Ang mga tolda ay biglang bumagsak at napunit ang mga tabing.
4:21 Hanggang kailan magtatagal ang paghahamok at maririnig ang tunog ng trompeta?
4:22 "At sinabi ni Yahweh, 'Nagpakamangmang ang aking bayan; hindi nila ako nakikilala. Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa. Sanay sila sa paggawa ng masama Ngunit hindi marunong gumawa ng matuwid.' ( Ang Pangitain ni Jeremias Tungkol sa Darating na Pagkawasak )"
4:23 Pagkatapos ay tiningnan ko ang sanlibutan; wala itong hugis o anumang kaanyuan, at sa langit ay walang anumang tanglaw.
4:24 Tumingin ako sa mga bundok at mga burol; ang mga ito'y parang nililindol.
4:25 Walang tao roon, wala kahit isa; pati mga ibon ay nagliparan na.
4:26 Ang masaganang kabukiran ay naging ilang; wasak ang mga lunsod dahil sa matinding poot ng Diyos. (
4:27 "Sinabi ni Yahweh: 'Masasalanta ang lupain ngunit di ko lubusang wawasakin.') "
4:28 Tatangis ang sanlibutan, magdidilim ang kalangitan. Sinabi ni Yahweh ang ganito at ang isip niya'y di magbabago. Nakapagpasiya na siya at di na mag-iiba pa.
4:29 Sa yabag ng mangangabayo't mamamana, magtatakbuhan ang lahat; ang ilan ay magtutungo sa gubat; sa kabatuhan naman aakyat ang iba. Lilisanin ng lahat ang kabayanan, at walang matitira isa man.
4:30 Jerusalem, ikaw'y hinatulan na! Bakit nakadamit ka pa ng purpura? Ano't nagsusuot ka pa ng mga hiyas, at ang mga mata mo'y may pintang pamparilag? Pagpapaganda mo'y wala nang saysay! Iniwan ka na ng iyong mga kasintahan; balak pa nilang ikaw ay patayin.
4:31 "Narinig ko ang pagdaing, gaya ng babaing nanganganay. Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem: 'Ito na ang wakas ko, hayan na sila upang patayin ako!'"
5:1 ( Ang Kasalanan ng Jerusalem ) Mga taga-Jerusalem, magmasid-masid kayo. Libutin ninyo ang mga lansangan at buong paligid. Maghanap kayo sa mga pamilihan kung mayroon kayong masusumpungang isa mang taong tapat at makatarungan. Kung magkagayon, patatawarin ni Yahweh ang Jerusalem.
5:2 Nanunumpa nga kayo sa pangalan ni Yahweh, ngunit ang inyong sinasabi'y di taos sa inyong puso.
5:3 Hinahanap ni Yahweh ang katapatan. Nang kayo'y parusahan niya, di ninyo pinansin ang kirot; pinarusahan na niya kayo ngunit hindi pa kayo nagbago. Hindi rin ninyo tinalikdan ang inyong mga kasalanan; talagang matitigas ang inyong ulo.
5:4 "At aking naisip, 'Mga walang muwang lamang ang napagsabihan ko. Gumagawa sila ng kamangmangan sapagkat ang kalooban ni Yahweh ay hindi nila alam, at di rin alintana ang kanyang mga utos. "
5:5 "Pupuntahan ko ang mga maykapangyarihan, at sila ang aking pangungusapan. Natitiyak kong alam nila ang kalooban ni Yahweh; batid nila ang ipinag-uutos ng Diyos. Ngunit pati ang mga ito'y naging suwail at ayaw nilang magsisi at magbalik-loob.' "
5:6 Dahil dito, sila'y papatayin ng mga leon mula sa gubat. Lalabas mula sa ilang ang mga asong-gubat at sila'y sisilain. Maglilibot sa kanilang lunsod ang mga leopardo upang lurayin ang sinumang makita. Sapagkat napakarami na ng kanilang pagkakasala At maraming ulit na nilang tinalikdan ang Diyos.
5:7 "Ang tanong pa ni Yahweh: 'Bakit ko pa kayo patatawarin? Pati ang inyong mga anak ay nagtaksil sa akin at sumamba sa mga diyus-diyusan. Pinakain ko ang aking bayan hanggang sa mabusog, ngunit sila ay nangalunya, at ginugol ang panahon sa mga patutot. "
5:8 Para silang mga kabayong potro, nagpupumiglas dahil sa matinding nasa.
5:9 Di ba marapat na parusahan ko sila? Di ba dapat kong pagdusahin ang bansang ganito?
5:10 Aatasan ko ang kanilang mga kaaway na sirain ang ubasan nila, subalit huwag naman silang pupuksaing lubusan. Hahayaan kong putulin ang kanilang mga sanga, sapagkat ang mga ito'y hiwalay na sa akin.
5:11 "Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda, kayo'y pare-parehong nagtaksil sa akin. Akong si Yahweh ang nagsasalita.' ( Itinakwil ni Yahweh ang Israel )"
5:12 "Si Yahweh'y itinakwil ng kanyang bayan. 'Wala naman siyang magagawa!' sabi nila. 'Hindi kami daranas ng kahirapan; walang digma o taggutom man."
5:13 "Ang mga propeta'y walang kabuluhan; hindi talagang buhat kay Yahweh ang ipinahahayag nila.' Ganito naman ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan: 'Ito ang mangyayari sa mga taong iyan dahil sa kalapastanganang sinabi nila. Ang aking salitang mamumutawi sa iyong bibig ay magiging parang apoy. At sila'y parang tuyong kahoy na tutupukin nito.' "
5:14 (*papuloy)
5:15 Mga taga-Israel, papayagan ni Yahweh na salakayin kayo ng isang bansang buhat sa malayo, isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo nauunawaan. Ito'y sinalita na ni Yahweh.
5:16 Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana.
5:17 Lalamunin nila ang inyong pananim at mga pagkain. Papatayin nila ang mga anak ninyo. Uubusin nila ang inyong mga kawan at bakahan, ang bunga ng inyong mga igos at mga ubasan. Wawasakin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinanganganlungan ninyo.
5:18 '"Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon."
5:19 "Kung sila'y magtanong sa iyo, Jeremias, bakit ko ginawa ang lahat ng ito, sabihin mo: 'Pagkat tinalikdan ninyo si Yahweh at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos samantalang nasa sariling lupain; gayon kayo maglilingkod sa mga dayuhan sa isang lupaing hindi inyo.'' ( Nagbabala ang Diyos sa Kanyang Bayan )"
5:20 Sabihin mo sa mga inapo ni Jacob; sabihin mo sa mga taga-Juda:
5:21 '"Makinig kayo, mga mangmang na may mga mata ngunit di makakita, may mga tainga ngunit di makarinig."
5:22 Bakit di kayo matakot at manginig sa harapan ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, palagiang hangganan at di mababagtas. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makalalampas dito.
5:23 Subalit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikdan ninyo ako at nilayuan.
5:24 Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit ng panahon ng pag-aani taun-taon.
5:25 Nahahadlangan ng inyong kasamaan ang mabubuting bagay, at dahil sa inyong kasalana'y hindi ninyo ito nakamtan.
5:26 '"Tumira sa aking bayan ang masasama't liko; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang kaibhan lamang, ang binibitag nila'y mga tao."
5:27 Kung paanong pinupuno ng isang mangangaso ang kanyang hawla ng huli niyang mga ibon, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya sila mabibilis yumaman at nasa kanila pa rin ang kapangyarihan.
5:28 Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Ang mga ulila'y inaapi nila at di makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi pantay ang pakikitungo nila sa mga kaawa-awa.
5:29 '"Dahil dito'y parurusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasalita."
5:30 Nakapangingilabot, kahambal-hambal ang nangyari sa buong lupain.
5:31 "Ang mga propeta'y pawang mga sinungaling; nananaig ang kapangyarihan ng mga saserdote, at ito naman ang nais ng nakararami. Subalit ano ang gagawin ninyo pag nagwakas ang lahat?'"
6:1 ( Pinaligiran ng mga Kaaway ang Jerusalem ) Mga taga-Benjamin, tumakas kayo! Lisanin ninyo ang Jerusalem! Hipan ang trompeta sa buong Tecoa, at ibigay ang hudyat sa Bet-hacarem. Pagkat dumarating mula sa hilaga ang isang malaking sakuna, marami ang mawawasak at mapapahamak.
6:2 Lunsod ng Sion, ikaw ay tulad ng magandang pastulan.
6:3 Ngunit pupuntahan ka ng mga hari{ a} at hihimpil sa iyo ang kanilang mga hukbo.{ b} Paliligiran ka ng mga tolda nila at kukunin ang bawat maibigan.
6:4 "Sasabihin nila, 'Sasalakayin natin ang Jerusalem! Humanda kayo! Pag tumanghali'y atin nang salakayin!' Ngunit sasabihin nila pagkatapos, 'Huli na tayo! Lumulubog na ang araw at unti-unti nang dumidilim."
6:5 "Subalit humanda rin kayo! Ngayong gabi tayo lulusob, at wawasakin natin ang kanyang mga kuta.' "
6:6 "Inutusan na ni Yahweh ang mga haring ito upang pumutol ng mga punongkahoy at magbunton ng lupa na magiging kublihan nila sapagkat ang Jerusalem ay sasalakayin nila. Kanya nang sinabi, 'Parurusahan ko ang lunsod na ito sapagkat naghahari rito ang pang-aapi."
6:7 Patuloy ang paglaganap ng kasamaan sa Jerusalem, tulad ng pagbalong ng tubig sa balon. Karahasan at pagkawasak ang nababalita; karamdaman at mga sugat ang aking nakikita sa paligid.
6:8 "Mga taga-Jerusalem, ito'y magsilbing babala sa inyo. Pag di kayo nakinig, iiwan ko kayo. Ang inyong lunsod ay gagawin kong ilang, isang pook na walang maninirahan.' ( Mapaghimagsik ang Israel )"
6:9 "Sinabi sa akin ni Yahweh: 'Hahawanin ang Israel katulad ng isang ubasan; wala isa mang maiiwan. Kaya't tipunin mo ang lahat ng maaari mong iligtas, habang may panahon pa.' "
6:10 "Tumugon naman ako, 'Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y babalaan ko't kausapin? Pinid ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang pahayag ko at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko."
6:11 "Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang pigilan.' At sinabi sa akin ni Yahweh, 'Ibuhos mo ang poot ko sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga may-asawa, pati yaong matatanda na."
6:12 Ibibigay sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito'y parurusahan ko.
6:13 Gahaman at sakim ang lahat, dakila't hamak; pati ang mga saserdote at propeta ay magdaraya.
6:14 Hindi nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; anila, 'Payapa na,' ngunit wala namang katiwasayan.
6:15 "Nahihiya baga sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak, katulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, pag sila'y aking pinarusahan, akong si Yahweh ang nagsabi nito.' ( Tinanggihan ng Israel ang Paraan ng Diyos )"
6:16 "Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan: 'Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang dating landas, alamin kung nasaan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.' Subalit ang sabi nila, 'Ayaw naming dumaan doon.'"
6:17 "Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trompeta. Ngunit sabi nila, 'Hindi namin iyon pakikinggan.' "
6:18 "Dahil dito, sinabi ni Yahweh: 'Makinig kayo, mga bansa, nang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan."
6:19 Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak at iyon ang nararapat sa kanila, pagkat hindi nila tinalima ang mga salita ko, bagkus itinakwil nila ang aking kautusan.
6:20 "Walang halaga sa akin ang kamanyang kahit na galing pa iyon sa Seba. Hindi ko rin kailangan ang mga pabango mula sa malalayong lupain. Ang handog nila'y di ko tatanggapin. Hindi ako nalulugod sa kanilang mga hain.'"
6:21 "Sabi pa ni Yahweh: 'Maglalagay ako ng katitisuran nila, at silang lahat ay madarapa. Mamamatay ang mga ama't mga anak, gayon din ang mga kaibigan at kapitbahay.' ( Paglusob ng mga Taga-Hilaga )"
6:22 "Sinasabi ni Yahweh: 'May magmumula sa lupain sa gawing hilaga; isang malakas na bansang taga-malayo ang maghahanda sa pakikidigma."
6:23 "Mga pana't tabak ang kanilang sandata, sila'y malulupit at walang-habag. Pagsakay nila sa kanilang mga kabayo, ang katulad nila'y dagat na nagngangalit. Handa na nilang salakayin ang Sion.' "
6:24 "Sabi naman ng mga taga-Jerusalem: 'Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak."
6:25 "Ayaw na naming lumabas sa parang o lumakad kaya sa mga daan, pagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang naghahari sa aming lahat.' "
6:26 "Sinasabi nga ni Yahweh: 'Kung gayon, magsuot kayo ng damit na magaspang, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong kapaitan, tulad ng nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo!"
6:27 Jeremias, gaya ng pagsuri sa bakal, ang aking bayan ay subukin mo, nang malaman ang uri ng kanilang pagkatao.
6:28 Silang lahat ay mapaghimagsik, masasama, walang inaatupag kundi ang magkalat ng usap. Sintigas ng tanso at bakal ang kanilang kalooban, ngunit pawang kabulukan naman ang ginagawa nila.
6:29 Ang pugon ay nag-iinit na mainam at naubos na sa apoy ang tingga, ngunit hindi pa rin matunaw ang dumi ng pilak. Hindi na dapat ipagpatuloy ang pagdalisay sa aking bayan sapagkat hindi rin lamang maihihiwalay ang masasama.
6:30 "Tatawagin silang pilak na patapon pagkat akong si Yahweh ang nagtakwil sa kanila.'"
7:1 ( Si Jeremias ay Nangaral sa Templo ) "Pinapunta ni Yahweh si Jeremias sa pintuan ng Templo, at ipinasabi ang ganito, 'Makinig kayo, mga taga-Juda na nagkakatipon dito upang sumamba kay Yahweh."
7:2 (*papuloy)
7:3 Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at kayo'y papayagan niyang manatili rito.
7:4 Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: 'Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!' Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan.
7:5 '"Magbagong-buhay na kayo. Maging makatarungan kayo sa isa't isa."
7:6 Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa pook na ito, sapagkat ito'y banal. Talikdan na ninyo ang mga diyus-diyusan, pagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan.
7:7 Kapag sinunod ninyo ito, mananatili kayo sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga ninuno upang maging tirahan ninyo magpakailanman.
7:8 '"Bakit ninyo paniniwalaan ang mga salitang walang kabuluhan?"
7:9 Kayo'y nagnanakaw, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa di katotohanan, naghahain kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyusang hindi ninyo nakikilala.
7:10 Ang kinamumuhian ko'y siya ninyong ginagawa; pagkatapos, pumaparito kayo sa aking Templo at sinasabi ninyo, 'Ligtas kami rito!'
7:11 Bakit? Ang akin bang Templo'y taguan ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.
7:12 Pumunta kayo sa Siloe, ang pook na una kong pinili upang ako'y doon ninyo sambahin. Makikita ninyo ang ginawa ko sa pook na iyon dahil sa kasalanan ng aking bayang Israel.
7:13 At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw kayong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan.
7:14 Kaya naman, ang ginawa ko sa Siloe ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtitiwalaan. Wawasakin ko ang pook na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno, gaya ng ginawa ko sa Siloe.
7:15 Palalayasin ko kayo, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, ang angkan ni Efraim. ( Ang Pagsuway ng mga Tao )
7:16 '"Huwag mong ipanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang manangis para sa kanila sapagkat hindi kita pakikinggan."
7:17 Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem.
7:18 Nangunguha ng panggatong na kahoy ang mga anak nila, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyusang tinatawag nilang Reyna ng Kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang kalooban ko.
7:19 Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan.
7:20 Kaya nga, ibubuhos ko sa pook na ito ang aking matinding poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makapapatay.
7:21 '"Mabuti pa'y kainin na lamang ninyo ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito."
7:22 Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga ninuno, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog.
7:23 Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang Diyos nila. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at sila'y mapapanuto.
7:24 Ngunit hindi sila tumalima; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang balang maibigan at lubusang nagpakasama, sa halip na magpakabuti.
7:25 Mula nang lumabas sa Egipto ang inyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagsugo ng aking mga alipin, ang mga propeta.
7:26 Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno.
7:27 '"Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin."
7:28 "Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: 'Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at di man lamang nababanggit.'' ( Ang mga Kasamaang Ginagawa sa Lambak ng Hinom )"
7:29 '"Manangis kayo, mga taga-Jerusalem; Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon sa malayo. Manambitan kayo sa ibabaw ng mga burol, sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh ang mga taong kanyang kinapopootan. "
7:30 '"Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyusang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang tahanan ko. Akong si Yahweh ang nagsasalita."
7:31 Sa Lambak ng Hinom ay gumawa sila ng dambana at tinawag nilang Tofet. Nagsusunog sila roon ng kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi ko man lamang ito naisip.
7:32 Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet. Ang lugar na iyon ay hindi na rin tatawaging Lambak ng Hinom kundi Lambak ng Patayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan.
7:33 Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila.
7:34 At sasalantain ko ang buong lupain hanggang maging isang ilang. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga bagong kasal.
8:1 '"Pagdating ng panahong iyon,' sabi pa ni Yahweh, 'ang mga kalansay ng mga hari, mga pinuno sa Juda, mga saserdote, mga propeta, at iba pang nanirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan."
8:2 Mabibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa.
8:3 Para sa mga nalabi sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila, matamis pa ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito. ( Ang Kasalanan at ang Kaparusahan )
8:4 '"Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang sinuman, di ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw ng daan, di ba muling nagbabalik?"
8:5 Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo? Bakit lagi ninyo akong tinatalikuran? Bakit hindi ninyo maiwan ang mga diyus-diyusan, at ayaw ninyong magbalik sa akin?
8:6 Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng tama. Ni isa'y walang nabagabag sa kanyang kasamaan. Wala mang nagtanong, 'Anong kasalanan ang nagawa ko?' Patuloy sa sarili niyang daan ang balana, gaya ng kabayong patungo sa digmaan.
8:7 Nalalaman ng ibong lumilipat ng pook kung kailan siya dapat magbalik; ang batu-bato, ang langaylangayan, at ang tagak ay nakaaalam ng mga takdang panaho't oras ng paglikas. Ngunit kayo, hindi ninyo nalalaman ang kautusan ko na dapat ninyong sundin.
8:8 Paano ninyo nasasabing, 'Kami'y matalino; nasa amin ang kautusan ni Yahweh'? Ang kautusan ay binago ng mga magdarayang eskriba.
8:9 Mapapahiya ang kanilang mga pantas; sila'y malilito at mabibigo. Pagkat tinanggihan nila ang salita ni Yahweh, anong karunungan ngayon ang taglay nila?
8:10 Ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; pati bukid nila ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o aba, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Nandadaya pati mga propeta at mga saserdote.
8:11 Walang kabuluhan sa kanila ang hirap ng aking bayan. Sinasabi nilang, 'Maayos ang lahat,' subalit walang kapayapaan.
8:12 Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Kaya nga, babagsak sila gaya ng iba. Sila'y malilipol pag ako ang nagparusa. Ito ang sabi ni Yahweh.
8:13 '"Lilipulin ko ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na ang mga luntiang dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.' "
8:14 '"Bakit tayo nakaupo at di kumikilos?' tanong nila. 'Halikayo, tayo'y magtago sa mga lunsod nating may kuta, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh upang mamatay. May lason ang tubig na ating iinumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya."
8:15 Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari, ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin.
8:16 "Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang singasing ng mga kabayo ng kaaway. Sa halinghing lamang ng kabayuhan, nanginginig na ang buong bansa. Sapagkat dumating na ang mga maninira sa lupain natin, magwawasak sa ating lunsod, at lilipol sa mga naninirahan doon.' "
8:17 '"Humanda kayo!' wika ni Yahweh. 'Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, at kayo'y tutuklawin.' ( Ang Kalungkutan ni Jeremias dahil sa Kanyang Bayan )"
8:18 Hindi mapapawi ang taglay kong kalungkutan; ako'y nakadarama ng matinding panlulumo.
8:19 "Pakinggan ninyo! Sa buong bayan ay naririnig ang panangisan, 'Wala na ba sa Sion si Yahweh? Wala na ba roon ang hari ng Sion?' At si Yahweh ay tumugon, 'Bakit ninyo ako ginagalit? Bakit kayo sumasamba sa mga diyus-diyusan na hindi ninyo kilala at wala namang kabuluhan?' "
8:20 "At sumigaw ang bayan: 'Dumaan na ang tag-araw, tapos na rin ang anihan, ngunit kami ay hindi naligtas!' "
8:21 Para akong dinagukan sa dibdib dahil sa hirap na sinapit ng bayan ko; ako'y nananangis; lubos akong nagugulumihanan.
8:22 Wala na bang anumang panlunas sa Galaad? Wala bang manggagamot diyan? Bakit hindi gumagaling ang bayan ko?
9:1 Maanong ang ulo ko'y naging balon ng tubig, at ang mga mata ko'y bukal ng luha, Upang may iluha ako maghapo't magdamag para sa mga kababayan kong nasawi.
9:2 Sana'y may mapagtaguan ako sa ilang, ibig ko munang lumayo sa aking bayan. Masasama silang lahat, isang pangkat ng mga taksil.
9:3 "Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan; kasamaan ang namamayani sa buong bayan. Ganito ang sabi ni Yahweh: 'Sunud-sunod na kasamaan ang ginagawa ng bayang ito, at ako'y hindi nila pansin.' "
9:4 Mag-ingat kayo kahit sa inyong kaibigan, huwag magtiwala kahit sa kapatid; sapagkat magdaraya ang bawat kapatid, kagaya ni Jacob, at bawat isa'y naninira sa kaibigan.
9:5 Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa, walang nagsasabi ng katotohanan; sanay sa pagsisinungaling ang kanilang dila, sila'y patuloy sa pagkakasala, at di nakakaisip magsisi.
9:6 Patung-patong na ang kanilang kasamaan, Walang patid ang mga pandaraya. Ayaw nilang kilanlin si Yahweh.
9:7 "Kaya ganito ang sabi ni Yahweh: 'Parurusahan ko ang bansang ito upang sila'y dalisayin. Sapagkat ano pa ang aking magagawa para sa bayan kong suwail? "
9:8 Parang makamandag na pana ang kanilang dila, pawang pandaraya ang kanilang sinasabi. Sa kanilang kapwa'y magandang mangusap, ngunit ang totoo, binibitag nila ito.
9:9 "Hindi ba nararapat na parusahan ko sila? Hindi ba dapat lang na paghigantihan ko ang bansang ito? Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.' "
9:10 "Ang wika ni Jeremias, 'Tatangisan ko ang mga bundok, at iiyakan ang mga pastulan; sapagkat natuyot ang kanilang mga damo, at wala nang nagdaraan doon. Hindi na naririnig ang unga ng mga baka; pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na rin.' "
9:11 "Sinasabi ni Yahweh: 'Ang Jerusalem ay wawasakin ko, Paguguhuin ko ang kanyang mga muog, at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat. Ang mga lunsod ng Juda'y magiging ilang, wala nang taong mananahan doon.' "
9:12 "At nagtanong si Jeremias, 'Yahweh, bakit po pawang kasiraan ang lupain, at tigang na gaya ng ilang? Ano't wala nang nagdaraan dito? Sinong marunong ang nakauunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?' "
9:13 "Tumugon si Yahweh, 'Ito'y nangyari sapagkat tinalikdan ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila tumalima sa akin."
9:14 Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyusang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang.
9:15 Kaya't ito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang kakainin nila at tubig na may lason ang kanilang iinumin.
9:16 "Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.' ( Napasasaklolo ang mga Taga-Jerusalem )"
9:17 "Ang sabi ni Yahweh: 'Mag-isip kayo! Tawagin ninyo ang mga tagaiyak, ang mga babaing sanay manambitan.' "
9:18 "Sabi naman ng mga tao, 'Pagmadaliin sila upang manambitan para sa atin, hanggang sa mangilid ang ating luha at mamugto sa pag-iyak ang ating mata.' "
9:19 "Dinggin mo ang panangisan sa Sion, 'Napariwara tayo! Napakalaking kahihiyan nito! Lisanin natin ang ating lupain; winasak na rin ang mga tahanan natin.' "
9:20 "Sinabi naman ni Jeremias, 'Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh, at dili-dilihin ang sinasabi niya. Turuan ninyong manambitan ang inyong mga anak na babae, gayon din ang kanilang mga kaibigan. "
9:21 Nakapasok na si Kamatayan sa ating mga tahanan, hanggang sa magagarang palasyo; pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan, at ang mga kabataang nasa pamilihan.
9:22 "Mangangalat sa lansangan ang mga bangkay, parang bunton ng dumi sa kabukiran, parang uhay na ginapas ng mga mang-aani at saka iniwang hindi inipon. Ito ang ipinasasabi sa akin ni Yahweh.' "
9:23 "Sinasabi ni Yahweh: 'Huwag ipaghambog ng pantas ang kanyang karunungan o ng malakas ang lakas na taglay niya ni ng mariwasa ang kanyang kayamanan. "
9:24 "Kung may ibig magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin, sapagkat ako, si Yahweh, ang gumagawa ng kabutihan, katarungan, at katwiran sa sanlibutan. Ito ang mga bagay na ibig ko. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.' "
9:25 "Sinabi pa ni Yahweh: 'Darating ang panahong parurusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi nababago;"
9:26 "ang taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab; lahat ng nananahan sa ilang at yaong nagpuputol ng kanilang buhok. Ang mga ito at lahat ng taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman tinuli na ayon sa laman.'"
10:1 ( Ang Pagsamba sa Diyus-diyusan at ang Tunay na Pagsamba ) Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinasasabi ni Yahweh.
10:2 "Aniya, 'Huwag ninyong tularan ang ginagawa ng ibang mga bansa. Huwag ding ikabahala ang nakikitang mga tanda sa langit na labis nilang ikinababalisa. "
10:3 Ang dinidiyos nila'y di maaasahan. Isang punongkahoy na pinutol sa gubat, nililok ng mga dalubhasang kamay,
10:4 at pinalamutihan ng ginto at pilak. Minartilyo at pinakuan upang hindi mabuwal.
10:5 "Ang mga diyus-diyusang ito'y animo panakot ng ibon sa gitna ng bukid, at hindi nakapagsasalita; pinapasan pa sila sa balikat pagkat hindi nakalalakad. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat di sila makagagawa ng masama, at wala ring maibibigay na mabuti.' "
10:6 Wala nang ibang gaya mo, Yahweh; ikaw ay makapangyarihan, walang kasindakila ang iyong pangalan.
10:7 Sino ang di matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa? At karapat-dapat lamang na ikaw'y katakutan. Kahit na piliin ang lahat ng pantas mula sa lahat ng bansa at kaharian, wala pa ring makatutulad sa iyo.
10:8 Manapa, sila'y pawang hangal at mangmang. May maituturo ba ang mga diyus-diyusang kahoy?
10:9 Ang kanilang diyus-diyusa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis, at ng gintong mula sa Ufaz, ginawa ng mga bihasang panday; pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at granate na hinabi ng mahuhusay na manghahabi.
10:10 Ngunit ikaw lamang, Yahweh, ang tunay na Diyos, ikaw ang Diyos na nabubuhay, ang Haring walang katapusan. Nayayanig ang sanlibutan kapag ikaw ay nagagalit, at walang bansang makatatagal sa tindi ng iyong poot. (
10:11 Sabihin ninyo sa mga diyus-diyusan na sila ay lilipulin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig.) ( Awit ng Pagpupuri sa Diyos )
10:12 Nilalang ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Nagkaroon ng sandaigdigan dahil sa kanyang karunungan, at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman.
10:13 Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan; nagagawa niyang magsama-sama ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa. Lakas niya ang nagpapakislap sa kidlat kung umuulan, at nagpapalabas sa hangin mula sa kublihan nito.
10:14 Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang; malalagay sa kahihiyan bawat panday sapagkat ang mga likha niyang diyus-diyusan ay di totoo---walang buhay.
10:15 Ang mga diyus-diyusan ay walang kabuluhan at karima-rimarim; wawasakin silang lahat ni Yahweh.
10:16 Datapwat hindi ganito ang Diyos ni Jacob; siya ang maylalang ng lahat ng bagay; at pinili niya ang Israel upang maging bayan niya. Ang pangalan niya'y Yahweh, Diyos na makapangyarihan. ( Ang Darating na Pagkatapon )
10:17 Mga taga-Jerusalem na nakukubkob na ng kaaway, tipunin ninyo ang inyong mga ari-arian,
10:18 sapagkat palalayasin kayo ni Yahweh at ipatatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayo roon hanggang sa halos ay walang matira.
10:19 "At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem, 'Napakatindi ng parusa sa amin! Hindi gumagaling ang aming mga sugat. Akala namin, ito'y aming matatagalan! "
10:20 "Ang mga tolda nami'y nawasak; napatid na lahat ang mga lubid nito. Ang aming mga anak ay umalis na; nagsilayo na silang lahat. Walang natira upang mag-ayos ng aming tolda; wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.' "
10:21 "At sumagot si Jeremias, 'Ang inyong mga tagapanguna'y mangmang; ayaw nilang sumangguni kay Yahweh, Kaya't hindi sila naging matagumpay; at nangalat ang kanilang inaalagaan. "
10:22 "Makinig kayo! May balitang dumating! Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga; ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda, at ito'y magiging ilang, tahanan ng mga asong-gubat.' "
10:23 Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay; at walang makatitiyak ng kanyang sasapitin.
10:24 Ituwid mo ang iyong bayan, Yahweh; ngunit huwag po naman kayong maging marahas. Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot; baka po kami lubusang malipol.
10:25 Ibagsak mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo at hindi humihingi ng iyong tulong. Pinuksa nila ang mga anak ni Jacob; at winasak ang kanilang lupain.
11:1 ( Si Jeremias at ang Kasunduan ) Sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
11:2 '"Pakinggan mong mabuti ang nasasaad sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem"
11:3 na susumpain ko ang sinumang hindi tutupad sa itinatakda ng tipang ito.
11:4 Ito ang kasunduan namin ng inyong mga ninuno nang ialis ko sila sa Egipto, ang lupaing animo'y pugong tunawan ng bakal na kanilang kinapiitan. Sinabi kong sundin nila ang aking mga utos. At kung tatalima sila, sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging Diyos nila.
11:5 "Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipamamana ko sa kanila ang mayaman at matabang lupaing tinatahanan nila ngayon.' Sumagot naman si Jeremias, 'Opo, Yahweh.' "
11:6 "Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: 'Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo roon ang ipinasasabi ko, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad ng kasunduan, at talimahin."
11:7 Nang ialis ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito.
11:8 "Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong talimahin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang nasasaad dito.' "
11:9 "Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 'Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem."
11:10 Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga ninuno; hindi nila tinalima ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyusan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga ninuno nila.
11:11 Kung kaya't binabalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makaliligtas. At pag sila'y dumaing sa akin, hindi ko sila diringgin.
11:12 Sa gayo'y babaling sa mga diyus-diyusan ang mga taga-Juda at Jerusalem; magdadala sila ng mga haing susunugin sa harapan ng mga ito. Subalit hindi naman sila maililigtas ng mga diyus-diyusang ito kung dumating na ang paglipol.
11:13 Kung ano ang dami ng mga bayan sa Juda, gayon din karami ang kanilang mga diyus-diyusan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga dambana.
11:14 "At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag dumating na sa kanila ang paghihirap ng loob at sila'y napasaklolo sa akin, hindi ko sila diringgin.' "
11:15 "Sinasabi ni Yahweh: 'Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at mga handog na susunugin? Iniisip ba nilang makaiiwas sila sa aking parusa?"
11:16 Noong una'y inihambing ko sila sa mayabong na punong olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang mga sanga nila.
11:17 '"Ako, si Yahweh, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ako'y ginalit nila nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.' ( Isang Pagtatangka sa Buhay ni Jeremias )"
11:18 Ipinabatid sa akin ni Yahweh ang masamang balak laban sa akin ng mga kaaway ko.
11:19 "Ako'y parang maamong tupang dinadala sa patayan at hindi ko nalalamang may masamang balak pala sila sa akin. Wika nila, 'Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.' "
11:20 "At dumalangin si Jeremias, 'Yahweh, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinauubaya ko po sa iyo ang aking gawain.' "
11:21 Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh.
11:22 "Kaya't ito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa kanila: 'Parurusahan ko sila. Masasawi sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak."
11:23 "Walang matitira sa mga taga-Anatot kapag pinarusahan ko sila.'"
12:1 ( Tinatanong ni Jeremias si Yahweh ) Ikaw ay matuwid, Yahweh, At kung ako ma'y magreklamo, pilit na lalabas na makatwiran ka. Ngunit bayaan mong magtanong ako. Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao? Ano't yumayaman ang mga magdaraya?
12:2 Sila'y itinatanim mo, at nag-uugat, lumalago at namumunga. Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo subalit hindi ka nila talagang iniibig.
12:3 Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala; nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, batid mo rin ang aking damdamin. Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin; ihiwalay mo sila para sa sandali ng pagpatay sa kanila.
12:4 "Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain, at tuyot ang mga damo sa parang? Nagkakamatay ang mga ibon at mga hayop dahil sa kasamaan ng mga tao roon. At sinasabi pa nila, 'Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.' "
12:5 "At sumagot si Yahweh, 'Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito, paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo? Kung ikaw'y nadarapa sa patag na lupain, paano kang makatatagal sa kagubatan ng Jordan? "
12:6 "Ang mga kapatid mo at sariling kaanak ay nagkanulo sa iyo, kasama rin sila sa panunuligsa. Kaya huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't malumanay silang magsalita.' ( Nagdadalamhati si Yahweh dahil sa Kanyang Bayan )"
12:7 "Sinasabi ni Yahweh, 'Itinakwil ko na ang aking bayan, Tinanggihan ko na ang bansang aking hinirang; Ang mga taong aking minamahal ay ibinigay ko na sa kanilang mga kaaway. "
12:8 Lumaban sa akin ang bayan ko, Sinibasib ako gaya ng mabangis na leon; nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin, kaya kinamumuhian ko sila.
12:9 Ang katulad ng bayang pinili ko'y ibong pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit. Halikayo, mababangis na hayop, at pagsalu-saluhan ninyo ang kanyang bangkay!
12:10 Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan, pati ang aking kabukiran ay sinagasa nila; nagmistulang ilang ang magandang lupain.
12:11 Wala nang halaga ang buong lupain; tigang na tigang sa aking harapan. Ang bayan ngayon ay isa nang ilang, at walang sinumang nagmamalasakit.
12:12 Sa buong kahabaan ng maburol na ilang ay lumusob ang mga mandarambong. Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang bayan; walang makapamumuhay na mapayapa.
12:13 "Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani; subsob ang kanilang ulo sa paggawa, subalit wala silang natamong pakinabang. Wala silang inani sa kanilang itinanim dahil sa galit ko sa kanila.' ( Ang Babala ni Yahweh sa mga Kalapit-bayan ng Israel )"
12:14 "Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana sa kanyang bayan: 'Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa kinatatamnan. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop."
12:15 Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang lupain ang bawat bayan.
12:16 At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: 'Habang nabubuhay si Yahweh'---gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal---sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay.
12:17 "Subalit ang alinmang bansang hindi tatalima sa akin ay lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang may sabi nito.'"
13:1 ( Ang Talinghaga ng mga Damit-panloob ) "Ganito naman ang atas sa akin ni Yahweh, 'Bumili ka ng mga damit-panloob na lino at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.'"
13:2 Kaya't bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at isinuot ko.
13:3 Muling nangusap sa akin si Yahweh,
13:4 '"Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang guwang sa bato.'"
13:5 Ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi.
13:6 Pagkaraan ng ilang araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago.
13:7 Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ko ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at di na pakikinabangan.
13:8 Muling nagsalita si Yahweh,
13:9 '"Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at Jerusalem."
13:10 Sila'y hindi sumunod sa mga utos ko; lalo silang nagmatigas. Sumasamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyusan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan.
13:11 "Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang hangad ko sa mga taga-Israel at taga-Juda---na sila'y mahigpit na kumapit sa akin. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila't parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang tumalima sa akin.' ( Ang Talinghaga ng Sisidlan ng Alak )"
13:12 "Sinabi pa rin ni Yahweh kay Jeremias, 'Sabihin mo sa taga-Israel: Ganito ang ipinasasabi ni Yahweh: Punuin ninyo ng alak ang bawat sisidlan. Ganito naman ang isasagot nila, 'Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat sisidlan.'"
13:13 Sa gayon, sasabihin mo sa kanila, 'Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sila'y malasing: mula sa mga hari na mga inapo ni David, mga saserdote, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem.
13:14 "Pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. At hindi ko sila kahahabagan bahagya man.'' ( Nagbababala si Jeremias Tungkol sa Kapalaluan )"
13:15 Mga Israelita, si Yahweh ay nangusap na! Magpakumbaba kayo at siya'y dinggin.
13:16 Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos, bago niya palaganapin ang kadiliman, at bago kayo madapa sa mga bundok kung dumilim na; bago niya gawing pusikit na kadiliman ang liwanag na inaasahan ninyo.
13:17 Ngunit kung hindi kayo makikinig, palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan; buong kapaitan akong iiyak, at dadaloy ang aking luha sapagkat nabihag ang bayan ko.
13:18 "Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 'Sabihin mo sa hari at sa kanyang ina na lisanin ang kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang maririkit nilang korona."
13:19 "Nakukubkob na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makaraan doon. Dinalang bihag ang lahat ng taga-Juda; sila'y ipatatapong lahat.' "
13:20 Tumingala kayo at inyong masdan! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa iyo, ang bayang ipinagmamalaki mo?
13:21 Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Magdaramdam ka tulad ng isang babaing nanganganak.
13:22 At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka hinamak; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan.
13:23 Mapagbabago ba ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan.
13:24 Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin.
13:25 '"Iyan ang inyong kahihinatnan,' sabi ni Yahweh, 'iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y nilimot na ninyo at bumaling kayo sa mga diyus-diyusan.'"
13:26 "Sinabi rin ni Yahweh, 'Ikaw ay huhubaran ko at malalantad ka sa kahihiyan."
13:27 "Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyusang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang mola. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi?'"
14:1 ( Ang Matinding Tagtuyot ) Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias tungkol sa tagtuyot:
14:2 '"Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod, nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan, at napasasaklolo ang Jerusalem. "
14:3 Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig; nagpunta naman ang mga ito sa mga balon, ngunit wala silang nakuhang tubig doon; kaya't nagbalik sila na walang laman ang mga banga. Dahil sa kahihiyan at kabiguan ay tinatakpan nila ang kanilang mukha.
14:4 Tuyung-tuyo ang lupa sapagkat hindi umuulan. Nanlulupaypay ang mga magbubukid, kaya't sila'y nagtalukbong din.
14:5 Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang, sapagkat walang sariwang damo sa parang.
14:6 Umakyat sa mga burol ang mga asnong mailap, humihingal na parang mga asong-gubat; nanlalabo ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain.
14:7 Nagsumamo sa akin ang bayan ko: 'Yahweh, inuusig kami ng aming mga kasalanan, gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako. Maraming ulit na kaming tumalikod sa iyo; kami ay nagkasala.
14:8 Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel, ikaw lamang ang makapagliligtas sa amin sa panahon ng kagipitan. Bakit para kang dayuhan sa aming lupain, parang manlalakbay na nakikitulog lamang?
14:9 "Bakit para kang taong inabot na di nakahanda, animo'y kawal na walang kayang sumaklolo? Ngunit ang totoo, kasama ka namin, pagkat kami ang iyong bayang hinirang; huwag mo kaming pabayaan, Yahweh.'' "
14:10 "Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, 'Inibig nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.' "
14:11 "At sinabi sa akin ni Yahweh: 'Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito."
14:12 "Kahit sila mag-ayuno, kahit sila magsunog ng mga handog at magdala ng haing trigo, hindi ko diringgin ang kanilang pagtawag at hindi ako malulugod sa kanila. Bagkus pababayaan ko silang masawi sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.' "
14:13 "Ito naman ang sinabi ko: 'Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang iiral sa buong bayan.' "
14:14 "Subalit tumugon si Yahweh: 'Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inatasan, ni kinausap man. Ang kanilang sinasabi sa inyo ay mga pangitaing hindi galing sa akin, kundi mga kathang-isip lamang nila."
14:15 Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain---lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digma at taggutom.
14:16 Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ito ang sasapitin ng kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa lahat ng kanilang ginawang kasamaan.
14:17 '"Jeremias, ipaalam mo sa bayan ang inyong kalungkutan; sabihin mo, 'Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak; sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan, sila'y malubhang nasaktan. "
14:18 "Pag lumabas ako ng parang, nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan; pag ako'y pumunta sa mga bayan, naroon naman ang mga taong namamatay ng gutom. Patuloy sa paggala ang mga propeta at mga saserdote, subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.'' ( Sumamo kay Yahweh ang mga Tao )"
14:19 Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda? Napoot ka ba sa mga taga-Sion? Bakit ganito kalubha ang parusa sa amin anupat wala na kaming pag-asang gumaling? Ang hanap nami'y kapayapaan ngunit nabigo kami; inasam naming gumaling ngunit katatakutan ang dumating.
14:20 Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan, at ang pagtataksil ng aming mga magulang; kaming lahat ay nagkasala sa iyo.
14:21 Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan; huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem, ang kinalalagyan ng marangal mong luklukan. Alalahanin mo ang iyong tipan; huwag mo sana itong sirain.
14:22 Hindi makagagawa ng ulan ang mga diyus-diyusan ng alinmang bansa; hindi makapagpapaambon man lamang ang sinuman sa kanila. Yahweh, nasa iyo ang aming pag-asa sapagkat ikaw lamang ang makagagawa ng mga bagay na ito.
15:1 ( Kapahamakan Para sa mga Taga-Juda ) "Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, 'Kahit na sina Moises at Samuel ang maglumuhod sa harapan ko, hindi ko kahahabagan kahit kaunti ang mga taong ito. Paalisin mo sila; ayaw ko silang makita."
15:2 Kung itanong nila sa iyo kung saan sila mapupunta, sabihin mong itinalaga na: Ang iba sa kanila'y mamamatay sa sakit, Masasawi naman sa digmaan ang iba, Ang iba'y sa matinding gutom, At bibihagin ng mga kaaway ang iba pa!
15:3 '"Ipinasiya ko nang isagawa ang apat na kakila-kilabot na parusa sa kanila: Sila'y mamamatay sa digmaan; kakaladkarin ng mga aso ang mga bangkay nila; kakainin ng mga buwitre ang kanilang laman; at sisimutin ng mababangis na hayop ang anumang matitira."
15:4 Mahihindik ang lahat ng tao sa buong daigdig sa mangyayari sa kanila, dahil sa mga ginawa sa Jerusalem ni Manases na anak ni Ezequias noong siya'y hari sa Juda.
15:5 '"Sino ang mahahabag sa inyo, mga taga-Jerusalem, at sino ang tatangis dahil sa sinapit ninyo? Sino ang mag-uukol ng panahon upang alamin ang inyong kalagayan? "
15:6 Ako'y itinakwil ninyong lahat; kayo'y tumalikod sa akin. Kaya't pagbubuhatan ko kayo ng kamay at kayo'y aking dudurugin, sapagkat hindi ko mapigilan ang poot sa inyo. Akong si Yahweh ay nakapagsalita na.
15:7 Kayo'y parang mga ipang itatahip ko, at tatangayin kayo ng hangin sa buong lupain. Padadalhan ko kayo ng kapighatian, kayo'y aking pupuksain, bayan ko, sapagkat ayaw ninyong iwan ang inyong pagkakasala.
15:8 Ang bilang ng mababalo sa inyong kababaihan ay higit pa kaysa buhangin sa dagat. Lilipulin ko ang inyong mga kabataan, aking patatangisin ang kanilang mga ina.
15:9 "May inang mawawalan ng pitong anak na lalaki; siya'y mawawalan ng malay at labis na manlulupaypay. Para sa kanya, magdidilim ang dating kaliwanagan dahil sa malaking kahihiyan at pagdaramdam. Ang matitirang buhay ay masasawi naman sa kamay ng kaaway. Ako, si Yahweh, ang may sabi nito.' ( Dumaing kay Yahweh si Jeremias )"
15:10 Napakahirap ng katayuan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa sangmaliwanag? Lagi akong may kaaway at katalo sa lupain. Hindi ako nagpautang, at hindi rin naman ako nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat.
15:11 Yahweh, mangyari ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako sumamo sa iyo para sa kanila nang sila'y may ligalig at suliranin.
15:12 Walang makababali sa bakal, lalo na kung bakal na mula sa hilaga, pagkat ito'y hinaluan ng tanso.
15:13 "At sinabi sa akin ni Yahweh, 'Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at hiyas ng aking bayan, bilang parusa sa kanilang mga kasalanan."
15:14 "At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.' "
15:15 "Sinabi naman ni Jeremias, 'Yahweh, ikaw ang nakababatid ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang pahinuhod sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo."
15:16 Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
15:17 Hindi ko sinayang ang panahon sa pagpapasasa sa buhay, kasama ng ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Manapa, nanatili akong nag-iisa, sapagkat may ipinagagawa ka sa akin. Kaya nga, nagpupuyos sa galit ang kalooban ko.
15:18 "Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Wala ba akong tatanggapin kundi kabiguan, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?' "
15:19 "Ganito ang itinugon ni Yahweh, 'Kung manunumbalik ka, tatanggapin kitang muli, at ikaw'y muli kong gagawing alipin. Kung magsasalita ka ng bagay na may kabuluhan, at iiwasang sambitin ang anumang kasumpa-sumpa, gagawin uli kitang propeta. Babaling na muli sa iyo ang mga tao, subalit huwag kang paroroon sa kanila."
15:20 Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi ka nila matatalo. Sasaiyo ako upang ikaw'y pangalagaan at ingatan.
15:21 "Ililigtas kita sa kamay ng masasama, at iingatan laban sa mararahas.'"
16:1 ( Ang mga Utos ni Yahweh kay Jeremias ) Sinabi pa sa akin ni Yahweh,
16:2 '"Huwag kang mag-aasawa at huwag ka ring magkakaanak sa lupaing ito."
16:3 Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayon din sa kanilang mga magulang:
16:4 Mamamatay sila dahil sa malulubhang karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Ang iba nama'y masasawi sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay.
16:5 '"Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at pagkahabag."
16:6 Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing ni iiyakan. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng paghihimutok.
16:7 Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay.
16:8 '"Huwag kang papasok sa bahay na may nagdaraos ng piging. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman."
16:9 Ako'y si Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Patatahimikin ko ang lahat ng masayang pagkakaingay at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga bagong kasal. Ang pagkaganap ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga tagarito.
16:10 '"At itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinarurusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin."
16:11 Sabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin, sumamba at naglingkod sa mga diyus-diyusan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos.
16:12 Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi tumatalima sa akin.
16:13 "Kaya nga, ipatatapon kayo sa isang bayang hindi ninyo alam ni ang inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ako mahahabag sa inyo.'' ( Ang Pagbabalik Mula sa Pagkatapon )"
16:14 '"Darating ang panahon,' sabi pa rin ni Yahweh, 'na wala nang manunumpa nang ganito, 'Sa ngalan ng buhay na Diyos na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!'"
16:15 "Sa halip, ang sasabihin nila'y, 'Sa ngalan ng buhay na Diyos na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.' Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita'. ( Ang Darating na Parusa )"
16:16 '"Magpapadala ako ng maraming mangingisda upang hulihin ang mga taong ito na gaya ng isda. Magsusugo rin ako ng maraming mangangaso upang hanapin sila sa bawat bundok at burol, pati sa mga guwang at bitak ng bato. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito."
16:17 Nakikita ko ang lahat ng ginagawa nila. Walang anumang nakukubli sa akin; hindi nalilingid sa aking paningin ang kanilang mga kasalanan.
16:18 "Magbabayad sila nang ibayo sa kanilang mga diyus-diyusang wala namang buhay at animo'y mga bangkay; napuno ng mga bulaang diyos ang buong lupaing ibinigay ko sa kanila.' ( Ang Panalangin ng Pagtitiwala ni Jeremias kay Yahweh )"
16:19 "Yahweh, ikaw ang aking lakas at tanggulan; sa iyo ako dudulog sa oras ng kagipitan. Sa iyo magsisilapit ang mga bansa mula sa kadulu-duluhan ng daigdig at kanilang sasabihin, 'Ang mga diyos ng aming mga ninuno'y pawang walang kabuluhan."
16:20 "Maaari bang gumawa ng sarili niyang diyos ang isang tao? Hindi! Kung gagawa siya, iyon ay hindi maaaring maging tunay na diyos.' "
16:21 '"Kaya nga,' sabi ni Yahweh, 'minsan at magpakailanman ipakikilala ko sa kanila ang aking kapangyarihan; at malalaman nilang ako nga si Yahweh.'"
17:1 ( Ang Kasalanan at ang Kaparusahan ng Juda ) "Sinasabi ni Yahweh, 'Mga taga-Juda, ang inyong mga kasalanan ay isinulat ng panulat na bakal sa mga puso ninyo; waring iniukit ng pang-ukit na diyamante sa mga sulok ng inyong mga dambana."
17:2 Naalala ng inyong mga anak ang mga dambana at haliging ginawa ninyo para sa diyosang si Ashera. Ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng malalagong puno sa ibabaw ng mga burol,
17:3 at sa ituktok ng mga bundok na nasa maluwang na lupain. Pababayaan kong makuha ng inyong mga kaaway ang kayamanan ninyo't mga hiyas dahil sa mga kasalanang ginagawa ninyo sa buong lupain.
17:4 "Mapipilitan kayong isuko ang lupaing ibinigay ko sa inyo. At gagawin ko kayong mga alipin ng inyong mga kaaway sa lupaing hindi ninyo nakikilala, sapagkat parang apoy ang aking poot, at hindi mamamatay kahit kailan.' ( Iba't Ibang Kasabihan )"
17:5 "Sinasabi ni Yahweh, 'Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay. "
17:6 Ang katulad niya'y halamang tumubo sa ilang, sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya.
17:7 '"Ngunit maligaya ang taong nananalig kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya. "
17:8 Ang katulad niya'y halamang nakatanim sa tabi ng batisan, ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito, kahit di umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga.
17:9 '"Sino ang makauunawa sa puso ng tao? Ito'y magdaraya at walang katulad; Wala nang lunas ang kanyang kabulukan. "
17:10 "Akong si Yahweh ang sumisiyasat sa isip at sumusubok sa puso ng mga tao. Ginagantihan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay, at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.' "
17:11 Ang taong nagkakamal ng salapi sa pandaraya ay parang ibong pumipisa sa di niya initlog. Mawawala ang mga kayamanang iyon sa panahon ng kanyang kalakasan, at siya'y tatanghaling isang hangal.
17:12 Ang ating Templo'y katulad ng isang maharlikang trono na nasa isang mataas na bundok, buhat pa nang una.
17:13 Si Yahweh ang pag-asa ng Israel; mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa kanya. Mapapalis silang gaya ng pangalang nasulat sa alabok, sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. ( Humingi ng Tulong kay Yahweh si Jeremias )
17:14 Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin!
17:15 "Sinasabi sa akin ng mga tao, 'Nahan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?' "
17:16 Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, hindi ko hinangad na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; batid mo kung ano ang aking mga sinabi.
17:17 Huwag mo sana akong takutin; ikaw nga ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan.
17:18 Biguin mo ang mga umuusig sa akin; huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Sila lamang ang iyong hasikan ng takot, at huwag ako ang sindakin mo. Hatdan mo sila ng kapahamakan, at sila'y iyong durugin. ( Hinggil sa Araw ng Pamamahinga )
17:19 "Sinabi sa akin ni Yahweh, 'Pumunta ka sa pintuang-bayan na dinaraanan ng mga hari ng Juda kung lumalabas o pumapasok sa lunsod, at tumayo ka roon. Pagkatapos, iyon din ang gagawin mo sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem."
17:20 Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang tumitira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko:
17:21 Kung hindi ninyo ibig mapahamak, huwag kayong magdadala ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon.
17:22 Huwag din kayong maglalabas ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang gawain sa Araw ng Pamamahinga; ito'y ipangilin ninyo, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno.
17:23 Hindi sila nakinig sa akin ni tumalima, bagkus sila'y nagmatigas. Ayaw nilang sumunod o paturo sa akin.
17:24 '"Ngunit kung kayo'y lubusang susunod sa akin, at hindi magdadala ng anuman papasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung ipangingilin ninyo ang araw na ito at hindi kayo gagawa ng anumang gawain,"
17:25 makapapasok nang buong dingal sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem.
17:26 Darating ang mga tao mula sa mga bayan-bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkain at inumin, kamanyang, gayon din ng mga handog bilang pasasalamat.
17:27 "Ngunit kailangang tumalima sila sa akin. Dapat nilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magdadala ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makasusugpo sa sunog na ito.'"
18:1 ( Si Jeremias sa Bahay ng Magpapalayok ) Sinabi sa akin ni Yahweh,
18:2 '"Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.'"
18:3 Nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan.
18:4 Nakita kong kapag ang ginagawa niyang sisidlan ay nasira, minamasa niya uli ang luwad, at hinuhugisan nang panibago.
18:5 Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh,
18:6 '"Hindi ko ba magagawa sa bayang Israel ang ginawa ng magpapalayok sa luwad na iyon? Kayo'y nasa mga kamay ko, tulad ng luwad sa kamay ng magpapalayok. Akong si Yahweh ang may sabi nito."
18:7 Kung sinabi ko man sa isang pagkakataon na aking bubunutin, ibabagsak o lilipulin ang alinmang bansa o kaharian,
18:8 at ang bansang iyon ay tumalikod sa kanyang kasamaan, hindi ko itutuloy ang aking ipinasiyang gawin.
18:9 Sa kabilang dako, kung sinabi ko man na itatayo ko o itatatag ang isang bansa o kaharian,
18:10 at gumawa ng kasamaan ang bansang iyon, babaguhin ko ang aking pasiya.
18:11 Kaya nga, sabihin mo sa mga naninirahan sa Juda at sa Jerusalem na may binabalak na ako laban sa kanila at ako'y naghahanda ng ipaparusa sa kanila. Sabihin mo na tigilan na nila ang makasalanang pamumuhay at magbago na sila.
18:12 "Ang isasagot nila'y, 'Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama.'' ( Itinakwil ng mga Tao si Yahweh )"
18:13 "Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh: 'Tanungin mo ang alinmang bansa, May nangyari na bang ganito kahit kailan? Napakasama ng ginawa ng bayang Israel! "
18:14 Nawawalan ba ng niyebe ang mabatong kabundukan ng Libano? Natutuyo ba ang malalamig na batis doon?
18:15 Subalit ang aking bayan ay nakalimot sa akin; nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyusan. Sa daang dapat nilang lakaran ay nadapa sila, at hindi na nila tinatalunton ang dating lansangan; naglalandas sila sa mga daang walang palatandaan.
18:16 Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan, at pandidirihan habang panahon. Manlulumo ang bawat magdaraan dito dahil sa makikita nila; mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka.
18:17 "Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway, gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin. Tatalikuran ko sila at ni hindi tutulungan pagdating ng araw ng kapahamakan.' ( Isang Pakana Laban kay Jeremias )"
18:18 "Nang marinig nila ito, ang sabi ng mga tao, 'Iligpit na natin si Jeremias! May mga saserdote namang magtuturo sa atin, mga pantas na magpapayo, at mga propetang magpapahayag ng salita ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag na nating pakinggan ang mga sinasabi niya.' "
18:19 "Kaya't nanalangin si Jeremias, 'Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; batid mo ang binabalak ng mga kaaway ko."
18:20 Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y mabitag? Natatandaan mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot.
18:21 Datapwat ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong masawi sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga lalaki, at masawi sa pakikidigma ang kanilang kabinataan.
18:22 Pabayaan mong salakayin ng masasamang-loob ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay para ako mahulog at ng mga bitag upang ako'y mahuli.
18:23 "Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong patawarin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.'"
19:1 ( Ang Basag na Banga ) Inutusan ako ni Yahweh na bumili ng isang banga. Pagkatapos, sinabi niyang tumawag ako ng ilang matatanda sa bayan at ilang nakatatandang saserdote,
19:2 at isama sila sa Lambak ng Hinom, sa makalabas ng Pintuan ng Magpapalayok. Pagdating doon, ganito ang ipahahayag ko:
19:3 '"Pakinggan ninyo, mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel: Ang pook na ito'y padadalhan ko ng malagim na kapahamakan, at mangingilabot ang sinumang makakabalita niyon."
19:4 Gayon ang gagawin ko sapagkat ako'y itinakwil ng bayang ito, at pinarumi nila ang lupain dahil sa kanilang mga handog sa mga diyus-diyusan---ibang mga diyos na hindi naman nila nakikilala ni ng kanilang mga ninuno at ng mga hari ng Juda. Ang lupaing ito'y tinigmak nila ng dugo ng mga walang malay.
19:5 Nagtayo sila ng mga dambana para kay Baal upang doon sunugin ang kanilang mga anak bilang handog. Kailanma'y hindi ko inisip man lang na ipasunog sa kanila ang kanilang mga anak bilang handog.
19:6 Kaya't darating ang panahon na di na tatawaging Tofet o Lambak ng Hinom ang lugar na ito. Sa halip ay tatawagin itong Lambak na Patayan. Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.
19:7 Sa pook na ito'y sisirain ko ang lahat ng panukala ng mga taga-Juda at Jerusalem. Ipalulupig ko sila sa kanilang mga kaaway, at marami ang masasawi sa labanan. Ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga ibon at mga hayop sa gubat.
19:8 Kakila-kilabot na pagkawasak ang magaganap sa lunsod na ito, anupat ang bawat maparaan dito'y manghihilakbot.
19:9 "Kukubkubin ng mga kaaway ang lunsod na ito upang ang mga nanirahan dito'y patayin sa gutom. At sa matinding gutom ng mga tao, kakanin nila ang laman ng kanilang kapwa, at pati na ng kanilang sariling mga anak.' "
19:10 Pagkatapos, iniutos sa akin ni Yahweh na basagin sa harapan ng mga lalaking isinama ko ang binili kong banga,
19:11 "at sabihin sa kanila: 'Ganito ang ipinasasabi ni Yahweh: Dudurugin ko ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito, gaya ng ginawa mo sa banga; ito'y hindi na muling mabubuo. Pati ang Tofet ay paglilibingan ng mga bangkay sapagkat wala nang ibang mapaglilibingan."
19:12 Ganito ang gagawin ko sa lunsod na ito at sa mga naninirahan dito. Matutulad sila sa Tofet. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
19:13 "Magiging maruming gaya ng Tofet ang mga bahay sa Jerusalem, ang mga palasyo ng mga hari sa Juda, at lahat ng gusali, sapagkat sa mga bubungan ng mga gusaling ito'y nagsunog sila ng kamanyang para sa mga bituin at nagbuhos ng inuming handog sa ibang mga diyos.' "
19:14 Nilisan ko ang Tofet pagkatapos kong sabihin doon ang pahayag ni Yahweh. Pumunta naman ako at tumayo sa bulwagan ng Templo at sinabi sa lahat ng naroroon,
19:15 '"Ito ang ipinasasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Ipapataw ko na sa lunsod na ito at sa mga bayan sa paligid ang lahat ng parusang binanggit ko, sapagkat matitigas ang ulo ninyo at ayaw ninyong pakinggan ang aking sinasabi.'"
20:1 ( Ang Pakikipagtalo ni Jeremias kay Pasur ) Si Pasur na anak ni Imer ay isang saserdote at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias.
20:2 Kaya't ipinabugbog niya ito, ipinangaw ang mga paa't kamay, at magdamag na ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo.
20:3 "Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pasur, sinabi ni Jeremias, 'Hindi na Pasur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Sindak sa Lahat ng Dako."
20:4 Sapagkat ang sabi ni Yahweh: 'Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkasawi nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipaiilalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba.
20:5 Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at maaagaw ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga hiyas ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan.
20:6 "Ikaw naman, Pasur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan ninyo ng mga kasinungalingang ito.'' ( Si Jeremias ay Dumaing kay Yahweh )"
20:7 Yahweh, ako'y iyong hinikayat, at sumunod naman ako. Higit kang malakas kaysa akin at ikaw ay nagwagi. Pinagtatawanan ako ng balana; maghapon silang nagtatawa dahil sa akin.
20:8 "Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng 'Karahasan! Pagkasira!' pinagtatawanan nila ako't inuuyam, sapagkat ipinahahayag ko ang iyong salita. "
20:9 "Ngunit kung sabihin kong, 'Lilimutin ko si Yahweh at di na sasambitin ang kanyang pangalan,' para namang apoy na naglalagablab sa aking puso ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto. Hindi ko na kayang pigilin ito, hirap na hirap na akong magpigil. "
20:10 "Naririnig kong nagbubulungan ang karamihan. Tinagurian nila akong 'Kilabot saanman.' Sinasabi nila, 'Isuplong natin! Isuplong natin!' Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan. Wika pa nila, 'Marahil ay malilinlang natin siya; pagkatapos, dakpin natin at paghigantihan.' "
20:11 Subalit ikaw'y nasa panig ko, Yahweh, malakas ka't makapangyarihan; madarapa ang lahat ng umuusig sa akin, hindi sila magtatagumpay kailanman. Mapapahiya sila sapagkat hindi sila magwawagi. Mapapahiya sila habang panahon, at ito'y hindi na makakalimutan.
20:12 Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan, alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip. Kaya't ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan.
20:13 Awitan ninyo si Yahweh, inyong purihin si Yahweh sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng masama.
20:14 Sumpain ang araw ng aking pagsilang! Huwag ituring na pinagpala ang araw na iyon, ang araw nang ako'y ipanganak!
20:15 "Sumpain ang taong nagbalita sa aking ama, 'Lalaki ang anak ninyo!' Tuwang-tuwa ang ama ko nang ito'y malaman. "
20:16 Matulad nawa ang taong iyon sa mga lunsod na winasak ni Yahweh. Panangisan sana ang marinig niya sa umaga, at hiyawan naman sa tanghali;
20:17 pagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang. Sa gayon, naging libingan ko sana ang sinapupunan ng aking ina, at di na ako iniluwal sa sangmaliwanag.
20:18 Bakit pa ako isinilang kung wala rin lamang lalasapin kundi hirap, kalungkutan, at kahihiyan habang ako'y nabubuhay?
21:1 ( Hinulaan ang Pagbagsak ng Jerusalem ) Sina Pasur na anak ni Malakias, at si Sofonias na saserdote, anak naman ni Maasias, ay pinapunta ni Haring Sedequias kay Jeremias upang
21:2 "isangguni kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nabucodonosor na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, 'Marahil ay gagawa ng isang himala si Yahweh, gaya ng ginawa niya nang nagdaang panahon, upang hindi na ituloy ni Nabucodonosor ang kanyang balak na pagsalakay.' "
21:3 Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila:
21:4 '"Sabihin mo kay Sedequias na ito ang ipinasasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Sasamsamin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa liwasan ng lunsod na ito."
21:5 Ako mismo ang lalaban sa inyo sa tindi ng aking poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo.
21:6 Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, tao ma't hayop; mamamatay sila sa matinding salot.
21:7 Pagkatapos, si Haring Sedequias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay mahuhulog naman sa kamay ni Nabucodonosor, hari ng Babilonia, at ng iba nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makaliligtas. Hindi niya sila kahahabagan kamunti man. Ako, si Yahweh, ang may sabi nito.
21:8 '"Sabihin mo sa bayang ito ang ipinasasabi ni Yahweh: Pumili kayo sa buhay o sa kamatayan."
21:9 Ang mananatili sa lunsod ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga Caldeo na sumasalakay na ngayon sa inyo ay di mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sarili lamang.
21:10 Ipinasiya ko nang wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia. ( Ang Kahatulan sa mga Namumuno sa Juda )
21:11 '"Sabihin mo sa lahi ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh."
21:12 Kayong kabilang sa angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na di maaapula dahil sa masasama ninyong ginagawa.
21:13 Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga lambak, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan, ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mo na walang makalulupig sa iyo, walang makapapasok sa iyong mga muog.
21:14 "Ngunit ako, si Yahweh, ang magpaparusa sa iyo, ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang palasyo mo; lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat. Akong si Yahweh ang may sabi nito.'"
22:1 ( Tagubilin sa mga Namumuno sa Juda ) Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at
22:2 ipinasabi niya sa hari, sa mga tauhan nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem:
22:3 '"Pairalin ninyo ang katarungan. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi. Huwag sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito."
22:4 Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatiling naghahari ang angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan.
22:5 Subalit kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, susumpain ko kayo, at mawawasak ang palasyong ito.
22:6 "Ako, si Yahweh, ang may sabi nito. 'Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Galaad, at nakakawangis ng Bundok ng Libano. Ngunit gagawin ko itong isang ilang, isang pook na walang mananahan."
22:7 Magpapadala ako ng mga gigiba rito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedro nito at ihahagis sa apoy.
22:8 '"Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, 'Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?'"
22:9 "At itutugon sa kanila, 'Sapagkat hindi nila tinupad ang tipan sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyusan.'' ( Ang Pahayag Tungkol kay Sallum )"
22:10 Huwag ninyong iyakan si Haring Josias, Ni ikalungkot ang kanyang pagpanaw. Sa halip, tangisan ninyo si Sallum, Sapagkat siya'y dinalang bihag, At hindi na niya makikita pang muli Ang lupang sinilangan niya.
22:11 "Ito ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, 'Umalis siya ng Juda at di na magbabalik."
22:12 Namatay siya sa lupaing pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya masisilayang muli ang kanyang bayan. ( Ang Pahayag Tungkol kay Joaquim )
22:13 '"Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya, at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang. Pinagagawa niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran, hindi niya ibinibigay ang upa nila. "
22:14 Sinasabi pa niya, 'Magtatayo ako ng magarang bahay na may malalaking silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng mga bintana, tablang sedro ang mga dingding, at papipintahan ko ng kulay pula.'
22:15 Kung gumamit ka ba ng sedro sa iyong bahay, ikaw ba'y isa nang haring maituturing? Gunitain mo ang iyong ama: Siya'y kumain at uminom, nakitungo siya nang pantay-pantay at makatarungan; kaya't namuhay siyang tiwasay.
22:16 Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan, kaya't pinagpala siya sa lahat ng bagay. Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala.
22:17 "Subalit kayo, wala kayong iniisip at hinahangad kundi ang sariling kapakanan. Hindi kayo nangingiming pumatay ng walang kasalanan, at gumawa ng mga kalupitan.' Ito ang sabi ni Yahweh. "
22:18 "Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Joaquim, anak ni Haring Josias ng Juda: 'Walang tatangis sa kanyang pagpanaw at magsasabing, 'Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!' Wala ring mananambitan para sa kanya, at sisigaw ng, 'O, panginoon! Wala na ang aking hari!' "
22:19 "Ililibing siyang tulad ng isang patay na asno, siya'y kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.' ( Ang Pahayag Tungkol sa Sasapitin ng Jerusalem )"
22:20 Umakyat kayo sa Libano at humiyaw, sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Basan ang inyong tinig. Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim, sapagkat nilipol nang lahat ang kapanig ninyo.
22:21 Nangusap ako sa inyo nang kayo'y nakaririwasa, subalit hindi kayo nakinig. Ganyan na ang inasal ninyo mula sa inyong kabataan; ni minsan ay hindi kayo tumalima sa akin.
22:22 Malilipol na parang tinangay ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno; mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo. Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong masasamang gawa.
22:23 Kayong nakatira sa magagarang bahay na yari sa sedro buhat sa Libano, di birong hirap ang daranasin ninyo pagdating ng panahon, gaya ng pagdaramdam ng babaing manganganak! ( Ang Kahatulan ni Yahweh kay Conias )
22:24 "Sinabi ni Yahweh, 'Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Joaquim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri."
22:25 Ibibigay kita sa mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong kinatatakutan mo, kay Haring Nabucodonosor ng Babilonia at sa mga Caldeo.
22:26 Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay.
22:27 "At hindi na kayo makababalik sa sariling bayan na nais ninyong makita uli.' "
22:28 Ito bang si Conias ay isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang mga anak niya, sa isang bansang hindi nila nakikilala?
22:29 O bayan, bayan, bayan! Pakinggan ninyo ang salita ni Yahweh!
22:30 "Sapagkat sinasabi niya: 'Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinubdan ng lahat ng karangalan, na hindi uunlad ang kanyang buhay, at wala siyang anak na luluklok sa trono ni David o maghahari pang muli sa Juda.'"
23:1 ( Ang Pag-asang Darating ) Parurusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito'y mangalat at mamatay.
23:2 "Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga tagapanguna ng kanyang bayan: 'Pinapangalat ninyo at pinabayaan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya't kayo'y parurusahan ko dahil sa inyong ginawang ito."
23:3 Ako na ang magtitipon sa nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami.
23:4 "Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at agam-agam, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang may sabi nito.' "
23:5 '"Nalalapit na ang araw,' sabi ni Yahweh, 'na pasisibulin ko mula sa lahi ni David ang isang sangang matuwid, isang hari na buong karunungang maghahari. Paiiralin niya sa buong lupain ang batas at katarungan."
23:6 "Magiging matiwasay ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: 'Si Yahweh ay Matuwid.'' "
23:7 "Sinasabi ni Yahweh, 'Darating nga ang panahon na ang mga tao'y di na manunumpa nang ganito: 'Nariya't buhay si Yahweh na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.'"
23:8 "Sa halip, sasabihin nila, 'Saksi ko si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.'' ( Pagtuligsa sa mga Propetang Sinungaling )"
23:9 Tungkol naman sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias: Halos madurog ang puso ko, nanginginig ang aking buong katawan; ako'y mistulang lasing, parang nakainom nang labis, dahil sa aking matinding takot sa banal na si Yahweh.
23:10 Sapagkat napakarami sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh; ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama. Kaya't sinumpa niya ang lupaing ito; nalanta ang mga halaman at natuyot ang mga pastulan.
23:11 '"Wala nang takot sa akin ang mga propeta at mga saserdote; ginagawa nila ang mga kalapastanganan maging sa loob ng aking Templo,' ang sabi ni Yahweh. "
23:12 '"Magiging madulas at madilim ang kanilang landas; sila'y madarapa at mabubuwal. Padadalhan ko sila ng kapahamakan; malapit na ang araw ng kaparusahan nila.' Ito ang sabi ni Yahweh. "
23:13 Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria: Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baal at inililigaw ang Israel, ang aking bayan.
23:14 Sa mga propeta naman sa Jerusalem ay lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko: Sila'y nangangalunya at mga sinungaling, pinalalakas pa nila ang loob ng masasama, kaya't wala nang sinumang tumatalikod sa kanyang masamang gawa. Mas masahol pa sila sa mga taga-Sodoma at Gomorra.
23:15 "Kaya nga, sinasabi ni Yahweh tungkol sa kanila: 'Halamang mapait ang ipakakain ko sa kanila at tubig na may lason naman ang kanilang iinumin, sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, at ang mga propeta sa Jerusalem ang nagpasimula nito.' "
23:16 "Ito'y mga pananalita pa rin ni Yahweh: 'Huwag ninyong pakikinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kabulaanan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing sinasabi nila'y sariling katha at hindi nagmula sa akin."
23:17 "Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, 'Magiging mabuti ang inyong kalagayan'; at sa mga ayaw tumalikod sa masama, 'Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.'' "
23:18 Subalit ni isa sa mga propetang ito'y hindi nakakikilala kay Yahweh. Wala man lang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos.
23:19 Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, animo'y nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama.
23:20 Hindi mapaparam ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito.
23:21 "Sinabi ni Yahweh, 'Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang di ko inuutusan. Nagpahayag sila, sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila."
23:22 Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maaari nila itong ipangaral at akayin ang aking bayan na magsisi't talikdan ang kanilang masasamang gawa.
23:23 '"Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi sa iisang lugar nananatili."
23:24 Walang makapagtatago sa akin; nakikita ko siya saanman siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa langit, nasa lupa, at nasa lahat ng lugar.
23:25 Alam ko ang ginagawa ng mga propetang bulaan; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinangangalandakan na sila'y binigyan ko ng pangitain!
23:26 Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng sarili nilang mga katha?
23:27 Inaakala nilang malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng kanilang mga ninunong lumimot sa akin at bumaling kay Baal.
23:28 "Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?' sabi ni Yahweh."
23:29 '"Parang apoy ang aking salita at katulad ng pamukpok na dumudurog sa malaking bato."
23:30 Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta upang palabasing pinagpahayagan ko sila.
23:31 Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling pangitain saka sasabihing iyon ang sabi ni Yahweh.
23:32 "Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang idudulot sa bayang ito.' ( Ang Pasanin ni Yahweh )"
23:33 "Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, 'Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o saserdote, 'Ano ang ipinasasabi ni Yahweh?' ganito ang isagot mo, 'Kayo ang nakabibigat kay Yahweh, kaya't kayo'y itatakwil niya.'"
23:34 Ang bawat propeta, saserdote o sinumang gumamit ng pananalitang, 'Ito ang nakabibigat kay Yahweh,' ay parurusahan ko, pati kanyang sambahayan.
23:35 Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, 'Ano ang tugon ni Yahweh?' o kaya, 'Ano ang sinabi ni Yahweh?'
23:36 Datapwat huwag na ninyong sasambitin kahit kailan, 'Ito ang nakabibigat kay Yahweh.' Mabibigatang talaga ang sinumang gagamit ng pananalitang ito, sapagkat pinipilipit niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buhay, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh.
23:37 Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: 'Ano ang tugon ni Yahweh?' o kaya, 'Ano ang sinabi ni Yahweh?'
23:38 Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang pananalitang, 'Ito ang nakabibigat kay Yahweh,' matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon,
23:39 kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakabibigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyong mga ninuno.
23:40 "Ilalagay kita sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi mo makakalimutan habang buhay, at ikaw ay kukutyain habang panahon.'"
24:1 ( Aralin Mula sa Mabuti at sa Masamang Igos ) Pagkatapos na dalhing bihag ni Nabucodonosor, hari sa Babilonia, ang Haring Jeconias na anak ni Joaquim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda, ang pangitaing ito'y ibinigay ni Yahweh sa akin. May dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh.
24:2 Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga bungang unang nahinog; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, anupat hindi ito maaaring kainin.
24:3 "At tinanong ako ni Yahweh, 'Jeremias, ano ang nakikita mo?' Ako'y tumugon, 'Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi maaaring kainin.' "
24:4 Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh:
24:5 '"Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga nabihag sa Juda na dadalhin sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao."
24:6 Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin.
24:7 Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin.
24:8 '"Datapwat kung paanong di makain ang napakasasamang igos,' wika ni Yahweh, 'gayon din ang gagawin ko kay Haring Sedequias ng Juda, sa kanyang mga tauhan, at sa nalabi sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati yaong nananahan sa Egipto."
24:9 Sila'y kasusuklaman ng lahat ng kaharian sa sanlibutan. Kukutyain sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pagdusta at panunungayaw kahit saan sila mapadpad.
24:10 "Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa ganap silang mapawi sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.'"
25:1 ( Pitumpung Taon ng Pagkaalipin sa Babilonia ) Ito ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Joaquim, anak ni Josias, at unang taon naman ng paghahari ni Nabucodonosor sa Babilonia.
25:2 Ganito naman ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem:
25:3 '"Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Amon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan."
25:4 Hindi ninyo pinansin ang mga propetang sinugo niya.
25:5 Sinabi nila na kung tatalikdan ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, ipinangangako ni Yahweh na mamumuhay kayo habang panahon sa lupaing ibinigay niya sa inyo at sa inyong mga magulang.
25:6 Sinabi nilang huwag kayong sasamba't maglilingkod sa mga diyus-diyusan; huwag ninyong pag-aalabin ang poot ni Yahweh dahil sa pagsamba ninyo sa mga diyus-diyusang nililok ng kamay. Kung tumalima lang kayo sa kanya, disi'y hindi niya kayo pinarusahan.
25:7 Ngunit hindi kayo nakinig sa salita ni Yahweh; pinagalit ninyo siya sa pagsamba ninyo sa mga diyos na inyong ginawa. Kaya naman naganap sa inyo ang kapahamakang ito.
25:8 '"Kaya nga, ito ang pahayag sa inyo ni Yahweh: Dahil sa hindi ninyo pagtalima sa akin,"
25:9 tatawagin ko ang mga bansang nasa hilaga, pati ang lingkod kong si Haring Nabucodonosor. Sasalakayin nila ang bansang ito, at lahat ng bansang nasa paligid. At wawasakin ko nang lubusan ang mga ito, anupat kasisindakan ng lahat ang kanilang sinapit. Uuyamin silang makakakita sa kanila at mananatiling giba ang lupain habang panahon.
25:10 Aking papawiin ang pagkakatuwa, kagalakan, at pagsasaya ng mga bagong kasal. Di na maririnig ang tunog ng paggiling. At maglalaho ang liwanag ng mga ilawan.
25:11 Magiging isang malaking bunton ng kasiraan ang lupaing ito. Ang kanyang mga mamamayan ay aalipinin ng hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon.
25:12 Pagkaraan ng pitumpung taon, parurusahan ko naman ang hari ng Babilonia, at ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan; ibabagsak ko ang bansang iyon at di na makababangon kailanman.
25:13 Magaganap sa bansang iyon ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila; lahat ng nasusulat sa aklat na ito, na ipinahayag ni Jeremias laban sa lahat ng bansa.
25:14 "Gagawin silang mga alipin ng maraming bansa at mga tanyag na hari; gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga ginawa.' ( Ang Saro ng Kapootan Para sa mga Bansa )"
25:15 "Ito ang mga sinalita sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Kunin mo sa kamay ko ang sarong ito na puno ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang pagsusuguan ko sa iyo."
25:16 "Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipapataw ko sa kanila.' "
25:17 Kinuha ko ang saro sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinagsuguan sa akin.
25:18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga Lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakatatakot pagmasdan. Nanatili silang gayon hanggang sa araw na ito.
25:19 Pinainom ko rin ang Faraon, hari sa Egipto, pati kanyang mga pinuno, lahat ng nasasakupan,
25:20 at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo (ang Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod);
25:21 ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon;
25:22 lahat ng hari sa Tiro, Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat;
25:23 sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok;
25:24 lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto;
25:25 lahat ng hari ng Zimri, Elam at Medos,
25:26 lahat-lahat ng hari sa hilaga, malayo't malapit, at lahat ng kaharian sa daigdig. Ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa sarong ito.
25:27 "Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh: 'Sabihin mo sa mga tao: 'Uminom kayo, magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na magbabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.'"
25:28 Kapag tinanggihan nila ang hawak mong saro, sasabihin mo sa kanila: 'Sinasabi ni Yahweh na inumin ninyo ito.
25:29 Una kong parurusahan ang lunsod na nagtataglay ng aking pangalan; at inaakala ba ninyong kayo'y makaliligtas? Hindi! Sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.'
25:30 '"Kaya't sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi: 'Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan, mula sa kanyang banal na tahanan; dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan, at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas.' "
25:31 "Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan. Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa, gayon din ang buong sangkatauhan; ang masasama ay kanyang lilipulin. Ito ang sabi ni Yahweh.'' "
25:32 "Ganito ang sinasabi ni Yahweh: 'Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan.'"
25:33 Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging pawang dumi lamang sila sa ibabaw ng lupa!
25:34 Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng mga kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa.
25:35 Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makatatakas ang mga tagapag-alaga ng mga kawan.
25:36 Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng mga kawan. Sinasalakay na ang dating matiwasay na kulungan.
25:37 Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa ng matinding poot ni Yahweh.
25:38 Iniwan ni Yahweh ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh.
26:1 ( Binantaang Patayin si Jeremias ) Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Joaquim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh:
26:2 '"Tumayo ka sa bulwagan ng templo at magsalita ka sa mga naninirahan sa lahat ng lunsod sa Juda na naparoon upang sumamba. Huwag kang maglilihim ng anuman."
26:3 Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, pahihinuhod ako at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko sa kanila dahil sa masasamang ginagawa nila.
26:4 '"Sasabihin mo sa kanila, 'Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang mga utos ko sa inyo,"
26:5 at di ninyo pakikinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo,
26:6 "ang templong ito'y itutulad ko sa Silo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panunungayaw.'' "
26:7 Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga saserdote, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh.
26:8 "Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila. 'Dapat kang mamatay!"
26:9 "Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Silo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?' At siya'y pinaligiran ng mga tao. "
26:10 Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga luklukan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo.
26:11 "Pagkatapos ay sinabi ng mga saserdote at mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, 'Dapat patayin ang taong ito pagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.' "
26:12 "Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, 'Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo."
26:13 Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, mahahabag si Yahweh at hindi niya itutuloy ang parusang inilalaan sa inyo.
26:14 Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan.
26:15 "Ngunit ito ang inyong tandaan: Pag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, pagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.' "
26:16 "Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga saserdote at mga propeta, 'Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinasasabi ni Yahweh.'"
26:17 Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga tao,
26:18 '"Si Miqueas na Morastita ay nagpahayag noong panahon ni Haring Ezequias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh: 'Ang Sion ay magiging isang bukirin, magiging isang bunton ng guhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.' "
26:19 "Pinangahasan ba ni Haring Ezequias at ng lahat ng taga-Juda na patayin si Miqueas? Hindi! Sa halip, natakot ang hari at nagsumamo kay Yahweh. Napahinuhod naman si Yahweh at di na itinuloy ang parusang ipapataw sa kanila. Ngunit tayo, tayo ang naghahatid ng malaking kapahamakan sa ating sarili.' "
26:20 May isa pang lalaki na nagpahayag ng salita ni Yahweh; siya'y si Urias, anak ni Semaya na taga-Kiryat-jearim. Nagpahayag siya laban sa lunsod na ito at sa lupaing ito, kagaya rin ng sabi ni Jeremias.
26:21 Nang ito'y marinig ni Haring Joaquim at ng kanyang mga kawal at mga pinuno, tinangka ng haring ipapatay siya. Ngunit nalaman ni Urias ang gagawin sa kanya at siya'y tumakas patungo sa Egipto dahil sa malaking takot.
26:22 Nagpasugo si Haring Joaquim ng ilang tauhan sa Egipto---si Elnatan na anak ni Acbor at ilan pang kasama nito.
26:23 Kinuha nila sa Egipto si Urias, dinala sa harapan ni Haring Joaquim at pinatay sa pamamagitan ng tabak saka inihagis sa libingan ng mga hamak.
26:24 Subalit si Jeremias ay binabantayan ni Ahicam, anak ni Safan, kaya't hindi siya napatay ng mga tao.
27:1 ( Araling Hatid ng mga Pamatok ) Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Sedequias na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
27:2 '"Kumuha ka ng lubid at pamatok at ilagay mo sa iyong batok."
27:3 Pagkatapos, kausapin mo ang mga sugo ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Sedequias.
27:4 Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinasasabi ni Yahweh sa mga haring nagsugo sa kanila:
27:5 'Ako ang lumalang sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa kaninumang aking minamarapat.
27:6 Ang lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nabucodonosor na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya.
27:7 Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa pagbagsak ng kanyang kaharian, ayon sa itinakda. Pagdating ng panahong iyon, ang kanya namang bansa ang gagawing alipin ng mga hari at bansang makapangyarihan.
27:8 '"Ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nabucodonosor ng Babilonia at hindi paiilalim sa kanyang pamamahala ay parurusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan."
27:9 Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga mangkukulam kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia.
27:10 Kabulaanan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat.
27:11 "Subalit kung ang alinmang bansa'y paiilalim sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.'' "
27:12 "Ganito rin ang sinabi ko kay Sedequias na hari sa Juda: 'Pailalim kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay."
27:13 Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia.
27:14 Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kabulaanan ang kanilang sinasabi.
27:15 "Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.' "
27:16 "Sinabi ko naman sa mga saserdote at sa buong bayan ang ipinasasabi ni Yahweh: 'Huwag ninyong pakikinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kabulaanan ang sinasabi nila sa inyo."
27:17 Huwag ninyo silang pakikinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang di kayo mamatay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito?
27:18 Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipamanhik nila kay Yahweh na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia.
27:19 Ito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa mga haligi sa Templo, sa dagat-dagatang tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod.
27:20 Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nabucodonosor nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Joaquim, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem.
27:21 Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga kagamitang naiwan sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa lunsod ng Jerusalem:
27:22 "Ang mga ito'y dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na itinakda ko. Sa araw na iyon, ibabalik ko ang mga ito sa kani-kaniyang lugar.'"
28:1 ( Si Jeremias at si Propeta Ananias ) Nang taon ding iyon, nang ika-5 buwan ng ika-4 na taon ng paghahari ni Sedequias sa Juda, si Jeremias ay kinausap ni Ananias, anak ni Propeta Azur ng Gabaon. Sila noo'y nasa patyo ng Templo. Sa harapan ng mga saserdote at ng mga tao, ang sabi ni Ananias:
28:2 '"Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari sa Babilonia."
28:3 Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nabucodonosor at dinala sa Babilonia.
28:4 "Ibabalik ko rin dito si Jeconias, anak ni Haring Joaquim ng Juda, at ang lahat ng bihag na taga-Juda na dinala sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.' "
28:5 Sinabi naman ni Propeta Jeremias kay Propeta Ananias nang naririnig ng mga saserdote at lahat ng naroon sa patyo ng Templo,
28:6 '"Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo. Mapabalik sana rito mula sa Babilonia ang lahat ng kagamitan ng Templo, at ang lahat ng dinala roong bihag!"
28:7 Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat.
28:8 Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at tanyag na mga kaharian.
28:9 "Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na iiral ang kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.' "
28:10 Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Ananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali.
28:11 "Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: 'Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nabucodonosor sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.' At umalis si Propeta Jeremias. "
28:12 Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Ananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias:
28:13 '"Pumunta ka kay Ananias at sabihin mo: Nawasak mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ng bakal."
28:14 "Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Nabucodonosor, at magkakagayon nga; siya'y paglilingkuran nila, sapagkat ipinailalim ko sa kanya pati ang mga hayop sa parang.'"
28:15 "At sinabi pa ni Propeta Jeremias, 'Ananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo sa isang kabulaanan ang mga taong ito."
28:16 "Kaya't ang sabi ni Yahweh: 'Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!' "
28:17 At nang ika-7 buwan nga ng taong iyon, si Propeta Ananias ay namatay.
29:1 ( Ang Sulat ni Jeremias sa mga Itinapon ) Nagpadala ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga saserdote at mga propeta, at lahat ng nabihag ni Nabucodonosor sa Jerusalem.
29:2 Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna at mga katulong sa palasyo.
29:3 Ang sulat ay ipinagkatiwala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilcias, na sinugo ni Haring Sedequias kay Haring Nabucodonosor sa Babilonia. Ganito ang nasasaad sa sulat:
29:4 '"Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng bihag na ipinatapon niya mula sa Jerusalem:"
29:5 Magtayo kayo ng mga bahay at diyan kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon.
29:6 Mag-asawa kayo upang mag-anak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magsipag-anak din. Magpakarami kayo riyan upang hindi kayo manatiling kakaunti.
29:7 Pagyamanin ninyo ang mga lunsod na pinagdalhan sa inyo. Idalangin ninyo sila sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad.
29:8 Huwag kayong padaya sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong maniniwala sa kanilang mga panaginip.
29:9 Kabulaanan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo.
29:10 "Ito pa ang sabi ni Yahweh: 'Pagkatapos ng pitumpung taon sa Babilonia, kayo'y dadalawin ko. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ito."
29:11 Ako lamang ang nakaaalam ng mga panukalang inihahanda ko para sa ikabubuti ninyo, at para dulutan kayo ng pag-asa sa hinaharap.
29:12 Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo.
29:13 Ako'y hahanapin ninyo't masusumpungan kung buong puso ninyo akong hahanapin.
29:14 Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan sa inyo, at ibabalik sa dakong minulan ninyo bago kayo nabihag.
29:15 '"Sinasabi ninyong si Yahweh ay nagsugo sa inyo ng mga propeta diyan sa Babilonia."
29:16 Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaluklok sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at hindi nabihag na kasama ninyo:
29:17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok, at hindi na makakain.
29:18 Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y magiging tampulan ng pag-uyam at susumpain ng lahat ng bansang pinagtabuyan ko sa kanila.
29:19 Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo.
29:20 Ngunit kayong mga bihag na dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, makinig kayo sa ipinasasabi ni Yahweh:
29:21 Parurusahan ni Yahweh si Acab na anak ni Colaya, at si Sedequias, anak naman ni Maasias, sapagkat pinangahasan nilang gamitin sa kabulaanan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nabucodonosor upang patayin sa inyong harapan.
29:22 Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila: Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Sedequias at Acab, na sinunog nang buhay!
29:23 "Ganito ang kahihinatnan nila sapagkat nakaririmarim ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.' ( Ang Sulat ni Semaya )"
29:24 Kay Semaya na Nehelamita'y
29:25 "ganito ang ipinasasabi ni Yahweh: 'Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, si Sofonias na anak ng saserdoteng si Maasias, at ang lahat ng saserdote. Sinabi mong"
29:26 si Sofonias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng punong saserdoteng si Joiada. At dahil doon, tungkulin niya bilang namamahala sa Templo na lagyan ng pangaw at tanikala ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao.
29:27 Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta?
29:28 "Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: 'Magtatagal kayo rito kaya't kayo'y magtayo ng mga bahay na matitirhan; magtanim kayo para may makain.'' "
29:29 Binasa ng saserdoteng si Sofonias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias.
29:30 At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh:
29:31 '"Sabihin mo sa lahat ng bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaya na Nehelamita: Nagpahayag si Semaya gayong hindi ko siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kabulaanan."
29:32 "Dahil dito, siya'y parurusahan ko pati ang kanyang mga inapo. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.'"
30:1 ( Ang mga Pangako ni Yahweh sa mga Inapo ni Jacob ) Kinausap ni Yahweh si Jeremias,
30:2 "at ito ang sinabi: 'Isulat mong lahat ang sinabi ko sa iyo."
30:3 "Darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.'"
30:4 Ito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:
30:5 '"Narinig ko ang sigaw ng isang sakmal ng takot, ang impit na hikbi ng isang nasindak. "
30:6 Isipin mong mabuti: Maaari bang manganak ang isang lalaki? Bakit sapupo ng bawat lalaki ang kanyang sinapupunan, tulad ng isang babaing manganganak, at sila'y namumutla?
30:7 Nakasisindak ang araw na yaon. Wala itong katulad; ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob, ngunit makaliligtas siya rito.
30:8 '"Sa araw na iyon, sabi ni Yahweh, babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan."
30:9 Sila'y maglilingkod kay Yahweh, at kay David na ibibigay ko na kanilang hari.
30:10 '"Kayong mga inapo ni Jacob na aking lingkod, huwag kayong matakot; mga taga-Israel, huwag kayong masindak. Kayo'y aking ibabalik mula sa lupaing pinagtapunan sa inyo, pati ang mga anak ninyong bihag din sa ibang lupain. Babalik ang mga inapo ni Jacob at payapang mamumuhay; sila'y uunlad at wala nang katatakutan. "
30:11 "Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo, Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo; subalit kayo'y di malilipol. Parurusahan ko kayo nang marapat, ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.' "
30:12 "Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: 'Wala nang lunas ang iyong sakit, mabigat ang pinsalang dinanas mo. "
30:13 Walang kagamutan sa iyong sugat; wala ka nang pag-asang gumaling pa.
30:14 Nilimot ka na ng lahat ng kaibigan mo; wala na silang malasakit sa iyo. Ikaw'y hinampas ko, gaya ng pagsalakay ng isang kaaway, buong lupit kitang pinarusahan; sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.
30:15 Huwag ka nang dumaing dahil sa iyong sakit; wala nang lunas ang sugat mo. Ginawa ko ito sa iyo sapagkat napakalaki ng iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan.
30:16 Gayunman, lahat ng nang-aapi sa iyo ay aapihin; sasakupin ang lahat ng sumakop sa iyo. Sasamsaman ang sumamsam ng kayamanan mo. Ang bumihag sa iyo ay bibihagin din.
30:17 "Ibabalik ko ang kalusugan mo, at pagagalingin ang iyong mga sugat. Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil, ang Sion na walang nagmamalasakit.' "
30:18 "Sinabi pa rin ni Yahweh: 'Muli kong ibabangon ang lipi ni Jacob. Pagpapalain ko ang bawat angkan niya. Bawat lunsod na winasak ay muling itatayo, at ititindig ang bawat gusali. "
30:19 Ang mga tao roon ay aawit ng pagpupuri at magkakaingay sa tuwa. Sila'y aking pararamihin; pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila.
30:20 Ibabalik ko ang kanilang kapangyarihan, at sila'y magiging matatag sa harapan ko. Parurusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila.
30:21 Lilitaw ang isang pangulo na mula rin sa kanila. Aanyayahan ko siya kaya't siya nama'y lalapit sa akin, sapagkat walang mangangahas na kusang lumapit sa akin.
30:22 "Kaya nga, sila'y magiging aking bayan, at ako ang magiging kanilang Diyos.' Ito ang sabi ni Yahweh. "
30:23 Ang galit ni Yahweh ay parang bagyo, parang malakas na hanging hahampas sa ulo ng masasama.
30:24 Hindi magbabawa ang matinding poot ni Yahweh hangga't hindi niya naisasagawa ang kanyang balak. Mauunawaan ninyo ito sa mga araw na darating.
31:1 ( Ang Pagbabalik ng mga Israelita ) '"Sa araw na iyon,' sabi ni Yahweh, 'ako'y magiging Diyos ng buong Israel; at magiging bayan ko sila.' "
31:2 "Sinasabi pa ni Yahweh: 'Ang mga nakaligtas sa patayan ay kinaawaan ko naman sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan,"
31:3 napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila at patuloy kong ipinagmamalasakit.
31:4 Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mo uli ang iyong mga pandereta, at masaya kang makikisayaw.
31:5 Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga manananim, at magpapasasa sa ibubunga niyon.
31:6 "Pagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, 'Halikayo, umakyat tayo sa Sion, kay Yahweh na ating Diyos.'' "
31:7 "Ang sabi ni Yahweh: 'Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob, ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan, ang mga nalabi sa Israel. "
31:8 Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga; titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may pasusuhin, pati yaong malapit nang manganak; sila'y talagang napakarami!
31:9 "Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay ko. Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin sa maayos na landas upang hindi sila madapa. Pagkat ang Israel ay para kong anak, at si Efraim ang aking panganay.' "
31:10 '"Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh, at ipahayag ninyo sa malalayong lupain: 'Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan, gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.' "
31:11 Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob, at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na lubhang makapangyarihan at malakas.
31:12 Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Sion, tigib ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh: saganang trigo, bagong alak at langis, at maraming bakahan at kawan ng tupa. Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig, hindi na sila muling magdadalamhati.
31:13 Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga, makikigalak pati mga binata't matatanda; ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa, papalitan ko ng kagalakan ang kanilang kalungkutan.
31:14 "Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga saserdote, mananagana ang buong bayan dahil sa kabutihang aking ipamamalas.' Ito ang sabi ni Yahweh. ( Ang Pagkahabag ni Yahweh sa Israel )"
31:15 "Sinabi pa rin ni Yahweh: 'Narinig sa Rama ang tinig--- Panaghoy at malakas na panambitan. Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Hindi siya maaliw sapagkat patay na sila.' "
31:16 "Sinasabi ni Yahweh: 'Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak, huwag na kayong lumuha; sapagkat gagantimpalaan ang inyong pagpapagal, babalik sila mula sa lupain ng kaaway. "
31:17 May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh, magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak.
31:18 Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim: 'Pinarusahan ninyo kami na parang mga guyang hindi pa nasisingkawan. Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling, sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos.
31:19 Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na; natuto kami matapos ninyong parusahan. Napapahiya kami't nalulungkot dahil sa mga kasalanan namin nang panahon ng aming kabataan.'
31:20 '"Si Efraim ay anak ko pa ring minamahal, anak na aking kinalulugdan. Kung gaano kadalas ko siyang pinarurusahan, gayon ko siya nagugunitang may pagkahabag. Hinahanap ko siya, at ako'y nananabik sa kanya.' Ito ang sabi ni Yahweh. "
31:21 '"Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas; Tandaan mo ang daang iyong nilakaran. Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinitirhan. "
31:22 "Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aatubili? Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan: ang babae ay siyang yayakap sa lalaki.' ( Ang Kasaganaang Tatamasahin ng Israel )"
31:23 "Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Muling maririnig ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan: 'Pagpapalain ni Yahweh ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.' "
31:24 Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda.
31:25 Sapagkat bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin yaong nanlulupaypay dahil sa matinding gutom.
31:26 "Anupat masasabi ninuman: 'Ako'y natulog at nagising na maginhawa.'' "
31:27 "Sabi ni Yahweh, 'Darating ang panahon na pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa Israel at sa Juda."
31:28 Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
31:29 Pagdating ng panahong iyon ay hindi na sasabihin, 'Kumain ng maasim na ubas ang mga ama, at nangilo ang ngipin ng mga anak.'
31:30 "Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas ay siyang mangingilo; mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.' "
31:31 "Sinasabi pa ni Yahweh, 'Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong pakikipagtipan sa Israel at sa Juda."
31:32 Ito'y di gaya ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagamat sumira sila sa kasunduan namin, nagtiyaga ako sa kanila.
31:33 Ganito ang gagawin kong tipan sa Israel: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko sa kanilang mga puso. Ako'y magiging kanilang Diyos at sila ang magiging bayan ko.
31:34 "Hindi na nila kailangang turuan ang isa't isa upang makilala si Yahweh; lahat sila, dakila't hamak ay makakakilala sa akin, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang maling gawain at hindi ko na gugunitain pa ang kanilang kasalanan.' "
31:35 Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon, at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag; siya ang nagpapagalaw sa dagat anupat umuugong ang mga alon; ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan!
31:36 '"Habang ang kaayusang ito'y nananatili, hindi mapaparam kailanman ang bansang Israel,' Ito ang sabi ni Yahweh. "
31:37 '"Kung masusukat ninuman ang kalangitan o matatarok ang kalaliman ng lupa, maaari kong itakwil ang buong Israel dahil sa lahat ng kanilang ginawa.' Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh. "
31:38 '"Darating ang panahon na muling matatayo ang lunsod ng Jerusalem sa karangalan ni Yahweh, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Panulukang Pinto."
31:39 Ang hangganan nito'y lalampas sa burol ng Gareb saka liliko sa Goa.
31:40 "Ang buong kapatagang pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng Batis ng Cedron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na igigiba o masasakop ninuman ang lunsod na ito.'"
32:1 ( Si Jeremias ay Bumili ng Bukid sa Anatot ) Kinausap ni Yahweh si Jeremias nang ika-10 taon ng paghahari sa Juda ni Sedequias, at ika-18 taon naman ni Nabucodonosor.
32:2 Nang panahong iyon, na kinukubkob ng hukbo ng hari sa Babilonia ang Jerusalem, si Propeta Jeremias nama'y mahigpit na binabantayan sa piitan sa palasyo.
32:3 "Ipinabilanggo siya ni Haring Sedequias dahil sa kanyang ipinahayag. Sabi niya: 'Ito ang ipinasasabi ni Yahweh: Ipasasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia."
32:4 Si Haring Sedequias ay hindi makaliligtas sa mga Caldeo, at ihaharap sa hari ng Babilonia. Makakausap niya ito at makikitang mukhaan.
32:5 "Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang magunita. Anumang pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay sa mga Caldeo.' "
32:6 "Sinabi pa ni Jeremias, 'Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh:"
32:7 "Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.'"
32:8 "Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: 'Bilhin mo na ang bukirin ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit na kamag-anak.' Naalaala ko ang sinabi ni Yahweh,"
32:9 kaya't binili ko ang bukirin ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak.
32:10 Nilagdaan niya ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran.
32:11 Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang siping nakabukas,
32:12 at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maasias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa kuwartel ng mga bantay.
32:13 Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito:
32:14 '"Ito ang utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito---ang tinatakan at ang nakabukas---at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad."
32:15 "Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, ang makapangyarihang Diyos ng Israel: Darating ang panahon na muling magbibilihan ng mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.' ( Ang Panalangin ni Jeremias )"
32:16 Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkabili,
32:17 "si Jeremias ay nanalangin: 'Yahweh, nilikha mo ang kalangitan at ang sanlibutan sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo."
32:18 Ikaw'y nagpapamalas ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinarurusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakilang Diyos na ang pangala'y Yahweh,
32:19 dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang mga gawa mo. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginaganti ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa.
32:20 Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, anupat kilala na ngayon ang pangalan mo sa lahat ng dako.
32:21 Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang nag-akay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan.
32:22 Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno;
32:23 pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila tinalima ang iyong utos ni namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila ginanap ang alinman sa mga utos, kaya nga pinahatdan mo sila ng lahat ng kapahamakang gaya nito.
32:24 Sasalakay na ang mga Caldeo; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi.
32:25 "Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay nakatakdang sakupin ng mga Caldeo.' "
32:26 At sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
32:27 '"Ako si Yahweh, ang Diyos na lumikha sa lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin."
32:28 Kaya nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga Caldeo at kay Haring Nabucodonosor ng Babilonia ang lunsod na ito.
32:29 Ito'y papasukin ng hukbong Caldeo at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng kamanyang na pansuob kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyus-diyusan.
32:30 '"Sa mula't mula pa, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi kasamaan sa harapan ko, anupat nauudyukan akong magalit,' sabi ni Yahweh."
32:31 '"Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya't lilipulin ko na ito."
32:32 Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda: ng kanilang mga hari, pinuno, saserdote, propeta, at lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa Juda.
32:33 Ako'y tinalikuran nila; bagamat ulit-ulit ko silang tinuruan, hindi sila nakinig ni tumanggap man ng payo.
32:34 Inilagay pa nila ang kanilang mga diyus-diyusan sa aking templo, at sa gayo'y dinumhan ito.
32:35 "Gumawa pa sila ng mga dambana para kay Baal sa Lambak ng Hinom, at doon iniaalay kay Moloc ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos ni hindi man naisip na ipagawa sa kanila. Sa gayo'y inudyukan nilang magkasala ang Juda.' ( Ang Pangako ni Yahweh )"
32:36 "Kaya nga, sinabi ni Yahweh kay Jeremias: 'Ipahayag mo sa lunsod na ito na ito'y mahuhulog sa kamay ng hari ng Babilonia, matapos mamatay ang marami sa labanan, gutom at salot."
32:37 Muli ko silang titipunin mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at matiwasay silang maninirahan dito.
32:38 At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos.
32:39 Magkakaisa sila ng puso at diwa sa pagsunod sa akin at ito'y para sa kanilang kabutihan din at ng mga anak nila.
32:40 Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin.
32:41 "Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.' "
32:42 "Sabi pa ni Yahweh: 'Pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; darating ang panahon na ipagkakaloob ko ang kasaganaang aking ipinangako."
32:43 Muling magbibilihan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga Caldeo.
32:44 "At sa pagbibilihan uli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.'"
33:1 ( Nanumbalik sa Jerusalem ang Kasaganaan ) Muling kinausap ni Yahweh si Jeremias samantalang ito'y nakapiit at mahigpit na nababantayan.
33:2 "Ganito ang sabi sa kanya: 'Ako ang lumalang, humugis at nag-ayos ng buong daigdig. Yahweh ang aking pangalan."
33:3 Kung tatawag ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na mahiwaga na hindi mo nauunawaan.
33:4 Ako, si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito sa iyo. Gigibain ko ang mga bahay sa lunsod na ito at ang palasyo sa Juda upang gamiting tanggulan laban sa sumasalakay na mga Caldeo.
33:5 Papasukin kayo ng mga kaaway, at marami ang masasawi sa labanan sapagkat pupuksain ko sila sa tindi ng aking poot. Itinakwil ko ang lunsod na ito dahil sa masasamang gawa ng mga tagarito.
33:6 Ngunit kahahabagan ko silang muli. Hahanguin ko sa kahirapan ang Juda at Israel, at bibigyan sila ng kapayapaan at katiwasayan.
33:7 Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at muli silang itatatag.
33:8 Lilinisin ko sila sa lahat nilang kasalanan at patatawarin sa kanilang paghihimagsik laban sa akin.
33:9 "At dahil sa lunsod na ito'y matatanyag ang aking pangalan, pupurihin at dadakilain ng lahat ng bansa, kapag nabalitaan nila ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob ko sa kanila. Maaantig sila at matitigib ng paghanga dahil sa mga pagpapala't kapayapaang inihatid ko sa aking bayan.' "
33:10 "Ito pa ang sabi ni Yahweh: 'Sinasabi ninyo na ang lugar na ito'y parang ilang; walang tumitira ni tao ni hayop. Wala ngang naninirahan sa mga lunsod ng Juda at walang tao sa mga lansangan ng Jerusalem."
33:11 "Ngunit darating ang panahon na muling maririnig sa lugar na ito ang katuwaan at kasayahan, ang tinig ng mga ikinakasal habang sila'y nasa bahay ni Yahweh upang maghandog ng pagpupuri at pasasalamat; maririnig ang sigawang, 'Purihin si Yahweh na Makapangyarihan, sapagkat siya'y mabuti, at hindi magmamaliw ang kanyang pag-ibig.' At ibabalik ko ang kayamanan ng bayan. Ako, si Yahweh, ang may sabi nito.' "
33:12 "Ito ang sabi ng Makapangyarihang si Yahweh: 'Sa buong lupaing ito na ngayo'y tiwangwang at walang nakatirang tao o hayop, magbabalik ang mga pastol at payapang manginginain ang kanilang mga kawan."
33:13 "Sa mga lunsod sa kaburulan, sa kapatagan, sa timog, sa lupain ng Benjamin, sa palibot ng Jerusalem at ng Juda, muling magkakaroon ng maraming kawan na alaga ng kanilang mga pastol.' "
33:14 "Sinabi pa ni Yahweh, 'Dumarating na ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda."
33:15 At sa panahong iyon, pasisibulin ko ang matuwid na sanga ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katwiran sa buong lupain.
33:16 Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: 'Si Yahweh ang ating katwiran.'
33:17 Si David ay hindi mawawalan ng kahalili sa trono ng Israel.
33:18 "At mula sa lahi ni Levi, hindi kukulangin ng saserdote na mag-aalay sa akin ng mga handog na susunugin, handog na pagkain, at iba pang mga handog.' "
33:19 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
33:20 '"Kung paanong di mababago ang batas na itinakda ko para sa araw at sa gabi,"
33:21 gayon din naman, hindi masisira ang aking pangako sa alipin kong si David at sa mga Levita. Hindi mawawalan ng luluklok sa trono mula sa kanyang lipi; hindi rin mauubos ang mga saserdote sa lahi ni Levi.
33:22 "Gaya ng di mabilang na bituin sa kalangitan at ng buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga inapo ng aking lingkod na si David at ng mga Levitang naglilingkod sa akin.' "
33:23 Ganito pa rin ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
33:24 '"Hindi mo ba napapansin na sinasabi ng mga tao, itinakwil ko raw ang dalawang angkang hinirang ko? Kaya't hahamakin nila ang aking bayan at hindi na sila ituturing na isang bansa."
33:25 Ngunit sinasabi ko naman: Kung paanong itinakda ko ang araw at gabi at ang tiyak na kaayusan sa langit at sa lupa,
33:26 "mananatili rin ang aking tipan sa lahi ni Jacob at sa alipin kong si David. Magbubuhat sa angkan ni David ang hinirang kong maghahari sa lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at sila'y aking kakalingain.'"
34:1 ( Ang Babala ni Jeremias kay Sedequias ) Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias nang ang Jerusalem at mga karatig-bayan ay sinasalakay ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia, katulong ang lahat ng kaharian at bansang sakop nito.
34:2 '"Pumunta ka sa Haring Sedequias ng Juda at ganito ang sabihin mo: Ang lunsod na ito'y ibibigay ko sa hari ng Babilonia at kanyang susunugin."
34:3 Hindi ka makaliligtas; mahuhulog kang tiyak sa kamay niya. Makikita mo't makakausap nang mukhaan ang hari ng Babilonia at dadalhin kang bihag sa bansang iyon.
34:4 Ngunit pakinggan mo ang sabi sa iyo ni Yahweh, Haring Sedequias:
34:5 "Hindi ka masasawi sa tabak; mapayapa kang papanaw, at magsusunog sila ng kamanyang sa iyong libing, gaya ng ginawa sa libing ng iyong mga ninunong hari. Ipagluluksa ka at tatangisan ng ganito, 'Patay na ang aming hari!' Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.' "
34:6 Inulit namang lahat ni Jeremias ang pahayag na ito sa harapan ni Haring Sedequias ng Juda,
34:7 nang panahong ang hukbo ng Babilonia ay sumasalakay na sa Jerusalem, sa Laquis at Azeca, ang nalalabing mga lunsod sa Juda. Ito na lamang ang mga lunsod sa Juda na may mga kuta. ( Nilabag na Kasunduan Hinggil sa mga Aliping Hebreo )
34:8 Dumating kay Jeremias ang salita ni Yahweh matapos pagkasunduan ni Sedequias at ng mga taga-Jerusalem na palayain ang mga alipin.
34:9 Lahat ng may aliping Hebreo, maging babae o lalaki, ay magpapalaya sa mga ito; hindi nila pananatilihing busabos ang kapwa nila Judio.
34:10 Tumalima naman ang lahat ng pinuno at mga taong may mga alipin sa bahay. Pinalaya na nila ang mga ito.
34:11 Subalit pagkalipas ng ilang panahon, nagbago ang kanilang isip at pilit nilang inalipin uli ang mga aliping pinalaya nila.
34:12 Sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
34:13 '"Nagkasundo kami ng inyong mga magulang nang araw na sila'y palabasin ko sa Egipto, sa lupain ng kanilang kaalipinan. Ganito ang aming kasunduan:"
34:14 Pagkalipas ng anim na taon, palalayain nila ang sinumang Hebreo na binili nilang alipin. Ngunit hindi nila ako sinunod.
34:15 Kayo nama'y nagsisi at ginawa ninyo ang matuwid na pasiyang palalayain ang inyong mga aliping Hebreo. Pinagtibay ninyo ito sa aking harapan, sa Templong itinayo ninyo sa karangalan ko.
34:16 Ngunit nagtaksil din kayo at nilapastangan ninyo ang aking pangalan, nang muli ninyong alipinin ang mga lalaki't babaing inyong pinalaya.
34:17 Kaya nga, sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo ako tinalima matapos ninyong ipahayag na palalayain ang inyong mga kalahi. Kaya naman, bibigyan ko kayo ng kalayaan, ang kalayaang mamatay sa tabak, sa salot at sa gutom. Lahat ng bansa ay masisindak sa aking gagawin sa inyo.
34:18 Niwalang-kabuluhan ninyo ang aking tipan at hindi ninyo tinupad ang tuntuning sinang-ayunan ninyong gawin. Gagawin ko sa inyo ang ginagawa ninyo sa guya ng tipan na inyong pinatay, hinati, at dinaanan sa pagitan.
34:19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, ang mga saserdote, at lahat ng dumaan sa guyang hinati ay
34:20 ibibigay ko sa kaaway. Masasawi sila at ang bangkay nila'y kakanin ng mga ibon at mababangis na hayop!
34:21 Ibibigay ko si Sedequias, hari ng Juda, at ang kanyang mga pinuno, sa mga kaaway na tumutugis sa kanila, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na humahanda na ngayong sumalakay.
34:22 Ako ang mag-uutos sa kanila, at muli nilang sasalakayin ang lunsod na ito. Malulupig nila ito saka susunugin; at gagawin kong isang ilang ang mga lunsod ng Juda, at walang maninirahan doon.
35:1 ( Ang Pagkamasunurin ng mga Recabita ) Nang si Joaquim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
35:2 '"Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at dulutan ng alak."
35:3 Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isang nagngangalang Jeremias din na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita.
35:4 Sila'y dinala sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Sallum na anak ni Maaseya, isang mataas na pinuno sa Templo.
35:5 "Naglabas si Jeremias ng mga sisidlang puno ng alak at ng mga saro, at sinabi sa mga Recabita, 'Uminom kayo.' "
35:6 "Subalit tumugon sila, 'Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong Recab, na huwag kaming iinom, gayon din ang aming mga anak."
35:7 Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim sa mga ubasan o bibili ng mga ito. Inatasan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan.
35:8 Sinusunod namin ang lahat ng bilin ni Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami umiinom ng alak, pati ang aming mga asawa't mga anak.
35:9 Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan;
35:10 sa mga tolda kami nakatira. Tinatalima namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab.
35:11 "Ngunit nang sakupin ni Haring Nabucodonosor ang bayang ito, nagpunta kami sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria kaya kami naninirahan ngayon sa Jerusalem.' "
35:12 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
35:13 '"Sabihin mo sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem: Ganito ang ipinasasabi ni Yahweh, ang makapangyarihang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at tumalima sa mga utos ko?"
35:14 Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno.
35:15 Lagi akong nagsusugo ng aking mga aliping propeta upang sabihin sa inyong talikdan na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Datapwat ayaw kayong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin.
35:16 Ang mga inapo ni Jonadab ay tumalima sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi tumatalima sa akin.
35:17 "Kaya naman, pababagsakin ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw kayong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Diyos ng Israel.' "
35:18 "At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita: 'Ganito ang ipinasasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at ginanap ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo."
35:19 "Kaya naman, ito ang aking pangako, akong si Yahweh na Makapangyarihang Diyos ng Israel: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno sa kanilang angkan at maglilingkod sa akin.'"
36:1 ( Binasa ni Baruc ang Kasulatan ) Nang ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Joaquim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
36:2 '"Kumuha ka ng isang sulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan."
36:3 "Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikdan nila ang kanilang masamang pamumuhay. At ipatatawad ko naman ang kanilang kasamaan at mga kasalanan.' "
36:4 Kaya't tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc.
36:5 "Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, 'Ayaw na akong papasukin sa Templo."
36:6 Kaya, ikaw ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Lumagay ka sa dakong ikaw'y maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang lunsod.
36:7 "Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikdan nila ang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.'"
36:8 Tumalima naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pangungusap ni Yahweh.
36:9 Noong ika-9 na buwan ng ika-5 taon ng paghahari sa Juda ni Joaquim, anak ni Josias, ang mga tao'y nagdaos ng isang pag-aayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda.
36:10 Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ng tagapayo ng hari, ni Gemarias na anak ni Safan. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias. ( Binasa ang Kasulatan )
36:11 Narinig ni Micaya, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh, na binasa ni Baruc.
36:12 Nagpunta siya sa palasyo, sa silid ng tagapayo ng hari. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno---si Elisama, ang tagapayo ng hari, si Delaya na anak ni Semaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Sedequias na anak ni Ananias, at ng iba pang pinuno.
36:13 Sinabi sa kanila ni Micaya ang napakinggan niyang binasa ni Baruc.
36:14 Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Dumating si Baruc na dala ang kasulatan.
36:15 '"Maupo ka,' sabi nila, 'at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.' Tumalima naman si Baruc."
36:16 "Matapos niyang basahin, buong pagkabahala silang nagtinginan, at ang sabi kay Baruc, 'Ito'y kailangang ipagbigay-alam natin sa hari!'"
36:17 "At tinanong nila siya, 'Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Iniutos ba sa iyo ni Jeremias?' "
36:18 "Sumagot si Baruc, 'Ang bawat kataga nito'y sinabi sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman.' "
36:19 "Sa gayo'y sinabi nila, 'Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipaaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.' ( Ipinasunog ang Kasulatan )"
36:20 Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang tagapayo ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat.
36:21 Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari't mga pinunong nakapaligid sa kanya.
36:22 Taglamig noon at ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan.
36:23 Pagkabasa ni Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinutol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan.
36:24 Gayunman, hindi natakot o nagpamalas ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, ni sinuman sa mga pinuno niya.
36:25 Bagamat nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaya at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi pinansin.
36:26 Pagkatapos, iniutos niya kay Prinsipe Jerameel na isama si Azriel na anak ni Seraya at si Abdeel na anak ni Selemias, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y ikinubli ni Yahweh. ( Isinulat Uli ang Nilalaman ng Sinunog na Kasulatan )
36:27 Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias
36:28 na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Joaquim.
36:29 "Iniutos pa rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Joaquim: 'Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop."
36:30 Kaya naman, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Joaquim, na sinuman sa mga anak mo'y hindi maghahari kahit kailan. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init at lamig, araw at gabi.
36:31 "Parurusahan kita, at ang iyong mga inapo, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.' "
36:32 Kumuha nga si Jeremias ng ibang susulatan, at ipinasulat uli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Joaquim. Nagdagdag din si Jeremias ng maraming bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc.
37:1 ( Ang Kahilingan ni Sedequias kay Jeremias ) Si Sedequias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nabucodonosor bilang hari ng Juda, sa halip ni Conias, anak ni Haring Joaquim.
37:2 Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinasasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Sedequias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao.
37:3 Inutusan ni Haring Sedequias si Jucal, anak ni Selemias, at ang saserdoteng si Sofonias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang kaharian.
37:4 Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; malaya pa siyang nakapaglalabas-masok sa bayan.
37:5 Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng mga taga-Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio.
37:6 Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias:
37:7 '"Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, 'Ang hukbo ni Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto."
37:8 Sa halip, ang mga taga-Babilonia ang darating. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, kukubkubin, at susunugin.
37:9 Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila.
37:10 "At kahit na matalo mo pa ang buong hukbo ng Babilonia, anupat walang matira sa kanila kundi ang mga sugatang nasa kanilang mga tolda, babangon ang mga ito at sasakupin nila ang lunsod at tuluyang susunugin!'' ( Ibinilanggo si Jeremias )"
37:11 Nang umurong ang mga taga-Babilonia upang harapin ang hukbo ng Faraon na sasaklolo sa Jerusalem,
37:12 binalak ni Jeremias na pumunta sa lupain ng Benjamin para kunin ang kanyang bahagi sa ari-arian ng kanyang sambahayan.
37:13 "Ngunit pagsapit niya sa Pintuan ni Benjamin, pinigil siya ni Irias, anak ni Selemias at apo ni Ananias; ito ang pinuno ng mga bantay sa pintuang iyon. 'Tumatakas ka upang pumanig sa mga Caldeo!' sabi sa kanya. "
37:14 "Sumagot si Jeremias, 'Hindi totoo ang bintang mo. Hindi ako pumapanig sa kanila!' Subalit ayaw maniwala ni Irias; dinakip niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno."
37:15 Galit na galit ang mga ito kay Jeremias; siya'y sinaktan saka ibinilanggo sa bahay ni Jonatan, ang tagapayo ng hari. Ang bahay na ito ay ginawa nilang bilangguan.
37:16 Ipinasok si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at matagal na pinigil doon. ( Kinausap ni Sedequias si Jeremias )
37:17 "Isang araw, palihim na ipinatawag ni Haring Sedequias si Jeremias at nang idating na sa kanya, ang tanong dito, 'May pahayag ka ba mula kay Yahweh?' Sumagot si Jeremias, 'Mayroon. Ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia.'"
37:18 "Pagkatapos ay itinanong niya, 'Anong kasalanan ang nagawa ko sa inyo o sa inyong mga pinuno o sa mga taong-bayan upang ako'y ipabilanggo?"
37:19 Nasaan ngayon ang inyong mga propeta na nagsabi sa inyo na hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang bansang ito?
37:20 "Kaya ngayon, Kamahalan, isinasamo kong pakinggan ninyo ang kahilingan ko. Huwag na po ninyo akong ibalik sa bahay ni Jonatan na inyong tagapayo. Ako po'y tiyak na mamamatay roon.' "
37:21 Kaya't iniutos ni Haring Sedequias na dalhin si Jeremias sa himpilan ng mga bantay at dalhan siya roon ng isang pirasong tinapay araw-araw hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya nga't sa himpilan ng mga bantay ipiniit si Jeremias.
38:1 ( Si Jeremias sa Tuyong Balon ) Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pasur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pasur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao.
38:2 "Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: 'Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas.'"
38:3 "Sinabi pa rin niya: 'Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay babayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.' "
38:4 "Kaya't sinabi ng mga pinuno, 'Kamahalan, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay matatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakatutulong sa bayan ang taong iyan; manapa'y ibig niyang mapahamak tayong lahat.' "
38:5 "Kaya't sinabi ni Haring Sedequias, 'Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang ibig ninyo; hindi ko kayo mapipigil.'"
38:6 Dinakip nila si Jeremias at dinala sa may balon ni Prinsipe Malquias, sa himpilan ng mga bantay. Matapos talian ng lubid, inihugos nila si Jeremias sa balon. Hindi tubig kundi burak ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik.
38:7 Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin.
38:8 Pumunta roon si Ebed-melec at sinabi sa hari,
38:9 '"Kamahalan, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom pagkat wala nang pagkain sa lunsod.'"
38:10 Iniutos ng hari na magsama si Ebed-melec ng tatlong lalaki at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias at baka mamatay.
38:11 Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihugos na kasama ng lubid kay Jeremias.
38:12 "Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, 'Isapin po ninyo sa inyong katawan ang mga damit para hindi kayo masaktan ng lubid.' Sumunod naman si Jeremias,"
38:13 at hinila nila siya hanggang sa maiahon. Iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. ( Si Sedequias ay Humingi ng Payo kay Jeremias )
38:14 "Ipinatawag ni Haring Sedequias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. 'May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,' sabi ng hari. "
38:15 "Sumagot si Jeremias, 'Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pansinin.' "
38:16 "Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Sedequias, 'Buhay si Yahweh na nagbibigay-buhay sa atin; ipinangangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.' "
38:17 "Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Sedequias ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari sa Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay maliligtas."
38:18 "Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makaliligtas.' "
38:19 "Sumagot si Haring Sedequias, 'Natatakot ako sa mga Judiong pumanig sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.' "
38:20 '"Hindi kayo ibibigay sa kanila,' sabi ni Jeremias. 'Ipinakikiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas."
38:21 Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko.
38:22 "Tumingin kayo! Inilalabas na ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila: 'Ang hari'y iniligaw ng pinakamatatalik niyang kaibigan; nanalig siya sa kanila. At ngayong nakalubog sa burak ang kanyang mga paa, iniwan siya ng mga kaibigan niya.'' "
38:23 "Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, 'Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makaliligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.' "
38:24 "Sumagot si Sedequias, 'Huwag mong ipaaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo."
38:25 Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka.
38:26 "Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.'"
38:27 Nagpunta kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isagot. Wala silang magawa sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila.
38:28 At nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem.
39:1 ( Bumagsak ang Jerusalem ) Dumating si Haring Nabucodonosor ng Babilonia, kasama ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Jerusalem noong ika-10 buwan ng ika-9 na taon ng paghahari ni Haring Sedequias sa Juda.
39:2 At noong ika-9 na araw ng ika-4 na buwan naman ng ika-11 taong paghahari ni Sedequias, napasok nila ang lunsod.
39:3 Matapos makuha ang Jerusalem, lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay nagsama-samang naupo sa Gitnang Pintuan ng lunsod. Kabilang dito sina Mergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsequim ng Rabsaris, Mergal-sarezer ng Rabmag, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
39:4 Nang makita ni Sedequias at ng kanyang mga tauhan ang nangyayari, tumakas sila pagsapit ng gabi. Sila'y dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang muog, at nagpunta sa Lambak ng Jordan.
39:5 Ngunit hinabol sila ng mga taga-Babilonia, at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Nabihag si Sedequias at ang mga kasama niya, at dinala kay Haring Nabucodonosor na noo'y nasa Ribla, lupain ng Hamat. Sa kabila ng kanilang pagsusumamo, iginawad ni Nabucodonosor ang hatol na kamatayan.
39:6 Pinatay ang mga anak na lalaki ni Sedequias sa harapan niya. Pinatay rin ang mga pinunong kasama ni Sedequias.
39:7 Ipinadukit ang mga mata ni Sedequias, saka siya nilagyan ng mga pangaw na tanso upang dalhin sa Babilonia.
39:8 Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at pinaguho ang mga muog ng Jerusalem.
39:9 Sa pangangasiwa ni Nebuzaradan, kataas-taasang pinuno ng hukbo, dinalang bihag sa Babilonia ang mga taong nalalabi sa lunsod, pati yaong pumanig sa kanya.
39:10 Ang tanging iniwan ni Nebuzaradan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin. ( Kinalinga ni Nabucodonosor si Jeremias )
39:11 Iniutos ni Haring Nabucodonosor kay Nebuzaradan,
39:12 '"Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at susundin mo ang kanyang kahilingan.'"
39:13 Kaya't tinipon ni Nebuzaradan sina Nebuzazban, pinuno ng mga bating, Mergal-sarezer, namumuno sa mga pangunahing kawal, at ang lahat ng pinuno ng hari sa Babilonia.
39:14 Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at inilipat sa bahay ni Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan. ( Tiniyak kay Ebed-melec ang Pagkaligtas Niya )
39:15 Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh:
39:16 '"Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi ko laban sa lunsod na ito. Darating ang sakunang aking ibinabala sa araw na itinakda ko."
39:17 Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo.
39:18 "Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban, sapagkat nanalig ka nang lubos sa akin.'"
40:1 ( Si Jeremias at ang mga Nalabing Kasama ni Gedalias ) Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh matapos siyang palayain ni Nebuzaradan, ang pinuno ng hukbo ng Babilonia. Natagpuan siya nito sa Rama, kasama ng iba pang mga bihag sa taga-Jerusalem at taga-Juda. Nakagapos sila't dadalhin sa Babilonia.
40:2 "Sinabi sa kanya ni Nebuzaradan: 'Ibinabala ng Diyos mong si Yahweh na pahahatdan ng sakuna ang lupaing ito."
40:3 Ang babalang iyon ay isinagawa niya sapagkat nagkasala at sumuway kay Yahweh ang bayang ito.
40:4 "Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, nasa iyo iyon. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo ibig.' "
40:5 "Hindi umimik si Jeremias, kaya't nagpatuloy si Nebuzaradan: 'Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng buong lupain ng Juda. Malaya kang makapaninirahan doon o saanmang iniisip mong mabuti.' Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinalakad na."
40:6 Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda. ( Naging Gobernador si Gedalias )
40:7 May mga pinuno at mga kawal ng Juda na di sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa mahihirap at mahihinang mamamayan na hindi dinala sa Babilonia.
40:8 Kaya't pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Joanan na anak ni Carea, Seraya na anak ni Tanhumat, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maacas.
40:9 "At sinabi sa kanila ni Gedalias: 'Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti."
40:10 "Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang makiharap para sa inyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.'"
40:11 Nabalitaan din ng mga Judio na lumikas sa Moab, Ammon, Edom, at iba pang bansa, na may mga kababayan silang naiwan sa Juda, at si Gedalias ang inilagay ng hari ng Babilonia para mamahala sa kanila.
40:12 Kaya't sila'y umalis sa lupaing pinagtabuyan sa kanila at nakipagkita kay Gedalias sa Mizpa. Nakatipon sila ng napakaraming bungangkahoy at alak nang tag-araw na iyon. ( Ang Pagtataksil ni Ismael kay Gedalias )
40:13 Si Joanan, anak ni Carea, at lahat ng namumuno sa pangkating nagkukuta sa parang ay nagpunta kay Gedalias.
40:14 "Ang sabi nila: 'Alam ba ninyong si Ismael na anak ni Netanias ay sugo ni Baalis, hari ng mga Ammonita? Nakipagkasundo siya sa inyo upang patayin kayo!' Subalit ayaw maniwala ni Gedalias."
40:15 "Pagkatapos, palihim na sinabi ni Joanan, 'Bayaan po ninyong iligpit ko si Ismael. Hindi kayo dapat masawi sa kamay ng taong iyon. Pag kayo'y namatay, mangangalat ang lahat ng Judio na nasa inyong pamamahala; mapapahamak pati ang mga nalabi sa Juda.' "
40:16 "Ngunit sumagot si Gedalias, 'Joanan, huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.'"
41:1 Si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ika-7 buwan ng taon, inanyayahan siya ni Gedalias sa Mizpa. May kasama siyang sampung tauhan. At samantalang sila'y kumakain,
41:2 tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at dumaluhong kay Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia upang maging gobernador sa lupain.
41:3 Pinatay rin ni Ismael ang mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na naroon.
41:4 Kinabukasan, matapos paslangin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman,
41:5 may walumpung lalaking dumating buhat sa Siquem, Silo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at kamanyang upang ihandog sa Templo ni Yahweh.
41:6 "Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, 'Halikayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.'"
41:7 Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay.
41:8 "May sampung hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, 'Huwag mo kaming patayin. Marami kaming trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan.' Kaya, napahinuhod siya at hindi sila pinatay."
41:9 Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael.
41:10 Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa---ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y nagtungo sa lupain ng Ammon.
41:11 Nabalitaan ni Joanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael.
41:12 Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gabaon.
41:13 Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Joanan at ang kanyang mga tauhan.
41:14 Ang lahat ng bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay sumama kay Joanan.
41:15 Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita.
41:16 Tinipon ni Joanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at bating; silang lahat ay ibinalik ni Joanan buhat sa Gabaon.
41:17 Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Betlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto.
41:18 Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda.
42:1 ( Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias ) Lumapit kay Jeremias si Joanan na anak ni Carea, si Azarias na anak ni Hosaya, ang iba pang mga pinuno, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila.
42:2 "Ang pakiusap nila sa propeta, 'Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, at ang lahat ng natirang ito (kakaunti na lamang kami ngayon tulad ng nakikita ninyo.)"
42:3 "Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming gawin.' "
42:4 "Sumagot sa kanila si Jeremias, 'Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang tugon niya. Wala akong ililingid na anuman.' "
42:5 "Sinabi pa nila kay Jeremias, 'Parusahan kami ni Yahweh pag hindi namin ginawa ang sasabihin niya."
42:6 "Sa ayaw namin at sa gusto, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh pagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.' ( Tinugon ni Yahweh ang Dalangin )"
42:7 Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh.
42:8 Kaya't tinawag niya si Joanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila.
42:9 "Sinabi niya sa kanila, 'Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan:"
42:10 Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at di ipapahamak; itatanim at di bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo.
42:11 Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia pagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
42:12 Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain.
42:13 Datapwat kapag sinuway ninyo ang salita ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito,
42:14 at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto sa paniniwalang walang digmaan doon, at di kayo magugutom,
42:15 ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto,
42:16 aabutin kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay.
42:17 "Lahat ng maninirahan doon ay masasawi sa tabak, gutom, at salot. Walang magliligtas sa inyo.' "
42:18 "Sinabi pa rin ni Yahweh: 'Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, pag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y magiging tampulan ng pag-uyam, pagkahindik, pagsumpa, at paghamak. At hindi na ninyo makikita ang lupaing ito. "
42:19 '"Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo,"
42:20 mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko.
42:21 Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinasasabi ko.
42:22 "Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, taggutom, at salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.'"
43:1 ( Ang Paglikas sa Egipto ) Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinasasabi ni Yahweh sa mga tao,
43:2 "sinabi sa kanya nina Azarias, anak ni Hosaya, Joanan na anak ni Carea, at ng mga palalong lalaki, 'Sinungaling! Ikaw ay hindi sinugo ni Yahweh upang sabihin sa amin na huwag kaming manirahan sa Egipto."
43:3 "Manapa, inudyukan ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga taga-Babilonia; sa gayon, papatayin nila kami o kaya'y dadalhing bihag.'"
43:4 Si Joanan, ang lahat ng pinuno ng hukbo, at ang mga tao'y hindi nakinig sa salita ni Yahweh; ipinasiya nilang umalis sa Juda.
43:5 Kaya, tinipon ni Joanan at ng mga pinuno ng hukbo ang lahat ng nalabi na nagbalik sa Juda mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila.
43:6 Ang karamihang ito'y binubuo ng mga lalaki, mga babae, mga bata, mga anak na babae ng hari, at ng mga taong ipinagkatiwala ni Nabuzaradan, ang kapitan ng mga bantay, kay Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan; kabilang din sina Propeta Jeremias at Baruc.
43:7 Hindi nga sila nakinig sa salita ni Yahweh at sila'y nagpunta sa Egipto; una nilang narating ang Tafnes.
43:8 Sa Tafnes ay kinausap ni Yahweh si Jeremias:
43:9 '"Kumuha ka ng malalaking bato at ibaon mo sa daanang papasok sa palasyo ng Faraon sa Tafnes; gawin mo ito na nakikita ng kalalakihan sa Juda."
43:10 Sabihin mo sa kanila, 'Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Dadalhin ko ang aking lingkod na si Haring Nabucodonosor ng Babilonia, at ang kanyang trono ay ilalagay niya sa ibabaw ng mga batong ito na aking ibinaon; ilalatag niya sa ibabaw nito ang kanyang habong.
43:11 Pagkatapos ay sasalakayin niya ang Egipto at papatayin ang mga dapat mamatay, bibihagin ang dapat mabihag, at papatayin ang itinakdang masawi sa tabak.
43:12 Susunugin niya ang mga templo ng mga diyus-diyusang Egipcio, gayon din ang mga gusali, at bibihagin ang mga diyos. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto, gaya ng paglilinis ng isang pastol sa kanyang kasuutan upang maalis ang mga hanip. Kung maganap na niyang lahat ito, lilisanin na niya ang Egipto.
43:13 "Gigibain din niya ang mga haliging itinuturing na banal sa Egipto, at tutupukin ang lahat ng templo ng mga diyus-diyusan doon.''"
44:1 ( Ang Pahayag ni Yahweh sa mga Judio sa Egipto ) Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judio sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa purok ng Patros.
44:2 "Ito ang kanyang sinabi: 'Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak ang mga ito, at walang naninirahan doon."
44:3 Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, o ninyo o ng inyong mga ninuno.
44:4 Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang mga propeta. Sinabi nila sa inyo, 'Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.'
44:5 Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikdan ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyusan.
44:6 "Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod.' "
44:7 "Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel: 'Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Ibig ba ninyong malipol na nang lubusan ang mga taga-Juda?"
44:8 Bakit ninyo ako ginagalit sa pagsamba ninyo at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyusan sa Egipto na inyong tinatahanan? Sarili ninyo ang inyong winawasak at kayo'y magiging tampulan ng pag-uyam at paghamak ng lahat ng bansa.
44:9 Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem?
44:10 Hanggang ngayo'y hindi sila nagpapakumbaba ni hindi natatakot, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang.
44:11 '"Kaya't akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Naipasiya kong kayo'y pahatdan ng kapahamakan at lipulin ang mga taga-Juda."
44:12 Parurusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa tabak; sa taggutom naman ang iba. Dakila't hamak ay para-parang masasawi sa tabak, sa taggutom o sa salot. At magiging tampulan sila ng pag-uyam at pandidiri, ng paghamak at pag-upasala.
44:13 Parurusahan ko yaong nakatira sa Egipto, tulad ng parusa ko sa taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng tabak, taggutom, at salot.
44:14 "Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makababalik upang manahanang pamuli sa Juda. Ngunit hindi na sila makababalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay ni makatatakas.' "
44:15 Ang lahat ng kalalakihang naroon na nakababatid na ang kanilang asawa'y nagsusunog ng handog sa ibang diyos, gayon din ang mga kababaihang nakatayo sa di kalayuan, at lahat ng naninirahan sa Patros, Egipto, ay nagsabi kay Jeremias,
44:16 '"Hindi namin pakikinggan ang sinasabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh."
44:17 Bagkus, gagawin namin ang lahat ng aming ipinangako sa aming sarili: magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, magbubuhos kami ng handog na inumin para sa kanya, gaya ng ginagawa ng aming mga ninuno, mga hari, at mga pinuno, at gaya ng ginawa namin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. Noo'y sagana kami sa pagkain, tiwasay kami, at walang anumang kapahamakang dumating sa amin.
44:18 "Ngunit simula nang iwan namin ang pagsusunog ng handog sa reyna ng kalangitan at ang pagbubuhos ng handog na inumin sa kanya, dumanas kami ng matinding pagsasalat. Marami sa amin ang nasawi sa tabak at taggutom.' "
44:19 "At sumagot ang mga babae, 'Sinuob namin ng kamanyang ang reyna ng kalangitan at kami'y naghandog ng inumin sa kanya. Alam ng aming mga asawa na gumagawa kami ng mga tinapay na hugis kalahating buwan at may larawan niya. Nagbuhos din kami ng alak na handog sa kanya.' "
44:20 Ang sabi ni Jeremias sa mga nangatwiran nang ganito sa kanya,
44:21 '"Hindi nakakalimutan ni Yahweh ang mga sinunog ninyong handog sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, kayo at ang inyong mga ninuno, mga hari, mga pinuno, at lahat ng nasa lupain."
44:22 Umabot na sa sukdulan ang inyong kasamaan kaya winasak ni Yahweh ang inyong lupain.
44:23 "Dumating sa inyo ang kapahamakang ito sapagkat nagsunog kayo ng mga handog na ito, at iyan ay kasalanan kay Yahweh. Hindi rin ninyo tinalima si Yahweh at tinupad ang kanyang mga utos at tuntunin.' "
44:24 "Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, 'Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga salita ni Yahweh, ang Diyos ng Israel."
44:25 Mga babae, ang inyong ginawa'y kaugnay ng mga sinabi ninyong, 'Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, at magbubuhos ng handog na inumin sa kanya.' Patunayan ninyo at ganapin ang inyong mga ipinangako.
44:26 Ngunit dinggin ninyo ang sabi ni Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto. Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan, sabi ni Yahweh, na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipahihintulot na ipanumpa nila sa Egipto ang aking pangalan.
44:27 Nagmamasid ako upang pahatdan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa tabak at sa taggutom, hanggang malipol silang lahat.
44:28 Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na nanahan sa Egipto, kung kaninong salita ang mananaig, ang sa kanila o ang sa akin.
44:29 Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking parurusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo.
44:30 "Ito'y mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway at sa lahat ng nagtatangka sa kanyang buhay, katulad ng ginawa ko kay Haring Sedequias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nabucodonosor na kaaway niya at siyang nagtatangka sa kanyang buhay.'"
45:1 ( Ang Pangako ni Yahweh kay Baruc ) Nang ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Joaquim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng sinalita ng propeta. Ani Jeremias:
45:2 '"Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh na Diyos ng Israel."
45:3 Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ako pagkat dinagdagan ni Yahweh ang aking sakit; pinadalhan niya ako ng kalungkutan. Pagod na ako sa pagdaing, at wala akong kapahingahan.
45:4 Subalit ipinasasabi sa iyo ni Yahweh, 'Winawasak ko yaong aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim; ito'y ang buong lupain.
45:5 "Huwag mo nang nasaing makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat pahahatdan ko ng kasamaan ang lahat; gayunman, ililigtas ko ang iyong buhay, bilang gantimpala ng digmaan sa lahat ng lugar na pupuntahan mo.''"
46:1 ( Mga Hula Tungkol sa Egipto ) Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa mga bansa.
46:2 Tungkol sa hukbo ni Faraon Necao ng Egipto; sila'y nakahimpil sa may Ilog Eufrates sa Carquemis nang lupigin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Joaquim, anak ni Josias.
46:3 '"Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag, at pumalaot kayo sa larangan ng digma! "
46:4 Inyong siyahan ang mga kabayo, at sakyan na ninyo, mga mangangabayo. Humanay na kayo, ilagay ang inyong turbante, dalhin ang matutulis na sibat, at magbihis ng kagayakang pandigma!
46:5 Ngunit ano itong aking nakikita? Sila'y takot na takot na nagbabalik. Nalupig ang kanilang mga kawal, at mabilis na tumakas; ni hindi na sila lumingon, sapagkat may panganib sa magkabi-kabila!
46:6 Ngunit hindi makatatakas kahit ang maliliksi, at hindi makalalayo ang mga kawal. Sila'y nabuwal at namatay sa may Ilog Eufrates sa gawing hilaga.
46:7 Sino itong bumabangon, kagaya ng Nilo, gaya ng mga ilog na ang tubig ay malakas na umaalon?
46:8 Ang Egipto ang bumabangong tulad ng Nilo, gaya ng ilog na umaalon. Sabi niya, 'Ako'y babangon, aapawan ko ang lupa, wawasakin ang mga lunsod, at lilipulin ang mga nananahan doon.
46:9 "Dumaluhong kayo, mga mangangabayo! Sumugod kayong nasa mga karwahe! Sumalakay kayo, mga kawal, mga lalaking taga-Etiopia at Libya na bihasang humawak ng kalasag; kayo ring taga-Lud na sanay sa pana.'' "
46:10 Ang araw na yaon ay kay Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan, araw ng paghihiganti niya sa mga kaaway. Ang tabak ay parang gutom na lalamon at di tutugot hangga't di busog, iinumin nito ang kanilang dugo. At ihahandog ni Yahweh ang mga bangkay nila sa lupain sa hilaga, sa may Ilog Eufrates.
46:11 Umakyat ka sa Galaad, kumuha ka roon ng panlunas. Walang bisa ang maraming gamot na ginamit mo; hindi ka na gagaling.
46:12 Nabalitaan ng mga bansa ang kahihiyan mo, at umaalingawngaw sa sanlibutan ang iyong sigaw. Natisod ang kawal sa kapwa kawal; sila'y magkasabay na nabuwal. ( Sumalakay sa Egipto si Nabucodonosor )
46:13 Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nabucodonosor upang saktan ang Egipto.
46:14 '"Ganito ang ipahayag ninyo sa Egipto, sa Migdol, sa Menfis, at sa Tafnes: 'Tumindig kayo at humanda, sapagkat ang tabak ay mananakmal sa palibot.' "
46:15 Bakit tumakas ang itinuturing na malakas na diyus-diyusang si Apis? Ano't hindi siya tumayo? Sapagkat siya'y ibinagsak ni Yahweh.
46:16 Nalugmok ang maraming kawal; ang wika nila sa isa't isa, 'Umurong na tayo sa ating bayan upang tayo'y makaiwas sa tabak ng kaaway.'
46:17 '"Ang Faraon ng Egipto ay tawagin ninyong 'ang ugong na nagsasayang ng panahon.' "
46:18 "Sinasabi ng Hari na ang pangala'y Makapangyarihang Yahweh, 'Ako ang buhay na Diyos! Gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok, at ng Carmelo sa may tabing-dagat, Ako'y buhay na Diyos gayon din may isang darating sa inyo. "
46:19 Mga taga-Egipto, ihanda ninyo ang inyong sarili sa pagkabihag! Masisira at guguho ang Menfis, at wala isa mang maninirahan doon.
46:20 Ang Egipto'y gaya ng isang magandang bakang dumalaga, ngunit dumating sa kanya ang isang salot buhat sa hilaga.
46:21 Pati ang kanyang mga upahang kawal ay parang mga guyang walang kayang magtanggol. Nagbalik sila at magkakasamang tumakas, pagkat sila'y hindi nakatagal. Dumating na ang araw ng kanilang kapahamakan; oras ng kanilang kaparusahan.
46:22 Siya'y dahan-dahang tumalilis, gaya ng ahas na gumagapang na papalayo. Sapagkat dumating ang makapangyarihang kaaway, may dalang mga palakol, tulad ng mamumutol ng mga punongkahoy.
46:23 "Puputulin nito ang mga punongkahoy sa kanyang kagubatan,' sabi ni Yahweh, 'bagamat ito'y mahirap pasukin; mas marami sila kaysa mga balang, at halos di mabilang. "
46:24 "Mapapahiya ang mga taga-Egipto; ibibigay sila sa mga taga-hilaga.' "
46:25 "Sinabi ni Yahweh: 'Parurusahan ko si Amon na taga-Tebas, ang Faraon, ang Egipto, at sampu ng kanyang mga diyos at mga hari, at ang mga nagtitiwala kay Faraon."
46:26 Sila'y ibibigay ko kay Haring Nabucodonosor ng Babilonia. Pagkatapos, tatahanan ang Egipto gaya ng unang panahon. ( Ililigtas ni Yahweh ang Kanyang Bayan )
46:27 '"Ngunit huwag kang matakot, lingkod kong Jacob; at huwag kang manlupaypay, Israel. Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon; kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak. Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob At siya'y mananagana't wala nang katatakutan. "
46:28 "Inuulit ko, Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot, sapagkat ako'y sumasaiyo,' sabi ni Yahweh. 'Ganap na magwawakas ang lahat ng bansang pinagtabuyan ko sa iyo, subalit ikaw ay walang katapusan. Papaluin kita pagkat iyon ang nararapat; hindi maaaring di kita parusahan.'"
47:1 ( Hula Tungkol sa mga Filisteo ) Ito'y pahayag na tinanggap ni Jeremias buhat kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza:
47:2 '"Tumataas ang tubig sa hilaga, at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain; pasasaklolo ang mga tao, maghihiyawan sa matinding takot. "
47:3 Maririnig ang mga yabag ng mga kabayo, ang paghagibis ng mga karwahe! Hindi na maaalala ng mga ama ang kanilang mga anak; manghihina ang kanilang mga kamay,
47:4 sapagkat dumating na ang araw ng pagkabihag sa mga Filisteo. Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak; sapagkat ipapahamak ni Yahweh ang mga Filisteo, ang nalabi sa pulo ng Caftor.
47:5 Parang pinanot ang Gaza; nalipol ang Ascalon. Hanggang kailan ninyo pahihirapan ang inyong sarili?
47:6 Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh? Lumigpit ka na, at manahimik!
47:7 "Paano naman itong mapapahinga? Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh laban sa Ascalon at sa kapatagang malapit sa dagat; doon tinakdaan ng gawain ang tabak na ito.'"
48:1 ( Hula Tungkol sa Moab ) "Tungkol sa Moab, ganito naman ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: 'Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak. Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang muog, at nalagay sa kahiya-hiya ang mga mamamayan. "
48:2 Wala na ang katanyagan ng Moab; ang Hesbon ay nasakop ng kaaway. Sinabi pa nila, 'Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na matawag na isang bansa!' At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y hahampasin; hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan.
48:3 Dinggin ninyo ang mapait na panangisan sa Horonaim; ito'y dahil sa pananamsam at kapahamakan.
48:4 '"Wasak na ang Moab. Ang panangisan doo'y dinig hanggang Zoar. "
48:5 Sa pag-akyat sa Luhit, mapait na nananangis ang mga mamamayan; pagbaba sa Horonaim, naririnig ang paghiyaw ng 'Kapahamakan!'
48:6 Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay, gaya ng mailap na asno sa ilang.
48:7 '"Mga taga-Moab, nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan. Ngunit kayo ngayo'y malulupig at dadalhing bihag ang diyus-diyusan ninyong si Quemos, pati ang inyong mga saserdote at mga pinuno. "
48:8 At papasukin ng manlilipol ang bawat lunsod; walang makatatakas. Mapaparam ang kapatagan at ang libis ay masisira.
48:9 '"Bigyan ninyo ng mga bagwis ang Moab, nang siya'y makalipad na palayo; mawawasak ang kanyang mga lunsod, at wala nang mananahan doon. Ito ang sabi ni Yahweh. "
48:10 '"Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh! Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay. ( Nawasak ang mga Lunsod ng Moab )"
48:11 '"Namuhay na walang pagkabahala ang Moab mula nang kanyang kabataan,' sabi ni Yahweh. 'Siya'y gaya ng alak na di nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang bihag. Kaya't hindi pa nababago ang kanyang lasa, hindi rin nagbabago ang kanyang amoy. "
48:12 '"Kaya, dumarating na ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka ito babasagin."
48:13 At ikahihiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyusan, katulad ng Betel, ang diyus-diyusang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan.
48:14 '"Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga mandirigma, at mga lalaking matapang sa pakikipaglaban? "
48:15 "Dumating na ang sisira sa Moab at sa kanyang mga lunsod, at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.' Ito ang pananalita ng Hari na ang pangalan ay Yahweh: "
48:16 '"Malapit na malapit na ang pagbagsak ng Moab, mabilis na dumarating sa kanya ang kapahamakan. "
48:17 Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan, at kayong lahat na nakakikilala sa kanya; sabihin ninyo, 'Nabali ang matibay na tungkod, ang tungkod ng karangalan at kapangyarihan.'
48:18 Bumaba kayo mula sa inyong pagmamarangal at maupo kayo sa tigang na lupa, kayong mga taga-Dibon; sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab at sinira ang iyong mga pangulong lunsod at muog.
48:19 Kayong naninirahan sa Aroer, tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid, tanungin ninyo ang mga takas, ang lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas, 'Ano ang nangyari?'
48:20 Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay; humiyaw kayo't tumangis, ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab!
48:21 '"At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa kapatagan: sa Holon, sa Jahoza, sa Mefoat,"
48:22 sa Dibon, sa Nebo, sa Bet-diblataim,
48:23 sa Quiriataim, sa Betgamul, sa Bet-meon,
48:24 at sa Kiryot, sa Bosra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo't malapit.
48:25 "Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.' ( Mapapahiya ang Moab )"
48:26 '"Lasingin ninyo ang Moab,' sabi ni Yahweh, 'sapagkat lumaban siya sa akin. Bayaan ninyong siya'y masuka, at maging tampulan ng pag-uyam."
48:27 Hindi ba't inuyam mo ang Israel? Hindi mo nakitang nakisama siya sa mga magnanakaw; kaya napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo.
48:28 '"Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin."
48:29 Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab---talagang mayabang siya---matayog, palalo, hambog at mapagmataas.
48:30 Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa.
48:31 Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-hares.
48:32 Tatangis ako nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer, ikaw na tinatawag na baging ng Sibma! Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-init.
48:33 Napawi na ang kagalakan at katuwaan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa katuwaan.
48:34 '"Humihiyaw ang Hesbon at Eleale, umaabot hanggang sa Johaza; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim."
48:35 Patitigilin ko ang pag-aalay sa mga dambana sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.
48:36 '"Kaya't nananangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; nananangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-hares. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang matamo!"
48:37 Inahit ang buhok ng mga lalaki, tanda ng pagdadalamhati, gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng magaspang na kayo.
48:38 May panangisang maririnig mula sa mga bubungan ng Moab, at sa malalapad na lansangan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, na gaya ng isang bangang walang may gusto.
48:39 "Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng pag-uyam at panghihinayang ng lahat ng bansa.' ( Hindi Makatatakas ang Moab )"
48:40 "Ganito ang sabi ni Yahweh: 'Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang bagwis ang lupain ng Moab."
48:41 Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng muog; at sa araw na yaon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak.
48:42 Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilanling isang bansa; sapagkat lumaban siya kay Yahweh.
48:43 Nakaamba sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag.
48:44 Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng pagbibigay-sulit nila. Ito ang sinasabi ni Yahweh.
48:45 Magtatago sa Hesbon ang mga takas; ito ang lunsod na pinamahalaan dati ni Haring Sehon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayang Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikipagdigma.
48:46 Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyusan mong si Quemos, at dinalang bihag ang iyong mga anak.
48:47 '"Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab.' Ito ang salita ni Yahweh."
49:1 ( Hula Tungkol sa Ammon ) "Tungkol naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: 'Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagtanggol? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at tumahan sila sa mga lunsod nito?"
49:2 Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng pagdirigma. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at tutupukin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh.
49:3 Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, pagkat nawasak ang inyong lunsod! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng magaspang na tela, at manangis kayo. Magparoo't parito kayo sa gitna ng tinikan! Sapagkat ang diyus-diyusan ninyong si Milcom ay dadalhing bihag, kasama ang kanyang mga saserdote at mga pinuno.
49:4 Huwag ninyong ipaghambog ang inyong mga kapatagan, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong lakas. Sabi ninyo, 'Walang maaaring lumaban sa amin!'
49:5 Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga takas.
49:6 '"Subalit pagkaraan nito, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng mga Ammonita,' sabi ni Yahweh. ( Hula Tungkol sa Edom )"
49:7 "Tungkol sa Edom, ang sabi naman ni Yahweh: 'Wala na bang masumpungang marunong sa Teman? Hindi na ba nagpapayo ang mga paham doon? Napawi na ba ang kanilang karunungan?"
49:8 Mga taga-Dedan, tumakas kayo at magtago sa mga dakong liblib! Ipararanas ko sa kanila ang kapahamakang inabot ni Esau nang siya'y aking parusahan.
49:9 Kung nag-aani ng mga ubas, tiyak na may naiiwan. Kung sumasalakay sa gabi ang mga magnanakaw, kinukuha lamang nila ang maibigan.
49:10 Subalit sinamsam ko ang kayamanan ni Esau, inilantad ko ang kanyang mga kublihan, anupat hindi na siya makapagtago saanman. Nilipol ang kanyang mga anak, mga kapatid, gayon din ang kanyang mga kapitbahay.
49:11 "Ako ang kakalinga sa inyong mga anak na naulila sa ama. Ang inyong mga babaing balo ay makaaasa sa akin.' "
49:12 "Si Yahweh ay nagsalita na: 'Kahit yaong hindi itinakdang parusahan ay paiinumin din sa saro ng kaparusahan. Kayo lamang ba ang hindi parurusahan? Hindi; dapat din kayong uminom."
49:13 "Isinumpa ko na sa aking sarili, na ang Bozra ay iismiran, magiging katatakutan, isang ilang, tampulan ng paghamak at gagamitin sa pagsumpa. Ang lahat ng nayon sa palibot nito ay mananatiling wasak habang panahon. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.' "
49:14 "Narinig ko ang pahayag na ito ni Yahweh. Pinapunta niya sa mga bansa ang isang sugo upang sabihin, 'Magkatipon kayo at sumalakay sa kanya. Humanda kayong makidigma!'"
49:15 Ikaw ay gagawin niyang mahinang bansa, tampulan ng paghamak ng lahat.
49:16 '"Kayo'y napatangay sa inyong kapalaluan at kataasan. Walang natatakot sa inyo, tulad ng akala ninyo, kayo na tumitira sa mga guwang ng kabatuhan, at nagkukuta sa mataas na kaburulan. Ngunit gumawa man kayo ng inyong pugad sa dakong mataas, gaya ng agila, kayo'y aking ibababa. Ito ang salita ni Yahweh.' "
49:17 "Sinabi pa ni Yahweh: 'Ang Edom ay magiging kalagim-lagim na tanawin; mangingilabot ang lahat ng magdaraan doon."
49:18 Siya'y ibinagsak, gaya ng Sodoma, Gomorra at mga kalapit na bansa. Walang sinumang maninirahan doon.
49:19 Masdan ninyo, tulad ng leong nanggagaling sa kagubatan ng Jordan at patungo sa luntiang pastulan, hahabulin ko ang bawat isa, sa isang saglit lamang. Mamamahala sa kanila ang sinumang aking atasan. Sino ang katulad ko? Sino ang aking kapantay? Sinong pinuno ang makalalaban sa akin?
49:20 Kaya't pakinggan ninyo ang buong layunin ni Yahweh laban sa Edom at lahat ng kanyang balak laban sa taga-Teman: Pati ang maliliit na bata ay kukunin, at masisindak ang lahat.
49:21 Sa tindi ng pagbagsak ng Edom ay mayayanig ang daigdig; tatangis ang lupa at maririnig hanggang sa Look ng Aqaba.
49:22 "Ang kaaway ay lulusob sa Bozra, parang isang agila na biglang mandaragit. Sa araw na yao'y manlulupaypay ang mga kawal ng Edom, tulad ng panlulupaypay ng isang babaing nagdaramdam at malapit nang manganak.' ( Hula Tungkol sa Damasco )"
49:23 "Tungkol sa Damasco ito ang sabi ni Yahweh: 'Nagugulo ang Hamat at ang Arfad, sapagkat nabalitaan nila ang kapahamakang naganap. Hindi sila mapalagay dahil sa pag-aalala, sila'y tila dagat na maalon."
49:24 Natakot ang Damasco at tumakas; sinaklot siya ng pangamba, gaya ng pagdaramdam ng babaing magluluwal ng sanggol.
49:25 Napakalungkot ngayon ng bayang dati'y tigib ng galak at awitan, ang dating masayang bayan.
49:26 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang lansangan ang mga binata, at magiging malamig na bangkay ang lahat ng kanyang mandirigma sa araw na yaon.
49:27 "Kung magkagayon, tutupukin ko ang pader ng Damasco, sampu ng mga palasyo ni Haring Ben-hadad.' ( Hula Tungkol sa Lipi ni Cedar at sa Lunsod ng Hazor )"
49:28 "Tungkol sa Cedar at sa lunsod ng Hazor na nasakop ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia, ganito ang sabi ni Yahweh: 'Magbangon kayo, salakayin ninyo ang Cedar! Lipulin ninyo ang mga naninirahan sa silanganan!"
49:29 Samsamin ninyo ang kanilang mga tolda at kawan, ang mga tabing sa tolda, ang mga kasangkapang naroon at ang mga kamelyo nila. Sabihin ninyo sa mga tao, 'Nakapangingilabot sa lahat ng dako!'
49:30 '"Tumakas kayong madali! Magtago kayo sa mga liblib na lugar, kayong taga-Hazor, sapagkat may balak laban sa inyo si Haring Nabucodonosor ng Babilonia; may nabuo na siyang layunin laban sa inyo,' sabi ni Yahweh."
49:31 '"Kayo'y magbalikwas, at salakayin ang isang bansang namumuhay na matiwasay, at maginhawa. Walang kandado ang mga pintuang-bayan at malaya kayong makapapasok. "
49:32 '"Sasamsamin ang kanilang mga kamelyo at mga baka. Pangangalatin ko sa ilang yaong mga nagpapaigsi ng buhok. Sa magkabi-kabila'y darating ang kapahamakan,' sabi ni Yahweh."
49:33 '"Magiging tirahan ng mga chakal ang Hazor; ito'y mananatiling tiwangwang at wala nang taong mananahan doon, ni makikipamayan sa kanila.' ( Hula Tungkol sa Elam )"
49:34 Tinanggap ni Propeta Jeremias ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Elam, nang magpasimulang maghari si Sedequias sa Juda.
49:35 "Ganito ang sabi ni Yahweh: 'Babaliin ko ang pana ng Elam, ang pangunahing sandatang sagisag ng kanilang lakas;"
49:36 dadalawin ng apat na hangin ang Elam, ito'y magmumula sa lahat ng panig ng kalangitan. Pangangalatin ko sa lahat ng dako ang mga taga-Elam.
49:37 Manghihina ang taga-Elam sa harapan ng kanilang kalaban; pahahatdan ko sila ng kapahamakan dahil sa matinding galit ko. Ipapadala ko sa kanila ang tabak hanggang malipol silang lahat;
49:38 at ilalagay ko sa Elam ang aking trono. Doon ko lilipulin ang hari at ang kanyang mga pinuno.
49:39 "Gayunman, darating din ang panahon na ibabalik ko ang kayamanan ng Elam. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.'"
50:1 ( Hula Tungkol sa Babilonia ) Sa pamamagitan ni Propeta Jeremias ay ipinahayag ni Yahweh ang mangyayari sa Babilonia, ang lupain ng mga Caldeo:
50:2 '"Ipahayag mo sa mga bansa, wala kang ikukubli, ikalat mo ang balita: Nasakop na ang Babilonia. Nalagay sa kahihiyan si Bel, nanlupaypay si Merodac, mga diyus-diyusan sa Babilonia. "
50:3 '"Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; iiwan siyang lupain na walang tao o hayop na maninirahan. ( Ang Pagbabalik ng Israel )"
50:4 "Sabi ni Yahweh, 'Pagdating ng panahong yaon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos."
50:5 Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Sion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang tutupdin habang panahon.
50:6 '"Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya't lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan."
50:7 Sinakmal sila ng nakasumpong sa kanila. Sabi ng mga kaaway nila, 'Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh na humahatol na matuwid at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.'
50:8 '"Lumayo kayo sa Babilonia, ang lupain ng mga Caldeo; kayo ang maunang umalis, at gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan."
50:9 Sapagkat uudyukan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung manudla.
50:10 "Sasamsaman ang mga Caldeo, at mananagana ang lahat ng mananamsam sa kanila.' Ito ang sabi ni Yahweh. ( Ang Pagbagsak ng Babilonia )"
50:11 '"Bagamat kayo'y nagkakatuwa at nagsasaya, kayong sumamsam ng aking mana, bagamat nagwala kayong gaya ng babaing guya sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki,"
50:12 malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain.
50:13 Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari.
50:14 '"Humanay kayo laban sa Babilonia, sa palibot-libot niya'y humanda kayong may mga pana't busog; patamaan ninyo siya, huwag manghinayang sa mga pana. Sapagkat siya'y nagkasala kay Yahweh."
50:15 Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak ang kanyang mga muog. Gumuho na ang kanyang mga pader. Ito ang higanti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang ayon sa kanyang ginawa.
50:16 "Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.' "
50:17 Ang Israel ay parang kawang nangalat, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang sumakmal sa kanya, at ang hari ng Babilonia ang huling ngumatngat sa kanyang mga buto.
50:18 "Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Parurusahan ko si Nabucodonosor, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria."
50:19 Ibabalik ko sa kanyang pastulan ang Israel, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Basan; sa kaburulan ng Efraim at Galaad ay mabubusog siya.
50:20 Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang matitira. ( Hatol ng Diyos sa Babilonia )
50:21 "Sabi ni Yahweh, 'Salakayin ninyo ang lupain ng Merataim; ito'y daluhungin ninyo, pati ang taga-Pecod, patayin ninyo at ganap na lipulin sila, at gawin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo."
50:22 Naririnig sa lupain ang ingay ng pagdirigma, at ang puspusang paninira.
50:23 Ang Babilonia'y kinatakutan sapagkat pinukpok niya at dinurog ang mga bansa. Ngunit ngayon, ang pamukpok na iyon ay putol na at sira.
50:24 Naghanda ako ng bitag para sa Babilonia, at siya'y nahulog. Natagpuan ka at nahuli, sapagkat lumaban ka kay Yahweh.
50:25 Binuksan ni Yahweh ang taguan ng mga sandata at inilabas ang mga sandata dahil sa kanyang poot; sapagkat may gagawin si Yahweh sa lupain ng mga Caldeo.
50:26 Paligiran ninyo siya at salakayin! Buksan ninyo ang kanyang mga kamalig, ibunton ang mga samsam. Lipulin ninyo sila at huwag magtitira kahit isa.
50:27 '"Patayin ninyo ang lahat ng kanyang mandirigma. Kahabag-habag sila, sapagkat dumating na ang araw, ang panahon ng pagpaparusa sa kanila.' "
50:28 Naririnig ko ang yabag ng mga tumatakas mula sa lupain ng Babilonia upang ipahayag sa Sion ang paghihiganti ni Yahweh.
50:29 "Sabi ni Yahweh, 'Tawagin ninyo ang lahat ng mamamana upang salakayin ang Babilonia. Humimpil kayo sa palibot niya; huwag ninyong pabayaang may makatakas. Gantihin ninyo siya ayon sa kanyang ginawa, gawin sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa; sapagkat buong pagmamalaki niyang sinuway si Yahweh, ang Banal ng Israel."
50:30 Kaya nga, mabubuwal sa kanyang mga lansangan ang mga kabataang lalaki, lilipulin sa araw na yaon ang lahat ng kanyang mandirigma.
50:31 "Sabi ni Yahweh, 'Ako'y laban sa iyo, ikaw na palalo; dumating na ang araw ng pagpaparusa sa iyo."
50:32 Ang palalo'y madarapa at babagsak, at walang magbabangon sa kanya. Susunugin ko ang iyong mga lunsod, at tutupukin nito ang lahat ng nasa palibot niya.
50:33 "Ganito ang sinabi ni Yahweh: 'Magkasamang inapi ang mga taga-Israel at mga taga-Juda; hawak silang mahigpit ng mga bumihag sa kanila at ayaw silang palayain."
50:34 "Ngunit malakas ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan, siya ang makikipaglaban para sa kanila, at magpapadala rin siya ng ligalig sa Babilonia at sa mga mamamayan nito.'"
50:35 "Sinasabi ni Yahweh: 'Nakaamba ang isang tabak laban sa mga Caldeo, laban sa taga-Babilonia, sa kanyang mga pinuno at mga pantas na lalaki."
50:36 Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila!
50:37 Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo anupat panghihinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang yaman ay sasamsamin!
50:38 Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyusan, na luminlang sa mga ito.
50:39 '"Kaya nga, mananahan doon ang mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, ni hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi."
50:40 Kung paanong nilipol ng Diyos ang Sodoma, Gomorra at mga lunsod na karatig nila, sinasabi ni Yahweh na wala nang tatahan doon, ni anak ng taong makikipamayan sa kanya.
50:41 '"Masdan mo, may dumarating mula sa hilaga; isang bansang makapangyarihan. Maraming hari ang nagbabangon mula sa malayong sulok ng daigdig. "
50:42 May mga dala silang busog at sibat, sila'y malulupit at walang habag. Nakasakay sila sa mga kabayo. Ang kanilang mga yabag ay parang ugong ng dagat. Nakahanda sila laban sa Babilonia.
50:43 Nabalitaan na ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kanila, at siya'y nanlupaypay; sinaklot siya ng dalamhati, at ng sakit na tulad ng pagdaramdam ng isang babaing manganganak.
50:44 '"Masdan mo, gaya ng isang leong lumalabas sa kagubatan ng Jordan upang sumalakay sa isang matibay na kulungan ng mga tupa, bigla ko silang itataboy. At pipili ako ng mangunguna sa bansa. Wala akong katulad. Wala akong kapantay. Walang haring makalalaban sa akin."
50:45 Kaya, pakinggan ninyo ang binabalak ni Yahweh laban sa Babilonia at ang nilalayon niya sa lupain ng mga Caldeo: Ang mga batang tupa sa kawan ay aagawin, mahihindik sa kasasapitan nila ang kanilang mga pastol.
50:46 "Mayayanig ang lupa sa ingay ng pagbihag sa Babilonia, at ang kanyang panangis ay maririnig ng mga bansa.'"
51:1 ( Karagdagang Parusa sa Babilonia ) "Sinasabi ni Yahweh: 'Makinig kayo, ibabangon ko ang isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga Caldeo."
51:2 Magpapadala ako sa Babilonia ng mga dayuhang animo'y malakas na hanging tumatangay sa ipa. Iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig, sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan.
51:3 Hindi na maiaakma ng mamamana ang kanyang busog, o maisusuot ang kanyang baluti. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal.
51:4 Bayaan ninyong mahandusay sila sa lupain ng mga Caldeo, patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan.
51:5 Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh; subalit ang lupain nila ay tigib ng kasalanan laban sa Banal ng Israel.
51:6 Lumayo kayo sa Babilonia, kayong lahat, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan.
51:7 Ang Babilonia ay naging isang gintong saro sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya't sila'y nalasing.
51:8 Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling.
51:9 "Ginagamot sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan natin siya at tayo'y umalis na, pumunta tayo sa sari-sariling bayan; sapagkat suko hanggang langit ang kanyang kapahamakan.' "
51:10 Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halina, ipahayag natin sa Sion ang ginawa ng ating Diyos.
51:11 Patalasin ang mga pana, ihanda ang mga kalasag. Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang sirain ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo.
51:12 Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia.
51:13 Kayong naninirahan sa tabi ng mga karagatan, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan.
51:14 "Ang Makapangyarihang si Yahweh ay sumumpa; aniya: 'Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.' ( Awit ng Pagpupuri )"
51:15 Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan; iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan.
51:16 Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan; pinaiilanlang niya ang mga singaw mula sa mga sulok ng sanlibutan. Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan, at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin.
51:17 Sa ganitong kalagayan ay magiging Mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao. Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyusan; sapagkat hindi tunay na diyos, ang kanyang ginawa.
51:18 Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila.
51:19 Ang Diyos na lumalang kay Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagkat siya ang lumikha ng lahat. At ang Israel ay hinirang niya; Yahweh na Makapangyarihan ang pangalan niya. ( Ang Martilyo ni Yahweh )
51:20 Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma; sa pamamagitan mo'y lulurayin ko ang mga bansa, sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian.
51:21 Sa pamamagitan mo'y aking lilipulin ang kabayo at ang sakay,
51:22 ang lalaki at ang babae, ang bata at ang matanda, ang binata at ang dalaga,
51:23 ang pastol at ang kawan, ang nag-aararo at ang tuwang na mga baka, ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan. ( Ang Parusa sa Babilonia )
51:24 '"Parurusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga Caldeo dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Sion,' sabi ni Yahweh."
51:25 '"Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Ginigiba mo ang buong sanlibutan. Iuunat ko ang aking kamay laban sa iyo. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok."
51:26 Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pinakasaligan. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon.
51:27 Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trompeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya, tawagan ang mga kaharian laban sa kanya---ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang.
51:28 Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila.
51:29 Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat di nagbabago ang pasiya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito.
51:30 Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan ng loob, naging parang mga babae sila. Nasusunog ang kanilang mga tahanan, nawasak ang kanilang mga pintuan.
51:31 Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na sa lahat ng panig ang kanyang lunsod.
51:32 Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal.
51:33 "Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating ang panahon ng kanyang pag-aani.'"
51:34 Ang Jerusalem ay hiniwa at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba.
51:35 "Sabihin ninyong taga-Sion, 'Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.' Sabihin naman ninyong taga-Jerusalem, 'Pananagutan ng mga Caldeo ang tiniis namin.' ( Tutulungan ni Yahweh ang Israel )"
51:36 "Kaya't sinasabi ni Yahweh sa Jerusalem, 'Ipakikipaglaban kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal."
51:37 Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y pananahanan na lang ng mga chakal, magiging isang katatakutan at tampulan ng pag-uyam. Wala na ring maninirahan doon.
51:38 Sila'y uungal na parang mga leon.
51:39 "Habang sila'y umiinit, ipaghahanda ko sila ng isang piging, at lalasingin ko sila, hanggang mawalan sila ng ulirat, mahimbing habang panahon, at hindi na magising.'"
51:40 Dadalhin ko silang gaya ng mga kordero patungo sa patayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing. ( Ang Pagkawasak ng Babilonia )
51:41 '"Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakapanghihilakbot tingnan ang kinasapitan niya!"
51:42 Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia.
51:43 Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Siya'y naging lupain ng tagtuyot, naging ilang, walang naninirahan, ni hindi dinaraanan ng sinumang tao.
51:44 Parurusahan ko si Bel sa Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang nalulon na niya. Hindi na siya dadagsaan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia.
51:45 Bayan ko, lumayo kayo sa kanya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh!
51:46 Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinunong nag-aaway-away.
51:47 Kaya nga, darating ang panahon na parurusahan ko ang mga diyus-diyusan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya.
51:48 "Kung magkagayon, ang langit at ang lupa, at lahat ng naroroon, ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga maninira mula sa hilaga,' sabi ni Yahweh."
51:49 '"Dapat ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; pagkat nabuwal sa Babilonia ang mga napatay sa buong sanlibutan.' ( Ang Mensahe ng Diyos Para sa mga Israelita sa Babilonia )Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita sa Babilonia,"
51:50 '"Kayong nakaligtas sa tabak, magpatuloy kayo, huwag kayong titigil! Gunitain ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong dako na. Alalahanin ninyo ang Jerusalem."
51:51 Kami'y napahiya, nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan nang dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh.
51:52 Makikita ninyo, darating ang panahong parurusahan ko ang kanyang mga diyus-diyusan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain.
51:53 Kahit na abutin ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating ang mga maninira sa kanya. ( Iba pang Kasiraang Sinapit ng Babilonia )
51:54 "Sinabi pa ni Yahweh, 'Pakinggan ninyo ang panangis mula sa Babilonia, ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak. "
51:55 Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia, at pinatatahimik ang kanyang malakas na tinig. Ang mga alon niyon ay parang ugong ng maraming tubig, maigting ang alingawngaw ng kanilang tinig.
51:56 Sumalakay na sa Babilonia ang maninira. Binihag ang kanyang mga mandirigma. Pinagbabali ang kanilang mga pana sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti, magbabayad siya nang buo.
51:57 "Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga pantas, ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma. Mahihimbing sila habang panahon at hindi magigising.' Ito ang sabi ko, ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. "
51:58 "Sinasabi pa ni Yahweh, ang Makapangyarihan: 'Ang malawak na pader ng Babilonia ay magigiba at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan. Mapapagod nang walang kabuluhan ang mga tao. Walang kapararakan ang pagpapagal ng mga bansa.' ( Ang Mensahe ni Jeremias para sa Babilonia )"
51:59 Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong bating na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Sedequias ng Juda, nang ikaapat na taon ng paghahari nito.
51:60 Itinala ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito.
51:61 "Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: 'Basahin mong lahat ang salitang ito, pagdating mo sa Babilonia."
51:62 Pagkatapos ay sabihin mo, 'Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y sisirain mo. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.'
51:63 Pagkabasa mo sa aklat na ito, kabitan mo ng bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates,
51:64 "sabay ang pagsasabing, 'Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.'' Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias."
52:1 ( Talang Kasaysayan ng Pagbagsak ng Jerusalem ) Si Sedequias ay dalawampu't isang taong gulang nang lumuklok sa trono, at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina'y si Hamutal, anak ni Jeremias ng Libna.
52:2 Ang mga ginawa niya'y labag sa paningin ni Yahweh, gaya ng ginawa ni Joaquim.
52:3 Nagalit si Yahweh sa Jerusalem at sa Juda kaya't sila'y itinakwil niya. At si Sedequias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia.
52:4 Nang ika-9 na taon ng kanyang paghahari, ika-10 araw ng ika-10 buwan, sumalakay sa Jerusalem ang buong hukbo ni Haring Nabucodonosor ng Babilonia. Sinakop nila iyon, at nagtayo sila ng mga toreng bantayan sa palibot niyon.
52:5 Ang pagkubkob ay tumagal hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Sedequias.
52:6 Nang ika-9 na araw, ika-4 na buwan ng taong iyon,
52:7 binuksan ang lunsod dahil sa taggutom. Walang makain ang mga mamamayan. Nang makita ito ni Haring Sedequias ng Juda, ang lunsod ay iniwan niya at ng kanyang mga kasama. Gabi noon nang sila'y tumakas palabas sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari. Nakatakas sila patungong Araba, habang pumapaligid ang mga Caldeo sa buong lunsod.
52:8 Nahabol ng hukbong Caldeo ang hari, at inabutan si Sedequias sa kapatagan ng Jerico; nagkawatak-watak ang kanyang mga kasama.
52:9 Binihag ang hari at dinala sa hari ng Babilonia na noo'y nasa Ribla, lupain ng Hamat. Doon siya nilapatan ng parusa.
52:10 Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Sedequias, sa harapan niya. Pinatay rin sa Ribla ang lahat ng pinuno ng Juda.
52:11 Pagkatapos, dinukit ng hari ang mga mata ni Sedequias, ginapos, dinala sa Babilonia at ibinilanggo hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. ( Giniba ang Templo )
52:12 Nang ika-10 araw ng ika-5 buwan, ika-19 na taon ng paghahari ni Nabucodonosor sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem.
52:13 Sinunog niya ang bahay ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng bahay roon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao.
52:14 Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay giniba ng mga Caldeo na kasama ng kapitan ng mga bantay.
52:15 Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa.
52:16 Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakadukha sa lupain upang gumawa sa mga ubasan at bukirin.
52:17 Sinirang lahat ng mga Caldeo ang mga haliging tanso sa bahay ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang dagat-dagatang tanso, dinala nila sa Babilonia ang mga dinurog na metal.
52:18 Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo.
52:19 Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga saro, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak.
52:20 Hindi na kayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinayari ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh.
52:21 Ang isa sa mga haligi'y labingwalong siko ang taas at labindalawang siko ang kabilugan. Hungkag ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon.
52:22 Ito'y may kapitel na tanso rin, limang siko ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga granada ring palamuti'y kahawig ng unang haligi.
52:23 May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit 100 lahat na niyaring animo lambat sa buong palibot. ( Binihag ang mga Israelita at Dinala sa Babilonia )
52:24 Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong saserdoteng si Seraias, at si Sofonias, ang pangalawang saserdote, pati ang tatlong tanod sa pinto.
52:25 Kumuha rin siya sa lunsod ng isang bating na mamamahala sa mga mandirigma. Pito sa mga ito ang tuwirang nakalalapit sa hari, at sila'y naroon pa rin sa lunsod. May isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaki pang natitira roon.
52:26 Sila'y dinala ni Nebuzaradan, sa harapan ng hari ng Babilonia. At doon sa Ribla, lupain ng Hamat,
52:27 sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang Juda.
52:28 Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Nabucodonosor noong ika-7 taon ng kanyang paghahari: 3,023 Judio.
52:29 Noong ika-18 taon ng kanyang paghahari, nabihag niya ang mga 832 taga-Jerusalem.
52:30 At nang ika-23 taon ng paghahari niya, 745 Judio ang dinalang bihag ni Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay. Lahat-lahat ay 4,600 katao.
52:31 Noong ika-25 araw, ika-12 buwan, ng ika-37 taon ng pagkakabihag ni Haring Joaquin ng Juda, pumalit sa hari sa Babilonia si Evil-merodac. Naging mabuti ito kay Haring Joaquin ng Juda. Pinalabas siya sa piitan,
52:32 pinakitaan ng kagandahang-loob, at pinaupo pa sa luklukang higit na mataas kaysa mga haring kasama niya sa Babilonia.
52:33 Kaya't hinubad na ni Joaquin ang kanyang damit-bilanggo, at namuhay sa kalinga ng hari sa natirang mga taon ng kanyang buhay.
52:34 Araw-araw, ang kanyang pangangailangan ay ibinibigay ng hari ng Babilonia, habang siya'y nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.
|