|
|
09. 1 Samuel
1:1 ( Si Elcana at ang Dalawa Niyang Asawa ) Sa Ramataim-zofim, isang maburol na lugar sa Efraim ay may nakatirang lalaki na Elcana ang pangalan. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Eliu na anak ni Tohu at apo ni Zuf na Efrateo.
1:2 Dalawa ang asawa ni Elcana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala.
1:3 Taun-taon, pumupunta si Elcana sa Silo upang sumamba kay Yahweh, sa lugar na pinaglilingkuran ng mga anak ni Eli na sina Ofni at Finees bilang mga saserdote.
1:4 Tuwing maghahandog si Elcana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito.
1:5 Ngunit kay Ana, bagaman mahal niya, ay isang bahagi lamang ng handog ang ibinibigay niya sapagkat wala itong anak.
1:6 Dahil dito, lagi siyang tinutuya ng karibal niyang si Penina.
1:7 Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana anupat naiiyak siya at hindi makakain.
1:8 "Kaya't nilalapitan siya ni Elcana at tinatanong, 'Ana, bakit umiiyak ka na naman? Ayaw mong kumain? Bakit ka ba ganyan? Mahalaga pa ba sa iyo ang sampung anak kaysa akin?' ( Nanalangin si Ana )"
1:9 Minsan, matapos silang kumain sa Silo, malungkot na nagtindig si Ana at nanalangin sa Templo. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng Templo si Saserdoteng Eli.
1:10 Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh.
1:11 "Ganito ang kanyang panalangin: 'Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung diringgin ninyo ang inyong abang alipin at inyong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, bagkus ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo habang siya'y nabubuhay; hindi ko ipapuputol ang kanyang buhok.' "
1:12 Habang nananalangin si Ana, pinagmamasdan siya ni Eli.
1:13 Kumikibot ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig, sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing.
1:14 "Kaya, lumapit ito at sinabi, 'Tama na 'yan. Umuwi ka muna! Matulog ka para mawala ang pagkalasing mo!' "
1:15 '"Hindi po ako lasing,' sagot ni Ana. 'Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ako po'y aping-api at idinudulog ko lamang kay Yahweh ang aking kalagayan."
1:16 "Huwag po ninyong ipalagay na napakababa ng pagkababae ng inyong alipin. Inihihinga ko po lamang ang aking damdamin.' "
1:17 "Dahil dito, sinabi ni Eli, 'Magpatuloy kang mapayapa at nawa'y ipagkaloob ng Diyos ng Israel ang iyong hinihingi.' "
1:18 "Sumagot si Ana, 'Magkatotoo po sana ang inyong magandang hangarin para sa akin.' Pagkasabi niyon, nagtindig siya at kumain; wala na ang bigat ng kanyang kalooban. ( Ang Kapanganakan ni Samuel )"
1:19 Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh at umuwi sa Rama pagkatapos. Sinipingan ni Elcana si Ana at dininig ni Yahweh ang dalangin nito.
1:20 "Naglihi siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, 'Siya'y kaloob sa akin ni Yahweh.' "
1:21 Pagkalipas ng isang taon si Elcana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Silo upang sumamba kay Yahweh.
1:22 "Sinabi ni Ana kay Elcana, 'Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko nang maawat si Samuel. Pagkaawat niya, ihahandog ko siya kay Yahweh at sa Templo na siya titira sa buong buhay niya.' "
1:23 "Sinabi ni Elcana, 'Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang maawat at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.' Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak. "
1:24 Nang maawat na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa Templo sa Silo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, tatlumpu't anim na litrong harina at isang pitsel na alak.
1:25 Nang maihandog na ang baka, dinala nila kay Eli ang bata.
1:26 "Sinabi ni Ana, 'Kung natatandaan ninyo, ako po yaong babaing tumayo sa tabi ninyo noon at nanalangin kay Yahweh."
1:27 Idinalangin ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at ito po ang ibinigay sa akin.
1:28 "Kaya naman po, inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.' Pagkatapos nito, nagpuri sila kay Yahweh."
2:1 ( Ang Pasasalamat ni Ana ) "Ito ang panalangin ni Ana: 'Pinupuri ko kayo, Yahweh Dahil sa kaloob ninyo sa akin. Pinagtatawanan ko ngayon ang aking mga kaaway, Sapagkat iniligtas ninyo ako sa kadustaan. "
2:2 '"Kayo lamang ang banal, Yahweh. Walang makatutulad sa inyo, Walang ibang kanlungan ang mga matuwid liban sa inyo. "
2:3 Walang maaaring magyabang sa inyo, Yahweh, Walang maaaring maghambog, Sapagkat alam ninyo ang lahat ng bagay, Kayo ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao.
2:4 Nagapi ninyo ang mga makapangyarihan, At pinalalakas ninyo ang mahihina.
2:5 Kaya, ang dating mayayaman ay nagpapaupa para mabuhay. Masagana ngayon ang dating maralita. Ang dating baog, nagsilang ng mga anak, At ang maraming supling ay sa lungkot nasadlak.
2:6 Kayo, Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay. Maaari ninyo kaming patayin, maaari ring buhayin.
2:7 Maaari ninyo kaming payamanin o paghirapin, Maaari ring ibaba o itaas.
2:8 Mapadadakila ninyo kahit ang pinakaaba, Mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha. Maihahanay ninyo sila sa mga maharlika, Mabibigyan ng karangalan kahit na ang dustang-dusta. Hawak ninyo ang langit na nilikha, At sa inyo nasasalig ang lahat ng inyong gawa.
2:9 '"Papatnubayan ninyo ang tapat sa inyo, Ngunit ang masasama ay isasadlak sa hirap. Walang maaaring magtagumpay sa sariling lakas. "
2:10 "Lahat ng lumalaban sa inyo ay manginginig sa takot Kapag pinadagundong ninyo ang mga kulog. Hahatulan ninyo ang buong daigdig, At pagtatagumpayin ang hinirang ninyong hari.' "
2:11 Si Elcana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng saserdoteng si Eli. ( Ang Kasalanan ng mga Anak ni Eli )
2:12 Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh.
2:13 Tuwing may maghahandog, pinapupunta nila ang kanilang mga katulong habang inilalaga ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin
2:14 at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay para sa saserdote. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Silo ang mga Israelita.
2:15 "Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na nila ang mga naghahandog at sinasabi, 'Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa saserdote. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang ibig niya.' "
2:16 "Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin na munang maihandog ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: 'Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.' "
2:17 Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog kay Yahweh. ( Si Samuel sa Silo )
2:18 Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel.
2:19 Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay sa kanya tuwing sila'y maghahandog sa Silo.
2:20 "Ang mag-asawang Elcana at Ana naman ay laging binebendisyunan ni Eli. Ang sinasabi niya: 'Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.' At umuwi na sila pagkaraan noon. "
2:21 Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh at paglipas ng mga araw ay nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki si Samuel sa pamamatnubay ni Yahweh. ( Si Eli at ang Kanyang mga Anak )
2:22 Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.
2:23 "Kaya, pinagsabihan niya ang mga ito, 'Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon?"
2:24 Tigilan na ninyo iyan. Masama ang balitang umaabot sa akin tungkol sa inyo.
2:25 "Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?' Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat pinagmatigas na sila ni Yahweh."
2:26 Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at kinagigiliwan ng mga tao. ( Ang Hula sa Pamilya ni Eli )
2:27 "Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, 'Ganito ang ipinasasabi ni Yahweh: 'Nakipag-usap ako sa magulang mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ng hari ng Egipto."
2:28 Sa mga lipi ni Israel ay siya ang hinirang kong maging saserdote. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng kamanyang at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan.
2:29 Bakit ninyo pinag- iimbutan ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpapasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog sa akin?
2:30 Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makalalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin.
2:31 Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiigsiin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay.
2:32 Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiigsiin ko nga ang inyong buhay.
2:33 Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng loob. Mamamatay sa tabak ang magiging bunga ng iyong sambahayan.
2:34 Bilang katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Ofni at Finees.
2:35 Samantala, pipili ako ng isang saserdoteng magiging tapat sa akin at susunod sa lahat kong kagustuhan. Bibigyan ko siya ng sambahayan na patuloy na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin.
2:36 "Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng saserdote para lamang mabuhay.''"
3:1 ( Ang Pangitain ni Samuel ) Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglilingkod kay Yahweh. Nang panahong yaon, bihira nang marinig ang tinig ni Yahweh at bihira na rin ang mga pangitain.
3:2 Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, namamahinga siya sa kanyang higaan.
3:3 Si Samuel nama'y natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling-araw na,
3:4 "siya'y tinawag ni Yahweh, 'Samuel, Samuel!' 'Po,' sagot niya."
3:5 "Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, 'Bakit po?' Sinabi ni Eli, 'Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli.' Nagbalik nga siya sa kanyang higaan. "
3:6 "Tinawag siya uli ni Yahweh. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, 'Tinatawag po ba ninyo ako?' Sinabi ni Eli, 'Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli.'"
3:7 Hindi pa kilala ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.
3:8 "Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, 'Narinig ko pong tinawag ninyo ako.' Naisip ni Eli na si Yahweh ang tumatawag kay Samuel,"
3:9 "kaya sinabi niya, 'Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: 'Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.'' At muling nahiga si Samuel."
3:10 "Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at tinawag ito. Sumagot si Samuel, 'Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.' "
3:11 "Sinabi ni Yahweh, 'Hindi magtatagal at may gagawin ako sa Israel. Lahat ng makabalita nito'y paghaharian ng matinding takot."
3:12 Pagdating ng araw na yaon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli.
3:13 Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong parurusahan ang kanyang lipi sapagkat hinayaan niya akong lapastanganin ng kanyang mga anak.
3:14 "Dahil dito, isinumpa ko na hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganan ng sambahayan ni Eli.' "
3:15 Natulog uli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang Templo. Ngunit hindi niya masabi kay Eli ang tungkol sa pangitain.
3:16 "Tinawag siya ni Eli, 'Samuel, anak.' 'Po,' sagot ni Samuel. "
3:17 "Sinabi ni Eli, 'Huwag kang magkakaila. Parurusahan ka ng Diyos kapag may inilihim ka tungkol sa sinabi niya sa iyo. Ano ang sabi niya?'"
3:18 "At ipinagtapat niya ang lahat, wala siyang inilihim. Pagkatapos, sinabi ni Eli, 'Iyon ang kapasyahan ni Yahweh. Mangyari ayon sa kanyang kalooban.' "
3:19 Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya.
3:20 Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh.
3:21 Ang kapangyarihan ni Yahweh ay patuloy na nahayag sa Silo. Doo'y ipinapahayag niya kay Samuel ang kanyang salita. Ang salita ni Samuel ay kumalat sa buong Israel.
4:1 ( Nalupig ang Israel ) Dumating ang araw na nagdigmaan ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo.
4:2 Sa kanilang paglalaban, natalo ang Israel at may 4,000 ang napatay sa kanila.
4:3 "Nang makaurong na sila sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatanda ng Israel, 'Bakit kaya pinabayaan ni Yahweh na matalo tayo ng mga Filisteo? Ang mabuti'y kunin natin sa Silo ang Kaban ng Tipan. Baka kung nasa atin iyon ay iligtas tayo ni Yahweh sa ating mga kaaway.'"
4:4 At kinuha nga nila sa Silo ang Kaban ng Tipan at sumama naman ang dalawang anak ni Eli, sina Ofni at Finees.
4:5 Ang mga Israelita'y napasigaw sa tuwa nang idating sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan; umalingawngaw sa palibot ang kanilang sigawan.
4:6 "Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, 'Bakit kaya nagkakaingay ang mga Hebreo?' Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan,"
4:7 "nasindak sila. Inisip nilang may dumating na diyos sa kampo ng mga Israelita. Kaya nasabi nila, 'Ano ngayon ang mangyayari sa atin? Ngayon pa lamang tayo makararanas ng matinding kasawian!"
4:8 Ano ngayon ang mangyayari sa atin? Sino ngayon ang makapagliligtas sa atin sa mga diyos nilang makapangyarihan? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot.
4:9 "Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo malupig at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo.' "
4:10 Muling naglaban ang mga Filisteo at ang Israelita at nalupig na naman ang mga taga-Israel. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas papauwi ang mga natira.
4:11 Ang Kaban ng Diyos ay kinuha ng mga Filisteo at pinatay sina Ofni at Finees. ( Ang Pagkamatay ni Eli )
4:12 Nang araw ring yaon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Silo mula sa labanan. Punit ang kanyang damit bilang tanda ng matinding kalungkutan, at puno ng alikabok ang kanyang ulo.
4:13 Si Eli'y nakaupo noon sa dati niyang upuan sa tabing daan at naghihintay ng balita sapagkat nababahala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nanangis ang buong Lunsod ng Silo.
4:14 "Narinig ito ni Eli at itinanong niya, 'Bakit nananangis ang buong lunsod?' Lumapit kay Eli ang Benjaminita at ibinalita ang nangyari."
4:15 Noon ay siyamnapu't walong taon na si Eli at hindi na siya nakakikita.
4:16 "Sinabi ng Benjaminita kay Eli, 'Ako po'y galing sa labanan.' 'Kumusta ang labanan, anak?' tanong ni Eli. "
4:17 "Sumagot ang lalaki, 'Nalupig po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Ofni at Finees. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.' "
4:18 Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkaraan ng apatnapung taong pamamahala sa Israel. ( Namatay ang Asawa ni Finees )
4:19 Kagampan noon ang asawa ni Finees. Nang malaman niyang nakuha ang Kaban ng Diyos, at patay ang kanyang biyenan, at napatay ang kanyang asawa, siya'y naglupasay at napaanak nang di oras.
4:20 "Malubha ang kanyang kalagayan. Sinabi ng mga hilot sa kanya, 'Lakasan mo ang iyong loob, lalaki ang anak mo.' Ngunit hindi siya umimik. "
4:21 "Ang bata ay pinangalanan niyang Icabod. Ang ibig sabihi'y 'Wala na ang patnubay ng Israel.' Ang tinutukoy niya'y ang pagkasamsam sa Kaban ng Diyos at iniisip niya ang pagkamatay ng kanyang biyenan at ng kanyang asawa."
4:22 "Inulit niya, 'Wala nang patnubay ang Israel sapagkat nakuha ang Kaban ng Diyos.'"
5:1 ( Dinala ang Kaban sa Templo ni Dagon ) Ang Kaban ng Tipan ay dinala ng mga Filisteo sa Asdod mula sa Ebenezer.
5:2 Ipinasok nila ito sa kanilang templo at inilagay sa tabi ng diyus-diyusan nilang si Dagon.
5:3 Kinaumagahan, nakita ng mga tao na nakasubasob si Dagon sa harap ng Kaban ni Yahweh. Kaya, ibinalik nila ito sa dating lugar.
5:4 Nang magbalik sila kinabukasan, nakita nilang nakasubasob na naman si Dagon sa harap ng Kaban. Ang ulo at mga kamay nito ay putul-putol at nagkalat sa may pintuan; walang natirang buo kundi ang katawan.
5:5 Ito ang dahilan kaya hanggang ngayon, ang mga saserdote ni Dagon ay ni hindi tumutuntong sa pintuan ng templo nito. ( Pinarusahan ang mga Filisteo )
5:6 Ang mga Filisteo'y natadtad ng bukol bilang parusa ni Yahweh.
5:7 "Dahil dito'y sinabi nila, 'Kailangang ialis natin dito ang Kaban ng Diyos ng mga Israelita sapagkat siya ang dumurog sa diyos nating si Dagon at nagpapahirap sa atin.'"
5:8 Kaya nagpulong ang pamunuan ng mga Filisteo at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Diyos. At nagkaisa silang dalhin iyon sa Lunsod ng Gat. Gayon nga ang kanilang ginawa.
5:9 Ngunit ang lunsod na ito ay pinahirapan din ni Yahweh. Nagulo ang buong bayan pagkat bata't matanda ay natadtad ng bukol.
5:10 "Dahil dito, dinala nila sa Ecron ang Kaban, ngunit tumutol ang mga tagaroon. Sinabi nila, 'Dinala nila rito ang Kabang ito para tayo naman ang ipapatay sa Diyos ng Israel.'"
5:11 "Kaya, nakipagpulong sila sa mga Filisteo at kanilang sinabi, 'Ialis ninyo rito ang Kaban ng Diyos ng Israel. Ibalik ninyo ito sa kinunan bago tayo mamatay na lahat.' Gulung-gulo ang lahat dahil sa takot sa parusa ng Diyos."
5:12 Ang mga natirang buhay ay natadtad ng bukol. Abot hanggang langit ang kanilang panangis.
6:1 ( Ibinalik ang Kaban ) Makalipas ang pitong buwan mula nang idating sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh,
6:2 sumangguni ang mga ito sa kanilang mga saserdote at mga manghuhula. Itinanong nila kung ano ang mabuting gawin sa Kaban at kung ano ang kailangang isama sa pagbabalik niyon.
6:3 "Ang sagot ng mga saserdote at mga manghuhula, 'Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pantubos sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na parurusahan.' "
6:4 "Itinanong nila, 'Anong handog na pantubos sa kasalanan ang kailangan?' Sumagot sila, 'Sampung pirasong ginto---limang hugis bukol at limang hugis daga---isa para sa bawat prinsipe, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, prinsipe man o hindi."
6:5 Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong diyus-diyusan at sa buong bayan.
6:6 Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel?
6:7 Kaya, maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang inahing bakang may bisiro at hindi pa nasisingkawan kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga bisiro, at isingkaw sa kariton ang dalawang inahin.
6:8 Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay.
6:9 "Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Bet-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Bet-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, manapa'y nagkataon lamang.' "
6:10 Kumuha nga sila ng dalawang inahing bakang may bisiro, isiningkaw sa kariton, at ikinulong ang mga bisiro nito.
6:11 Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto.
6:12 Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Bet-semes, umuunga pa habang daan. Ang mga ito'y ni hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Bet-semes.
6:13 Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Bet-semes at napahiyaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban.
6:14 Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josueng taga-Bet-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, ipinatong nila rito ang dalawang baka bilang handog kay Yahweh.
6:15 Kinuha ng mga Levita ang Kaban ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring yaon, ang mga taga-Bet-semes ay nagsunog ng mga handog kay Yahweh.
6:16 Pinanood sila ng limang pinunong Filisteo at pagkatapos ay nagbalik na sa Ecron.
6:17 Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang pantubos sa kanilang mga kasalanan: Asdod, Gaza, Ascalon, Gat at Ecron.
6:18 Ang limang dagang ginto naman ay para sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang prinsipeng Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Bet-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ni Yahweh.
6:19 May pitumpung taga-Bet-semes na nangahas na sumilip sa Kaban, kaya't sila'y pinatay ni Yahweh. Nanangis sa takot ang mga taga-Bet-semes nang makita nila ang malagim na kamatayan ng kanilang mga kababayan. ( Dinala sa Kiryat-jearim ang Kaban )
6:20 "Sinabi ng mga taga-Bet-semes, 'Sino ang makahaharap kay Yahweh, sa banal na Diyos? Saan kaya mabuting ipadala ang kanyang Kaban para mapalayo sa atin?'"
6:21 Nagpasugo sila sa Lunsod ng Jearim. Ipinasabi nilang kunin doon ang Kaban ni Yahweh pagkat ibinalik na ng mga Filisteo.
7:1 Kinuha ng mga taga-Lunsod ng Jearim ang Kaban ni Yahweh at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa isang burol. At si Eleazar na anak ni Abinadab ang itinalaga nilang tagapag-ingat ng Kaban. ( Ang Pamamahala ni Samuel sa Israel )
7:2 Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang madala sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, ang buong Israel ay natutong magsisi at manumbalik kay Yahweh.
7:3 "Sinabi sa kanila ni Samuel, 'Kung talagang manunumbalik na kayo kay Yahweh, talikdan ninyo ang inyong mga diyus-diyusan pati si Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Sa gayon, ililigtas niya kayo sa mga Filisteo.'"
7:4 Kaya, tinalikdan nila ang diyus-diyusan nilang si Baal at si Astarte, at kay Yahweh na lamang sila naglingkod.
7:5 "Sinabi pa ni Samuel, 'Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at ipananalangin ko kayo.' "
7:6 "Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: 'Nagkasala kami kay Yahweh.' At doon, pinayuhan ni Samuel ang mga Israelita. "
7:7 Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Ang mga Israelita'y sinidlan ng takot nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo.
7:8 "Sinabi nila kay Samuel, 'Huwag kang titigil ng pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.'"
7:9 Si Samuel ay nagpatay ng isang pasusuhing tupa at inihandog nang buo kay Yahweh. Idinalangin niya na tulungan ang Israel, at dininig naman siya.
7:10 Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nadaig sila ng mga Israelita.
7:11 Mula sa Mizpa, sila'y tinugis ng mga Israelita hanggang sa Bet-car.
7:12 "Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, 'Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.'"
7:13 Nalupig nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel.
7:14 Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ecron hanggang sa Gat. At ang mga Amorreo ay nakipagkasundo sa mga Israelita.
7:15 Si Samuel ay habang buhay na namahala sa Israel.
7:16 Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Betel, Gilgal at Mizpa upang gampanan ang tungkulin bilang hukom.
7:17 Pagkatapos, umuwi siya sa Rama at doon ipinagpatuloy ang kanyang pamamahala. At siya'y nagtayo roon ng altar para kay Yahweh.
8:1 ( Ang Bayan ay Humingi ng Hari ) Nang tumanda si Samuel, itinalaga niya ang kanyang mga anak bilang hukom ng Israel.
8:2 Ang panganay niya ay si Joel at sumunod si Abias. Sila'y kapwa naging hukom sa Beer-seba.
8:3 Ngunit hindi sila sumunod sa bakas ng kanilang ama. Naging gahaman sila sa salapi, tumanggap ng suhol, at hindi pinairal ang katarungan.
8:4 Dahil dito, ang matatanda ng Israel ay nagsadya kay Samuel sa Rama at
8:5 "kanilang sinabi, 'Matanda na kayo. Ang mga anak naman ninyo'y ayaw sumunod sa inyong mga bakas. Ang mabuti'y ipili ninyo kami ng isang haring mamamahala sa amin tulad sa ibang bansa.' "
8:6 Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't dumalangin siya kay Yahweh.
8:7 "Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, 'Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang inaayawan nilang mamahala sa kanila."
8:8 Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa akin buhat pa nang ilabas ko sila sa Egipto. Noon pa'y tumalikod na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyusan.
8:9 "Kaya, sundin mo sila. Ipagpauna mo lang sa kanila kung ano ang gagawin ng hari na ibig nilang mamahala sa kanila.' "
8:10 Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita.
8:11 "Ito ang sabi niya, 'Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kawal; ang iba'y sakay ng karwaheng pandigma, ang iba'y mangangabayo at ang iba nama'y lakad na mangunguna sa pagsalakay."
8:12 Ang iba'y gagawin niyang pinuno para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba'y itatalaga niya sa kanyang bukirin at sa gawaan ng mga kagamitan at karwaheng pandigma.
8:13 Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, tagapagluto at tagagawa ng tinapay.
8:14 Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at paaalagaan sa kanyang mga tauhan.
8:15 Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga katulong sa palasyo.
8:16 Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae't lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno.
8:17 Kukunin din ang ikasampung bahagi ng inyong kawan at kayo'y gagawin niyang alipin.
8:18 "Pagdating ng araw na yaon, idadaing ninyo kay Yahweh ang inyong hari na kayo na rin ang pumili ngunit hindi niya kayo pakikinggan.' "
8:19 "Hindi rin pinansin ng mga Israelita ang sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, 'Kahit ano ang gawin sa amin ay ibig pa rin naming hari ang mamahala sa amin."
8:20 "Sa gayon, matutulad kami sa ibang bansa---pamamahalaan kami ng isang haring magtatanggol sa amin laban sa mga kaaway.'"
8:21 Ang lahat ng ito'y sinabi ni Samuel kay Yahweh.
8:22 "Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, 'Sundin mo ang gusto nila. Bigyan mo sila ng hari.' Kaya sinabi niya sa mga Israelita, 'Umuwi na muna kayo at ipipili ko na kayo ng hari.'"
9:1 ( Nagkita sina Saul at Samuel ) Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki na ang pangala'y Cis. Siya'y anak ni Abiel at apo ni Zeror na anak ni Becorat at apo naman ni Afia.
9:2 Mayroon siyang anak na ang pangala'y Saul na nasa kanyang kabataan. Ito ang pinakamakisig at pinakamatangkad sa buong Israel.
9:3 Minsan, nawala ang mga asno ni Cis. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno.
9:4 Hinalughog nila ang kaburulan ng Efraim at ang lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin. Nagtuloy sila sa Benjamin, wala rin silang makita.
9:5 "Umabot sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang makita, kaya nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasama, 'Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalaala ng aking ama.' "
9:6 "Sumagot ang kanyang kasama, 'Teka muna. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng lahat sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya. Baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.' "
9:7 "Sinabi ni Saul, 'Ano'ng maibibigay natin kung lalapit tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating tinapay.' "
9:8 "Sumagot ang katulong, 'Mayroon pa akong isang salaping pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.' "
9:9 (Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Ang tinatawag nilang manghuhula ay ang mga propeta.)
9:10 "Sinabi ni Saul, 'Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.' At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos."
9:11 "Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang iigib. 'Narito kaya ang manghuhula?' tanong ni Saul. "
9:12 "Sumagot ang mga dalaga, 'Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol pagkat maghahandog ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod"
9:13 "ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo at nang abutin ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang bendisyunan ang mga handog. Pagkabendisyon, saka kakain ang mga panauhin.' "
9:14 At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan.
9:15 Isang araw bago dumating doon si Saul, napakita kay Samuel si Yahweh at sinabi,
9:16 '"Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang Benjaminita. "
9:17 "Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, 'Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel. Pahiran mo siya ng langis at italagang hari ng Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan.' "
9:18 "Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, 'Saan po kaya makikita ang manghuhula?' "
9:19 "Sumagot si Samuel, 'Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Sa umaga ka na lumakad pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman."
9:20 "Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo pagkat nakita na. Kanino ba matatagpuan ang minimithi ng Israel kundi sa iyo, sa sambahayan ng iyong ama?' "
9:21 "Sumagot si Saul, 'Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?' "
9:22 Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa kabisera; may tatlumpu ang naroong panauhin.
9:23 "Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, 'Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.'"
9:24 "Inilabas ng tagapagluto ang buong pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul. Sinabi ni Samuel, 'Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kanin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.' Nang araw na yaon, kumain nga si Saul, kasalo ni Samuel."
9:25 Pagbabalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa itaas ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon. ( Binusan ng Langis si Saul )
9:26 "Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, 'Bangon na at nang makalakad na kayo.' Nagbangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan. "
9:27 "Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, 'Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang salita ng Diyos.'"
10:1 "Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, 'Binusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan:"
10:2 Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalaala at laging itinatanong ng iyong ama.
10:3 Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may punong encina ng Tabor. Papunta sila sa Betel sa altar ng Diyos: isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak.
10:4 Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Pag inalok ka, tanggapin mo.
10:5 Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampamento ng mga Filisteo, masasalubong mo naman ang isang pulutong ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng lira, tamburin, plauta at alpa. Sila'y galing sa altar sa burol, at namamahayag.
10:6 Sa oras na yaon, sasaiyo ang Espiritu ni Yahweh at ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila.
10:7 Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang inaakala mong mabuti at sasamahan ka ng Diyos.
10:8 "Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.' "
10:9 Nang maghiwalay sila ni Samuel, si Saul ay nakadama ng kakaibang pakiramdam. At nang araw ring yaon, naganap ang tatlong palatandaang sinabi sa kanya ni Samuel.
10:10 Pagdating nila sa Gabaa, nasalubong nga nila ang pulutong ng mga propeta. Sumakanya ang Espiritu ni Yahweh at siya'y nakitulad sa ginagawa ng mga propeta.
10:11 "Nang makita siya ng mga nakakikilala sa kanya, itinanong ng mga ito, 'Ano ba ang nangyari kay Saul na anak ni Cis? Siya ba'y propeta na rin?' "
10:12 "Isa sa mga naroon ang sumagot, 'Bakit? Sila bang lahat ay anak ng propeta?' At noon nagsimula ang kasabihang, 'Propeta na rin si Saul.'"
10:13 Pagkatapos ng pangyayaring iyon, si Saul ay nagpunta sa altar sa burol.
10:14 "Pagdating sa kanila, si Saul ay tinanong ng kanyang amain, 'Saan ba kayo nagpunta?' Sumagot siya, 'Hinanap namin ang mga asno. Nang hindi ko makita, nagtuloy kami kay Samuel.' "
10:15 "Sinabi ng kanyang amain, 'Ano ang sinabi sa iyo ni Samuel?' "
10:16 "Sumagot si Saul, 'Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.' Ngunit wala siyang binanggit na anuman tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel. ( Si Saul ang Tumayong Hari )"
10:17 Ang mga Israelita ay tinipon ni Samuel sa Mizpa.
10:18 "Sinabi niya, 'Ito ang ipinasasabi ni Yahweh: 'Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang ibig lumupig sa inyo."
10:19 "Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.'' "
10:20 Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagsapalaran sila at nabunot ang lipi ni Benjamin.
10:21 Pinalapit naman niya ang mga puno ng sambahayan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Cis. Ngunit wala roon si Saul.
10:22 "Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, 'Pupunta po kaya siya rito?' Sumagot si Yahweh, 'Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.' "
10:23 Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa karamihan. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamataas.
10:24 "Sinabi ni Samuel sa mga tao, 'Ito ang pinili ni Yahweh. Nakikita ninyong wala siyang kasintaas.' Sabay-sabay silang sumigaw, 'Mabuhay ang hari! Mabuhay!' "
10:25 Inisa-isa sa kanila ni Samuel ang karapatan at pananagutan ng hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita.
10:26 Pati si Saul ay umuwi na sa Gabaa, kasama ang ilang magigiting na Israelita, mga taong ang puso'y tinugtog ni Yahweh.
10:27 "Ngunit may ilan doon na pakutyang nagtanong, 'Paano tayo maililigtas niyan?' Kinutya nila si Saul at hindi hinandugan tulad ng kanilang kaugalian pagharap sa hari; ngunit hindi ito pinansin ni Saul."
11:1 ( Dinigma ni Nahas ang Jabes-galaad ) "Ang Jabes-galaad ay dinigma ni Nahas na hari ng mga Ammonita. Nang mapaligiran niya ang lunsod, nagpasugo sa kanya ang mga tagaroon. Sinabi ng mga sugo, 'Kung magkakasundo tayo, pasasakop na kami sa inyo.' "
11:2 "Sumagot si Nahas: 'Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo ang kanang mata ng bawat isa sa inyo. Sa gayon, makagaganti na ako sa buong Israel.' "
11:3 "Sinabi ng matatanda ng Jabes, 'Bigyan po ninyo kami ng pitong araw para maibalita sa buong Israel ang aming kalagayan. Kung wala pong tutulong sa amin, susuko na kami sa inyo.' "
11:4 Umabot sa Gabaa ang mga sugo at nanangis ang buong bayan nang marinig ang balita.
11:5 "Si Saul ay papauwi noon mula sa bukid, taboy ang kanyang mga baka. Nang makita niyang nag-iiyakan ang mga tao, nagtanong siya, 'Ano ba ang nangyayari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?' At sinabi nila sa kanya ang balita ng mga taga-Jabes. "
11:6 Pagkarinig nito, kinasihan siya ng Espiritu ng Diyos; nagsiklab ang kanyang galit.
11:7 "Kumuha siya ng dalawang baka at kinatay. Pagkatapos, ibinigay iyon sa mga sugo at iniutos na ipakita sa buong Israel lakip ang ganitong bilin: 'Ganito ang gagawin sa mga baka ng sinumang hindi sasama kay Saul at kay Samuel sa pakikibaka.' Ang mga Israelita'y nakadama ng matinding takot kay Yahweh kaya silang lahat ay sumama sa labanan."
11:8 Tinipon ni Saul sa Bezec ang mga tao; umabot sa 300,000 ang mga Israelita at 30,000 naman ang galing sa Juda.
11:9 "Sinabi nila sa mga sugo, 'Ito ang sabihin ninyo sa mga taga-Jabes-galaad: 'Bukas ng tanghali, darating ang magliligtas sa inyo.'' Nang marinig ito ng mga taga-Jabes, natuwa sila. "
11:10 "At sinabi nila sa mga Ammonita, 'Bukas, susuko na kami sa inyo at gawin na ninyo sa amin ang gusto ninyo.' "
11:11 Kinabukasan, hinati ni Saul sa tatlong pangkat ang kanyang mga mandirigma. Nang mag-uumaga na ay pinasok nila ang kampo ng mga Ammonita. Nalupig nila ang mga ito bago dumating ang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagkanya-kanyang takbo.
11:12 "Nang magkagayon, itinanong ng mga tao kay Samuel, 'Nasaan ang mga nagsasabing hindi si Saul ang dapat maghari sa amin? Ituro ninyo at papatayin namin!' "
11:13 "Ngunit sinabi ni Saul, 'Huwag! Isa man sa ati'y walang mamamatay sapagkat sa araw na ito, iniligtas ni Yahweh ang buong Israel.'"
11:14 "At sinabi ni Samuel sa mga tao, 'Magpunta tayo sa Gilgal at muli nating ipahayag si Saul bilang hari.'"
11:15 Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat.
12:1 ( Ang Talumpati ni Samuel ) "Sinabi ni Samuel sa mga Israelita, 'Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari."
12:2 Ako'y matanda na. Ang katunayan, kasama-sama ninyo ang aking mga anak. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay pinamahalaan ko kayo.
12:3 "Kung mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at ng hinirang niyang ito. Isa man ba sa inyo'y kinunan ko kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.' "
12:4 '"Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,' sagot nila. "
12:5 "Sinabi ni Samuel, 'Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.' Sumagot sila, 'Iyan ay alam ni Yahweh.' "
12:6 "Sinabi ni Samuel, 'Siya nga ang saksi, si Yahweh na humirang kina Moises at Aaron at nagligtas sa inyong mga magulang sa kamay ng mga Egipcio."
12:7 Kaya nga, tumindig kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga magulang.
12:8 Nang si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inapi ng mga Egipcio. Dumaing kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito.
12:9 Ngunit tinalikdan nila si Yahweh. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisara, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayon din sa mga Filisteo at sa mga Moabita.
12:10 Nang magkagayon, dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, 'Nagkasala kami sapagkat tinalikdan ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod na kami sa iyo.'
12:11 At ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Jerobaal, Bedan, Jefte at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway.
12:12 Ngunit nang kayo'y sasalakayin ni Haring Nahas ng mga Ammonita, itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng isang haring mamamahala sa inyo.
12:13 Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh.
12:14 Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi ninyo lalabagin ang kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay.
12:15 Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, bagkus ay lumabag sa kanyang utos, parurusahan niya kayo.
12:16 Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh.
12:17 "Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.' "
12:18 Dumalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay sinidlan ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel.
12:19 "Sinabi nila kay Samuel, 'Idalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.' "
12:20 '"Huwag kayong matakot,' wika ni Samuel. 'Bagaman malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikdan."
12:21 Lumayo na kayo sa mga diyus-diyusan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos.
12:22 Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, pagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y hinirang niya bilang kanyang bayan.
12:23 Idadalangin ko naman kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin.
12:24 Lamang, dapat kayong matakot kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo.
12:25 "Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.'"
13:1 ( Ang Pakikidigma Laban sa mga Filisteo ) Limampung taon si Saul nang maging hari ng Israel at tumagal ng dalawampu't dalawang taon ang kanyang paghahari.
13:2 Pumili si Saul ng 3,000 lalaki: isinama niya sa Micmas ang 2,000 at sa kaburulan ng Betel. Ang 1,000 naman ay pinasama niya kay Jonatan sa Gabaa, sakop ng Benjamin. Ang iba'y pinauwi niya sa kani-kanilang tolda.
13:3 Nakuha na ni Jonatan ang kampamento ng mga Filisteo sa Gabaa at ito'y nabalita sa buong lupain ng mga Filisteo. Ipinabalita naman ni Saul sa buong Israel ang nangyari at tinawagan ang buong bayan na makidigma.
13:4 Nang marinig ng mga Israelita na nasakop na ni Saul ang isang kampo ng mga Filisteo at malaman nilang napopoot sa kanila ang mga ito, nagkaisa silang sumama kay Saul sa Gilgal upang makipaglaban.
13:5 Nagtipun-tipon din ang mga Filisteo upang harapin ang mga Israelita. Ang karwahe nila ay 30,000, at 6,000 ang mga kawal na kabayuhan, at tila buhangin sa dagat ang dami ng mga kawal na naglalakad. At sila'y nagkampo sa Micmas, sa gawing silangan ng Bet-aven.
13:6 Nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kinasuungan sapagkat masusukol sila, kaya't nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, puntod, malalaking bato, at mga punongkahoy.
13:7 Ang iba nama'y tumawid sa Jordan papuntang Gad at Galaad. Naiwan si Saul sa Gilgal at nanginginig sa takot ang mga naiwang kasama niya.
13:8 Pitong araw siyang naghintay roon, tulad ng sinabi sa kanya ni Samuel; ngunit hindi ito dumating. Ang mga kasama niya'y isa-isa nang umaalis,
13:9 kaya nagpakuha si Saul ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan at sinunog ang mga ito.
13:10 Katatapos lamang niyang maghandog nang dumating si Samuel. Sinalubong siya ni Saul at binati.
13:11 "Tinanong siya ni Samuel, 'Bakit mo ginawa iyan?' Sumagot siya, 'Ang mga kasama ko'y isa-isang umaalis, nariyan na sa Micmas ang mga Filisteo, at ikaw nama'y hindi dumating sa oras na ating usapan."
13:12 "Ako'y nangambang lusubin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal na hindi pa ako nakapaghahandog kay Yahweh, kaya napilitan akong maghandog.' "
13:13 "Sinabi sa kanya ni Samuel, 'Malaking kasalanan 'yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon."
13:14 "Ngunit dahil sa ginawa mo, hindi na matutuloy iyon. Si Yahweh ay pipili ng ibang hari para sa Israel sapagkat hindi mo sinunod ang mga utos niya sa iyo.' "
13:15 Pagkasabi nito'y umalis si Samuel at nagpunta sa Gabaa, sa lupain ng Benjamin. Tinipon ni Saul ang natira niyang mga tauhan at umabot sa 600.
13:16 Sina Saul at Jonatan, pati ng kanilang mga tauhan ay sa Gabaa ng Benjamin nagkampo samantalang nasa Micmas pa rin ang mga Filisteo.
13:17 Ang mga ito'y nagtatlong pangkat sa pagsalakay sa mga Israelita: ang una'y gumawi sa Ofra, sa lupain ng Saul;
13:18 ang ikalawa'y sa Bet-horon at ang pangatlo'y sa kaburulan, sa may hanggahan ng kapatagan ng Zeboim at ng kagubatan.
13:19 Noon ay wala isa mang panday sa buong Israel sapagkat ayaw ng mga Filisteo na gumawa ng mga tabak o sibat ang mga Israelita.
13:20 Kaya ang mga Israelita'y sa mga Filisteo pa nagpapahasa ng kanilang sudsod, asarol, palakol o lilik.
13:21 Ang bayad nila sa pagpapahasa ng palakol o lilik ay ikatlong bahagi ng isang siklo, at doble naman para sa sudsod o asarol.
13:22 Kaya, sina Saul at Jonatan lamang ang may tabak; isa man sa mga kasamahan nila'y walang dalang patalim.
13:23 Samantala, binantayang mabuti ng mga Filisteo ang daanan papuntang Micmas.
14:1 ( Ang Tagumpay ni Jonatan sa Micmas ) "Isang araw, lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, 'Sumama ka sa akin at liligid tayo sa kabila ng kampo ng mga Filisteo.'"
14:2 Si Saul noon ay nasa labas ng Gabaa, sa ilalim ng isang puno ng granada sa Micron, kasama ang may 600 niyang tauhan.
14:3 Naroon din ang saserdoteng si Ahias na anak ni Ahitob, kapatid ni Icabod at apo ni Finees na anak naman ni Eling saserdote ni Yahweh. Dala ni Ahias ang efod. Walang nakaalam sa lakad nina Jonatan.
14:4 Ang magkabila ng daanang binabantayan ng mga Filisteo ay mataas na bato; Boses ang tawag sa isang panig, at Sene naman ang kabila.
14:5 Ang isa ay nasa gawing hilaga, sa tapat ng Micmas at ang isa nama'y nasa timog, sa tapat ng Gabaa.
14:6 "Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, 'Pumakabila tayo sa kampo ng mga Filisteong ito. Natitiyak kong tutulungan tayo ni Yahweh. Kung magkagayon, walang makahahadlang sa kanya. Mapagtatagumpay niya ang Israel sa pamamagitan ng marami o ng kakaunting tao.' "
14:7 "Sumagot ang tagadala niya ng sandata, 'Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.' "
14:8 '"Mabuti kung gayon,' sabi ni Jonatan. 'Liligid tayo at pakikita sa kanila."
14:9 Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila.
14:10 "Pero pag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila pagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.' "
14:11 "At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, 'Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.'"
14:12 "At hiniyawan nila sina Jonatan, 'Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.' Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, 'Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.'"
14:13 Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bulagta ang bawat maharap niya at inuutas naman ng tagadala niya ng sandata.
14:14 Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na yaon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila.
14:15 Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, maging ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at wala silang malamang gawin. ( Ang Digmaan sa Bet-aven )
14:16 Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gabaa ang pagkakagulo ng mga Filisteo.
14:17 "Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, 'Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.' Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata. "
14:18 "At sinabi ni Saul kay Ahias, 'Dalhin mo rito ang efod.' Si Ahias nga ang may dala ng efod noon."
14:19 "Samantalang kinakausap ni Saul ang saserdote, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa saserdote, 'Huwag mo nang ituloy ang pagsasapalaran.'"
14:20 At sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan.
14:21 Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita.
14:22 Pati yaong mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagtugis sa mga Filisteo.
14:23 Ang labanan ay umabot sa kabila pa ng Bet-aven at nang araw na yaon, pinagtagumpay ni Yahweh ang Israel. ( Ang Sumpa ni Saul )
14:24 Ang mga Israelita ay patang-pata na sa gutom. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway.
14:25 Dumating sila sa isang kagubatan na sagana sa pulot.
14:26 Pagpasok nila rito, nakita nilang umaagos ang pulot ngunit ni hindi nila ito sinaling dahil sa utos.
14:27 Palibhasa'y hindi alam ni Jonatan ang tungkol sa utos ng kanyang ama, itinubog niya sa pulot ang kanyang tungkod, at sinipsip ito. At nagliwanag ang kanyang paninging nanlabo na dahil sa gutom at pagod.
14:28 "Sinabi sa kanya ng isa sa mga Israelita, 'Mahigpit pong ipinagbabawal ng iyong ama ang tumikim ng pagkain sa araw na ito. Kaya patang-pata ang mga tao.' "
14:29 "Sinabi ni Jonatan, 'Bakit pinahihirapan ng aking ama ang mga tao? Heto at nagliwanag ang aking paningin nang tumikim ako ng pulot."
14:30 "Gaano pa kung ang mga tao'y pababayaang kumain ng mga samsam hanggang ibig nila. Lalo sanang madadali ang paglupig sa mga Filisteo.' "
14:31 Nang araw na yaon, ang mga Filisteo'y nalupig ng mga Israelita mula sa Micmas hanggang Ahilon, ngunit lambot na lambot na sila sa gutom.
14:32 Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga hayop ng mga Filisteo. Nagpatay sila ng mga tupa, baka at mga bisirong baka. Dahil sa gutom, kinain ang mga ito nang hindi na nakuhang alisan ng dugo.
14:33 "May nagsumbong kay Saul na ang mga tao'y gumagawa ng malaking kasalanan kay Yahweh---kumakain ng karneng may dugo. 'Ito'y isang malaking kataksilan!' sigaw ni Saul. 'Igulong ninyo rito ang isang malaking bato, ngayon din,' utos niya."
14:34 '"Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.' Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay."
14:35 Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa.
14:36 "Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, 'Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lulupigin hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buhay sa kanila.' Sumagot sila, 'Kayo po ang masusunod.' Ngunit sinabi ng saserdote, 'Sumangguni muna tayo sa Diyos.' "
14:37 "Sumangguni nga si Saul sa Diyos, 'Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Ipalulupig ba ninyo sila sa amin?' Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos."
14:38 "Kaya, sinabi niya, 'Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala."
14:39 "Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Naririnig ako ni Yahweh, ang tagapagligtas ng Israel.' Walang umimik isa man sa mga Israelita."
14:40 "Sinabi pa ni Saul, 'Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.' Sumagot ang mga tao, 'Kayo po ang masusunod.' "
14:41 "Maya-maya, tumingala si Saul at sinabi, 'Yahweh, Diyos ng Israel, bakit di ninyo tinugon ngayon ang inyong lingkod? Kung ang nagkasala'y alinman sa amin ni Jonatan, ipabunot ninyo sa amin ang Urim. Ngunit kung ang mga tao ang nagkasala, ipabunot ninyo ang Tumim.' Nang gawin ang palabunutan, lumitaw na ang nagkasala'y ang panig nina Saul at Jonatan; walang dapat panagutan ang mga tao."
14:42 "Sinabi ni Saul, 'Gagawin ngayon ang palabunutan para malaman kung sino sa amin ni Jonatan ang nagkasala.' At si Jonatan ang lumitaw na may kasalanan."
14:43 "Dahil dito, tinanong ni Saul si Jonatan, 'Magsabi ka ng totoo, ano ang ginawa mo?' Sumagot siya, 'Itinubog ko ang aking tungkod sa pulot at ito'y aking tinikman. Kung kailangan akong patayin dahil doon, nakahanda po akong mamatay.' "
14:44 "Sinabi ni Saul, 'Gawin ng Diyos ang nararapat sa iyo at sa akin; mamamatay ka, Jonatan.' "
14:45 "Sumagot ang mga tao, 'Papatayin ba si Jonatan na nanguna sa pagtatagumpay ng Israel? Huwag nawang mangyari! Naririnig kami ni Yahweh. Isa mang balahibo niya'y hindi maaano sapagkat siya ang kinasangkapan ngayon ng Diyos upang magtagumpay ang Israel.' Hindi nga pinatay si Jonatan sapagkat iniligtas siya ng mga Israelita. "
14:46 Tinigilan na ni Saul ang pagtugis sa mga Filisteo; ang mga ito nama'y umuwi na sa kanilang dako. ( Ang Tagumpay ni Saul at ng Kanyang Pamilya )
14:47 Sa panahon ng paghahari ni Saul sa Israel, napalaban siya kabi-kabila; sa mga Moabita, Ammonita, Isumita, Sobita at sa mga Filisteo. Sinuman ang kanyang makadigma ay nalulupig niya.
14:48 Lalong kinilala ang kanyang kapangyarihan nang lupigin niya ang mga Amalecita, at patuloy na ipagtanggol ang Israel laban sa mga nagnanasang lumupig dito.
14:49 Ito ang mga anak ni Saul: ang tatlong lalaki ay sina Jonatan, Isui at Melquisua; ang mga babae nama'y sina Merab at Micol.
14:50 Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinakapunong kawal niya ay si Abner na anak ng amain niyang si Ner
14:51 na kapatid ng ama niyang si Cis at anak naman ni Abiel.
14:52 Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging mahigpitan ang digmaan nila ng mga Filisteo; lahat ng taong kakitaan niya ng tapang at lakas ay isinasama niya sa kanyang hukbo.
15:1 ( Ang Pagpuksa sa Amalec at ang Pagsuway ni Saul ) "Sinabi ni Samuel kay Saul, 'Sinugo ako ni Yahweh upang pahiran ka ng langis at italagang hari ng Israel. Pakinggan mo ang kanyang salita."
15:2 Ipinasasabi niya: 'Pahihirapan ko ang Amalec tulad ng ginawa niya sa Israel nang ito'y inilalabas ko sa Egipto.
15:3 "Lusubin mo ang Amalec at lupigin silang lahat. Durugin mo ang lahat nilang ari-arian at huwag magtitira kahit isa. Patayin mo silang lahat, babae't lalaki, mula sa pinakamatanda hanggang sa batang pasusuhin. Patayin mo pati kanilang mga baka, tupa, kamelyo at asno.' "
15:4 Kaya't tinipon ni Saul sa Telaim ang hukbo ng Israel. Nang bilangin niya'y umabot sa 200,000 ang mga kawal, bukod pa sa 10,000 buhat sa Juda.
15:5 Pinangunahan niya ang mga ito, papunta sa Lunsod ng Amalec. Tumigil sila sa isang natuyong ilog na malapit doon at
15:6 "nagpasugo sa mga Cineo at ipinasabi niya, 'Umalis na kayo riyan. Humiwalay kayo sa mga Amalecita para hindi kayo madamay sa kanila sapagkat pinagpakitaan ninyo kami ng mabuti sa aming paglalakbay mula sa Egipto.' "
15:7 Pagkaalis ng mga Cineo, sinalakay nila ang mga Amalecita at nalupig ang mga ito mula sa Avila hanggang sa Sur, sa silangan ng Egipto.
15:8 Nilipol niya ang mga Amalecita ngunit binihag nang buhay si Haring Agag.
15:9 Hindi rin nila pinatay ang magagandang baka, tupa at lahat ng matatabang hayop doon; ang pinatay lang nila ay lahat ng hindi pakikinabangan. ( Itinakwil si Saul Bilang Hari )
15:10 Sinabi ni Yahweh kay Samuel,
15:11 '"Nanghihinayang ako sa pagkahirang ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikdan niya ako at di sinunod ang aking mga utos.' Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh."
15:12 Kinabukasan, maaga siyang nagbangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling bantayog, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal.
15:13 "Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, 'Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.' "
15:14 "Itinanong ni Samuel, 'Bakit may naririnig akong iyakan ng mga tupa at atungal ng mga baka?' "
15:15 "Sumagot si Saul, 'Mga samsam buhat sa Amalec. Kinuha namin ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang walang halaga ay pinatay namin at iniwan.' "
15:16 "Sinabi ni Samuel, 'Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.' 'Ano iyon?' tanong ni Saul. "
15:17 "Sinabi ni Samuel, 'Noong una, ikaw mismo ang nagpakilalang ikaw ay hamak. Ngayon, ikaw ang pangunahin sa Israel sapagkat hinirang ka ni Yahweh at pinahiran ng langis upang maging hari."
15:18 Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalec at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito.
15:19 "Bakit mo sinuway ang utos ni Yahweh? Bakit mo pinag-imbutan ang mga ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo'y malaking kasalanan kay Yahweh?' "
15:20 "Sumagot si Saul, 'Sinunod ko si Yahweh. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalec at nilipol ang mga Amalecita."
15:21 "Pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay na kasama ng iba, bagkus ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.' "
15:22 "Sinabi ni Samuel, 'Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa pagsunod sa kanya? Ang pagsunod sa kanya ay higit sa handog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa."
15:23 "Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyusan. Pagkat sinuway mo si Yahweh, aalisin ka sa pagiging hari ng kanyang bayan.' "
15:24 "Sinabi ni Saul kay Samuel, 'Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Natakot ako sa aking mga tauhan kaya sinunod ko ang gusto nila."
15:25 "Ngayon nga'y isinasamo kong patawarin mo na at samahan mo akong dumalangin kay Yahweh.' "
15:26 "Sinabi ni Samuel, 'Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Inalis na niya sa iyo ang pagiging hari ng Israel.' "
15:27 Tumalikod si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at natanggal ang kapiraso.
15:28 "Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, 'Sa araw na ito, tinatanggal sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel upang ibigay sa ibang mabuti kaysa iyo."
15:29 "Ang dakilang Diyos ng Israel ay tapat at hindi nagbabago kailanman. Hindi siya tulad ng tao na kailangang magsisi.' "
15:30 "Sumagot si Saul, 'Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito ay ipinakikiusap kong ako'y bigyan kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatanda at ng buong Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh.'"
15:31 Sinamahan naman ni Samuel si Saul at ito'y dumulog kay Yahweh. ( Pinatay si Agag )
15:32 "Sinabi ni Samuel, 'Dalhin dito si Agag na hari ng Amalec.' Mabigat ang mga paang humarap sa kanya si Agag at nanginginig na sinabi nito, 'Siguro nama'y hindi ninyo ako papatayin.' "
15:33 "Sumagot si Samuel, 'Kung paanong pinatay mo ang marami, ikaw man ay papatayin.' At si Agag ay pinagputul-putol ni Samuel sa harap ng altar ni Yahweh sa Gilgal. "
15:34 At umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gabaa.
15:35 Mula noon, hindi na siya nakipagkita kay Saul; ikinalungkot din niya ang nangyari rito. Si Yahweh naman ay nanghinayang sa pagkahirang kay Saul bilang hari.
16:1 ( Pinapunta kay Jesse si Samuel ) "Sinabi ni Yahweh kay Samuel, 'Huwag mong ikalungkot nang labis ang pagkaalis ko kay Saul bilang hari. Magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Betlehem sapagkat pinili ko nang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.' "
16:2 "Sumagot si Samuel, 'Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niyang nagpunta ako roon.' Sinabi ni Yahweh, 'Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka sa akin."
16:3 "Anyayahan mo si Jesse at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.' "
16:4 "Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ni Yahweh; nagpunta nga siya sa Betlehem. Siya'y sinalubong ng matatanda ng lunsod at nanginginig na tinanong, 'Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?' "
16:5 '"Oo,' sagot niya. 'Naparito ako upang maghandog kay Yahweh. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.' Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito at inanyayahan sa paghahandog. ( Pinahiran ng Langis si David )"
16:6 "Nang magkaharap-harap na sila, nakita ni Samuel si Eliab, pinagmasdan niya itong mabuti at sinabi sa sarili, 'Ito siguro ang hinirang ni Yahweh para maging hari.' "
16:7 "Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, 'Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan. Hindi siya ang hinirang ko. Ang batayan ko ay di tulad ng batayan ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit puso ang tinitingnan ko.' "
16:8 "Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadab at pinaraan din sa harapan ni Samuel. Ngunit umiling si Samuel at sinabi, 'Hindi rin siya ang hinirang ni Yahweh.'"
16:9 Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ni Yahweh.
16:10 Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit walang pinili sa kanila si Yahweh.
16:11 "Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, 'Wala ka na bang anak kundi iyan?' 'Mayroon pang isa; 'yong pinakabata, at pastol ng aking mga tupa,' sagot ni Jesse. Sinabi ni Samuel, 'Ipasundo mo. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.'"
16:12 "At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at nangungusap ang mga mata. At sinabi ni Yahweh kay Samuel, 'Siya ang hinirang ko; pahiran mo siya ng langis.'"
16:13 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at pinahiran si David sa harapan ng kanyang mga kapatid. At mula noon, sumakanya ang Espiritu ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay umuwi sa Rama. ( Hinirang si David )
16:14 Ang Espiritu ni Yahweh ay inialis niya kay Saul at mula noon, ito'y ipinadalaw niya sa masamang espiritu.
16:15 "Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapaglingkod, 'Pinahihirapan kayo ng masamang espiritu."
16:16 "Kung gusto ninyo, ihahanap namin kayo ng isang mahusay tumugtog ng alpa. Kapag pinahihirapan kayo ng masamang espiritu, patugtugin ninyo siya nang maaliw kayo.' "
16:17 "Sinabi ni Saul, 'Sige, ihanap ninyo ako.' "
16:18 "Isa sa mga bataang naroon ang nagsabi, 'Si Jesse pong taga-Betlehem ay may isang anak na magaling tumugtog. Siya po ay matapang na mandirigma, mahusay magsalita at magandang lalaki. Higit po sa lahat, sumasakanya si Yahweh.' "
16:19 "At nagpasugo si Saul kay Jesse at ipinasabi, 'Papuntahin mo sa akin ang anak mong si David, ang pastol ng iyong mga tupa.'"
16:20 Gayon nga ang ginawa ni Jesse. Pinagdala pa niya si David ng isang sisidlang puno ng alak, isang bisirong kambing at isang asnong kargado ng tinapay upang ibigay kay Saul.
16:21 Naglingkod si David kay Saul at labis naman siyang napamahal dito, kaya siya'y ginawa nitong tagapagdala ng sandata.
16:22 "Ipinasabi ni Saul kay Jesse, 'Bayaan mo na sa akin si David pagkat napamahal na siya sa akin.'"
16:23 At tuwing susumpungin si Saul, tinutugtugan siya ni David sa pamamagitan ng alpa. Dahil doon, si Saul ay naaaliw; umaalis sa kanya ang masamang espiritu at siya'y gumagaling.
17:1 ( Ang Hamon ni Goliat ) Ang mga Filisteo'y nag-ipun-ipon sa Soco, sa lupain ng Juda upang digmain ang Israel. Sa Efes-dammim sila nagkampo, sa pagitan ng Soco at Azeca.
17:2 Si Saul naman at ang mga Israelita ay nagkampo sa may libis ng Ela, katapat ng mga Filisteo.
17:3 Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y nasa isang gulod, at nasa kabila naman ang mga Israelita; ang nakapagitan sa kanila ay isang lambak.
17:4 May isang mahusay at matapang na mandirigma ang mga Filisteo. Siya ay buhat sa Gat, ang pangala'y Goliat. May siyam na talampakan ang kanyang taas.
17:5 Tanso ang kanyang helmet, gayon din ang baluti na tumitimbang ng 166 libra.
17:6 Tanso rin ang baluti sa kanyang binti at hita, gayon din ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat.
17:7 Ang tagdan ng sibat niya'y sinlaki ng baras ng kariton at bakal naman ang ulo nito na tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang kanyang tagadala ng kalasag.
17:8 "Sumigaw si Goliat sa mga Israelita: 'Bakit kailangan pang maglaban tayong lahat? Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin."
17:9 Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit pag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin.
17:10 "Hinahamon ko kayo, mga Israelita. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin.'"
17:11 Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nasiraan sila ng loob at natakot. ( Si David sa Kampo ni Saul )
17:12 Nang panahong iyon mahina na dahil sa katandaan si Jesse. Walo ang anak niyang lalaki. Si David ang pinakabata.
17:13 Sina Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatanda sa kanyang mga anak ay nakikipaglabang kasama ni Saul.
17:14 Samantalang sila'y kasama ni Saul sa pakikidigma, si David
17:15 ay nagpaparoo't parito kay Saul at sa Betlehem para alagaan ang mga tupa ng kanyang ama.
17:16 Noon ay apatnapung araw nang hinahamon ni Goliat ang mga Israelita.
17:17 "Isang araw, inutusan ni Jesse si David, 'Anak, dalhin mo sa iyong mga kapatid itong binusang trigo at sampung tinapay."
17:18 "Itong sampung keso ay ibigay mo naman sa pinakapuno nila. Tingnan mo tuloy ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin.'"
17:19 Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa lambak ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo.
17:20 Kinabukasan, maagang nagbangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, taglay ang pagkaing padala ng kanyang ama. Nang dumating siya roon, palakad na ang buong hukbo at inihihiyaw ang kanilang sigaw pandigma.
17:21 Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo.
17:22 Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa larangan upang tingnan ang kanyang mga kapatid.
17:23 Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at hinamon uli ang mga Israelita. Narinig ito ni David.
17:24 Nang makita si Goliat, nagtakbuhan ang mga Israelita sa laki ng takot.
17:25 "Sinabi nila, 'Narito na naman ang humahamon sa atin araw-araw. Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang kanyang sambahayan ay hindi na saklaw ng sapilitang paglilingkod sa hukbo ng Israel.' "
17:26 "Itinanong ni David sa mga katabi niya, 'Ano raw ang gagawin ng hari sa sinumang makapapatay sa Filisteong iyon para maalis sa kahihiyan ang Israel? At sino ba siyang hahamon sa hukbo ng Diyos na buhay?' "
17:27 '"Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makapapatay sa Filisteong 'yon,' sagot ng mga kausap niya. "
17:28 "Narinig pala ni Eliab ang kanilang pag-uusap at ito'y nagalit kay David. 'Ano bang ginagawa mo rito?' pagalit niyang tanong. 'Iilan-ilan na ang ating tupa'y iniwan mo pa? Alam ko kung bakit ka naparito. Hindi ka nasisiyahan na magpastol lang ng tupa, ibig mong manood ng labanan.' "
17:29 "Sumagot si David, 'Bakit, ano ba ang ginawa ko? Nagtatanong lang naman ako.'"
17:30 Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya.
17:31 Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito.
17:32 "Pagdating kay Saul, sinabi ni David, 'Di po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong 'yon. Ako ang lalaban sa kanya.' "
17:33 "Sinabi ni Saul, 'Hindi mo kaya ang Filisteong 'yon! May gatas ka pa sa labi, samantalang siya'y isang kilabot na mandirigma.' "
17:34 "Ngunit mapilit si David. Sinabi niya, 'Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso,"
17:35 tinutugis ko ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako, hinahawakan ko siya sa panga at pinapatay.
17:36 "Marami na po akong napatay na leon at oso. Mapapatay ko rin po ang Filisteong iyon pagkat ang hinahamak niya'y ang hukbo ng Diyos na buhay.'"
17:37 "Idinugtong pa ni David, 'Ang Diyos na nagligtas sa akin sa kuko ng mga leon at ng mga oso ay siya ring magliligtas sa akin sa Filisteong iyon.' Kaya't sinabi ni Saul, 'Kung gayon, labanan mo siya at patnubayan ka nawa ni Yahweh.'"
17:38 At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuutang pandigma; ang helmet at ang baluting tanso.
17:39 "Pagkatapos, isinakbat ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad. Ngunit hindi siya halos makahakbang pagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuutan. Kaya sinabi niya kay Saul, 'Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.' At hinubad niya ang nasabing kasuutan."
17:40 Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, isinilid sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat. ( Natalo ni David si Goliat )
17:41 Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang mga sandata.
17:42 Nang makita niyang si David ay musmos, hinamak niya ito, at
17:43 "pakutyang tinanong, 'Anong akala mo? Aso ba ang lalabanan mo at tungkod lang ang dala mo?' At si David ay sinumpa ni Goliat sa ngalan ng kanyang diyos."
17:44 "Sinabi pa niya, 'Halika nga rito't nang maipakain kita sa mga ibon at mga hayop.' "
17:45 "Sumagot si David, 'Ang dala mo'y tabak, sibat at balaraw, ngunit lalabanan kita sa ngalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak."
17:46 Ibibigay ka niya sa akin ngayon! Pupugutin ko ang ulo mo at ipakakain kita sa mga ibon at sa mga hayop, pati ang iyong mga kasamahan. Sa gayon, malalaman ng daigdig na ang Diyos ng Israel ay buhay.
17:47 "At makikita ng lahat na narito na makapagliligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Siya'y makapangyarihan at ipalulupig niya kayo sa amin.' "
17:48 Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David,
17:49 habang dumudukot ng bato sa kanyang supot. Tinirador niya si Goliat at tinamaan ito sa noo. Bumaon ang bato at si Goliat ay padapang bumagsak.
17:50 Natalo ni David si Goliat sa pamamagitan nga ng tirador. Napatay niya ito bagamat wala siyang tabak.
17:51 At patakbong lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, binunot ang tabak nito, at pinugutan ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang bayani, sila'y nagtakbuhan.
17:52 "Naghiyawan naman ang mga Israelita: 'Lusob! Lusob, mga kasama!' At tinugis nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ecron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ecron."
17:53 At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa pagtugis sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang maibigan.
17:54 Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat ngunit iniuwi niya ang mga sandata nito. ( Iniharap si David kay Saul )
17:55 "Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinakapuno ng kanyang hukbo, 'Abner, kaninong anak ang batang 'yon?' 'Hindi ko po alam, Kamahalan,' sagot ni Abner. "
17:56 '"Kung gayo'y ipagtanong mo kung kanino siyang anak,' utos ng hari. "
17:57 Nang magbalik si David na dala ang ulo ng Filisteo, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat.
17:58 "At tinanong siya ni Saul, 'Kanino kang anak, binata?' Sumagot si David, 'Kay Jesse po na taga-Betlehem.'"
18:1 ( Si David at si Jonatan ) Nakita ni Jonatan si David matapos itong makipag-usap sa kanyang ama, at ito'y napamahal sa kanya, tulad ng pagmamahal niya sa sarili.
18:2 Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David.
18:3 Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang panahon.
18:4 Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at pamigkis.
18:5 Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong puno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga pinuno sa palasyo. ( Nainggit si Saul kay David )
18:6 Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihan na umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga pandereta at alpa.
18:7 "Ganito ang kanilang awit: 'Libu-libo ang pinatay ni Saul, Ang kay David naman ay sampu- sampung libo.' "
18:8 "Nagalit si Saul at naisaloob niya, 'Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang ay siya ang kilalanin nilang hari.'"
18:9 At mula noon naging mainit na ang mata niya kay David.
18:10 Kinabukasan, si Saul ay pinasukan ng masamang espiritu at nagmistulang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at
18:11 makalawang sinibat si David pagkat ibig niya itong patayin, ngunit kapwa nailagan ni David.
18:12 Si Saul ay natakot kay David pagkat nadama niyang hindi na siya kundi ito na ang pinapatnubayan ni Yahweh.
18:13 Kaya, para malayo ito sa kanya, ginawa niya itong puno ng 1,000 kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan
18:14 at saanman mapalaban ay nagtatagumpay pagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh.
18:15 Dahil dito, lalong nasindak sa kanya si Saul.
18:16 Sa kabilang dako, si David ay lalong napapamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang pagtatagumpay laban sa mga kaaway. ( Napangasawa ni David ang Anak ni Saul )
18:17 "Minsa'y sinabi ni Saul kay David, 'Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.' Ang talagang ibig niya, si David ay mapatay ng mga Filisteo upang mawala na ito sa kanyang landas. "
18:18 "Sumagot si David, 'Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?'"
18:19 Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat.
18:20 Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Micol. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito.
18:21 "Sa loob-loob niya, 'Si Micol ang kakasangkapanin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.' Kaya, sinabi niya kay David, 'Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.'"
18:22 "Kinasapakat pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, 'Mahal na mahal ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.' "
18:23 "Nang marinig ito ni David, sumagot siya, 'Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang kabuluhan?' "
18:24 Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David.
18:25 "Ipinasabi naman uli ni Saul, 'Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi 100 pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.' Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David."
18:26 Nang marinig niya ito, natuwa siya pagkat kung magawa niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw,
18:27 nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng 200. Ang pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Micol.
18:28 Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal sa anak niyang si Micol.
18:29 Kaya't lalo siyang nasindak kay David at lalo niya itong kinamuhian.
18:30 Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag.
19:1 ( Namagitan si Jonatan kay Saul Para kay David ) Minsan, nasabi ni Saul kay Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama.
19:2 "Ang sabi niya, 'Binabalak kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lugar."
19:3 "Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.' "
19:4 "Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. 'Ama, bakit ibig ninyong patayin si David gayong wala namang ginagawang masama sa inyo? Hindi ba't pinakikinabangan ninyo siyang mabuti?"
19:5 "Ipinain niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo siya papatayin gayong wala siyang kasalanan?' "
19:6 "Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, 'Naririnig ni Yahweh, hindi ko na siya papatayin.'"
19:7 Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito. ( Iniligtas ni Micol si David )
19:8 Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at nalupig niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buhay ay nagsitakas.
19:9 Minsan, muling inalihan ng masamang espiritu si Saul. Nakaupo siya noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa.
19:10 Walang anu-ano, sinibat niya si David. Sa kabutihang-palad, nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David.
19:11 "Kinagabihan, pinabantayan ni Saul ang bahay ni David at balak na patayin kinabukasan. Kaya't sinabi ni Micol, 'David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.'"
19:12 At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas.
19:13 Pagkatapos, kinuha ni Micol ang diyus-diyusang pambahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalot niya ng balat ng kambing saka kinumutan.
19:14 "Nang dumating ang mga inutusan ni Saul upang kunin si David, sinabi ni Micol, 'May sakit siya.' "
19:15 "Pinabalik ni Saul ang kanyang mga sugo lakip ang bilin, 'Buhatin ninyo pati higaan niya at ako ang papatay sa kanya.'"
19:16 Nagbalik nga ang mga sugo ni Saul ngunit ang nakita nila sa higaan ay ang diyus-diyusang balot ng balat ng kambing ang ulo at may kumot.
19:17 "Tinawag ni Saul si Micol, 'Bakit mo ako nilinlang? Bakit mo pinatakas ang aking kaaway?' Sumagot si Micol, 'Papatayin niya ako kung hindi ko siya pinabayaang tumakas.' "
19:18 Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan.
19:19 "May nagsabi kay Saul, 'Si David ay nasa Rama, sa Nayot.'"
19:20 At nagsugo ito ng mga utusan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu ng Diyos at sila'y nagsigawan at nagsayawan na rin.
19:21 Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad din ito sa una. Nang magsugo siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari.
19:22 Nang magkagayon, siya mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na nasa Nayot ng Rama.
19:23 Sa daan papuntang Nayot, sumakanya ang Espiritu ng Diyos. Kaya, siya'y nagsasayaw at nagsisigaw hanggang sa makarating ng Nayot.
19:24 "Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuutan, nagsisigaw at nagsasayaw na kasama nina Samuel. Doon nagsimula ang kasabihang, 'Si Saul pala'y propeta na rin.'"
20:1 ( Ang Sumpaan nina David at Jonatan ) "Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, 'Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at ibig akong patayin ng iyong ama?' "
20:2 "Sumagot si Jonatan, 'Hindi totoo iyon. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.' "
20:3 "Sinabi ni David, 'Marahil ay hindi lamang niya sinasabi sa iyo pagkat alam niyang magdaramdam ka dahil magkaibigan tayong matalik. Ngunit alam ni Yahweh at alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.' "
20:4 "Itinanong ni Jonatan, 'Ano ngayon ang ibig mong gawin ko para sa iyo?' "
20:5 "Sumagot siya, 'Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw."
20:6 Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo sapagkat ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Betlehem.
20:7 Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Kapag nagalit, ibig nga niya akong patayin.
20:8 "Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.' "
20:9 "Sinabi ni Jonatan, 'Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.' "
20:10 "Itinanong ni David, 'Paano ko malalaman ang kanyang sagot?' "
20:11 "Sumagot si Jonatan, 'Sumama ka sa akin sa bukid.' "
20:12 "Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, 'Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo."
20:13 Kung galit, ipaaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pamamatnubay niya sa aking ama.
20:14 Kung buhay pa ako sa araw na yaon, huwag mong kalilimutan ang ating sumpaan.
20:15 Kung ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway,
20:16 "huwag ka sanang sisira sa ating sumpaan. Parusahan ni Yahweh ang magtalusira sa ating dalawa.' "
20:17 Pinapangako ni Jonatan si David na hindi nito pababayaan ang kanyang sambahayan; siya ay minahal ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili.
20:18 "At sinabi ni Jonatan kay David, 'Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan."
20:19 Sa makalawa, magtago ka uli sa pinagtaguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato.
20:20 Kunwari ay magsasanay ako sa pagtudla. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo.
20:21 Pagkatapos, ipahahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag sinabi kong nasa gawi rito ang mga palaso, lumabas ka sa pinagtataguan mo at tiyak na walang panganib.
20:22 Ngunit kapag sinabi kong nasa gawi roon, tumakas ka na pagkat iyon ang nais ni Yahweh.
20:23 "At tungkol naman sa ating sumpaan, saksi natin si Yahweh.' "
20:24 Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo
20:25 sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan.
20:26 Nang araw na yaon, hindi pinansin ni Saul ang pagkawala ni David pagkat inisip niyang marahil ay may malaking dahilan o baka hindi karapat-dapat ayon sa Kautusan.
20:27 "Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, 'Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?' "
20:28 "Sumagot si Jonatan, 'Nagpaalam siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Betlehem."
20:29 "May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinauuwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.' "
20:30 "Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, 'Masama kang anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati ang iyong ina?"
20:31 "Dapat mong malamang hangga't buhay ang David na iyon ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito. Sulong, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.' "
20:32 "Sumagot si Jonatan, 'Ano po ba ang kasalanan niya at ibig ninyo siyang patayin?' "
20:33 Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak niyang talagang gustong patayin ni Saul si David.
20:34 Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain ng araw na yaon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David.
20:35 Kinaumagahan, nagpunta siya sa lugar na usapan nila ni David, kasama ang isa niyang bataan.
20:36 "Sinabi niya rito, 'Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.' Patakbong sumunod ang bataan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito."
20:37 "Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan: 'Nasa gawi pa roon.'"
20:38 "Idinugtong pa niya, 'Daliin mo, huwag ka nang magtagal diyan.' At nang makuha ng bataan ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan."
20:39 Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit lubos na nagkakaintindihan sina David at Jonatan.
20:40 At ang kagamitan ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang bataan.
20:41 Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at makaitlong yumukod na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at mahigpit na nagyakap. Hindi na mapigil ni David ang sarili, siya'y nanangis.
20:42 "Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, 'Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating sumpaan at manatili tayong magkaibigan habang panahon, pati ang ating magiging angkan.' At naghiwalay silang dalawa; si David ay papalayo, pauwi naman sa lunsod si Jonatan."
21:1 ( Nagpunta si David sa Nob ) "Si David ay nagpunta sa Nob at nagtuloy siya kay Saserdote Ahimelec. Sinalubong siya nito at nanginginig na tinanong, 'Wala kang kasama? Bakit ka nag-iisa?'"
21:2 "Sumagot si David, 'Inutusan ako ng hari at ayaw niyang ipasabi kahit kanino. Iniwan ko ang aking mga kasama. Nagpapahintay na lang ako sa kanila."
21:3 "Ano bang makakain diyan? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit ilan ang nandiyan.' "
21:4 "Sinabi ng punong saserdote, 'Walang tinapay dito kundi ang panghandog. Maaari ko itong ibigay sa inyo kung ang mga kasamahan mo'y hindi sumiping sa babae bago magpunta rito.' "
21:5 "Sumagot si David, 'Ang totoo, hindi kami sumisiping sa babae kailanma't may lakad kami, kahit pangkaraniwan lamang, ngayon pa kaya na di karaniwan ang lakad namin?' "
21:6 At ibinigay ng saserdote kay David ang tinapay na panghandog na hindi pa natatagalang kunin sa harapan ni Yahweh pagkat ang mga ito'y pinalitan ng bago nang araw na yaon.
21:7 Nagkataong naroon si Doeg na Idumita at pinakapuno sa mga pastol ni Saul, upang sumamba kay Yahweh.
21:8 "Tinanong pa ni David si Ahimelec, 'Wala ka bang sibat o tabak diyan? Hindi ako nakapagdala kahit anong sandata sapagkat apurahan ang utos ng hari.' "
21:9 "Sumagot ang saserdote, 'Ang tabak lamang ng Filisteong si Goliat na pinatay mo ang narito; nababalot ng damit at nakatago sa likod ng efod na nakasabit. Kunin mo kung ibig mo.' 'Iyan ang pinakamainam. Ibigay mo sa akin,' sabi ni David. "
21:10 Nang araw na yaon, si David ay nagpatuloy ng pagtakas kay Haring Saul at siya'y nagpunta kay Aquis na hari ng Gat.
21:11 "Ngunit nakilala siya ng mga tauhan ni Aquis at sinabi nila, 'Iyan ang David na hari ng Israel. Siya ang tinutukoy ng mga mananayaw sa awit nilang, 'Libu-libo ang pinatay ni Saul Ang kay David nama'y laksa-laksa.'' "
21:12 Hindi nakalampas kay David ang usapang ito, at siya'y natakot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis.
21:13 Kaya't nagkunwa siyang baliw nang siya'y hulihin. Nagsusulat siya sa mga pader ng pintuang-bayan at hinahayaang tumulo ang kanyang laway.
21:14 "Kaya, sinabi ni Aquis sa kanyang mga tagapaglingkod, 'Bakit iniharap ninyo iyan sa akin, hindi ba ninyo nakikita't baliw?"
21:15 "Masakit na masakit na ang ulo ko sa dami ng baliw dito. Bakit idinagdag pa ninyo 'yang isang iyan? Ilayo ninyo iyan!'"
22:1 ( Ang Pagtakas ni David sa Adulam ) Mula sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adulam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid kaya ang buong sambahayan nila ay nagpunta roon at sumama sa kanya.
22:2 Ang mga naaapi ay sumama rin sa kanya, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa takbo ng mga pangyayari sa bansa. Ang lahat ng ito'y umabot sa 400 lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno.
22:3 "Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, 'Ipinakikiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko natitiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.'"
22:4 Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang namumundok si David.
22:5 "Sinabi ni Propeta Gad kay David, 'Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.' Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret. "
22:6 Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gabaa; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan.
22:7 "Sinabi niya sa mga ito, 'Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong kapitan o tinyente kaya ng kanyang hukbo?"
22:8 "Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa pagkakaibigan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?' "
22:9 "Sumagot si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, 'Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob."
22:10 Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang tabak ni Goliat. ( Ang Pagpatay sa mga Saserdote )
22:11 Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang mga kasambahay nito, lahat ng saserdote sa Nob; humarap sila sa hari.
22:12 "Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, 'Ahimelec, makinig ka.' 'Nakikinig po ako, mahal na hari,' sagot ni Ahimelec. "
22:13 "Sinabi ni Saul, 'Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?' "
22:14 "Sumagot si Ahimelec, 'Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat na alipin? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian?"
22:15 "At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.' "
22:16 "Sinabi ni Saul, 'Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong sambahayan.'"
22:17 "At binalingan niya ang kanyang mga tauhan. Sinabi niya, 'Patayin ninyo ang mga saserdote pagkat kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.' Ngunit hindi sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang magbuhat ng kamay sa mga saserdote ni Yahweh."
22:18 "Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, 'Ikaw ang pumatay sa kanila.' Sumunod naman si Doeg at nang araw na yaon ay walumpu't limang saserdote ang kanyang napatay."
22:19 At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng taga-Nob, isang lunsod ng mga saserdote: babae't lalaki, ang mga batang pasusuhin, ang mga baka, asno at mga tupa.
22:20 Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David.
22:21 Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng saserdote ni Yahweh.
22:22 "Sinabi ni David kay Abiatar, 'Nakita ko si Doeg sa Templo at noon pa'y inisip ko nang sasabihin niya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan."
22:23 "Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin yamang iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.'"
23:1 ( Umalis si David sa Keila ) Dumating ang araw na sinalakay ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Keila at sinamsam ang trigo sa giikan. Nalaman ito ni David
23:2 "kaya siya'y sumangguni kay Yahweh: 'Lalabanan ko po ba ang mga Filisteong ito?' 'Oo,' sagot ni Yahweh. 'Labanan mo sila at iligtas mo ang Keila.' "
23:3 "Ngunit sinabi ng mga kawal kay David, 'Kung kay Saul lang ay takot tayo kaya tayo nagtatago dito sa Juda, paano natin malalabanan ang makapal na Filisteong ito?'"
23:4 "Kaya't muling sumangguni si David kay Yahweh. Ang sagot naman sa kanya, 'Pumaroon kayo sa Keila at ipalulupig ko sa inyo ang mga Filisteo.'"
23:5 Kaya, nagpunta sila sa Keila at nilabanan ang mga Filisteo. Nalupig nila ang mga ito; sinamsam nila ang mga kawan at nailigtas ni David ang Keila.
23:6 Nang si Abiatar ay tumakas at magpunta kay David sa Keila, dala niya ang kanyang efod.
23:7 "Nabalitaan naman ni Saul na si David ay nasa Keila at sinabi nito, 'Sa wakas, niloob din ng Diyos na mahulog sa mga kamay ko si David sapagkat pumasok ito sa isang lugar na nakukubkob ng pader at bakal ang mga pintuan.'"
23:8 Tinipon niya ang lahat niyang tauhan at pinapunta sa Keila upang dakpin si David at ang mga tauhan nito.
23:9 "Nalaman ito ni David kaya tinawag niya ang saserdoteng si Abiatar. Sinabi niya, 'Dalhin mo rito ang efod.'"
23:10 "At sumangguni siya sa Diyos: 'Yahweh, Diyos ng Israel, nabalitaan ko pong lulusubin ni Saul ang Keila pagkat nalaman niyang narito ako."
23:11 "Totoo po ba ito? Pababayaan po kaya ng mga taga-Keila na dakpin ako ni Saul? Isinasamo ko po, Yahweh, Diyos ng mga Israelita, na sagutin n'yo ako sa bagay na ito.' Sumagot si Yahweh, 'Oo, lulusubin nga ni Saul ang Keila.' "
23:12 "Nagtanong uli si David, 'Pababayaan po ba ng mga taga-Keila na ako'y dakpin ni Saul, pati ang aking mga kasama?' 'Oo, pababayaan nila kayo,' sagot ni Yahweh. "
23:13 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y may 600 na umalis sa lugar na iyon at magpabagu-bago ng himpilan. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila. ( Si David sa Ilang )
23:14 At si David ay nagtago sa ilang at maburol na dako ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito.
23:15 Nanatiling kakaba-kaba ang dibdib ni David pagkat alam niyang siya'y pilit na hinahanap ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif,
23:16 pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh.
23:17 "Sinabi nito, 'David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging pangalawa mo naman ako; alam na ito ng aking ama.'"
23:18 At ang pagkakaibigan nila'y muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Umuwi na si Jonatan; naiwan sa Hores si David.
23:19 "Ang mga Zifeo ay nagpunta kay Saul sa Gabaa. Sinabi nila, 'Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin, sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon."
23:20 "Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.' "
23:21 "At sinabi ni Saul, 'Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin."
23:22 Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin.
23:23 "Kaya, tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para hulihin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.' "
23:24 At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon.
23:25 Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid dito na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul.
23:26 Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang malamang puntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul,
23:27 "nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, 'Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.'"
23:28 Kaya, tinigilan ni Saul ang pagkubkob kay David at hinarap ang mga Filisteo. At ang lugar na yaon ay tinawag na Bato ng Kaligtasan.
23:29 Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gadi at doon tumigil.
24:1 ( Hindi Pinatay ni David si Saul ) Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gadi.
24:2 Kaya, pumili siya ng 3,000 Israelita at isinama sa paghahanap kay David sa Bundok ng Mailap na Kambing.
24:3 Nang matapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, nanabi siya sa may bunganga ng kuweba sa tapat ng kulungan. Samantala, sina David ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon.
24:4 "Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, 'Ito na marahil ang katuparan ng salita ni Yahweh na, 'Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.'' Palihim na lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuutan ni Saul."
24:5 Nang magawa niya ito, siya'y inusig ng kaniyang budhi pagkat para na niyang nilapastangan ang hari.
24:6 "Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, 'Huwag nawang itulot ni Yahweh na lapastanganin ko ang hari na kanyang hinirang.'"
24:7 At napakiusapan niya ang kanyang mga kasama na huwag galawin si Saul. Ito nama'y nagtindig na at nagpatuloy ng kanyang lakad.
24:8 "Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at humiyaw, 'Mahal kong hari!' Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David."
24:9 "Sinabi niya, 'Bakit po kayo naniwala sa nagsabi sa inyo na ibig ko kayong patayin?"
24:10 Pinatunayan ko ngayon na hindi totoo 'yon. Nang kayo'y manabi sa may bunganga ng kuweba, ibig kayong patayin ng aking mga kasama, ngunit hindi ako pumayag. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari pagkat siya'y hinirang ni Yahweh.
24:11 Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y napiraso ko sa inyong kasuutan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin.
24:12 Si Yahweh ang humatol sa atin. Siya na ang bahala sa inyo, ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay.
24:13 Gaya ng ating kasabihan, 'Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,' ngunit ako ay di maaaring magbuhat ng kamay sa inyo.
24:14 Sino ako upang paghanapin ng hari? Ako'y tulad lamang ng isang patay na aso o kasinliit ng pulgas!
24:15 "Si Yahweh ang humatol sa ating dalawa. Siya ang higit na nakaaalam tungkol sa usapang ito, at siya ang magliligtas sa akin laban sa inyo.' "
24:16 "Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, 'David, anak ko, ikaw nga ba iyan?' At siya'y nanangis."
24:17 "Sinabi pa ni Saul, 'Higit kang mabuti kaysa akin. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo."
24:18 Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinaslang bagamat maluwag mong magagawa.
24:19 Bihira sa tao ang makagagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa kabutihan mong ito sa akin.
24:20 Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at natitiyak kong mapapanatag ang bansang ito sa ilalim ng iyong pamamahala.
24:21 "Ipangako mo, sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo lilipulin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.'"
24:22 At nangako naman si David. Umuwi na si Saul. Sina David naman ay nagbalik sa kanilang himpilan.
25:1 ( Ang Pagkamatay ni Samuel ) Lumipas ang panahon. Namatay si Samuel, at labis itong ikinalungkot ng buong Israel. At inilibing ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama. ( Si David at si Abigail )Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran.
25:2 Sa Maon ay may isang mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmelo: Ang kanyang tupa ay 3,000 at 1,000 naman ang kambing.
25:3 Nabal ang kanyang pangalan at buhat sa lahi ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali.
25:4 Minsan, nabalitaan ni David na naggugupit ng tupa si Nabal.
25:5 Pinapunta niya rito ang sampu sa kaniyang tauhan
25:6 "at ipinasabi ang ganito: 'Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan."
25:7 Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmelo.
25:8 "Ito'y mapatutunayan nila sa inyo. Dahil dito, tanggapin mo ang aking mga tauhan at ipinakikiusap kong tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng anumang maibibigay mo para maihanda sa aming pista.' "
25:9 Sumunod naman ang mga inutusan ni David. Sinabi nila kay Nabal ang lahat ng ipinasasabi sa kanila at naghintay ng sagot.
25:10 "Sinabi ni Nabal, 'Sino ba si David? Talagang marami ngayon ang aliping lumalayas sa kanilang panginoon."
25:11 "Ang tinapay, inumin at pagkain para sa aking mga manggugupit ay hindi ko maibibigay sa mga taong hindi ko alam kung tagasaan?' "
25:12 Nang marinig ito, nagbalik sila kay David at sinabing lahat ang sinabi ni Nabal.
25:13 "Dahil dito, sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, 'Humanda kayo!' Humanda naman ang 400 sa kanyang tauhan at sumama sa kanya; naiwan ang 200 upang magbantay sa kanilang ari-arian. "
25:14 "Sinabi ng isang pastol kay Abigail, 'Si David po ay nagpasugo sa inyong asawa at magalang na nakipag-usap ngunit sila'y kinagalitan niya."
25:15 Mababait ang mga taong yaon. Tinulungan nila kami at wala silang kinuhang anuman sa amin sa buong panahon ng aming pagsasama.
25:16 Binabantayan po nila kami araw-gabi sa aming pagpapastol.
25:17 "Pag-aralan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, pagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito pagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami pakikinggan.' "
25:18 Dali-daling naghanda si Abigail ng 200 tinapay. Pinuno niya ang dalawang sisidlan ng alak, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, 100 buwig ng pasas at 200 tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa ilang asno.
25:19 "Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, 'Mauna kayo sa akin, at susunod ako.' Ang binalak niyang ito'y hindi niya ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa. "
25:20 Samantalang palusong si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila.
25:21 "Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, 'Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin."
25:22 "Parusahan ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.' "
25:23 Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang umibis sa kanyang asno at naglumuhod sa harapan ni David.
25:24 "Sinabi niya, 'Ako na po ang inyong kagalitan ngunit isinasamo kong dinggin muna ninyo ang aking sasabihin."
25:25 Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin.
25:26 Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti. Sa gayon, hindi nadungisan ng dugo ang inyong mga kamay. Buhay si Yahweh; lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal.
25:27 Narito po, pagdamutan na po ninyo ang aking nakayanan.
25:28 At ipagpatawad po ninyo ang anumang pagkakamali ko. Natitiyak ko na loloobin ni Yahweh na kayo'y maging hari, pati ng inyong lahi pagkat nakikipaglaban kayo para sa kanya, at hindi kayo gagawa ng anumang kasamaan habang kayo'y nabubuhay.
25:29 Kung may magtatangka man sa inyong buhay, iingatan kayo ni Yahweh. Ang mga kaaway naman ninyo ay ihahagis na parang bato ng tirador.
25:30 At kung loobin ni Yahweh na maging hari na kayo sa Israel, tulad ng matagal na niyang pangako,
25:31 "walang maisusumbat sa inyo. Hindi kayo uusigin ng inyong budhi pagkat hindi kayo pumatay nang walang sapat na dahilan o kaya'y naghiganti sa inyong kaaway. At sana'y maalaala ninyo ako sa sandaling marapatin na ni Yahweh na maitatag na ang inyong sambahayan.' "
25:32 "Sinabi ni David kay Abigail, 'Purihin si Yahweh na nagpapunta sa iyo rito."
25:33 Salamat sa kanya dahil sa iyong kabutihan, pagkat dahil doon ay iniiwas mo ako sa pagpatay ng tao, at paghihiganti.
25:34 "Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay nang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan.'"
25:35 "Tinanggap ni David ang mga dala ni Abigail. Pagkatapos, sinabi niya rito, 'Umuwi ka na. Huwag ka nang mag-alaala at pagbibigyan ko ang kahilingan mo.' "
25:36 At umuwi na si Abigail. Pagdating ng bahay, nakita niya ang handaan ni Nabal, walang iniwan sa papista ng isang hari. Naratnan niyang lasing na lasing ito kaya wala siyang sinabing anuman nang gabing yaon.
25:37 Kinabukasan, nang wala na ang pagkalasing nito, isinalaysay niya ang buong pangyayari. Nang marinig ni Nabal ang lahat, pabagsak siyang nabuwal sa tindi ng takot.
25:38 Pagkaraan pa ng sampung araw, lalong sumama ang kanyang kalagayan at tuluyang namatay.
25:39 "Nang mabalitaan ni David ang nangyari kay Nabal, sinabi niya, 'Purihin si Yahweh. Ipinaghiganti niya ako sa paghamak na ginawa sa akin ni Nabal. Inilayo niya ako sa paghihiganti. Ito ang kabayaran ng kasamaan ni Nabal.' Si David ay nagpasugo kay Abigail at ipinasabing ibig niya itong maging asawa."
25:40 "Nang dumating sa Carmelo ang mga inutusan ni David, sinabi nila, 'Ipinasasabi po ni David na nais niya kayong mapangasawa.' "
25:41 "Yumukod si Abigail, ang mukha'y halos sayad sa lupa, at sinabi, 'Narito ang inyong lingkod, nahahanda akong paalipin sa aking panginoon.'"
25:42 Nagmamadali siyang tumayo, sumakay sa asno at sumama sa mga tauhan ni David, kasama ang lima sa kanyang mga katulong. At siya'y napangasawa ni David.
25:43 Asawa na noon ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, kaya, silang dalawa ay asawa ni David.
25:44 Si Micol naman na naging asawa niya ay ibinigay ni Saul kay Palti na anak ni Lais ng Gallim.
26:1 ( Si Saul ay Hindi na Naman Pinatay ni David ) Samantala, nagbalik kay Saul sa Gabaa ang mga Zifeo at sinabing si David ay nagtatago nga sa kaburulan ng Haquila, sa silangan ng Jesimon.
26:2 Kaya lumakad si Saul, kasama ang 3,000 piling kawal na Israelita, upang hulihin si David.
26:3 Sila'y humimpil sa tabing daan sa may kaburulan ng Haquila; sina David naman ay nasa ilang. Nang mabalitaan ni David na hinahanap na naman siya ni Saul,
26:4 pinalakad niya ang ilan sa kanyang mga tiktik. At sa pamamagitan nila, natiyak niyang hinahanap nga siya ni Saul.
26:5 Lihim na nagmanman si David sa kampo ni Saul. Nakita niyang naliligid ito ng mga kawal at natutulog sa tabi ng kanyang punong-kawal na si Abner na anak ni Ner.
26:6 "Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, 'Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?' 'Ako,' sagot ni Abisai. "
26:7 Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napaliligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatarak sa gawing ulunan.
26:8 "Sinabi ni Abisai kay David, 'Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung ibig mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Kapag nasaksak kong minsan iyan, hindi na kakailanganing ulitin.' "
26:9 "Ngunit sinabi ni David, 'Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan ang magbuhat ng kamay sa hinirang ni Yahweh."
26:10 Bahala na sa kanya si Yahweh. Darating ang araw na mamamatay siya, maaaring sa sakit o sa digmaan.
26:11 "Huwag nawang itulot ni Yahweh na paslangin ko ang kanyang hinirang. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.'"
26:12 Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan ng inumin nito, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising pagkat pinahimbing sila ni Yahweh. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam.
26:13 Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar.
26:14 "Hiniyawan niya si Abner, 'Abner, naririnig mo ba ako?' Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo. Sumagot si Abner, 'Sino kang gumagambala sa hari?' "
26:15 "Sumagot naman si David, 'Hindi ba't balitang-balita ka sa buong Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? Anong klaseng tao ka? May lumapit diyan na tangkang paslangin ang hari ngunit hindi mo namalayan."
26:16 "Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Dapat kang mamatay pagkat hindi mo binantayang mabuti ang hinirang ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang inuman ng hari?' "
26:17 "Nakilala ni Saul ang tinig ni David. 'David, anak ko, ikaw nga ba iyan?' tanong niya. 'Ako nga po, mahal kong hari,' sagot ni David."
26:18 "Sinabi pa niya, 'Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan?"
26:19 Isinasamo ko sa inyo, mahal na hari, na dinggin ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa sila ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napilitang maglingkod sa ibang diyos.
26:20 "Huwag nawang itulot ni Yahweh na ako'y mamatay sa ibang lupain dahil sa pagtugis ninyo sa akin. Bakit ako, na tulad lamang ng pulgas ay nanasaing patayin ng hari? Bakit niya ako tinutugis na parang mailap na ibon?' "
26:21 "Sinabi ni Saul, 'Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita aanuhin sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay bagamat naging masama ako at malaki ang pagkakasalang nagawa ko sa iyo.' "
26:22 "Sumagot si David, 'Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan."
26:23 Ang taong tapat at matuwid ay gagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang hinirang ni Yahweh.
26:24 "Pinahalagahan ko ngayon ang inyong buhay at nawa'y gayon din ang gawin sa akin ni Yahweh. Nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kabalisahan.' "
26:25 "Sinabi ni Saul kay David, 'Pagpalain ka ng Diyos, anak. Marami pang gawaing naghihintay sa iyo at natitiyak kong magtatagumpay ka.' At naghiwalay na sila; si David ay bumalik sa kanyang himpilan at umuwi naman si Saul."
27:1 ( Si David sa Lupain ng mga Filisteo ) "Sinabi ni David sa kanyang sarili, 'Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti'y doon ako magtago sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.'"
27:2 Kaya nga, isinama niya ang 600 niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat.
27:3 Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang sina Ahinoam at Abigail. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang sambahayan.
27:4 Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil na nga niya ang paghahanap dito.
27:5 "Sinabi ni David kay Aquis, 'Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.'"
27:6 Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Siclag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda.
27:7 At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo.
27:8 Sa loob ng panahong yaon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalecita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto.
27:9 Alinmang lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buhay, maging lalaki, maging babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at pananamit.
27:10 Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo.
27:11 Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Ganoon nang ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo.
27:12 Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, pagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon.
28:1 "Nang panahong yaon, naghahanda ang mga Filisteo para digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, 'Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.' "
28:2 "Sumagot si David, 'Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipakikilala sa inyo kung ano ang magagawa ko.' Sinabi ni Aquis, 'Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling tanod habang buhay.' ( Sumasangguni si Saul sa Isang Tumatawag sa Espiritu ng Patay )"
28:3 Patay na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing sa Rama, ang kanyang sariling bayan. Pinalayas nang lahat ni Saul ang mga manghuhula at ang mga sumasangguni sa espiritu ng patay.
28:4 Ang mga Filisteo ay humimpil sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa.
28:5 Nasindak si Saul nang makita ang hukbo ng mga Filisteo at labis siyang nabagabag.
28:6 Kaya't sumangguni siya kay Yahweh ngunit wala siyang natamong katugunan kahit sa panaginip, sa Urim o sa pamamagitan ng mga propeta.
28:7 Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing sumasangguni sa mga espiritu ng patay upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga tagapaglingkod na mayroong ganoong babae sa Endor.
28:8 "Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, 'Tingnan mo kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.' "
28:9 "Sinabi sa kanya ng babae, 'Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang lahat ng mga manghuhula at mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?' "
28:10 "Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, 'Naririnig ako ni Yahweh, hindi ka parurusahan dahil sa ipinagagawa ko sa iyo.' "
28:11 "Itinanong ng babae, 'Kaninong espiritu ang ibig mong tawagin ko?' 'Kay Samuel,' sagot niya. "
28:12 "Nang lumitaw si Samuel, napasigaw ang babae. Sinabi niya kay Saul, 'Kayo pala si Saul! Bakit ninyo ako dinaya?' "
28:13 "Sinabi ni Saul, 'Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?' 'Isang multo na lumilitaw mula sa lupa,' sagot ng babae. "
28:14 "Itinanong ni Saul, 'Ano ang hitsura?' 'Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,' sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang. "
28:15 "Itinanong ni Samuel kay Saul, 'Bakit mo ako binabagabag sa aking pamamahinga?' Sumagot siya, 'May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikdan na ako ng Diyos at ayaw nang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.' "
28:16 "Sinabi ni Samuel, 'Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikdan ka na ni Yahweh?"
28:17 Iyan na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inialis na sa iyo ang pagiging hari at ibinigay kay David.
28:18 Hindi mo sinunod ang kanyang utos at hindi mo ipinadama sa mga Amalecita ang kanyang poot, kaya ginagawa niya ito sa iyo.
28:19 "Ikaw at ang buong Israel ay mahuhulog sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay na ring tulad ko pagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.' "
28:20 Dahil sa sinabi ni Samuel, si Saul ay parang nabuwal na tiniban. Bukod dito, siya'y hinang-hina sa pagod at gutom pagkat maghapo't magdamag na hindi tumitikim ng pagkain.
28:21 "Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya sinabi niya, 'Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay."
28:22 "Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy ng inyong lakad.' "
28:23 "Sumagot si Saul, 'Ayokong kumain.' Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Napahinuhod naman siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan."
28:24 Ang babae ay may pinatabang baka. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa,
28:25 saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis.
29:1 ( Si David ay Tinanggihan ng mga Filisteo ) Ang mga Filisteo'y nagtipun-tipon sa Afec at ang mga Israelita naman ay sa tabi ng malaking bukal sa Jezreel.
29:2 Nang ang mga prinsipeng Filisteo ay pasugod na sa larangan kasama ang kani-kanilang pangkat na may daan-daan at may libu-libo, nakita nila ang pangkat ni David; ang mga ito'y nasa hulihan at kahanay ng pangkat ni Aquis.
29:3 "Itinanong ng mga prinsipeng Filisteo, 'Sino ang mga Hebreong ito? Ano ang ginagawa nila rito?' Sumagot si Aquis, 'Si David 'yan na lingkod ni Haring Saul. Siya'y mahigit nang isang taong kasama-sama ko. Buhat nang magkasama kami, wala akong maipipintas sa kanya.' "
29:4 "Nagalit ang mga pinunong Filisteo. Sinabi nila kay Aquis, 'Pabalikin mo na sila sa lugar na ibinigay mo sa kanila. Hindi natin sila isasama sa labanan. Baka kung nandoon na, tayo pa ang labanan nila. Baka samantalahin niya ang pagkakataon upang maalis ang galit sa kanya ni Saul."
29:5 "Hindi ba iyan ang David na kanilang binabanggit sa awit na: 'Pinatay ni Saul ang libu-libo Ang kay David nama'y laksa-laksa?'' "
29:6 "Tinawag ni Aquis si David. Sinabi niya, 'Nalalaman ni Yahweh na ikaw ay tapat. At para sa akin, ibig kong kasama ka sa pakikidigma naming ito pagkat buhat nang magkasama tayo'y wala akong masasabing masama laban sa iyo. Ngunit ayaw kang isama ng ibang pinuno."
29:7 "Kaya, magbalik ka na para hindi magalit sa iyo ang mga Filisteo.' "
29:8 "Itinanong ni David, 'Ano ba ang nagawa kong masama buhat nang sumama ako sa inyo at ayaw ninyo akong isama sa pakikipaglaban sa inyong mga kaaway?' "
29:9 "Sumagot si Aquis, 'Alam kong wala kang ginawang masama. Natitiyak kong ikaw ay tapat, tulad ng isang anghel ng Diyos, ngunit ayaw kang isama ng mga pinunong Filisteo."
29:10 "Kaya, pagliwanag bukas ng umaga, isama mong lahat ang mga tauhan mo at bumalik na kayo sa lugar na ibinigay ko sa inyo. Huwag sasama ang loob mo. Wala akong masasabing anuman laban sa iyo.' "
29:11 Kinabukasan ng umaga, si David at ang mga tauhan nito'y nagbalik sa lupain ng mga Filisteo; nagpatuloy naman ang mga Filisteo ng pagsugod sa Jezreel.
30:1 ( Ang Pakikipagdigma sa mga Amalecita ) Ikatlong araw na nang sina David ay makabalik sa Siclag. Samantalang wala sila, lumusob ang mga Amalecita at sinunog ang buong bayan.
30:2 Wala silang pinatay isa man ngunit binihag nila ang mga babae, matanda't bata.
30:3 Nang dumating nga sina David, sunog na ang buong bayan at wala ang kani-kanilang asawa't mga anak.
30:4 Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; napasigaw sila ng iyak hanggang sa mamaos.
30:5 Binihag din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail.
30:6 Balisang-balisa si David pagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na batuhin siya dahil sa sakit ng kalooban sa pagkawala ng kanilang mga anak. Kaya't siya'y dumulog kay Yahweh.
30:7 "Sinabi ni David kay Abiatar, 'Dalhin mo rito ang efod.' At dinala naman ni Abiatar."
30:8 "Si David ay sumangguni kay Yahweh, 'Malulupig po kaya namin ang mga Amalecita?' 'Sige, habulin ninyo. Malulupig ninyo sila at maililigtas ang inyong mga sambahayan,' sagot ni Yahweh. "
30:9 Tinugis nga ni David ang mga Amalecita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang 600 niyang tauhan.
30:10 Ngunit pagdating doon, 400 na lang ang patuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang 200 dahil sa matinding pagod.
30:11 Sa daan, may nakita silang isang kabataang Egipcio na nakahandusay. Dinala nila ito kay David at binigyan ng pagkain at inumin.
30:12 Binigyan nila ito ng tinapay na igos at dalawang buwig na pasas. Matapos kumain, ito'y pinanaulian ng lakas; tatlong araw at tatlong gabi pala siyang hindi kumakain ni umiinom.
30:13 "Tinanong siya ni David, 'Sino ang panginoon mo at tagasaan ka?' 'Ako po'y Egipciong alipin ng isang Amalecita. Iniwan na ako ng aking panginoon pagkat tatlong araw na akong may sakit."
30:14 "Nilusob po namin ang Negeb ng mga Kereteo na sakop ng Juda at ang Negeb ng Caleb; sinunog pa po namin ang buong Siclag,' sagot nito. "
30:15 '"Maaari mo ba kaming samahan sa himpilan ng mga Amalecita?' tanong uli ni David. 'Kung ipangangako po ninyo sa akin sa ngalan ng Diyos na ako'y hindi ninyo papatayin ni ibabalik sa dati kong panginoon, ituturo ko sa inyo ang lugar ng mga Amalecita,' sagot ng Egipcio. "
30:16 Itinuro nga ng alipin ang himpilan ng mga Amalecita. Nakita nina David na kalat-kalat ang mga ito. Sila'y masasayang nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan. Nagpapasasa sila sa kanilang mga samsam sa Filistia at Juda.
30:17 Lumusob sina David at pinagpapatay ang mga Amalecita hanggang kinabukasan ng gabi. Wala silang itinirang buhay maliban sa 400 kabataan na nakatakas na sakay ng kanilang mga kamelyo.
30:18 Nabawi nila ang lahat ng sinamsam ng mga Amalecita, pati ang dalawang asawa ni David.
30:19 Isa man sa kasamahan nila'y walang nabawas, matanda't bata, maging sa kanilang mga anak; nabawi nga nilang lahat ang sinamsam ng mga Amalecita.
30:20 "At sinamsam pa nina David ang mga tupa at mga baka. Ang mga ito'y ipinataboy niya sa kanyang mga tauhan pauwi. Sinabi nila, 'Ito ay samsam ni David.' "
30:21 Nang makabalik sina David sa batis ng Besor, sinalubong sila ng 200 tauhan niya na hindi nakasama dahil sa matinding pagod at sila'y kinumusta niya.
30:22 "Sa mga nakasama ni David ay may mga makasarili at mararamot. Sinabi ng mga ito, 'Huwag nating bibigyan kahit ano 'yong hindi sumama sa atin. Ibigay na lang natin sa kanila ang kanilang asawa't mga anak at paalisin na natin sila.' "
30:23 "Ngunit sinabi ni David, 'Hindi tama iyan, mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Iniligtas niya tayo at ibinigay niya sa ating mga kamay ang mga kaaway na lumusob sa atin."
30:24 "Kaya, pare-pareho ang magiging kaparte ng lahat, maging kasama sa paglusob o naiwan upang magbantay sa ating mga ari-arian.'"
30:25 Mula noon, gayon ang naging palakad ni David sa paghahati ng mga samsam, at ito'y sinunod ng buong Israel.
30:26 "Pagdating sa Siclag, pinadalhan ni David ng kaparte ang mga kaibigan niya at ang matatanda ng bayan sa Juda. 'Ito ang kaparte ninyo sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ni Yahweh,' sabi niya."
30:27 Pinadalhan din niya ang mga taga-Betel, Timog Ramat, Jatir,
30:28 Aroer, Sifmot, Estemoa
30:29 at Racal. Gayon din ang mga taga-Jerameel, at Cineo,
30:30 pati ang nasa Horma, Corasan, Atac,
30:31 Hebron at ang lahat ng dakong naabot ni David at ng kanyang mga tauhan.
31:1 ( Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak )[ (1 Cro. 10:1-12) ] Nang ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay magdigmaan sa Bundok ng Gilboa, maraming namatay na Israelita; ang iba ay tumakas.
31:2 Ang mag-aamang Saul ay tinugis ng mga Filisteo at napatay ang tatlo niyang anak: sina Jonatan, Abinadab at Melquisua.
31:3 Si Saul naman at ang tagadala ng kanyang mga sandata ay nasukol ng mga mamamanang Filisteo at siya'y nasugatan nang malubha.
31:4 "Kaya, sinabi niya sa kanyang bataan, 'Saksakin mo na ako para hindi ako mahuling buhay ng mga Filisteong ito. Baka ako'y paglaruan pa nila.' Ngunit tumanggi ito dahil sa malaking takot. Kaya binunot ni Saul ang kanyang tabak at sinaksak ang sarili. Siya'y patay na bumagsak sa lupa."
31:5 Nang makita ito ng bataan, nagsaksak na rin siya sa sarili.
31:6 Kaya nang araw na yaon, pare-parehong namatay sina Saul, ang tatlo niyang anak, ang kanyang bataan at mga tauhan.
31:7 Nakita ng mga Israelita na nasa kabila ng lambak at ng Jordan na umuurong ang mga kawal Israelita, at patay na sina Saul at ang tatlong anak nito, kaya tumakas na rin sila. Iniwan nila ang kanilang mga bayan at ito'y tinirhan naman ng mga Filisteo.
31:8 Kinabukasan, nang isa-isa nilang hubaran ng baluti ang mga Israelitang napatay sa Gilboa, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng tatlong anak nito.
31:9 Pinugutan nila si Saul, at kinuha ang mga baluti. Pagkatapos, nagpasugo sila at ipinakalat ang balita sa buong lupain ng mga Filisteo, sa lahat ng tao at sa kanilang mga diyus-diyusan.
31:10 Ang baluti ni Saul ay inilagay nila sa templo ni Astarte at ipinako nila sa pader ng Betsan ang kanyang bangkay.
31:11 Nabalitaan ng mga taga-Jabes-galaad ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul.
31:12 Kinagabihan, nagsama-sama ang malalakas ang loob at palihim na kinuha sa pader ng Betsan ang mga bangkay ni Saul at ng mga anak nito. Dinala nila ito sa Jabes at sinunog.
31:13 Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto at ibinaon sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes at nag-ayuno sila nang pitong araw.
|
|
