|
출처: 선교지 필리핀 빵아랍교회 원문보기 글쓴이: 드림
32. Jonas
1:1 ( Pinagtaguan ni Jonas si Yahweh ) Sa lipi ni Zabulon ay may isang lalaking Jonas ang pangalan. Siya ay anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh:
1:2 '"Pumunta ka sa Ninive, ang malaking lunsod at pangaralan mo ang mga tagaroon sapagkat suko na sa langit ang kanilang kasamaan.'"
1:3 Sa halip na sumunod, ipinasiya ni Jonas na magtago sa Tarsis sapagkat inaakala niyang malayo na iyon kay Yahweh. Kaya, nagtungo siya sa Joppe at humanap ng barkong papunta sa Tarsis. Nang maibigay niya ang kaukulang upa, sumakay siya sa bapor, kasama ng mga tripulante.
1:4 Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpalitaw ng malakas na bagyo si Yahweh, anupat halos mawasak ang barko.
1:5 Dahil dito, sinidlan ng matinding takot ang mga tripulante kaya bawat isa'y nanalangin sa kanyang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko.
1:6 "Nakita siya ng kapitan at ginising, 'Hoy, tulog ka nang tulog diyan! Bumangon ka at manalangin sa diyos mo, baka sakaling kaawaan tayo at iligtas sa kamatayan.' "
1:7 "Nag-usap-usap ang mga tripulante, 'Magsapalaran tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.' Gayon nga ang ginawa nila at nabunot ang pangalan ni Jonas."
1:8 "Kaya't siya'y kinausap nila, 'Nagsapalaran kami para malaman kung sino ang may kasalanan at ikaw ang nabunot. Ano ba ang ginagawa mo rito? At tagasaan ka?' "
1:9 '"Ako ay Hebreo,' sagot ni Jonas. 'Nananalig ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lumikha ng dagat at ng lupa.' "
1:10 "Bago pa ito nangyari, sinabi ni Jonas na pinagtataguan niya si Yahweh. Kaya sa malaking takot, pahilakbot nilang sinabi kay Jonas, 'Napakalaki ng ginawa mong kasalanan!' "
1:11 "Lalong lumakas ang bagyo, kaya si Jonas ay kinausap uli ng mga tripulante, 'Ano ang ibig mong gawin namin sa iyo para pumayapa ang dagat?' "
1:12 '"Ihagis ninyo ako sa dagat sapagkat alam kong ako ang dahilan ng nagngingitngit na bagyong ito,' sagot niya. "
1:13 Pinipilit sana ng mga tripulante na itabi ang bapor, ngunit wala silang magawa sapagkat lalong lumalakas ang bagyo.
1:14 "At nanalangin sila nang ganito: 'Yahweh, nawa'y huwag ninyo kaming parusahan o ibilang na mamamatay-tao sa gagawin namin sa taong ito yamang kayo na rin ang nagpahiwatig ng dapat naming gawin.'"
1:15 Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. At bigla itong pumayapa.
1:16 Dahil dito, sinidlan sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't naghandog sila at namanata sa kanya.
1:17 Si Yahweh naman ay nagtalaga roon ng isang dambuhalang isda. Nilulon nito si Jonas; siya'y nanatiling tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan ng isda.
2:1 ( Nagpasalamat si Jonas ) Nang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya:
2:2 '"Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa iyo, at sinagot mo ako; Mula sa kalalimang walang katulad, ako'y tumawag sa iyo, at dininig mo ako. "
2:3 Inihulog mo ako sa pusod ng dagat; Napadpad ako sa laot ng karagatan at natabunan ng malalaking alon.
2:4 Sinabi ko: 'Nalayo ako sa iyo, Kailan ko kaya makikita uli ang banal mong templo?'
2:5 Hinigop ako ng kalaliman hanggang sa tuluyang lumubog. Natabunan ako ng mga yagit.
2:6 Ako'y nalubog sa ilalim ng mga bundok, Sa daigdig ng mga patay. Ngunit mula roo'y iniahon mo ako nang buhay, O Yahweh, aking Diyos.
2:7 Nang maramdaman kong mapupugto na ang aking hininga, naalaala kita, Yahweh. Ako'y dumaing, At narinig mo ako mula sa iyong banal na templo.
2:8 Ang mga sumasamba sa diyus-diyusan ay hindi tapat sa iyo.
2:9 "Ngunit magpapasalamat ako sa iyo sa aking mga awit. Ako'y maghahandog sa iyo. Tutuparin ko ang aking mga pangako sa iyo, O Yahweh, tanging Tagapagligtas!' "
2:10 Kinausap ni Yahweh ang isda, at si Jonas ay iniluwa nito sa dalampasigan.
3:1 ( Si Jonas sa Ninive ) Sinabi uli ni Yahweh kay Jonas:
3:2 '"Pumunta ka sa Lunsod ng Ninive at ipahayag mo ang mga ipinasasabi ko sa iyo.'"
3:3 Nagpunta nga si Jonas sa Ninive. Malaki ang lunsod na ito. Aabutin ng tatlong araw kung lalakaring pabagtas.
3:4 "Siya'y pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, 'Gugunawin ang Ninive pagkaraan ng apatnapung araw!'"
3:5 Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno sila at nagdamit ng sako bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan.
3:6 Nang mabalitaan ito ng hari ng Ninive, bumaba siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit din ng sako, at naupo sa abo.
3:7 "At ipinasabi niya sa mga taga-Ninive: 'Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang kakain isa man. Wala ring iinom, maging tao o hayop."
3:8 Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng sako. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at talikdan ang masamang pamumuhay.
3:9 "Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasiya at hindi na ituloy ang balak na paglipol sa atin.' "
3:10 Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na itinuloy ang paggunaw sa Ninive.
4:1 ( Nagalit si Jonas Dahil sa Pagkahabag ng Diyos ) Hindi nagustuhan ni Jonas ang pag-uurong ng Diyos sa balak na paggunaw sa Ninive at siya'y nagalit.
4:2 "Kaya, dumalangin siya: 'Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagpala. Alam ko ring matiyaga kayo, punung-puno ng pag-ibig at madaling mapawi ang galit."
4:3 "Mabuti pang mamatay na ako, Yahweh. Ibig ko pa ang mamatay kaysa mabuhay.' "
4:4 "Sumagot si Yahweh: 'Anong ikagagalit mo, Jonas?' Walang kibong lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lunsod at naupo."
4:5 Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lunsod.
4:6 Pinatubo ni Yahweh sa tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas.
4:7 Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at namatay.
4:8 "Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakapapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa matinding init. Kaya sinabi niya: 'Mabuti pang mamatay na ako.' "
4:9 "Sinabi sa kanya ng Diyos: 'Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?' Sumagot siya: 'Oo, nagagalit ako. Ibig ko nang mamatay.' "
4:10 "Sinabi ni Yahweh: 'Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iya'y mamatay."
4:11 "Ako pa kaya ang hindi malungkot sa kalagayan ng Ninive? Ito'y isang malaking lunsod na tinitirhan ng mahigit na 120,000 katao na pawang walang malay, bukod pa sa makapal na hayop!'"