|
23. Isaias
1:1 Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon nina Uzias, Jotam, Acaz at Ezequias, mga hari ng Juda. ( Sumbat sa Bayan ng Diyos )
1:2 "Makinig kayo, kalangitan! Pati ikaw, kalupaan, Sapagkat si Yahweh ang nagsasalita, 'Ako'y nagkaanak, inalagaan sila't pinalaki, Ngunit naghimagsik laban sa akin. "
1:3 "Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon At ng asno ang nag-aalaga sa kanya, Ngunit hindi ako nakilala ng Israel; Hindi ako naunawaan ng aking bayan.' "
1:4 Bansang makasalanan, bayang mahilig sa kasamaan, Itinakwil mo si Yahweh, Dinusta mo ang Banal ng Israel At siya'y iyong tinalikdan!
1:5 Bakit nagpipilit kang lumaban? Ibig mo pa bang maparusahan? Ang ulo mo'y puro sugat, Ang isip mo'y gulung-gulo, Damdamin mo'y nanlulupaypay.
1:6 Mula ulo hanggang talampakan Ay walang bahaging malusog; Buo mong katawan ay tadtad ng latay, pasa at dumudugong sugat. Hindi maampat ang dugo, walang maawang magtali, At wala man lamang maglagay ng gamot.
1:7 Tiwangwang ang iyong mga lupain, Tupok ang iyong mga lunsod, Sasamsamin ng mga dayuhan ang iyong lupain, Wawasakin nila ang lahat sa harap ng iyong paningin.
1:8 Walang naiwan kundi ang Jerusalem, Lunsod na kubkob ng kaaway; Animo'y kubo sa isang ubasan o sa gitna ng pakwanan Na walang magsanggalang.
1:9 Kung hindi nagtira si Yahweh ng ilang mamamayan, Disin ang Jerusalem ay natulad sa Sodoma at Gomorra.
1:10 Mga pinuno ng Sodoma, Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh; Mga namamayan sa Gomorra, Pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos.
1:11 "Ang sabi niya, 'Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog. Sawa na ako sa mga tupang sinusunog At sa taba ng bakang inihahandog; Hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro at mga kambing. "
1:12 Sino ang may sabi sa inyong magdala niyan sa harap ko? Sinong may utos sa inyong magparoo't parito sa aking templo?
1:13 Huwag na kayong maghahandog nang paimbabaw; Nasusuklam ako sa usok niyan, Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga, Dahil sa pananatili ninyo sa inyong kasalanan.
1:14 Labis akong nasusuklam Sa inyong pagdiriwang ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan; Suyang-suya na ako sa mga iyan At hindi ko na matatagalan.
1:15 Kapag kayo'y tumawag sa akin, Ibabaling ko sa malayo ang aking mukha. Hindi ko kayo papansinin Kahit na kayo'y manalangin nang manalangin. Hindi ko kayo pakikinggan Sapagkat marami kayong inutang na buhay.
1:16 Magpakabuti na kayo, magbalik-loob sa akin; Talikdan na ninyo ang masasamang gawain. Tumigil na kayo ng paggawa ng masama.
1:17 Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti; Pairalin ang katarungan; Itigil ang pang-aapi; Tulungan ang mga ulila; Ipagtanggol ang mga balo.
1:18 '"Halikayo at magliwanagan tayo, Gaano man karami ang inyong kasalanan, Handa akong ipatawad ang lahat ng iyan. Kahit na kayo'y maruming-marumi sa kasalanan, Kayo'y magiging busilak sa kaputian. "
1:19 Kung kayo'y susunod at tatalima, Pasasaganain ko ang ani ng inyong lupain.
1:20 "Ngunit kung magpapatuloy kayo sa inyong pagsuway Ay tiyak na kayo'y mamamatay.' Ito ang sabi ni Yahweh. ( Ang Makasalanang Lunsod )"
1:21 '"Ano't nagumon ka sa kahalayan, Lunsod na dating tapat, Dati'y luklukan ng katarungan! Noon, ang naghahari sa iyo'y ang katuwiran, Ngayon, tirahan ka ng mga mamamatay-tao. "
1:22 Jerusalem, dati'y mahalaga kang tulad ng pilak, Dati'y katulad ka ng mamahaling alak, ngunit ngayo'y tubig na lang ang iyong katumbas.
1:23 "Naging suwail ang iyong mga pinuno, Kasabuwat ng mga magnanakaw; Matatakaw sa suhol at nanghihingi ng regalo; Pinagkakaitan ng katarungan ang ulila; Walang malasakit sa mga balo.' "
1:24 "Kaya nga't sinabi ni Yahweh, Ang Makapangyarihang Diyos ng Israel: 'Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway, Maghihiganti ako sa aking mga kalaban. "
1:25 Parurusahan kita para ka magbago, Kung paanong ang pilak ay pinararaan sa apoy at tinutunaw para dumalisay.
1:26 "Bibigyan kita uli ng mga pinuno tulad noong una, At ng mga tagapayo gaya noong simula, Anupat tatawagin kang Lunsod ng Katarungan, Ang Lunsod na Matapat.' "
1:27 Maliligtas ang Jerusalem sa pamamagitan ng katarungan, Ang mga nagsisisi at nagbabalik-loob ay pawawalang-sala.
1:28 Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan, Malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh.
1:29 Pagsisihan ninyo ang ginawa ninyong pagsamba sa mga punongkahoy At pagtatayo ng mga sagradong hardin.
1:30 Matutulad kayo sa malabay na punongkahoy na nilagas ang mga dahon, At sa harding hindi nadidilig.
1:31 Kung paanong ang dayami ay nasusunog ng alipato, Ang mga maykapangyarihan ay ipapahamak ng kanilang kasalanan, at walang makapipigil niyon.
2:1 ( Kapayapaang Walang Hanggan ) Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
2:2 Sa mga huling araw, Ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh Ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok. Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
2:3 "Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito: 'Halikayo, umahon tayo sa bundok ni Yahweh, sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang malaman natin ang kanyang mga daan at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas. Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.' "
2:4 Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan. Kung magkagayon, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak, at karit ang kanilang mga sibat. Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan.
2:5 Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo'y lumakad sa liwanag ni Yahweh. ( Wawakasan ang Kapalaluan )
2:6 Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan, pagkat ang lupain ay puno ng mga manghuhula At mga manggagaway, gaya ng mga Filisteo. Nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan.
2:7 Sagana ang lupain sa ginto at pilak, at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan. Sa buong lupai'y maraming kabayo At hindi mabilang ang kanilang mga karwahe.
2:8 Puno ng diyus-diyusan ang kanilang lupain, Sila'y lumuluhod sa idolong sila na rin ang gumawa.
2:9 Kaya ang lahat ng tao ay malalagay-hamak at mapapahiya. Huwag mo silang patatawarin.
2:10 Magtatago sila sa mga yungib at mga hukay Para hindi makita ang mukha ni Yahweh, At ang kanyang kaningningan.
2:11 Ang mga palalo ay pasusukuin, Ibabagsak ang mga maharlika, Si Yahweh lamang ang dadakilain pagdating ng araw na iyon.
2:12 Sa araw na yaon, wawakasan ni Yahweh Ang kapalaluan ng lahat At ibabagsak ang mga makapangyarihan.
2:13 Ibubuwal niya ang nagtataasang sedro ng Libano At malalabay na punongkahoy sa lupain ng Basan,
2:14 Papatagin niya ang matatarik na bundok At matataas na burol;
2:15 Iguguho niya ang lahat ng tore at mga muog;
2:16 Palulubugin niya ang naglalakihan at naggagandahang barko.
2:17 Ang mga palalo ay pasusukuin, ibabagsak ang mga maharlika, Si Yahweh lamang ang dadakilain pagdating ng araw na iyon.
2:18 Mawawala ang lahat ng diyus-diyusan.
2:19 Magtatago ang mga tao sa mga yungib at sa mga hukay, Para hindi makita ang mukha ni Yahweh at ang kanyang kaningningan. Sa araw na yaon, si Yahweh na lang ang dadakilain.
2:20 Sa araw na iyon, ang mga rebultong ginto at pilak na sinasamba nila at sila rin ang gumawa Ay hahayaan na lang na pamahayan ng mga daga at paniki.
2:21 Magtatago sila sa mga yungib at mga hukay, Para hindi makita ang mukha ni Yahweh at ang kanyang kaningningan. Sa araw na yaon, si Yahweh na lang ang dadakilain.
2:22 Huwag ka nang magtitiwala sa tao, Ano ba ang kanyang halaga?
3:1 ( Kaguluhan sa Jerusalem ) Aalisin ni Yahweh Sa Jerusalem at sa Juda Ang lahat nilang pinagtitiwalaan: Ang tinapay at ang tubig;
3:2 Ang magigiting na bayani at mga kawal; Ang mga hukom at propeta, ang mga manghuhula at matatanda ng bayan;
3:3 Ang mga pinuno ng kawal at ng bayan; Ang kanilang mga tagapayo, at mga pulitiko; At ang mga salamangkero.
3:4 Ang pamumunuin ko sa kanila'y mga batang musmos, Mga batang may gatas pa sa labi.
3:5 Aapihin ng bawat isa ang kanyang kapwa, Hindi igagalang ng bata ang matatanda, Ang hamak ay lalaban sa nakatataas.
3:6 "Darating ang araw na pupuntahan ng isang tao ang kanyang kapatid Sa bahay ng kanilang ama upang sabihin: 'Mayroon ka namang balabal, ikaw na ang mamuno sa amin At mamahala sa gumuho nating kabuhayan.' "
3:7 "Tututol ito at sasabihin: 'Ako'y hindi ninyo pinuno. Wala ni tinapay o damit sa bahay ko. Hindi ako maaaring mamahala sa ating angkan.' "
3:8 Guguho ang Jerusalem at babagsak ang Juda Sapagkat lumabag sila kay Yahweh sa salita at sa gawa, Nilapastangan nila ang kanyang kapangyarihan.
3:9 Ang pagkiling nila sa iba ay gagawin din sa kanila. Gaya ng Sodoma, hayagan silang gumagawa ng kasalanan. Kawawa sila! Sila na rin ang nagpapahamak sa kanilang sarili.
3:10 "Sabihin ninyo sa taong matuwid: 'Mapalad ka! Pakikinabangan mo ang iyong pinagpaguran.' "
3:11 "At sa masamang tao: 'Kawawa ka! Sasapitin mo'y kapahamakan, Kung ano ang iyong itinanim, siya mong aanihin.' "
3:12 Ang mga usurero ang umaapi sa aking bayan; Sila ay dinadaya ng mga nagpapautang. O bayan ko, inililigaw ka ng iyong mga pinuno, hindi malaman kung saan kayo pupunta. ( Hinatulan ng Diyos ang Kanyang Bayan )
3:13 Si Yahweh ay nakahandang humatol, Tumatayo na siya upang hukuman ang kanyang bayan.
3:14 "Sinasabi ni Yahweh ang kanyang paratang laban sa matatanda at sa mga pinuno ng bayan: 'Kayo ang nanira ng ubasan, Ang laman ng inyong bahay ay puro nakaw sa mahihirap. "
3:15 '"Bakit ninyo inaapi ang aking bayan at sinisikil ang mahihirap?' Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan. ( Babala sa Kababaihan ng Jerusalem )"
3:16 "At sinabi pa ni Yahweh, 'Palalo ang mga anak na babae ng Jerusalem, Matigas ang leeg, pasulyap-sulyap, Pakendeng-kendeng kung lumakad, Pinakakalansing pa ang mga pahiyas sa paa.' "
3:17 Dahil diyan, kakalbuhin sila ni Yahweh at iiwanang hubad.
3:18 Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga pahiyas sa paa, ulo at leeg;
3:19 ang mga kuwintas, pulseras at bandana;
3:20 ang mga pahiyas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat;
3:21 ang mga singsing at pahiyas sa ilong;
3:22 ang mamahaling damit, balabal, kapa, at pitaka;
3:23 maninipis na bupanda, kasuutang lino, turbante, at belo.
3:24 Ang dating mabango ay aalingasaw sa baho, Lubid ang igagapos sa halip ng pamigkis. Ang magandang buhok ay kakalbuhin, ang magagarang damit ay papalitan ng sako; ang kagandahan ay magiging kapangitan.
3:25 Mamamatay sa digmaan ang mga kalalakihan. Mabubuwal sa labanan ang magigiting na kawal.
3:26 Sa mga tahana'y may iyaka't panangisan, Ang lunsod ay matutulad sa isang babaing hubad na lulupasay sa lupa.
4:1 "Sa araw na iyon, pitu-pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila: 'Kami na ang bahala sa aming kakanin at daramtin, pakasalan mo lamang kami para maalis ang aming kadustaan.' ( Muling Itatayo ang Jerusalem )"
4:2 Pagdating ng araw na iyon, payayabungin ni Yahweh ang lahat ng pananim sa Israel, at ang bunga ng lupa ay magiging dangal at hiyas ng mga matitira sa Israel.
4:3 Tatawaging banal ang mga matitirang buhay sa Jerusalem.
4:4 Sa pamamagitan ng makatarungang paghatol, lilinisin ni Yahweh ang karumihan ng Jerusalem at papawiin ang dugong dumanak doon.
4:5 Pagkatapos, lilikha siya ng isang ulap na lililim sa ibabaw ng Bundok ng Sion kung araw at magiging maliwanag na ningas kung gabi. Lalaganap ang kanyang kaningningan, parang malawak na bubong na
4:6 magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan sa unos at ulan.
5:1 ( Awit Tungkol sa Ubasan ) Ako ay aawit sa sinta kong mahal tungkol sa nangyari sa kanyang ubasan: Mayroong ubasan ang sinta kong mutya sa libis ng bundok na lupa'y mataba;
5:2 Hinukayan niya't inalisan ng bato at saka tinamnan ang nasabing dako; Mga piling puno ng mabuting ubas itinanim niya sa nasabing lugar; Sa gitna'y nagtayo ng isang bantayan at nagpahukay pa ng sadyang pisaan. Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipamunga. Ngunit ano ito? Pagdating ng araw ang kanyang napitas ay ubas na ligaw.
5:3 Kaya't kayo ngayon, taga-Jerusalem, at gayon din kayo, mga taga-Juda, kayo ang humatol sa aming dalawa: Ako, at ang aking ubasan.
5:4 Ano pa ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan? Bakit nang ako'y mamitas, sa itinanim kong mabubuting ubas, ang nakuha ko ay ubas na ligaw?
5:5 Kaya't ito ngayon ang gagawin ko sa aking ubasan: Papatayin ko ang mga halamang nakapaligid dito. Wawasakin ko ang bakod nito. Hahayaan kong ito'y mapasok at sirain ng mga ilap na hayop.
5:6 Pababayaan ko itong lumubog sa sukal, mabalot ng tinik at dawag; di ko babawasin ang sanga't dahong labis, di ko pagyayamanin ang mga puno nito; At pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan.
5:7 Ang ubasang ito'y ang bayang Israel at si Yahweh naman ang siyang nagtanim; ang mga Judiong kanyang inaruga ang mga puno ng ubas. At kanyang hinintay na ito'y gumawa ng mabuti ngunit naging mamamatay-tao, Inaasahang magpapairal ng katarungan ngunit panay pang-aapi ang ginawa. ( Ang Kasamaan ng Tao )
5:8 Kawawa kayo na mga laging naghahangad ng maraming bahay at dagdag na bukirin hanggang sa makuha ang lahat ng lupain.
5:9 Sinabi sa akin ni Yahweh: Malalaki at naggagandahang mga bahay ay maiiwang walang nakatira.
5:10 At sa bawat walong hektarya ng ubasan ay limang galon lamang ang makukuhang alak. Bawat sampung kabang inihasik, isang kaban lamang ang aanihin.
5:11 Kawawa ang mga maagang bumangon At inuman agad ang kanilang habol; Hanggang sa makalampas ang dapit-hapon Alak pa ri't alak yaong iniinom.
5:12 Tugtog ng kudyapi sa saliw ng alpa, tunog ng tamburin at himig ng plauta, at saganang alak ang libangan nila. Ginawa ni Yahweh'y hindi alintana.
5:13 Kaya ang bayan ko'y madadalang bihag dahil nga sa kanyang pag-aasal-bulag. Daranas ng gutom ang mga pinuno at matinding uhaw ang maraming tao.
5:14 Dagling mabubuksan bunganga ng Sheol, Parang dambuhalang gutom na gutom, Mula sa mga maharlikang taga-Jerusalem Pati karaniwa'y kanyang lalamunin.
5:15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya, ang mga palalo'y pawang ibababa.
5:16 At itong si Yahweh na Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pagpapakita niyong katarungan ay makikilala ang Diyos na Banal.
5:17 Sa tabi ng guho ay manginginain ang mga kordero, matatabang baka at mumunting kambing.
5:18 Kawawa kayo, mga makasalanan na hindi makaalis sa inyong kasamaan.
5:19 "Sinasabi ninyo: 'Dali-dalian mo nang aming makita ang iyong gagawin; maganap na sana ang panukala mo, Banal ng Israel, nang malaman namin.' "
5:20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip! Ang mabuting gawa ay minamasama, Ang masama naman ay minamabuti, ang kaliwanaga'y inaaring dilim at ang kadilima'y liwanag ang turing. Mapait na apdo ang sabi'y matamis at ang matamis ay minamapait.
5:21 Kawawa rin kayo, mga may akalang kayo ang marunong At matatalino ang inyong palagay sa inyong sarili!
5:22 Kawawa kayo, mga nangunguna sa pag-iinuman, Mga dalubhasa sa gawang maghalo ng inuming alak;
5:23 Pinakakawalan ang may kasalanan nang dahil sa suhol At ang katarunga'y ipinagkakait sa taong matuwid.
5:24 Ang pinaggapasan ng trigo at dayaming tuyo'y kakanin ng apoy, Ang bulaklak nila'y parang alikabok na paiilanlang matapos masunog, At ang ugat nila'y dagling mabubulok. Ang dahilan nito'y tinalikdan nila ang batas ng Diyos na Makapangyarihan, at ang salita ng Banal ng Israel kanilang winalang-halaga.
5:25 Anupat sa laki ng galit ni Yahweh ay parurusahan ang kanyang bayan. Yayanig ang bundok; kakalat ang bangkay, Matatambak na animo'y basura sa lansangan. Ngunit poot niya'y hindi pa naglubag, Nakaamba pa rin ang kanyang panghampas.
5:26 Huhudyatan niya ang isang bayan sa dulo ng daigdig at madaling-madali itong lalapit;
5:27 Isa man sa kanila'y hindi mapapagod Ni makakatulog o madudupilas; Walang pamigkis na maluwag Ni lagot na tali ng panyapak.
5:28 Matutulis ang kanilang palaso at banat ang kanilang busog; Ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal At humahagibis ang kanilang sasakyan.
5:29 Ang hiyawan nila'y parang atungal ng leon Na nakapatay ng kanyang biktima at dinadala ito sa malayong lugar na walang makaaagaw.
5:30 Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel Na parang ugong ng dagat. Ang lupain ay sakmal ng kadiliman at kapighatian, Ang liwanag ay natakpan ng makapal na ulap.
6:1 ( Ang Pagkatawag kay Isaias ) Nang taong mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh. Nakaupo siya sa isang napakataas na luklukan. Ang laylayan ng kanyang damit ay nakalatag sa buong Templo.
6:2 May mga serapin sa kanyang ulunan, at bawat isa'y may anim na pakpak. Dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa buong katawan, at dalawa ang ginagamit sa paglipad.
6:3 "Wala silang tigil nang kasasabi sa isa't isa ng ganito: 'Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan; Ang kanyang kaningninga'y laganap sa sanlibutan.' "
6:4 Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok.
6:5 "Sinabi ko, 'Kawawa ako. Marumi ang aking labi at naninirahan sa piling ng mga taong marurumi rin ang labi. Mapapahamak ako pagkat ako'y isang makasalanang nakakita kay Yahweh, ang Makapangyarihang Hari.' "
6:6 Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga sa dambana, at lumipad na patungo sa akin.
6:7 "Ang baga ay idiniit sa aking mga labi, at sinabi: 'Wala ka nang sala. Napawi na ang mga kasalanan mo.'"
6:8 "Narinig ko ang tinig ni Yahweh, 'Sino ang aking ipadadala? Sino ang aming susuguin?' Sumagot ako, 'Narito po ako. Ako ang isugo n'yo.'"
6:9 "Sinabi niya, 'Humayo ka, sabihin mo sa mga tao: 'Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makauunawa; Tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakikita.' "
6:10 "Papurulin mo ang kanilang isip, Bulagin mo sila para hindi makakita, Gawin mo silang bingi para hindi makarinig o makaunawa. Baka sila'y magbalik-loob at magsigaling.' "
6:11 "Itinanong ko: 'Hanggang kailan po, Panginoon?' Ganito ang sagot niya: 'Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao, Hanggang sa maiwang walang nakatira ang mga tahanan, hanggang sa matiwangwang ang lupain; "
6:12 Hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lupain at ang lupai'y maging malawak na ilang.
6:13 "Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao, sila ay mapupuksa, Parang pinutol na puno ng ensina, Tuod lamang ang natira. Ang tuod na iyan ay binhing banal.'"
7:1 ( Unang Babala kay Acaz ) Nang kapanahunan ni Acaz, na anak ni Jotam at apo naman ni Uzias na hari ng Juda, ang Jerusalem ay sinalakay ni Rezin, hari ng Siria, at ni Peka, anak ni Remalias, hari ng Israel. Ngunit hindi sila nagtagumpay.
7:2 Nakaabot sa sambahayan ni David ang balitang nagkasundo na ang Siria at ang Israel. Kaya't ang hari, gayon din ang buong bayan, ay nanginig sa takot na animo'y mga punongkahoy na inuugoy ng hangin.
7:3 "Sinabi ni Yahweh kay Isaias: 'Isama mo ang iyong anak na si Sear-Jasub at salubungin ninyo si Acaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa Tipunan ng Tubig sa Itaas, sa daang patungo sa Bilaran ng Damit."
7:4 Ganito ang sabihin mo sa kanya: 'Humanda ka! Pumanatag ka at huwag matakot. Huwag masisira ang loob mo dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ng anak ni Remalias; ang dalawang iyan ay parang dalawang kahoy na umuusok ngunit di nagdidingas.'
7:5 Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi:
7:6 'Lusubin natin ang Juda, Pasukuin natin at sakupin, Papaghariin natin doon ang anak ni Tabeel.'
7:7 Akong si Yahweh ang nagsasabing hindi na ito mauulit.
7:8 Pagkat ang Siria'y mahina pa sa Damasco na punong-lunsod niya At ang Damasco'y mas mahina kay Haring Rezin. Ang Israel naman, mawawasak sa loob ng animnapu't limang araw.
7:9 "Malakas pa sa Israel ang Samaria na kanyang punong-lunsod, At ang Samaria ay hindi lalakas kaysa kay Haring Peka. Ikaw ay mapapahamak pag hindi nanatili ang iyong pananalig sa Diyos.' ( Pangalawang Babala kay Acaz---Palatandaan ng Emmanuel )"
7:10 Ito naman ang ipinasabi ni Yahweh kay Acaz:
7:11 '"Humingi ka sa akin ng palatandaan, maging sa kalaliman ng Sheol o sa kaitaasan ng langit.'"
7:12 "Sumagot si Acaz: 'Hindi po ako hihingi. Hindi ko susubukin si Yahweh.' "
7:13 "Sinabi ni Isaias: 'Pakinggan mo, sambahayan ni David, Kulang pa ba ang galitin ninyo ang mga tao Na pati ang aking Diyos ay inyong niyayamot? "
7:14 Kaya nga't ang Panginoon na rin ang magbibigay ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga At manganganak ng lalaki At ito'y tatawaging Emmanuel.
7:15 Ang kakanin niya'y gatas at pulot Pag siya'y marunong nang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti.
7:16 Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama at gumawa ng mabuti, ang lupain ng mga haring kinatatakutan mo ay magiging ilang.
7:17 Ang bayan mo at ang sambahayan ng iyong ama ay ipasasakop niya sa hari ng Asiria. Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi naranasan mula nang tumiwalag sa Juda ang Israel.
7:18 Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga langaw sa dulo ng Ilog ng Nilo At ang mga pukyutan sa Asiria.
7:19 Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin, Sa mga siwang ng malalaking bato, sa mga dawagan at pastulan.
7:20 Sa araw na yaon, ang Panginoon ay uupa ng pang-ahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates---ang hari ng Asiria'y Kanyang aahitin ang buhok sa ulo, ang balahibo sa binti at pati ang balbas.
7:21 Sa araw na yaon ang bawat tao ay mag-aalaga ng isang dumalagang baka at dalawang tupa.
7:22 Sa dami ng gatas na makukuha, ang lahat ng natira sa lupain Ay mabubuhay sa gatas at pulot.
7:23 Sa panahong yaon ang ubasang may 1,000 punong ubas Na nagkakahalaga ng 1,000 salaping pilak Ay magiging dawagan at tinikan.
7:24 May dalang busog at pana ang papasok doon Sapagkat ang buong lupain ay magiging parang gubat. 1
7:25 Wala nang pupuntang may dalang asarol sa kaburulan na dating tinatamnan. Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.
8:1 "Sinabi sa akin ni Yahweh: 'Kumuha ka ng isang malapad na tapyas na bato at isulat mo ito sa malalaking titik: 'Kay Maher-shalal-hash-baz.'{ a}"
8:2 "Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagtitiwalaan: ang saserdoteng si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.' "
8:3 "Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: 'Ang ipapangalan mo sa kanya'y Maher-shalal-hash-baz."
8:4 "Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ama o ina, ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin sa hari ng Asiria.' "
8:5 Sinabi pa sa akin ni Yahweh:
8:6 '"Sapagkat hindi tinanggap ng bayang ito ang tubig ng Siloe Na umaagos nang banayad, At nangangatog sila sa harapan ni Rezin At sa harapan ng anak ni Remalias, "
8:7 Ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang kapangyarihan Na tulad ng agos ng Ilog, malalim at malakas.
8:8 "Ito'y parang bahang daragsa sa Juda. Tataas ang tubig nang hanggang leeg, at Lalaganap sa buong lupain mo, O Emmanuel.' "
8:9 Talastasin ninyo, mga bansa, kayo'y mawawasak! Makinig kayo, malalayong bayan, Kahit kayo handa sa paglaban ay matatakot din kayo.
8:10 Anuman ang panukala ay mabibigo; Balakin na ninyo ang inyong maibigan, walang mangyayari, Sapagkat ang Diyos ay sumasaamin.
8:11 Ganyan ang sinabi sa akin ni Yahweh Samantalang hawak niya ako Upang huwag kong sundan ang mga landas Na tinatahak ng mga taong ito:
8:12 '"Huwag kayong makipagsabuwatan sa bayang ito, Huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan. "
8:13 Ang Makapangyarihang si Yahweh ang dapat ninyong igalang, Siya ang inyong katakutan.
8:14 Siya ang magiging batong kanlungan, Ngunit sa dalawang sambahayan ng Israel ay batong katitisuran Bitag at patibong sa mga naninirahan sa Jerusalem.
8:15 "Dahil sa kanya, marami ang babagsak, Marami ang mabubuwal at madudurog, Marami ang masisilo at mabibitag.' "
8:16 Itanim mo sa isip ang patotoong ito, Iukit mo ang mga aral na ito Sa puso ng aking mga alagad.
8:17 Maghihintay ako kay Yahweh Na tumalikod sa sambahayan ni Jacob; Sa kanya ako aasa.
8:18 Ako at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh ay palatandaan at sagisag sa Israel, Mula sa Makapangyarihang si Yahweh Na naninirahan sa Bundok ng Sion.
8:19 "Kapag may nagsabi sa inyo: 'Sumangguni kayo sa mga espiritu at sa mga manghuhula--- Marapat lang na sumangguni ang mga tao sa kanilang mga diyos, at sa mga patay sa ikagagaling ng mga buhay.' "
8:20 "Ganito ang inyong isasagot, 'Nasa inyo ang aral ng Diyos at ang patotoo! Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu, ipapahamak lang kayo ng mga iyan.' ( Panahon ng Kaguluhan )"
8:21 Sakbibi ng hapis at gutom na gutom, Maglalakad sila sa lupain, Mahihibang sila sa kagutuman, At susumpain ang kanilang hari at ang kanilang Diyos. Tumingala man sila sa langit
8:22 O igala ang tingin sa lupa, Wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman, Anuman ang gawin nila'y hindi sila makaiiwas dito.
9:1 ( Paghahari ng Prinsipe ng Kapayapaan ) Nahawi na ang dilim sa bayang malaon nang namimighati. Sa mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zabulon at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, mula sa Dagat Mediteraneo hanggang sa ibayo ng Jordan, ang Galilea ng mga Hentil.
9:2 Nakatanaw ng isang malaking liwanag Ang bayang malaon nang nasa kadiliman, Namanaag na ang liwanag Sa mga taong namumuhay sa lupaing balot ng dilim.
9:3 Iyong pinasigla ang kanilang pagdiriwang, Dinagdagan mo ang kanilang tuwa. Tulad ng mga tao sa panahon ng anihan, Tulad ng mga taong naghahati ng nasamsam na kayamanan.
9:4 Nilupig mo ang bansang umalipin sa iyong bayan Tulad ng pagkalupig sa hukbo ng Madian. Binali mo ang panghambalos ng mga tagapagpahirap sa kanila.
9:5 Sapagkat ang panyapak ng mga mandirigma, Ang lahat ng kasuutang tigmak sa dugo ay susunugin.
9:6 Sapagkat ipanganganak ang isang sanggol na lalaki At siya ang mamamahala sa atin. Siya ang Kahanga-hangang Tagapayo, ang Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, ang Prinsipe ng Kapayapaan.
9:7 Malawak na kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan Ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang paghahari Upang matatag ito at papanatilihin Sa katarungan at katwiran Ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ng Makapangyarihang si Yahweh.
9:8 Nagsalita ang Panginoon laban sa kaharian ng Israel, sa lahi ni Jacob.
9:9 Malalaman ito ng lahat ng tao sa Israel at ng lahat ng naninirahan sa Samaria Na sa kanilang kapalaluan at kapangahasan Ay nagsabi ng ganito:
9:10 '"Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa, Magtatayo naman kami ng gusaling bato. Maubos man ang mga tahilang sikomoro Ay papalitan namin ng sedro.' "
9:11 Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh sa kanilang mga kaaway, sa mga galit sa kanila.
9:12 Ang Israel ay sasagpangin Ng Siria mula sa silangan At ng mga Filisteo mula sa kanluran, Ngunit hindi pa rin maglulubag ang matindi niyang galit. Patuloy niyang parurusahan ang bayang Israel.
9:13 Ngunit hindi pa rin nagbabago ang bayan. Kahit na siya parusahan, Hindi pa nagbabalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan.
9:14 Sa isang araw lang ay parurusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel; Para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot.
9:15 Ang ulo'y ang matatanda at iginagalang na tao, Ang mga buntot nama'y ang mga propetang lilo.
9:16 Ang mga pinuno ng bayang ito'y manlilinlang Kaya't iniligaw nila ang mga mamamayan.
9:17 Pababayaan ng Panginoon ang mga kabataan At di kahahabagan ang kanilang mga balo at ulila, Sapagkat sila'y mga tampalasan at sukab At mapagtungayaw. Ngunit hindi pa rin maglulubag ang matindi niyang galit, Patuloy niyang parurusahan ang bayang Israel.
9:18 Ang kalupita'y lalagablab na parang apoy At masusunog ang mga tinik at dawag; Matutupok ang masukal na gubat At ang makapal na usok ay paiilanlang.
9:19 Unti-unting tutupukin ni Yahweh ang buong lupain At ang mga tao'y lalamunin ng apoy. Magkakanya-kanya sila ng lakad.
9:20 Dadaklutin nila ang anumang pagkaing kanilang makikita, Gayunma'y hindi sila mabubusog, Kakanin nila pati kanilang anak.
9:21 Mag-aaway ang Manases at Israel at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda; Ngunit hindi pa rin lulubag ang matinding poot ni Yahweh, Patuloy niyang parurusahan ang bayang Israel.
10:1 Kawawa ang mga gumagawa ng di makatarungang batas At mga nagbibigay ng maling kautusan,
10:2 Pagkat iyan ang nagkakait ng katarungan sa mga api at nag-aalis ng karapatan sa mahihirap. Kawawa ang mga nagsasamantala sa mga babaing balo at sa mga ulila.
10:3 Ano ang gagawin ninyo sa araw ng kaparusahan, pagdating ng lagim buhat sa malayo? Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong? Kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan?
10:4 Walang nalalabi kundi sumuko; kayo ay mabibihag O mapapatay sa labanan; Ngunit hindi pa rin maglulubag ang matinding poot ni Yahweh; Patuloy niyang parurusahan ang bayang Israel.
10:5 Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo At malupit na kasangkapan ng aking galit.
10:6 Susuguin ko siya laban sa isang bayang tampalasan, sa bayang kinapopootan ko, Upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman At yurakang parang putik sa lansangan.
10:7 Ngunit wala ito sa kanyang isipan, Hindi ito ang kanyang hangad. Ang layunin niya'y manira at magpasuko ng maraming bansa.
10:8 "Wika niya: 'Hindi ba't pawang hari ang aking mga pinuno? "
10:9 Anong pagkakaiba ng Carquemis sa Calno? Ng Arpad sa Hamat, at ng Samaria sa Damasco?
10:10 Kung paano nilupig ko ang mga kahariang sumasamba sa mga diyus-diyusan Na higit na maraming larawan kaysa Jerusalem at Samaria,
10:11 "Kung ano ang ginawa ko sa Samaria at sa kanyang mga diyus-diyusan, Iyan din ang gagawin ko sa Jerusalem at sa mga larawang sinasamba rito.' "
10:12 Pag natapos ng Panginoon ang gagawin niya sa Bundok ng Sion at sa Jerusalem, parurusahan naman niya ang palalong hari ng Asiria.
10:13 "Sapagkat ganito ang sabi niya: 'Nagawa ko iyan pagkat ako'y malakas, marunong at matalino. Inalis ko ang hangganan ng mga bansa, At sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan, At ibinagsak sa lupa ang mga nakaluklok sa trono. "
10:14 "Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang kumukuha ng pugad ng ibon. Dinampot ko ang buong daigdig Na parang dumadampot ng itlog na iniwan ng inahin, Walang pakpak na pumagaspas, ni huning narinig.' "
10:15 Makapagmamalaki ba ang palakol sa may-ari nito? Makapagmamataas ba ang lagari sa gumagamit niyon? Ang baston pa ba ang magwawasiwas sa may hawak nito?
10:16 Kaya nga ang magigiting niyang mandirigma Ay pagkakasakitin ni Yahweh. At sa ilalim ng kanilang maringal na kasuutan Mag-aapoy sa init ang kanilang katawan, Parang sigang malagablab.
10:17 Ang ilaw ng Israel ay magiging apoy, At ang Banal niya'y magiging ningas; Susunugin niya at tutupukin sa isang araw Ang mga tinik at dawag.
10:18 Wawasakin niya ang kanyang mga parang at gubat, Kung paano winawasak ng sakit ang katawan ng tao.
10:19 Iilan ang matitirang punongkahoy sa gubat, Ang mga ito'y mabibilang kahit ng isang batang paslit.
10:20 Sa araw na yaon ang malalabi sa bansang Israel ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh, sa Banal ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan.
10:21 Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan,
10:22 sapagkat kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makababalik. Nakatakda na ang parusa sa iyo, batay sa katarungan.
10:23 Sa takdang panahon, ang buong bansa ay pupuksain ni Yahweh, ang Panginoong Makapangyarihan.
10:24 "Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ng Panginoong Makapangyarihan: 'O bayan kong naninirahan sa Sion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila, o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto."
10:25 Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibubuhos ang aking poot hanggang sa sila'y malipol.
10:26 At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Madianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko laban sa mga taga-Egipto.
10:27 "Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang iyong pasanin---wawakasan na ang pahirap na ginagawa sa iyo.' Sumalakay siya buhat sa Rimon "
10:28 At nakarating na sa Ayat, Lumampas na siya sa Magron At iniwanan sa Micmas ang kanyang dala-dalahan.
10:29 Nakaraan na sila sa tawiran, At sa Geba magpapalipas ng gabi. Nanginginig ang mga taga-Rama At tumakas na ang mga taga-Geba ni Saul.
10:30 Sumigaw kayo ng ubod lakas, mga taga-Galim! Pakinggan mo, Laisa; tugunin mo, Anatot!
10:31 Tumatakas na ang taga-Madmena. Nag-aalisan ang mga taga-Gebim.
10:32 Sa araw na ito hihinto siya sa Nob, Ibinigay na niya ang hudyat na salakayin ang Sion, Ang Lunsod ng Jerusalem.
10:33 Masdan ninyo ang Makapangyarihang si Yahweh! Sa pamamagitan ng nakapangingilabot na lakas Tinatagpas niya ang mga sanga. Ibinabagsak niya ang mga palalo.
10:34 Ibinubuwal niya ang mga kahoy sa kagubatan, Bagsak na ang Libano at ang matatayog niyang kahoy.
11:1 ( Ang Mapayapang Kaharian ) Ang paghahari ng angkan ni David ay nalagot na parang punongkahoy na naputol. Ngunit sa lahi niya'y lilitaw ang isang hari, tulad ng supling mula sa isang tuod.
11:2 Mananahan sa kanya ang espiritu ni Yahweh, Bibigyan siya ng katalinuhan at pagkaunawa, Ng kaalaman at kapangyarihan, ng karunungan at takot sa Panginoon.
11:3 Kagalakan niya ang tumalima kay Yahweh. Hindi siya hahatol ayon sa nakikita O batay sa narinig sa iba.
11:4 Bibigyan niya ng katarungan ang mga dukha, Ipagtatanggol ang karapatan ng mga kawawa. Ang salita niya'y parang tungkod na ipapalo sa malulupit, Ang hatol niya'y kamatayan sa masasama.
11:5 Katarungan at katapatan ang paiiralin niya sa kanyang pamamahala.
11:6 Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero, Matutulog ang leopardo sa tabi ng batang kambing, Magsasama ang guya at ang batang leon, At ang mag-aalaga sa kanila'y batang paslit.
11:7 Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain, Ang mga anak nila'y magkakatabing matutulog, Kakain ng damo ang leon na animo'y toro.
11:8 Maglalaro ang batang pasusuhin sa tabi ng lungga ng ahas, Hindi maaano ang bata kahit laruin ang ulupong.
11:9 Walang mananakit o mamiminsala Sa nasasaklaw ng banal na bundok; Sapagkat kung paanong puno ng tubig ang karagatan, Laganap sa buong lupain ang pagkilala kay Yahweh.
11:10 Sa araw na iyon, isisilang ang hari mula sa lahi ni David, Ang magiging palatandaan para sa mga bansa. Ang mga baya'y tutungo sa banal na lunsod upang parangalan siya.
11:11 Sa araw na iyon, minsan pang kikilos ang Panginoon Upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan, Ang mga nalabi sa mga bihag na nasa Asiria at sa Egipto, Sa Patros, sa Etiopia at sa Elam, Sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan.
11:12 Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa, At titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain. Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda Mula sa apat na sulok ng daigdig.
11:13 Mapapawi na ang pananaghili ng Israel At mapupuksa ang mga kaaway ng Juda, Hindi na maiinggit ang Israel sa Juda, At hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel.
11:14 Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran At sama-sama nilang sasamsaman ang mga bansa sa silangan; Masasakop nila ang Edom at Moab, Pasusukuin nila ang mga Ammonita.
11:15 Tutuyuin ni Yahweh ang Dagat ng Egipto Sa pamamagitan ng matinding init. Ang matitira lang ay pitong maliliit na sapa Na matatawid ng mga tao.
11:16 Sa gayon may daraanan mula sa Asiria Ang mga natira sa kanyang bayan, Kung paanong ang Israel ay may nadaanan Nang sila'y umalis sa Egipto.
12:1 ( Awit ng Pasasalamat ) "Sa araw na yaon ay aawitin ng mga tao ang ganito: 'Yahweh, pinasasalamatan kita, Sapagkat kung nagalit ka man sa akin, Napawi na ang galit mo, At ako'y iyong inaliw.' "
12:2 '"Ang Diyos ang siyang nagliligtas sa akin, Tiwalang-tiwala ako at wala munti mang pangamba. Sapagkat si Yahweh ang lahat sa akin, Siya ang aking awit, ang aking kaligtasan. "
12:3 "Malugod kayong sasalok ng tubig Sa batis ng kaligtasan.' "
12:4 "Sasabihin ninyo sa araw na iyon: 'Magpasalamat kayo kay Yahweh, Siya ang inyong tawagan; Ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang ginawa, Ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan. "
12:5 '"Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa, Ipahayag ninyo ito sa buong daigdig. "
12:6 "Mga anak ng Sion, umawit kayo nang buong galak, Sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at Ang Banal ng Israel.'"
13:1 ( Mga Babala Laban sa Babilonia ) Hula tungkol sa Babilonia---pahayag na tinanggap Ni Isaias na anak ni Amoz sa pamamagitan ng pangitain:
13:2 Itayo mo ang watawat sa taluktok ng burol, Malakas mong iutos sa mga kawal Na salakayin at pasukin ang palalong lunsod.
13:3 Inutusan ko na ang aking mga magigiting na mandirigma, Upang ipalasap ang aking galit sa mga taong aking kinapopootan.
13:4 Pakinggan ninyo! Umaalingawngaw ang mga bundok sa dami ng tao. Pakinggan ninyo! Umuugong ang ingay ng mga bayan at mga bansang nagtitipun-tipon. Pinahahanay ni Yahweh ang kanyang mga hukbo.
13:5 Mula sa malayong lupain---mula sa dulo ng daigdig, Dumarating na si Yahweh upang wasakin ang mga bansa dahil sa tindi ng kanyang galit.
13:6 Manangis kayo! Nalalapit na ang araw ni Yahweh, Para isagawa ang lubusang pagwasak sa Babilonia.
13:7 Manlulupaypay ang lahat ng tao, Masisiraan sila ng loob.
13:8 Sila'y manginginig sa takot, Makadarama sila ng matinding hirap na parang babaing manganganak, Magkakatinginan sila at matutunaw sa kahihiyan.
13:9 Darating ang araw ni Yahweh, Malupit na araw ng poot at paghihiganti, Upang wasakin ang sandaigdigan At lipulin ang masasama.
13:10 Hindi na magniningning ang mga bituin, Ang araw ay hindi sisikat At magdidilim ang buwan.
13:11 "Sabi ni Yahweh: 'Parurusahan ko ang daigdig dahil sa kanyang kasamaan, At ang mga tao dahil sa kanilang kasalanan; Ibabagsak ko ang mga palalo, Susugpuin ko ang mga mapang-api. "
13:12 Iilan lamang ang ititira kong tao Anupat mahirap pa silang hanapin Kaysa gintong lantay na galing sa Ofir.
13:13 Manginginig ang mga langit, Mayayanig ang lupa, Pag akong si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat Sa araw na yao'y nagpakita ng aking galit.
13:14 '"Parang nagulat na usa, Parang tupang walang pastol, Tatakas na pauwi ang mga dayuhan, At babalik sa sariling lupain. "
13:15 Papatayin ang bawat mahuli, Mamamatay sa patalim ang sinumang mabihag.
13:16 "Ipaghahampasan sa harapan nila ang kanilang mga sanggol, Lilimasin ang kanilang mga tahanan, Gagahasain ang kanilang mga asawa.' "
13:17 "Sabi pa rin ni Yahweh: 'Ipasasalakay ko sila sa mga taga-Media, Mga taong hindi tumitingin sa pilak At walang pagpapahalaga sa ginto. "
13:18 Papatayin nila sa pana ang mga kabinataan, Hindi kahahabagan ang mga sanggol at mga bata.
13:19 Ang Babilonia, pinakamarilag sa mga kaharian, Ang hiyas at dangal ng mga Caldeo; Ibabagsak siya tulad ng Sodoma at Gomorra.
13:20 Kailanma'y wala nang titira doon, Wala nang Arabe na magtatayo roon ng tolda, Wala nang pastol na mag-aalaga roon ng tupa.
13:21 Mga hayop na maiilap ang mananahan doon, Titirhan ng mga kuwago ang kanyang mga bahay, Pagtataguan ng mga avestrus At maglulundagan doon ang mga ilap na kambing.
13:22 "Aatungal ang mga hiyena sa kanyang mga tore, At aalulong ang mga asong-gubat sa kanyang mga palasyo. Nalalapit na ang wakas ng Babilonia, Hindi na siya magtatagal.'"
14:1 ( Pagbabalik Mula sa Pagkabihag ) Mahahabag uli si Yahweh sa sambahayan ni Jacob, at muli niyang hihirangin ang bayang Israel. Sila'y ibabalik niya sa kanilang sariling bayan. May mga banyagang makikiisa sa kanila, at mabibilang sa sambahayan ni Jacob.
14:2 May mga Hentil na sasama at magiging alipin sila doon ng mga Israelita. Anupat magiging bihag ng mga Israelita ang mga dating bumihag sa kanila; masasakop nila ang dating nagpapahirap sa kanila.
14:3 Sa araw na kayo'y mahango ni Yahweh sa inyong mga paghihirap, pagtitiis at pagiging alipin,
14:4 "ganito ang pagkutya ninyong sabihin sa hari ng Babilonia: 'Bumagsak na ang malupit na hari, Natapos na ang kanyang pagpapahirap. "
14:5 Winakasan na ni Yahweh ang pamamahala ng malupit na hari
14:6 Na walang awang nagpahirap sa mga tao, Buong lupit na naghari sa mga bansa, At umusig sa kanila nang walang likat.
14:7 Natahimik din sa wakas ang daigdig, Ang mga tao'y nag-aawitan sa tuwa.
14:8 Magagalak ang mga sipres at mga sedro ng Libano dahil sa nangyari sa hari. Sasabihin nila: 'Buhat nang ikaw ay bumagsak, Wala nang pumutol sa amin.'
14:9 Gulung-gulo ang buong Sheol dahil sa iyo, Dahil sa paghahanda sa pagsalubong sa iyo, Pinupukaw niya ang mga matagal nang patay, Ang mga hari ng lahat ng bansa ay pinatatayo niya mula sa kanilang trono.
14:10 Sasabihin sa iyo ng bawat isa: 'Ikaw pala'y nanghina ring tulad namin At sinapit mo rin ang aming sinapit!'
14:11 "Ikaw na pinarangalan sa tugtog ng alpa Ngayo'y narito na rin sa Sheol. Ang babanigin mo'y mga uod At uod rin ang iyong kukumutin.' "
14:12 Ikaw ay nahulog mula sa langit, Tala sa umaga, Anak ng Bukang-liwayway! Bumagsak ka rin sa lupa, Ikaw na nagpasuko sa mga bansa!
14:13 Palagi mong sinasabi: 'Aakyat ako sa kalangitan Sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos Itatayo ko ang aking luklukan. Uupo ako sa ibabaw ng bundok sa hilaga, Sa dakong pulungan ng mga diyos.
14:14 Aakyat ako sa ibabaw ng mga ulap, Papantayan ko ang Kataas-taasan.'
14:15 Ngunit anong nangyari? Ano't nahulog ka sa Sheol? Ano't nalibing ka sa kalalimang walang hanggan?
14:16 Pagmamasdan ka ng mga patay At kanilang itatanong: 'Hindi ba ito ang nagpayanig sa lupa, Ang nagbagsak ng mga kaharian?
14:17 Hindi ba ito ang sumalanta sa buong daigdig, Ang nagwasak ng mga lunsod, Ang di nagpalaya sa mga bihag?
14:18 Lahat ng hari ng mga bansa'y mahihimlay Sa kanya-kanyang magarang nitso.
14:19 Ngunit ikaw ay hindi malilibing sa iyong nitso, Itatapon kang parang sangang walang kabuluhan, Ang bangkay mo ay mapapabilang sa bangkay ng mga napatay sa digmaan. Ihuhulog sa mabatong hukay, hindi tatabunan, Ikaw ay matutulad sa bangkay na tinatapak-tapakan ng tao.
14:20 Hindi ka malilibing na tulad ng ibang hari, Sapagkat winasak mo ang iyong bansa At ipinahamak mo ang iyong bayan. Walang matitira sa mga supling ng masasamang tulad mo.
14:21 "Simulan na ang paglipol sa kanyang mga anak Dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang! Hindi na sila pahihintulutang maghari sa daigdig Upang hindi na sila muling mamayani sa balat ng lupa.'' ( Babala Laban sa Babilonia )"
14:22 "Sinabi ni Yahweh: 'Uusigin ko sila, at uubusin ko ang natitira sa kanilang lahi. Papawiin ko pati ang pangalan ng Babilonia."
14:23 "Gagawin ko siyang isang latian, tirahan ng mga kuwago. Wawalisin ko siyang parang dumi.' ( Babala Laban sa Asiria )"
14:24 "Sinabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: 'Tandaan ninyo: Mangyayari ang aking balak, Matutupad ang aking pasiya. "
14:25 Lulupigin ko sa aking lupain ang Asiria, Dudurugin ko siya sa aking kabundukan. Palalayain ko ang aking bayan sa pagiging alipin, Aalisin ko na sila sa kanilang kahirapan.
14:26 "Ito ang gagawin ko sa buong daigdig, Handa na akong magparusa sa lahat ng bansa.' "
14:27 Sino ang mangangahas tumutol sa pasiya ni Yahweh? Sino ang makapipigil sa kanya? ( Babala Laban sa mga Filisteo )
14:28 Inihayag ang hulang ito nang taong mamatay si Acaz.
14:29 Huwag mo munang ipagdiwang, bayang Filisteo, Ang pagkabali ng bastong inihampas sa iyo, Sapagkat sa lahi ng ahas maaaring lumitaw ang ulupong At mag-aanak ito ng lumilipad na dragon.
14:30 Ang mga maralita'y bibigyan ko ng ikabubuhay, At ang mga pulubi'y panatag na magpapahingalay, Pababayaan kong mamatay ng gutom ang iyong lahi, At lilipulin ko ang matitira.
14:31 Manangis ang bawat bayan, managhoy ang bawat lunsod, Manginig sa takot ang buong bansang Filisteo. Pumapailanlang ang alikabok sa dakong hilaga Sapagkat dumarating ang magigiting na kawal.
14:32 Ano ang isasagot sa mga sugo ng bansang iyon? Si Yahweh ang siyang nagtatag ng Sion, At dito nakatatagpo ng matibay na tanggulan Ang mga kaawa-awa sa kanyang bayan.
15:1 ( Pahayag Tungkol sa Moab ) Ito ang pahayag sa Moab: Noong gabing gibain ang Ar, gumuho ang Moab, Noong gabing mawasak ang Kir, bumagsak ang Moab.
15:2 Umahon sa templo ang mga tao sa Dibon, Umahon sa mga burol upang manangis, Iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba, Inahit nila ang kanilang buhok at balbas.
15:3 Lahat ay nanluluksa sa mga lansangan, Nananambitan sa mga bahay at Humahagulgol sa mga liwasan.
15:4 Nananangis ang Hesbon at ang Eleale, Dinig sa Jahasa ang kanilang iyakan, Kaya't naiiyak pati ang mga mandirigma ng Moab, Nababagbag ang kanilang kalooban.
15:5 Nahahabag ako sa Moab, Nagsisitakas ang kanyang mamamayan Patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglatselisiya. Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit, Humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim.
15:6 Natuyo ang mga batis ng Nimrim, Natuyot ang mga damo, natigang ang mga kaparangan, Walang natirang sariwang halaman.
15:7 Kaya't inililipat nila sa kabila ng Lambak ng Sause Ang lahat nilang kayamanan at ari-arian.
15:8 Laganap sa buong Moab ang iyakan, Abot sa Eglaim ang hagulgulan, Umaalingawngaw hanggang sa Beer-elim.
15:9 Pumula sa dugo ang tubig ng Dibon; Ngunit may iba pang sakunang inihanda ako para sa kanya: Papatayin ang lahat ng matitira sa Moab.
16:1 Mula sa Lunsod ng Sela, ang mga taga-Moab Ay pupunta sa Jerusalem para regaluhan ng mga tupa ang namamahala roon.
16:2 Magkakagulo sa tawiran ng Arnon ang mga taga-Moab, Paroo't paritong parang mga ibong nabulabog sa pugad.
16:3 "Sasabihin nila sa taga-Juda: 'Ituro ninyo sa amin kung ano ang dapat naming gawin, Takpan ninyo kami, tulad ng paglilim ng punongkahoy kung katanghaliang-tapat, Itago ninyo kami sa mga humahabol sa amin, Kami'y mga takas, huwag ninyo kaming ibigay sa kanila. "
16:4 "Patirahin ninyo kami sa inyong bayan, kaming mga pinalayas sa Moab, Kupkupin ninyo kami laban sa naghahangad na pumuksa sa amin.' At lilipas ang pag-uusig, mawawala ang mamumuksa At aalis ang nananalanta sa lupain. "
16:5 At dahil sa habag ng Diyos, matatatag ang isang trono, At luluklok doon ang isang hahatol nang matapat; Magmumula siya sa angkan ni David, Masigasig sa pagbibigay ng katarungan, At maingat sa karapatan ng bawat isa.
16:6 "Sasabihin ng mga taga-Juda: 'Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab, Pawang kasinungalingan ang kanyang ipinamamalita.' "
16:7 Kaya't tatangisan ng taga-Moab ang kanilang lunsod, Sama-sama silang mananaghoy, Sa gitna ng kanilang paghihirap, Pag naalaala nila ang masasarap na pagkain sa Kir-hareset.
16:8 Matutuyot ang mga bukirin ng Hesbon. Tatabasin ng mga pinuno ng mga bansa Ang sanga ng mga ubasan ng Sibma, Ubasang abot sa Jazer at sa ilang At lumampas pa hanggang sa tabi ng dagat.
16:9 Kaya't tatangisan kong kasama ng Jazer Ang mga ubasan ng Sibma; Didiligin ko ng luha ang Hesbon at Eleale Sapagkat walang aanihin kaya manlulumo ang bayan.
16:10 Maglalaho ang tuwa at kagalakan sa kanyang halamanan, Titigil ang kasayahan at awitan sa kanyang ubasan, Wala nang alak na dadaloy sa kanyang pisaan At tuluyang matatahimik ang masayang hiyawan.
16:11 Kaya't parang malungkot na himig ng kudyapi Ang aking panambitan sa sinapit ng Moab. Magdurugo ang puso ko sa sinapit ng Kir-hareset.
16:12 Umahon man ang mga taga-Moab sa kanilang mga sambahan sa burol Magpagod man sila ng pagsamba sa kanilang mga dambana Wala ring kahihinatnan ang kanilang panalangin.
16:13 Ito ang sabi ni Yahweh noong una tungkol sa Moab.
16:14 "Ito naman ang sinasabi niya ngayon: 'Tatlong taon mula ngayon, malilimas ang kayamanan ng Moab. Sa makapal niyang tauhan ay ilan lamang ang matitira, at mahihina pa.'"
17:1 ( Parurusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel ) "Pahayag tungkol sa Damasco: 'Mawawala ang Lunsod ng Damasco, Siya ay magiging isang bunton na lang ng gusaling gumuho. "
17:2 Wala nang titira sa kanya kahit kailan. Siya'y magiging pastulan na lamang ng mga kawan Na manginginain at bubulabog sa kanila.
17:3 "Mawawasak ang mga tanggulan ng Israel, Babagsak ang kaharian ng Damasco. Matutulad sa sinapit ng Israel Ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.' Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. "
17:4 '"Sa araw na yaon maglalaho ang kapangyarihan ng Israel, Ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng matinding kahirapan. "
17:5 Matutulad siya sa isang triguhan Matapos gapasin ng mga mag-aani. Matutuyot siyang gaya ng kapatagan ng Refaim Matapos simutin ng mga mamumulot.
17:6 "Ilan lamang ang matitira sa lahi ng Israel, Matutulad siya sa puno ng olibo Matapos pitasin ang mga bunga. Walang matitira sa kanya kundi dalawa o tatlong bunga Sa pinakamataas na sanga, Apat o limang bunga sa iba pang mga sanga.' Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. ( Matatapos ang Pagsamba sa mga Idolo )"
17:7 Sa araw na iyon dudulog ang tao sa Lumikha sa kanya, sa Banal ng Israel.
17:8 Hindi na niya papansinin ang mga dambana na siya na rin ang gumawa. Hindi na siya magtitiwala sa mga diyus-diyusang bato na hinugis ng kanyang mga kamay.
17:9 Sa araw na iyon maiiwang walang tao ang iyong mga lunsod Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Amorreo at Heveo Noong dumating ang mga Israelita.
17:10 Kinalimutan mo ang Diyos na nagliligtas sa iyo, At hindi mo na inaalaala ang Bato na iyong kanlungan, ang pinanggagalingan ng iyong lakas. Sa halip, gumawa ka ng sagradong hardin na iyong pinaglagyan ng mga diyus-diyusan, Sa paniniwalang pagpapalain ka nila.
17:11 Ngunit tumubo man ang mga ito sa araw na iyong itinanim, At mamulaklak sa kinabukasan, Wala kang aanihin pagdating ng araw Kundi pawang sakuna at matinding kahirapan.
17:12 Umaalingawngaw ang ingay ng napakaraming tao, Na parang ugong ng karagatan. Rumaragasa ang mga bansa, Na parang ugong ng mga alon.
17:13 Kagagalitan sila ng Diyos, at sila'y tatakas, Parang ipang inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol At dayaming tinatangay ng ipu-ipo.
17:14 Sa gabi'y magsasabog sila ng kilabot Ngunit bago mag-umaga'y wala na sila. Iyan ang mangyayari sa mga nang-aapi sa amin,
18:1 Iyan ang sasapitin ng mga nang-agaw ng lahat naming ari-arian. Pumapagaspas ang pakpak ng mga kulisap Sa isang lupain sa ibayo ng ilog ng Etiopia,
18:2 Mula roo'y may dumarating na mga sugo Lulan ng mga bangkang yari sa tambo At sumusunod sa agos ng Ilog Nilo. Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita, Sa inyong lupain na pinagmumulan ng Ilog Nilo, Sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makinis ang balat, Bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanlupig.
18:3 Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig, Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok, Hintayin ninyo ang tunog ng pakakak.
18:4 "Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: 'Buhat sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid, Parang maningning na araw kung maaliwalas ang langit, Parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw. "
18:5 Bago dumating ang panahon ng anihan Pagkalagas ng mga bulaklak at pagkahinog ng mga ubas, Ang mga sanga ay puputulin ng karit na matalas Saka itatapon.
18:6 "Ipauubaya sila sa ibong mandaragit At sa mababangis na hayop. Kakanin sila ng mga ibon sa tag-araw At ng mga hayop sa taglamig.' "
18:7 Sa panahong iyon, darating kay Yahweh ang mga handog na galing sa lupaing ito na pinagmumulan ng Ilog Nilo. Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa, ang mga taong matangkad at makinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig. Pupunta sila sa Bundok ng Sion, sa lugar na nakatalaga sa pagsamba sa Makapangyarihang si Yahweh.
19:1 ( Parurusahan ang Egipto ) Ito ang pahayag tungkol sa Egipto: Tingnan ninyo! Si Yahweh'y nakasakay sa ulap At mabilis na naglalakbay patungo sa Egipto. Nanginginig sa kanyang harapan Ang mga diyus-diyusan ng Egipto, At ang mga Egipcio'y nanlulupaypay sa takot.
19:2 "Sabi ni Yahweh: 'Paglalabanin ko ang mga Egipcio. Maghihimagsik ang kapatid laban sa kapatid, Ang kaibigan laban sa kaibigan, Ang lunsod laban sa lunsod, Ang kaharian laban sa kaharian. "
19:3 Masisiraan ng loob ang mga Egipcio, Magugulo ang kanilang isipan, Sasangguni sila sa mga diyus-diyusan Sa mga manggagaway, mangkukulam at manghuhula.
19:4 "Ibibigay ko ang Egipto sa kamay ng isang malupit na hari. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos.' "
19:5 Matutuyo ang malawak na Ilog Nilo,
19:6 Aalingasaw ang kanyang mga kanal, Matutuyo ang kanyang mga batisan At matutuyot ang mga tambo at mga talahib.
19:7 Malalanta ang mga halaman sa pampang ng Nilo, Matutuyot ang lahat ng tanim sa dalampasigan, Ipapadpad ng hangin, at di na muling makikita.
19:8 Malulumbay ang mga mangingisda sa Nilo, Tatangis ang lahat ng namimingwit, Tataghoy ang mga naghahagis ng lambat.
19:9 Magigipit ang mga gumagawa ng kayong lino, Maghihirap ang mga nagsusulid at humahabi.
19:10 Malulugi ang mga nagpapahabi, Malulungkot ang mga manggagawa.
19:11 "Hangal kayong lahat, mga pinuno ng Zoan! Gayon din ang tagapayo ng Faraon, Pawang kabaliwan ang ipinapayo nila. Paano ninyo masasabi sa Faraon: 'Lahi ako ng mga pantas at ng mga hari noong unang panahon.'? "
19:12 Nasaan, Egipto, ang iyong mga pantas? Bakit di nila sabihin sa iyo ngayon Ang plano ni Yahweh tungkol sa iyo?
19:13 Baliw ang mga pinuno ng Zoan at Menfis, Ang Egipto'y nililinlang ng kanyang mga pinuno.
19:14 Ginulo ni Yahweh ang kanilang pag-iisip. Dahil sa kanila'y pamali-mali ang hakbang ng Egipto, Animo'y lasing na pasuray-suray At nagsusuka habang daan.
19:15 Walang magtatagumpay na panukala ang Egipto, Walang maitutulong ang mga pinuno o karaniwang tao. ( Pagbabalik-loob ng Egipto at ng Asiria )
19:16 Sa araw na iyon, ang mga Egipcio'y magiging parang babaing hindi makapagsalita sa tindi ng takot pagkakitang nakaamba sa kanila ang kamay ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.
19:17 Katatakutan ng mga Egipcio ang Juda. Marinig lamang nila ang pangalan nito ay maiisip na nila ang ipaparusa sa kanila ni Yahweh.
19:18 Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo; manunumpa sila sa ngalan ni Yahweh. Isa sa mga ito'y tatawaging Lunsod ng Araw.
19:19 Ipagtatayo ng isang dambana si Yahweh sa Egipto, gayon din ng isang bantayog na haliging bato para sa kanyang karangalan sa hanggahan ng lupain.
19:20 Ito'y magiging isang palatandaan na si Yahweh ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kailanma't sila'y dudulog sa panahon ng pag-uusig.
19:21 Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at hahandugan. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ito'y kanilang tutuparin.
19:22 Bagamat parurusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, sila nama'y kanyang aaliwin. Dudulog sila kay Yahweh at sila'y kanyang diringgin.
19:23 Sa araw na iyon, magkakaroon ng daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makapupunta sa Asiria ang mga Egipcio, gayon din ang mga taga-Asiria sa Egipto; sila'y magkakasamang sasamba.
19:24 Sa araw na iyon, ang Israel ay mapapantay sa Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig.
19:25 "Wiwikain niya sa araw na iyon: 'Pagpapalain kita Egipto na aking bayan, Asiria na aking itinatag at Israel na aking hinirang.'"
20:1 Nang taon na ang Azoto'y salakayin at lupigin ng heneral na ipinadala ni Haring Sargon ng Asiria,
20:2 "nagbigay ng babala si Yahweh sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya kay Isaias: 'Hubarin mo ang iyong damit na sako, at mag-alis ka ng panyapak.' Gayon nga ang ginawa ni Isaias at lumakad siyang hubad at walang sapin sa paa."
20:3 "Pagkatapos, sinabi ni Yahweh: 'Ang lingkod kong si Isaias ay tatlong taon nang naglakad nang hubad at walang sapin sa paa bilang larawan ng Egipto at Etiopia."
20:4 Bibihagin ng hari ng Asiria ang mga Egipcio at mga Etiope. Matanda't bata'y kakaladkaring hubad at nakayapak. Laking kahihiyan ng Egipto!
20:5 At sila'y manlulumo at masisiraan ng loob dahil sa nangyari sa Etiopia na kanilang inaasahan at sa Egipto na kanilang ipinagmamalaki.
20:6 "Sasabihin ng mga naninirahan sa baybaying iyon: 'Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang aming inaasahan! Sa kanila pa naman kami dumulog upang maligtas sa hari ng Asiria. Sino ngayon ang magliligtas sa amin?''"
21:1 ( Ang Pagbagsak ng Babilonia ) Pahayag tungkol sa kapatagan sa tabi ng dagat. Parang ipu-ipong dumarating mula sa ilang Ang pagkawasak ng isang malupit na bansa.
21:2 Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kataksilan at kapahamakan. Hukbo ng Elam, sumalakay ka! Media, kubkubin mo ang mga lunsod. Wawakasan ko na ang pagpapahirap ng Babilonia.
21:3 Dahil dito, pinagharian ako ng takot. Nakadama ako ng matinding hirap, tulad ng isang babaing nanganganak.
21:4 Takot na takot ako, di ko malaman ang gagawin, Ang pananabik ko sa takipsilim ay nauwi sa pagkasindak.
21:5 "Sa aking pangitain ay may malaking piging, Nakalatag na ang alpombrang upuan ng mga panauhin, Sila'y nagkakainan at nag-iinuman, Biglang narinig ang isang utos: 'Tindig kayo, mga pinuno, at ihanda ang mga kalasag.' "
21:6 "Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: 'Lumakad ka na at maglagay ng bantay Na magbabalita kung ano ang kanyang nakikita. "
21:7 "Kung makakita siya ng mga kawal na kabayuhan Na dumarating na dala-dalawa, Mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo, Manmanan niyang mabuti.' "
21:8 "Sumigaw ang bantay: 'Nasa tore po ako maghapo't magdamag.' "
21:9 "Walang anu-ano'y nagdatingan ang mga kabayuhan, dala-dalawa At may sumigaw: 'Bumagsak na ang Babilonia At nagkadurug-durog ang kanyang mga diyus-diyusan!' "
21:10 Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik, May magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh, Ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. ( Ang Hula Tungkol sa Edom )
21:11 "Hula tungkol sa Edom: May tumatawag sa akin mula sa Edom, 'Bantay, anong oras na, matagal pa ba ang gabi?' "
21:12 "Sumagot ang bantay: 'Mag-uumaga na ngunit sasapit na uli ang gabi; Magtanong kayo kung gusto ninyo, Bumalik kayo uli.' ( Ang Hula Tungkol sa Arabia )"
21:13 Hula tungkol sa Arabia: Kayong mga taga-Dedan, Na naglalakbay sa mga ilang ng Arabia, Bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw.
21:14 Kayo naman, mga taga-Tema, Salubungin ninyo at pakanin ang mga takas.
21:15 Sapagkat tumatakas sila sa tabak at panang nakaamba, Lumalayo sila sa mahigpit na labanan.
21:16 "Ganito ang sinabi sa akin ni Yahweh: 'Isang taon mula ngayon ay magwawakas ang kapangyarihan ng angkan ni Kedar."
21:17 "Ilan lamang sa magigiting niyang kawal ang matitira. Sapagkat ganyan ang plano ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.'"
22:1 ( Ang Hula Tungkol sa Jerusalem ) Hula tungkol sa Lambak ng Pangitain: Ano'ng nangyayari sa iyo? Bakit nagdiriwang sa bubong ang iyong mga mamamayan,
22:2 Lunsod na di magkamayaw sa pananabik? Ang mga anak mong nasawi ay di sa labanan namatay.
22:3 Nagsitakas ang iyong mga pinuno Ngunit nahuling walang laban. Ang lahat mong magigiting ay nabihag din Kahit nakatakas na sa malayo.
22:4 "Kaya nga ang sabi ko: 'Pabayaan ninyo ako! Huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin. Hayaan ninyong lumuha ako nang buong pait, Dahil sa pagkawasak ng aking bayan.' "
22:5 Sapagkat araw ito ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito Na itinalaga ni Yahweh sa Lambak ng Pangitain, Guho na ang mga muog, at ang sigawan ng mga tao'y umalingawngaw sa kaburulan.
22:6 Taglay ng mga taga-Elam ang kanilang pana at busog Sakay ng kanilang mga kabayo, Dala naman ng mga taga-Kir ang kanilang kalasag.
22:7 Ang magaganda ninyong kapataga'y puno ng mga karwahe At sa mga pintuan ng Jerusalem ay natitipon ang mga kabayuhan.
22:8 Wasak ang lahat ng tanggulan ng Juda. Sa araw na iyon inilabas ninyo ang mga sandata sa taguan.
22:9 Sa araw na iyon nakita ninyo na maraming sira ang tanggulan ng Lunsod ni David. Tinipon ninyo ang tubig mula sa Ibabang Batis.
22:10 Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ninyo ang ilan upang gamitin ang mga bato sa pagpapatibay sa muog ng lunsod.
22:11 Gumawa kayo ng tipunan ng tubig sa pagitan ng dalawang muog, at pinuno iyon ng tubig mula sa Itaas na Batis. Ngunit hindi ninyo naisip ang Lumikha na bumalangkas ng lahat sa mula't mula pa.
22:12 Nanawagan sa inyo si Yahweh Upang kayo'y manangis at manambitan, Upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magdamit ng sako.
22:13 "Ngunit sa halip, nagdiwang kayo at nagsaya, Nagkainan, at nag-inuman. Ang katwiran ninyo: 'Kumain tayo at uminom Sapagkat bukas tayo'y mamamatay.' "
22:14 "Ganito ang ipinahayag sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: 'Ang kasalanang ito'y hindi ipatatawad.' ( Babala Laban kay Sabna )"
22:15 "Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: 'Puntahan mo si Sabna, Ang katiwala ng palasyo. Sabihin mo sa kanya: "
22:16 'Anong ginagawa mo rito? Bakit ka humuhukay ng sariling libingang bato sa gilid ng bundok?
22:17 Sino ka man ay dadamputin ka ni Yahweh At itatapon sa malayo!
22:18 Dadakutin kang parang bola at ihahagis sa malayong lupain. Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga sasakyan, Ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa iyong panginoon.'
22:19 Aalisin kita sa iyong katungkulan, At palalayasin sa iyong kinalalagyan.
22:20 Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, Si Eliaquim na anak ni Helcias.
22:21 Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuutan, Ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, Siya ang magiging pinakaama ng Jerusalem at ng Juda.
22:22 Ibibigay ko sa kanya ang susi ng bahay ni David; Ang kanyang buksa'y walang makapagsasara At walang makapagbubukas ng ipininid niya.
22:23 "Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda Itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar At siya'y magiging marangal na luklukan Para sa sambahayan ng kanyang ama.' "
22:24 Sa kanya maaatang ang buong pananagutan sa sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit.
22:25 '"Kung magkagayon,' wika ni Yahweh, 'mababali ang sabitan, mabubunot at malalaglag. At ang lahat ng nakasabit doon ay madudurog.'"
23:1 ( Ang Hula Tungkol sa Tiro at Sidon ) Hula tungkol sa Tiro: Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis, Malumbay kayo pagkat ang inyong daunga'y wasak na; Wala na kayong mga tahanang mapagkakanlungan! Ito'y inihayag na sa inyo mula sa Chipre.
23:2 Manangis kayo, Kayong mga mangangalakal ng Sidon Na may mga sugong nagtatawid-dagat,
23:3 Upang mamili ng kalakal at pagkain sa Egipto, Mga trigo na inani sa kapatagan ng Nilo.
23:4 "Mahiya ka, Lunsod ng Sidon! Isinusuka ka na ng mga karagatan, Sapagkat ganito ang pahayag ng dagat: 'Wala akong iniluwal na mga anak.' "
23:5 Ang sinapit ng Tiro'y labis na daramdamin ng Egipto Kapag umabot sa kanya ang balitang ito.
23:6 '"Kaya manangis na kayo, mga taga-Tarsis, Kayong nananahan sa mga dalampasigan. "
23:7 Ito ba ang lunsod na tanyag at balita Sa pangangalakal mula pa nang una, At nakaaabot sa ibayong dagat para magtayo ng mga bayan?
23:8 Sinong nagbalangkas nito laban sa Tiro, Ang lunsod na gumagawa ng mga kaharian, Na ang mga mangangalakal ay kinikilala At pinararangalan sa lahat ng bansa?
23:9 Si Yahweh ang nagbalangkas nito Upang ibagsak ang kanilang kapalaluan At hiyain ang mga taong kanilang dinadakila.
23:10 Kayo, mga naninirahan sa Tarsis, Sakahin na ninyo ang inyong lupain, Pagkat wala nang gagambala sa inyo.
23:11 Ang kamay ni Yahweh ay abot sa ibayong dagat Upang ibagsak ang mga kaharian; Ipinawawasak na niya ang mga kuta sa Canaan.
23:12 "Ang wika ni Yahweh: 'Lunsod ng Sidon, tapos na ang iyong maliligayang araw, Kahit na lumikas ka sa Chipre'y nanganganib ka pa rin.' "
23:13 Masdan ninyo ang bansang ito, Ang dating daungan ng mga barko; Kinubkob siya ng mga Caldeo, Pinaligiran siya ng mga tore't mga kuta, At winasak ang kanyang mga palasyo.
23:14 Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis, Sapagkat wasak na ang inyong daungan.
23:15 Pitumpung taon na malilimot ang Tiro, Sintagal ng buhay ng isang hari. Ngunit pagkatapos ng panahong iyon, Siya'y muling babangon at matutulad sa babaing patutot na binabanggit sa awit na ito:
23:16 '"Tugtugin mo ang alpa, babaing patutot, Libutin mo ang lunsod; Umawit ka ng mga awiting malamyos Upang ikaw ay di na malimot.' "
23:17 Matapos ang pitumpung taon, muling lilingapin ni Yahweh ang lunsod ng Tiro. Manunumbalik ito sa dating pamumuhay at muling makikitungo sa lahat ng kaharian sa daigdig.
23:18 Ang kanilang tutubuin sa hanapbuhay ay hindi na nila iimpukin. Sa halip, ito'y ihahandog nila kay Yahweh upang ibili ng pagkai't kasuutan ng mga taong sumasamba sa kanya.
24:1 ( Hahatulan ni Yahweh ang Sanlibutan ) Masdan ninyo, ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh, Sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao.
24:2 Iisa ang sasapitin ng lahat--- Mamamayan at saserdote, panginoon at alipin; Katulong at panginoon, nagtitinda't namimili, Nangungutang at nagpapautang.
24:3 Mawawasak ang daigdig at wala nang pakikinabangin dito; Mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh.
24:4 Malulungkot at tatangis ang daigdig, Manlulumo ang daigdig, gayon din ang kalangitan.
24:5 Ang daigdig na ito ay magiging karumal-dumal Dahil sa mga taong may maruming pamumuhay; Mga taong lumalabag sa tuntunin ng Kautusan At ayaw tumalima sa walang hanggang tipan.
24:6 Kaya't ang sumpa'y daranasin ng daigdig, At magdurusa ang mga nilikha dahil sa kanilang kasamaan, At ilan lamang ang matitira.
24:7 Mauubos ang alak, malalanta ang ubasan, Ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan.
24:8 Ang masayang tugtog ng pandereta'y di na maririnig; Mapaparam ang masayang tinig ng lira!
24:9 Mawawala na rin ang pag-iinuman na may kasaliw pang awitan, Pati na ang alak ay magiging mapait.
24:10 Mawawasak ang magulong lunsod, Ipipinid ang mga tahanan, walang makapapasok.
24:11 Sisigaw sa lansangan ang mga naghahanap ng alak, Mahihinto ang lahat ng kasayahan; Lungkot ang madarama sa buong lupain.
24:12 Guho na ang buong lunsod, Wasak na pati ang pintuang bayan.
24:13 Ganyan ang sasapitin ng lahat ng bansa, Parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga, Tulad ng ubasan matapos ang pitasan.
24:14 Ang matitira'y aawit sa tuwa; Mula sa kanluran ay dadakilain nila si Yahweh.
24:15 Dadakilain din siya sa silanganan, Pupurihin sa baybay-dagat ang kanyang pangalan, ang pangalan ng Diyos ng Israel.
24:16 "May awit ng papuring maririnig, Maging sa pinakamalayong dako ng daigdig, Bilang papuri sa Israel, ang bansang matuwid. Ngunit ang sigaw ko: 'Kawawa ako. Tila ako nauupos na kandila. Wala na akong pag-asa, Palubha nang palubha ang kanilang pagtataksil.' "
24:17 Mga bansa sa daigdig, Matinding takot, malalim na hukay, Bitag na panghuli ang sa inyo'y naghihintay.
24:18 Sinumang tumakas dahilan sa takot, Sa balong malalim, doon mahuhulog. Pag-ahon sa balon na kinahulugan, Bitag na panghuli ang kasasadlakan. Pagkat mabubuksan, durungawan ng langit At mauuga ang patibayan ng daigdig.
24:19 Ang daigdig ay tuluyang mawawasak, Sa lakas ng uga ito'y mabibiyak.
24:20 Tulad ng lasenggo na pasuray-suray At kubong maliit na hahapay-hapay, Sa bigat ng salang kanyang tinataglay, Tiyak na babagsak ang sandaigdigan At di na babangon magpakailanman.
24:21 Sa araw na iyo'y parurusahan ni Yahweh Ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid, Pati mga hari dito sa daigdig.
24:22 Sama-sama silang ihuhulog sa kalalimang walang hanggan At parurusahan pagkaraan ng maraming araw.
24:23 Lalamlam ang liwanag ng araw at buwan. At maghahari si Yahweh, ang Makapangyarihan, Sa Bundok ng Sion, sa harapan ng matatandang hinirang Mahahayag ang kanyang kaluwalhatian.
25:1 ( Awit ng Papuri kay Yahweh ) O Yahweh, ikaw ang aking Diyos, Pupurihin ko at dadakilain ang iyong ngalan; Sapagkat buong katapatan mong isinagawa Ang mga balangkas mo mula pa noong una.
25:2 Sapagkat ang lunsod ay iyong iginuho, Winasak mo ang mga kuta; Ibinagsak mo ang mga palasyo ng mga dayuhan At hindi na muling maitatayo.
25:3 Kaya't dadakilain ka ng malalakas, Ang malulupit na bansa'y matatakot sa iyo.
25:4 Ikaw ang pag-asa ng mahihirap, Kublihan ng mga nasa kagipitan, Silungan ng mga nasa gitna ng init at ulan. Sa harap mo'y mabibigo ang marahas, Parang hanging bumabayo sa matibay na muog.
25:5 Parang init na tumama sa lugar na tuyo, Napatahimik mo ang mga kaaway; Hindi na marinig ang awit ng marahas, Animo ay init na natakpan ng ulap.
25:6 Sa Bundok ng Sion, Aanyayahan ni Yahweh ang lahat ng bansa, Gagawa siya ng isang piging para sa lahat Na ang handa'y masasarap na pagkain at inumin.
25:7 Sa bundok ding ito'y papawiin niya ang kalungkutang Naghahari sa lahat ng bansa.
25:8 Lubusan na niyang papawiin ang kamatayan, Papahirin ni Yahweh ang luha ng lahat; Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan.
25:9 "Kung magkagayon, sasabihin ng lahat: 'Siya ang ating Diyos na ating pinagtitiwalaan, Ang inaasahan nating magliligtas sa atin; Magalak tayo at ipagdiwang ang kanyang pagliligtas.' "
25:10 Iingatan ng Diyos ang bundok na ito, Ngunit ang Moab ay parang dayaming itatapon sa tambakan.
25:11 Magsisikap itong maligtas Tulad ng taong nalulunod; Ngunit dahil sa kanyang pagmamataas Siya ay lulubog sa bawat kampay Ng kanyang mga kamay.
25:12 Ang matataas niyang muog Ay iguguho ni Yahweh; Madudurog ito at magiging alabok.
26:1 ( Awit ng Pagtitiwala kay Yahweh ) "Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda: 'Matatag ang ating lunsod, Hindi tayo maaano, Matibay ang muog. "
26:2 Bayaang bukas ang mga pintuan, Upang makapasok ang bayang matapat.
26:3 Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan Ang mga taong matapat na tumatalima At nagtitiwala sa iyo.
26:4 Magtiwala kayong lagi kay Yahweh, Pagkat siya ang kublihang walang hanggan.
26:5 Ibinababa niya ang mga palalo, Lunsod mang matatag ay ibinabagsak; Pati muog ay winawasak,
26:6 "Hanggang sa maging tapakan ng mga taong-hamak At tuntungan ng mga mahirap.' "
26:7 Pinapatnubayan mo ang mga taong matuwid, At pinapatag mo ang kanyang landas.
26:8 Yahweh, sinusunod ka namin at inaasahan, Ikaw lamang ang lahat sa aming buhay.
26:9 Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa. Kapag ang batas mo'y umiral sa daigdig, Ang lahat ng tao'y mamumuhay nang matuwid.
26:10 Kahit mahabag ka sa taong masama, Hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat; Kahit pa siya nasa bansang matuwid, Ang kadakilaan ni Yahweh ay di rin alintana.
26:11 Nagbabala ka ng pagpaparusa, O Yahweh, Ngunit hindi rin nila ito pinansin. Kaya igawad mo na sa kanila ang nakahanda mong parusa Para makita nila kung gaano mo kamahal ang iyong bayan.
26:12 Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kasaganaan, At anumang magawa nami'y dahil sa iyong pagpapala.
26:13 Yahweh, may ibang naghari sa amin, Ngunit ikaw lamang ang kinikilala naming Panginoon!
26:14 Mga patay na sila at di na magbabalik, Pinapagdusa mo at winasak sila, Upang malimot na't hindi maalaala.
26:15 Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh, sa iyong ikararangal At pinalawak mo ang kanyang hangganan.
26:16 Hinanap ka nila sa gitna ng hirap, Nang parusahan mo'y ikaw ang tinawag.
26:17 Ang katulad namin sa iyong harapan ay babaing manganganak, Napapasigaw sa tindi ng hirap.
26:18 Nagdanas kami ng matinding hirap, Ngunit walang naidulot na kabutihan, Walang tagumpay na naidulot sa bayan, Wala kaming nagawang anuman.
26:19 Ngunit ang mga anak mong namatay ay muling mabubuhay Mga bangkay ay gigising at aawit sa galak; Kung paanong ang hamog ay nagpapasariwa sa lupa, Gayon ang espiritu ng Diyos, nagbibigay-buhay sa mga patay.
26:20 Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang, At ang mga pinto ay inyong ipinid, Hanggang sa lumipas ang galit ni Yahweh.
26:21 Pagkat darating na siya mula sa kalangitan, Upang parusahan ang mga tao sa daigdig Dahil sa kanilang pagsalansang; Sa sandaling iyon, mahahayag ang mga lihim na pagpatay At malalaman pati kanilang libingan.
27:1 ( Ililigtas ang Israel ) Sa araw na iyo'y gagamitin ni Yahweh Ang kanyang mabigat at matalim na tabak Laban kay Leviatan. Papatayin niya ang dambuhalang ito ng karagatan.
27:2 Sasabihin ni Yahweh Sa kanyang mainam na ubasan,
27:3 Akong si Yahweh ang nag-aalaga ng ubasang ito, Aking pinagyayaman at laging dinidilig, Binabantayan ko ito araw-gabi para walang manira.
27:4 Hindi na ako nagagalit sa ubasan Ngunit sa sandaling may makita akong siit at tinik, Ay titipunin ko at susunugin.
27:5 Ngunit kung ibig nilang sila'y aking kalingain Ay makipagkasundo sila sa akin.
27:6 Darating ang araw na mag-uugat ang lahi ni Jacob, Magsusupling ang Israel at mamumulaklak, Magbubunga ng marami at mapupuno ang buong daigdig.
27:7 Pinarusahan ba ng Diyos ang Israel Gaya ng ginawa sa mga kaaway nito? Pinuksa ba niya ang mga Israelita Tulad ng ginawa sa pumatay sa kanila?
27:8 Itinapon ni Yahweh ang kanyang bayan bilang parusa Tinangay sila ng malakas na hangin buhat sa silangan.
27:9 Patatawarin lang sila kung wawasakin nila ang mga dambana At itatapon ang larawan ng diyus-diyusang si Ashera, At dudurugin ang dambanang sunugan ng kamanyang.
27:10 Wasak na ang nakukutaang lunsod, Para itong ilang na walang nakatira. Ginawa na lang itong pastulan ng mga baka.
27:11 Nabali at natuyo ang mga sanga ng punongkahoy, Pupulutin naman ng mga babae at gagawing panggatong. Dahil sa hindi nila pag-unawa, Kaunti man ay hindi sila kahahabagan ng lumikha sa kanila.
27:12 Sa araw na iyon, Gaya ng pagtipon sa inaning trigo Ay isa-isang titipunin ni Yahweh ang mga Israelita Mula sa Ilog Eufrates Hanggang sa hanggahan ng Egipto.
27:13 Pagtunog ng pakakak, Ang mga Israelitang nangalat sa Asiria at Egipto Ay babalik sa Jerusalem upang sambahin si Yahweh Sa banal na bundok.
28:1 ( Babala sa Efraim ) Kawawa ang Israel, Ang karangalan niya'y nawawala, parang kumukupas Na kagandahan ng bulaklak Sa ulo ng mga pinunong Israelita. May pabango nga sila sa ulo Ngunit nangakabulagtang lasing na lasing.
28:2 Narito, may inihanda na si Yahweh Na taong malakas at makapangyarihan; Sinlakas ito ng isang mapaminsalang bagyo, At lulubog sa baha ang buong lupain.
28:3 Ang ipinagmamalaking karangalan ng mga pinunong Israelita ay yuyurakan.
28:4 Ang pagkawala ng kanyang karangalan ay mabilis Tulad ng pagkaubos ng mga unang bunga ng igos, Kinukuha agad at kinakain ng bawat makakita.
28:5 Sa araw na iyon, ang Makapangyarihang si Yahweh Ang magiging putong at marilag na hiyas, Ng mga nalabing hinirang.
28:6 Siya ang papatnubay sa hukom para maging makatarungan sa paghatol At magbibigay ng tapang at lakas Sa mga tagapagtanggol ng bayan Laban sa mga kaaway. ( Babala at Pangako sa Jerusalem )
28:7 Ang mga saserdote at mga propeta'y Sumusuray na sa kalasingan. Kaya mali ang nakikita nilang pangitain At di tama ang mga hatol.
28:8 Ang lahat ng mesa'y puno ng kanilang suka, Maruming-marumi ang buong paligid.
28:9 "Ganito ang sinasabi nila laban sa akin: 'Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin; Sino ba ang ibig niyang pangaralan at pagpaliwanagan, mga batang munti? Ang turo niya'y angkop lamang sa mga batang paslit.' "
28:10 "Tingnan mo ang kanyang pamamaraan: 'Isa-isang letra, isa-isang linya At isa-isang aralin!' "
28:11 Kaya naman nagsasalita si Yahweh sa bayang ito Sa pamamagitan ng mga banyagang iba ang wika.
28:12 "Ganito ang kanilang sasabihin: 'Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,' Ngunit hindi nila ito pinakinggan. "
28:13 "Kaya ang pagtuturo ni Yahweh ay 'Isa-isang letra, isa-isang linya At isa-isang aralin;' Anupat sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal, Mahuhulog sa bitag, masasakta't mabibihag. "
28:14 Kaya dinggin ninyo si Yahweh, Kayong walang pitagan, Kayong namamahala sa Lunsod ng Jerusalem.
28:15 "Pagkat sinabi ninyo: 'Nakipagtipan na kami sa kamatayan, At nakipagkasundo na sa Sheol; Kaya hindi na kami maaano Dumating man ang malagim na sakuna; Ginawa na naming kuta ang kasinungalingan At tanggulan ang pandaraya.' "
28:16 "Ito ngayon ang sinasabi ni Yahweh: 'Maglalagay ako ng batong-saligan sa Sion, Subok, matatag at mahalaga: 'Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.' "
28:17 "Gagawin kong sukatan ang katarungan, At pamantayan ang katapatan; Ipatatangay sa bagyo at baha ang lahat ng kasinungalingan.' "
28:18 Ang tipan mo sa kamataya'y mawawalan ng bisa, Ang kasunduan ninyo ng Sheol ay masisira, At matutulad ka sa lupaing binaha.
28:19 Araw-araw, sa umaga't gabi Ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin; Dahil dito ay paghaharian kayo ng sindak at takot.
28:20 Sapagkat mangyayari sa iyo ang isinasaad ng kasabihan: 'Maikli ang kamang himlayan, At makitid ang kumot para sa katawan.'
28:21 Ngunit tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim, Tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit; Tulad din ng ginawa niya sa Lambak ng Gibeon, Gagawin niya ang kanyang ibigin kahit hindi siya maunawaan, Ang kanyang gagawin ay siya lang ang nakaaalam.
28:22 Kaya huwag ka nang magyabang, Baka ang gapos mo ay lalong higpitan. Pagkat narinig ko na ang utos Ng Makapangyarihang si Yahweh, Na wasakin ang buong lupain.
28:23 Itong aking tinig ay iyong dinggin, Ang sinasabi ko'y iyong unawain.
28:24 Ang nagsasaka ba'y panay na lamang pag-aararo At pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukirin?
28:25 Hindi ba kung maihanda na ang lupa'y Sinasabugan niya ito ng anis at linga? Di ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada At sa mga gilid naman ay espelta?
28:26 Iyan ang tumpak na gawaing Itinuro ng Diyos sa tao.
28:27 Ang anis at linga Ay di ginagamitan ng gulong o mabigat na panggiik. Banayad lamang itong tinatagtag o pinapalo.
28:28 Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay? Hindi ito ginigiik nang walang tigil, Ni pinararaanan man sa hilang kariton Upang durugin.
28:29 Ang salitang ito'y mula kay Yahweh, Ang Makapangyarihan, Kagila-gilalas ang mga panukala At kahanga-hanga ang kaalaman.
29:1 ( Ang mga Kaaway ng Jerusalem ) Kawawa ang Jerusalem, Ang lunsod na tinirahan ni David! Matapos ipagdiwang ang kanyang mga kapistahan,
29:2 Wawasakin ko ang lunsod na ito Na tinatawag na Dambana ng Diyos. Dahil dito'y maririnig ang panaghoy at pagtangis, Ang buong lunsod ay magiging tila dambanang tigmak ng dugo.
29:3 Kukubkubin kita, At magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo.
29:4 Sa sasapitin mong ito, ikaw ay daraing, Maririnig ang iyong tinig na nakapangingilabot, Parang tinig ng multo.
29:5 Jerusalem, ang lulusob sa iyo ay lilipad na parang abo, Parang ipang tatangayin ng hangin ang nakapangingilabot nilang hukbo.
29:6 Si Yahweh ay biglang magpapadala Ng dumadagundong na kulog, lindol, buhawi, at nagngangalit na apoy Para iligtas ka.
29:7 Ang mga bansang bumabaka sa Jerusalem At nagtayo ng mga kutang pangubkob, Ay maglalahong parang panaginip.
29:8 Parang isang taong nanaginip na kumakain, At nagising na gutom pa rin; Taong nanaginip na umiinom, Ngunit uhaw na uhaw nang siya'y magising. Gayon ang sasapitin, Ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem. ( Bulag at Mapagmalaki ang Israel )
29:9 Magwalang-bahala kayo at magmukhang tanga, Bulagin ang sarili't nang di makakita! Kahit di uminom, kayo'y magkunwang lasing.
29:10 Sapagkat pinadalhan kayo ni Yahweh Ng espiritu ng matinding antok; At tinakpan ni Yahweh ang kanilang mga mata Nitong mga propeta na siyang tagatingin.
29:11 "Ang lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipabasa mo ito sa taong nakauunawa, ang sasabihin niya'y, 'Ayoko, hindi ko mababasa pagkat nakasara.'"
29:12 "Kung ipababasa mo naman sa di marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, 'Hindi ako nakababasa.' "
29:13 "Sasabihin naman ni Yahweh: 'Yamang sa salita lamang malapit sa akin Ang mga taong ito, At sa bibig lamang nila ako pinararangalan, Kaya malayo sa akin ang kanilang puso, At ayon lamang sa utos ng tao Ang kanilang paglilingkod; "
29:14 "Muli akong gagawa ng kababalaghan sa harapan nila, Mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka; Pawawalang-bisa ko ang karunungan Ng kanilang mga paham, At maglalaho ang kanilang kaalaman.' "
29:15 "Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh sa paggawa ng panukala. Sila na nagsasabing: 'Doon kami sa gitna ng dilim Sapagkat walang makakikilala o makapapansin sa amin!' "
29:16 "Binabaligtad ninyo ang katotohanan! Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito, 'Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;' At masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya, 'Hindi mo alam ang iyong ginagawa'? ( Ang Pagtubos sa Israel )"
29:17 "Tulad ng kasabihan: 'Hindi magluluwat, Ang kagubatan ay magiging bukirin, At ang bukirin ay magiging kagubatan.' "
29:18 Sa panahong iyon Maririnig ng bingi ang pagbasa sa isang aklat; At makakakita ang mga bulag.
29:19 Ang mababang-loob ay muling liligaya Sa piling ni Yahweh, At pupurihin ng mga dukha Ang Banal ng Israel.
29:20 Sapagkat ang malupit at mapang-upasala Ay mawawala na, Gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan.
29:21 Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri, Mga sinungaling na saksi At nagkakait ng katarungan sa mga matuwid.
29:22 "Ito ang sinasabi ni Yahweh, Ang Diyos na tumubos kay Abraham, Tungkol sa sambahayan ni Jacob: 'Mula ngayon, ang bayang ito ay wala nang dapat ikahiya o ikatakot man. "
29:23 Kung makita ng kanyang mga anak Ang aking mga ginawa, Iingatan nilang banal ang aking pangalan; Igagalang nila ang itinatanging Banal ni Jacob, At dadakilain ang Diyos ng Israel.
29:24 "Ang mga nalilihis sa katotohanan Ay magtatamo ng kaunawaan, Ang mga matigas ang ulo ay tatanggap na ng pangaral.'"
30:1 ( Bigong Pagtitiwala sa Egipto ) "Sinasabi ni Yahweh: 'Kawawa ang mga suwail na anak, Na ang ginagawa'y hindi ang aking kalooban; Nakikipagkaisa sa iba nang wala akong pahintulot, Anupat lalo lamang lumalaki ang kanilang pagkakasala. 1"
30:2 Nagdudumali silang pumunta sa Egipto Upang humingi ng tulong sa Faraon; Hindi man lang sumangguni sa akin.
30:3 Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong, At kahihiyan lamang ang idudulot nito sa inyo.
30:4 Bagamat nasa Zoan ang kanilang mga pinuno, At ang mga sugo nila'y umabot pa sa Hanes,
30:5 "Mapapahiya lamang ang bawat isa, Wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.' "
30:6 Isang palaisipan ang mga hayop sa timog. Sa lupain ng gulo't dalamhati, Dakong pinamamahayan ng mga leon, Ng ulupong at ahas na lumilipad; Ikinakarga nila ang kanilang kayamana't hiyas Sa mga asno at mga kamelyo, Upang ibigay sa mga taong walang magagawa para sa kanila.
30:7 "Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan, Kaya tinawag ko siyang, 'Rahab na inutil.' "
30:8 Halika, at isulat mo sa isang aklat, Kung anong uri ng mga tao sila; Upang maging tagapaggunita magpakailanman, Kung gaano kalaki ang kanilang kasamaan.
30:9 Pagkat sila'y lahing matigas ang ulo, Mapaghimagsik at sinungaling, Ayaw makinig sa aral ni Yahweh.
30:10 "Sinasabi nila sa mga lingkod ng Diyos, 'Huwag kayong huhula ng tapat.' At sa mga propeta, 'Huwag kayong magsasalita ng tumpak. Ang inyong banggitin sa ami'y Mga salitang kawili-wili At ang mga hulang hindi mangyayari. "
30:11 "Lumihis kayo sa tunay na daan, At ang Banal ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.' "
30:12 "Kaya ito ang sinasabi ng Banal ng Israel: 'Tinanggihan mo ang aking salita, At sa pang-aalipi't kalikuan ka nagtiwala. "
30:13 Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas, Tulad ng pagguho ng isang marupok na muog Na walang anu-ano'y bumabagsak.
30:14 "Madudurog kang parang palayok Na ibinagsak nang walang awa; Wala ni pirasong malalagyan ng apoy, Ni maisasalok man ng tubig sa balon.' "
30:15 "Sinabi pa ni Yahweh, ang Banal ng Israel: 'Magbalik-loob kayo at muling magtiwala sa akin At kayo ay lalakas at tatatag.' Ngunit kayo'y tumanggi. "
30:16 Sinabi ninyong makatatakas kayo, Pagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo, Ngunit lalong mabibilis ang sa inyo'y hahabol.
30:17 Sa takot sa isa, sanlibo'y tatakas, Sa takot sa lima'y tatakas ang lahat; Matutulad kayo sa tagdan ng bandila Na naiwan sa taluktok ng burol. ( Ang Pangako sa mga Hinirang )
30:18 Ngunit ang Diyos ay naghihintay Upang tulungan kayo at kahabagan, Diyos na makatarungan itong si Yahweh, Mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya.
30:19 Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo'y diringgin niya sa inyong pagdaing.
30:20 Kung ipahintulot man ni Yahweh na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo.
30:21 Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kaalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.
30:22 "Tatalikdan na ninyo ang mga diyus-diyusang pilak at ginto; itatapon ninyo ang mga iyon at sasabihin: 'Tapos na sa atin ang lahat!' "
30:23 Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay makasusumpong ng malawak na pastulan.
30:24 Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop.
30:25 Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog.
30:26 "Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan.' ( Ang Hatol sa Asiria )"
30:27 Tingnan ninyo, dumarating si Yahweh, Nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap; Ang mga labi niya'y nanginginig sa galit, At ang dila niya'y waring apoy na nag-aalab.
30:28 Magpapadala siya ng malakas na hangin Na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan. Wawasakin nito ang mga bansa At wawakasan ang kanilang masasamang panukala.
30:29 Tulad ng gabi ng pagdiriwang ninyo ng banal na kapistahan, masaya kayong aawit, at sa saliw ng tugtog ng plauta, masayang aahon sa bundok ni Yahweh, ang Bato ng Israel.
30:30 Maririnig ang nakapangingilabot niyang tinig, at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na animo'y apoy na tumutupok at ulap na pumapaimbulog kung may malakas na unos.
30:31 Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria pag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbababala ng pagpaparusa.
30:32 Sa bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng pandereta at alpa.
30:33 Malaon nang nakahanda ang dakong pagsusunugan sa hari, isang dako na maluwang at malalim. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi mauubos ang panggatong dito. Ang hininga ni Yahweh, na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapaalab sa sunugang iyon.
31:1 ( Ipagsasanggalang ng Diyos ang Jerusalem ) Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto At nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo, Nananangan sa dami ng kanilang karwahe, At mga mangangabayo nilang matatapang, Sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh, Ang Banal ng Israel.
31:2 Alam ni Yahweh ang kanyang ginagawa. Nagpapadala siya ng salot. Gagawin niya ang kanyang sinabi. Parurusahan niya ang masasama At ang mga nagtatanggol sa kanila.
31:3 Hindi Diyos ang mga Egipcio; Sila'y mga tao rin, Karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo. Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa, Pati ang mga tinulungan nito. Sila'y pare-parehong mawawasak.
31:4 "Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh: 'Walang makapipigil sa akin Sa pagsasanggalang sa Bundok ng Sion, Kung paanong ang leon ay hindi mapipigil Sa paglapa nito sa kanyang nasila, kahit pa magsisigaw ang mga pastol. "
31:5 "Tulad ng pag-iingat ng ibon sa kanyang inakay Gayon iingatan ni Yahweh ang Jerusalem. Ililigtas niya ito at ipagsasanggalang, Hindi niya pababayaan.' "
31:6 "Sinabi ng Diyos, 'Israel, magbalik-loob ka sa akin, Labis-labis na ang ginawa mong paghihimagsik. "
31:7 Pagdating ng araw na iyon, itatakwil ng bawat isa Ang kanyang diyus-diyusang ginto at pilak Na siya rin ang gumawa.
31:8 '"Ang bansang Asiria'y malulupig sa digmaan, Ngunit di tao ang magwawasak sa kanya; Siya'y magtatangkang tumakas, Ngunit aalipinin ang kanyang mga kabataan. "
31:9 "Sa laki ng takot, tatakas ang kanyang emperador, At iiwan ng mga pinuno ang kanilang bandila.' Ito ang sabi ni Yahweh, Ang Diyos na sinasamba At hinahandugan sa Jerusalem."
32:1 ( Ang Matuwid na Hari ) Tandaan ninyo ito: May haring mamamahala nang matuwid, At mga prinsipeng magpapairal ng katarungan.
32:2 Bawat isa'y magsisilbing kanlungan sa malakas na hangin at nagngangalit na bagyo; Ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain, Parang malaking batong Kublihan sa ilang na dako!
32:3 Tutugunin nila ang pangangailangan ng mga mamamayan.
32:4 Magiging matiyaga na sila, Maunawain sa bawat kilos, At tapat sa bawat pangungusap.
32:5 Ang mga mangmang ay di na dadakilain Ni sasabihing tapat ang mga sinungaling.
32:6 Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan, At pawang kasamaan ang kanyang iniisip; Ang ginagawa niya't sinasabi Ay paglapastangan sa Diyos. Kahit minsa'y hindi siya nagpakain ng nagugutom at nagpainom ng nauuhaw.
32:7 Ang taong tuso ay masama pati kanyang gawain; Ipinapahamak ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan, At ginagawan ng paraan para hindi nila pakinabangan ang kanilang karapatan.
32:8 Ngunit ang taong marangal ay may magandang adhika, At may mabuting hangarin sa kanyang kapwa. ( Paghatol at Pagpapanumbalik )
32:9 Kayo, mga babaing pabaya, Dinggin ninyo itong aking sasabihin:
32:10 Maaaring nasisiyahan kayo ngayon, Subalit sa isang taon ay wala kayong mapipitas sa ubasan.
32:11 Matagal na kayong nagpapabaya, Nagpapasarap sa buhay, Ngayo'y manginig na kayo sa takot, Maghubad na kayo ng inyong kasuutan, At magdamit ng sako.
32:12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan Pagkat wasak na ang magandang bukirin At mabunga ninyong ubasan.
32:13 Ang lupain ay tinubuan na ng tinik at siit. Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan, At lunsod na dati'y puno ng buhay.
32:14 Pati ang palasyo ay pababayaan At ang punong-lunsod ay mawawalan ng tao. Ang mga tahanan at toreng-bantayan ay guguho, Ang lupain ay magiging tirahan ng mga ilap na asno At pastulan ng mga tupa.
32:15 Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang Espiritu. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupa At ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
32:16 Ang katuwiran at katarunga'y maghahari sa lupain
32:17 Pagkat pawang katuwiran ang gagawin ng bawat isa Kaya iiral ang katahimikan at kapanatagan magpakailanman.
32:18 Ang bayan ng Diyos ay malalayo sa kabalisahan At mamumuhay nang tiwasay.
32:19 (Ngunit sa kagubatan ay uulan ng yelo At ang lunsod ay mawawasak.)
32:20 Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim At malawak na pastulan ng mga kawan.
33:1 ( Si Yahweh ang Magliligtas ) Mapapahamak ang mga kaaway! Sila'y nanloob at nagtaksil bagaman hindi ginawa ito sa kanila. Ngunit nabibilang na ang masasaya nilang araw. Sila ma'y lolooban at pagtataksilan.
33:2 Kahabagan mo kami, Yahweh, Kami'y maghihintay; Ingatan mo kami araw-araw At ilayo sa kaguluhan.
33:3 Pag ikaw ay nasa panig namin Tumatakas ang mga kaaway.
33:4 Ang kayamanan nila'y nalilimas, Parang pananim na dinaanan ng balang.
33:5 Dakila si Yahweh! Ang trono niya'y ang kalangitan, Paghahariin niya sa Sion Ang katuwiran at ang katarungan.
33:6 Siya ang magpapatatag sa bansa, Iniingatan niya ang kanyang bayan, At binibigyan ng karunungan at kaalaman; Ang pangunahing yaman nila ay ang paggalang kay Yahweh.
33:7 Ang matatapang ay napasasaklolo, Ang mga sugong-pangkapayapaan ay naghihinagpis.
33:8 Mapanganib na ang maglakbay sa lansangan Wala nang kasunduang pinahahalagahan, Wala na ring taong iginagalang.
33:9 Ang tigang na lupa'y waring nagluluksa, Ang kagubatan ng Libano'y parang dahong nalalanta; Naging ilang na ang magandang lupain ng Saron; Gayon din ang Carmelo at Basan.
33:10 '"Kikilos ako ngayon,' ang sabi ni Yahweh sa mga bansa, 'At ipakikita ko ang aking kapangyarihan.' "
33:11 Walang kabuluhan ang mga panukala ninyo, At ang mga gawa ninyo ay walang halaga; Dahil sa matindi kong poot Tutupukin kayo ng aking espiritu.
33:12 Madudurog kayong tulad ng mga batong sinunog para gawing apog, At magiging abo, na parang siit na sinigan.
33:13 Sa lahat ng lugar ang ginawa ko ay ibabalita At kikilanlin ng lahat ang aking kapangyarihan.
33:14 "Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Sion. Sabi nila, 'Parang apoy na hindi namamatay Ang parusang igagawad ng Diyos. Sino ang makatatagal sa init niyon? "
33:15 Ngunit maliligtas kayo kung ang sinasabi ninyo't ginagawa ay tama. Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan Para linlangin ang mahirap, Huwag kayong tatanggap ng suhol. Huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao O sa gumagawa ng kalikuan.
33:16 Sa gayon, magiging ligtas kayo, Parang nasa loob ng matibay na muog. Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin. ( Ang Maningning na Kinabukasan )
33:17 Muling magkakaroon ng isang hari Na mamamahala sa isang malawak na lupain.
33:18 Mawawala na ang mga kinatatakutan mong Mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis.
33:19 Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan Na hindi mo maintindihan ang sinasabi.
33:20 Masdan mo ang Sion, Ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan! Masdan mo rin ang Jerusalem, Mapayapang lugar, magandang panahanan, Ito'y parang matatag na tolda, Ang mga tulos ay malalim na nakabaon At ang mga lubid ay hindi na kakalagin.
33:21 Ang kaningningan ni Yahweh ay ihahayag sa atin. Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis Na walang makapapasok na sasakyan ng mga kaaway.
33:22 Pagkat si Yahweh ang ating Hukom, Siya ang mamamahala, Siya rin ang Haring sa ati'y magliligtas.
33:23 Ngayon, tulad mo'y mahinang barko, Di mapigil ang palo ni mailadlad ang mga layag. Ngunit pagdating ng panahong iyon, Maraming masasamsam sa mga kaaway, Anupat pati mga pilay ay bibigyan ng kaparte.
33:24 At wala nang daraing doon na maysakit siya; Sila'y patatawarin sa kanilang pagkakasala.
34:1 ( Parurusahan ng Diyos ang Kanyang mga Kaaway ) Lumapit kayo mga bansa, mga lahi at mga bayan! Unawain ninyo ito, kayong lahat ng narito sa daigdig.
34:2 Pagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa, Matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo; Sila'y itinakwil na at itinakdang lipulin.
34:3 Hindi ililibing ang mga bangkay Anupat ang mga ito'y aalingasaw, At ang mga bundok ay babaha sa dugo,
34:4 Ang araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog At ang kalangita'y mababalumbong parang banig. Ang mga buntala ay malalaglag, Parang dahon ng igos sa panahon ng taglagas.
34:5 Si Yahweh ay naghanda ng tabak sa langit Upang gamitin laban sa Edom, Sa bayang itinakda niyang lipulin.
34:6 Ang tabak ni Yahweh ay puno ng dugo at taba Parang dugo at taba ng kambing at tupang panghandog. Sapagkat siya'y maghahandog sa Bosra, Marami siyang pupuksain sa Edom.
34:7 Sila'y mabubuwal na parang mailap na toro at mga bulo, Matitigmak ng dugo at mapupuno ng taba ang lupain.
34:8 Sapagkat ito ang araw ng pagliligtas sa Sion, At paglupig sa kanyang mga kaaway.
34:9 Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran, Magiging asupre ang kanyang lupa, Ang buong bansa ay masusunog na tila alkitran.
34:10 Araw-gabi'y hindi ito mamamatay, At patuloy ang usok na paiilanlang; Habang panaho'y di ito pakikinabangan, At wala nang magdaraan doon kahit kailan.
34:11 Ang mananahan dito'y mga uwak at mga kuwago. Ang lupaing ito'y lubusang sasalantain ni Yahweh, At iiwang nakatiwangwang magpakailanman.
34:12 Doo'y wala nang magiging hari At mawawala na rin ang mga pinuno.
34:13 Tutubuan ng dawag ang mga palasyo At mga nakukutaang bayan, Ito ay titirahan ng mga asong-gubat At pamumugaran ng mga avestrus.
34:14 Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga lobo, Tatawagin ng mga satiro{ a} ang kanyang kapwa; Doon bababa ang panggabing ibon, Upang magpahinga.
34:15 Doon magpupugad ang mga kuwago, Mangingitlog at mamimisa; Doon din mananahan ang pares-pares na ibong mandaragit.
34:16 Sa aklat ni Yahweh, hanapin ninyo at basahin, At wala isa man sa kanila na mawawala; Bawat isa'y may kaparis, Pagkat ito'y utos ni Yahweh, At siya ang kukupkop sa kanila.
34:17 Si Yahweh na rin ang nagtakda ng kanilang titirahan, At nagbigay ng kani-kanilang lugar; Doon na sila titira magpakailanman.
35:1 ( Ang Landas ng Kabanalan ) Ang ulilang lupaing malaon nang tigang Ay muling sasaya, Mananariwa at mamumulaklak ang ilang.
35:2 Ang dating ilang ay aawit sa tuwa, Ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Libano At mamumunga nang sagana, tulad ng Carmelo at Saron, Mamamasdan ng lahat ang kaningningan At kapangyarihan ni Yahweh.
35:3 Inyong palakasin ang mahinang kamay, At patatagin ang mga tuhod na lupaypay,
35:4 "Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: 'Huwag kang matakot, Laksan mo ang iyong loob, Darating na ang Panginoong Diyos, At ililigtas ka sa mga kaaway.' "
35:5 Ang mga bulag ay makakikita, At makaririnig ang mga bingi;
35:6 Katulad ng usa, ang pilay lulundag, Aawit sa galak ang mga pipi. Mula sa gubat ay bubukal ang tubig At ang mga batis dadaloy sa ilang;
35:7 Ang umuusok na buhanginan ay magiging isang lawa, Sa tigang na lupa ay babalong ang tubig. Ang dating tirahan ng mga asong-gubat, Ay tutubuan ng tambo at talahib.
35:8 Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan, Na tatawaging Landas ng Kabanalan. Ang mga makasalanan at mga hangal, Sa landas na ito ay di makararaan.
35:9 Walang leon o mabangis na hayop Na makalalapit doon; Ito'y para lamang sa mga tinubos.
35:10 Ang mga tinubos ni Yahweh ay babalik sa Jerusalem, Masiglang umaawit ng pagpupuri. Paghaharian sila ng kaligayahan. Lungkot at dalamhati ay mapapalitan Ng tuwa at galak magpakailanman.
36:1 ( Ang Babala ng Asiria sa Juda ) Nang ikalabing-apat na taon ng paghahari ni Ezequias sa Juda, sinalakay ni Haring Senaquerib ng Asiria ang mga nakukutaang lunsod ng Juda, at nasakop niyang lahat.
36:2 Nang siya'y nasa Laquis, inutusan niya sa Jerusalem ang kanyang punong ministro, kasama ang isang malaking hukbo upang pasukuin si Haring Ezequias. Ang punong ministro ay hindi agad pumasok ng lunsod kundi naghintay muna sa may padaluyan ng tubig sa daang papasok sa Parang ng Magkukula.
36:3 Doon sila pinuntahan ni Eliaquim na anak ni Helcias at punong katiwala sa palasyo. Kasama niya ang kalihim na si Sebna, at ang tagatala na si Joah na anak ni Asaf.
36:4 "Pagkakita sa kanila'y sinabi ng ministro, 'Magbalik kayo kay Ezequias at sabihin ninyo ang ipinatatanong na ito ng hari ng Asiria: 'Ano ang ipinagmamalaki mo?"
36:5 Akala mo ba'y sapat na ang salita laban sa isang makapangyarihang hukbo? Ano ang ipinangangahas mo sa paglaban sa akin?
36:6 Ang Egipto? Para kang gumamit ng tungkod na tambo---mababali lamang at masusugatan pa ang iyong kamay. Iyan ang sasapitin ng sinumang magtiwala sa Faraon.
36:7 Kung sasabihin mo namang sa Diyos ninyong si Yahweh kayo aasa, hindi ba ang mga dambana niya sa burol ang ipinaalis ni Ezequias? Hindi ba't ang utos niya sa mga taga-Jerusalem at Juda ay sa Templo lamang sa Jerusalem sila sasamba?
36:8 Ngayon, kung talagang gusto mong subukin ang aming hari, bibigyan kita ng 2,000 kabayo kung may pasasakayin ka sa mga ito.
36:9 Paano ka makalalaban kahit sa isang maliit na pangkat ng aming hukbo, samantalang sa Egipto ka lamang umaasa ng kailangan mong karwahe at kabayo?
36:10 "Akala mo ba'y sasalakayin ko at wawasakin ang lupaing ito nang walang pahintulot si Yahweh? Siya mismo ang may utos sa akin na salakayin ko ito at wasakin.'' "
36:11 "Nakiusap sina Eliaquim, Sebna at Joah sa punong ministro ng Asiria. Ang sabi nila, 'Baka po naman maaaring sa wikang Aramaico na tayo mag-usap sapagkat marunong naman kami ng salitang iyan. Huwag na po ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo ng naririnig ng mga nasa kuta.'"
36:12 "Ngunit sinagot sila ng ministro, 'Bakit, ano ba ang akala ninyo? Sinugo ba ako ng panginoon ko upang kayo lamang ng inyong hari ang balitaan nito? Dapat ding malaman ito ng mga tao sa kuta na tulad ninyo'y dumi rin ang kakanin at ihi ang iinumin.' "
36:13 "Kaya lalong inilakas ng ministro ang kanyang pagsasalita sa wikang Hebreo: 'Pakinggan ninyo ang ipinasasabi ng hari ng Asiria."
36:14 Huwag kayong paloloko kay Ezequias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas.
36:15 Huwag kayong maniniwala sa sinasabi niyang ililigtas kayo ni Yahweh, sapagkat ang lunsod na ito'y tiyak na masasakop ng hari ng Asiria.
36:16 Huwag kayong makinig sa kanya; ang dinggin ninyo'y ang sinabi ng hari ng Asiria. 'Makipagkasundo kayo sa akin at sumuko na! Sa gayon, magiging matiwasay kayo. Kung gagawin ninyo ito, kayo ang kakain ng bunga ng inyong ubasan at igos, at ang tinipon ninyong tubig ay kayo rin ang iinom.
36:17 Pagkatapos, darating ako upang dalhin kayo sa lupaing tulad nito, sagana sa pagkain at inumin.
36:18 Huwag kayong maniwala sa sinasabi sa inyo ni Ezequias na ililigtas kayo ni Yahweh. Walang diyos na nakapagligtas sa kanila sa kamay ng hari ng Asiria.
36:19 Gaya ng mga diyos sa Hamat at Arpad, nailigtas ba ang mga tagaroon? At ang mga diyos sa Sefarvaim, nailigtas ba nila ang Samaria sa aking mga kamay?
36:20 "Kung ang mga diyos na iyon ay walang nagawa upang ipagtanggol ang kanilang bansa, gaano pa ang inyong si Yahweh? Hindi rin maililigtas nito ang Jerusalem sa aking mga kamay.'' "
36:21 Walang umimik isa man sa kanila gaputok man pagkat ang utos ng hari ay huwag silang sasagot.
36:22 Bunga nito'y hinapak nina Eliaquim, Sebna at Joah ang kanilang mga damit, at sama-samang nagbalik kay Ezequias, at iniulat ang lahat ng sinabi ng punong ministro.
37:1 ( Sumangguni si Ezequias kay Propeta Isaias ) Nang marinig ni Ezequias ang kanilang ulat, hinapak din niya ang kanyang kasuutan. Nagsuot siya ng damit na sako at pumasok sa Templo.
37:2 Tinawag niya si Eliaquim, ang katiwala sa palasyo, at sinugo kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang saserdote. Lahat sila'y nakasuot ng damit na sako.
37:3 "Ito ang ipinasabi niya kay Isaias: 'Ang araw na ito'y dapat ikalungkot, ikagalit at ikahiya. Para tayong batang dapat nang isilang, ngunit ang ina'y walang sapat na lakas upang magluwal."
37:4 "Marahil narinig ni Yahweh ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buhay. Marahil ay parurusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang nalalabi pa sa bayan ng Diyos.' "
37:5 Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ng hari,
37:6 "sumagot siya, 'Sabihin ninyo sa inyong panginoon na ganito ang ipinasasabi ni Yahweh: 'Huwag kayong matatakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria."
37:7 "Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at gigiyagisin siya ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa sariling bayan siya mamamatay sa tabak.'' "
37:8 Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala na roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna.
37:9 Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia upang sila'y salakayin. Kaya't nagpasugo uli siya kay Haring Ezequias
37:10 "upang sabihin dito: 'Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem."
37:11 Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya!
37:12 Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telassar. Nailigtas ba nila ang mga ito?
37:13 "At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva? Wala, wala rin silang nagawa.' "
37:14 Kinuha ni Ezequias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Iniharap niya ito kay Yahweh,
37:15 at siya'y nanalangin.
37:16 '"Makapangyarihang Yahweh, Diyos ng Israel, lumalang ng langit at lupa. Ang iyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Ikaw lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa."
37:17 Masdan mo ang aming kalagayan, at lingapin mo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa iyo, ikaw na buhay na Diyos.
37:18 O Yahweh, tunay nga na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa.
37:19 Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy na gawa lamang ng mga tao.
37:20 "Kaya iligtas mo kami sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, Yahweh, ang tunay na Diyos.' ( Ang Mensahe ni Isaias sa Haring Ezequias )"
37:21 "Pagkatapos, tumanggap si Ezequias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: 'Dininig ni Yahweh ang iyong dalangin laban kay Senaquerib,"
37:22 "at ito ang kanyang tugon: 'Kinamuhian ka ng anak na dalaga ng Sion, Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem. "
37:23 'Sino sa akala mo ang iyong inuyam at inaglahi? Nilapastangan mo ako, Ang kabanal-banalang Diyos ng Israel!
37:24 Naging palalo ka sa pamamagitan ng iyong mga sugo, Ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe, Naakyat ko ang taluktok ng mga bundok, Naabot ko rin pati ang Libano. Pinutol ko ang mga piling puno ng sipres At nagtataasang puno ng sedro. Ang kataasang dako at pusod ng gubat ay naaabot kong lahat.
37:25 "Humukay ako ng maraming balon sa ibang lupain, At uminom ako ng tubig ng mga iyon. Ang mga ilog at batis sa Egipto, Matapakan ko lamang ay pawang natutuyo.'' "
37:26 '"Dapat mong malaman na noon pang una Ang bagay na ito ay binalangkas ko na; At ngayo'y pawang natutupad. Itinakda kong ikaw ang magwawasak Ng maraming lunsod na nakukutaan. "
37:27 Mga mamamaya'y nawalan ng lakas, Nanginig sa takot at napahiya, Tulad ng halaman sa gitna ng parang, Mga murang daho'y nalanta sa araw; Katulad ay damo sa bubong ng bahay, Di pa pinuputol tuyo na sa tangkay.
37:28 'Lahat mong gawain ay nababatid ko, Di lingid sa akin anumang balak mo.
37:29 Dahil sa galit mo't paglaban sa akin At paghahambog mong hindi nalilihim, Kaya ang ilong mo'y kakawitin ko At ang bibig mo'y lalagyan ng bokado At ibabalik ka sa pinanggalingan mo.'
37:30 '"Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taong ito, ang kakanin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakanin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang ibubunga nito ang inyong kakanin."
37:31 Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at darami,
37:32 sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Sion. Mangyayari ito dahil sa kapangyarihan ng Diyos.
37:33 '"Kaya't ito ang pasiya ng Diyos tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makalalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay di niya magagamit laban dito. Hindi siya makalalapit na may sandata o makapagtatayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin."
37:34 Kung saan siya nagdaang paparito, doon din siya daraang pabalik. Hindi na siya makapapasok sa lunsod na ito. Ganito ang sinasabi ni Yahweh:
37:35 "'Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito sapagkat iyon ang pasiya ko alang-alang kay David.'' "
37:36 Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang 185,000 kawal na taga-Asiria. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay.
37:37 Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Ninive.
37:38 Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyusan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon.
38:1 ( Nagkasakit si Ezequias ) "Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Ezequias, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh: 'Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling.'"
38:2 Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin!
38:3 '"O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.' Pagkatapos, nanangis siya nang malakas."
38:4 Nagsalita uli si Yahweh kay Isaias.
38:5 "Wika sa kanya, 'Sabihin mo kay Ezequias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: 'Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya labinlimang taon ka pang mabubuhay."
38:6 "Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi maaano, pagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.'' "
38:21 Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Ezequias; gumaling naman ito.
38:22 "At itinanong ni Ezequias, 'Ano ang magiging palatandaan na ako'y maaari nang umakyat sa Templo?' "
38:7 '"Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutupdin niya ang kanyang pangako."
38:8 "Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Acaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.' At gayon nga ang nangyari."
38:9 Ito ang awit na sinulat ni Haring Ezequias ng Juda, matapos siyang gumaling:
38:10 '"Minsa'y nasabi kong Sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw! Sa daigdig ng patay Ako masasadlak, upang manatili roong walang hanggan. "
38:11 At nasabi ko ring di na makikita Itong si Yahweh at sinumang nabubuhay.
38:12 Katulad ng toldang tirahan ng pastol, Inalis sa akin ang aking tahanan. Ang abang buhay ko'y Pinuputol mo na tulad ng tela sa isang habihan; Ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
38:13 Ako'y lumuluha Sa buong magdamag, hindi makatulog, Parang nilalansag Ng leon ang aking buto sa katawan, Ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay.
38:14 Tumataghoy ako dahilan sa hirap, Animo ay kalapati na nakahahabag; Ang mga mata ko ay pagod na rin Dahil sa pagtitig diyan sa itaas. Yahweh, sa kahirapang ito ako'y iligtas.
38:15 Ano pa ang aking masasabi. Ang may gawa nito ay ikaw, Yahweh. Masakit ang aking kalooban, Hindi ako makatulog.
38:16 O Yahweh, Ang mga nilikha ay nabubuhay dahilan sa iyo, Ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo.
38:17 Ang hirap na ito'y Aking nababatid, na tanging ako rin ang makikinabang; Iyong iniligtas Ang buhay na ito, di mo binayaang mabulid sa hukay, Pinatawad mo ako, sa aking mga kasalanan.
38:18 Ang patay ay hindi makapagpupuri sa iyo, Ni makaaasa sa iyong katapatan.
38:19 Mga buhay lamang ang makapagpupuri sa iyo, Tulad ng ginagawa ko ngayon, Tulad din ng ama Na sa mga anak ang ituturo ay ang katapatan.
38:20 "Ang tagapagligtas ko Ay si Yahweh; kaya sa saliw ng tugtog Ay ating awitan, Sa banal na Templo, Tayo ay umawit habang nabubuhay.'{ a}"
39:1 ( Mga Sugo Mula sa Babilonia ) Nabalitaan ni Haring Merodacbaladan ng Babilonia at anak ni Baladan na si Ezequias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang liham at alaala.
39:2 Labis itong ikinagalak ng hari, at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang kanyang tinagong ginto, pilak, mga pabango, mamahaling langis, at mga sandata. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo.
39:3 "Nang mapansin ito ni Isaias, tinanong niya ang Haring Ezequias, 'Saan ba buhat ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa inyo?' Sumagot ang hari, 'Malayong bansa ang pinanggalingan nila; buhat pa sila sa Babilonia.'"
39:4 "Nagtanong na muli si Isaias, 'Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?' Sinabi ng hari, 'Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.' "
39:5 "Dahil dito'y sinabi ni Isaias, 'Pakinggan ninyo ang ipinasasabi ng Makapangyarihang Diyos:"
39:6 'Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhing samsam sa Babilonia; walang matitira,' iyan ang sabi ni Yahweh.
39:7 "Pati ang iyong supling na ipanganganak pa ay dadalhin ding bihag at gagawin nilang bating sa palasyo.'"
39:8 '"Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,' tugon ni Ezequias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magiging mapayapa at matatag ang kanyang buhay."
40:1 ( Mga Pananalita ng Pag-asa ) '"Aliwin ninyo ang aking bayan,' sabi ng Diyos. 'Aliwin ninyo sila.' "
40:2 Inyong ibalita sa bayang Jerusalem, Na hinango ko na sila sa pagkaalipin; Pagkat nagbayad na sila nang ibayo Sa pagkakasalang ginawa sa akin.
40:3 "May tinig na sumisigaw: 'Ipaghanda si Yahweh ng daan sa ilang; Isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos. "
40:4 Tambakan ang mga lambak, Patagin ang mga burol at bundok At pantayin ang mga baku-bakong daan.
40:5 "Mahahayag ang kaningningan ni Yahweh At makikita ng lahat. Siya mismo ang nagsabi nito.' "
40:6 '"Magpahayag ka,' ang sabi ng tinig. 'Ano ang ipahahayag ko?' tanong ko. Sumagot siya, 'Ipahayag mong ang tao ay tulad ng damo, Ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang. "
40:7 Nalalanta ang damo At ang mga bulaklak ay kumukupas, Kung sila'y mahipan ng hangin. Ang tao nga ay tulad lamang ng damo.
40:8 "Oo, ang damo'y nalalanta, At kumukupas ang mga bulaklak, Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi lilipas.' "
40:9 "At ikaw, O Jerusalem, Mabuting balita ay iyong ihayag, Ikaw, Sion, Umakyat ka sa tuktok ng bundok. Ikaw ay sumigaw, huwag kang masisindak, Sabihin sa Juda, 'Narito ang iyong Diyos!' "
40:10 Dumarating si Yahweh na Makapangyarihan Taglay ang gantimpala sa mga hinirang;
40:11 At tulad ng pastol, Yaong kawan niya ay kakalingain, Sa sariling bisig Yaong mga tupa'y kanyang titipunin; Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, At papatnubayan ang tupang may supling.
40:12 Sino ang sumukat Ng tubig sa dagat sa kanyang palad? Sino ang makasusukat Sa lawak ng kalangitan? Sinong makapaglalagay Ng lahat ng lupa sa isang sisidlan? Sa bundok at burol Ay sino kaya ang makatitimbang?
40:13 Sino ang makapagsasabi Ng dapat gawin ni Yahweh? May makapagtuturo ba O makapagpapayo sa kanya?
40:14 At sino ang kanyang sinangguni Para malaman Ang dapat gawin sa alinmang bagay?
40:15 Di ba ninyo alam, Sa harap ni Yahweh ang alinmang bansa Ay walang kabuluhan? Tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan Ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang.
40:16 Ang lahat ng hayop sa gubat ng Libano Ay kulang pang panghandog, At sapat na panggatong Ang lahat ng kahoy sa bundok na ito.
40:17 Sa kanyang harapan, Ay walang halaga ang lahat ng bansa.
40:18 Saan ninyo ihahambing ang Diyos At sa anong anyo siya iwawangis?
40:19 Siya ba'y hindi maitutulad Sa mga imaheng ginawa ng tao, Binalutan ng ginto, At ipinatong sa pedestal na pilak?
40:20 Hindi rin siya maitutulad sa rebultong kahoy Matigas na kahoy na hindi binubukbok, Na siya lang nakayanan ng mahihirap.
40:21 Di ba ninyo batid, Sa mula't mula ba'y Walang nagbalita sa inyong sinuman Kung paano nilalang Itong daigdigan?
40:22 Ang lumikha nito ay ang Diyos Na nakaluklok sa kanyang trono doon sa kalangitan, Mula roon ang tingin sa tao'y tulad lang ng langgam. Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina, Tulad ng tolda Na inilaladlad upang matirahan.
40:23 Ang mga pinuno'y Iniaalis niya sa kapangyarihan At ginagawang walang kabuluhan.
40:24 Tulad nila'y mga halamang Walang ugat, bagong tanim Agad natutuyo At tila dayaming tinatangay ng hangin.
40:25 Saan ninyo ngayon ipaparis ang Diyos? Siya'y kanino itutulad?
40:26 Tumingin kayo sa sangkalangitan, Sino ba ang lumikha ng mga bituin, Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos At isa-isang tumatawag sa kanilang pangalan? Dahil sa kanyang kapangyarihan, Isa ma'y wala siyang nakaligtaan.
40:27 Israel, bakit ikaw ay nagrereklamo Na tila di alintana ni Yahweh Ang kabalisahan mo, At tila di pansin ang iyong kaapihan?
40:28 Di ba ninyo alam, di ba ninyo talos, Na itong si Yahweh ang walang hanggang Diyos? Siya ang lumikha ng buong daigdig, Hindi siya napapagod; Sa isipan niya'y walang makatatarok.
40:29 Ang mga mahina't napapagal ay pinalalakas.
40:30 Kahit kabataan Ay napapagod at nanlulupaypay.
40:31 Ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh Ay magpapanibagong sigla. Ang lakas nila'y matutulad Sa walang pagod na pakpak ng agila. Sila'y tatakbo nang tatakbo Ngunit di manghihina, Lalakad nang lalakad Ngunit hindi mapapagod.
41:1 ( Ang Pangako ng Diyos sa Israel ) "Sinabi ng Diyos, 'Manahimik kayo at makinig, Mga bansa sa malayo; Humanda kayo at Dalhin sa hukuman ang inyong usapin. Doon ang panig ninyo ay pakikinggan Para malaman kung sino ang may katwiran. "
41:2 '"Sino ang nag-anyaya Sa isang mandirigma mula sa silangan At nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikilaban? Ang mga hari't mga bansa Ay parang alikabok na lumilipad Sa wasiwas ng kanyang tabak At parang dayaming tinatangay ng hanging malakas. "
41:3 Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway Na ang kanyang mga paa'y di halos sumayad sa daan.
41:4 Sinong nasa likod ng lahat ng ito, Sino ang nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan? Akong si Yahweh na naroon na sa simula pa, Akong Panginoong Diyos na naroon din hanggang sa wakas.
41:5 Nasaksihan ito pati ng malalayong bansa Kaya nanginginig sila sa takot, Lumapit sa akin at sumamba.
41:6 Sila-sila ay nagtutulungan at nagpayuhan.
41:7 "Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto: 'Magandang trabaho.' At ang pumupukpok sa mga palihan ay ganito ang sabi sa mga platero: 'Mahusay ang pagkahinang'; Pagkatapos ay ipinako ang idolo sa patungan nito. "
41:8 '"Ngunit ikaw, Israel, na aking lingkod At lahi ni Abraham na aking kaibigan, Ikaw ang bayang aking hinirang. "
41:9 Ikaw ay kinuha ko sa dulo ng daigdig Sa pinakamalayong sulok nito, Sinabi ko sa iyo noon, 'Ikaw ay aking lingkod.' Ikaw ay hinirang ko, hindi itinakwil.
41:10 Ako'y sasainyo, huwag kang matakot, Ako ang iyong Diyos, di ka dapat mangamba kaninuman. Palalakasin kita at tutulungan, Iingatan at ililigtas.
41:11 Lahat ng may galit sa iyo ay mapapahiya, At mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo.
41:12 Hahanapin ninyo ngunit di masusumpungan, Ang kaaway ninyo'y wala nang talaga.
41:13 "Ako si Yahweh na inyong Diyos At siyang nagpapalakas sa inyo, Ako ang may sabing: 'Huwag kayong matatakot at tutulungan ko kayo.'' "
41:14 "Sinabi pa ni Yahweh, 'Israel, mahina ka man at maliit, Huwag kang matakot, Tutulungan kita, Ako, ang Diyos ng Israel, ang magliligtas sa iyo. "
41:15 Gagawin kitang tulad ng panggiik, Bago at matalim ang kanyang ngipin, At ang mga bundok at burol Ay iyong gigiikin At duduruging tila alikabok.
41:16 Itatahip sila, tatangayin ng hangin, Pagdating ng bagyo ay pakakalatin; Magdiriwang dahil sa akin na inyong Diyos, Pupurihin ninyo ako at dadakilain.
41:17 Pag ang aking baya'y Inabot ng matinding uhaw, Na halos matuyo Ang kanilang lalamunan, Akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; Akong Diyos ng Israel ay di magpapabaya.
41:18 Sa tigang na burol Ay magkakailog, Sa gitna ng lambak Masaganang tubig ay bubukal; Aking gagawin Na ang disyerto ay maging tubigan; Sa tuyong lupain Ay may mga batis na masusumpungan.
41:19 Ang mga disyerto'y Pupunuin ko ng akasya't sedro, Kahoy na olibo at saka ng mirto; Kahoy na sipre, alerses at olmo.
41:20 At kung magkagayon, Makikita nila at mauunawa, Na ang nagbalangkas at lumikha nito Ay si Yahweh, ang Banal ng Israel. ( Ang Hamon sa Diyus-diyusan )
41:21 "Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: 'Kayo ay lumapit, mga diyus-diyusan, Ang panig ninyo ay ipaglaban. "
41:22 Lumapit kayo at inyong hulaan Ang mangyayari sa kinabukasan. Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman, Upang pagpakuan ng aming isipan, Ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan.
41:23 Maniniwala na kaming kayo nga ay diyos Kapag ang darating inyong nahulaan. Kayo'y magpakita Ng gawang mabuti, o kahit masama, Nang kami'y matakot o kaya'y humanga.
41:24 Kayo at ang inyong gawa'y Walang kabuluhan, At ang sumasamba sa inyo Ay kasuklam-suklam.
41:25 May pinili ako Mula sa silangan, At mula sa hilaga'y Aking pinasasalakay. Yaong mga hari Animo ay lupang kanyang yuyurakan, Tulad ng pagmasa Sa luwad na ginagawang palayok.
41:26 Mula sa simula Sino ang nakahula na ito'y mangyayari Para masabi naming Siya ay tama. Isa man sa inyo'y Walang sinabing anuman tungkol dito.
41:27 "Akong si Yahweh ang unang Nagbalita nito sa Jerusalem Nang ipasabi ko sa aking sugo ang ganito: 'Ang aking bayan ay uuwi na.' "
41:28 Nang ako'y maghanap Walang nasumpungan akong tagapayo, Na handang sumagot Kung saka-sakaling magtatanong ako.
41:29 "Lahat ng diyus-diyusan ay walang kabuluhan Walang magagawang anuman Sila'y sadyang walang kakayahan.'"
42:1 ( Ang Lingkod ni Yahweh ) "Sinabi ni Yahweh, 'Ito ang lingkod ko na aking itataas, Na aking pinili at kinalulugdan; Ibubuhos ko sa kanya Ang aking Espiritu, At sa mga bansa ay Siya ang magpapairal ng katarungan. "
42:2 Mahinahon at banayad kung siya'y magsalita, Ni hindi magtataas ng kanyang tinig.
42:3 Ang marupok na tambo'y hindi babaliin, Ilaw na aandap-andap di n'ya papatayin, At ang katarungan ang paiiralin.
42:4 Di siya mawawalan ng pag-asa Ni masisiraan ng loob, Paghahariin niya ang katarungan sa daigdig Ang mga bansa sa malayo ay buong pananabik Na maghihintay sa kanyang mga turo.
42:5 Ang Diyos ang lumikha't nagladlad ng kalangitan, Lumikha ng lupa At nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig, At ngayon ang Panginoong Diyos Ay nagsabi sa kanyang lingkod,
42:6 '"Akong si Yahweh, tumawag sa iyo, Binigyan kita ng kapangyarihan Upang pairalin ang katarungan sa daigdig. Sa pamamagitan mo ay gagawa ako Ng pakikipagtipan sa lahat ng tao At magdadala ng liwanag sa lahat ng bansa. "
42:7 Ikaw ang magpapadilat sa mga bulag At magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman.
42:8 Akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos, Walang ibang diyos Na maaaring umangkin sa aking kaningningan; Ni makaaagaw sa aking karangalan.
42:9 "Ang mga hula ko ay natupad na, Mga bagong bagay Ang isasaysay ko ngayon Bago pa mangyari.' ( Pagpupuri sa Diyos Dahil sa Pagliligtas )"
42:10 Isang bagong awit Na ukol kay Yahweh ay inyong awitin, Ang buong daigdig sa kanya ay magpuri. Yaong mga tao Na nangaglalayag, ay purihin siya, Purihin siya ng lahat ng nilalang sa karagatan At ang mga bansa Sa baybaying dagat, magpuri sa kanya.
42:11 Kayo ay magdiwang, Kayong nasa ilang, lahat ninyong bayan, Mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang; Kayong taga-Sela, Kayo ay magalak sa pag-aawitan, Kayo ay umakyat Sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw.
42:12 Kayong nasa baybaying dagat, Purihin si Yahweh at parangalan.
42:13 Siya ay lalabas, Parang mandirigma na handang makikibaka, Siya ay sisigaw Bilang hudyat ng pagsalakay; Ang kapangyarihan niya'y Ipakikita sa mga kaaway.
42:14 "Sinabi ng Diyos, 'Mahabang panahong Ako'y nanahimik, Ngayo'y dumating na ang oras para ako kumilos. Ako ay sisigaw, Parang manganganak Na napapasigaw sa tindi ng kirot. "
42:15 Ang mga bundok At burol aking gigibain, Malalanta ang mga damo at dahong-kahoy; Ang mga ilog ay matutuyo at magiging ilang, At ang mga lawa ay matutuyo rin.
42:16 Aakayin ko ang mga bulag, Sa mga lansangang hindi pa nila natatahak; Yaong kadiliman Sa harapan nila'y gagawing liwanag, At papatagin ko ang baku-bakong landas; Ang lahat ng ito'y aking gagawin.
42:17 "Mabibigo at mapapahiya Ang lahat ng kumikilala At nagtitiwala sa mga diyus-diyusan.' ( Bigong Karanasan ng Israel )"
42:18 "Sinabi ni Yahweh, 'Kayong mga bingi, ngayon ay makinig, At ang mga bulag naman ay magmasid! "
42:19 Mayroon bang mas bulag pa kaysa aking lingkod O mas bingi pa sa aking sinugo?
42:20 "Israel, napakarami mo nang nakita Ngunit walang halaga sa iyo. Mayroon kang tainga Ngunit ano ang iyong napakinggan?' "
42:21 Yamang si Yahweh Ay isang Diyos na handang magligtas, Kaya ibinandila niya ang kanyang kautusan at mga aral Upang sundin ng kanyang bayan.
42:22 Ngunit ngayon sila'y nilooban, At ipinasok sa bilangguan; Sa nangyaring ito'y Wala mang nagtanggol, ni walang dumamay.
42:23 Wala pa bang makikinig sa inyo, Hindi pa ba kayo natututo Para makinig na mabuti?
42:24 Sino ang nagtulot Na malooban ang Israel? Hindi ba si Yahweh na ating sinuway? Di natin siya sinunod Bagkus ay nilabag ang kanyang mga utos.
42:25 Kaya ibinunton niya sa Israel Ang kanyang galit, at ipinadama Ang lupit ng digmaan; Ang galit niya'y nag-aalab laban sa Israel, Halos masunog na tayo, Ngunit hindi pa rin natin siya naunawaan.
43:1 ( Si Yahweh ang Tanging Tagapagligtas ) "Israel, Ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh: 'Huwag kang matatakot, ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, Ikaw ay akin. "
43:2 Pag ikaw ay daraan, Sa karagatan, sasamahan kita; Hindi ka madadaig ng mga suliranin. Dumaan ka man sa apoy, Di ka maaano, Hindi ka maibubuwal Ng mabibigat na pagsubok.
43:3 Sapagkat akong si Yahweh ang iyong Diyos, Ang Banal ng Israel na magliligtas sa iyo. Ibinigay ko ang Egipto, Etiopia at Seba para lumaya ka.
43:4 Ibibigay ko ang mga bansa Para lang maligtas ka, Pagkat napakahalaga mo sa akin. Dahil mahal kita, bibigyan kita ng karangalan.
43:5 Huwag kang matatakot, Ako'y kasama mo, Mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran, Ay titipunin ko kayo At ibabalik sa dating tahanan.
43:6 Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga Na huwag kayong hahadlangan. Gayon din ang sasabihin ko sa mga bansa sa timog. Bayaan ninyo na ang aking bayan ay magbalik Mula sa lahat ng sulok ng daigdig.
43:7 "Sila ang aking bayan At akin silang nilalang, Upang ako'y bigyan ng karangalan.' ( Ang Israel ang Saksi ni Yahweh )"
43:8 "Sinabi ni Yahweh, 'Paharapin sa hukuman ang aking bayan. May mga mata sila ngunit di makakita, May tainga ngunit di makarinig. "
43:9 Tawagin ang mga bansa, Para humarap sa paglilitis. Sino sa kanilang diyos Ang makahuhula sa mangyayari? Sino sa kanila ang nakahula Sa nangyayari ngayon? Bayaan silang magharap ng mga saksi Para patunayan ang kanilang sinasabi At palitawing sila ay tama.
43:10 Israel, ikaw ang saksi ko, Hinirang kita upang maging lingkod ko, Upang makilala mo ako At manalig ka sa akin, Walang ibang diyos na una sa akin, Ni mayroon pa mang iba na darating.
43:11 Ako ay si Yahweh, tanging ako lamang Ang Tagapagligtas, wala nang sinuman.
43:12 Ako ang naghayag, Nagligtas at nagbalita, Noon ay wala pa Na kinikilala kayong ibang diyos. Kayo ang saksi ko.
43:13 "Ako ang Diyos, Sa mula't mula pa, Ang nasa kamay ko'y Hindi makukuha ng sinuman; At walang makahahadlang Sa aking ginagawa.' ( Pagtakas Mula sa Babilonia )"
43:14 "Sinasabi pa ni Yahweh, Ang Tagapagligtas, Banal ng Israel: 'Magpapadala ako ng hukbo Sa Babilonia para lumaya ka. Gigibain ko ang kanyang pintuang-daan At ang kasayahan ng mga tagaroon Ay mauuwi sa panangisan. "
43:15 Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal, Hari ng Israel, at sa iyo'y lumalang!
43:16 Iyan ang sinasabi Ni Yahweh, na s'yang gumawa ng landas, Upang may maraanan sa gitna ng dagat.
43:17 "Sa kapangyarihan n'ya Ay kanyang nilupig ang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang mga karwahe'y winasak, Sila'y nangabuwal at di na nakabangon. Parang isang ilaw, Na namatay ang ningas.' "
43:18 "Ito ang sabi niya: 'Ang mga nangyari no'ng unang panahon, Ilibing sa limot, limutin na ngayon. "
43:19 Narito, at masdan Ang nagawa ko'y isang bagong bagay Na hanggang sa ngayo'y di mo namamasdan. Ako'y magbubukas Ng isang landasin sa gitna ng ilang, Maging ang disyerto ay patutubigan.
43:20 Ako'y igagalang Niyong mga hayop na pawang mailap, Gaya ng avestrus at ng asong-gubat; Ang dahilan nito, Sa disyerto ako'y nagpabukal Ng saganang tubig Para may mainom ang aking hinirang.
43:21 "Sila'y nilalang ko At aking hinirang, upang ako'y kanilang papurihan!' ( Ang Kasalanan ng Israel )"
43:22 "Sinabi ni Yahweh, 'Ngunit ikaw, Israel, Ay lumimot sa akin; At ayaw mo akong sambahin. "
43:23 Ngayo'y hindi ka na Nagdadala ng mga tupang panghandog, Di mo na ako pinararangalan Ng iyong mga hain. Hindi kita pinilit na maghandog sa akin O pinahirapan sa pagsusunog ng kamanyang.
43:24 Hindi mo ako ibinili ng kamanyang Ni hinandugan ng taba ng hayop, Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan, Pinabigatan mo ako ng iyong kasamaan.
43:25 Gayunman, ako ang Diyos Na nagpapatawad sa iyong mga kasalanan; Dahil sa pag-ibig, Aking nilimot na ang 'yong pagsalansang.
43:26 Magharap tayo sa hukuman, Patunayan mong ikaw ay may katwiran.
43:27 Nagkasala sa akin ang iyong mga ninuno, Gayon din ang iyong mga pinuno.
43:28 Ang aking templo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno, Kaya pinabayaan kong mawasak Ang lupain at kayo ay hiyain.
44:1 ( Walang Ibang Diyos ) "Sinabi ni Yahweh sa Israel, 'Ikaw na lingkod ko, ako ay pakinggan; Lahi ni Jacob, bayan kong hinirang! "
44:2 Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang, Mula nang isilang ka, ikaw'y aking tinulungan, Huwag kang matatakot, ikaw ang aking hinirang.
44:3 Aking ibubuhos Ang saganang tubig sa tuyong lupain, Sa uhaw na lupa Ay maraming batis ang padadaluyin. Aking Espiritu'y Ibubuhos ko sa 'yong mga supling. At ang mga liping Susunod sa iyo ay pagpapalain.
44:4 Katulad ng damong Sagana sa tubig sila ay sisibol, Tulad ng halaman sa tabi ng batis Na patuloy ang daloy.
44:5 "Isa't isa'y magsasabing Ako ay kay Yahweh, Sila ay darating upang makiisa sa Israel. Itatatak nila sa kanilang bisig Ang pangalan ni Yahweh At sasabihing siya'y kabilang sa bayan ng Diyos.' "
44:6 "Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Hari at Tagapagligtas ng Israel: 'Ako ang simula at siya ring wakas, Walang ibang Diyos maliban sa akin.' "
44:7 Sino ang makagagawa ng mga ginawa ko, Sino ang makapagsasabi sa mga nangyari Mula sa simula hanggang sa wakas?
44:8 "Huwag matakot, bayan ko, Alam mong sa mula't mula pa'y hinuhulaan ko na ang mga mangyayari; Kayo'y mga saksi ng lahat ng ito. Mayroon pa bang Diyos maliban sa akin?' ( Walang Kabuluhang Pagtitiwala )"
44:9 Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto; at walang kabuluhan ang mga diyus-diyusang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya.
44:10 Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin.
44:11 Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang gumagawa nito'y tao lamang, kaya, magsama-sama man sila at ako'y harapin ay matatakot din at mapapahiya.
44:12 Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok ito ng malakas niyang bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod.
44:13 Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang rebulto. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay.
44:14 Maaaring mamili at pumutol ng matitigas na kahoy sa gubat tulad ng sedro, encina at sipres. O maaaring siya ay magtanim ng laurel at ito ang hintaying lumaki sa kadidilig ng ulan.
44:15 Ang kaputol na kahoy na ito ay ginagawang panggatong at ang kaputol ay diyus-diyusan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay-init sa kanya at para paglutuan. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin.
44:16 "Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumakain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: 'Ang sarap ng init!'"
44:17 "Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, 'Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos.' "
44:18 Ang mga taong iyon ay mga mangmang at di inuunawa ang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan.
44:19 Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na pangluto sa tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy.
44:20 Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo. Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi diyos. ( Ang Tagapagligtas ng Israel )
44:21 "Sinabi ni Yahweh, 'Tandaan mo, Israel, Kayo'y mga lingkod ko na aking nilalang; Hindi ko kayo malilimutan. "
44:22 Ang pagkakasala mo'y pinalis ko na, Napawing ulap ang nakakapara; Ikaw'y manumbalik Yamang tinubos na't pinalaya kita.
44:23 Magdiwang kayo, kalangitan, Gayon din ang kalaliman; Umawit kayo, Mga bundok at kagubatan, Pagkat nahayag ang kapangyarihan ni Yahweh Nang iligtas niya ang Israel.
44:24 '"Akong si Yahweh, Na iyong Tagapagligtas, Ang lumikha sa 'yo, Ako ang lumikha ng lahat ng bagay. Ako lamang mag-isa ang nagladlad Nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan. "
44:25 Aking binibigo Ang mga sinungaling na propeta At ang nanghuhula; Ang mga marunong ay ginagawang mangmang, At ang dunong nila'y winawalang saysay.
44:26 Ngunit yaong hula Ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap, At ang mga payo Ng aking mga sugo ay natutupad; Ako ang may sabing Darami ang tao nitong Jerusalem, Ang mga gumuhong lunsod nitong Juda Ay muling itatayo.
44:27 Sa isang salita ko'y Natutuyo ang karagatan.
44:28 "Ang sabi ko kay Ciro, 'Ikaw ang gagawin kong hari. Susundin mo ang lahat ng ipagawa ko sa iyo. Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo, Gayon din ang Templo.''"
45:1 ( Ang Paghirang kay Ciro ) Hinirang ni Yahweh si Ciro para maging hari Upang lupigin ang mga bansa At alisan ng kapangyarihan ang mga hari. Ibubukas ni Yahweh Ang mga pintong-bayan para sa kanya. Sinabi ni Yahweh kay Ciro:
45:2 '"Ako mismo ang maghahanda ng iyong daraanan. Mga bundok doo'y aking papatagin, At sa mga lunsod Mga pintong tanso'y aking wawasakin; Pati kandadong bakal Ay aking tatanggalin. "
45:3 Ibibigay ko sa iyo Yaong nakatagong mga kayamanan at alahas; Sa gayon, malalaman mong Akong si Yahweh Ang tumawag sa iyo.
45:4 Tinawag nga kita Upang tulungan si Israel na lingkod, Ang bayan kong hinirang. Binigyan kita ng malaking karangalan Bagamat di mo ako kilala.
45:5 Ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba; Palalakasin kita, Bagamat ako'y di mo pa kilala.
45:6 Ginawa ko ito Upang ako ay makilala ng buong daigdig, Na makilala nila na ako si Yahweh, Ako lamang ang Diyos at wala nang iba.
45:7 Ako ang lumikha ng dilim at liwanag, Ako ang nagpapadala Ng kaginhawahan at kapahamakan. Akong si Yahweh ang gumagawa ng lahat ng ito. ( Si Yahweh ang Manlilikha )
45:8 '"Padadalhan kita ng Sunud-sunod na tagumpay Parang masinsing patak ng ulan; Dahil dito maghahari sa daigdig Ang kalayaan at katarungan, Akong si Yahweh Ang magsasagawa nito. "
45:9 Ang palayok ba ay makapagrereklamo sa gumawa sa kanya? Maitatanong ba ng luwad sa magpapalayok Kung ano ang ginagawa nito? Masasabi ba ng palayok na hindi sanay ang gumawa sa kanya?
45:10 "May anak bang makapagsasabi Sa kanyang mga magulang na 'Bakit ginawa ninyo akong ganito?' "
45:11 "Ganito ang sabi Ng Diyos na si Yahweh, Banal ng Israel: 'Wala kayong karapatang Magsabi sa akin ng dapat kong gawin sa aking mga anak. "
45:12 Ako ang lumikha ng buong daigdig, Pati mga taong doo'y tumatahan. Maging kalangitan, ako ang nagladlad, Ako ang may kapangyarihan sa araw, buwan at mga bituin.
45:13 "Ako ang tumawag kay Ciro Upang isagawa ang aking layunin At isaayos ang lahat ng bagay, Aking tutuwirin ang kanyang dara'nan; Ang aking lunsod, ang Jerusalem Ay muling itatayo niya At kanyang palalayain ang aking bayan. Walang sinumang bumayad o sumuhol sa kanya Upang ito'y isakatuparan.' Si Yahweh ang nagsabi nito. "
45:14 "Ang sabi ni Yahweh sa Israel, 'Mapapasaiyo ang kayamanan ng Egipto at Etiopia. Magiging alipin mo Ang matatangkad na lalaki ng Seba, Sila'y magiging sunud-sunuran sa iyo. Yuyukuran ka nila at sasabihin: 'Sumasaiyo ang Diyos, siya lamang ang Diyos at wala nang iba pa.'' "
45:15 Ang Diyos ng Israel, Ang Tagapagligtas ng kanyang bayan, Ay mahiwagang hindi kayang unawain.
45:16 Lahat ng gumagawa ng diyus-diyusan Ay hahamakin at mapapahiya.
45:17 Ngunit ang Israel ay iyong ililigtas, Ang tagumpay nila ay sa habang panahon At kailanma'y hindi mapapahiya.
45:18 "Si Yahweh, ang Diyos, ang lumikha ng kalangitan, Siya rin ang lumikha ng daigdig, Ginawa niya itong matatag at ito'y mananatili, Ginawa niya itong isang mainam na tirahan. Siya ang may sabing, 'Akong si Yahweh lamang Ang Diyos at wala nang iba pa. "
45:19 "Lahat ng salita ko'y sinasabi nang hayagan, Isa man sa layunin ko'y hindi inililihim. Hindi ko pinahirapan ang Israel Sa paghanap sa akin. Sinasabi kong lahat ang katotohanan At inihahayag kung ano ang tama.' ( Ang Diyus-diyusan at si Yahweh )"
45:20 "Sinabi ni Yahweh, 'Halikayong lahat na mga natitirang buhay mula sa lahat ng bansa: Kayong mga mangmang Na nagpapasan ng mga idolong kahoy At dumadalangin sa mga diyos Na hindi makapagliligtas. Humarap kayo sa paglilitis. "
45:21 Ipagtanggol ninyo ang inyong panig. Magsanggunian kayo. Sino ang makahuhula ng mga bagay na magaganap? 1Hindi ba akong si Yahweh Ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan? Walang ibang Diyos maliban sa akin.
45:22 Lumapit kayo sa akin At kayo ay maliligtas, Kayong mga tao sa buong daigdig. Walang ibang Diyos maliban sa akin.
45:23 Ako ay tapat sa aking pangako at di magbabago, At tutuparin ko ang aking mga pangako: 'Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan, At mangangakong sila'y magtatapat sa akin!'
45:24 '"Sasabihin nila, Tanging na kay Yahweh Ang kapangyarihan at pagtatagumpay, At mapapahiya sinumang sa kanya'y lalaban. "
45:25 "Ngunit ang lahi Ng bansang Israel ay magtatagumpay, Matatamo nila ang kadakilaan.' "
46:1 Dumating na ang wakas ng mga diyus-diyusan ng Babilonia. Sina Bel at Nebo Na dati'y sinasamba ay ikinarga sa mga asno, Ngayo'y pabigat Sa likod ng mga pagal na hayop.
46:2 Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili. Sila'y parang mga bihag Na dinala sa malayo. Iyan ang wakas ng mga diyus-diyusan ng Babilonia.
46:3 '"Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob, Kayong nalabi sa bayang Israel; Kayo'y inaruga ko mula sa inyong pagsilang. "
46:4 "Ako ang inyong Diyos. Iingatan ko kayo Hanggang sa pumuti ang inyong buhok At kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha ko kaya't tungkulin kong Kayo ay iligtas at laging kalingain.' "
46:5 "Sinabi ni Yahweh, 'Saan ninyo ako itutulad? Mayroon bang makapapantay sa akin? "
46:6 Binuksan nila ang kanilang sisidlan, Ibinuhos ang mga gintong laman, At nagtimbang sila ng pilak. Umupa sila ng panday-ginto at nagpagawa ng diyus-diyusan. Pagkatapos ay niluhuran nila ito at sinamba.
46:7 Pinapasan nila ito Para dalhin sa ibang lugar, Pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan. Mananatili ito roon at hindi makakikilos. Dalanginan man ito'y hindi makasasagot, Ni hindi makatutulong sa panahon ng bagabag.
46:8 '"Ito ang tandaan, mga makasalanan, Ang bagay na ito ay alalahanin ninyo. "
46:9 Dili-dilihin ninyo Ang matagal nang nakaraan. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, At liban sa akin ay wala nang iba.
46:10 Sa simula pa'y hinulaan ko na At aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong ang balak ko'y Tiyak na mangyayari, At gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.
46:11 May tinawag na akong mandirigma sa silangan, Siya ay darating na parang lawin At isasagawa ang lahat kong balak. Ako ang nagsasabi nito At tiyak na matutupad.
46:12 '"Makinig kayo sa akin, Matitigas ang ulo; Kayong hindi naniniwalang Malapit na ang tagumpay. "
46:13 "Di na magtatagal, Igagawad ko na ang pagtatagumpay, Ang pagliligtas ko'y hindi mababalam; Ililigtas ko ang Jerusalem At doon ko bibigyan Ng karangalan ang bayang Israel.'"
47:1 ( Hahatulan ang Babilonia ) "Sinabi ni Yahweh sa Babilonia, 'Bumaba ka na sa iyong trono At sa lupa ka lumupasay. Dati, para kang birhen, Isang lunsod na hindi malupig, Ngunit hindi ka na gayon, At ngayo'y isa nang alipin. "
47:2 Hawakan mo ang batong gilingan At ikaw ay gumiling; Alisin mo na ang iyong belo, At hubarin ang magarang kasuutan, Ililis mo ang iyong saya Sa pagtawid sa batisan.
47:3 "Malalantad sa mga tao ang iyong katawan, Mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan; Sa paghihiganti ko'y Walang makapipigil sa akin.' "
47:4 Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, Siya ang Banal ng Israel. Ang pangalan niya ay Yahweh Na Makapangyarihan sa lahat.
47:5 "Sinabi pa ni Yahweh sa Babilonia, 'Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim, Pagkat ikaw ay hindi na tatawaging Reyna ng mga bansa. "
47:6 Nang ako'y magalit Sa mga lingkod ko, sila'y itinakwil, Aking binayaan Na masakop mo at maging alipin. Di kayo nahabag Sa pagpaparusa ninyong walang turing, Pati matatanda'y Inyong pinagmalupitan.
47:7 Pagkat akala mo'y Mananatili kang reyna habang panahon. Di mo na naisip Na magwawakas ito pagdating ng araw.
47:8 '"Pakinggan mo ito, Ikaw na mahilig sa kalayawan At nag-aakalang ikaw ay ligtas. Ang palagay mo sa sarili'y Kasindakila ka ng Diyos At ang paniwala mo'y wala kang katulad; Inakala mong di ka mababalo At di mo mararanasan ang mamatayan ng anak. "
47:9 Ngunit isang araw, Sa loob lang ng isang saglit Anumang salamangka ang iyong gawin, Mangyayari ang dalawang bagay na ito: Mawawala sa iyo ang asawa mo at ang iyong mga anak!
47:10 '"Panatag ka sa paggawa ng kasamaan; Pagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo, Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, Ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos, Wala nang hihigit pa sa iyo. "
47:11 Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan At walang makahahadlang Kahit ang nalalaman mo sa salamangka; Biglang darating sa iyo ang pagkawasak Na di mo akalaing mangyayari.
47:12 '"Itago mo na lang Ang salamangkang alam mo mula sa kabataan, Baka sakaling pakinabangan Bilang panakot sa iyong kaaway. "
47:13 Wala kang magagawa Sa kabila ng marami nang payo sa iyo, Patulong ka man Sa inaasahan mong mga astrologo, Sa mga taong humuhula Sa mangyayari bukas Batay sa kalagayan Ng kalangitan at mga bituin.
47:14 '"Sila'y parang dayaming masusunog, Ni ang sarili'y di maililigtas Sa alab ng apoy, Pagkat ito'y di karaniwang init Na pampaalis ng ginaw. "
47:15 "Walang maitutulong sa iyo ang mga salamangkero Na hinihingan mo ng payo Sa buong buhay mo.'"
48:1 ( Pahayag sa mga Bagay na Darating ) Dinggin mo ito, O bayang Israel, Kayong nagmula sa lipi ni Juda, Sumumpa kayong maglilingkod kay Yahweh Ngunit iyon pala'y pakunwari lamang.
48:2 Ipinagmamalaki ninyong kayo'y Taga-banal na lunsod At ang Diyos na kinikilala ninyo'y Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
48:3 "Sinabi ni Yahweh sa Israel, 'Noong una pa'y hinulaan ko na Kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay bigla ko itong pinangyari. "
48:4 Aking nababatid Na matigas ang inyong ulo, Bakal ang kapara.
48:5 Kaya noon pa Hinulaan ko na ang mangyayari sa iyo Upang kung maganap na'y Huwag ninyong isipin Na ang mga rebulto ang may gawa nito.
48:6 '"Lahat ng hula ko ay pawang natupad Inyo nang kilalanin ang katotohanan nito Ngayo'y may ihahayag akong bago Mga bagay na hindi ko inihayag noong una. "
48:7 Ngayon ko pa lang ito pangyayarihin Wala pang pangyayaring katulad nito Para hindi n'yo masabing Ito'y alam n'yo na.
48:8 Alam kong hindi kayo mapagtitiwalaan Pagkat lagi nang kayo'y palaban Kaya tungkol dito'y wala kayong alam Kahit kapirasong balita'y walang natatanggap.
48:9 '"Dahil na rin sa karangalan ko, ako ay nagpigil, Nagtimpi na ako Sa halip na kayo ay aking lipulin. "
48:10 Sinubok ko kayo sa pamamagitan ng kahirapan, Kung paanong ang pilak ay dinadalisay sa apoy; Ngunit kayo'y nasumpungang Hindi nararapat.
48:11 "Ang ginawa ko'y Sa sarili na ring kapakanan, Pagdusta sa ngalan ko'y Hindi ko tutulutan. Ang karangalan ko'y tanging akin lamang, Walang makahahati kahit na sinuman.' ( Si Ciro ang Lider na Pinili ni Yahweh )"
48:12 "Sinabi ni Yahweh, 'Makinig ka sa akin Israel na aking hinirang! Ako lamang ang Diyos, Ang simula at ang wakas. "
48:13 Ako ang lumikha sa buong daigdig, Ako rin ang nagladlad Ng bughaw na langit, Kung aking tawagin Dagli silang lumalapit.
48:14 '"Magtipon kayo at makinig! Isa man sa mga diyus-diyusa'y Walang nakaaalam na ang hinirang ko ang lulusob sa Babilonia At gagawin nito ang lahat ng ipagawa ko. "
48:15 Ako ang tumawag sa kanya, Pinatnubayan ko siya At pinagtagumpay.
48:16 "Kayo ay lumapit at dinggin ang sasabihin. Sa mula't mula pa'y Hayagan ako kung magsalita At ang sabihin ko'y aking ginagawa.' (Ako ay binigyan ni Yahweh ng kapangyarihan at kanyang sinugo.) ( Ang Plano ng Diyos sa Kanyang Bayan )"
48:17 "Ganito ang sabi ng Banal ng Israel, Ng Panginoon mong sa iyo'y tumubos: 'Ako ay si Yahweh na iyong Diyos. Tuturuan kita para ka umunlad, Papatnubayan kita saan ka man pumunta. "
48:18 '"Kung sinusunod mo lang ang mga utos ko, Pagpapala sana'y dadaloy sa iyo, Parang ilog na di natutuyo ang agos. Tagumpay mo sana ay sunud-sunod, Parang dating ng alon sa dalampasigan. "
48:19 "Ang lahi mo sana'y Magiging sindami ng buhangin sa dagat, At tinitiyak kong Hindi sila mapapahamak.' "
48:20 Umalis kayo sa Babilonia, kayo'y malaya na! Buong galak na ihayag sa lahat ng lugar Na iniligtas ni Yahweh Ang lingkod niyang si Israel.
48:21 Nang patnubayan ni Yahweh ang bayang Israel Sa pagbagtas sa malawak at mainit na ilang, Hindi ito nauhaw bahagya man Pagkat binutas niya ang isang malaking bato At ang tubig ay bumukal.
48:22 "Ang sabi ni Yahweh: 'Ang mga makasalana'y Walang kaligtasan!'"
49:1 ( Ang Israel ang Tanglaw ng mga Bansa ) Makinig kayo mga taong Naninirahan sa malalayong lugar. Pinili na ako ni Yahweh bago pa isilang At hinirang niya ako para siya'y paglingkuran.
49:2 Mga salita ko'y ginawa niyang Sintalas ng tabak, Siya ang sa aki'y laging nag-iingat. Ginawa niya akong parang matulis na palaso Na anumang oras ay handang itudla.
49:3 "Sinabi niya sa akin, 'Israel, ikaw ay lingkod ko, Sa pamamagitan mo Ako'y dadakilain ng mga tao.' "
49:4 "Ngunit ang tugon ko, 'Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, Hindi nagtagumpay Gayong ibinuhos ko ang aking lakas.' Gayunma'y itinitiwala ko kay Yahweh Ang aking kalagayan, Na ako'y gagantimpalaan sa aking nakayanan. "
49:5 Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh, Pinili niya ako para maging lingkod niya Upang tipunin ang nangalat na mga Israelita, At sila'y ibalik sa bayang Israel. Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan, Sa kanya nagbubuhat Ang aking karangalan.
49:6 "Sinabi ni Yahweh sa akin: 'Israel na aking lingkod, May mas mahalaga pa akong ipagagawa sa iyo. Bukod sa pagpapanumbalik Sa mga Israelitang nalabi Ay gagawin kitang tanglaw ng mga bansa Upang lahat sa daigdig ay maligtas.' "
49:7 "Ang Diyos at tagapagligtas ng Israel Ay nagsabi sa itinakwil at kinamuhian ng mga bansa At inalipin ng mga pinuno: 'Makikita ng mga hari Ang pagpapalaya sa iyo; Sila'y titindig bilang pagpupugay sa iyo. At yuyukod ang mga pinuno Bilang paggalang sa iyo.' ( Muling Itinayo ang Jerusalem )"
49:8 "Sabi pa ni Yahweh sa kanyang bayan: 'Sa araw ng pagliligtas sa iyo Ay lilingapin kita, At tutugunin ang paghingi mo ng saklolo. Babantayan kita at iingatan; Sa pamamagitan mo'y Gagawa ako ng tipan sa mga tao, Ibabalik kita sa sariling lupain Na ngayon ay walang kaayusan. "
49:9 Palalayain ko ang nasa bilangguan At bibigyan ng liwanag ang nasa kadiliman. Sila'y matutulad sa mga tupang Nanginginain sa magandang pastulan.
49:10 Hindi sila magugutom ni mauuhaw, Hindi rin daranas Ng matinding init ng sikat ng araw at sa disyerto Sapagkat papatnubayan sila noong isa Na nagmamahal sa kanila. Sila'y ihahatid niya sa bukal ng tubig.
49:11 Gagawa ako ng lansangan sa gitna ng mga bundok At ako'y maghahanda ng daan, Para siyang daanan ng aking bayan.
49:12 "Darating ang bayan ko buhat sa malayo, Mula sa hilaga at sa kanluran, Gayon din sa Sevene sa timog.' "
49:13 Kalangitan, umawit ka! Lupa, ikaw ay magalak, Gayon din ang mga bundok, Pagkat inaaliw nitong si Yahweh Ang kanyang hinirang, Sa gitna ng hirap ay kinahabagan.
49:14 "Ang sabi ng mga taga-Jerusalem, 'Pinabayaan na tayo ni Yahweh. Nakalimutan na niya tayo.' "
49:15 "Ang sagot ni Yahweh, 'Malilimot kaya ng ina Ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal? Kung mayroon mang inang Lumilimot sa kanyang bunso, Ako'y hindi lilimot sa inyo Kahit na sandali. "
49:16 Jerusalem, hinding-hindi kita malilimot. Pangalan mo'y nakasulat Sa aking mga palad.
49:17 Malapit nang dumating Ang muling magtatayo sa iyo. At ang nagwasak sa iyo ay paalis na.
49:18 Tumingin ka sa paligid At masdan ang nangyayari. Ang mga mamamayan mo'y nagtitipun-tipon na, Para umuwi. Akong si Yahweh ay buhay, Sinasabi kong ipagmamalaki mo sila balang araw, Tulad ng mga hiyas na mamahalin.
49:19 '"Aking binayaan Na ikaw'y mawasak at naging malungkot, Binayaan kitang Bumagsak sa lupa tuloy na masunog; Ngunit ang lupa mo Sa dami ng tao'y magiging makipot; At ang mga taong dumurog sa iyo Ay itatapon sa malayo. "
49:20 Balang araw Ay sasabihin ng mga anak mong Isinilang sa pinagtapunan sa inyo: 'Ang bayang ito'y maliit na para sa atin. Kailangan natin ang mas malaking lupain.'
49:21 "Sasabihin mo naman sa iyong sarili, 'Kaninong anak ang mga iyon? Naubos ang mga anak ko, Ako nama'y hindi na magkakaanak. Itinapon ako sa malayo, Ako'y nag-iisa. Saan galing ang mga anak na iyon?'' "
49:22 "Ang tugon ni Yahweh: 'Huhudyatan ko ang mga bansa, At ang mga anak mo'y iuuwi nila sa iyo. "
49:23 "Ang mga hari ay magiging parang iyong ama At ang mga reyna'y magsisilbing ina, Buong pagpapakababang yuyukod sila sa iyo Bilang tanda ng kanilang paggalang; Sa gayon maniniwala kang Ako nga si Yahweh. Hindi mapapahiya Ang sinumang magtiwala sa akin.' "
49:24 Mababawi pa ba Ang nasamsam ng isang kawal? Maililigtas pa ba Ang bihag ng isang taong malupit?
49:25 "Ang tugon ni Yahweh: 'Ganyan ang mangyayari. Itatakas ang bihag ng mga kawal At babawiin ang sinamsam ng malupit. Ako ang haharap Sa sinumang lalaban sa iyo, At ililigtas ko ang iyong mga anak. "
49:26 "Uudyukan kong magpatayan Ang mga umaapi sa inyo. Mag-aalab ang kanilang poot, At mahuhumaling sa pagpatay. Sa gayon makikilala ng sangkatauhan Na akong si Yahweh Ang makapangyarihang Diyos, Na nagligtas sa Israel.'"
50:1 "Ang sabi ni Yahweh: 'Pinalayas ko ba ang aking bayan, Tulad ng isang lalaking nagtataboy ng asawa? Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng paghihiwalay? Pinabayaran ko ba kayo para iuwing bihag Tulad ng amang nagbili ng anak para gawing alipin? Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan, Itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan. "
50:2 Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos Nang sila'y lapitan ko para iligtas, Nang ako'y tumawag, Isa ma'y walang sumagot. Bakit? Wala ba akong lakas Para sila iligtas? Kaya kong tuyuin ang dagat Sa isang salita lang. Magagawa kong disyerto ang ilog Para ang mga isda roon Ay mamatay sa uhaw.
50:3 "Ang bughaw na langit ay magagawa kong Kasing-itim ng damit panluksa.' ( Ang Pagsunod ng Lingkod ng Diyos )"
50:4 Ang Makapangyarihang si Yahweh Ang nagturo sa akin ng sasabihin ko, Para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga'y Nananabik akong malaman Kung ano ang ituturo niya sa akin.
50:5 Binigyan niya ako ng pang-unawa, Hindi ako naghimagsik ni tumalikod sa kanya.
50:6 Hindi ako tumutol Nang bugbugin nila ako, Hindi ako kumibo Nang ako'y kanilang insultuhin. Pinabayaan ko silang bunutin Ang buhok ko't balbas, Gayon din nang lurhan nila ako sa mukha.
50:7 Ang mga pagdustang ginawa nila'y Di ko pinapansin, Pagkat ang Makapangyarihang si Yahweh Ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis Pagkat aking batid Na ang sarili ko'y di mapapahiya.
50:8 Ang Diyos ay malapit At siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang maghabla sa akin? Magharap kami sa hukuman, At ilahad ang kanyang bintang.
50:9 Si Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala? Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin, Magiging tila sila ulap na naparam.
50:10 Lahat kayong may pitagan kay Yahweh At tumatalima sa utos ng kanyang lingkod, Maaaring landas ninyo ay maging madilim, Gayunma'y magtiwala at umasa, Kay Yahweh na iyong Diyos.
50:11 Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba Ang siyang magdurusa sa inyong pakana. Kahabag-habag ang sasapitin n'yo Pagkat si Yahweh ang gagawa nito.
51:1 ( Salitang Pang-aliw sa Sion ) "Ang sabi ni Yahweh, 'Dinggin ninyo ako, Kayo, na ang hanap ay ang kaligtasan, Kayo, na kay Yahweh umaasang tunay. Ang inyong pagmasda'y Ang batong malaki na inyong pinagbuhatan, Kayo ay magmasid Sa mina ng batong inyong pinagmulan. "
51:2 Inyong gunitain Ang nuno ninyong si Abraham, At ang asawa n'yang si Sara; Nang aking tawagin, Hindi ba't sila'y mag-asawa lamang? Nang pagpalain ko Ay dumaming lubha ang lahi at angkan.
51:3 Aking lilingapin ang Jerusalem, At lahat ng nakatira sa guho niyon. Mula sa pagiging tila ilang na lupain, Gagawin ko itong tulad ng Hardin ng Eden, Maghahari roon ay ang kagalakan, May pasasalamat at pag-aawitan.
51:4 '"Mga hinirang ko, ako'y inyong dinggin, At ikaw bansa ko, ako'y ulinigin; Aking ihahayag ang kautusang Magsisilbing tanglaw sa buong kinapal. "
51:5 Ang pagliligtas ko'y Madaling darating, di na magtatagal, Ako'y maghahari Sa lahat ng bansa nitong daigdigan. Sa mga pampangin, ako'y hinihintay, At pagliligtas ko ang inaasahan.
51:6 Sa dakong itaas, Sa kalangitan kayo ay tumingin, Sa dakong ibaba, Dito sa daigdig ay magmasid din. Katulad ng aso, Itong kalangita'y pawang mapaparam, At itong daigdig Mawawasak namang parang kasuutan. Ang mga naroon, Lahat ng nilikha'y pawang mamamatay, Ang kaligtasan ko ay pangwalang hanggan, Ang tagumpay ay pangkatapusan.
51:7 '"Ang nakaaalam tungkol sa matuwid, Sa aki'y makinig, Ang mga lingkod ko Na ang aking batas sa puso'y naukit; Di dapat matakot sa pula ng tao, Ni manlupaypay man kung laitin kayo. "
51:8 Mga taong iya'y Katulad ng damit, kakanin ng tanga, Animo ay lanang uod ang sisira. Ngunit walang hanggan at para sa lahat Ang pagliligtas ko sa mga nilikha.
51:9 Ikaw ay gumising, O Yahweh, At tulungan kami, Gamitin ang kapangyarihan At iligtas mo kami, tulad noong una. Di ba't ikaw ang pumuksa Kay Rahab na dambuhala ng karagatan?
51:10 Ikaw rin ang tumuyo sa dagat At nagpalitaw ng daan sa gitna ng tubig, Kaya nakatawid nang maayos Ang bayang iyong iniligtas.
51:11 Ang mga tinubos mo'y babalik sa Jerusalem, Nagsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa. Sa kanilang mukha'y Walang hanggang galak yaong mamamalas, At sa puso nila Ang lungkot at hapis mawawalang lahat.
51:12 "Sinabi ni Yahweh, 'Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo. "
51:13 Bakit mo nilimot Itong si Yahweh na lumikha sa iyo? Siya na nagladlad Niyong kalangita't lumikha ng mundo? Bakit sa maghapo'y Palagi kang takot sa nang-aalipin, Dahil ba sa sila Ay galit sa iyo't gusto kang lipulin? Ang galit nila'y huwag mong pansinin.
51:14 Di na magtatagal At ang mga bihag ay palalayain, Mabubuhay sila nang matagal at Hindi magkukulang sa pagkain.
51:15 Ako nga si Yahweh, Ang Panginoon mong sa iyo'y lumalang. Aking hinahalo ang pusod ng dagat kaya umiingay; Dakilang Yahweh ang aking pangalan.
51:16 "Itinuro ko na upang malaman mo ang aking salita, At sa aking palad kita kinalinga; Ako ang nagladlad nitong kalangitan, Pati patibayan ng buong daigdig, ako ang naglagay; Sabi ko sa Jerusalem, 'Ikaw ang bayan ko na aking hinirang.'' ( Katapusan ng Paghihirap ng Jerusalem )"
51:17 Ikaw ay gumising! Gising, Jerusalem! Ikaw ay magbangon, Ikaw na sa saro ng poot ng Diyos ay uminom. Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon, Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon.
51:18 Sa mga anak mo'y Wala kahit isang sa iyo'y nag-akay, Matapos palakhi'y Ni hindi ka man lang hawakan sa kamay.
51:19 Dalawang sakuna ang dumating sa iyo; Winasak ng digmaan ang iyong lupain At nagkagutom ang mga tao, Wala isa mang dumamay sa iyo.
51:20 Lupaypay na nahahandusay sa lansangan ang mga tao. Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso; Nadarama nila ang tindi ng poot ng Diyos.
51:21 Ako'y inyong dinggin, Kayong lupasay na sa matinding hirap, At wari'y nalasing Gayong di uminom kapatak mang alak;
51:22 "Ganito ang sabi ng inyong si Yahweh, Ang Panginoong Diyos, Ang inyong sanggalang at tagapagtanggol: 'Aalisin ko na ang saro ng galit Sa inyong mga kamay, at magmula ngayon Di ka na iinom ng inuming iyan. "
51:23 "Ang inuming ito'y Aking ililipat sa inyong kaaway, Na nagpadapa sa inyo sa mga lansangan At pagkatapos kayo'y tinapakan.'"
52:1 ( Tutubusin ng Diyos ang Jerusalem ) Jerusalem, magpanibagong-lakas ka At muling magpakadakila; O banal na lunsod, Muli mong isuot ang maringal mong kasuutan, Pagkat mula ngayon ay di na makapapasok diyan Ang mga hindi kumikilala sa Diyos.
52:2 Malaya ka na, Jerusalem! Tumindig ka mula sa kinasasadlakang alabok, At umupo sa iyong luklukan, Kalagin mo ang iyong gapos, bihag na taga-Jerusalem.
52:3 "Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: 'Ipinagbili kayo nang walang bayad, kaya't tutubusin din kayo nang walang bayad."
52:4 Sa simula, ang mga hinirang ko'y nanirahan sa Egipto. Pagkatapos, pilit kayong kinuha ng mga taga-Asiria na hindi man lamang binayaran.
52:5 Ganyan din ang nangyari sa inyo sa Babilonia. Binihag kayo at ni hindi binayaran. Nangangalandakan at nagyayabang ang mga bumihag sa kanila. Wala silang tigil nang paglait sa akin.
52:6 "Kaya't darating ang araw na malalaman ninyong ako ang Diyos na nagsalita sa inyo.' "
52:7 "Magmula sa bundok, O kay gandang masdan Ng sugong dumarating upang ipahayag Ang magandang balita ng kapayapaan. Ipapahayag niya ang tagumpay At sasabihin: 'Sion, ang Diyos mo ay hari.' "
52:8 Narito! Sisigaw ang nagbabantay, Dahilan sa galak, sama-sama silang aawit; Makikita nila na itong si Yahweh sa Sion ay babalik.
52:9 Magsiawit kayo, mga guhong muog nitong Jerusalem; Pagkat ang hinirang ng Diyos na si Yahweh Ay kanyang inaliw, Tinubos na niya itong Jerusalem.
52:10 Sa lahat ng bansa, Ang kamay ni Yahweh na tanda ng lakas Ay makikita ng mga nilalang, at ang pagliligtas Nitong ating Diyos tiyak na mahahayag.
52:11 Lisanin ninyo ang Babilonia, Mga tagapagdala ng kasangkapan ng Templo. Huwag kayong hihipo ng anumang bawal; Manatili kayong malinis At kayo ay umalis.
52:12 Ngayon ay lalakad kayong hindi na nagmamadali. Hindi na kayo tila mga takas. Papatnubayan kayo ni Yahweh na inyong Diyos At iingatan sa lahat ng saglit. ( Ang Nagdurusang Lingkod ni Yahweh )
52:13 "Sinabi ni Yahweh, 'Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain, Mababantog siya at dadakilain. "
52:14 Marami ang nagitla Nang siya'y makita, Dahil sa pagkabugbog sa kanya'y Halos di makilala kung siya'y tao.
52:15 "Ngayo'y marami rin Ang mga bansang magugulantang; Pati mga hari pag siya'y nakita ay matitigilan, Makikita nila ang di nabalita kahit na kailan, At mauunawa ang di pa narinig ninuman!' "
53:1 "Sagot ng mga tao, 'Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito? Sino ang makapagpapatunay na pinahintulutan ito ni Yahweh? "
53:2 Kalooban ni Yahweh na ang kanyang lingkod Ay matulad sa isang halamang Natanim sa tuyong lupa, Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, Wala siyang taglay na pang-akit para lapitan siya.
53:3 Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng sakit at hirap. Wala man lang nagtapon ng sulyap sa kanya. Hindi natin siya pinansin, para siyang walang kabuluhan.
53:4 Tiniis niya ang hirap Na tayo ang dapat magbata, Gayon din ang kirot na tayo sana ang lumasap; Akala natin ang dinanas niya'y Parusa sa kanya ng Diyos.
53:5 Dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; Siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na tinamo niya At sa mga hampas na kanyang tinanggap.
53:6 Tayong lahat ay parang mga tupang naligaw; Nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit inibig ni Yahweh Na sa kanya ipataw ang parusang Tayo ang dapat tumanggap.
53:7 Siya ay binugbog at pinahirapan, Ngunit di tumutol kahit kamunti man; Tulad ay korderong hatid sa patayan, Parang mga tupang Hindi tumututol kahit na gupitan, Ni hindi umimik kahit gaputok man.
53:8 Nang siya'y hulihin, hatulan at dalhin sa dakong patayan, Wala mang nangahas na ipagsanggalang, Wala man lang dumamay. Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan.
53:9 Siya'y inilibing Na kasama ng masasama at mayayaman, Bagaman wala siyang kasalanan O nagsabi man ng kasinungalingan.
53:10 "Sinabi ni Yahweh, 'Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko; Inihandog niya ang sarili Upang sa pamamagitan noon ay magkaroon ng kapatawaran. Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal, Makikita ang lahing susunod sa kanya. At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala. "
53:11 Pagkatapos ng pagdurusa, Lalasap siya ng ligaya, Malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis. Ang aking tapat na lingkod at lubos kong kinalulugdan Ang siyang tatanggap sa parusa ng marami At alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin.
53:12 Dahil dito siya'y aking pararangalan, Kasama ng mga dakila; Pagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili At nilasap ang kaparusahan ng masasama. Inako niya ang mga makasalanan At idinalanging sila'y patawarin.
54:1 ( Ang Walang Hanggang Pag-ibig ng Diyos sa Israel ) '"Ikaw ay umawit, O babaing baog, Tinig mo'y itaas, O ikaw na hindi nakararanas ng hirap sa panganganak. Ang magiging supling mo'y Higit na marami kaysa may asawa.' "
54:2 Gumawa ka ng mas malaking tolda, Habaan mo ang mga tali at dagdagan ang tulos.
54:3 Ikaw ay kakalat sa buong daigdig, Mababalik sa iyo, Israel, ang lupaing Nasakop ng ibang bansa; Ang mga lunsod na ngayon ay wasak, Ay gagawing tirahan ng maraming tao.
54:4 '"Huwag kang matakot Pagkat hindi ka na hahalayin uli Ni aaglahiin pa, Malilimot mo nang ikaw'y Naging taksil na asawa, Pati malungkot na alalahanin ng pagiging balo. "
54:5 Sapagkat ang iyong naging kasintaha'y Ang may likha sa iyo, Siya ang Makapangyarihang si Yahweh; Ililigtas ka ng Diyos ng Israel, Siya ang hari ng lahat ng bansa.
54:6 Israel, ang katulad mo ay babaing bagong kasal, Iniwan ng asawa, batbat ng kalungkutan. Ngunit tinawag kang muli ni Yahweh Sa kanyang piling at sinabi:
54:7 '"Sandaling panahong kita'y iniwanan Ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, Muli kitang kukupkupin. "
54:8 "Sa tindi ng galit nilisan kita sandali, Ngunit habang panahon kong ipadarama sa iyo ang tapat kong pagmamahal.' Iyan ang sabi ni Yahweh na nagligtas sa iyo. "
54:9 '"Nang panahon ni Noe, Ako ay sumumpang di na mauulit Na ang mundong ito'y gunawin sa tubig. Gayon din sa ngayon, Iiwasan ko nang sa iyo'y magalit At hindi na kita parurusahan uli. "
54:10 "Maguguho ang mga bundok at ang mga burol, Ngunit ang pag-ibig ko'y hindi maglalaho, At mananatili ang kapayapaang aking pangako.' Iyan ang sinasabi ng Diyos na si Yahweh, Na nagmamahal sa iyo. ( Ang Bagong Jerusalem )"
54:11 "Sinabi ni Yahweh, 'O Jerusalem, nagdurusang lunsod Na walang umaliw sa kapighatian, Muling itatayo ang mga pundasyon mo, Ang gagamitin ko'y mamahaling bato. "
54:12 Gagamiti'y rubi sa mga tore mo, Batong maningning ang iyong pintuan, At sa mga pader ay mga hiyas na makinang.
54:13 Ako ang magtuturo sa iyong mga anak. Sila'y magiging payapa at buhay ay uunlad.
54:14 Patatatagin ka ng katarungan at katuwiran, Magiging malayo sa mananakop at sa takot.
54:15 Kung may lumusob sa iyo yao'y di ko pahintulot Ngunit mabibigo ang sinumang sa iyo ay lumaban.
54:16 Ako ang lumikha ng mga panday, Na gumagawa ng mga sandata. At ang gumagamit sa sandata'y Ako rin at walang iba.
54:17 "Ngunit mula ngayon, Ay wala nang sandatang gagamitin sa iyo, At masasagot mo ang anumang ibintang sa iyo, Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol, At sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.' Ito ang sinabi ni Yahweh."
55:1 ( Ang Habag para sa Lahat ) "Sinabi ni Yahweh, 'Narito ang tubig, mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay Kumuha rito at bumili ng pagkain. Halikayo at bumili ng alak at gatas, Bumili kayo, ngunit walang bayad. "
55:2 Bakit ginugugol ang salapi Sa mga bagay na hindi nakabubusog? Bakit inuubos ang pera Sa mga bagay na walang halaga? Makinig kayo sa akin at sundin ang utos ko At matitikman ninyo ang pinakamasarap na pagkain.
55:3 Pumarito kayo, Kayo ay lumapit at ako'y pakinggan, Makinig sa akin nang kayo'y mabuhay; Ako'y may gagawing walang hanggang tipan, At ipalalasap sa inyo ang pagpapalang Ipinangako ko kay David.
55:4 Ginawa ko siyang hari At puno ng mga bansa At sa pamamagitan niya'y ipinamalas ang aking kapangyarihan.
55:5 "Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala, Mga bansang di ka kilala'y sa iyo pupunta, Dahilan kay Yahweh, Banal ng Israel, Ang Diyos na nagpala't sa iyo'y dumakila.' "
55:6 Hanapin si Yahweh Samantalang siya'y iyong makikita, Siya ay tawagin habang malapit pa.
55:7 Ang mga gawain ng taong masama'y Dapat nang talikdan, at ang mga liko'y Dapat magbago na ng maling isipan; Sila'y manumbalik, Lumapit kay Yahweh upang kahabagan, At mula sa Diyos, Matatamo nila ang kapatawaran.
55:8 "Ang wika ni Yahweh: 'Ang aking isipa'y di ninyo isipan, At magkaiba ang ating daan. "
55:9 Kung paanong ang langit Higit na mataas, mataas sa lupa, Ang daa't isip ko'y Hindi maaabot ng inyong akala.
55:10 '"Ang ulan at niyebe Paglagpak sa lupa'y di na nagbabalik, Aagos na ito sa balat ng lupa't nagiging pandilig, Kaya may pagkai't butil na panghasik. "
55:11 Ganyan din ang aking mga salita, Magaganap nito ang lahat kong nasa.
55:12 '"May galak na inyong lilisanin ang Babilonia, Mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod. Aawit sa tuwa ang bundok at burol, Sisigaw sa galak ang mga punongkahoy. "
55:13 "Sa halip na dawag, Kahoy na mayabong ang siyang tutubo, Mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago. Ang lahat ng ito'y Ikadarakila ng ngalan ni Yahweh, Walang hanggang tanda Ng kanyang paglingap at pagkakandili.'"
56:1 ( Ang Bayan ng Diyos ay Bubuuin ng Lahat ng Bansa ) "Ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: 'Ayon sa katarungan At laging matuwid ang inyong gagawin, Ang pagliligtas ko'y Di na magluluwat, ito ay darating, Ito'y mahahayag sa inyong paningin. "
56:2 "Mapalad ang taong gumagawa nito, Ang anak ng taong ang tuntuni'y ito. Ginaganap niya ang marapat gawin sa Araw ng Pamamahinga, Sa gawang masama, ang kanyang sarili'y iniiwas.' "
56:3 Di dapat sabihin ng isang dayuhang Nakipagkaisa sa bayan ng Diyos, Na siya'y hindi papayagan ni Yahweh Na makisama sa pananambahan ng kanyang bayan. Hindi dapat isipin ng eunuko Na hindi siya mapapabilang sa bayan ng Diyos Pagkat hindi siya magkakaanak.
56:4 "Ang sabi ni Yahweh sa mga tulad nila: 'Kung ipangingilin mo ang Araw ng Pamamahinga, Gagawa ng mga bagay na nakalulugod sa akin At matapat mong iingatan ang aking tipan, "
56:5 "Ang pangalan mo'y gugunitain Sa aking Templo at sa gitna ng aking bayan, Nang mas matagal kaysa pagunita sa iyo, Kung ikaw ay nagkaroon ng mga anak. Hindi ka malilimot kahit kailan.' "
56:6 Ito naman ang sabi ni Yahweh Sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan, Buong pusong naglilingkod sa kanya, Nangingilin sa Araw ng Pamamahinga; At matapat na nag-iingat sa kanyang tipan:
56:7 '"Dadalhin ko kayo sa Sion, sa aking banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo. Tatanggapin ko ang inyong mga handog, At ang Templo ko'y tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.' "
56:8 Ipinangako pa ni Yahweh, Sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon, Na marami pa siyang isasama sa kanila Para mapabilang sa kanyang bayan. ( Hinatulan ang mga Pinuno ng Israel )
56:9 Tinawag ni Yahweh ang ibang mga bansa Upang salakayin at wasakin ang kanyang bayan, Tulad ng pagdaluhong ng isang mabangis na hayop.
56:10 "Ang sabi niya, 'Bulag ang mga lider na dapat magpaalaala sa mga tao. Wala silang nalalaman. Para silang mga asong hindi marunong tumahol. Ang alam lang nila'y magyabang at mangarap. Ang ibig ay laging matulog. "
56:11 Para silang asong dayukdok, walang kabusugan, Wala silang pang-unawa. Ginagawa nila ang balang magustuhan At walang iniisip kundi sariling kapakanan.
56:12 "Sila ay mga lasenggo. Ang sabi nila, 'Uminom tayo nang uminom Hanggang mayroon. Bukas ay marami pa kaysa rito!'"
57:1 ( Hinatulan ang Pagsamba sa Diyus-diyusan ) Ang taong matuwid Kahit na pumanaw, walang nagdaramdam; Ang pagpanaw niya ay palaisipan. Pagkat ang matuwid Kapag namatay na'y di na maaano. Sa dakong ligtas na siya nagtutungo.
57:2 Ganyan ang matuwid, Nasusumpungan niya ang kapayapaan; Nagiging tahimik kung siya'y mamatay.
57:3 Halikayo, mga makasalanan, para mahatulan. Wala kayong pagkakaiba Sa mga mangkukulam, mangangalunya at patutot.
57:4 Sino ba ang inyong pinagtatawanan? At sino ang inyong inuuyam, mga sinungaling?
57:5 Sinasamba ninyo ang mga diyus-diyusan Sa inyong pagtatalik sa ilalim ng mga punong ensina Na ipinalalagay ninyong sagrado. Sinusunog ninyo bilang handog ang inyong anak, Sa dambana sa yungib na malapit sa batisan.
57:6 Makinis na bato'y Sinasamba ninyo na tulad sa diyos, Pagkai't inumin Kayo'y kumukuha't dinadalang handog; Sa gawa bang ito, ako'y malulugod?
57:7 Sa tuktok ng bundok, Kayo'y umaaho't doo'y nag-aalay, Ginagawa ninyo doo'y kamunduhan.
57:8 Pagpasok ng pinto, Nagtayo ka roon ng diyus-diyusan, Ako'y nilimot mo at iyong nilisan. Lubos kang nag-alis Ng suot mong damit; Sa iyong higaa'y nakipagtalik ka Sa mga lalaking iyong inupahan. Ikaw ay natulog Na kasama nila para ka pagbigyan.
57:9 Ikaw ay naglakbay, Nagpunta sa hari na langis ang dala, Kahalo'y pabangong nakahahalina; Ikaw ay nagsugo Ng mga bibili sa malayong lugar Hanggang sa daigdig niyong mga patay.
57:10 Sa layo ng iyong lugar na nilakbay, Napagod kang lubha Ngunit hindi ka rin dumaing sa hirap Bagaman at pata; Dahilan sa iyong mga diyus-diyusan, Ikaw'y naniwala Di ka babayaan na ikaw'y manghina.
57:11 "Ang tanong ni Yahweh, 'Sino ba ang mga diyus-diyusang Ito na kinatatakutan ninyo, Kaya kayo nagsinungaling sa akin At lubusang tumalikod? Matagal ba akong nanahimik Kaya ka tumigil ng pagpaparangal sa akin? "
57:12 Akala mo'y tama ang iyong ginagawa. Ibubunyag ko ang masamang asal mong iyan At tingnan ko lang kung matulungan ka Ng mga idolong iyan.
57:13 Ang diyus-diyusang tinatawag mo'y Di makatutulong, di ka ililigtas, kahit ka tumaghoy; Ang mga diyos mo'y Mapapadpad lamang kung hangi'y sumimoy, Sa bugso ng hangin sila'y itataboy. Subalit ang taong sa aki'y tiwala't laging umaasa, Ang banal na bundok At ang lupang ito'y mamanahin niya. ( Ang Pangakong Tulong at Pagpapagaling ng Diyos )
57:14 "Ang sabi ni Yahweh: 'Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin, Ang bawat balakid sa daan ay inyong alisin; Ang landas ay inyong gawin at ayusin.' "
57:15 '"Ako ang dakila At Banal na Diyos---Diyos na walang hanggan, Matataas na bundok at banal na lugar ang aking tahanan, Sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, Aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa. "
57:16 Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan, Sila'y hindi ko patuloy na uusigin At ang galit ko sa kanila'y Hindi mananatili sa habang panahon.
57:17 Nagalit ako sa kanila Dahil sa kanilang kasalana't kasakiman, Kaya sila'y aking itinakwil. Ngunit matigas ang ulo nila't patuloy na sumuway sa akin.
57:18 Sa kabila ng inasal nila Sila'y aking pagagalingin at tutulungan. At ang namimighati'y aking aaliwin.
57:19 Bibigyan ko ng kapayapaan ang lahat, Maging nasa malayo o nasa malapit. Ang aking bayan nga Ay aking pagagalingin.
57:20 Ngunit ang masama, Ay tulad ng dagat na laging maalon, Na walang pahinga sa buong panahon; Ang burak at putik Buhat sa ilalim ang iniaahon.
57:21 "Walang kaligtasan ang mga makasalanan.'"
58:1 ( Ang Tumpak na Pag-aayuno ) "Sinabi ni Yahweh, 'Ikaw ay sumigaw nang ubos-lakas, Ang sala ng bayan ko sa kanila'y ihayag. "
58:2 "Sinasamba ako, Kunwa'y hinahanap, sinusundan-sundan, Parang natutuwang ang kalooban ko'y kanilang malaman; Ibig palabasin na ang gawain nila ay matuwid, At di lumilihis sa mga tuntuning aking ibinigay. Wari'y natutuwang sa aki'y sumamba. At ang hinihingi'y hatol na matuwid.' "
58:3 "Ang tanong ng mga tao, 'Bakit ang pag-aayuno nati'y Di pansin ni Yahweh? Nagugutom lang tayo ngunit walang kabuluhan.' Ang sagot ni Yahweh, 'Pansariling kapakanan pa rin Ang pangunang layunin sa pag-aayuno, Habang nag-aayuno'y patuloy na inaapi ang mahihirap. "
58:4 Ang pag-aayuno ninyo'y Humahantong lamang sa alitan Hanggang kayu-kayo'y nag-aaway-away. Kung ang pag-aayunong ginagawa ninyo Ay gayon din lamang, Ang inyong pagtawag Ay tiyak na hindi ko pakikinggan.
58:5 Sa inyong pag-aayuno Pinahihirapan ninyo ang inyong sarili. Yumuyuko kayong parang damong hinihipan ng hangin. Nagdaramit kayo ng sako at nahihiga sa abo. Pag-aayuno na ba iyan? Akala ba ninyo'y nasisiyahan ako riyan?
58:6 '"Ito ang gusto kong gawin ninyo: Tigilan na ninyo ang pang-aalipin; Sa halip ay pairalin ang katarungan; Ang mga api'y palayain ninyo at tulungan. "
58:7 Ang mga nagugutom ay inyong pakanin, Patuluyin sa inyong tahanan ang walang tirahan. Yaong mga tao Na halos hubad na ay inyong paramtan, Ang inyong pagtulong Sa mga kasama ay huwag tatalikdan.
58:8 At kung magkagayon, Matutulad kayo sa bukang-liwayway, Hindi maglalao't Gagaling ang inyong sugat sa katawan, Ako'y laging sasainyo, Ililigtas kayo at iingatan kahit saang lugar.
58:9 "Sa araw na iyon, Diringgin ni Yahweh ang dalangin ninyo, Pag kayo'y tumawag, Ako'y tutugon agad. 'Kung titigilan ninyo Ang pang-aalipin at pagsuway sa akin, At ang masamang salita'y iiwasan, "
58:10 Kung ang nagugutom Ay pakakanin ninyo at tutulungan, Ang kadilimang bumabalot sa inyo Ay magiging tila liwanag sa katanghalian.
58:11 At akong si Yahweh Ang siyang sa inyo'y laging papatnubay, Lahat ng mabuting kailangan ninyo'y Aking ibibigay, at palalaksin ang inyong katawan. Kayo'y matutulad sa pananim na sagana sa dilig, Matutulad sa batis Na di nawawalan ng agos ng tubig.
58:12 "Muling itatayo ng mga lingkod ko ang kutang nadurog, Muling itatayo sa dating pundasyon, Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng sirang muog, Mga tagapagtayo ng wasak na mga bahay.' "
58:13 "Sinabi pa ni Yahweh, 'Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga, Huwag kayong gagawa ng inyong gawain sa araw na banal, Sa araw na ito'y mamamahinga kayo't huwag maglalakbay Ni gagawa o maghuhunta nang walang kabuluhan. "
58:14 "At kung magkagayon, Ay madarama ninyo ang kagalakan sa paglilingkod sa akin. Bibigyan ko kayo ng karangalan Sa harap ng buong daigdig At lalasapin ninyo ang kaligayahan Sa paninirahan sa lupaing Ibinigay ko sa nuno ninyong si Jacob. Mangyayari ito pagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.'"
59:1 ( Laganap na Kasamaan ) Si Yahweh ay laging malakas Upang iligtas ka, Hindi s'ya bingi't Ang mga daing mo ay diringgin niya.
59:2 Ngunit ang sala mo Ang nagiging dahilan kaya di marinig ang dalangin mo, At siya ring dahilan sa paglalayo ninyo.
59:3 Nagkasala kayo, Natigmak sa dugo iyang inyong kamay, At sa inyong labi ang namumutawi'y kasinungalingan.
59:4 Hindi kayo tapat kapag nagsusumbong, Di rin nagtatapat Kung may sakdal kayong ipinaghahabol; Ang batayan ninyo'y kasinungalingan, gawa-gawa lamang, At ang iniisip ninyo ay masama't pawang kaguluhan.
59:5 Gumagawa sila ng bahay-gagamba, At itlog ng ahas, pinipisa nila. Sinumang kumain ng itlog nito'y mamamatay. Bawat napipisa ay isang ulupong yaong nakikita.
59:6 Ang hinabi nila'y hindi magagamit, Pagkat walang taong Magsusuot nitong damit na panakip. Ang mga ginawa nila'y kasamaan, Pawang panggugulo yaong ginagawa ng kanilang kamay.
59:7 Mga taong ito Sa gawang masama'y mabilis ang paa, Mabilis ang kamay magbubo ng dugo ng mga walang sala. Pag-iisip nila sa bawat sandali'y pawang kasamaan, Mga paninira at pananalanta ang layon sa buhay.
59:8 Landas na patungo sa kapayapaa'y Hindi nila alam, ang nilalakara'y Daang mapanganib, walang katarungan; Ang landas na ito Ay paliku-liko't walang katiyakan, Kapag sinundan mo'y Palagi nang gulo ang kasusuungan. ( Inamin ng mga Tao ang Kanilang Kasalanan )
59:9 "Sinabi ng mga tao, 'Alam na namin ngayon Kung bakit di kami iniligtas ng Diyos Sa mga nagpahirap sa amin. Hinangad namin ang liwanag, Ngunit sa dilim din nasadlak. "
59:10 Tulad nami'y bulag, Na nag-aapuhap sa paglakad Sa katanghaliang-tapat. Para kaming nasa madilim na libingan.
59:11 Tayo'y natakot at nabagabag, Matagal nating inasam Ang pagliligtas ng Diyos Mula sa dinanas Nating kaapihan at kahirapan, Ngunit hindi ito nangyari.
59:12 Yahweh, napakarami naming kasalanan sa iyo. Ito ngayon ang umuusig sa amin Kaya hindi kami mapanatag.
59:13 Naghimagsik kami sa iyo. Itinakwil ka namin, At sinuway ang iyong mga utos. Inapi namin ang iba at lumayo kami sa iyo. Pawang kasamaan ang laman ng aming isip, At kasinungalingan ang sinasabi.
59:14 Itinakwil namin ang katarungan At pinaghari ang kalikuan, Niyurakan namin ang katapatan At itinago ang katotohanan.
59:15 "Halos wala na ang katapatan Kaya sinumang tumigil sa paggawa ng masama Ay nagiging biktima ng kasamaan.' ( Humanda si Yahweh para Iligtas ang Kanyang Bayan ) Nakita ito ni Yahweh At nalungkot dahil sa pagkawala ng katarungan. "
59:16 Nakita pa niya na Wala kahit isang magmalasakit sa mga api. Dahil dito'y paiiralin niya ang kanyang kapangyarihan Upang sila'y iligtas, At siya'y magtatagumpay.
59:17 Paiiralin niya ang katarungan At ang kanyang kapangyarihan, Para iligtas ang kanyang bayan, Ituwid ang lahat ng bagay, Parusahan ang masasama, Bilang ganti sa kahirapang dinanas ng kanyang bayan.
59:18 Ayon sa ginawa nila sila'y gagantihan, Pati ang mga naroon sa malayong dako.
59:19 Ang ngalan ni Yahweh Ay katatakutan ng taga-kanluran, At dadakilain sa dakong silangan; Tulad ng rumaragasang baha, Darating si Yahweh, tulad ng bugso ng hangin.
59:20 "Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, 'Pupunta ako sa Jerusalem Upang ipagtanggol at iligtas Ang lahat ng nagsisisi at Tumatalikod sa kanilang mga kasalanan. "
59:21 "Ito ang aking tipan sa inyo. Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga turo upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at ituturo ninyo sa lahat ng salin ng inyong lahi na sila'y sumunod din sa akin.'"
60:1 ( Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem ) Bumangon ka, Jerusalem, At magliwanag na tulad ng araw. Nililiwanagan ka ng kaningningan ni Yahweh.
60:2 Mababalot ng dilim ang ibang mga bansa; Ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh Sa pamamagitan ng kanyang kaningningan.
60:3 Sa ningning ng iyong taglay na liwanag, Yaong mga bansa, sampu ng mga hari'y lalapit na kusa.
60:4 Tumingin ka sa paligid At tingnan mo ang nagaganap. Ang mga anak mo'y nagtitipon na upang umuwi. Ang mga lalaki'y magmumula sa malayo, Ang mga babae'y kargang tila mga bata.
60:5 Ang tanawing ito kung iyong mamalas, ikaw ay sisigla, Sa iyong damdami'y pawang kagalakan yaong madarama; Pagkat ang yaman Niyong karagata'y iyong matatamo, At ang kayamanan ng maraming bansa Ay makakamtan mo.
60:6 Maraming pangkat na nakasakay Sa kamelyo ang darating mula sa Madian at Efa. At sa Seba nama'y darating silang May taglay na mga ginto at kamanyang. Ihahayag ng mga tao ang magandang balita Tungkol sa ginawa ng Diyos.
60:7 Lahat ng tupa sa Kedar at Nebayot Ay dadalhin sa iyo para ihandog kay Yahweh. At higit kailanman Ay gagawin ni Yahweh na magningning ang Templo.
60:8 O ano ba ito Na nangaglalayag na gaya ng ulap, Wari'y kalapati Na nagmamadaling patungo sa pugad?
60:9 Yao'y mga barkong Nagmula sa pulo at mga pampangin, Pinangungunahan niyong mga barkong Sa Tarsis nanggaling; Doon nakasakay ang mga anak mong Kung saan napadpad, na ang dala nila ay ginto at pilak; Upang parangalan ang ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, Pagkat kinupkop mo at pinadakila ang bayan mong giliw.
60:10 "Ang sabi ni Yahweh sa Jerusalem, 'Ang magtatayo ng iyong mga muog ay mga dayuhan, Mga hari nila ay susuyuin ka at paglilingkuran, Dala ng galit ko, Sinaktan ko kayo noong nakaraan, Subalit ngayon, Habag ko sa inyo'y aking pakakamtan. "
60:11 Hindi isasara ang pinto ng bayan, Pananatilihing laging bukas sa gabi at araw, At ang kayamanan niyong mga bansa'y Doon idaraan kasama ang hari Na may dala nito bilang kanyang alay.
60:12 Ang di maglilingkod, Na alin mang bansa o kaharian man Ay ibabagsak ko at parurusahan.
60:13 At ang kayamanan Ng Bundok Libano ay magiging inyo, Ang kahoy na sipres Mainam na kahoy na tulad ng pino, Pawang gagamitin sa pagpapaganda Ng lunsod at ng Templo.
60:14 Yaong mga nagpahirap sa inyo Ay yuyuko sa inyo, bilang paggalang. At ang lahat namang nagtakwil sa inyo'y Magpapatirapa sa inyong paanan. Ikaw'y tatawaging Lunsod ng Panginoon, 'Sion, Lunsod ng Banal ng Israel.'
60:15 '"Ikaw noong una'y Kinamumuhian at di pinapansin, Ngunit mula ngayon, Itataas kita at dadakilain; At gagawin kitang pook ng ligayang hindi magmamaliw. "
60:16 Mapapasaiyo ang kayamanan ng ibang mga bansa, At ang mga hari'y tutulong sa iyo ng pag-aaruga; At malalaman mo na akong si Yahweh iyong Manunubos At Tagapagligtas, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel.
60:17 '"Sa halip na tanso Ay bibigyan kita ng gintong dalisay, Pilak ang bigay ko sa halip na bakal; Sa halip na kahoy, tanso ang dala ko, Papalitan ng bakal yaong dating bato. Ang kapayapaan ay paghahariin At ang katarungan ay iyong kakamtin. "
60:18 Yaong kaguluhan at pagmamalabis Sa iyong lupai'y di na maririnig; Sa loob ng iyong lupaing hangganan, Walang masisira kahit na anuman. Babantayan kita at ipagtatanggol Tulad ng pader, Ako'y pupurihin mo dahil sa pagliligtas ko sa iyo.
60:19 '"Sa buong maghapon, Hindi na ang araw ang magiging tanglaw Sa buong magdamag, Magiging tanglaw mo'y hindi na ang buwan, Sapagkat si Yahweh Ang siyang tanglaw mo magpakailanman, At ang iyong Diyos ang liwanag mong Walang katapusan. "
60:20 Ang pamimighati mo ay matatapos na Akong si Yahweh ang magiging liwanag mo habang panahon, Di tulad ng araw na lumulubog Sa dapit-hapon.
60:21 Ang mamamayan mo'y Magiging matuwid yaong pamumuhay, Kaya ang lupai'y aariin nila habang nabubuhay; Sila'y nilikha ko at itinanim, Upang ihayag nila ang aking kadakilaan.
60:22 "Maliit mang lipi Iyang inyong angka'y magiging dakila, Gagawin ko kayong malakas na bansa. Mangyayari ito sa takdang panahon Pagkat akong si Yahweh ang nagsasalita ang magsasagawa.'"
61:1 ( Balita ng Kaligtasan ) Pinuspos ako ni Yahweh Ng kanyang Espiritu. Hinirang niya ako Upang ang magandang balita'y Dalhin sa mahihirap, Pagalingin ang sugat ng puso, Palayain ang mga bihag at bilanggo.
61:2 Sinugo n'ya ako, Upang ibalitang ngayo'y panahon nang Iligtas ni Yahweh yaong mga tao na hinirang niya, At upang lupigin lahat ang mga kaaway; Ako ay sinugo upang aliwin ang nangungulila,
61:3 Upang ang tumatangis Na mga taga-Sion ay paligayahin, Sa halip ng lungkot, Awit ng pagpuri yaong aawitin; Ang Diyos na si Yahweh Iingatan sila at kakalingain. Sila ay uunlad na parang halamang itinanim, At ang bawat isa Ay pawang matuwid ang siyang gagawin, Sa kanyang ginawa, siya'y pupurihin.
61:4 Muling itatayo sirang mga lunsod, Na pagkatagal nang nawasak at tupok.
61:5 Mga dayuhan ang gagawing pastol Niyong inyong kawan, Mga dayuhan din ang magsasaka ng inyong ubasan; 1
61:6 Ngunit kayo nama'y Siyang maglilingkod sa Diyos na si Yahweh, Kayo ay gagawin niyang saserdote. Ang kayamanan ng ibang bansa'y Inyong makakamtan, Aariin ninyong may galak sa buhay.
61:7 Ang dinanas ninyong mga kahihiyan, Ay mawawakasan, Kayo ay babalik at doon titira sa sariling bayan. Kayo ay uunlad Lalagong di hamak pati kabuhayan, Di na magwawakas ang galak sa buhay.
61:8 "Ang sabi ni Yahweh: 'Ako'y namumuhi sa pagkakasala at pang-aalipin, Gawang katarungan ang mahal sa akin. Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin, Walang hanggang tipan ang aking gagawin. "
61:9 "Itong lahi nila Ay makikilala sa lahat ng bansa, Pati anak nila'y Makikilala rin sa gitna ng madla; Sila'y kikilanling anak ni Yahweh saanman makita, At tatawaging bayang pinagpala, hinirang ni Yahweh.' "
61:10 At ang Jerusalem Sa ginawang ito'y pawang malulugod, Anaki'y dalagang gayak ay pangkasal, Siya'y parang dinamtan Ng kaligtasan at pagtatagumpay.
61:11 Kung paanong ang binhi Ay tiyak na tutubo at sisibol, Gayon ang pagliligtas ni Yahweh Sa bayang kanyang hinirang. Dahil dito, lahat ng bansa Ay magpupuri sa kanya.
62:1 Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem. Hindi ako tutugot hangga't hindi siya naililigtas, Hangga't ang tagumpay niya Ay hindi nagliliwanag Na tulad ng sulo sa gabi.
62:2 Ang lahat ng bansa'y Pawang makikita ang iyong tagumpay, At mamamalas ng lahat ng hari ang iyong kadakilaan. Ikaw'y tatawagi't Bibigyan ni Yahweh ng bagong pangalan.
62:3 Ikaw ay magiging magandang korona Sa kamay ng Diyos, Korona ni Yahweh na nakalulugod.
62:4 "Hindi ka na tatawaging 'Itinakwil,' Ni ang lunsod mo'y hindi rin tatawaging 'Asawang Pinabayaan.' Ang itatawag na sa iyo'y 'Kinalugdan ng Diyos,' At ang lupain mo'y tatawaging 'Maligayang Asawa,' Pagkat ang Diyos ay nalugod sa iyo, At sa lupain mo, Siya ay magiging tulad ng asawa. "
62:5 At ikaw Israel Ay ituturing niyang kasintahan, Ang manlilikha mo'y pakakasal sa iyo. Kung gaano kaligaya ang kasintahang lalaki Sa araw ng kanyang kasal, Gayon magagalak sa iyo ang Diyos.
62:6 Bayang Jerusalem, Sa mga muog mo ay may mga bantay, Maghapo't magdamag na magpapaalaala sa inyo Ng pangako ni Yahweh, Upang yao'y di malimutan.
62:7 Ang inyong pagtawag at pananalangi'y Huwag ninyong tigilan Hanggang sa itayo niya uli itong Jerusalem At gawing isang lunsod Na pinupuri ng sandaigdigan.
62:8 Sumumpa si Yahweh, At isasagawang may kapangyarihan, Di niya itutulot Na ang bukid ninyo'y mapasa kaaway, Ni ang bagong alak ninyo'y ipainom sa mga dayuhan.
62:9 Kayong nangagpagal At nagpakahirap, nagtanim, nag-ani, Ang makikinabang at magpupuri kay Yahweh; Kayong nag-alaga At nagpakahirap sa mga ubasan, Sa aking santwaryo kayo ang iinom Na mga nagpagal.
62:10 Kayong nasa loob Nitong Jerusalem ngayon ay lumabas, Inyong ihanda na Para sa darating ang daraanang landas; Gawin ang lansangan, Alisin ang batong doo'y nakakalat, At kayo'y magtayo Ng palatandaang magbabadya Na si Yahweh ay nagpapahayag.
62:11 "Sa buong daigdig: 'Ibalita sa mga taga-Jerusalem, Na darating si Yahweh para sila ay iligtas. Kasama niya ang lahat ng Kanyang iniligtas.' "
62:12 "Ikaw'y tatawaging 'Bayang Banal ng Diyos,' 'Bayang iniligtas ni Yahweh.' Ang Jerusalem ay tatawaging 'Lunsod na mahal ng Diyos,' 'Lunsod na Hindi Itinakwil ng Diyos.'"
63:1 ( Ang Tagumpay ni Yahweh ) '"Sino itong dumarating na buhat sa Lunsod ng Bozra ng Edom? Sino itong maringal sa pulang kasuutan Na larawan ng lakas at kapangyarihan?' Ito ay si Yahweh na may kapangyarihang magligtas, Pumaparito siya Upang ipahayag ang kanyang tagumpay. "
63:2 '"Bakit pula ang kanyang suot, Tulad ng damit Ng nagpipisa ng ubas?' "
63:3 "Ang sagot ni Yahweh: 'Itong mga bansa ay tulad sa ubas na aking pinisa, Nag-iisa akong ito ay ginawa. Sa tindi ng galit ko, Niligis ko sila, dugo ay lumabas, Kaya ang damit ko sa dugo'y natigmak. "
63:4 Dumating na ang araw Upang ang bayan ko'y aking iligtas At parusahan ang kanyang mga kaaway.
63:5 Ako'y naghanap ng makakatulong Ngunit walang nakita kahit isa, Dahil dito ako'y nagtaka. Ang matindi kong galit ay nagbigay ng lakas sa akin. Kaya ako'y nag-iisa sa aking tagumpay.
63:6 "Sa tindi ng galit Ay dinurog ko ang mga bansa, Ang dugo nila'y aking ibinubo sa lupa.' ( Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel )"
63:7 Aking babanggitin Ang pag-ibig ng Diyos na di nagmamaliw, At ang pagpupuri na ukol kay Yahweh ay sasariwain. Ang lahat ng bagay na kanyang ginawang kaloob sa atin, At ang kabutihang kanyang ginawa sa bayang Israel; Ang lahat ng bagay na kanyang ginawang bunga ng pag-ibig.
63:8 "Sinabi ni Yahweh: 'Sila ang lingkod ko na aking hinirang, Kaya naman ako'y di pagtataksilan. Ang mga lingkod ko'y Aking ililigtas sa kapahamaka't mga kahirapan.' "
63:9 Hindi isang anghel, Kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas, Iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't pagkahabag. Sa mula't mula pa ay ipinamalas.
63:10 Sa kabila nito, Sila'y naghimagsik at nangagkasala, At ang Espiritu ay nalumbay; At dahil doon sila'y Naging kaaway ni Yahweh.
63:11 "Nagunita nila ang panahon ni Moises Na lingkod ni Yahweh. Ang tanong nila, 'Nasaan si Yahweh, Na nagligtas sa mga pinuno ng kanyang bayan Nang sila'y tumawid sa Dagat ng Tambo? Nasaan si Yahweh Na nagbigay ng espiritu kay Moises? "
63:12 "Sa ngalan ni Yahweh, Hinawi ni Moises ang tubig ng dagat, Kaya ang Israel doon ay naligtas. Kaya, ang pangalan niya'y Walang hanggang nabantog sa lahat.' "
63:13 Natawid nga nila Sa tulong ni Yahweh ang karagatan, Animo'y kabayong matatag tumakbo sa gitna ng ilang.
63:14 Kung paanong ang kawan ay dinadala Sa sariwang pastulan, Gayon dinulutan ni Yahweh Ng kapahingahan ang kanyang bayan. Pinatnubayan niya ang kanyang bayan At siya ay pinarangalan. ( Dalangin para Kahabagan )
63:15 Magmula sa langit Tunghayan mo kami, at iyong pagmasdan Mula sa trono mong dakila at banal. Saan ba naroon ang malasakit mo At kapangyarihan? Huwag mong ipagkait Ang habag mo; kami'y kaawaan.
63:16 Kung walang nagawa sa amin si Jacob At nunong Abraham, ikaw lamang, Yahweh, Ang aming pag-asa't Amang aasahan; Tanging ikaw lamang Yaong nagliligtas nitong aming buhay.
63:17 Bakit ba, O Yahweh, Kami'y tinulutang maligaw ng landas, At ang puso nami'y iyong binayaan Na maging matigas? Balikan mo kami, iyong kaawaan, Ang mga lingkod mo na tanging iyo lamang.
63:18 Sandaling panahong kami na bayan mong banal Ay itinaboy ng mga kaaway; Winasak nila ang iyong Templo.
63:19 Ang aming sinapit, Ang nakakatulad ay mga nilalang Na di nakaranas na 'yong pagharian, Parang di tinawag sa iyong pangalan.
64:1 Buksan mo ang langit At ikaw'y bumaba sa mundong ibabaw, At ang mga bundok Kapag nakita ka'y magsisipangatal;
64:2 Sila'y manginginig, Animo ay tubig na kumukulo, Ipamalas mo sa mga kaaway Ang iyong kapangyarihan, Magsisipanginig sila sa iyong harapan.
64:3 Minsa'y gumawa ka ng isang bagay na nakahihindik, Kami'y nagulantang; nanginig sa takot, Pati mga bundok.
64:4 Wala pang narinig na Diyos na tulad mo, Wala pang nakita ang sinumang tao; Pagkat ikaw lamang ang Diyos Na tumulong sa mga lingkod mo Na buong tiwalang nanalig sa iyo.
64:5 Iyong tinatanggap, Ang nagsisikap sa mabuting gawa, At ang iyong aral at mga tuntunin ang ginugunita. Nagagalit ka na'y tuloy pa rin kami sa pagkakasala, Ang ginawa nami'y talagang masama buhat pa nang una.
64:6 Ang lahat sa ami'y pawang nagkasala, Ang aming katulad Kahit anong gawin ay duming di hamak. Ang nakakawangki ng sinapit nami'y Mga dahong lagas, sa simoy ng hangi'y Tinatangay ito at ipinapadpad.
64:7 Wala kahit isang dumulog sa iyo Upang dumalangin, wala kahit isang Lumapit sa iyo na tulong ay hingin; Kaya naman dahil sa aming sala'y Hindi mo kami pinansin.
64:8 Gayunman, O Yahweh, Aming nalalamang ikaw'y aming Ama, Kami'y parang luwad at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang lumikha Sa amin, O Yahweh, at wala nang iba.
64:9 Kaya nga, Huwag mong lulubusin ang galit sa amin, Dahilan sa aming mga pagsalansang, Kami'y patawarin. Kahabagan mo kaming mga lingkod mo, Kami ay lingapin.
64:10 Ang mga banal na lunsod mo'y Nagmistulang ilang, Pati Jerusalem, Ang banal na lunsod ay naging mapanglaw.
64:11 Ang banal na Templo, Na sinasambahan ng aming magulang, Ngayon ay tupok na, sunog nang lubusan; Ang lahat ng dako na kawili-wiling pinagtitipunan, Pawang wasak na ri't gumuhong tuluyan.
64:12 Yahweh, aming Diyos, Matitiis mo ba ang bagay na ito? Tatahimik ka ba Habang naghihirap kami nang ganito?
65:1 ( Parusa sa Pagmamatigas ) "Sinabi ni Yahweh: 'Ako'y nahahandang ang bayan ko'y dinggin, Ngunit ayaw nilang tumawag sa akin; Naririto ako't laging naghihintay Na sila'y tanggapin, Ngunit ayaw nilang lumapit sa akin. "
65:2 Sa buong maghapo'y Laging nakaunat yaring mga kamay, At handang tanggapin ang bayan kong hirang; Bayang nahumaling sa gawang masama't mga likong asal, At ang sinusunod bawat maibigan.
65:3 Tinitikis nilang ako ay galitin, Nilalapastangan, naghahandog sila sa mga sagradong hardin; Sa mga altar na pagano'y Nagsusunog sila ng piling kamanyang.
65:4 Pagsapit ng gabi'y Pumupunta sila sa mga libingan, Ang sinasangguni'y Mga espiritu ng mga namatay. Sila'y kumakain ng karne ng baboy na karumal-dumal, At ang iniinom ay mga inuming ipinagbabawal.
65:5 Ang sabi pa nila: 'Kami'y mga banal, di ninyo kaparis, Kayo ay lumayo, At sa amin ay huwag lalapit.' Ang taong ganito, Sa aking harapa'y di ko matitiis, Galit ko sa kanila Ay tulad ng apoy na di mamamatay.
65:6 Itong aking hatol laban sa kanila'y Iginawad ko na, Hindi maaaring di sila magbayad. Naipasiya ko nang sila'y parusahan
65:7 "Sa ginawa nila at sa kasamaan Ng kanilang nuno nang panahong una. Sa tuktok ng burol Sila ay nagsusunog ng handog na kamanyang, At pati ngalan ko'y nilalapastangan. Kaya naman ngayon Magbabayad sila ng kanilang utang.' "
65:8 "Wika pa ni Yahweh sa kanyang bayan: 'Hindi sinisira ang mabuting ubas, Kinakatas ito upang mapagkunan Ng mabuting alak. Ganyan din ang aking gagawin Sa bayan kong liyag, Ang tapat sa aki'y aking ililigtas! "
65:9 Sa bayang Israel Pagpapalain ko ang lipi ni Juda, Ang lupang mabundok mamanahin nila; Ang mga hinirang na tapat sa akin Ay doon titira.
65:10 Sasambahin ako ng mga lingkod ko; Sila ang aakay sa kawan ng tupa At ng mga baka tungo sa pastulan, Sa Lambak ng Saron sa gawing kanluran At sa Lambak Acor, Isa ring pastulan sa gawing silangan.
65:11 Ngunit kung si Yahweh ay Inyong itinakwil at pinabayaan, Pag inyong nilimot Ang Bundok ng Sion, ang bundok kong banal, Pag si Gad at Meni Na diyus-diyusan ang pinaglingkuran, Kayo'y mananagot at parurusahan.
65:12 "Nakatakda kayong sa tabak mamatay, Iyan ang magiging inyong kapalaran. Sapagkat nang ako'y tumawag sa inyo'y Wala isa mang tumugon at nakinig sa akin; Ang aking nakita na inyong ginawa'y pawang kasamaan.' "
65:13 "Kaya nga't ganito ang sabi ni Yahweh: 'Ang mga lingkod ko'y maraming pagkain, Samantalang kayo'y aking gugutumin; Ang mga lingkod ko ay paiinumin, Ngunit kayo nama'y aking uuhawin; Ang mga lingkod ko'y Pawang kagalakan ang tatamasahin, Samantalang kayo'y aking hihiyain. "
65:14 Sa laki ng tuwa, Ay mag-aawitan yaring mga lingkod, Samantalang kayo'y Tataghoy sa hapdi at sama ng loob.
65:15 Ang pangalan ninyo'y Pawang susumpain ng mga hinirang Sa kamay ni Yahweh, Ang Panginoong Diyos, kayo'y mamamatay, Samantalang sila na tapat sa aki'y May bagong pangalan.
65:16 "Sinuman sa lupain ang may nais ng pagpapala Ay doon humingi sa Diyos na tapat. Ang sinumang mangangako Ay doon manumpa Sa pangalan ng Diyos na tapat. Ang hirap ng panahong nagdaan Ay mapapawi na't malilimutan.' ( Bagong Langit at Lupa )"
65:17 "Ang sabi ni Yahweh: 'Ako ay lilikha Isang bagong lupa't isang bagong langit; Mga pangyayaring pawang lumipas na Ay di na babalik! "
65:18 Kaya naman kayo'y Dapat na magalak sa aking nilalang, Yamang nilikha ko itong Jerusalem Na ang aking pakay maging kagalakan ng mga hinirang.
65:19 Ako mismo'y magagalak Dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan. Doo'y walang panambitan o kaguluhan.
65:20 Doon ay wala nang sanggol na papanaw, Lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal. Ituturing pa rin na kabataan pa ang edad sandaan, Ang hindi umabot ng gulang na ito ay pinarusahan.
65:21 Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan, Sa tanim na ubas ay sila ang aani.
65:22 Di tulad noong una, Sa bahay na ginawa'y iba ang tumira. Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang. Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hinirang, Lubos nilang pakikinabangan Ang kanilang pinagpagalan.
65:23 Anumang gawaing pagpagalan nila'y Tiyak magbubunga, hindi magdaranas Ng mga sakuna yaong anak nila; Pagpapalain ko yaong lahi nila, maging susunod pa, Magpakailanma'y iingatan sila.
65:24 Ang dalangin nila kahit di pa tapos Ay aking diringgin, Ibibigay ko na yaong hinihiling.
65:25 Dito'y magsasalong Parang magkapatid, ang lobo at tupa, Kakain ng damo Pati ang leon, tulad ng baka. At ang ahas namang pagkai'y alabok Kahit tapakan mo'y di ka mangangamba. Magiging panatag, Wala nang masama sa banal na bundok. Sa Bundok ng Sion ay walang pinsala O anumang masama.
66:1 ( Ang Paghatol ni Yahweh sa mga Bansa ) "Ito ang salita ni Yahweh: 'Ang aking trono ay ang kalangitan, At itong daigdig ang aking tuntungan; Saan ka gagawa, paano mo gagawin ang aking Templo, Na aking tiraha't pahingahang dako? "
66:2 Sa lahat ng bagay ang may likha'y ako, Ako ang may-ari ng lahat ng ito. Ang uri ng tao na mahal sa akin at nakalulugod Ay ang kahabag-habag at mababang-loob, Sa aking salita siya ay may takot.
66:3 '"Sinusunod ng tao balang maibigan Para sa kanila ay pareho lang, Ang handog na toro o kaya'y tao, Handog na kordero o patay na aso. Ang handog na butil o dugo ng baboy; Ang pagsusunog ng kamanyang O ang pagdarasal sa diyus-diyusan. Kagalakan nila Ang maling pagsamba. "
66:4 "Dahil dito, Ipararanas ko sa kanila Ang kapahamakang kinatatakutan nila Pagkat nang ako'y tumawag Ay walang tumugon kahit na isa; Ginusto pa nila ang gumawa ng masama Kaysa sumunod sa akin.' "
66:5 "Dinggin ninyo si Yahweh, Kayong natatakot sa kanyang salita: 'Ang mga kalahi ninyo, Na namuhi't nagtaboy sa inyo, Dahil sa ngalan ko'y pinalayas kayo. Ang sabi pa nila, 'Ipakita ni Yahweh na siya ay dakilain, At iligtas niya kayo Para makita namin kayong natutuwa.' Ngunit kahihiyan ang magiging wakas nila't sasapitin. "
66:6 Hayun at sa lunsod ay nagkakagulo At mayroong ingay na buhat sa Templo! Iyon ay likha ng pagpaparusa ni Yahweh Sa kanyang mga kaaway!
66:7 '"Ang banal kong lunsod ay nanganak, Nagluwal na siya sa sangmaliwanag; Di pa sumasakit yaong kanyang tiya'y Nanganak na siya, At isang lalaki yaong isinilang. "
66:8 "May nakita na ba o nabalitaang ganyan? Isang bansang biglang isinilang? Ang Sion ay hindi maghihirap nang matagal At isang bansa ay isisilang.' "
66:9 "Ang wika ni Yahweh: 'Huwag ninyong isipin Na ang bayan ko'y hahayaang Umabot sa panahong dapat nang ipanganak, Upang pigilin sa pagsilang.' "
66:10 Magalak ang lahat, Magalak kayo dahil sa Jerusalem, Ang lahat sa inyo na may pagmamahal, Wagas ang pagtingin; Kayo'y makigalak at makipagsaya, Lahat kayong tumangis para sa kanya.
66:11 Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya Tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.
66:12 "Sabi pa ni Yahweh: 'Padadalhan kita ng walang Katapusang pag-unlad. Ang kayamanan ng ibang bansa Ay dadaloy sa iyong tila agos ng ilog. Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina. "
66:13 Aaliwin kita sa Jerusalem, Tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.
66:14 "Ikaw'y magagalak pag nakita mo Ang lahat ng ito, Ikaw ay lalakas at lulusog, Sa gayon, malalaman mong Akong si Yahweh ang kumakalinga Sa mga tumatalima sa akin; At nagpaparusa sa mga kaaway.' "
66:15 Darating si Yahweh na may dalang apoy At nakasakay sa mga pakpak ng bagyo Upang parusahan Ang mga kinamumuhian niya.
66:16 Apoy at tabak ang gagamitin niya Sa pagpaparusa sa mga nagkasala--- Tiyak na marami ang mamamatay.
66:17 "Ang sabi ni Yahweh, 'Malapit na ang wakas para sa mga naglilinis ayon sa tuntunin ng pagsambang pagano, nagpuprusisyon sa mga sagradong hardin at kumakain ng karne ng baboy, daga at iba pang hayop na karumal-dumal. "
66:18 '"Nalalaman ko ang iniisip nila at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at ang mga taong iba't iba ang wika. Malalaman nila kung gaano ako kadakila."
66:19 Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Pul at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila.
66:20 Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan.
66:21 Ang ilan sa kanila ay gagawin kong saserdote at ang ilan ay Levita.
66:22 '"Kung paanong tatagal Ang bagong langit at bagong lupa Sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, Gayon tatagal ang lahi mo at pangalan. "
66:23 "Tuwing Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan, Lahat ng bansa ay sasamba sa akin dito sa Jerusalem.' "
66:24 "Sa kanilang paglabas ay makikita nila ang bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kasuklam-suklam sa sangkatauhan.'"
|