|
45. Mga Taga-Roma
1:1 Mula kay Pablo na alipin ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Mabuting Balita ng Diyos.
1:7 Sa inyong lahat na minamahal ng Diyos na nangariyan sa Roma, na tinawag upang maging mga banal: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
1:2 Ang Mabuting Balitang ito, na ipinangako niya noon pang una sa pamamagitan ng mga propeta at nasasaad sa mga banal na kasulatan,
1:3 ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lipi ni David,
1:4 at sa likas na kabanalan ng kanyang espiritu, ipinahayag siyang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng makapangyarihang gawa---ang kanyang muling pagkabuhay.
1:5 Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol upang ang lahat ng bansa ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya.
1:6 Kabilang din kayo sa mga tinawag na maging tagasunod ni Jesu-Cristo. ( Ang Pagnanais ni Pablo na Dumalaw sa Roma )
1:8 Lubos akong nagpapasalamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig.
1:9 Lagi ko kayong idinadalangin at ito'y alam ng Diyos na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa aking pangangaral ng Mabuting Balita tungkol sa kanyang Anak.
1:10 Lagi kong hinihiling na loobin niyang ako'y makapunta riyan sa inyo.
1:11 Nananabik akong makita kayo upang bahaginan ng kaloob na espirituwal sa ikatitibay ninyo.
1:12 Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikatatatag ng bawat isa sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.
1:13 Mga kapatid, ibig kong malaman ninyo na ilang ulit na akong gumayak ng pagpunta riyan ngunit hindi ako matuluy-tuloy. Ibig kong makahikayat din diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng ginawa ko sa ibang mga Hentil.
1:14 May pananagutan akong mangaral sa mga Griego at sa mga Barbaro, sa marurunong at sa mga mangmang.
1:15 Iyan ang dahilan kung bakit nais kong ipangaral din diyan sa Roma ang Mabuting Balita. ( Ang Kapangyarihan ng Mabuting Balita )
1:16 Hindi ko ikinahihiya ang Mabuting Balita tungkol kay Cristo, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos sa ikaliligtas ng bawat nananampalataya---una'y sa mga Judio at gayon din sa mga Griego.
1:17 "Inihahayag nito na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay nagsisimula sa pananampalataya, at nagiging ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. Ayon sa nasusulat, 'Ang pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.' ( Ang Pagkakasala ng Sangkatauhan )"
1:18 Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong sumisiil sa katotohanan sa pamamagitan ng kanilang kasamaan.
1:19 Ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, yamang inihayag ito sa kanila ng Diyos.
1:20 Mula pa nang likhain niya ang sanlibutan, ang kalikasang di nakikita, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos ay maliwanag na inihahayag ng mga bagay na ginawa niya. Kaya't wala na silang maidadahilan.
1:21 Kahit na kilala na nila ang Diyos, siya'y di nila pinarangalan bilang Diyos ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan at nadimlan ang kanilang mga hangal na pag-iisip.
1:22 Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na hangal
1:23 nang talikdan nila ang kadakilaan ng Diyos na walang kamatayan at sambahin ang mga larawan ng taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga nilalang na nagsisigapang.
1:24 Kaya hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pita hanggang sa magumon sila sa paggawa ng kahalayan sa isa't isa.
1:25 Tinalikdan nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang nilalang sa halip na ang Lumalang na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
1:26 Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pita. Ayaw nang makipagtalik ng mga babae sa mga lalaki; sa kapwa babae na lamang sila nakikipag-ugnayan.
1:27 Gayon din ang ginawa ng mga lalaki; ayaw makipagtalik sa mga babae kundi sa kapwa lalaki na rin sila nahumaling. Ang ginagawa ng mga ito'y nakahihiya, kaya't hindi nila maiiwasan ang parusa sa kanilang lisyang gawain.
1:28 Sapagkat ayaw nilang kumilala sa Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa kanilang masamang pag-iisip at sa mga di tumpak na asal.
1:29 Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip. Napuno sila ng pagkainggit at masasamang hangarin, nahumaling sa pagpatay, pagtatalo, at pagdaraya. Sila'y masisitsit,
1:30 mapanirang-puri, napopoot sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, mga suwail sa magulang,
1:31 mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di marunong lumingap sa kapwa.
1:32 Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito. Gayunman, patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba'y gumagawa ng gayon.
2:1 ( Matuwid ang Hatol ng Diyos ) Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, palibhasa, ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayon.
2:2 Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa niyon.
2:3 Akala mo ba'y makaiiwas ka sa hatol ng Diyos kung hatulan mo ang mga gumagawa ng mga maling gawaing ginagawa mo rin?
2:4 O hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabuti, mapagpigil, at mapagpaumanhin? Hindi mo ba alam na binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at magbagong-buhay kaya napakabuti niya sa iyo?
2:5 Ngunit dahil sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, pinabibigat mo ang parusang ipapataw sa iyo sa paghahayag ng poot ng Diyos sa Araw ng kanyang paghatol.
2:6 Sapagkat siya ang gaganti sa lahat ng tao ayon sa kanilang gawa.
2:7 Ang mga nagpapatuloy ng paggawa ng mabuti sa paghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang-kamatayan ay bibigyan niya ng buhay na walang hanggan.
2:8 Datapwat matinding galit at poot ang babagsak sa mga lumilikha ng pagkakabaha-bahagi at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kalikuan.
2:9 Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayon din ang mga Griego.
2:10 Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una, ang mga Judio at gayon din ang mga Griego.
2:11 Sapagkat ang Diyos ay di nagtatangi.
2:12 Ang lahat ng nagkakasala nang hindi saklaw ng Kautusan ni Moises ay parurusahan nang hindi batay sa Kautusan. At ang lahat ng nagkakasala nang saklaw ng Kautusan ay hahatulan batay sa Kautusan.
2:13 Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang tumatalima rito ang pawawalang-sala ng Diyos.
2:14 Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa nang ayon sa hinihingi nito sa atas ng kanilang katutubong bait, ito'y nagiging kautusan para sa kanila.
2:15 Ipinakikilala ng kanilang gawang nakasulat sa kanilang mga puso ang hinihingi ng Kautusan. Pinatutunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan, at kung minsan nama'y ipinagtatanggol sila ng kanilang isipan.
2:16 Ayon sa Mabuting Balita na aking ipinangangaral, mangyayari ito sa Araw na ang mga lihim ng tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus. ( Ang mga Judio at ang Kautusan )
2:17 Ngunit sinasabi mong Judio ka at nananalig sa Kautusan at ipinagmamalaki mo ang iyong kaugnayan sa Diyos.
2:18 Nalalaman mo ang kanyang kalooban at nakikilala ang mabubuting bagay, sapagkat itinuro sa iyo ng Kautusan.
2:19 Ang palagay mo'y tagaakay ka ng bulag, tanglaw ng nadirimlan,
2:20 tagapayo sa mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, yamang natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan.
2:21 Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral ka laban sa pagnanakaw, bakit ka nagnanakaw?
2:22 Sinasabi mong huwag mangalunya, ngunit nangangalunya ka naman! Nasusuklam ka sa mga diyus-diyusan, bakit ka pumapasok sa mga templo nito, makapagnakaw lamang?
2:23 Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pagsuway mo sa Kautusan!
2:24 "Sapagkat nasusulat, 'Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.' "
2:25 Ang iyong pagiging tuli ay mahalaga lamang kung tumutupad ka sa Kautusan; subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tuli.
2:26 Kung ang hindi tuli ay gumagawa nang ayon sa hinihingi ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli?
2:27 Kaya, kayong mga tuli ay hahatulan ng mga hindi tuli sapagkat tumutupad sila sa Kautusan, datapwat kayong may Kautusang nakasulat ay lumalabag naman dito.
2:28 Sapagkat hindi tunay na Judio ang isang tao dahil lamang sa Judio ang kanyang magulang at dahil sa pagtutuli ng laman.
2:29 Ang tunay na Judio ay ang taong nabago na ang puso't kalooban, ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa kanya'y hindi mula sa tao kundi mula sa Diyos.
3:1 Ano ang kahigtan ng Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli?
3:2 Napakarami. Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos.
3:3 Ano kung mayroon sa kanilang hindi naging tapat? Nawawala ba ang bisa ng katapatan ng Diyos?
3:4 "Hindi! Sapagkat tapat ang Diyos bagamat sinungaling ang bawat tao, ayon sa nasusulat, 'Upang kilalanin kang matuwid sa iyong mga salita, At manaig ka kung hahatulan ka na.' "
3:5 Ngunit kung ang kalikuan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, hindi ba masasabi ngayon na di makatarungan ang Diyos sapagkat tayo'y pinarurusahan niya? (Ganyan ang pangangatwiran ng tao.)
3:6 Hinding-hindi! Kung ang Diyos ay di makatarungan, paano niya hahatulan ang sanlibutan?
3:7 Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kadakilaan ng Diyos sapagkat naipakikita ang kanyang katapatan, makatarungan bang parusahan niya ako bilang isang makasalanan?
3:8 "Bakit nga hindi natin sabihin, 'Gumawa tayo ng masama kung mabuti ang magiging bunga nito'? Ganyan daw ang itinuturo ko, sabi ng mga naninira sa akin. Sila'y parurusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat. ( Walang Matuwid )"
3:9 Ano nga? Tayo bang mga Judio ay nakalalamang sa mga Hentil? Hindi! Sapagkat napatunayan namin na nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan ang lahat ng tao, maging Judio o Griego.
3:10 "Ayon sa nasusulat: 'Walang matuwid, wala kahit isa; "
3:11 Walang nakauunawa, walang humahanap sa Diyos.
3:12 "Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama; Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.' "
3:13 '"Ang lalamunan nila'y tulad ng libingang bukas, Ang kanilang mga labi'y ginagamit sa pandaraya.' 'Dila nila'y makamandag na parang ulupong.' "
3:14 '"Puno ng panunungayaw at masa- sakit na salita ang kanilang bibig.' "
3:15 '"Matulin ang kanilang mga paa sa pagbububo ng dugo. "
3:16 Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan,
3:17 "Hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.' "
3:18 '"Ang pagkatakot sa Diyos ay walang pitak sa kanilang puso.' "
3:19 Ngayo'y nalalaman natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasaklaw nito, upang walang maidahilan ang sinuman at managot ang lahat sa paghuhukom ng Diyos.
3:20 Sapagkat ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao ay hindi dahil sa mga gawa ayon sa Kautusan, yamang nakikilala ng tao ang kasalanan sa pamamagitan ng Kautusan. ( Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao )
3:21 Ngunit ngayo'y nahayag na ang pagpapawalang-sala ng Diyos sa mga tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng batas, bagamat ito'y pinatotohanan ng Kautusan at ng mga propeta.
3:22 Pinawawalang-sala ng Diyos ang lahat ng nananalig kay Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio at maging Hentil.
3:23 Sapagkat ang lahat ay nagkasala at walang sinumang karapat-dapat sa paningin ng Diyos.
3:24 Gayunman, dahil sa kanyang kagandahang-loob ay pinawalang-sala sila sa pamamagitan ni Cristo Jesus, na nagpalaya sa kanila.
3:25 Siya ang itinakda ng Diyos na maging handog upang sa pagbububo ng kanyang dugo ay maipatawad ang kasalanan ng tao sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang ipakilalang siya'y matuwid, sapagkat noong una, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao.
3:26 At sa ngayon, pinawalang-sala niya ang mga nananalig kay Jesus upang patunayang siya'y matuwid.
3:27 Ano ngayon ang ating ipagmamalaki? Wala! Bakit? Dahil lamang ba sa hindi natin pagkatupad sa Kautusan? Hindi, kundi dahil din sa ating pananalig kay Cristo.
3:28 Sapagkat maliwanag na ang tao'y pinawalang-sala dahil sa pananalig kay Cristo, at hindi sa pagtupad ng Kautusan.
3:29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, sapagkat siya'y Diyos ng lahat,
3:30 yamang iisa ang Diyos. Maging Judio o Hentil ay kanyang pawawalang-sala dahil sa kanilang pananalig kay Cristo.
3:31 Dahil ba rito'y winawalang-kabuluhan namin ang Kautusan? Hindi! Amin pa ngang pinahahalagahan.
4:1 ( Ginawang Halimbawa si Abraham ) Tungkol naman kay Abraham na ating ninuno, ano ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito?
4:2 Kung siya'y pinawalang-sala dahil sa mga gawa, may ipagmamalaki siya. Ngunit wala siyang maipagmamalaki sa paningin ng Diyos,
4:3 "sapagkat sinasabi ng Kasulatan: 'Nanalig sa Diyos si Abraham. Dahil dito, siya'y pinawalang-sala ng Diyos.'"
4:4 Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi ibinibilang na kaloob kundi upa.
4:5 Datapwat ang hindi gumagawa kundi nananalig sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay pinawalang-sala dahil sa kanyang pananalig.
4:6 Kaya't tinawag ni David na mapalad ang taong pinawalang-sala nang di dahil sa mga gawa:
4:7 '"Mapapalad yaong ang mga pagsuway ay ipinatawad na, at ang mga kasalana'y napawi na. "
4:8 "Mapalad ang tao na ang mga kasalanan ay nilimot na ng Panginoon.' "
4:9 Ang pagpapala bang ito'y para sa mga tuli lamang? Hindi! Ito'y para rin sa mga hindi tuli. Sinasabi natin, batay sa Kasulatan, na pinawalang-sala si Abraham dahil sa kanyang pananalig.
4:10 Kailan ito nangyari? Bago ba siya tinuli, o pagkatapos? Bago tinuli, hindi pagkatapos.
4:11 Siya'y tinuli bilang tanda na pinawalang-sala na siya dahil sa pananalig niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng nananalig sa Diyos at sa gayon, sila'y pinawalang-sala kahit hindi tuli.
4:12 Gayon din naman, siya'y ama ng mga tuli, hindi lamang dahil sa sila'y tuli kundi dahil sa sila'y nananalig tulad ng ating ninunong Abraham bago siya tinuli. ( Kakamtan ang Pangako sa Pamamagitan ng Pananalig )
4:13 Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang lahi na mamanahin nila ang sanlibutan, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan kundi sa kanyang pananalig sa Diyos at sa gayon siya'y pinawalang-sala.
4:14 Kung ang mga sumusunod lamang sa Kautusan ang magiging tagapagmana, walang bisa ang pangako at walang kabuluhan ang pananalig.
4:15 Ang Kautusan ang naging sanhi ng pagkapoot ng Diyos; kung walang Kautusan, wala ring paglabag.
4:16 Kaya nga, ang pangako ay nababatay sa pananalig upang ito'y maging isang kaloob sa lahi ni Abraham---hindi lamang sa mga sumusunod sa Kautusan kundi sa lahat ng nananalig sa Diyos, tulad niya, yamang siya ang ama nating lahat.
4:17 "Ganito ang nasusulat: 'Ginawa kitang ama ng maraming bansa.' Ang pangakong ito ay may bisa sa harapan ng Diyos na kanyang pinanaligan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumikha sa lahat ng bagay.{ a}"
4:18 "Bagamat wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, 'Kasindami ng bituin ang magiging lahi mo.'"
4:19 Mag-iisandaang taon siya noon at uugud-ugod na; ang asawa naman niyang si Sara ay baog. Gayunman, hindi nanghina ang kanyang pananalig.
4:20 Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos, kundi lalo siyang tumibay sa pananalig at pinuri niya ang Diyos.
4:21 Lubos siyang nanalig na matutupad ng Diyos ang kanyang pangako.
4:22 Kaya't dahil sa kanyang pananalig, siya'y pinawalang-sala.
4:23 "Ngunit ang salitang 'pinawalang-sala,' ay hindi lamang para sa kanya,"
4:24 kundi para rin sa atin. Tayo'y pinawalang-sala dahil sa ating pananalig sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na Panginoon natin.
4:25 Ipinapatay siya dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala.
5:1 ( Mga Bunga ng Pagpapawalang-sala ) Yamang napawalang-sala na tayo dahil sa pananalig sa ating Panginoong Jesu-Cristo, sa pamamagitan niya'y mayroon na tayong kapanatagan sa harapan ng Diyos.
5:2 Sa pamamagitan nga niya'y tinatamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at lubos tayong nagagalak sa ating pag-asa na makakasama sa kanyang kaluwalhatian.
5:3 Bukod dito, nagagalak tayo sa ating mga pagbabata sapagkat alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga.
5:4 At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagbubunga ng pag-asa.
5:5 Hindi tayo nabibigo sa ating pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob na sa atin.
5:6 Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan.
5:7 Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid---bagamat maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang mabuting tao.
5:8 Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa.
5:9 At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya.
5:10 Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit ngayon, tinatanggap na niya tayong mga kaibigan alang-alang sa pagkamatay ng kanyang Anak. Kaya't tiyak ang pagkaligtas natin sa pamamagitan ng pagiging buhay ni Cristo.
5:11 Hindi lamang ito! Nagagalak tayo't nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo ng Diyos na mga kaibigan niya. ( Si Adan at si Cristo )
5:12 Ang kasalana'y pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan niya. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala.
5:13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa ibinigay ang Kautusan, ngunit walang pinananagot sa kasalanan kung walang Kautusan.
5:14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa mga tao na ang pagkakasala'y di tulad ng pagsuway ni Adan. Si Adan ay anino ng isang darating.
5:15 Ngunit magkaiba ang dalawang ito, sapagkat ang kagandahang-loob ng Diyos ay higit na di hamak kaysa pagsuway ni Adan. Totoo ngang nagdala ng kamatayan sa marami ang pagsuway ni Adan, ngunit malaki ang kahigtan ng kagandahang-loob ng Diyos at ng kaloob na dumating sa napakarami sa pamamagitan ng isang tao---si Jesu-Cristo.
5:16 Ang kaloob ay higit na di hamak kaysa ibinunga ng pagsuway ni Adan. Nagdala ng hatol na kaparusahan ang kanyang pagsuway, ngunit ang kaloob na dumating sa kabila ng maraming pagsuway ay nagdulot ng kapatawaran.
5:17 Sa pamamagitan ng isang tao---si Adan---naghari ang kamatayan dahil sa kanyang kasalanan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao---si Jesu-Cristo---higit ang kinamtan ng mga kinahabagan nang sagana at pinawalang-sala: sila'y maghahari sa buhay. Kay laki ng kahigtan ng pagpapalang ito kaysa kasawiang iyon.
5:18 Kaya't kung paanong nagbunga ng kaparusahan sa lahat ang kasalanan ng isang tao, ang pagkamatuwid naman ng isang tao ay nagdulot ng kapatawaran at buhay sa lahat.
5:19 Sapagkat sa pagsuway ng isang tao ay marami ang naging makasalanan, gayon din naman, marami ang pawawalang-sala sa pagsunod ng isang tao.
5:20 Nang magkaroon ng Kautusan, dumami ang paglabag. Ngunit kung dumami man ang kasalanan, lalo namang sumagana ang kagandahang-loob ng Diyos.
5:21 Kaya nga, kung paanong naghari ang kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan, gayon din naman maghahari ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala upang kamtan ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
6:1 ( Patay sa Kasalanan Ngunit Buhay Dahil kay Cristo ) Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos?
6:2 Hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan kaya't hindi na tayo dapat mamuhay sa pagkakasala.
6:3 Hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan?
6:4 Samakatwid, tayo'y namatay at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay na muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo nama'y mabuhay sa isang bagong pamumuhay.
6:5 Sapagkat kung nakaisa tayo ni Cristo sa isang kamatayang tulad ng kanyang kamatayan, tiyak na makakaisa niya tayo sa isang muling pagkabuhay tulad ng kanyang pagkabuhay.
6:6 Alam natin na ang dati nating pagkatao ay ipinakong kasama niya upang mamatay ang makasalanang katawan at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan.
6:7 Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan.
6:8 Ngunit tayo'y naniniwalang mabubuhay tayong kasama ni Cristo kung namatay tayong kasama niya.
6:9 Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan.
6:10 Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa kasalanan, at ang buhay niya ngayo'y para sa Diyos.
6:11 Kaya dapat ninyong ibilang ang inyong sarili na patay na sa kasalanan datapwat buhay naman para sa Diyos sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
6:12 Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang mamamatay upang hindi na kayo maalipin ng masasamang pita nito.
6:13 Huwag ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay at muling binuhay at ihandog sa kanya ang buo ninyong pagkatao bilang kasangkapan ng katuwiran.
6:14 Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, yamang kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos. ( Mga Alipin ng Katuwiran )
6:15 Ngayon, gagawa ba tayo ng kasalanan dahil sa wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos? Hindi!
6:16 Alam ninyong kapag kayo'y napailalim kaninuman bilang alipin, alipin nga kayo ng inyong pinapanginoon---mga alipin ng kasalanan at ang bunga nito'y kamatayan, o mga alipin ng Diyos at ang bunga nito'y pagpapawalang-sala.
6:17 Ngunit salamat sa Diyos sapagkat kayong dating mga alipin ng kasalanan ay naging masunurin sa aral na tinanggap ninyo.
6:18 Pinalaya na kayo sa kasalanan at ngayo'y mga alipin na ng katuwiran.
6:19 Nagsasalita ako sa karaniwang paraan para madali ninyong maunawaan. Kung paanong ipinailalim ninyo ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, ngayon nama'y ihandog ninyo ang inyong sarili sa katuwiran sa ikapagiging-banal ninyo.
6:20 Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran.
6:21 Ngunit ano nga ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Ang kinauuwian ng mga ito ay kamatayan.
6:22 Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at mga alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y kabanalan at ang kauuwia'y buhay na walang hanggan.
6:23 Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
7:1 ( Wala na sa Ilalim ng Kautusan ) Mga kapatid, kayo'y nakaaalam ng batas kaya't nauunawaan ninyo na ang isang tao'y nasasakop lamang ng kautusan habang siya'y nabubuhay.
7:2 Halimbawa: ayon sa Kautusan, ang isang babai'y nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung ito'y mamatay, malaya na ang babae sa mga tuntunin tungkol sa mga may-asawa.
7:3 Samakatwid, nangangalunya siya kung makikisama siya sa ibang lalaki samantalang buhay pa ang kanyang asawa. Ngunit kung mamatay na ang kanyang asawa, hindi na siya sakop ng tuntuning iyon. At kung mag-asawa siya sa ibang lalaki, hindi siya nangangalunya.
7:4 Gayon din naman, mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan nang kayo'y maging bahagi ng katawan ni Cristo, upang maging kabiyak ni Cristo na muling binuhay, at magbunga ng mabubuting gawa ukol sa Diyos.
7:5 Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga makasalanang pita na napukaw ng Kautusan ang nag-udyok sa atin sa paggawa ng mga bagay na magbubunga ng kamatayan.
7:6 Ngunit ngayo'y patay na tayo sa kasalanang umalipin sa atin, wala na tayo sa ilalim ng Kautusan. Kaya't naglilingkod tayo sa Diyos, hindi dahil sa lumang tuntuning nasusulat kundi dahil sa bagong buhay ayon sa Espiritu. ( Ang Kautusan at ang Kasalanan )
7:7 "Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan pa ang siyang sanhi ng kasalanan? Hindi! Gayunman, hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan. Kung hindi sinabi ng Kautusan, 'Huwag kang mag-iimbot,' hindi ko sana nakilala kung ano ang pag-iimbot."
7:8 Ngunit dahil sa Kautusan, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng pag-iimbot. Sapagkat walang kasalanan kung walang kautusan.
7:9 Noong una, nabuhay ako nang walang kautusan; datapwat nang malaman ko ang utos, nabuhay ang kasalanan
7:10 at ako ang namatay. Ang utos ding ito na dapat sanang magdulot ng buhay ay nagdulot sa akin ng kamatayan.
7:11 Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon, napatay nga niya ako.
7:12 Ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti.
7:13 Ibig bang sabihi'y ang mabuting bagay pa ang nagdulot sa akin ng kamatayan? Hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuti---sa pamamagitan ng utos. Sa gayon, napatunayan kung gaano kasama ang kasalanan. ( Ang Hilig ng Laman at Tuntunin ng Isip )
7:14 Alam natin na espirituwal ang Kautusan, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan.
7:15 Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang ibig ko, bagkus ang bagay na kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa.
7:16 Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko ibig, sinasang-ayunan ko na mabuti nga ang Kautusan.
7:17 Kaya, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang nananahan sa akin.
7:18 Alam kong walang mabuting bagay na nananahan sa akin, ibig kong sabihi'y sa aking katawang makalaman. Kayang-kaya kong magnasa ng mabuti, hindi ko lang magawa ang mabuting ninanasa ko.
7:19 Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting ibig ko, kundi ang masamang hindi ko ibig ang siya kong ginagawa.
7:20 Kung ginagawa ko ang hindi ko ibig, hindi na ako ang may kagagawan nito kundi ang kasalanang nananahan sa akin.
7:21 Ito ang natuklasan ko: kapag ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapit sa akin.
7:22 Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa kautusan ng Diyos.
7:23 Subalit nararamdaman kong may ibang tuntunin sa mga bahagi ng aking katawan at ito'y salungat sa tuntunin ng aking isip. Dahil dito, ako'y naalipin ng kasalanang nananahan sa mga bahagi ng aking katawan.
7:24 Kahabag-habag ang kalagayan ko! Sino ang magliligtas sa akin sa katawang ito na nagdudulot sa akin ng kamatayan?
7:25 Ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya! Ito ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, sumusunod ako sa kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman, ako'y sumusunod sa tuntunin ng kasalanan.
8:1 ( Pamumuhay Ayon sa Espiritu ) Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga nakipag-isa kay Cristo Jesus.
8:2 Wala na ako sa ilalim ng batas ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng batas ng Espiritung nagbibigay-buhay, bunga ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
8:3 Ginawa ng Diyos ang hindi nagawa ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Sinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang maging handog para sa kasalanan, at sa anyong iyo'y hinatulan niya ang kasalanan.
8:4 Ginawa niya ang lahat ng ito upang ang hinihingi ng Kautusan ay maisakatuparan sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa laman.
8:5 Sapagkat ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay nahuhumaling sa mga bagay na ukol sa laman, ngunit ang namumuhay sa patnubay ng Espiritu ay nagsisikap ukol sa mga bagay na espirituwal.
8:6 Ang pagkahumaling sa mga bagay ukol sa laman ay magbubulid sa kamatayan, ngunit ang pagsisikap sa mga bagay ukol sa espiritu ay magbubunga ng buhay at kapayapaan.
8:7 Sapagkat kalaban ng Diyos ang sinumang nahuhumaling sa mga bagay ukol sa laman. Hindi siya sumusunod sa kautusan ng Diyos, at hindi niya kayang sumunod.
8:8 At ang mga nabubuhay ayon sa laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
8:9 Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu, kung talagang nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung ang Espiritu ni Cristo'y wala sa isang tao, hindi siya kay Cristo.
8:10 Ngunit kung nasa inyo si Cristo, bagamat patay na ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil sa pinawalang-sala na kayo.
8:11 Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, ang Diyos ding iyan ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
8:12 Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman.
8:13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa laman ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang mga gawa ng laman, mabubuhay kayo.
8:14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos.
8:15 "Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot. Ang tinanggap ninyo ay espiritu ng pagiging anak, at ito ang nagbibigay sa atin ng karapatang tumawag ng 'Ama! Ama ko!'"
8:16 Ang Espiritu nga ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos.
8:17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y nakikipagtiis sa kanya, tayo'y dadakilain ding kasama niya. ( Ang Kaluwalhatiang Sasaatin )
8:18 Sa ganang akin, ang mga pagtitiis sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa ihahayag na kaluwalhatiang sasaatin.
8:19 Nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak.
8:20 Nabigo ang sangnilikha, hindi sa kagustuhan nito, kundi dahil sa ito ang niloob ng Diyos. Gayunman, may pag-asa pa,
8:21 sapagkat ang sangnilikha ay palalayain sa pagkaalipin nito sa kabulukan, at makakahati sa maluwalhating kalagayan{ a} ng mga anak ng Diyos.
8:22 Alam natin na hanggang ngayon ang sangnilikha ay dumaraing sa paghihirap.
8:23 Hindi lamang sila! Tayo mang tumanggap ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay napapahimutok samantalang hinihintay natin ang pag-aampon sa atin ng Diyos, ang pagpapalaya sa ating mga katawan.
8:24 Ligtas na tayo at inaasahan natin ang kaganapan nito. Ngunit ang pag-asa ay hindi pag-asa kapag nakikita na ang inaasahan. Sapagkat sino ang aasa sa nakikita na?
8:25 Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, ito'y hinihintay natin nang buong tiyaga.
8:26 Gayon din naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang lumuluhog para sa atin, sa paraang di magagawa ng pananalita.
8:27 At nauunawaan ng Diyos na nakasasaliksik sa puso ng tao, ang ibig sabihin ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu'y lumuluhog para sa mga banal, ayon sa kalooban ng Diyos.
8:28 Alam nating sa lahat ng bagay, ang Diyos ay gumagawang kasama ang mga nagmamahal sa kanya, ang mga tinawag ayon sa kanyang panukala, sa kanilang ikabubuti.
8:29 Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang sa kanya; ang mga ito'y itinalaga niyang maging tulad ng kanyang Anak, at sa gayon, naging panganay natin siya.
8:30 At ang mga itinalaga niya noong una pa ay kanyang tinawag. Ang mga tinawag niya ay kanya ring pinawalang-sala, at ang kanyang mga pinawalang-sala ay kanya namang binigyan ng karangalan. ( Ang Pag-ibig ng Diyos )
8:31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin?
8:32 Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak?
8:33 Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila?
8:34 Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Cristo Jesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo'y namamagitan para sa atin.
8:35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Cristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak?
8:36 "Ayon sa nasusulat, 'Alang-alang sa iyo, nanganganib kaming mamatay sa buong maghapon. Ibinibilang kami na mga tupang papatayin.' "
8:37 Hindi! Ang lahat ng ito'y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin.
8:38 Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan,
8:39 ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos---pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
9:1 ( Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel ) Saksi ko si Cristo na katotohanan ang sinasabi ko; hindi ako nagsisinungaling. Saksi ko rin ang Espiritu Santo na malinis ang aking budhi sa sasabihin kong ito sa inyo:
9:2 matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso
9:3 tungkol sa aking mga kalahi at mga kababayan, anupa't mamatamisin kong ako'y sumpain at mawalay kay Cristo, alang-alang sa kanila.
9:4 Sila'y mga Israelita at itinuring ng Diyos na mga anak niya. Nakita nila ang maliwanag na tanda na nagpapakilalang siya'y kasama nila. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos; sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang mga pangako.
9:5 Sila'y nagmula sa mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo nang siya'y maging tao, Diyos na Kataas-taasan, na pinapupurihan magpakailanman!{ a} Amen.
9:6 Hindi ito nangangahulugang nabigo ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng nagmula sa Israel ay kabilang sa bayang hinirang niya.
9:7 "Hindi rin ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ito ang sinabi ng Diyos, 'Ang magmumula lamang kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.'"
9:8 Ito'y nangangahulugang hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibibilang na anak ng Diyos, kundi ang mga anak lamang ayon sa pangako ng Diyos ang ibibilang na lahi niya.
9:9 "Sapagkat ganito ang pangako: 'Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.' "
9:10 Ngunit hindi lamang iyon. Lalo pang naging maliwanag ito sa nangyari sa dalawang anak ni Rebeca at ng ating nunong si Isaac.
9:11 Ipinakilala ng Diyos na ang pagpili niya'y ayon sa kanyang sariling panukala at hindi batay sa gawa ng tao. Sapagkat bago pa ipinanganak ang mga bata at bago pa makagawa ng mabuti o masama,
9:12 "sinabi na ng Diyos kay Rebeca, 'Maglilingkod ang nakatatanda sa kapatid na nakababata.'"
9:13 "Ayon sa nasusulat, 'Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.' "
9:14 Kung gayon, masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos? Hindi!
9:15 "Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, 'Nahahabag ako sa ibig kong kahabagan at naaawa ako sa ibig kong kaawaan.'"
9:16 Kaya't ang pasiya ng Diyos ay nasasalig sa kanyang habag at hindi sa kalooban o pagsisikap ng tao.
9:17 "Sapagkat ayon sa Kasulatan ay sinabi sa Faraon, 'Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakilala ko ang aking kapangyarihan, at mahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.'"
9:18 Kaya kinahahabagan nga ng Diyos ang sinumang ibig niyang kahabagan, at pinatitigas niya ang ulo ng ibig niyang pagmatigasin. ( Ang Poot at Habag ng Diyos )
9:19 "Sasabihin mo naman sa akin, 'Bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ang makalalaban sa kanyang kalooban?'"
9:20 "Ngunit ikaw na tao lang---sino ka upang sumagot nang gayon sa Diyos? Masasabi ba ng tao sa lumikha sa kanya, 'Bakit mo ako ginawang ganito?'"
9:21 Wala bang karapatan ang magpapalayok na gumawa ng isang kasangkapang mamahalin at isa namang kasangkapang mumurahin mula sa isang limpak ng luwad?
9:22 Bagamat ibig ipakita ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat nang parusahan at lipulin.
9:23 Ginawa niya ito upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian.
9:24 Tayo ang tinutukoy na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio kundi mula rin sa mga Hentil.
9:25 "Ganito ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas, 'Yaon dating hindi ko bayan ay tatawagin kong 'Bayan ko,' At ang dating hindi ko mahal ay tatawagin kong 'Mahal ko.'' "
9:26 '"At ang pinagsabihang 'Kayo'y hindi ko bayan,' Ay tatawaging mga anak ng Diyos na buhay.' "
9:27 "Ito naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel: 'Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang sa kanila ang maliligtas."
9:28 "Sapagkat mahigpit at mabilis na gaganapin ng Panginoon ang kanyang hatol sa daigdig.'"
9:29 "Si Isaias din ang nagsabi, 'Kung ang Panginoong Makapangyarihan ay hindi nag-iwan ng ilan sa ating lipi, tayo sana'y naging gaya ng Sodoma, at naging tulad ng Gomorra.' ( Ang Israel at ang Mabuting Balita )"
9:30 Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos ay kinalugdan niya, alalaong baga'y pinawalang-sala sa pamamagitan ng pananalig sa kanya.
9:31 Ngunit ang Israel na nagsikap tumupad ng Kautusan upang kalugdan ng Diyos ay hindi nagtagumpay.
9:32 Bakit? Sapagkat sinikap nilang sila'y kalugdan ng Diyos sa pamamagitan ng sariling gawa at hindi sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Natisod sila sa batong-katitisuran,
9:33 "ayon sa nasusulat, 'Naglagay ako sa Sion ng isang batong-katitisuran, Isang malaking batong kanilang kararapaan. Ngunit hindi mabibigo ang sa kanya'y nananangan.'"
10:1 Mga kapatid, ang marubdob kong nais at dalangin sa Diyos ay maligtas sila.
10:2 Mapatutunayan kong sila'y nagsisikap na maging kalugud-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan.
10:3 Sapagkat hindi nila nakilala ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos.
10:4 Si Cristo ang hangganan ng Kautusan, at sa gayon, ang sinumang nananalig sa kanya ay pawawalang-sala. ( Ang Kaligtasan ay Para sa Lahat )
10:5 "Ganito ang sinulat ni Moises tungkol sa pagpapawalang-sala, ayon sa Kautusan: 'Mabubuhay ang tumutupad sa Kautusan.'"
10:6 "Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagpapawalang-sala dahil sa pananalig, 'Huwag mong sabihin sa iyong sarili, 'Sino ang aakyat sa langit?'' (alalaong baga'y upang ibaba si Cristo)."
10:7 '"Huwag mo ring sabihin, 'Sino ang mananaog sa kalaliman?'' (alalaong baga'y upang kunin si Cristo mula sa mga patay)."
10:8 "Ngunit ito ang sinasabi niya, 'Malapit sa iyo ang salita, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso,' (ibig sabihi'y ang salitang ipinangangaral namin tungkol sa pananampalataya)."
10:9 Kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Jesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka.
10:10 Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo'y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo'y naliligtas.
10:11 "Sinasabi ng Kasulatan, 'Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.'"
10:12 Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya.
10:13 "Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, 'Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.' "
10:14 Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral?
10:15 "At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, 'O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng mabuting balita!'{ a}"
10:16 "Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita. Ganito ang sabi ni Isaias, 'Panginoon, sino ang naniwala sa sinabi namin?'"
10:17 Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Cristo.
10:18 "Ngunit ang tanong ko'y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila! Sapagkat, 'Abot sa lahat ng dako ang tinig nila, At ang mga salita nila'y laganap sa sanlibutan.' "
10:19 "Ito pa ang isa kong tanong: hindi ba nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa'y sinagot na ito ni Moises: 'Pangingimbuluhin ko kayo sa mga taong di naman isang bansa. Pagagalitin ko kayo laban sa isang bansang hangal.' "
10:20 "Buong tapang namang sinabi ni Isaias, 'Natagpuan ako ng mga hindi nagsisihanap sa akin. Ako'y napakita sa mga hindi nag- tatanong kung nasaan ako.' "
10:21 "Datapwat sinabi niya tungkol sa Israel, 'Sa buong maghapon, ako'y nanawagan sa isang bayang matigas ang ulo at mapaghimagsik!'"
11:1 ( Kinahabagan ng Diyos ang Israel ) Ito ngayon ang tanong ko: itinakwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Hindi! Ako'y isang Israelita---mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin.
11:2 Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayang sa simula pa'y hinirang na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng Kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos dahil sa ginagawa ng Israel.
11:3 '"Panginoon,' sabi niya, 'pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga dambana. Ako lamang ang natira, at ibig pang patayin din!'"
11:4 "Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? 'Nagtira ako ng 7,000 lalaking hindi sumamba sa diyus-diyusang si Baal.'"
11:5 Gayon din sa kasalukuyan, mayroon pang nalalabi, mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob.
11:6 Hinirang nga sila dahil sa kanyang kagandahang-loob, hindi dahil sa kanilang mga gawa; sapagkat kung dahil sa mga gawa, hindi na ito maituturing na kagandahang-loob.
11:7 Ano ngayon? Hindi nakamtan ng buong Israel ang kanyang ninanais. Sapagkat matigas ang ulo ng iba, ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito.
11:8 "Ganito ang sabi ng Kasulatan: 'Binigyan ng Diyos ang mga taong ito ng manhid na diwa, Mga matang di makakita at mga taingang di makarinig, hanggang sa panahong ito.' "
11:9 "At sinabi rin ni David, 'Maging bitag at patibong sana ang kanilang pagpipista, Isang katitisuran at parusa sa kanila. "
11:10 "Lumabo sana ang kanilang mata nang di sila makakita At sila'y makuba sa hirap habang buhay.' "
11:11 Ibig bang sabihin ngayo't natisod ang Israel ay tuluyan na siyang nabuwal? Hindi! Ngunit dahil sa pagkatisod ng mga Israelita---dahil sa katigasan ng kanilang ulo---umabot sa mga Hentil ang kaligtasan, nang sa gayo'y mangimbulo sa mga ito ang Israel.
11:12 Ngayon, kung ang paglabag ng mga ito ay naging isang pagpapala sa sanlibutan at ang kanilang pagkabigo ay nakabuti sa mga Hentil, gaano pa kaya ang pagbabalik-loob nilang lahat! ( Ang Kaligtasan ng mga Hentil )
11:13 Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Yamang ako'y apostol ninyo, pinangangatawanan ko ang aking ministeryo
11:14 upang mangimbulo ang mga kababayan ko, at sa gayo'y maligtas ang ilan sa kanila.
11:15 Kung naging daan ng pakikipagkasundo ng sanlibutan sa Diyos ang pagkakatakwil sa kanila, ang muling pagtanggap sa kanila'y para na ring pagbibigay-buhay sa patay.
11:16 Kung ang unang tinapay na galing sa minasang harina ay inihandog sa Diyos, nakahandog na rin ang buong masa. At kung nakahandog sa Diyos ang ugat ng isang kahoy, nakahandog na rin ang kanyang mga sanga.
11:17 Kung pinutol ang ilang sanga ng tunay na olibo, at ikaw na isang sanga ng olibong ligaw ay iniugpong sa puno upang makabahagi sa dagtang galing sa ugat,
11:18 hindi ka dapat magmalaki. Alalahanin mong hindi ikaw ang may dala sa ugat; ang ugat ang may dala sa iyo.
11:19 "Sasabihin mo naman, 'Pinutol ang mga sanga upang ako'y maiugpong.'"
11:20 Totoo iyan. Pinutol sila dahil sa di nila pananalig sa Diyos, ngunit iniugpong ka dahil sa iyong pananalig sa kanya. Kaya't huwag kang magmataas; sa halip ay matakot ka.
11:21 Sapagkat kung ang mga katutubong sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, hindi ka rin niya panghihinayangan.
11:22 Dito'y makikita natin ang kabutihan ng Diyos at ang kabagsikan niya. Mabagsik siya sa mga di nananalig sa kanya, subalit mabuti sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, ikaw ma'y puputulin.
11:23 Ang mga Judio'y maidurugtong uli kung hindi sila magmamatigas sa kanilang di pananalig, sapagkat may kapangyarihan ang Diyos na gawin iyon.
11:24 Kung ikaw na sanga ng olibong ligaw ay naiugpong sa tunay na olibo kahit laban sa likas na paraan, gaano pa kaya ang sanga ng tunay na olibo na hindi maiugpong sa talagang puno nito! ( Nahahabag ang Diyos sa Lahat )
11:25 Mga kapatid, may isang hiwaga na ibig kong malaman ninyo para hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng bayang Israel ay pansamantala, hindi panghabang panahon. Ito'y tatagal lamang hanggang sa makalapit sa Diyos ang kabuuang-bilang ng mga Hentil.
11:26 "Sa gayon, maliligtas ang buong Israel, ayon sa nasusulat, 'Magbubuhat sa Sion ang Tagapagligtas, Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob. "
11:27 "At ito ang magiging tipan ko sa kanila Pag inalis ko na ang kanilang mga kasalanan.' "
11:28 Sa ikalalaganap ng Mabuting Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos upang magkaroon kayong mga Hentil ng pagkakataon. Ngunit ayon sa paghirang, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno.
11:29 Sapagkat ang Diyos ay hindi nagbabago ng isip tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag.
11:30 Dati, masuwayin kayo sa Diyos, ngunit ngayo'y kinahahabagan sa panahon ng pagsuway ng mga Judio.
11:31 Gayon din naman, sila'y naging masuwayin ngayong kayo'y kinahahabagan upang sila'y kahabagan din.
11:32 Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin ng kanilang kasalanan ang lahat ng tao upang maipadama sa kanila ang kanyang habag. ( Papuri sa Diyos )
11:33 Napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kayamanan, karunungan at kaalaman ng Diyos! Hindi malirip ang kanyang mga panukala at pamamaraan! Gaya ng nasusulat:
11:34 '"Sapagkat sino ang nakaalam sa pag-iisip ng Panginoon, O sino ang naging tagapayo niya?' "
11:35 '"Sino ang nakapagkaloob ng anuman sa Diyos Para siya nama'y gantimpalaan?' "
11:36 Sapagkat mula sa kanya at sa pamamagitan niya at sa kanya ang lahat ng bagay. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen.
12:1 ( Pamumuhay Cristiano ) Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y namamanhik sa inyo: ialay ninyo ang inyong sarili bilang handog na buhay, banal at kalugud-lugod sa kanya. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos.
12:2 Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba na kayo at magbago ng isip upang mabatid ninyo ang kalooban ng Diyos---kung ano ang mabuti, nakalulugod sa kanya, at talagang ganap.
12:3 Dahil sa kaloob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo: huwag ninyong pahalagahan nang higit sa nararapat ang inyong sarili. Sa halip, pakalimiin ninyo ang tunay ninyong katatayuan, ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo.
12:4 Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at hindi pare-pareho ang gawain ng bawat isa.
12:5 Gayon din naman, tayo'y marami ngunit nabubuo sa iisang katawan ni Cristo, at isa't isa'y bahagi ng iba.
12:6 Yamang mayroon tayong mga kaloob na magkakaiba ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung paghahayag ng kalooban ng Diyos ang ipinagkaloob sa atin, ipahayag natin ito ayon sa sukat ng ating pananampalataya;
12:7 kung paglilingkod, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob na pagtuturo
12:8 at mangaral ang may kaloob na pangangaral. Kung pag-aabuloy, mag-abuloy nang buong kaya; kung pamumuno, mamuno nang buong sikap. Kung nagkakawanggawa, gawin ito nang buong galak.
12:9 Maging tunay ang inyong pag-ibig. Kasuklaman ninyo ang masama, pakaibigin ang mabuti.
12:10 Mag-ibigan kayo na parang tunay na magkakapatid. Pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo.
12:11 Magpakasipag kayo at buong pusong maglingkod sa Panginoon.
12:12 Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa. Magtiyaga kayo sa inyong kapighatian, at laging manalangin.
12:13 Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid. Ibukas ninyong lagi ang inyong pinto sa mga taga-ibang lugar.
12:14 Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo---idalanging pagpalain at huwag sumpain.
12:15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, makitangis sa mga tumatangis.
12:16 Magkaisa kayo ng loobin. Huwag kayong magmataas, kundi makisama sa mga aba. Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong.
12:17 Huwag ninyong gantihin ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa lahat ng panahon.
12:18 Hangga't maaari, makisama kayong mabuti sa lahat ng tao.
12:19 "Mga minamahal, huwag kayong maghiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, 'Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.'"
12:20 "Kaya, 'Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakanin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon, mapapahiya siya sa kanyang sarili.'{ a}"
12:21 Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama.
13:1 ( Tungkulin sa mga Pinuno ng Bayan ) Ang bawat tao'y pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan. Sapagkat walang pamamahalang hindi mula sa Diyos at ang mga pamahalaang umiiral ay itinatag ng Diyos.
13:2 Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa mga itinakda ng Diyos; at lalapatan ng parusa ang sinumang lumalaban.
13:3 Ang mga pinuno ay dapat katakutan ng gumagawa ng masama, ngunit walang dapat ikatakot sa kanila ang gumagawa ng mabuti. Ibig mo bang huwag matakot sa mga namumuno? Gumawa ka ng mabuti, at papupurihan ka nila.
13:4 Sila'y mga lingkod ng Diyos sa ikabubuti mo. Ngunit matakot ka kung gumagawa ka ng masama, sapagkat sila'y talagang may kapangyarihang magparusa.{ a} Sila'y mga lingkod ng Diyos at magpaparusa sa mga gumagawa ng masama.
13:5 Kaya nga, dapat kayong pasakop hindi lamang upang maiwasan ang poot ng Diyos kundi dahil sa iyon ang matuwid.{ b}
13:6 Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at sila ang namamahala sa mga bagay na ito.
13:7 Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya: magbayad kayo ng buwis sa kinauukulan, gumalang sa nararapat igalang at parangalan ang dapat parangalan. ( Tungkulin sa Kapwa )
13:8 Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, liban sa saguting tayo'y mag-ibigan; sapagkat ang umiibig sa kapwa ay nakatutupad sa kautusan.
13:9 "Ang mga utos, gaya ng, 'Huwag kang mangangalunya, Huwag kang papatay, Huwag kang magnanakaw, Huwag kang mag-iimbot,' at ang alinmang utos na tulad ng mga ito ay nabubuo sa ganitong pangungusap, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.'"
13:10 Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang kabuuan ng kautusan.
13:11 Dapat ninyong gawin ito sapagkat alam ninyong panahon na upang gumising kayo sa pagkakatulog. Ang pagliligtas sa atin ay higit na malapit ngayon kaysa noong tayo'y magsimulang manalig sa kanya.
13:12 Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti.{ c}
13:13 Mamuhay tayo nang marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan.
13:14 Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay{ d} at huwag paglaanan ang laman upang bigyang-kasiyahan ang mga nasa nito.
14:1 ( Huwag Humatol sa Iyong Kapatid ) Tanggapin ninyo ang mahina sa pananampalataya, at huwag pagpupunahin ang kanyang kuru-kuro.
14:2 May naniniwalang maaari siyang kumain ng kahit ano, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa pananampalataya.
14:3 Huwag hamakin ng kumakain ng kahit ano ang kumakain lamang ng gulay, at huwag namang hatulan ng kumakain lamang ng gulay ang kumakain ng kahit ano, sapagkat siya'y tinanggap ng Diyos.
14:4 Sino ka upang humatol sa utusan ng iba? Ang Panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At aariin siyang karapat-dapat sapagkat ito'y kayang gawin ng kanyang Panginoon.
14:5 May nagpapalagay na ang isang araw ay higit kaysa iba. May nagpapalagay namang pare-pareho ang lahat ng araw. Magpakatatag ang bawat isa sa kanyang sariling pasiya tungkol sa bagay na iyan.
14:6 Ang nangingilin sa isang araw ay nangingilin alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng kahit ano ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Yaon namang hindi kumakain ng lahat ng uri ng pagkain ay gumagawa ng gayon alang-alang sa Panginoon at nagpapasalamat din siya sa Diyos.
14:7 Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay sa kanyang sarili lamang.
14:8 Kung tayo'y nabubuhay, nabubuhay tayo para sa Panginoon, at kung tayo'y namamatay, namamatay tayo para sa Panginoon. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon.
14:9 Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at mga buhay.
14:10 Ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw, bakit mo naman hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos.
14:11 "Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, 'Sa aking pagiging Diyos, sabi ng Panginoon, isinusumpa kong ang bawat isa'y luluhod sa harapan ko, At ang bawat dila'y magpupuri sa Diyos.' "
14:12 Kaya't lahat tayo ay magbibigay-sulit sa Diyos. ( Huwag Maging Sanhi ng Pagkakasala ng Iyong Kapatid )
14:13 Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Sa halip, iwasan na nating tayo'y maging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid.
14:14 Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang pagkaing likas na masama; ngunit kung inaakala ninuman na ipinagbabawal ang isang pagkain, ito'y bawal nga sa kanya.
14:15 Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Si Cristo'y namatay para sa kanya, kaya't huwag mo siyang ipahamak dahil sa iyong pagkain.
14:16 Ingatan mong ang kalayaang ito{ a} ay huwag mapulaan ng iba.
14:17 Sapagkat ang pagpasok ng tao sa Kaharian ng Diyos ay hindi nababatay sa pagkain at inumin kundi sa pagiging matuwid, pagkakasundu-sundo at kagalakan na pawang kaloob ng Espiritu Santo.
14:18 Ang naglilingkod nang gayon kay Cristo ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao.
14:19 Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makapagdudulot ng kapayapaan at makapagpapatibay sa isa't isa.
14:20 Huwag ninyong ipahamak ang iniligtas ng Diyos dahil sa inyong pagkain. Walang pagkaing likas na masama; ang masama'y kung magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain.
14:21 Mabuti ang di kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid.
14:22 Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Maligaya ang taong di sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na inaakala niyang tama.
14:23 Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay hinahatulan ng Diyos sapagkat hindi ayon sa kanyang pananalig ang kanyang ginagawa. Kasalanan ang anumang gawang hindi ayon sa pananalig.
15:1 ( Bigyang-kasiyahan ang Kapwa, Huwag ang Sarili ) Dapat pagtiisan nating malalakas ang mahihina sa pananampalataya, at huwag ang sariling kasiyahan lamang ang isipin.
15:2 Bigyan natin ng kasiyahan ang ating kapwa kung ikabubuti niya, upang lumakas ang kanyang pananampalataya.
15:3 "Si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan kundi, ayon sa nasusulat, 'Sa pag-alipusta nila sa iyo, ako ang inalipusta.'"
15:4 Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, sapagkat lumalakas ang ating loob at nagkakaroon ng pag-asa kapag binabasa natin ang mga aral na matatagpuan dito.
15:5 Loobin nawa ng Diyos na nagpapatatag at nagpapalakas ng loob, na mamuhay kayong may pagkakaisa kay Cristo Jesus.
15:6 Sa gayon, sama-sama kayong magpuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. ( Ang Mabuting Balita sa mga Hentil )
15:7 Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, gayon din ang gawin ninyo sa isa't isa upang maparangalan ninyo ang Diyos.
15:8 Sinasabi ko sa inyo: si Cristo'y naging lingkod ng mga Judio upang ipakilala na tapat ang Diyos at tinutupad ang mga pangako niya sa mga patriyarka,
15:9 "at ang mga Hentil nama'y magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Ayon sa sinasabi ng Kasulatan, 'Kaya't papupurihan kita sa harapan ng mga Hentil, At aawitan ko ang iyong pangalan.' "
15:10 "Sinabi pa, 'Magalak kayo, mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!' "
15:11 "At sinabi pa rin, 'Kayong mga Hentil, purihin ninyo ang Panginoon, Ang lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!' "
15:12 "Idinagdag pa ni Isaias, 'Darating ang supling ni Jesse, Ang titindig upang mamahala sa mga Hentil. Siya ang kanilang inaasahan.' "
15:13 Ang Diyos na nagbibigay sa atin ng pag-asa ang magkaloob nawa sa inyo ng kagalakan at kapayapaan sa pananalig upang sumagana kayo sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. ( Dahilan ng Ganitong Sulat ni Pablo )
15:14 Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo'y puspos ng kabutihan, may sapat na kaalaman, at marunong magpaalalahanan.
15:15 Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kaloob ng Diyos sa akin
15:16 na maging lingkod ni Cristo Jesus bilang saserdote sa mga Hentil. Ipinangangaral ko sa kanila ang Mabuting Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, yamang pinabanal ng Espiritu Santo.
15:17 Kaya't bilang lingkod ni Cristo Jesus may katwiran akong ipagmapuri ang aking nagawa para sa Diyos.
15:18 Sapagkat ang pinangangahasan ko lamang banggitin ay ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa,
15:19 sa tulong ng mga tanda at kababalaghan, at sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Kaya't sa lahat ng lupain, mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico ay ipinangaral ko ang Mabuting Balita tungkol kay Cristo.
15:20 Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga dakong hindi pa kilala si Cristo, upang hindi ako mangaral sa napangaralan na ng iba.{ a}
15:21 "Ganito ang sinasabi ng kasulatan, 'Makakikilala ang hindi pa nakababalita tungkol sa kanya. Makauunawa ang hindi pa nakaririnig tungkol sa kanya.' ( Balak ni Pablo na Dumalaw sa Roma )"
15:22 Iyan ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy ng pagpunta sa inyo.
15:23 Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at yamang matagal ko nang gustung-gustong makapunta riyan,
15:24 inaasahan kong magkikita tayo pagdaan kong patungo sa Espa?. Inaasahan ko rin namang tutulungan ninyo akong makapagpatuloy sa aking paglalakbay matapos tumigil diyan ng kaunting panahon.
15:25 Ngunit ngayon, pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid doon.
15:26 Sapagkat minabuti ng Macedonia at Acaya na magpadala ng abuloy para sa mga maralitang kapatid sa Jerusalem.
15:27 Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Sapagkat ang mga Hentil ay nakabahagi ng mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, nararapat namang tulungan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng kanilang pagpapalang materyal.
15:28 Pagkadala ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, dadaan ako riyan pagpunta ko sa Espa?.
15:29 Naniniwala ako na pagpariyan ko, taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo.
15:30 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na panalangin.
15:31 Idalangin ninyo na maligtas ako sa mga di nananalig na nasa Judea, at ang aking dalang tulong sa Jerusalem ay marapatin ng mga kapatid doon.
15:32 Sa gayon, kung loloobin ng Diyos, masaya akong makararating diyan at makapagpapahinga sa inyong piling.
15:33 Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng ating kapayapaan. Amen.
16:1 ( Mga Pangungumusta ) Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na naglilingkod sa iglesya sa Cencrea.
16:2 Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng dapat gawin sa mga banal, at tulungan sa anumang kakailanganin niya, sapagkat marami siyang natulungan at ako'y isa na sa mga iyon.
16:3 Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila, mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus.
16:4 Sumuong sila sa panganib upang mailigtas ang aking buhay; at hindi lamang ako ang nagpapasalamat kundi pati ang mga iglesya ng mga Hentil.
16:5 Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa bahay ng mag-asawang ito. Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa kaibigan kong si Epeneto, ang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia,
16:6 at kay Maria, na nagpakahirap para sa inyo.
16:7 Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia, na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol{ a} at naunang naging Cristiano kaysa akin.
16:8 Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon,
16:9 kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa kaibigan kong si Estaquis,
16:10 gayon din kay Apeles na kilalang tapat na Cristiano. Ikumusta rin ninyo ako sa sambahayan ni Aristobulo,
16:11 sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso.
16:12 Ikumusta ninyo ako kina Trifena at Trifosa, masisipag na manggagawa ng Panginoon, gayon din kay Persida na minamahal kong kapatid na marami nang nagawa para sa Panginoon,
16:13 kay Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at sa kanyang ina na para ko na ring ina.
16:14 Ikumusta rin ninyo ako kina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila,
16:15 kina Filologo, Julia, Nereo at sa kanyang kapatid na babae, gayon din kay Olimpas at sa lahat ng kapatid na kasama nila.
16:16 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.{ b} Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo. ( Mga Dagdag na Tagubilin )
16:17 Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakampi-kampi at nagiging sanhi ng pagtalikod sa mga aral na tinanggap ninyo; iwasan ninyo sila.
16:18 Ang mga gayong tao ay hindi naglilingkod kay Cristo na ating Panginoon, kundi sa kanilang makasariling hangarin,{ c} at sa pamamagitan ng kanilang magaganda at matatamis na pangungusap ay inililigaw nila ang mga mapaniwalain.
16:19 Balitang-balita ang inyong pagtalima kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit ang ibig ko'y maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at walang malay sa mga bagay na masama.
16:20 Ang Diyos ang nagbibigay ng kapayapaan; hindi na magtatagal at ipalulupig niya sa inyo si Satanas. Sumainyo nawa ang kalinga ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
16:21 Kinukumusta kayo ni Timoteo, na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na mga kababayan ko.
16:22 (Akong si Tercio, na sumulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon.)
16:23 Kinukumusta kayo ni Gayo na tinutuluyan ko---sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [
16:24 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.] ( Pangwakas na Pagpupuri )
16:25 Purihin ang Diyos na makapagpapatibay sa inyo sa pamamagitan ng Mabuting Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinangangaral ko sa inyo. Ang Mabuting Balitang iyan ay isang hiwaga na nalihim sa loob ng mahabang panahon,
16:26 at sa utos ng walang hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa mga Hentil upang sila'y manalig at tumalima kay Cristo. Ang lahat ng iyan ay ayon sa mga sulat ng mga propeta.
16:27 Sa iisang Diyos, ang marunong sa lahat---sa kanya iukol ang papuri magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.
|