|
47. 2 Mga Taga-Corinto
1:1 Mula kay Pablo na hinirang ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus at mula sa ating kapatid na Timoteo---Sa iglesya sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya:
1:2 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. ( Pasasalamat ni Pablo )
1:3 Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan.
1:4 Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang makatulong naman tayo sa mga namimighati, sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya.
1:5 Kung gaano karami ang tiising dinaranas namin sa pakikipag-isa kay Cristo, gayon din ang kaaliwang tinatamo namin mula sa kanya.
1:6 Kung namimighati man kami, ito'y sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag inaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang mabata ang mga kapighatiang dinaranas ninyo, tulad namin.
1:7 Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo sapagkat alam naming kahati kayo sa aming kaaliwan, kung paanong kayo'y kahati namin sa pagtitiis.
1:8 Mga kapatid, ibinabalita namin sa inyo ang mga kapighatian na dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupat nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa.
1:9 Akala nami'y dumating na ang aming oras. Ngunit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay.
1:10 Kami'y iniligtas niya noon sa tiyak na kamatayan at patuloy na inililigtas, at umaasang patuloy na ililigtas
1:11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa kanya dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami. ( Nagbago ng Balak si Pablo )
1:12 Ito ang ipinagkakapuri namin: pinatutunayan ng aming budhi na tapat at walang pagkukunwari ang pakikitungo namin sa lahat, lalo na sa inyo. Ito'y sa tulong ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungang makalupa.
1:13 Kaya't wala kayong dapat ipakahulugan sa mga sulat namin sa inyo, maliban sa nasasaad doon. Inaasahan kong mauunawaan ninyo akong mabuti,
1:14 ako na hindi pa ninyo gaanong nauunawaan ngayon, upang kami'y ipagkapuri ninyo pagdating ng Araw ng Panginoong Jesus, kung paanong ipinagkakapuri namin kayo.
1:15 Dahil sa paniniwala kong ito, binalak kong pumunta muna riyan upang mag-ibayo ang inyong kasiyahan.
1:16 Binabalak kong dumaan na riyan pagpunta ko sa Macedonia. Pagbabalik ko, daraan uli ako upang matulungan naman ninyo ako sa paglalakbay ko sa Judea.
1:17 "Ngayon, dahil ba sa ganito ang balak ko ay masasabi na ninyong ako'y urong-sulong? Akala ba ninyo'y pabagu-bago ang balak ko tulad ng ginagawa ng taong makasanlibutan, na ngayon ang sabi'y 'Oo' at pamaya-maya'y 'Hindi?'"
1:18 "Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayon din ang salita ko sa inyo: ang 'Oo' ngayon ay mananatiling 'Oo.'"
1:19 "Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo ay hindi 'Oo' ngayon at pagkatapos ay 'Hindi.' Siya'y nananatiling 'Oo,'"
1:20 "sapagkat siya ang katuparan ng lahat ng pangako ng Diyos. Dahil sa kanya, nakasasagot tayo ng 'Amen' sa ikaluluwalhati ng Diyos."
1:21 Ang Diyos ang nagpatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin.
1:22 Tinatakan niya kami at pinagkalooban ng kanyang Espiritu, bilang katunayang tutuparin niya ang kanyang pangako.
1:23 Saksi ko ang Diyos---alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako napariyan sapagkat kayo rin ang inaalaala ko.
1:24 Hindi sa gusto naming pangunahan pa kayo sa inyong pananampalataya, sapagkat matatag na kayo riyan; nais lamang namin na tumulong upang maging masaya kayo sa inyong pamumuhay Cristiano.
2:1 Ipinasiya kong huwag na munang pumunta riyan para hindi kayo madulutan ng panibagong kalumbayan.
2:2 Sapagkat kung dulutan ko kayo ng kalumbayan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba kayo rin?
2:3 Kaya't sumulat muna ako sa inyo. Sa gayon, pagpunta ko riyan ay hindi na lungkot ang idudulot ninyo sa akin, kayo na dapat magpasaya sa akin. Sapagkat naniniwala akong ang kaligayahan ko'y kaligayahan din ninyo.
2:4 Ang puso ko'y tigib ng hapis at pag-aalaala nang sulatan ko kayo, at hindi kakaunting luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sinulatan ko kayo hindi upang dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama sa inyo kung gaano kalaki ang aking pagmamahal. ( Patawarin ang Nagkasala )
2:5 Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ako ang dinulutan niyon. Maaari pang sabihin nang walang pagmamalabis na kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan.
2:6 Ngunit sapat na ang pagpaparusang ginawa sa kanya ng nakararami sa inyo.
2:7 Patawarin na ninyo siya at aliwin upang hindi naman tuluyang masiraan ng loob.
2:8 Kaya ipinamamanhik kong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo.
2:9 Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang malaman kung sinusunod ninyong mabuti ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo.
2:10 Sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man, ay pinatawad ko alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo,
2:11 upang hindi tayo mapaglalangan ni Satanas. Hindi lingid sa atin ang ibig niyang mangyari. ( Hindi Mapanatag si Pablo sa Troas )
2:12 Nang magpunta ako sa Troas upang mangaral ng Mabuting Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon na maisagawa iyon.
2:13 Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon ang kapatid kong si Tito. Kaya ako'y nagpaalam at nagtuloy sa Macedonia. ( Nagtagumpay Dahil kay Cristo )
2:14 Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya tayong isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo dahil sa ating pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan natin ay pinalalaganap ng Diyos ang mabangong halimuyak, ang pagkakilala kay Cristo.
2:15 Tayo'y tulad ng mabangong samyo ng insenso na sinusunog ni Cristo para sa Diyos. At nalalanghap ito ng mga inililigtas at ng mga napapahamak.
2:16 Sa mga napapahamak, ito'y isang nakamamatay na alingasaw, ngunit sa mga inililigtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang makaganap ng gayong gawain?
2:17 Hindi kami tulad ng iba na kinakalakal ang Salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos at lingkod ni Cristo, buong tapat naming ipinangangaral ang kanyang salita.
3:1 ( Mga Lingkod ng Bagong Tipan ) Sa wari ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na kailangan pang may rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo?
3:2 Kayo na rin ang aming rekomendasyon, nakatitik sa aming puso upang makilala at mabasa ng lahat.
3:3 Kayo ang maliwanag na sulat ni Cristo, ang sulat na ipinadala sa pamamagitan namin. Ito'y nasusulat, hindi ng tinta kundi ng Espiritu ng Diyos na buhay, at hindi sa mga tapyas na bato kundi sa puso ng tao.
3:4 Nasasabi namin ang gayon dahil sa aming pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo.
3:5 Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming sapat na kakayahang gawin ito; ang Diyos ang nagkaloob nito sa amin.
3:6 Niloob niyang kami'y maging lingkod ng bagong tipan, tipang hindi nababatay sa Kautusang natititik kundi sa Espiritu. Sapagkat ang dulot ng titik ay kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay.
3:7 Nang ibigay ang alituntunin ng paglilingkod na nakatitik sa tinapyas na bato, kalakip na nahayag ang kaningningan ng Diyos, anupat hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises bagamat ang kaningningang ito'y lumipas. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakatitik na nagdala ng kamatayan ay dumating na may kalakip na kaningningan,
3:8 gaano pa kaya ang paglilingkod ayon sa Espiritu?
3:9 Kung may kaningningan ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maningning ang paglilingkod na ang dulot ay pagpapawalang-sala.
3:10 Dahil dito, masasabi natin na ang dating ningning ay wala na sapagkat nahalinhan ng lalo pang maningning.
3:11 Kung may kaningningan ang lumilipas, higit ang kaningningan noong nananatili magpakailanman.
3:12 Dahil sa pag-asa nating iyan, malakas ang ating loob.
3:13 Hindi tayo tulad ni Moises, na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaningningang yaon.
3:14 Ngunit matigas ang kanilang ulo, kaya hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na yaon tuwing binabasa nila ang matandang tipan. At maaalis lamang ang talukbong na ito kapag ang isang tao'y nakipag-isa kay Cristo.
3:15 Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing babasahin nila ang aklat ni Moises.
3:16 Ngunit pagharap ng tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong.
3:17 Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung saan naroon ang Espiritu ng Panginoon, naroroon din ang kalayaan.
3:18 At ngayong naalis na ang talukbong sa ating mukha, tayong lahat ang nagiging sinag ng kaningningan ng Panginoon. At ang kaningningang iyon na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang bumabago sa ating anyo upang maging lalong maningning, hanggang sa maging mistulang larawan niya.
4:1 ( Kayamanang Espirituwal sa Sisidlang Yari sa Putik ) Dahil sa habag ng Diyos, hinirang niya ako para sa gawaing ito kaya naman malakas ang aking loob.
4:2 Tinalikdan ko na ang mga gawang kahiya-hiya at ginagawa nang palihim. Hindi ako nanlilinlang at hindi ko pinipilipit ang Salita ng Diyos. Sa halip, hayagan kong ipinangaral ang katotohanan at ito'y alam ng Diyos. Kaya't handa akong pahatol kaninuman.
4:3 Kung may talukbong pa ang Mabuting Balitang ipinahahayag namin, ito'y natatalukbungan lamang sa mga napapahamak.
4:4 Hindi sila sumasampalataya, sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng daigdig na ito. Sila'y binulag nito upang hindi nila makita ang liwanag ng Mabuting Balita tungkol sa kaningningan ni Cristo na siyang larawan ng Diyos.
4:5 Si Cristo Jesus na ating Panginoon ang ipinangangaral ko at hindi ang aking sarili. Ako'y lingkod ninyo alang-alang kay Jesus.
4:6 "Sapagkat ang Diyos na nagsabing 'Mula sa karimlan ay sisilang ang liwanag' ay siya ring nagbigay-liwanag sa aming mga isip upang makilala ang kadakilaan ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo. "
4:7 Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak---kung baga sa sisidlan ay palayok lamang---upang ipakilalang ang di malirip na kapangyarihan ay sa Diyos, at hindi amin.
4:8 Ginigipit kami sa kabi-kabila ngunit di nagagapi. Kung minsa'y nag-aalinlangan kami ngunit di nawawalan ng pag-asa.
4:9 Pinag-uusig kami ngunit di nawawalan ng kaibigan; naibubuwal ngunit di tuluyang nailulugmok.
4:10 Lagi kong taglay sa aking katawan ang kamatayan ni Jesus upang sa pamamagitan ng katawan ko'y mahayag ang kanyang buhay.
4:11 Kami'y laging nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Cristo upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay.
4:12 Anupat habang ako'y dahan-dahang namamatay, nagkakaroon naman kayo ng buhay na walang hanggan.
4:13 "Sinasabi ng Kasulatan, 'Nagsasalita ako sapagkat ako'y sumasampalataya.' Bunga ng gayong diwa ng pananampalataya, nagsasalita rin ako sapagkat ako ma'y sumasampalataya."
4:14 Sapagkat nalalaman kong ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ang siya ring bubuhay sa akin kasama niya, at magdadala sa inyo at sa akin sa kanyang piling.
4:15 Ang lahat ng pagtitiis ko ay sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakatatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo namang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya. ( Nabubuhay sa Pananampalataya )
4:16 Kaya't hindi ako pinanghihinaan ng loob. Bagamat humihina ang aking katawang-lupa, patuloy namang lumalakas ang aking espiritu.
4:17 Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas ko ngayon ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad.
4:18 Kaya't ang paningin namin ay nakapako sa mga bagay na di nakikita, hindi sa nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di nakikita.
5:1 Talos natin na kapag nasira ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, tayo'y may tahanan sa langit, hindi nasisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, hindi ng tao.
5:2 Dumaraing nga tayo sa tirahan nating ito at labis nating pinananabikan ang tahanang panlangit
5:3 upang kung mabihisan na tayo nito, hindi tayo matatagpuang hubad.
5:4 Habang tayo'y nakatira pa sa toldang ito---sa katawang-lupa---tayo'y namimighati't dumaraing, hindi upang mawala ang katawang panlupa kundi upang mapalitan ng katawang panlangit. At sa gayon, ang buhay nating may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan.
5:5 Ang Diyos na rin ang nagtalaga sa atin para sa pagbabagong ito at ipinagkaloob niya sa atin ang Espiritu bilang katunayan na babaguhin nga niya tayo.
5:6 Kaya't laging malakas ang aking loob. Alam ko na habang tayo'y nasa tahanang ito, ang ating katawan, hindi mapapasaatin ang tahanang galing sa Panginoon.
5:7 Namumuhay ako ayon sa pananalig sa Diyos, hindi sa mga bagay na nakikita.
5:8 Malakas nga ang loob kong iwan ang katawang ito na aking tinatahanan upang manirahan sa piling ng Panginoon.
5:9 Kaya naman, ang pinakananais ko ay maging kalugud-lugod sa kanya, sa tahanang ito o doon man sa langit.
5:10 Sapagkat bawat isa ay haharap sa hukuman ni Cristo upang tumanggap ng kaukulang ganti sa kanyang ginawa, mabuti man o masama, nang siya'y nabubuhay pa sa daigdig na ito. ( Nakipagkasundo sa Diyos sa Pamamagitan ni Cristo )
5:11 Dahil sa alam kong nararapat tayong matakot sa Panginoon, sinisikap kong hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay kong pagkatao, at inaasahan kong ako'y kilalang-kilala rin ninyo.
5:12 Sinasabi ko ito hindi upang muling ipagmalaki sa inyo ang aking sarili, kundi upang bigyan kayo ng katwiran para maipagmalaki ako, at nang masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga nakikita ng mata at hindi ang tunay na pagkatao.
5:13 Kung parang sira man ang isip ko, ito'y alang-alang sa Diyos; at kung matino, ito'y sa kapakanan ninyo.
5:14 Sapagkat ang pag-ibig ni Cristo ang nag-uudyok sa aking magkaganyan, ngayong malaman kong siya'y namatay para sa lahat at dahil diyan, ang lahat ay maibibilang nang patay.
5:15 Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila.
5:16 Kaya ngayon, ang pagtingin namin kaninuman ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y gayon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na.
5:17 Kaya't ang sinumang nakipag-isa kay Cristo ay isa nang bagong nilalang. Wala na ang dating pagkatao; siya'y bago na.
5:18 Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya akong kaibigan---di na kaaway---at hinirang niya ako upang panumbalikin sa kanya ang mga tao.
5:19 Ang ibig kong sabihin, ang tao'y ibinibilang ng Diyos na kanyang kaibigan sa pamamagitan ni Cristo, at nililimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At ipinagkatiwala niya sa akin ang balitang ito.
5:20 Kaya't ako'y sugo ni Cristo; parang ang Diyos na rin ang namamanhik sa inyo sa pamamagitan ko: makipagkasundo kayo sa Diyos.
5:21 Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya.
6:1 Yamang kami'y mga katulong sa gawain ng Diyos, ipinamamanhik namin sa inyo na huwag ninyong sayangin ang pagkakataong ibinibigay sa atin ng Diyos.
6:2 "Sapagkat sinasabi niya: 'Sa kaukulang panahon ay pina- kinggan kita, Sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.' Tingnan ninyo! Ngayon na ang panahong nararapat! Ngayon ang araw ng pagliligtas! "
6:3 Iniwasan kong makagawa ng anumang ipagdaramdam ninuman upang hindi mapulaan ang aking paglilingkod.
6:4 Sa halip, ipinakikilala ko sa lahat ng paraan na ako'y lingkod ng Diyos: sa pagtitiis ng kahirapan, kapighatian, at mga kagipitan.
6:5 Ako'y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan ko ang magtrabaho nang labis, ang di matulog magdamag, ang di kumaing ilang araw.
6:6 Ipinakilala kong ako'y lingkod ng Diyos sa pamamagitan ng malinis na pamumuhay, kaalaman, pagpapahinuhod, kabutihang-loob, ganoon din sa pamamagitan ng Espiritu Santo, tapat na pag-ibig,
6:7 tapat na pananalita at kapangyarihan ng Diyos. Ang katuwiran ang siya kong sandatang panlaban at pananggalang.
6:8 Naranasan kong parangalan at siraang-puri, laitin at papurihan. Ako'y itinuring na sinungaling, gayong katotohanan ang aking sinasabi.
6:9 Ako'y itinuring na di kilala kahit kilalang-kilala; halos mamamatay na, ngunit malakas na malakas. Kahit ako'y pinarurusahan, hindi ako namamatay;
6:10 inaring hapis na hapis, gayunma'y laging nagagalak; mukhang mahirap, ngunit nagpapayaman sa marami; waring walang-wala, ngunit akin ang lahat ng bagay.
6:11 Tapatan ang pagsasalita ko sa inyo, mga taga-Corinto. Kung ano ang nasa loob ko ay siya kong sinasabi.
6:12 Mahal na mahal ko kayo, ngunit matabang ang loob ninyo sa akin.
6:13 Ako'y nagsasalitang tulad ng isang ama, kaya buksan naman ninyo sa akin ang inyong kalooban, tulad ng ginagawa ko sa inyo. ( Ang Pakikisama sa mga Di Sumasampalataya )
6:14 Huwag kayong makisama sa mga di sumasampalataya. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman?
6:15 Maaari bang magkasundo si Cristo at si Belial? Ano ang kaugnayan ng nananampalataya sa di nananampalataya?
6:16 "O ng templo ng Diyos sa diyus-diyusan ng mga pagano? Tayo ang templo ng Diyos na buhay! Siya na rin ang may sabi: 'Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila, Ako ang magiging Diyos nila, At sila'y magiging bayan ko. "
6:17 "Kaya't lumayo kayo sa kanila, Humiwalay kayo sa kanila,' sabi ng Panginoon. 'Huwag kayong humipo ng anumang marumi, At tatanggapin ko kayo. "
6:18 "Ako ang magiging ama ninyo, At kayo'y magiging anak ko, Sabi ng Panginoong Makapang- yarihan.'"
7:1 Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, linisin natin ang ating sarili sa lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at espiritu. Sikapin nating mamuhay na may takot sa Diyos hanggang sa lubusan nating maitalaga sa kanya ang ating sarili. ( Ang Kagalakan ni Pablo )
7:2 Bigyan ninyo kami kahit bahagyang puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin pininsala, ipinanganyaya o dinaya ang sinuman sa inyo.
7:3 Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, kayo'y mahal na mahal sa akin at magkasama tayo sa buhay at kamatayan.
7:4 Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat ng aming mga tiisin, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw ang kagalakan sa puso ko.
7:5 Nang kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami napahinga: panay hirap ang aming naranasan, labanan sa kabi-kabila, at sindak ang aming kalooban.
7:6 Ngunit ang mga nahahapis ay hindi pinababayaan ng Diyos; inaliw niya ako sa pagdating ni Tito.
7:7 At hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa akin kundi ang kabutihang ginawa ninyo sa kanya. Ibinalita niya ang inyong pananabik sa akin, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit, kaya't lalo akong nagalak.
7:8 Bagamat nagdulot sa inyo ng hapis ang aking sulat, hindi ko pinagsisihan ang pagkasulat ko niyon. (Dapat akong malungkot sapagkat alam kong nagdulot sa inyo ng hapis ang aking sulat, bagamat sandali lamang.)
7:9 Gayunma'y nagagalak ako pagkat ang kahapisang yaon ang umakay sa inyo upang pagsisihan at talikdan ang inyong pagkakasala. Ang gayong uri ng kahapisan ay buhat sa Diyos, kaya't hindi kayo napasama dahil sa amin.
7:10 Sapagkat ang kahapisang buhat sa Diyos ay nagbubunsod sa inyo upang magsisi at magbago sa inyong ikaliligtas. Ngunit ang kahapisang dulot ng sanlibutan ay humahantong sa kamatayan.
7:11 Tingnan ninyo kung ano ang ibinunga sa inyong buhay ng kahapisang buhat sa Diyos: naging masikap kayo at marubdob upang ipakilalang kayo'y walang kasalanan tungkol sa mga bagay na iyon. Namuhi kayo sa inyong sarili, sinidlan kayo ng takot, nanabik sa aking pagdating, nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Sa lahat ng paraan ay ipinakita ninyong kayo'y walang kinalaman sa mga bagay na iyon.
7:12 Alam ng Diyos na ang pagsulat ko sa inyo ay di dahil sa nagkasala o sa pinagkasalanan, kundi upang pukawin ang tunay ninyong damdamin para sa akin.
7:13 Kaya ang ginawa ninyo ay nagdulot sa akin ng malaking kaaliwan. At nalubos ang aming kasiyahan dahil sa kagalakang nadama ni Tito sa inyong piling.
7:14 Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong totoo ang lahat ng sinabi namin sa inyo, napatunayan din naman ni Tito na totoo ang aming pagmamalaki sa kanya tungkol sa inyo.
7:15 At habang iniisip niya ang inyong pagkamasunurin, lalo naman kayong napapamahal sa kanya. Hindi rin niya malimut-limutan ang magandang pagtanggap at paggalang na iniukol ninyo sa kanya.
7:16 At ako'y nagagalak sapagkat kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan.
8:1 ( Paano Dapat Magbigay ang Isang Cristiano? ) Ibig kong ibalita sa inyo, mga kapatid, ang nagawa ng pag-ibig ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia.
8:2 Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. At sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukas ang palad sa pagbibigay.
8:3 Sila'y kusang-loob na nag-abuloy hindi lamang ayon sa kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito pagkat
8:4 mahigpit nilang ipinamanhik sa akin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid sa Judea.
8:5 At higit pa sa inaasahan ko; inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos.
8:6 Kaya't pinakiusapan ko si Tito, yamang siya ang nagsimula nito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito.
8:7 Kayo'y tanyag sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin. Sikapin din ninyong manguna kayo sa pagkakawanggawa.
8:8 Hindi sa inuutusan ko kayo; sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig.
8:9 Alam ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig ng ating Panginoong Jesu-Cristo na bagamat mayaman ay nagpakadukha upang yumaman kayo sa pamamagitan ng kanyang karukhaan.
8:10 At ito ang payo ko tungkol diyan: ipagpatuloy ninyo ang inyong pangingilak na sinimulan noon pang isang taon. Kayo ang nanguna hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa pagbabalak.
8:11 Kaya't ituloy na ninyo ito! Ang sigasig na ipinakita ninyo sa pasimula ay panatilihin ninyo hanggang sa matapos; magbigay kayo ayon sa inyong makakaya.
8:12 Sapagkat kung bukal sa kalooban ang pagbibigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong nakayanan; hindi niya hinihintay na magbigay kayo nang hindi ninyo kaya.
8:13 Hindi sa ibig kong magaanan ang iba at mabigatan naman kayo.
8:14 Masagana naman kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y managana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, pareho kayong nakatulong sa isa't isa at
8:15 "naganap sa inyo ang sinabi sa Kasulatan: 'Ang nagtipon ng marami ay hindi lumabis, At ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinulang.' "
8:16 Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil sa pagmamalasakit ni Tito sa inyo, tulad din ng pagmamalasakit ko!
8:17 Hindi lamang niya pinairugan ang aking pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya na ang pupunta riyan.
8:18 Pinasama ko sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Mabuting Balita.
8:19 Hindi lamang iyan! Siya'y hinirang ng mga iglesya upang maglakbay na kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong paglilingkod ay sa ikadadakila ng Panginoon, at sa aking marubdob na hangaring makatulong sa inyo.
8:20 Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking abuluyang ito.
8:21 Pinagsisikapan naming maisagawa ito nang maayos, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao.
8:22 Kaya't sinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na sinubok namin sa maraming pagkakataon at nakita ang kanyang sigasig sa pagtulong. Lalo siyang masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo.
8:23 Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at katulong sa aking gawain. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga sugo ng mga iglesya at mga tapat na tagasunod ni Cristo.
8:24 Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo.
9:1 ( Tulong sa mga Kapatid ) Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya.
9:2 Alam kong handa kayong tumulong, at ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon; at marami ang napukaw ang kalooban dahil sa pagsusumakit ninyo.
9:3 Kaya't pinauna ko riyan ang mga kapatid na ito upang hindi ako mapahiya sa aking pagmamalaki tungkol sa inyo at nang maihanda na ang tulong ninyo, gaya ng sabi ko.
9:4 Baka ako mapahiya---huwag nang sabihing pati kayo---kung may mga taga-Macedoniang sumama sa akin at makita nilang hindi kayo handa.
9:5 Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, lilitaw na kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan.
9:6 Tandaan ninyo ito: ang naghahasik ng kakaunti ay mag-aani ng kakaunti, at ang naghahasik naman ng marami ay mag-aani ng marami.
9:7 Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasiya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat ang ibig ng Diyos ay kusang pagkakaloob.
9:8 Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay---higit pa sa inyong pangangailangan---upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa.
9:9 "Gaya nga ng sinasabi ng Kasulatan: 'Siya'y namudmod sa mga dukha; Walang hanggan ang kanyang kabutihan.' "
9:10 Ang Diyos na nagbibigay ng binhing ihahasik at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi at magpapalago nito upang mamunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob.
9:11 Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay para lalo kayong makatulong sa marami. Sa gayo'y dadami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin ko sa kanila.
9:12 Ang pagtulong ninyong ito sa mga kapatid ay hindi lamang makatutugon sa kanilang pangangailangan kundi magiging dahilan pa ng walang hanggang pagpapasalamat nila sa Diyos.
9:13 Ang bukas-palad ninyong pagbibigay ay magpapatunay sa kanila na matapat ninyong tinatalima ang Mabuting Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos.
9:14 Kaya't buong pagmamahal nila kayong idadalangin, dahil sa dakilang kaloob ng Diyos sa inyo.
9:15 Salamat sa Diyos dahil sa kaloob niyang walang kapantay!
10:1 ( Ipinagtanggol ni Pablo ang Kanyang Ministeryo ) Akong si Pablo na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbaba kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag malayo ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo.
10:2 Isinasamo kong huwag sana ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, gaya ng gagawin ko sa mga nagsasabing ako'y namumuhay ayon sa laman.
10:3 Kung nabubuhay man ako bilang karaniwang tao, hindi ako nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng sanlibutan.
10:4 Ang sandata ko'y may kapangyarihan ng Diyos at nakapagpapaguho ng mga kuta, at hindi sandatang makasanlibutan. Sinisira ko ang mga maling pangangatwiran.
10:5 Sinusugpo ko ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo.
10:6 At kung lubusan na kayong tumatalima, nahahanda akong parusahan ang lahat ng sumusuway.
10:7 Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung nagtitiwala ang sinuman na siya'y kay Cristo, isipin niyang ako man, tulad niya, ay kay Cristo rin.
10:8 Kung ipagmapuri ko man ang aking kapangyarihan---kapangyarihang ibinigay ng Diyos sa ikatitibay ninyo at hindi sa ikapapahamak---hindi ako mapapahiya.
10:9 Huwag ninyong isiping pananakot lamang ang sulat ko sa inyo.
10:10 "Anang ilan, 'Sa sulat lamang siya matapang; sa harapan naman ay walang magawa.'"
10:11 Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi ko sa sulat ngayong malayo ako ay siya ko ring gagawin kapag kaharap na ninyo.
10:12 Hindi ko ipapantay o ihahambing man lamang ang aking sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahahangal nila! Sila-sila ang naglalagay ng sukatan at parisan ng kanilang sarili!
10:13 Ngunit ako'y hindi lalampas sa hangganang ibinigay sa akin ng Diyos, ang gawaing inilaan niya sa amin, kasama na ang pangangaral namin sa inyo.
10:14 Hindi ako lumalampas sapagkat kayo'y nasaklaw ng hangganang iyan nang una akong pumariyan, taglay ang Mabuting Balita tungkol kay Cristo.
10:15 Hindi ako nagmamapuri nang labis sapagkat hindi ko maipagmamapuri ang pinagpagalan ng iba. Umaasa akong titibay ang inyong pananampalataya at dahil diya'y lalawak ang aking gawain, ngunit hindi naman lalampas sa hangganang inilagay ng Diyos.
10:16 Pagkatapos, maipangangaral ko ang Mabuting Balita sa mga lupain sa paligid ninyo. Sa gayon, hindi ko ipagmamapuri ang ginawa ng iba.
10:17 "Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, 'Kung ibig magmapuri ninuman, ang Panginoon ang kanyang ipagmapuri.'"
10:18 Ang pinararangalan ng Diyos ay ang mga taong karapat-dapat sa kanyang kalooban at hindi ang pumupuri sa sarili.
11:1 ( Si Pablo at ang mga Nagkukunwaring Apostol ) Ipagpaumanhin ninyo kung ako'y nag-uugaling hangal.
11:2 Nakadarama ako ng maka-Diyos na panibugho; tulad kayo ng isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, kay Cristo.
11:3 Ngunit nag-aalaala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat at dalisay na pananalig kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas.
11:4 Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at nangangaral ng ibang Jesus kaysa ipinangaral ko. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro ko sa inyo.
11:5 Palagay ko nama'y hindi ako huli sa magagaling na mga apostol na iyan.
11:6 Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Ipinakilala ko ito sa inyo sa lahat ng pagkakataon.
11:7 Ipinangaral ko sa inyo ang Mabuting Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakaaba upang mataas kayo. Masasabi bang kasalanan ko ito?
11:8 Ibang iglesya ang nagbibigay ng mga kailangan ko noong ako'y naglilingkod sa inyo; wari bagang inaagawan ko sila, matulungan lamang kayo.
11:9 At nang ako'y kapusin diyan, hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Mula't sapul ay iniwasan kong makabigat sa inyo sa anumang paraan at iyan ang gagawin ko habang panahon.
11:10 Sa ngalan ni Cristo na sumasaakin, hindi ko ititigil ang pagmamapuring ito kahit saan diyan sa Acaya.
11:11 Bakit ko ginawa ito? Dahil ba sa di ko kayo mahal? Alam ng Diyos, mahal na mahal ko kayo!
11:12 Ngunit patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon upang huwag magkaroon ng katuwiran ang mga namamalita na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa.
11:13 Hindi sila tunay na apostol kundi nandaraya lamang at nagkukunwaring mga apostol ni Cristo.
11:14 Hindi ito dapat pagtakhan! Sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan.
11:15 Kaya, hindi kataka-taka na magkunwaring lingkod ng katuwiran ang kanyang mga lingkod. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa. ( Mga Tiniis ni Pablo Bilang Apostol )
11:16 Inuulit ko: huwag isipin ninumang ako'y hangal. Ngunit kung gayon ang akala ninyo, tatanggapin ko na upang ako man ay makapagyabang tulad ng isang hangal.
11:17 Ang sinasabi ko sa pagmamapuring ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagmamayabang ng isang mangmang.
11:18 Yamang marami ang nagmamapuri tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magmamapuri.
11:19 Pinagtitiyagaan ninyo ang mga mangmang, palibhasa'y matatalino kayo.
11:20 Pinagtitiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, pagyabangan, o sampalin.
11:21 Kahiya-hiya man ay aaminin kong hindi ko kayang gawin iyan! Kung may nakapagmamapuri, ako'y makapagmamapuri din---ako'y nagsasalitang tulad ng isang mangmang.
11:22 Sila ba'y Hebreo? Ako man. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Lipi ba sila ni Abraham? Ako'y gayon din.
11:23 Sila ba'y mga lingkod ni Cristo? Nagsasalita akong waring isang baliw, ngunit ako'y mas mabuting lingkod ni Cristo kaysa kanila. Higit ang aking pagpapagal; makailang ulit akong nabilanggo, hinagupit nang maraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan.
11:24 Makalima akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na palo mula sa mga Judio,
11:25 tatlong ulit kong naranasang hagupitin ng mga Romano, at minsang binato. Makaitlo kong naranasang mawasak ang barkong sinasakyan at minsa'y maghapo't magdamag akong lulutang-lutang sa dagat.
11:26 Sa malimit kong paglalakbay, nasuong ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa mga kapwa ko Judio at sa mga Hentil; mga panganib sa lunsod, sa ilang, sa dagat, sa mga mapagkunwaring kapatid.
11:27 Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, matinding gutom at uhaw. Natikman ko ang maginaw ngunit wala man lamang mabalabal.
11:28 Bukod sa lahat ng iyan, inaalaala ko pa araw-araw ang mga iglesya.
11:29 Kung may nanghihina, karamay nila ako; at kung may nahuhulog sa pagkakasala, labis na naghihirap ang kalooban ko.
11:30 Kung kailangang ako'y magmapuri, ang ipagmamapuri ko'y ang aking mga kahinaan.
11:31 Hindi ako nagsisinungaling. Iya'y alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin ang kanyang pangalan magpakailanman.
11:32 Nang nasa Damasco naman ako, ang pintuan ng lunsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas, upang ipahuli ako.
11:33 Ngunit isinakay ako sa tiklis saka inihugos sa kabila ng pader at ako'y nakatakas.
12:1 ( Mga Pangitain at mga Pahayag ) Kailangan kong magmapuri, bagamat wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon.
12:2 May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakalilipas. Hindi ko lang matiyak kung yao'y pangitain o tunay na pangyayari---ang Diyos lamang ang nakaaalam.
12:3 Inuulit ko: siya'y dinala sa Paraiso, at hindi ko nga matiyak kung ito'y pangitain o tunay na pangyayari. Ang Diyos lamang ang nakaaalam.
12:4 Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman.
12:5 Ipagmamapuri ko ang taong iyon, ngunit hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan.
12:6 At kung ako'y magmapuri man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit nagpipigil ako sapagkat ayaw kong humigit sa nakikita at naririnig ang pagpapalagay ninuman sa akin.
12:7 Ngunit para hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako'y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing pamalo ni Satanas upang huwag akong magpalalo.
12:8 Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit
12:9 "ganito ang kanyang sagot, 'Ang tulong ko'y sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.' Kaya't buong galak na ipagmamapuri ko ang aking kahinaan upang palakasin ako ng kapangyarihan ni Cristo."
12:10 Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma'y mahina, kutyain, pahirapan, usigin, at magtiis. Sapagkat kung kailan ako mahina, saka naman ako malakas. ( Ang Malasakit ni Pablo sa mga Taga-Corinto )
12:11 Ako'y nag-asal hangal---ngunit kayo ang nagtulak sa aking gumawa ng gayon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin; bagamat wala akong kabuluhan, hindi naman ako nahuhuli sa magagaling na apostol na iyan.
12:12 Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga kababalaghan at iba pang kamangha-manghang bagay.
12:13 Ano ba ang kalamangan sa inyo ng ibang iglesya? Wala, liban sa pangyayaring hindi ako humingi sa inyo ng kahit ano. Ipagpatawad ninyo kung iyon ay isang pagkukulang.
12:14 Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan ngunit hindi ako makabibigat sa inyo. Kayo ang kailangan ko, hindi ang ari-arian ninyo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang.
12:15 At ikaliligaya kong gugulin ang lahat at ihandog pati ang aking buhay para sa inyong kapakanan. Katiting lamang ba ang isusukli ninyo sa malaking pagmamahal ko sa inyo?
12:16 Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko lamang kayo.
12:17 Bakit? Pinagsasamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng sinugo ko riyan?
12:18 Pinakiusapan ko si Tito na pumariyan, at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang Espiritu, at iisa ang aming panuntunan?
12:19 Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol ko ang aking sarili? Hindi! Nagsasalita ako sa harapan ng Diyos ayon sa nais ni Cristo. Mga minamahal, lahat ng ginagawa ko ay sa ikatitibay ninyo.
12:20 Nangangamba akong baka pagpariyan ko, may makita akong di ko gusto sa inyo at kayo naman ay may makitang di ninyo gusto sa akin. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pangingimbulo, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagsisitsitan, pagpapalalo, at kaguluhan.
12:21 Nangangamba ako na pagpariyan kong muli, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo. Pag nagkagayon, itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisisiha't tinatalikdan.
13:1 ( Pangwakas na Babala at mga Pagbati ) "Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan. 'Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi.'"
13:2 Ngayong ako'y malayo, inuulit ko sa mga nagkasala at sa iba pa ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko: wala nang pata-patawad pagdating diyan.
13:3 Gagawin ko ito upang patunayan sa inyo na si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan.
13:4 Bagamat siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa sa kanya, ako'y mahina rin ngunit nabubuhay ako ngayon sa kapangyarihan ng Diyos upang mangaral sa inyo.
13:5 Tiyakin ninyong mabuti kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nadaramang sumasainyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga itinakwil.
13:6 Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi ako itinakwil.
13:7 Idinadalangin ko sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing ako'y tama, kundi upang makagawa kayo ng mabuti kahit lumitaw na ako'y mali.
13:8 Pagkat hindi ko maaaring kalabanin ang katotohanan; wala akong magagawa kundi tanggapin ito.
13:9 Ako'y nagagalak na maging mahina kung kayo naman ay lalakas. Kaya, idadalangin ko rin na maging ganap kayo.
13:10 Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang, pagdating ko, hindi na kailanganing magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin sa ikabubuti ninyo, hindi sa ikapapahamak.
13:11 Hanggang dito na lamang, mga kapatid, at paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.
13:12 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.{ a} Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa iglesya.
13:13 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos at ang pakikipag-isa ng Espiritu Santo.
13:14 (**wala)
|