|
50. Mga Taga-Filipos
1:1 Mula kina Pablo at Timoteo, mga alipin ni Cristo Jesus---Sa mga taga-Filipos na hinirang ng Diyos at nananalig kay Cristo Jesus, gayon din sa mga tagapangasiwa at sa mga tagapaglingkod:{ a}
1:2 Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo. ( Ang Panalangin ni Pablo Para sa mga Cristiano sa Filipos )
1:3 Nagpapasalamat ako sa Diyos tuwing maaalaala ko kayo.
1:4 Ang aking mga panalangin para sa inyo ay laging puspos ng kagalakan
1:5 dahil sa inyong tulong sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan.
1:6 Tinitiyak ko sa inyong ang mabuting gawa na pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ng pagbabalik ni Cristo Jesus.
1:7 Marapat lamang na pahalagahan ko kayo nang ganito, sapagkat kayo'y mahal sa akin. Naging kahati ko kayo sa mga pagpapala ng Diyos noon pa mang ako'y nagtatanggol at nagpapalaganap ng Mabuting Balita, maging ngayong nakabilanggo ako.
1:8 Nalalaman ng Diyos na ang pananabik ko sa inyo ay kasinlaki ng pagmamahal sa inyo ni Cristo Jesus.
1:9 Idinadalangin ko sa Diyos na mag-ibayo ang inyong pag-ibig at masangkapan ng malinaw na pagkakilala at malawak na pagkaunawa
1:10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat ng bagay. Sa gayon, pagdating ng Araw ng pagbalik ni Cristo, masumpungan kayong malinis, walang kapintasan,
1:11 at puspos ng magagandang katangiang{ b} kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa karangalan at kapurihan ng Diyos. ( Si Cristo ang Buhay )
1:12 Ibig kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Mabuting Balita.
1:13 Nalaman ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang narito na ako'y nabilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Cristo.
1:14 At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita.
1:15 Totoo ngang ipinangangaral si Cristo ng ilan dahil sa inggit at pakikipagtalo, ngunit ang iba nama'y nangangaral na may tapat na hangarin.
1:16 Ipinangangaral nila si Cristo dahil sa pag-ibig, sapagkat alam nilang ako'y nabilanggo dahil sa pagtatanggol sa Mabuting Balita.
1:17 Ang iba'y nangangaral nang di tapat sa kalooban kundi sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang pasakitan ako samantalang nabibilanggo.
1:18 Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko pa nga ang mga pangyayari. Ang mahalaga'y naipangangaral si Cristo kahit sa anong paraan, tapat man o hindi ang hangarin ng nangangaral. Ang isa ko pang ikinagagalak
1:19 ay ang pag-asa na, balang araw, muli akong makalalaya sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo at ng inyong mga panalangin.
1:20 Ang aking pinakananais at inaasahan ay huwag akong magkulang sa aking tungkulin, kundi magkaroon ako ng lakas ng loob sa lahat ng panahon upang, sa mabuhay o sa mamatay, mabigyan ko ng karangalan si Cristo.
1:21 Sapagkat para sa akin si Cristo ang buhay at dahil dito'y pakinabang ang kamatayan.
1:22 Ngunit kung sa pananatili kong buhay ay makagagawa ako ng mabubuting bagay, hindi ko malaman ngayon kung alin ang aking pipiliin
1:23 sa dalawang hangarin. Ang ibig ko'y pumanaw na sa buhay na ito upang makapiling ni Cristo, yamang ito ang lalong mabuti para sa akin.
1:24 Sa kabilang dako, kung mananatili akong buhay ay makabubuti naman sa inyo.
1:25 Dahil dito, natitiyak kong ako'y mananatili pang buhay at makakasama ninyo upang matulungan kayong makapagpatuloy na may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon.
1:26 Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus.
1:27 Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Mabuting Balita tungkol kay Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makatitiyak akong kayo'y nananatili sa iisang layunin at sama-samang ipinagtatanggol ang Mabuting Balita.
1:28 Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway pagkat ito ang palatandaang sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos.
1:29 Ipinagkaloob niya sa inyo ang karapatang makapaglingkod kay Cristo, hindi lamang ang manalig sa kanya kundi ang magtiis din naman dahil sa kanya.
1:30 Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikibakang nakita ninyong ginawa ko noon at nababalitaan ninyong ginagawa ko hanggang ngayon.
2:1 ( Ang Halimbawang Iniwan ni Cristo ) Nagbibigay ba sa inyo ng kasiglahan ang buhay na nakaugnay kay Cristo? Naaaliw ba kayo ng kanyang pag-ibig? May pagkakaisa ba kayo sa Espiritu Santo? Kayo ba'y may nadaramang hangarin na tumulong sa iba?
2:2 Kung gayon, lubusin ninyo ang aking kagalakan---maghari sa inyo ang pagkakasundo, mabuklod kayo ng iisang pag-ibig at maging isa kayo sa puso't diwa.
2:3 Huwag kayong gagawa ng anumang bagay dahil lamang sa hangad ninyong matanyag, bagkus magpakababa kayo at huwag ipalagay na kayo'y mabuti kaysa iba.
2:4 Ipagmalasakit ninyo ang kapakanan ng iba, hindi lamang ang sa inyong sarili.
2:5 Magpakababa kayo tulad ni Cristo Jesus:
2:6 Kahit siya ay Diyos, hindi siya nagpumilit na manatiling kapantay ng Diyos.
2:7 Sa halip ay kusa niyang binitawan ang karapatan niyang ito, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siyang tulad ng isang karaniwang tao,
2:8 siya'y nagpakababa at naging masunurin hanggang kamatayan, oo, hanggang kamatayan sa krus.
2:9 Kaya naman, siya'y itinampok ng Diyos at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan.
2:10 Anupat ang lahat ng nilalang na nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa ay maninikluhod At sasamba sa kanya.{ a}
2:11 At ipapahayag ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikararangal ng Diyos Ama. ( Magliwanag Tulad ng Ilaw )
2:12 Kaya nga, mga minamahal, higit na kailangang maging masunurin kayo ngayon kaysa noong kasama ninyo ako. May takot at panginginig na magpatuloy kayo sa paggawa hanggang sa malubos ang inyong kaligtasan,
2:13 sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng pagnanasa at kakayahang maisagawa ang kanyang kalooban.
2:14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang tutol at pagtatalo,
2:15 upang kayo'y maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan sa gitna ng mga taong liko at masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng talang nagniningning sa kalangitan,
2:16 samantalang inihahatid ninyo sa kanila ang balita ng kaligtasan. Pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki ko kayo sapagkat hindi nawalan ng kabuluhan ang aking pagpapagal.
2:17 Ikinagagalak ko---at hinahatian ko kayo ng aking kagalakan---kung ang dugo ko man ay maging handog bilang kaganapan ng paglilingkod ng inyong pananampalataya sa Diyos.
2:18 Kung magkagayon, dapat din kayong magalak at hatian ninyo ako ng inyong kagalakan. ( Sina Timoteo at Epafrodito )
2:19 Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapupunta ko agad diyan si Timoteo para mapanatag ang loob ko matapos malaman sa kanya ang inyong kalagayan.
2:20 Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit sa inyong kapakanan.
2:21 Sapagkat walang sinisikap ang iba kundi ang sariling kapakanan, hindi ang ukol kay Jesu-Cristo.
2:22 Kayo na rin ang nakaaalam sa katapatan ni Timoteo. Tinulungan niya ako sa aking paglilingkod para sa Mabuting Balita, tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama.
2:23 Kaya, binabalak kong siya ang papuntahin diyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rini.
2:24 Sa tulong ng Panginoon umaasa akong makapapariyan din sa lalong madaling panahon.
2:25 Inakala kong kailangan nang pauwiin diyan si Epafrodito, ang ating kapatid sa Panginoon, na tulad ko ring manggagawa at kawal ng Diyos na siya ninyong sinugo upang magdala ng inyong kaloob at tuloy makatulong ko rito.
2:26 Sabik na sabik na siyang makabalik diyan. Hindi siya mapalagay dahil sa balitang nakarating sa inyo tungkol sa kanyang pagkakasakit.
2:27 Nagkasakit siya nang malubha ngunit kinaawaan siya ng Diyos at pati naman ako. Sinabi kong pati ako, sapagkat sa paggaling niya ay naligtas ako sa lalong matinding dalamhati.
2:28 Kaya nga, ibig ko ring makauwi na siya riyan pagkat alam kong matutuwa kayong makita siya uli. Sa gayon mawawala na ang aking pagkabalisa.
2:29 Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya.
2:30 Isinuong niya sa panganib ang kanyang buhay sa pagpapagal alang-alang kay Cristo nang siya ang maglingkod sa akin sa halip na kayo.
3:1 ( Ang Tunay na Pagiging Matuwid ) Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan sa akin na ulit-uliting isulat sa inyo ang mga bagay na ito, at ito nama'y sa ikabubuti ninyo.
3:2 Mag-ingat kayo sa mga taong asal-hayop, mahihilig sa paggawa ng masama, at nagpupungos ng maselang bahagi ng katawan.
3:3 Alalahanin ninyong hindi sila kundi tayo ang tunay na tuli, sapagkat hindi tayo nanghahawak sa mga panlabas na tuntunin. Ang pagsamba natin sa Diyos ay sa Espiritu at na kay Cristo Jesus ang ating kagalakan.
3:4 Kung sabagay, mayroon akong sapat na dahilan upang manghawak sa mga panlabas na tuntunin. Kung iniisip ninuman na may katwiran siyang magtiwala sa ganitong gawain, lalo na ako.
3:5 Tinuli ako sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y katutubong Hebreo, tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin. Kung pagsunod sa kautusan ang pag-uusapan, ako'y Pariseo.
3:6 At sa sigasig ng aking pagsunod, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa kautusan, walang maipipintas sa akin.
3:7 Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na maaari kong ibilang na pakinabang ay inari kong kalugihan.
3:8 Oo, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan makamtan ko lamang si Cristo,
3:9 at lubos na makiisa sa kanya. Hindi ko na hangad na maging matuwid sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayon ay kaloob ng Diyos batay sa pananampalataya.
3:10 Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, makihati sa kanyang mga hirap, at matulad sa kanya---pati sa kanyang kamatayan---
3:11 sa pag-asang ako ma'y muling bubuhayin. ( Nagpapatuloy Tungo sa Hangganan )
3:12 Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na, ngunit sinisikap kong maisakatuparan ang layunin ni Cristo Jesus nang tawagin niya ako.
3:13 Mga kapatid, hindi ko ipinalalagay na natupad ko na ang mga bagay na ito. Ang ginagawa ko ngayo'y nililimot ang nakaraan at sinisikap na makamtan ang nasa hinaharap.
3:14 Nagpapatuloy nga ako tungo sa hangganan upang kamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.{ a}
3:15 Ganyan ang dapat na maging isipan ng mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong paniniwala, ito'y ipauunawa sa inyo ng Diyos.
3:16 Ang kailangan lamang ay ipagpatuloy natin ang ating mga natutuhan.
3:17 Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Kami ang gawin ninyong huwaran. Masdan ninyo ang lahat ng sumusunod sa mga halimbawang ito.
3:18 Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo---at ngayo'y luhaang inuulit ko---marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo.
3:19 Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya at ang pinag-uukulan lang nila ng pansin ay ang mga bagay na panlupa.
3:20 Sa kabilang dako, ang langit ang tunay nating bayan. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas.
3:21 Pagdating ng araw na yaon, babaguhin niya ang ating katawang-lupa at gagawing maluwalhati, tulad ng kanyang katawan, sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay.
4:1 ( Magalak Kayo sa Panginoon ) Kaya nga, minamahal kong mga kapatid---aking kagalakan at karangalan na lagi kong kinasasabikang makita uli---magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon.
4:2 Euodia, Sintique, nakikiusap ako sa inyo. Magkasundo na kayo bilang magkapatid sa Panginoon.
4:3 Ipinakikiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay nakatulong ko sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita, kasama nina Clemente at ng iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay.
4:4 Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko: magalak kayo.
4:5 Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kagandahang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon.
4:6 Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip ay hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat.
4:7 At ang di-malirip na kapayapaan ng Diyos ang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
4:8 Sa wakas, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.
4:9 Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig, at nakita sa akin. Kung magkagayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. ( Salamat sa Inyong Tulong )
4:10 Anong laki ng aking kagalakan sa Panginoon sapagkat minsan ko pang nadama ang inyong pagmamalasakit sa akin, pagkaraan ng mahabang panahon. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan. Kaya lang, wala kayong pagkakataong matulungan ako.
4:11 Sinasabi ko ito hindi dahil sa kayo'y hinahanapan ko ng tulong. Natutuhan ko nang masiyahan anuman ang aking kalagayan.
4:12 Naranasan ko ang maghikahos. Naranasan ko rin ang managana. Natutuhan ko nang harapin ang anumang katayuan: ang mabusog o magutom, ang kasaganaan o kasalatan.
4:13 Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo.
4:14 Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa akin.
4:15 Alam naman ninyong kayong mga taga-Filipos lamang ang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia at nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Mabuting Balita.
4:16 Nang ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong.
4:17 Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob; ang nais ko'y sumagana ang pakinabang na tatanggapin ninyo.
4:18 Narito ngayon ang katibayan ng labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa aking pangangailangan ang tulong ninyo sa akin na dala ni Epafrodito. Ang mga ito ay masasamyong handog sa Diyos, mga haing kalugud-lugod at kaaya-aya sa kanya.
4:19 At buhat sa kayamanan niyang hindi mauubos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus.
4:20 Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen. ( Pangwakas na Pagbati )
4:21 Paratingin ninyo sa lahat ng hinirang ng Diyos at nananalig kay Cristo Jesus ang pagbati ko at ng mga kapatid nating kasama ko.
4:22 Ipinaaabot din ng mga kapatid natin dini, lalo na ng mga lingkod sa palasyo, ang kanilang pagbati sa inyo.
4:23 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo.
|