|
58. Mga Hebreo
1:1 ( Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak ) Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.
1:2 Ngunit ngayon,{ a} siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay.
1:3 Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayon din ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y lumuklok sa kanan ng Diyos, ang makapangyarihan sa lahat. ( Ang Kahigtan ng Anak sa mga Anghel )
1:4 At kung paanong higit na di-hamak ang pangalang ibinigay ng Diyos sa Anak, gayon din, siya'y higit na di-hamak sa mga anghel.
1:5 "Sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, 'Ikaw ang aking Anak! Ako ang iyong Ama.' Ni hindi rin niya sinabi sa kaninuman sa mga anghel, 'Ako'y magiging kanyang Ama, At siya'y magiging Anak ko.' "
1:6 "At nang susuguin na ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya, 'Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.' "
1:7 "Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya, 'Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, At ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.' "
1:8 "Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, 'Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man, Ikaw ay maghaharing may katarungan. "
1:9 "Kinalulugdan mo ang paggawa ng matuwid, Ngunit ang pagsuway ay kinamumuhian, Kaya't hinirang ka ng Diyos, na iyong Diyos, At pinuspos ng kagalakan--- Higit sa mga kasama mo.' "
1:10 "Sinabi pa rin niya, 'Ikaw, Panginoon, ang lumikha ng sangkalupaan, At ang iyong kamay ang gumawa ng sangkalangitan. "
1:11 Ang mga ito'y pawang mapaparam, Ngunit mananatili ka magpakailan- man. Maluluma silang lahat gaya ng kasuutan;
1:12 "At babalumbunin mo gaya ng isang balabal, At tulad ng damit, sila'y papalitan. Subalit ikaw ay mananatiling ikaw, At hindi tatanda o mamamatay man.' "
1:13 "Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa kaninuman sa mga anghel, 'Maupo ka sa aking kanan, Hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.'{ b} "
1:14 Ano ang mga anghel, kung gayon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga sinusugo niya upang tumulong sa mga maliligtas.
2:1 ( Ang Napakadakilang Kaligtasan ) Kaya nga, dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw.
2:2 Ang salitang ipinahayag ng mga anghel ay napatunayang totoo, at ang bawat sumuway o lumabag dito ay tumanggap ng kaukulang parusa.
2:3 Gayon din naman, hindi tayo makaiiwas sa parusa kapag hindi natin pinahalagahan ang kaligtasang ito na napakadakila. Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo.
2:4 Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang kalooban. ( Ang Tagapanguna sa Kaligtasan )
2:5 Hindi sa mga anghel ipinailalim ng Diyos ang sanlibutan na noo'y kanyang lilikhain---ang sanlibutang tinutukoy namin.
2:6 "Sa halip ay ganito ang patunay sa isang bahagi ng Kasulatan, 'Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin O ang anak ng tao upang iyong pangalagaan? "
2:7 Sandaling panahong siya'y pinababa mo kaysa mga anghel, Ngunit pinagkalooban mo siya ng kadakilaan at karangalang marapat sa isang hari,
2:8 "At ipinailalim mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.'{ a} Nang ipailalim ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay."
2:9 Subalit alam nating si Jesus, bagamat sandaling panahong pinababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kadakilaan dahil sa kanyang pagkamatay. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, niloob niya na si Jesus ay mamatay para sa ating lahat.
2:10 Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya'y pinapaging-ganap ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, upang makapagdala ng marami sa kaluwalhatian. Marapat lamang na gawin niya iyon sapagkat si Jesus ang pinagmumulan ng kanilang kaligtasan.
2:11 Si Jesus ang nagpapabanal sa kanila, at iisa ang Ama ng napapabanal at ng pinapaging-banal. Kaya't hindi niya ikinahiyang tawagin silang mga kapatid.
2:12 "Ganito ang kanyang sinabi: 'Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan, At aawit ako ng papuri sa iyo sa gitna ng kapulungan.' "
2:13 "Sinabi rin niya, 'Ako'y mananalig sa Diyos.' At sabi pa niya, 'Naririto ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos.' "
2:14 Yamang ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus, tulad nila---may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay maigupo niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan.
2:15 Sa gayon, pinalaya niya ang lahat ng naging alipin habang panahon dahil sa kanilang takot sa kamatayan.
2:16 "Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan kundi 'Ang lahi ni Abraham.'"
2:17 Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang dakilang saserdote, mahabagin at tapat, naglilingkod sa Diyos at naghahandog ng hain sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan ng tao.
2:18 Sapagkat siya ma'y tinukso at nagbata, kaya ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso.
3:1 ( Higit si Jesus kay Moises ) Mga kapatid sa pananampalataya at kasama sa pagkakatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, na sinugo ng Diyos upang maging Dakilang Saserdote ng ating pananampalataya.
3:2 Tapat siya sa Diyos na humirang sa kanya, gaya rin ni Moises na naging tapat sa sambahayan ng Diyos.
3:3 Kung paanong ang tagapagtayo ng bahay ay higit na marangal kaysa bahay, gayon din naman, higit na kapuri-puri si Jesus kaysa kay Moises.
3:4 May tagapagtayo ang bawat bahay, ngunit ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay.
3:5 Si Moises ay tapat nga sa buong sambahayan ng Diyos, ngunit bilang lingkod upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa hinaharap.
3:6 Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya. ( Kapahingahan Para sa Sambahayan ng Diyos )
3:7 "Kaya't gaya ng sabi ng Espiritu Santo, 'Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, "
3:8 Huwag maging matigas ang inyong ulo, tulad noong maghimagsik kayo at subukin siya sa ilang.
3:9 'Doo'y tinukso ako at sinubok ng inyong mga magulang,' sabi ng Diyos, 'Gayong nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon.
3:10 Kaya't kinapootan ko ang lahing iyon, At sinabi ko, Lagi silang nagpapakaligaw, Hindi na nila natutuhan ang aking mga daan.
3:11 "Kaya't sa galit ko'y aking isinumpang Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.'' "
3:12 Mga kapatid, ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa talikdan ang Diyos na buhay.
3:13 Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang may panahon pa,{ a} upang ang sinuman sa inyo'y di madaya at maging alipin ng kasalanan.
3:14 Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo, kung mananatili tayong matatag hanggang wakas sa ating pananalig sa kanya.
3:15 "Ito nga ang sinasabi sa Kasulatan: 'Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, Huwag maging matigas ang inyong ulo, gaya ng inyong ginawa nang maghimagsik kayo sa Diyos.' "
3:16 Sino ang naghimagsik sa Diyos bagamat narinig ang kanyang tinig? Hindi ba ang lahat ng inilabas ni Moises sa Egipto?
3:17 At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala at namatay sa ilang?
3:18 "At sino ang tinutukoy niya nang kanyang isumpa: 'Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko'? Hindi ba ang mga suwail?"
3:19 Kaya't alam nating hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan nila ng pananalig sa Diyos.
4:1 Nananatili pa ang pangako ng Diyos na tayo'y makapapasok at makapamamahinga sa piling niya. Ngunit mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyong hindi magkamit ng pangakong ito.{ a}
4:2 Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Mabuting Balita. Ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig sapagkat hindi nila ito pinaniwalaan.
4:3 "Tayong naniniwala ang papasok at mamamahinga sa piling ng Diyos. Ito'y ayon sa kanyang sinabi, 'Sa galit ko'y aking isinumpang 'Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.'' Sinabi niya ito bagamat tapos na ang kanyang pagkalikha sa sanlibutan."
4:4 "Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng Kasulatan ang tungkol sa ikapitong araw: 'At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.'"
4:5 "At muli pang sinabi, 'Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.'"
4:6 Ang mga unang nakarinig ng Mabuting Balita ay hindi nakapasok at nakapamahinga sa piling ng Diyos dahil sa kanilang pagsuway. Ngunit ang totoo'y may papasok at mamamahinga sa piling ng Diyos,
4:7 "kaya't muli siyang nagtakda ng isang araw---'Ngayon.' Pagkalipas ng napakatagal na panahon, sinabi niya sa pamamagitan ni David, 'Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, Huwag maging matigas ang inyong ulo.' "
4:8 Kung ang mga tao nga'y nadala ni Josue sa ganap na kapahingahan, hindi na sana nagsalita pa ang Diyos tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan.
4:9 Samakatwid, may kapahingahan pang nakalaan sa mga nananalig sa Diyos.
4:10 Sapagkat ang sinumang makapasok at makapahinga sa piling ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang mga gawa, tulad ng Diyos na nagpahinga na sa kanyang paglikha.
4:11 Kaya't magsikap tayong makapasok at makapahinga sa piling ng Diyos. Huwag sumuway ang sinuman sa atin para hindi mabigong tulad nila.
4:12 Sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, higit na matalas kaysa alinmang tabak na magkabila'y talim. Ito'y tumatagos maging sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at nakatataho ng mga iniisip at binabalak ng tao.
4:13 Walang makapagtatago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit. ( Si Jesus ang Dakilang Saserdote )
4:14 Magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, yamang mayroon tayong dakilang saserdote na pumasok sa kalangitan sa harapan ng Diyos, walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos.
4:15 Ang dakilang saserdote nating ito ay nakauunawa sa ating mga kahinaan sapagkat sa lahat ng paraa'y tinukso siyang tulad natin, ngunit hindi nagkasala.
4:16 Kaya't huwag na tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos at doo'y kakamtan natin ang habag at kalinga sa panahong kailangan natin ito.
5:1 Ang bawat dakilang saserdote'y pinili sa mga tao at itinalagang maglingkod sa Diyos para sa kanila upang maghandog ng mga kaloob at mga hain dahil sa mga kasalanan.
5:2 Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina rin.
5:3 At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y maghandog ng hain, hindi lamang para sa kasalanan ng mga tao kundi para sa mga kasalanan din niya.
5:4 Ang karangalan ng pagiging dakilang saserdote ay hindi maaaring kamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang humihirang sa kanya, tulad ng pagkahirang kay Aaron.
5:5 "Gayon din naman, hindi si Cristo ang nagtaas ng kanyang sarili sa pagiging dakilang saserdote. Siya'y hinirang ng Diyos na nagsabi sa kanya, 'Ikaw ang aking Anak, Ako ang iyong Ama.' "
5:6 "Sinasabi rin niya sa ibang bahagi ng Kasulatan, 'Ikaw ay saserdote magpakailanman Ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.' "
5:7 Noong si Jesus ay namumuhay rito sa lupa, siya'y dumalangin at lumuluhang sumamo sa Diyos na makapagliligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya dahil sa lubusan siyang nagpakumbaba.
5:8 Bagamat siya'y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis.
5:9 At nang maganap na niya ito, siya'y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng sumusunod sa kanya.
5:10 Minarapat ng Diyos na siya'y gawing dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. ( Babala Laban sa Pagtalikod )
5:11 Marami kaming masasabi tungkol dito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat ayaw ninyong makinig.
5:12 Dapat sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng salita ng Diyos. Ang dapat sana sa inyo'y matigas na pagkain, ngunit hanggang ngayon, gatas pa ang inyong kailangan.
5:13 Ang nabubuhay sa gatas ay sanggol pa, wala pang muwang tungkol sa mabuti't masama.
5:14 Ngunit ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang, na sanay na sa pagkilala ng mabuti't masama.
6:1 Kaya't huwag na ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo ang pag-aralan natin kundi yaong maghahatid sa atin sa ganap na pagkaunawa. Huwag na nating iukol ang panahon sa muling paglalagay ng mga saligang aral: pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan sa paningin ng Diyos at ang pananampalataya sa kanya;
6:2 pagtuturo tungkol sa bautismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay at ang kahatulang walang hanggan.
6:3 Sa halip, magpatuloy tayo. Iyan ang gagawin namin, kung loloobin ng Diyos!
6:4 Sapagkat paano pang mapagsisisi at mapanunumbalik ang mga tumalikod? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng kaloob ng langit, at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo.
6:5 Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating.
6:6 Kung sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaari pang mapagsisi at mapanumbalik, sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at ibinibilad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos.
6:7 Pinagpapala ng Diyos ang lupang matapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinakikinabangan ng maglilinang.
6:8 Subalit kung mga dawag at halamang matinik ang sumibol doon, walang kabuluhan ang gayong lupa at susumpain ng Diyos, at sa wakas ay susunugin.
6:9 Mga minamahal, bagamat ganito ang sabi namin, gayunma'y natitiyak naming mabuti ang kalagayan ninyo.
6:10 Makatarungan ang Diyos. Hindi niya lilimutin ang inyong ginawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinakikita sa paglilingkod ninyo sa inyong mga kapwa Cristiano.
6:11 At pinakananais ko na ang bawat isa sa inyo'y patuloy na magsumikap hanggang wakas upang kamtan ninyo ang inyong inaasahan.
6:12 Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong nagtitiis at nananalig sa Diyos at sa gayo'y tumatanggap ng mga ipinangako niya. ( Tiyak ang Pangako ng Diyos )
6:13 Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan yamang wala nang hihigit pa rito na kanyang mapanunumpaan.
6:14 "Sinabi niya, 'Ipinangangako ko na lubos kitang pagpapalain, at pararamihin ko ang iyong lipi.'"
6:15 Matiyagang naghintay si Abraham, at kanya ngang nakamtan ang ipinangako sa kanya.
6:16 Nanunumpa ang mga tao sa ngalan ng isang nakahihigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito'y natatapos na ang usapan.
6:17 Gayon din naman, pinatibayan ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakilala sa kanyang mga pinangakuan na hindi nagbabago ang kanyang panukala.
6:18 At hindi nagbabago ni nagsisinungaling man ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito---ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo sa kanya ng kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya.
6:19 Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay. At ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing sa templong panlangit, sa dakong kabanal-banalan
6:20 na pinasukan ni Jesus na nangunguna sa atin. Doon, siya'y isang dakilang saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
7:1 ( Ang Saserdoteng si Melquisedec ) "Itong si Melquisedec ay hari ng Salem, at saserdote ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, 'Pagpalain ka ng Panginoon.'"
7:2 "Ibinigay sa kanya ni Abraham ang ikapu ng lahat ng nasamsam niya sa labanan. (Ang unang kahulugan ng pangalan ni Melquisedec ay 'Hari ng Katarungan.' At siya'y hari ng Salem, na sa ibang salita'y 'Hari ng Kapayapaan.')"
7:3 Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y saserdote magpakailanman.
7:4 Tingnan ninyo kung gaano siya kadakila! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham ang ikapu ng nasamsam niya sa labanan. At si Abraham ay isang patriyarka!
7:5 Ang mga hinirang na saserdote sa mga inapo ni Levi ay inaatasan ng Kautusan na kumuha ng ikapu mula sa mga Israelita, samakatwid baga'y sa kanilang mga kapatid, bagamat mula rin sila kay Abraham.
7:6 Si Melquisedec ay di kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikapu mula kay Abraham. At iginawad pa niya ang pagpapala sa taong ito na pinangakuan ng Diyos.
7:7 Hindi mapag-aalinlanganan na ang nagpapala ay higit na dakila kaysa pinagpapala.
7:8 Ang mga Levita, na kumukuha ng ikapu ay may kamatayan; ngunit pinatutunayan ng Kasulatan na buhay si Melquisedec.
7:9 Kaya't masasabi rin na maging si Levi na kumukuha ng ikapu, ay nagbigay ng ikapu sa pamamagitan ni Abraham.
7:10 Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec.
7:11 Ang Kautusan ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita upang sila'y maging ganap. Kung ang pagiging-ganap ay nakamtan sa pamamagitan ng mga saserdoteng mula sa angkan ni Levi, hindi na sana kinailangan pa ang ibang saserdote, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec, at di ayon sa pagkasaserdote ni Aaron.
7:12 Kapag binago ang pagkasaserdote, kailangan ding baguhin ang kautusan.
7:13 At ang ating Panginoon na siyang tinutukoy nito ay kabilang sa ibang angkan; wala isa mang naglingkod bilang saserdote mula sa angkang iyon.
7:14 Alam ng lahat na siya'y mula sa angkan ni Juda. At hindi binanggit ni Moises ang angkang ito nang sabihin niya ang tungkol sa mga saserdote. ( Ibang Saserdote, Tulad ni Melquisedec )
7:15 Ito'y lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang saserdoteng katulad ni Melquisedec.
7:16 Naging saserdote siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y di matatapos, at hindi dahil sa lahi---ayon sa tuntunin ng Kautusan.
7:17 "Sapagkat ito ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya, 'Ikaw ay saserdote magpakailanman, ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.'"
7:18 Kung gayon, inalis ang unang tuntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa.
7:19 Sapagkat walang napaging-ganap ang Kautusan; ngunit higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin---sa pamamagitan nito'y nakalalapit na tayo sa Diyos.
7:20 Ang Diyos ay hindi sumumpa nang gawing saserdote ang iba,
7:21 "ngunit sumumpa siya nang gawin niyang saserdote si Jesus, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, 'Ang Panginoon ay sumumpa, At hindi siya magbabago ng isip: 'Ikaw ay saserdote magpakailanman!'' "
7:22 Dahil kay Jesus, tayo'y nakatitiyak ng isang lalong mabuting tipan.
7:23 Dati, maraming saserdote ang naghahali-halili, sapagkat namamatay sila at hindi nakapagpapatuloy sa panunungkulan.
7:24 Ngunit si Jesus ay buhay magpakailanman, at hindi siya mahahalinhan sa kanyang pagkasaserdote.
7:25 Dahil nga riyan, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila.
7:26 Si Jesus, kung gayon, ang Dakilang Saserdoteng makatutugon sa ating pangangailangan. Siya'y banal, walang kapintasan o kasalanan, nahihiwalay sa mga makasalanan at mataas pa kaysa sangkalangitan.
7:27 Hindi siya katulad ng ibang mga dakilang saserdote na kailangang maghandog ng mga hain araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsang naghandog si Jesus---at iya'y pangmagpakailanman---nang ihandog niya ang kanyang sarili.
7:28 May mga kahinaan ang mga dakilang saserdoteng hinirang ayon sa Kautusan; subalit ang saserdoteng hinirang na may panunumpa ay ang Anak, banal magpakailanman. At ang panunumpa ng Diyos ay huling dumating kaysa Kautusan.
8:1 ( Si Jesus ang Ating Dakilang Saserdote ) Ito ang buod ng aming sinasabi: tayo'y may Dakilang Saserdote, nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan.
8:2 Siya'y naglilingkod doon sa tunay na Dakong Banal, sa toldang hindi itinayo ng tao kundi ng Panginoon.
8:3 Tungkulin ng bawat dakilang saserdote ang maghandog ng mga kaloob at mga hain, kaya't kailangang ang ating Dakilang Saserdote ay mayroon ding ihahandog.
8:4 Dito sa lupa, hindi siya maaaring maging saserdote, sapagkat mayroon nang mga saserdoteng naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan.
8:5 "Ang kanilang paglilingkod ay anino lamang ng nasa langit. Sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na itinagubilin sa kanya ng Diyos ang ganito: 'Gawin mo ang lahat ng bagay ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.'"
8:6 Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, yamang siya'y tagapamagitan ng isang tipang higit na mabuti, sapagkat nasasalig ito sa lalong mahahalagang bagay na ipinangako.
8:7 Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan ng pangalawa.
8:8 "Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya, 'Darating ang mga araw, Na ako'y makikipagtipan nang panibago sa bayang Israel At sa angkan ng Juda, "
8:9 Hindi tulad ng pakikipagtipan ko sa kanilang mga ninuno, Nang akayin ko sila mula sa Egipto. Hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin, Kaya't sila'y pinabayaan ko.
8:10 Ito ang aking magiging tipan sa bayang Israel, Pagdating ng mga araw na iyon: Itatanim ko sa kanilang isip ang aking mga utos, At iuukit ko ang mga ito sa kanilang puso. Ako ang magiging Diyos nila, At sila nama'y magiging bayan ko.
8:11 Hindi na kakailanganing ituro ninuman sa kanyang kababayan, O sabihin sa kanyang kapatid, 'Kilalanin mo ang Panginoon.' Sapagkat ako'y kikilalanin nilang lahat, Mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila.
8:12 "Sapagkat ipapatawad ko sa kanila ang kanilang mga kasalanan, At lilimutin ko na ang kanilang mga kasamaan.' "
8:13 Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalan niya ng bisa ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala.
9:1 ( Ang Pagsamba Rito sa Lupa at Doon sa Langit ) Ang unang tipan ay may mga tuntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao.
9:2 Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi; ang una'y tinatawag na Dakong Banal. Naroon ang ilawan, ang hapag, at ang mga tinapay na handog sa Diyos.
9:3 Ang ikalawa'y nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan.
9:4 Naroon ang altar na sunugan ng insenso, at ang Kaban ng Tipan, kapwa balot ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang nagdahong tungkod ni Aaron, at ang mga tapyas na bato na kinatititikan ng Tipan.
9:5 At sa ibabaw ng Kaban ay may mga kerubin, na nagpapakilalang naroon ang Diyos. Nalililiman ng kanilang pakpak ang Luklukan ng Habag. Ngunit ito'y hindi na namin ipaliliwanag na isa-isa ngayon.
9:6 Gayon ang pagkakaayos ng loob ng toldang kanilang sambahan, at ang mga saserdote ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin.
9:7 Ngunit tanging ang Dakilang Saserdote ang nakapapasok sa ikalawang bahagi, at minsan lamang sa isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos dahil sa mga kasalanan niya at ng mga tao, kasalanang nagawa nila nang hindi nalalaman.
9:8 Sa gayong kaayusan, maliwanag na ipinahihiwatig ng Espiritu Santo na ang daang patungo sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukas habang mayroon pang unang bahagi.
9:9 Anino lamang ang mga iyon at ang ipinahihiwatig nila'y ang panahong kasalukuyan. Ang mga kaloob at mga haing inihahandog doon ay hindi nagpapabanal sa sumasamba.
9:10 Ang ginagawa nilang ito'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas na umiiral hangga't di binabago ng Diyos ang lahat ng bagay.
9:11 Ngunit dumating na si Cristo, ang Dakilang Saserdote ng bagong tipan.{ a} Siya'y naglilingkod doon sa sambahang lalong dakila at walang katulad, hindi ginawa ng tao, alalaong baga'y wala sa sanlibutang ito.
9:12 Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at bisirong baka ang kanyang dalang handog, kundi ang sariling dugo, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin.
9:13 Ang dugo ng mga kambing at mga toro at ang abo ng dumalagang baka ay iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi. Sa gayon, sila'y nagiging malinis ayon sa Kautusan.
9:14 Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay.
9:15 Si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan sapagkat sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng unang tipan. Dahil dito, kakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako.
9:16 Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon
9:17 sapagkat ito'y walang bisa habang nabubuhay siya, at nagkakabisa lamang kung siya'y patay na.
9:18 Maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay kung hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop na inihandog.
9:19 Ipinahayag ni Moises sa mga tao ang bawat tuntunin sa Kautusan. Pagkatapos, kinuha niya ang dugo ng mga baka at ng mga kambing---dugong may kahalong tubig. Isinawsaw niya rito ang pulang lana at sanga ng isopo at winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao.
9:20 "Kasabay nito'y kanyang sinabi, 'Ito ang dugong nagpapatibay sa tipang ibinigay ng Diyos at ipinatutupad sa inyo.'"
9:21 Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba.
9:22 Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung walang pagbububo ng dugo. ( Kapatawaran ng Kasalanan sa Pamamagitan ng Kamatayan ni Cristo )
9:23 Ang mga bagay sa sambahang ito, na larawan ng mga nasa langit, ay kinakailangang linisin sa pamamagitan ng ganitong hain. Ngunit higit na mabubuting hain ang kinakailangan ng mga bagay sa sambahang nasa langit.
9:24 Sapagkat pumasok si Cristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo'y nasa harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin.
9:25 Ang dakilang saserdote ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon, may dalang dugo ng mga hayop.{ b} Ngunit minsan lamang pumasok si Cristo upang ihandog ang kanyang sarili, at iya'y sapat na.
9:26 Kung di gayon, kailangan sanang siya'y paulit-ulit na mamatay mula pa nang matatag ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang napakita, ngayong magtatapos na ang mga panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng haing kanyang inihandog.
9:27 Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom.
9:28 Gayon din naman, si Cristo'y minsang inihandog bilang hain upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang ihandog na muli dahil sa kasalanan kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya.
10:1 Ang Kautusan ay malabong anino lamang at hindi ganap na larawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga haing inihahandog taun-taon.
10:2 Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganitong mga handog, wala na sana silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na kailangang maghandog pa.
10:3 Subalit ang mga haing ito pa nga ang taun-tao'y nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan,
10:4 sapagkat ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay hindi makapapawi ng mga kasalanan.
10:5 "Dahil diyan, nang si Cristo'y manaog sa sanlibutan, sinabi niya sa Diyos, 'Ang mga hain at handog na mga hayop ay hindi mo ibig, Kaya't inihanda mo ang aking katawan upang maging hain. "
10:6 Hindi mo kinalugdan ang mga handog na susunugin at ang mga handog dahil sa kasalanan.
10:7 "Kaya't aking sinabi, 'Narito ako, O Diyos, upang tupdin ang iyong kalooban'--- Ayon sa nasusulat sa Kasulatan tungkol sa akin.' "
10:8 "Sinabi muna niya, 'Hindi mo inibig o kinalugdan ang mga hain at handog na mga hayop, mga handog na susunugin at mga handog dahil sa kasalanan'---bagamat ito'y inihahandog ayon sa Kautusan."
10:9 "Saka niya sinabi, 'Narito ako upang tupdin ang iyong kalooban.' Inalis ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo."
10:10 At dahil sa kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos, nilinis tayo ni Jesu-Cristo sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng minsang paghahandog ng kanyang sarili, at iyo'y sapat na.
10:11 Bawat saserdote ay nakatayong naglilingkod araw-araw at naghahandog ng iyon at iyon ding mga hain, subalit hindi makapapawi ng kasalanan ang mga haing iyon.
10:12 Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog dahil sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos, lumuklok siya sa kanan ng Diyos.
10:13 At naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway.{ a}
10:14 Samakatwid, sa pamamagitan ng isa lamang paghahandog ay kanyang pinapaging-banal magpakailanman ang mga nililinis niya.
10:15 Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Una'y sinabi niya,
10:16 '"Ito ang aking magiging tipan sa kanila Pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Iuukit ko sa kanilang puso ang aking mga utos, At itatanim ko ang mga ito sa kanilang mga isip.' "
10:17 "At kanya ring sinabi pagkatapos, 'Hindi ko na aalalahanin pa ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan.'"
10:18 Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan. ( Lumapit Tayo sa Diyos )
10:19 Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Jesus.
10:20 Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing---alalaong baga'y ang kanyang katawan.
10:21 Tayo'y may isang Dakilang Saserdote na namamahala sa sambahayan ng Diyos.
10:22 Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang ating mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan.
10:23 Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag mag-alinlangan, sapagkat tapat ang nangako sa atin.
10:24 At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti.
10:25 At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.
10:26 Kung matapos nating makilala at tanggapin ang katotohanan ay magpapatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang haing maihahandog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
10:27 Wala nang natitira kundi ang nakapangingilabot na paghihintay sa darating: ang Paghuhukom at ang nagngangalit na apoy na tutupok sa mga kalaban ng Diyos!
10:28 Batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ang lumabag sa Kautusan ni Moises ay walang awang pinapatay.
10:29 Gaanong kabigat na parusa, sa akala ninyo, ang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, sa lumapastangan sa dugo na nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, sa humamak sa mahabaging Espiritu?
10:30 "Sapagkat kilala natin ang nagsabi ng ganito: 'Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.' At siya rin ang nagsabi, 'Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.'"
10:31 Kakila-kilabot ang hatol ng Diyos na buhay sa mga taong gumagawa ng ganito!{ b}
10:32 Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagbata ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nadaig.
10:33 Kung minsan, kayo'y inaalipusta at pinahihirapan sa harapan ng madla, at kung minsan nama'y karamay kayo ng mga kasamahang pinahihirapan nang gayon.
10:34 Dinamayan ninyo ang mga nabibilanggo, at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo.
10:35 Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananalig sa Diyos, sapagkat taglay nito ang dakilang gantimpala.
10:36 Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ang kanyang ipinangako.
10:37 "Sapagkat, 'Kaunting panahon na lamang, hindi na magluluwat, At ang paririto ay darating. "
10:38 "Ang tapat kong lingkod ay nabubuhay sa pananalig sa akin, Ngunit kung siya'y tumalikod, hindi ko kalulugdan.' "
10:39 Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak, kundi sa mga nananalig sa Diyos at sa gayo'y naliligtas.
11:1 ( Ang Pananalig sa Diyos ) Tayo'y may pananalig kung nagtitiwala tayong mangyayari ang mga inaasahan natin, at naniniwala sa mga bagay na di natin nakikita.
11:2 At kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananalig sa kanya.
11:3 Dahil sa pananalig sa Diyos, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng salita niya, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita.
11:4 Dahil sa pananalig sa Diyos, si Abel ay naghandog ng mas mabuting hain kaysa inihandog ni Cain. Dahil doon, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Bagamat patay na, siya'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananalig sa Diyos.
11:5 "Dahil sa pananalig sa Diyos, hindi namatay si Enoc, kundi inilipat sa kabilang buhay. 'Hindi na siya nakita sapagkat inilipat na nga siya ng Diyos.' Sinasabi sa Kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod sa Diyos bago inilipat."
11:6 At hindi kinalulugdan ng Diyos ang hindi nananalig sa kanya. Sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat maniwalang may Diyos, at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya.
11:7 Dahil sa pananalig sa Diyos, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari na hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang daong upang siya at ang kanyang sambahayan ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y ibinilang na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananalig.
11:8 Dahil sa pananalig sa Diyos, tumalima si Abraham nang siya'y papuntahin ng Diyos sa lupang ipinangako sa kanya. At humayo siya, bagamat hindi niya alam kung saan paroroon.
11:9 Dahil din sa kanyang pananalig, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya ng Diyos. Tumira siya sa mga tolda, kasama nina Isaac at Jacob na kapwa tumanggap ng gayon ding pangako mula sa Diyos,
11:10 habang hinihintay niyang maitatag ang lunsod, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos.
11:11 Dahil din sa pananalig sa Diyos, si Sara, bagamat matanda na, ay niloob ng Diyos na magkaanak sapagkat nanalig siya na tapat ang nangako.
11:12 Kaya't sa taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging kasindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan.
11:13 Silang lahat ay namatay na may pananalig sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila'y dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa.
11:14 Ipinakikilala ng mga taong nagsasalita nang gayon na naghahanap pa sila ng sariling bayan.
11:15 Kung ang naaalaala nila'y ang lupaing pinanggalingan nila, may pagkakataon pang makabalik sila roon.
11:16 Ngunit ang hinahangad nila'y isang lunsod na lalong mabuti, yaong nasa langit. Kaya't hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y maging Diyos nila, sapagkat ipinaghanda niya sila ng isang lunsod.
11:17 At nang subukin ng Diyos si Abraham, pananalig din ang nag-udyok sa kanya na ihandog si Isaac bilang hain sa Diyos. Handa siyang ihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos
11:18 na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya.
11:19 Naniniwala siyang muling mabubuhay ng Diyos si Isaac. At sa patalinghagang pangungusap, nabalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay.
11:20 Dahil sa pananalig sa Diyos, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap.
11:21 Dahil sa pananalig sa Diyos, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya mamatay. At humawak siya sa puno ng kanyang tungkod at sumamba sa Diyos.
11:22 Dahil sa pananalig sa Diyos, sinabi ni Jose nang siya'y malapit nang mamatay na aalis ang mga Israelita sa Egipto, at ipinagbiling dalhin ang kanyang mga buto.
11:23 Dahil sa pananalig sa Diyos, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan.
11:24 Dahil sa pananalig sa Diyos, tumanggi si Moises, nang siya'y may sapat na gulang na, na tawaging anak ng prinsesa, na anak ng Faraon.
11:25 Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng panandaliang aliw na dulot ng kasalanan.
11:26 Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagbabata ng kadustaan dahil sa Mesias kaysa mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakapako ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap.
11:27 Ang pananalig din sa Diyos ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto kahit magalit ang hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakikita ang Diyos.
11:28 Dahil din sa pananalig na ito kaya niya itinatag ang Paskuwa at iniutos ang pagpapahid ng dugo sa mga pintuan ng bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang mga panganay na Israelita.
11:29 Dahil sa pananalig sa Diyos, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na wari'y sa tuyong lupa. Ngunit nang tumawid ang mga taga-Egipto, sila'y nalunod.
11:30 Dahil sa pananalig ng mga Israelita sa Diyos, gumuho ang muog ng Jerico matapos nila itong ligirin nang pitong araw.
11:31 Dahil sa pananalig sa Diyos, si Rahab, ang babaing may maruming pamumuhay, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw pasakop sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga tiktik.
11:32 Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para isalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barac, Samson, Jefte, David, Samuel, at sa mga propeta.
11:33 Dahil sa pananalig nila sa Diyos, nakalupig sila ng mga kaharian, gumawa ng matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Nagpatikom sila ng bunganga ng mga leon,
11:34 pumatay ng nagngangalit na apoy, at naligtas sa tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, anupat napaurong ang hukbo ng dayuhan.
11:35 Dahil sa pananalig sa Diyos, ibinalik sa mga babae ang kanilang mga patay matapos buhaying muli. May mga tumangging palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay.
11:36 Mayroon namang nilibak at hinagupit, at mayroon ding nabilanggong gapos ng tanikala.
11:37 Sila'y pinagbabato, nilagari nang pahati, pinatay sa tabak. Mga balat ng tupa at kambing ang dinaramit nila. Sila'y mga nagdarahop, aping-api, at pinagmamalupitan.
11:38 Hindi marapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa lungga at mga yungib sa lupa.
11:39 At dahil sa kanilang pananalig sa Diyos, isang kasaysayang di-malilimot kailanman ang kanilang iniwan. Ngunit ang pangako ng Diyos ay hindi natupad sa kanilang kapanahunan
11:40 sapagkat may lalong mabuting panukala ang Diyos para sa atin---ang tayo'y makasama nila kapag tinupad na niya ang kanyang pangako.
12:1 ( Ama Natin ang Diyos ) Yamang naliligid tayo ng makapal na saksi, iwaksi natin ang kasalanan, at ang anumang balakid na pumipigil sa atin, at tayo'y buong tiyagang magpatuloy sa takbuhing nasa ating harapan.
12:2 Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmulan ng ating pananampalataya, at siya ring nagpapasakdal nito. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaluklok sa kanan ng trono ng Diyos.
12:3 Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang paglaban ng mga makasalanan upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob.
12:4 Hindi pa humahantong sa pagdanak ng inyong dugo ang pakikitunggali ninyo sa kasalanan.
12:5 "Nalimutan na ba ninyo ang pangaral ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya---mga salitang nagpapalakas ng loob ninyo? 'Anak, huwag kang magwalang-bahala kapag itinutuwid ka ng Panginoon, At huwag panghinaan ng loob kapag ikaw ay pinarurusahan niya. "
12:6 "Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang mga iniibig niya, At pinapalo ang itinuturing niyang anak.' "
12:7 Tiisin ninyo ang lahat bilang pagtutuwid ng isang ama, sapagkat ito'y nagpapakilalang kayo'y inaari ng Diyos na kanyang mga anak. Sinong anak ang hindi itinuwid ng kanyang ama?
12:8 Kung ang pagtutuwid na ginagawa sa lahat ng anak ay di gawin sa inyo, hindi kayo tunay na anak kundi mga anak sa labas.
12:9 Tangi sa riyan---pinarurusahan tayo ng ating mga ama sa laman, at dahil dito'y iginagalang natin sila. Hindi ba lalong nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu upang mabuhay tayo?
12:10 Sa loob ng maikling panahon, itinutuwid tayo ng ating magulang, ayon sa inaakala nilang mabuti. Ngunit itinutuwid naman tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal, tulad niya.
12:11 Habang tayo'y itinutuwid hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis. Ngunit pagkaraan niyon, lalasap tayo ng kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. ( Mga Babala at mga Tagubilin )
12:12 Kaya't palakasin ninyo ang inyong lupaypay na katawan at tipunin ang nalalabi pang lakas!{ a}
12:13 Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi tuluyang mapilay, kundi gumaling ang paang nalinsad.
12:14 Magpakabanal kayo at sikaping makasundo ang inyong kapwa, sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito.
12:15 Pag-ingatan ninyong huwag talikdan ninuman sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. Ingatan ninyong huwag sumama ang sinuman sa inyo{ b} at makagulo at makahawa pa sa iba.
12:16 Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o magpawalang-halaga sa mga bagay na espirituwal, tulad ni Esau---ipinagpalit niya sa isang pinggang pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay.
12:17 Alam ninyong pagkatapos ay hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay. Ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pagsisikap at pagluha.
12:18 Hindi kayo lumapit, gaya ng paglapit ng mga Israelita, sa isang bundok na nakikita sa Bundok ng Sinai na may nagliliyab na apoy, balot ng pusikit na kadiliman, may malakas na hangin,
12:19 may tunog ng trompeta, at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na ito'y marinig ng mga tao, isinamo nilang tumigil iyon ng pagsasalita sa kanila,
12:20 "sapagkat hindi nila mabata ang utos na ito: 'Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.'"
12:21 "Talagang nakakikilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabi ng ganito: 'Nanginginig ako sa takot!' "
12:22 Ang nilapitan ninyo'y ang Bundok ng Sion at ang lunsod ng Diyos na buhay, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di-mabilang na anghel.
12:23 Lumapit kayo sa masayang pagkakatipon ng mga ibinilang na panganay,{ c} na nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong banal na naroon na sa dakong inilaan sa kanila ng Diyos.{ d}
12:24 Lumapit kayo kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan at sa dugong nabubo, na ang isinisigaw ay kaiba sa isinisigaw ng dugo ni Abel.
12:25 Kaya't mag-ingat kayo, at makinig sa nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tumangging makinig sa nagsasalita mula sa langit!
12:26 "Dahil sa kanyang tinig ay nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, 'Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa kundi pati ang langit.'"
12:27 "Ang mga salitang 'Minsan pa,' ay maliwanag na nagpapakilalang aalisin ang mga bagay na nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig. "
12:28 Kaya tayo'y magpasalamat sa Diyos, sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot;
12:29 sapagkat ang ating Diyos ay parang apoy, nakatutupok.
13:1 ( Paglilingkod na Nakalulugod sa Diyos ) Magpatuloy kayong nag-iibigan bilang magkakapatid kay Cristo.
13:2 Huwag ninyong kaligtaan ang pagpapatuloy sa mga taga-ibang bayan. May ilang gumawa nito, at nakapagpatuloy sila ng mga anghel nang di nila nalalaman.
13:3 Damayan ninyo ang mga nabibilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Gayon din ang mga pinagmamalupitan, sapagkat maaaring kayo ma'y dumanas din ng gayon.
13:4 Dapat igalang ng lahat ang pag-aasawa, at maging tapat sa isa't isa ang mag-asawa. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at mga nangangalunya.
13:5 "Huwag kayong magmukhang salapi; masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, 'Hindi kita iiwan ni pababayaan man.'"
13:6 "Walang pag-agam-agam na masasabi natin, 'Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, Hindi ako matatakot, Ano ang magagawa sa akin ng tao?' "
13:7 Alalahanin ninyo ang mga nangasiwa sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin nga ninyo kung paano sila namuhay at namatay, at tularan ninyo ang kanilang pananalig sa Diyos.
13:8 Si Jesu-Cristo noong nakaraan ay siya rin sa kasalukuyan at siya rin magpakailanman.
13:9 Huwag kayong patangay sa sari-sari at kakaibang turo. Mas mabuti para sa atin ang mapatibay ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod dito'y wala namang natamong kapakinabangan.
13:10 Tayo'y may isang dambana, at ang mga saserdoteng naglilingkod doon sa sambahan ng mga Judio ay hindi maaaring makasalo sa haing naririto.
13:11 Ang dugo ng mga hayop ay dinadala ng dakilang saserdote doon sa Dakong Kabanal-banalan upang ihandog bilang hain dahil sa kasalanan, ngunit ang mga katawan nito'y sinusunog sa labas ng bayan.
13:12 Gayon din naman, namatay si Jesus sa labas ng pintong bayan upang malinis niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo.
13:13 Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng bayan at magbata rin ng kadustaang kanyang tiniis.
13:14 Sapagkat hindi rito sa lupa ang palagiang bayan natin, at ang hinahanap nati'y ang bayang masusumpungan sa panahong darating.
13:15 Kaya't lagi tayong maghandog ng hain ng pagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus---pagpupuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan.
13:16 At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa iba sapagkat iyan ang haing kinalulugdan ng Diyos.
13:17 Pasakop kayo sa mga nangangasiwa sa inyo. Sila'y may pananagutang magbantay sa inyo, at magbibigay-sulit sila sa Diyos ukol dito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Kung hindi, sila'y mahahapis, at hindi ito makabubuti sa inyo.
13:18 Ipanalangin ninyo kami. Masasabi namin sa inyo na malinis ang aming budhi, at hinahangad naming mamuhay nang marangal sa lahat ng panahon.
13:19 Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyong ako'y makabalik agad sa inyo. ( Panalangin )
13:20 Ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan.
13:21 Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen. ( Panghuling Pangungusap )
13:22 Hinihiling ko, mga kapatid, na mataman ninyong pakinggan ang mga pangaral ko, sapagkat maikli lang naman ang sulat kong ito.
13:23 Ibig kong malaman ninyo na nakalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung dumating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan.
13:24 Ikumusta ninyo kami sa mga nangangasiwa sa inyo at sa lahat ng kapatid. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia.
13:25 Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Diyos.
|