|
62. 1 Juan
1:1 ( Ang Salita na Nagbibigay-buhay ) Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salita na nagbibigay-buhay. Narinig namin siya at nakita, napagmasdan at nahipo ng aming mga kamay.
1:2 Nahayag ang Buhay. Nakita namin siya at pinatotohanan sa inyo. At ipinangangaral namin sa inyo ang Buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin.
1:3 Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig, upang makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.
1:4 Sinusulat namin ito upang malubos ang ating kagalakan. ( Ang Diyos ay Ilaw )
1:5 Ito ang aming narinig sa kanyang Anak, at ipinahahayag namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw, at walang anumang kadiliman sa kanya.
1:6 Kung sinasabi nating tayo'y kaisa niya, ngunit namumuhay naman sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay sa katotohanan.
1:7 Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, kung paanong siya'y nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak sa lahat ng ating kasalanan.
1:8 Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili, at wala sa atin ang katotohanan.
1:9 Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid.
1:10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.
2:1 ( Si Cristo, ang Tagapamagitan ) Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo para hindi kayo magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapamagitan tayo sa Ama. At iya'y si Jesu-Cristo, ang walang sala.
2:2 Sapagkat si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan natin, at kasalanan din ng lahat ng tao.
2:3 Nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos.
2:4 "Ang nagsasabing, 'Nakikilala ko siya,' ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan."
2:5 Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas.{ a} Ganito natin nalalamang tayo'y nasa kanya.
2:6 Ang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pagkapamuhay ni Jesu-Cristo. ( Ang Bagong Utos )
2:7 Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito'y ang salitang narinig na ninyo.
2:8 Gayunman, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo. Bago, sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin.
2:9 Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa.
2:10 Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at walang panganib na mabulid siya sa kasalanan.{ b}
2:11 Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi nalalaman ang kanyang patutunguhan, sapagkat binulag ng kadiliman.
2:12 Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat ipinatawad na ang inyong mga kasalanan, alang-alang kay Cristo.
2:13 Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat tinalo ninyo ang Masama.
2:14 Sinulatan ko kayo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sinulatan ko kayo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sinulatan ko kayo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo ninyo siya, ang Masama.
2:15 Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay sa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama.
2:16 Sapagkat ang lahat ng nasa sanlibutan---ang nakapupukaw sa masamang pita ng laman, ang mga nakatutukso sa paningin, at ang karangyaan sa buhay---ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan.
2:17 Mapaparam ang sanlibutan at lahat ng kinahuhumalingan nito; ngunit ang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman. ( Ang Anti-Cristo )
2:18 Mga anak, malapit na ang wakas! Tulad ng narinig ninyo, darating ang anti-Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas.
2:19 Bagamat sila'y dating kasamahan natin, hindi natin tunay na kaisa ang mga taong iyon. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay di tunay na atin.
2:20 Ngunit ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu, at dahil dito, kayong lahat ay may pagkaunawa.
2:21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa di ninyo alam ang katotohanan. Alam ninyo ito, at alam din ninyo na walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.
2:22 Sino nga ang sinungaling? Hindi ba ang tumatangging si Jesus ang Cristo? Ito nga ang anti-Cristo: ang ayaw kumilala sa Ama at sa Anak.
2:23 Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag tinanggap ninuman ang Anak, pati ang Ama'y sasakanya.
2:24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama.
2:25 At ito ang ipinangako sa atin ni Cristo: buhay na walang hanggan.
2:26 Ang isinulat ko sa inyo ay tungkol sa mga nagnanasang magligaw sa inyo.
2:27 Ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang siya'y nananatili sa inyo, hindi na kailangang turuan kayo ninuman. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo sa lahat ng bagay, at totoo ang itinuturo niya---hindi kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo.
2:28 Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya at hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na yaon.
2:29 Kung alam ninyong si Cristo'y matuwid, dapat din ninyong malamang ang bawat gumagawa ng matuwid ay anak ng Diyos.
3:1 ( Mga Anak ng Diyos ) Isipin ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos---at iyan ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos.
3:2 Mga minamahal, sa ngayon, tayo'y mga anak ng Diyos, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Gayunman, alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin siya sa kanyang likas na kalagayan.
3:3 Kaya't ang sinumang may pag-asa sa kanya ay nagpapakalinis, tulad ni Cristo---siya'y malinis.
3:4 Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan.
3:5 Nalalaman ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan; at siya'y walang kasalanan.
3:6 Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala sa kanya.
3:7 Mga anak, huwag kayong padaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid, katulad ni Cristo.
3:8 Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. At naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.
3:9 Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat siya'y may bagong buhay na galing sa Diyos. At yamang ang Diyos ang Ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala.
3:10 Dito makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos, at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos. ( Mag-ibigan Tayo )
3:11 Ito ang aral na narinig na ninyo sa simula pa: mag-ibigan tayo.
3:12 Huwag tayong tumulad kay Cain; siya'y anak ng diyablo. Pinatay niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masasama ang kanyang gawa ngunit matutuwid ang gawa ng kanyang kapatid.
3:13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan.
3:14 Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan.
3:15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid; at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao.
3:16 Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay dahil sa atin. Dapat din nating ialay ang ating buhay dahil sa mga kapatid.
3:17 Kapag nakita ng sinumang may kaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, paano niya masasabing siya'y umiibig sa Diyos?
3:18 Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. ( Panatag ang Kalooban sa Harapan ng Diyos )
3:19 Dito natin makikilalang tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos
3:20 sakali mang tayo'y usigin niyon. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi at alam niya ang lahat ng bagay.
3:21 Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, panatag ang ating loob na makalalapit sa Diyos.
3:22 Tinatanggap natin ang anumang ating hingin sa kanya, sapagkat sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya.
3:23 Ito ang kanyang utos: manalig tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at mag-ibigan, gaya ng iniutos ni Cristo sa atin.
3:24 Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin ay nalalaman nating nananatili siya sa atin.
4:1 ( Ang Espiritung Mula sa Diyos at ang Espiritung Mula sa Anti-Cristo ) Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan agad ang bawat nagsasabing sumasakanila ang Espiritu. Sa halip ay subukin muna ninyo upang malaman kung mula sa Diyos ang espiritung sumasakanila, sapagkat marami nang bulaang propeta ang lumitaw sa sanlibutan.
4:2 Ito ang pagkakakilanlan kung sino ang kinaroroonan ng Espiritu ng Diyos: ang nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naging tao ang siyang kinaroroonan ng Espiritung mula sa Diyos.
4:3 Subalit ang hindi nagpapahayag ng gayon tungkol kay Jesus ay hindi kinaroonan ng Espiritung mula sa Diyos. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanya. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na.
4:4 Mga anak, kayo'y sa Diyos at pinagtagumpayan ninyo ang mga bulaang propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan.
4:5 Sila'y sa sanlibutan kaya't mula sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang sanlibutan.
4:6 Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin, ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian. ( Ang Diyos ay Pag-ibig )
4:7 Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos, at kumikilala sa Diyos.
4:8 Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.
4:9 Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang suguin niya ang kanyang bugtong na Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya.
4:10 Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.
4:11 Mga minamahal, yamang gayon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong mag-ibigan.
4:12 Walang taong nakakita sa Diyos kailanman, ngunit kung tayo'y nag-iibigan, nasa atin siya at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig.
4:13 Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu.
4:14 Nakita namin at pinatototohanang sinugo ng Ama ang kanyang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.
4:15 Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya.
4:16 Nalalaman natin at pinananaligan ang pag-ibig ng Diyos sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos.
4:17 Ang pag-ibig ay nagiging ganap kung hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito.
4:18 Walang kalakip na takot ang tunay na pag-ibig sapagkat pinapawi ng pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa.
4:19 Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.
4:20 "Ang nagsasabing 'Iniibig ko ang Diyos,' at napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung yaong kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya maibig, paano niya maiibig ang Diyos na hindi nakikita?"
4:21 Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid.
5:1 ( Napagtagumpayan Natin ang Sanlibutan ) Inaaring mga anak ng Diyos ang sumasampalatayang si Jesus ang Mesias; at sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa mga anak.
5:2 Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos,
5:3 sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay yaong tumutupad ng kanyang mga utos. At hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos,
5:4 sapagkat napagtatagumpayan ng bawat anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya.
5:5 Sino ang makapagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos. ( Ang Patotoo Tungkol kay Jesu-Cristo )
5:6 Si Jesu-Cristo ang naparito sa sanlibutan, binautismuhan sa tubig, at nagbubo ng kanyang dugo sa kanyang kamatayan---hindi lamang binautismuhan sa tubig, kundi nagbubo pa ng kanyang dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan.
5:7 Tatlo ang nagpapatotoo:
5:8 ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at nagkakaisa ang tatlong ito.
5:9 Tinatanggap natin ang patotoo ng tao, ngunit lalong matibay ang patotoo ng Diyos, at iyon ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak.
5:10 Ang sinumang nananalig sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang ayaw maniwala sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniniwala sa patotoo nito tungkol sa kanyang Anak.
5:11 At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak.
5:12 Ang pinananahanan ng Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan, ngunit wala nito ang hindi pinananahanan ng Anak ng Diyos. ( Ang Buhay na Walang Hanggan )
5:13 Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong nananalig sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan.
5:14 Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya, sapagkat alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin na naaayon sa kanyang kalooban.
5:15 Yamang alam nating dinirinig nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang hinihiling natin sa kanya.
5:16 Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayang espirituwal,{ a} ipanalangin niya ang kapatid na iyon, at ito'y bibigyan ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi hahantong sa kamatayang espirituwal. May kasalanang hahantong sa kamatayang espirituwal, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito.
5:17 Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayang espirituwal.
5:18 Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring anhin ng diyablo.
5:19 Alam nating tayo'y anak ng Diyos, at ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo.
5:20 At nalalaman nating naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan.
5:21 Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyusan.
|