|
21. Eclesiastes
1:1 ( Walang Halaga ang Lahat ) Ito ang mga pangungusap ng Mangangaral, ang anak ni David
na hari ng Israel.
1:2 Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay.
1:3 Magpakahirap ka man, gumawa man nang gumawa ay wala ring mapapala.
1:4 Patuloy ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig.
1:5 Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa
pinanggalingan.
1:6 Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga; habang araw na paikut-ikot.
1:7 Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit di ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa
batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan.
1:8 Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makakayang ipaliwanag. Walang sawa ang
paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig.
1:9 Ang naganap noon ay nangyayari ngayon. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. Walang
bagong pangyayari sa ibabaw ng daigdig.
1:10 "Ang sabi ng iba, 'Halikayo! Ito'y bago.' Ngunit naganap na yaon noong di pa tayo
tao."
1:11 Di na maalaala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa
hinaharap. ( Ang Karanasan ng Mangangaral )
1:12 Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel.
1:13 Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa silong ng langit. At nakita
kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap.
1:14 Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa ibabaw ng lupa ay walang kabuluhan at nauuwi
sa wala.
1:15 Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala.
1:16 "Sinabi ko sa aking sarili, 'Ang katalinuhan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng
Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na katalinuhan at karunungan.'"
1:17 Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng
katalinuhan at ng kaululan. Ngunit napatunayan kong ito ma'y walang kahihinatnan.
1:18 Hanggang lumalawak ang kaalaman ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang
nalalaman ay lalong tumitindi ang sakit.
2:1 Ipinasiya ko sa aking sarili na ako'y magpapakaligaya, at nasumpungan ko naman ang
tunay na kaligayahan. Ngunit ito ma'y walang kabuluhan.
2:2 Ang halakhak ay ipinalagay kong kaululan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan.
2:3 Sa pagnanasa kong maabot ang kaalaman, pinag-aralan kong magpakasaya sa pamamagitan ng
alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong
ilalagi niya sa ibabaw ng lupa.
2:4 Nakagawa ako ng mga dakilang bagay. Nakapagtayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong
ubasan ang paligid nito.
2:5 Gumawa ako ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na
mapapakinabangan ang bunga.
2:6 Humukay ako ng balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito.
2:7 Bumili ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking
tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng kapal, walang kasindami sa kawan ng mga haring nauna sa
akin.
2:8 Nakatipon ako ng makapal na pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami
akong mang-aawit, babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang
hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae.
2:9 Higit akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking
katalinuhan.
2:10 Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan.
Ipinagmamalaki ko ang aking mga ginagawa at yaon ang pinakagantimpala ng aking mga
pagpapagal.
2:11 Inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang hirap na aking pinuhunan. Nakita kong ang
lahat ay pawang walang kabuluhan, nauuwi lamang sa wala.
2:12 Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya.
Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kaululan at kamangmangan.
2:13 Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng
liwanag kaysa kadiliman.
2:14 Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit di alam ng mangmang ang kanyang
hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat.
2:15 "Sinabi ko sa aking sarili, 'Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano
nga ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?' At naisip kong wala kaunti man."
2:16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat
ay mamamatay, maging marunong, maging mangmang.
2:17 Kaya inisip kong wala ring halaga ang buhay pagkat pawang kahirapan lamang ang dulot
sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
2:18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng ginawa ko sa ibabaw ng lupa pagkat ito'y
maiiwan lamang sa susunod sa akin.
2:19 At sino ang nakatitiyak kung siya'y matalino o mangmang? Gayunman, siya ang magmamana
sa mga maiiwan kong pinagbuhusan ng lakas at isipan. Ito ma'y walang kabuluhan.
2:20 Kaya nga, pinagsisisihan ko ang ginawa kong pagpapakahirap sa daigdig.
2:21 Lahat ng ginawa ng tao'y pinamuhunanan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan
ngunit pagdating ng araw ay maiiwan lamang sa susunod sa kanya. Ito ma'y walang kabuluhan.
2:22 Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban.
2:23 Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang
hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.
2:24 Ang mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pagpasasaan ang kanyang pinagpaguran. Alam
kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos.
2:25 Kung wala ang Diyos, walang kasiyahan ang sinuman.
2:26 Ang karunungan at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan
niya. Ang makasalana'y pinagagawa niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang sa gusto niyang
pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi sa wala.
3:1 ( May Kanya-kanyang Panahon ) Ang lahat na pangyayari sa daigdig ay nagaganap sa
panahong itinakda ng Diyos.
3:2 Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; Ang panahon ng pagtatanim at
panahon ng pagbunot ng tanim.
3:3 Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling; Ang panahon ng paggiba at panahon
ng pagtatayo.
3:4 Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa; Ang panahon ng pagluluksa at panahon ng
pagdiriwang.
3:5 Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito; Ang panahon
ng pagyayakap at panahon ng paglalayo.
3:6 Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon; Ang panahon ng pag-iingat sa
isang bagay at panahon ng pagtatapon.
3:7 Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi; Ang panahon ng pagtahimik at panahon ng
pagsasalita.
3:8 Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot; Ang panahon ng digmaan at panahon
ng kapayapaan.
3:9 Ano ang mapapala ng tao sa kanyang ginagawa?
3:10 Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao.
3:11 Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng
pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa
pasimula hanggang sa wakas.
3:12 Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gumawa ng mabuti habang
siya'y nabubuhay.
3:13 Alam ko ring kalooban ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at magtamasa sa bunga ng
kanyang pagpapagal. Yao'y kaloob ng Diyos.
3:14 Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag,
walang dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya.
3:15 Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa.
Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. ( Kawalan ng Katarungan )
3:16 Nakita ko rin sa ibabaw ng lupa na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran
ng kasamaan.
3:17 Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda
siyang panahon para sa lahat ng bagay.
3:18 Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay
tulad lamang ng mga hayop.
3:19 Ang hangganan ng tao at ng hayop ay iisa, kamatayan. Iisa ang kanilang hininga. Ang
tao'y wala nang kaibahan sa hayop, pare-parehong walang kabuluhan.
3:20 Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi.
3:21 Sino ang nakatitiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng
hayop ay mahuhulog sa kalaliman?
3:22 Kaya naisip ko na walang pinakamabuti sa tao kundi magpasasa sa kanyang pinagpagalan.
Wala na siyang ibang magagawa. At sino ang makapagsasabi sa kanya kung ano ang mangyayari
pagkamatay niya?
4:1 Nakita ko ang kawalan ng katarungan sa daigdig. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit
walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisikil sa kanila.
4:2 Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa mga buhay.
4:3 Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang pagkat hindi na nila nakita ang
kasamaan sa ibabaw ng lupa.
4:4 Nakita ko ring ang tao'y nagpupunyagi upang mahigtan ang kapwa. Wala rin itong
kabuluhan at nauuwi sa wala.
4:5 Sinasabi nilang mangmang lamang ang maghahalukipkip ng kamay at magpapakamatay ng
gutom.
4:6 Maaaring tama. Ngunit mas mabuting may kaunti kang inimpok na panatag ang iyong
kalooban, kaysa patuloy kang magpakahirap ngunit wala namang mapakinabang.
4:7 May mga bagay pa sa ibabaw ng lupa na nakita kong walang kabuluhan:
4:8 isang taong nag-iisa sa buhay, walang kaibigan ni kamag-anak ngunit walang tigil sa
paggawa. Wala siyang kasiyahan. Ni hindi niya itinatanong sa sarili kung kanino mauuwi ang
kanyang pinagpapagalan. Ito man ay walang kabuluhan at malaking pahirap ng tao sa kanyang
sarili.
4:9 Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila.
4:10 Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa pagkat
walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal.
4:11 Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan.
Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya?
4:12 Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid
na may tatlong pilipit ay di agad malalagot.
4:13 Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak sa isang haring mangmang
na ayaw pang tumanggap ng payo.
4:14 Ang batang yaon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan kahit siya'y ipinanganak na
mahirap.
4:15 Nakita ko ang lahat ng nabubuhay sa daigdig at natiyak kong sa kanila'y may isang
kabataang hahalili sa hari.
4:16 Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit isa man ay walang
pupuri sa kanya pagkamatay niya.
4:17 Ito man ay walang kabuluhan at nauuwi rin sa wala.
5:1 ( Huwag Pabigla-bigla sa Pangako ) Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang
pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang pagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang
mabuti't masama.
5:2 Huwag kang pabigla-bigla sa pagsasalita sa harap ng Diyos. Isipin mo munang mabuti ang
ipapangako mo sa kanya pagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa
pagsasalita.
5:3 Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi
lalong nanganganib na makapagsabi ka ng hindi tama.
5:4 Kung mangangako ka sa Diyos, tuparin mo agad. Ayaw niya ng mayabang, kaya tuparin mo
ang iyong pangako sa kanya.
5:5 Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako nang di tutuparin.
5:6 Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong salita, alalaon baga'y mangangako ka
at babawiin mo pagkatapos. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka
niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa.
5:7 Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan mong
salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos. ( Ang Buhay ay Walang Kabuluhan )
5:8 Huwag kang magtataka kung makita mong ang maliliit ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan.
Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may
nakasasakop ding mas mataas na pinuno.
5:9 Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan.
5:10 Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang haling sa kayamanan ay hindi
masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito ma'y walang kabuluhan.
5:11 Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang nangangailangan at ang tanging kasiyahan
ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman.
5:12 Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain.
Ngunit ang mayaman ay di dalawin ng antok kahit labis siya sa pangangailangan.
5:13 Ito ang isang napakahirap na nakita ko sa daigdig: ang tao'y nag-iimpok para sa
kinabukasan.
5:14 Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang
sambahayan.
5:15 Kung paanong tayo'y walang dala nang sumipot dito sa daigdig, wala rin tayong madadala
pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinaghirapan.
5:16 Narito pa ang isang mahirap isipin: Kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din
ang ating ayos sa ating pag-alis. Nagpapakahirap tayo ngunit wala ring napapala.
5:17 Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng balisa, hapis,
karamdaman at kabiguan.
5:18 Kaya nga, wala akong nakikitang pinakamabuting gawin ng tao sa daigdig kundi kumain,
uminom at magpasasa sa lahat ng pinagpagalan niya sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng
Diyos; doon siya nakatalaga.
5:19 Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: damahin ang
kasiyahan sa lahat niyang ginagawa pagkat doon siya nakatalaga.
5:20 Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit maikli ang buhay niya sa daigdig pagkat puno
naman ng kasiyahan.
6:1 Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa daigdig:
6:2 Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan at karangalan. Labis-labis siya sa
lahat ng kailangan. Sa kasawiang palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang
kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang
kabuluhan at nagdudulot lamang ng sakit ng loob.
6:3 Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng
100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi pinarangalan nang siya ay ilibing.
6:4 Wala ring buting matatamo ang sanggol kahit siya ipanganak pagkat papanaw rin siya at
malilimutan.
6:5 Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap
na kapayapaan.
6:6 Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit
di nakaranas ng kasiyahan. Bukod dito, iisa ang uuwian ng lahat.
6:7 Nagpapagal ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng
kasiyahan.
6:8 Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit
malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay?
6:9 Wala ring kabuluhan. Para lamang hanging nagdaan. Kaya mabuti pa ay masiyahan sa
anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan.
6:10 Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig
laban sa kapangyarihang higit sa kanya.
6:11 Habang humahaba ang pagtatalo ay lalong nauuwi sa wala ang usapan at sinuman ay hindi
nakahihigit sa isa.
6:12 Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at
pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makapagsasabi kung ano ang mangyayari
pagkamatay niya?
7:1 Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango; at ang araw ng
kamatayan ay higit na mabuti sa araw ng kapanganakan.
7:2 Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, Pagkat dapat
alalahanin ng buhay na siya man ay itinakda ring mamatay.
7:3 Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan, Pagkat maaaring malungkot ang mukha
ngunit masaya ang kalooban.
7:4 Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan, Ngunit matalino ang isang taong
naghahanda sa kamatayan.
7:5 Mas maigi ang saway ng matalino kaysa papuri ng isang mangmang.
7:6 Ang halakhak ng mangmang ay tulad ng putok ng apoy, walang kabuluhan.
7:7 Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang. Ang suhol ay sumisira sa dangal ng
tao.
7:8 Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula. Ang tiyaga ay mabuti kaysa
kapalaluan.
7:9 Pag-aralan mong magpigil sa sarili; mangmang lamang ang nagtatanim ng galit.
7:10 Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon, Pagkat iya'y tanong
na walang katuturan.
7:11 Ang isang taong may taglay na talino ay para nang nakatanggap ng mana, at siya'y
nakahihigit sa iba.
7:12 Ang tulong na magagawa nito sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi. Ang tao'y
maililigtas ng kanyang karunungan, iyan ang kabutihan ng karunungan.
7:13 Dili-dilihin mo ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya?
7:14 Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin
mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang makaaalam kung ano
ang mangyayari bukas?
7:15 Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita
kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal.
7:16 Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang
iyong sarili?
7:17 Huwag ka namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa
panahon.
7:18 Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo,
magtatagumpay ka kung matatakot ka sa Diyos.
7:19 Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang
lunsod.
7:20 Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
7:21 Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay
mismong alila mo ang humamak sa iyo;
7:22 pagkat alam mo sa sarili mo kung gaano na karami ang iyong hinamak.
7:23 Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang kaalaman sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit
napatunayan kong hindi pala.
7:24 Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan.
7:25 Nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang
dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at kaululan ang
magpakamangmang.
7:26 Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi
ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng
tanikala. Ang taong matuwid ay lumalayo rito ngunit napahuhuli ang mga masama.
7:27 "Sinabi ng Mangangaral, 'Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking
natuklasan:"
7:28 Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa
lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa.
7:29 Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y
nag-iisip ng kung anu-anong bagay.
8:1 Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakasasaliksik sa lahat ng bagay? Ang kaalaman
ay nagpapasaya sa mukha ng tao, pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala. ( Sundin ang
Hari )
8:2 Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitiw ng pangako sa Diyos.
8:3 Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban
niya pagkat maaari niyang gawin ang magustuhan niya.
8:4 Ang utos ng hari ay di mababali at walang makatutol sa anumang gawin niya.
8:5 Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung
kailan, at paano dapat isagawa.
8:6 May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito ganap na
nalalaman.
8:7 Walang makapagsasabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap.
8:8 Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang
pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makatatakas.
8:9 Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa daigdig, sa daigdig
na itong ang iba'y may kapangyarihan, malulupit at ang maliliit ay api-apihan.
8:10 May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang
masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan.
8:11 Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa
ng masama.
8:12 Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa
taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos.
8:13 Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makabubuti sa kanya; maaga silang mamamatay pagkat
di sila natatakot sa Diyos.
8:14 Narito pa ang isang bagay na mahirap unawain sa ibabaw ng lupa: ang dapat mangyari sa
masama ay sa mabuti nangyayari at yaong dapat mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari.
Ito man ay walang kabuluhan.
8:15 Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpasasa sa buhay. Walang pinakamabuti kundi
kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at gumagawa sa
ibabaw ng lupa.
8:16 Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-
iisip ang tao araw-gabi,
8:17 hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit paano ang gawin niyang pag-iisip,
hindi niya mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit
ang totoo'y wala siyang nalalaman.
9:1 Ang lahat ng ito'y mataman kong pinag-aralan at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid
at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, maging pag-ibig o pagkapoot. Walang
makatitiyak kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas.
9:2 Iisa ang kasasapitan ng lahat: ang nangyayari sa matuwid ay nangyayari rin sa di
matuwid, ganoon din sa mabuti at masama, sa malinis at sa marumi ayon sa Kautusan, sa
naghahandog at sa hindi naghahandog. Ang nangyayari nga sa mabuti ay siya ring nangyayari sa
masama. Walang pagkakaiba ang nangyayari sa marunong tumupad sa pangako at sa sumisira sa
pangako.
9:3 Ito nga ang isang di magandang nangyayari sa ibabaw ng lupa; iisa ang kinasasapitan ng
lahat. Habang ang tao'y nabubuhay, panay na kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan
ay kamatayan.
9:4 Ngunit habang nabubuhay ang tao ay di siya dapat mawalan ng pag-asa. Ang asong buhay ay
mas mainam kaysa patay na leon.
9:5 Alam ng buhay na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. Wala na
silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan.
9:6 Nawawala pati kanilang pag-ibig, pagkapoot, pagkainggit; anupat wala silang namamalayan
sa anumang nangyayari sa daigdig.
9:7 Sulong, magpakasawa ka na lamang sa pagkain at pag-inom pagkat yao'y itinakda ng Diyos
para sa iyo.
9:8 Nawa'y lumigaya ka sa bawat oras.
9:9 Tamasahin mo ang kasiyahan sa piling ng babaing iyong minamahal habang ikaw ay
nabubuhay sa daigdig pagkat yaon lamang ang mapapakinabang mo sa magulong pamumuhay na ito.
9:10 Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong makakaya pagkat sa Sheol na
kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan, ni pagbubuhusan ng kaalaman o
karunungan.
9:11 Isa pang bagay na napansin ko sa daigdig: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa
takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging
nakasusumpong ng kanyang kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin
na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas.
9:12 Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang
nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong
sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon.
9:13 Narito pa ang isang halimbawa ng pambihirang kaalaman na aking napansin at para sa
aki'y kataka-taka.
9:14 Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari.
Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay.
9:15 Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na maaari
sanang makaisip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Ngunit isa ma'y walang
nakapansin sa taong yaon.
9:16 Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang kaalaman kaysa lakas. Ngunit ang kaalaman ng
hamak ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin.
9:17 Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng
mga mangmang.
9:18 Ang kaalaman ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay
nagbubunga ng malaking pinsala.
10:1 Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang
kamangmangan ay nakasisira sa kaalaman at karunungan.
10:2 Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay
hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan.
10:3 Maging sa paglalakad ng mangmang ay nakikilala ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng
lahat na siya ay hangal.
10:4 Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin. Pagkat
maging ang malaking pagkakamali ay mapatatawad kung ipagsasawalang-kibo.
10:5 Isa pang kamalian sa daigdig ang napapansin ko sa panig naman ng mga pinuno.
10:6 Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang dakila ay sa
mababang uri ng gawain.
10:7 Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo at mga pinunong naglalakad.
10:8 Ang nag-uumang ng patibong ay maaaring siyang mahulog doon: Ang sumusuot sa mga pader
ay malamang na matuklaw ng ahas.
10:9 Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay
nanganganib na madaganan niyon.
10:10 Ang palakol ay pumupurol kapag hindi inihahasa. Ang mahusay na plano ay nakatutulong
nang malaki sa pagtatagumpay.
10:11 Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng tawak kung hindi gagamitin sa pagsaway sa ahas.
10:12 Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang masama
dahil sa kanyang mga salita.
10:13 Ang pangungusap ng mangmang ay masama sa simula pa hanggang sa katapusan.
10:14 Ang mangmang ay walang tigil ng pagyayabang. Ngunit sino'ng makapagsasabi ng susunod
na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na?
10:15 Ang gawain ng mangmang ay nagpapahirap sa kanya kaya halos di niya alam ang uuwian.
10:16 Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan.
10:17 Mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakaaalam kung kailan
dapat magdiwang.
10:18 Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang
buong bahay.
10:19 Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y
mabibiling lahat ng salapi.
10:20 Ni sa isip ay huwag susumpain ang iyong puno ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang
mayayaman pagkat may pakpak ang balita, may tainga ang lupa.
11:1 Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabang ka pagdating ng
araw.
11:2 Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo matitiyak kung ano ang kasamaang
mangyayari sa mundo.
11:3 Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin nagiging ulan itong bumubuhos sa
daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon mabubuwal.
11:4 Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi.
At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani.
11:5 Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng
isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano
ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.
11:6 Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi
pagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat
ay iyong pakikinabangan.
11:7 Masarap ang nasa liwanag at kaiga-igayang pagmasdan ang araw.
11:8 Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Alalahanin niyang
darating ang mas mahabang panahon ng kadiliman. Lahat ng mangyayari ay pawang walang
kabuluhan.
11:9 Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang ibig mo at lahat ng
nakaaakit sa paningin mo. Ngunit alamin mong lahat ng ito'y ipagsusulit mo sa Diyos.
11:10 Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang
lumilipas.
12:1 Alalahanin mo ang lumikha sa iyo sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga
araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay.
12:2 Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga
bituin, bago ka lambungan ng makapal at madilim na ulap.
12:3 Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig,
bago mawala ang lakas ng iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga
ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata.
12:4 Alalahanin mo nga siya bago ka mawalan ng pandinig, na halos di mo marinig ang ingay
ng gilingan, ang huni ng mga ibon at ang himig ng awitin.
12:5 Alalahanin mo siya bago dumating ang panahon na katakutan mong umakyat sa itaas, bago
dumating ang panahon na hindi ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at
lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal. Darating ang araw na tayo'y lilipat sa
palagian nating tahanan at makikitang naglisaw sa lansangan ang mga nananangis.
12:6 Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto;
babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y
babagsak at masisira.
12:7 Alalahanin mo siya bago manumbalik sa lupa ang ating katawang lupa at ang ating
espiritu ay magbalik sa Diyos na may bigay nito.
12:8 "Sinabi ng Mangangaral, 'Walang kabuluhan! Walang kabuluhan ang lahat ng bagay.' "
12:9 Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang
mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo.
12:10 Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan.
12:11 Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad
ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat.
12:12 Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala nito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't
ibang aklat at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan.
12:13 Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at
sundin mo ang kanyang mga utos pagkat ito ang buong katungkulan ng tao.
12:14 Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay isusulit natin sa Diyos.
|